Biyernes, Agosto 19, 2022

Gawa 8:4-25 - "The Gospel to Samaria"

The Gospel to Samaria (Part 11)

Scripture: Gawa 8:4-25
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS


Gawa 8:4-25
4 Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba't ibang lugar, ngunit saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita. 5 Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Kristo. 6 Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. 7 Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling 8 kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. 9 Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y may taglay na kapangyarihan, 10 at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila. 11 Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. 12 Ngunit nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Kristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki't babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala. 14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo. 18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap din ng Espiritu Santo,” sabi niya. 20 Sinagot siya ni Pedro, “Mapapahamak ka, ikaw at ang iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat alam ng Diyos na marumi ang puso mo. 22 Pagsisihan mo ang iyong kasamaan at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka Niya sa masama mong hangarin, 23 dahil nakikita kong inggit na inggit ka at bilanggo ng kasalanan.”

24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!” 25 Bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon sa lunsod ng Samaria. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Kristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.

Pangunahing ideya ng pag-aaral:

            
Inilarawan ni Lucas ang ilan sa mga kahanga-hangang pangyayari na nangyari noong ang ebanghelyo ay sumulong sa Samaria sa pamamagitan ng tapat na saksi na si Felipe at ng mga apostol na sina Pedro at Juan.

Outline ng ating pag-aaral:

I. The Samaritans: Transformed by the Gospel (8:4-8)
II. Simon and Philip: Magic versus the Gospel (8:9-13)
III. The Apostles: Sent for the Gospel (8:14-17)
IV. Simon and Peter: A Confrontation Related to the Gospel (8:18-24)
V. The Apostles: More Preaching of the Gospel (8:25)
VI. Gospel Applications

            
Kasunod ng pagkamatay ni Esteban, dumating ang matinding pag-uusig laban sa unang iglesya, at ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay sa labas ng Jerusalem (tal. 1). Pero sa biyaya ng Diyos ang banta ng kamatayan ay hindi nakahadlang sa paglago ng iglesya. Sunod na inilarawan ni Lucas kung paano ang ebanghelyo ay nagsimulang sumulong sa Samaria. Sa kabila ng brutal na pagpatay kay Esteban, nakita natin na pinagpatuloy ng Diyos ang Kanyang misyon sa pagtubos sa mga tao para sa Kanyang sarili – ang mga tao sa bawat tribo at wika. Sa katunayan, ginagamit ng Diyos ang pag-uusig upang isugo ang Kanyang mga tao sa bawat lugar sa Samaria. At minsan na nating nakita na saumpisa palang sinabi na ni Jesus sa mga disipulo Niya na mangyayari ang bagay na ito. Makikita natin sa Juan 4:4, 20-21, “4 ngunit kailangang sa Samaria Siya dumaan. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” 21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa Akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem.” Tingnan natin kung ano ang nangyari habang ang ebanghelyo ay lumaganap sa makapangyarihang kaluwalhatian ng ating Hari na hindi mapipigilan.

I. The Samaritans: Transformed by the Gospel (8:4-8)

            
Sa talata 4 makita natin ang magandang mukha ng pag-uusig dahil ito ang naging dahilan para ang Mabuting Balita ay maipangaral sa mga lugar kung saan nagpuntahan ang mga mananampalatayang tumakas sa tumitinding pag-uusig. Sa Lumang Tipan kasi, ang paghiwa-hiwalay ay tanda ng pag-uusig. Gaya ng mababasa natin sa Genesis 11:9, “Babel ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.” At sa Deuteronomio 28:64, “Sa gagawin sa inyo ni Yahweh ay magkakawatak-watak kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at kayo'y sasamba sa mga diyos na yari sa kahoy at bato, sa mga diyus-diyosang kailanma'y hindi ninyo nakilala ni ng inyong mga ninuno.” Ngunit sa pagkakataong ito ang pagkakawatak-watak ng iglesya ay talagang tanda ng paghatol sa mga kaaway ng ebanghelyo. Dahil ang mensahe na pinipigilan ng mga mang-uusig ay parang apoy na mabilis kumalat sa mahanging panahon. Gaano kaganda ang pagkakaloob at soberanya ng Diyos? Ang mga kaaway ng iglesya ay nagtangkang patayin ang mensahe at ang mga mensahero ni Jesus, pero ginamit ng Diyos ang masama nilang ginawa para sa kabutihan, para sa kaligtasan ng marami. Noon paman ganito na ang ginawa ng Diyos. Mababasa natin ito sa Genesis 50:20, “Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon.”

            
Bago umakyat si Jesus, Sinabi Niya sa Kanyang mga alagad sa Gawa 1:8 na, “Subalit kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi Ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Ang utos na ito ay natupad habang ang mga pinag-uusig na Kristiyano ay umalis mula sa Jerusalem at dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng mga nakakasalubong nila. At pansinin nyo iyon na ang gumawa nito ay ang mga ordinaryong mga Kristiyano sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi ang mga apostol ang unang nakapangaral sa Samaria; kundi ang mga nagkahiwa-hiwalay na mga mananampalataya sa iba’t ibang lugar ang gumawa (tal. 4). Tandaan, at uulit-ulitin ko na ang bawat mananampalataya ay misyonaryo.

            
Ang unang iglesya ay nagpatuloy sa pangangaral saan man sila dalhin ng Panginoon at anuman ang mangyari. Naisip nyo ba na ang lugar kung bakit kayo nandoon ngayon, na maaaring dahil sa naging trabaho mo, o sa napangasawa mo, ay dahil ito ay pinahintulutan ng Diyos na maranasan mo sa iyong buhay upang bigyan ka ng pagkakataon na maipangaral ang ebanghelyo sa mga tao sa iyong paligid? Ang Panginoon ang nag-aayos ng mga pagkakataon sa atin para maibahagi natin si Jesus sa salita at gawa ng pag-ibig sa mga bagong mga kaibigang nakikilala at mga kasamahan. Kaya kung ikaw ngayon ay nakikipagbuno sa pagkawala ng trabaho; kung ikaw ay may negosyo at ikaw ay nagkakalugi-lugi; nahihirapan na sa trabaho; o kinakailangan pang tumakas sa ibang lugar dahil sa tunay na pisikal na pag-uusig, oras na para pag-isipan kung papaano pinapahintulutan ng Diyos ang mga paghihirap na ito sa iyo ngayon. Minsan ay ginagawa nating makatuwirang dahilan ang trabaho, ang pag-aaral, ang hanap-buhay o ang pamilya para hindi natin magawa ang pag-eebanghelyo at pagdidisipulo. Pero tandaan natin, hindi iyan binigay ng Diyos sa atin para mahadlangan tayo sa pagkatawag Niya sa atin. Kung gusto nating maayos ang anumang kaguluhan o paghihirap na ating nararanasan sa kung saan man tayo ngayon ay baka kailangan nating panghawakan ang sinasabi ng talatang ito: “Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa Kanyang kalooban, at ibibigay Niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan” (Mateo 6:33).

            
Pero paano sa mga na-i-stress na sa work sa daming ginagawa tapos kapag nagtapat na gawin ang pag-eebanghelyo at pagdidisipulo sa mga kasama sa trabaho na may pangako din na sa mga gagawa nito ay makakaranas ng oposisyon, hindi kaya na mas madadagdag pa ito sa stress nila? Mahirap na work mo sa daming ginagawa tapos kapopootan ka pa ng mga kasama mo? Parang mas stress nga iyon. Pero tandaan natin ang nakaraan nating nakita na naranasan ng mga apostol na kung titignan natin sa pamantayan natin ay masasabi natin na grabe din ang stress nila dahil sa dami ng kanilang tungkulin at pinag miministeryohan, tapos sa kabila nito ay nakaranas pa sila ng pisikal na pananakit sa mga oposisyon nila. Ano ginawa sa kanila sa Gawa 5:40? – ipinahagupit. Pero ano ang naging dulot sa kanila nito? Gawa 5:41, “Nilisan ng mga apostol ang Sanedrin at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus.” Ito yung klase ng kagalakan na sigurado ako karamihan sa atin hindi pa nararanasan. Kasi yung kagalakan na hinahanap at hinahabol natin ay yung mga makukuha sa mga material, relasyon at ano pang pansariling kasiyahan. Pero wala tayong idea sa kung ano yung pakiramdam ng kagalakan ng dahil sa ginawang hindi maganda ng mga napopoot sa atin dahil sa pangangaral natin patungkol kay Jesus. Alam nyo yung pakiramdam na may nakita kang mga taong sarap na sarap sa isang pagkain na hindi pa natin natititkman kahit kailan. Wala tayong idea kung ano ang lasa. Tandaan natin na ang Diyos ay seryoso sa misyon. Ang Diyos ay may malaking misyon, at tayo ay bahagi nito. Tinubos Niya ang mundo sa pamamagitan ng Kanyang Anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumikilos sa pamamagitan ng mga ordinaryong tao tulad mo at ako. Ito ang dahilan kung bakit epektibong kumalat ang ebanghelyo noong unang siglo, at ito parin ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay patuloy na lumalaganap nang napakabisa sa ikadalawamput’isang siglo. Hindi sila dumami sa anumang gimik, programa, o anumang pansariling kaparaanan ng maraming iglesya ngayon sa pagpaparami ng laman sa simbahan.

            Sabi sa talata 4 na ang unang iglesya ay, “
saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita.” Ito ay isang napakaganda at mabisang plano para sa pagpaparami na ginawa ng Diyos. Ang pag-uusig o paglipat sa ibang lugar ay hindi makakahadlang sa paglaganap ng ebanghelyo. Sa katunayan, ang mga ito’y nagiging kasangkapan o tulong pa para mas mapalaganap ito. Ang Magandang Balita patungkol kay Jesus ay nasa puso at labi ng mga karaniwang tao. At ang mensaheng ito, “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16).

            
Si Lucas ay tumuon kay Felipe bilang isang halimbawa ng isang tao sa misyon. Ipinakilala sa atin ni Lucas ang bagong karakter na si Felipe sa Gawa 6:5 bilang isa sa pitong pinili ng mga tao na, “inagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino” (Gawa 6:3) upang manguna sa paglilingkod sa mga balo. Sa Gawa 21: 8, siya ay tinawag na, “ebanghelistang si Felipe,” at dapat lamang talaga iyon dahil sa makikita nga natin na ginawa niya sa mga talata natin ngayon.

            
Ang mga taong nakatira sa Samaria ay halo-halong mga tao na may bahagyang Hudyo at bahagyang Gentil na pinagmulan. Kaya naman karamihan sa mga Hudyo ay itinuturing silang mga marumi at nasa labas ng komunidad na nasa tipan ng Israel. At ang masaklap pa nito, marami din sa mga Gentil ang may paghamak na tingin sa kanila. Ganun paman pinanatiling makabuluhan ng mga Samaritano ang aspeto ng relihiyon ng Israel. Nagbabasa sila ng sariling bersyon ng Pentateuch, may sariling templo, at nagkaroon ng magkaibang pananaw sa eksaktong papel at pagkakakilanlan ng Mesiyas. Makikita natin sa mga katotohanang ito na meron talagang matindi at malalim na poot at pagtatanggi sa pagitan ng mga Hudyo at mga Samaritano sa panahon nila. Pero sa kabila nito makikita natin na si Jesus ay may mga kwento ng tagpo sa mga taga-Samaria. Isa na rito ang pakikipag-usap Niya sa isang samaritana sa isang balon, na inalok ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang sarili (Juan 4:7-26). Isa pa ang pagpapagaling Niya sa isang Samaritanong may ketong habang nasa daan patungo sa Jerusalem (Lucas 17:11-19), at ang kwentong talinhaga na ginawa ni Jesus na kung saan ang bida ay ang isang Samaritano (Lucas 10:25-37). Ang mga kahanga-hangang mga pangyayaring ito ay nagpapaalala sa atin na ang misyong pagliligtas kay Kristo ng Diyos ay hindi limitado sa mga Hudyo kundi para buong mundo. Tunay na napakadakila ang ating Diyos.

            
At ito ang nakita natin na sinundan at ginaya ni Filipe sa kanyang Panginoong Jesus sa pagpapalawak ng ebanghelyo ni Kristo sa kanyang mga bagong kapitbahay na mga Samaritano (tal. 5). Talagang binago ni Jesus ang buhay ni Filipe na siyang dating kabilang sa mga Hudyong namumuhi sa mga Samaritano at ngayon ay nawala na ang pagkamuhing ito. Ito’y isang magandang paalala din sa atin na alisin na natin ang pagkakategorya sa mga grupo ng mga tao bilang para sa atin ay walang pag-asang tumugon ayon sa ebanghelyo ayon sa nararapat. Halimbawa may ilan na kapag nakita na isang miyembro ng LGBT ang isang tao ay hindi na tinatangkang ibahagi ang ebanghelyo sa kanila, o kaya naman sa mga muslim, o kaya sa mga dating nakakulong, at iba pang katulad nito. Ito yung minsan na marami na tayo agad na sasabi sa isang tao na hindi talaga siya tatanggap sa Panginoon kahit na hindi pa natin nasusubukan. Ang mga ito ang katulad ng mga Hudyong tinignan ang mga Samaritano na may panghuhusga. Kaya sa anumang sitwasyon kung saan mapapansin mo na ang isang grupo na inaapi o itinuturing na itinatakwil, humanap ka ng mga paraan upang maabot mo sa kanila ang Mabuting Balita ni Kristo. Napakagandang patotoo ang maibibigay nito sa inyong kultura.

            
Makikita natin na ang Panginoon ay makapangyarihang kasama ni Filipe sa talata 6 habang nagkaisang makinig ang maraming tao sa sinasabi niya. Ang mga Samaritano ay malamang na handang marinig ang ebanghelyo, dahil mayroon silang sariling pananabik at ideya tungkol sa isang darating na Mesiyas. Ito ay maaaring ang kanilang puso ay handa nang tanggapin ito dahil kapwa si Juan na Tagapagbautismo at si Jesus ay dati nang nakitang nakapaglingkod doon (Juan 3:23; 4:4-42).

            
Bukod dito naging masigasig sila sa pakikinig sa kanya dahil sa mga pagpapalayas niya sa mga sinasaniban ng mga masasamang espiritu at mga pagpapagaling na ginagawa niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Tulad ng mga apostol at ni Esteban, si Filipe ay nakatanggap din ng kapangyarihang makapagpalayas ng mga demonyo at makagawa ng mga himalang pagpapagaling upang kumpirmahin ang mensahe ng ebanghelyo na ito’y totoo. At ang resulta ay parehong nakaranas ng kagalingan sa espirituwal at pisikal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu habang ipinapangaral si Jesus (tal. 7). At sa talata 8 nga makikita na si Kristo na inilapit sa mga tao ay nagdulot ng malaking kagalakan. Napagtanto ng mga Samaritano na dinalaw sila ng Diyos, at napuspos sila ng kagalakan.

            
Maaaring may ilan sa atin ang magtataka at magtatanong patungkol sa mga talatang tulad nito. Maaari nating matanong, ano itong pagpapalayas ng demonyo at pagpapagaling? Ibig bang sabihin ng nangyari dito ay dapat na asahan din natin sa pagbabahagi ng ebanghelyo ngayon ay dapat sinasamahan ng pagpapalayas sa mga demonyo at ng pagpapagaling sa mga lumpo at pilya? O ang mga binasa ba nating ito ay nagmumungkahi sa atin ngayon na meron din tayong kapangyarihang lahat na makapagpalayas ng demonyo at makapagpagaling ng may sakit dahil sa hindi pangkaraniwang kaloob na ito?

            Tandaan natin ang una nating pinag-aralan sa simula bago natin simulan ang pag-aaral sa aklat ng Gawa na dapat nating basahin ang Gawa ayon sa dyanra (genre) nito -
ibig sabihin yung nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakatulad sa anyo, istilo, o paksa. Ito ay aklat ng kasaysayan, nangangahulugan na habang makikita natin dito na nilalarawan ni Lucas ang mga kaganapan ng unang iglesya, hindi niya palaging minumungkahi ang mga gawi nila sa atin. Hindi natin dapat ipalagay na minumungkahing gawin din natin sa ating buhay na dapat sa bawat lokal na iglesya ay kailangang magsimula ng ministeryo sa pagpapalayas ng demonyo at pagpapagaling. Totoong dapat nating basahin at ilapat ang karamihan sa Gawa, ngunit dapat din tayong maging maingat na hindi gawin ang lahat ng mababasa natin dito. Kailangan nating tignan sa ibang bahagi ng Bibliya sa paggawa ng interpretasyon at aplikasyon para sa modernong mundo. Halimbawa, dito sa Gawa ay marami tayong makikita na si Pablo ay nakagawa ng maraming himala ng pagpapagaling (Gawa 13:11; 14:10; 16:18; 19:11-12; 20:10-12; 28:5, 8). Pero bakit pagdating sa, 2 Timoteo 4:20, ay makikita natin ito: “si Trofimo ay iniwan kong maysakit sa Mileto.” Hindi napagaling ni Pablo? At sa pagbalik sa kasaysayan ng mga unang iglesya ay hindi na naging totoo sa lahat ng mananampalataya ang ministeryo ng pagpapagaling? Ito ay mag-iiwan sa atin ng mga tanong para hanapin ang tamang interpretasyon sa mga mababasa nating ministeryo ng pagpapagaling at pagpapalayas ng demonyo kung ito ba ay dapat ilapat sa ating buhay ministeryo sa iglesya.

            
May kakaiba sa paraan ng paggawa ng Diyos ng mga tanda at himala sa pamamagitan ng mga apostol, Esteban, Felipe, at ang iba pang binanggit sa aklat ng Gawa. May kakaibang katangian ang ministeryo ng unang simbahan. Gayunpaman, ang Diyos ay maaari at nagpapagaling sa mga tao ngayon (Santiago 5:14-16). Kaya, kung naisin ni Jesus na gawin ang gusto Niyang gawin, ang mga tanda at himala na tulad na nabasa natin sa Gawa ay maaaring makita parin natin sa panahon natin ngayon. Ngunit paano natin malalaman na iyon ay tunay na mula sa Diyos? Kasi may mababasa tayo sa 2 Corinto 11:14 na, “At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag,” na tulad ng mga apostol na nakakagawa ng mga himala at nagtuturo ng salita ng Diyos pero hindi pala tunay na nasa Diyos. Simple lang. Kung ang himalang nasaksihan o narinig mo ay nasundan ng pagpapahayag ng biblikal na mensahe ng Magandang Balita na nagdala sa mga tao ng tunay na kaligtasan.

II. Simon and Philip: Magic versus the Gospel (8:9-13)

            
Dito ibinaling naman ni Lucas ang ating atensyon mula sa ministeryo ng ebanghelyo ni Felipe kay Simon na salamangkero.

            
Bago dumating itong si Felipe, ang Simong ito ay “pinapahanga ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka” (tal. 9). Kaya naman siya ay iginagalang ng lahat ng mga Samaritano. Ang kanilang paniniwala sa kanya ay nabuod sa tal. 10, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos.” Pero ang totoo ay siya ay manlilinlang at isang sinungaling; gayunpaman, ang kanyang mahika ang lumilinlang sa mga Samaritano na dahilan kung bakit siya’y patuloy na pinagkakatiwalaan (tal. 11).

            
Si Simon ay isang huwad na propeta. Dahil ang mga tunay na propeta ay tinuturo ang papuri sa Diyos, ngunit ang mga bulaang propeta ay gustong sa kanila ang papuri para sa sariling kapakanan. At para mapanatili ang mga papuring tinanggap, ilalagay nila ang pag-asa ng mga tao sa maling lugar. Kabaligtaran sa totoong propeta, dahil ang itinataas nila ng may katapatan ay ang krus, “upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao” (1 Corinto 2:5). Habang si Simon na huwad na propeta ay marangya at “pinahanga” ang mga tao (tal. 11). Ngunit ang mga tunay na propeta ay dumarating na mapagpakumbaba at sa Diyos umaasa. Sabi nga ni Pablo, 1 Corinto 2:3, “Noong ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot.” At sila rin ay tapat sa kanilang mga salita. 1 Pedro 4:11, “Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay Siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa Kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.” Kahit na ang mga huwad na propeta tulad ni Simon ay malantad, ang mga tunay na propeta ay gagantimpalaan. 2 Timoteo 4:8, “Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.”

            
Sa isang kulturang nagbibigay kasiyahan kay Simon na isang kultong pagsunod, si Felipe ay nakapagpalaganap ng mensahe ni Jesus na Siya lamang ang dakila at kapuri-puri. Sa katunayan, ang paghahari ni Kristo ay lumalaganap sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihang pangalan ni Jesus. Kaya sa halip na patuloy na maibigay ng mga Samaritano ang kanilang atensyon kay Simon at sa mga mahika nito, sila ay mas naniwala sa mensaheng dala ni Felipe at binigay ang kanilang sarili kay Haring Jesus.

            
At nakagugulat nga sa talata 13 na, “pati si Simon ay sumampalataya rin.” Ngunit kahit na tila nakakamangha nga ito sa kaharian ng Diyos, tila lumabas agad ang tunay na kulay ni Simon. Dahil pagkatapos mabautismuhan si Simon, kapansin-pansing namangha siya sa mga tanda at himala na ginagawa ni Felipe sa talata 13. At batay nga sa saway ni Pedro sa talata 20 at 21 kay Simon, at ang kanyang pahayag tungkol sa masamang puso ni Simon at sa pangangailangan nyang magsisi at mapatawad sa talata 22 at 23, ligtas na sabihin na si Simon ay hindi isang tunay na mananampalataya.

            
Gayunpaman, ang ebanghelyo ay nagtagumpay. Dahil marami sa mga Samaritanong namangha sa mahika ni Simon ang lumuhod at nagsuko ng buhay kay Jesus. Ang kanilang tugon sa mensahe ng Magandang Balita ay nagpapaalala sa atin na ang ebanghelyo ay maaaring makaapekto sa sinuman. Ang Mabuting Balita ni Jesus ay makakapagpalaya kahit sa mga sangkot sa itim na mahika, mistisismo (mysticism), at pangkukulam.

            
Sa katunayan tayong dating mga binulag ni Satanas (2 Corinto 4:4), ay niligtas ni Jesus. Sa pamamagitan ng walang pag-iimbot na pangangaral ni Felipe patungkol kay Kristo, nalugod ang Diyos na nagbigay ng liwanag sa mga bulag. Nawa’y hangarin nating maging mensahero ng kaliwanagan, na makasama ni Pablo sa pagsabi na, “5 Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Kristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat ang Diyos na nagsabing, ‘Mula sa kadiliman ay sisilang ang liwanag,’ ay Siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Kristo.” (2 Corinto 4:5-6).

III. The Apostles: Sent for the Gospel (8:14-17)

            
Ang magandang balita patungkol sa kapangyarihan ng ebanghelyo sa Samaria ay nakarating sa mga apostol sa Jerusalem. Ito ngayon ang isang pambihirang sandali kung saan makikita na ang mga Samaritanong tinuring nilang tagalabas ay malinaw ngayon na isinama sa iglesya ng Diyos. Ang mga apostol ay nasa Jerusalem parin at isinugo nila si Pedro at Juan para makiisa sa gawain doon. Ano ang sumunod na nangyari? “15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus” (mtal. 15-17).

            
Maraming tao ang nahirapang maunawaan ang mga talatang ito. May ibang mga relihiyon na ginamit ang tekstong ito sa kanilang aral na hindi lahat ng mga mananampalataya ay makakatanggap ng Banal na Espiritu sa kaligtasan at dapat, samakatuwid, na makita ito na nasayo talaga ang Espiritu sa pamamagitan ng “speaking in tongues” – pag hindi mo nagagawa iyan tiyak na wala pa sayo ang Banal na Espiritu ayon sa kanila. Ang mga nagtuturo nito ay karaniwang nagsasabi na ang isang tao ay maaaring tunay na ligtas at binago ngunit wala siyang Banal na Espiritu. Bahagyang binago ng ilan ang pananaw na ito, na nagtuturo na ang mga Samaritanong nabanggit dito sa talata ay tunay na ligtas, binago, at nagtataglay ng bahagi ng Espiritu ngunit wala pang espirituwal na mga kaloob. Ang iba naman nagsasabi na ang mga unang sumampalataya na mga Samaritano ay may depekto; kaya, ang Espiritu ay hindi dumating hangga’t hindi sila nagkaroon ng tunay na pananampalataya. Karamihan sa mga nagtuturo ng pananaw na ito ay naniniwalang binibigyang-diin ng tekstong ito ang mga panganib ng hindi tapat na pananampalataya. Ngunit ang mga interpretasyong ito at paniniwalang ito ay mali. Dapat nating tandaan ang kwentong ito ay nasa natatanging lugar sa kasaysayan ng pagtubos.

            
Ang kumpirmasyon ng mga apostol ay kinakailangan upang mapatunayan ang pagsasama ng mga Samaritano sa iglesya. Dahil nga na nakita natin na merong matagal na hindi pagkaaunawan sa pagitan ng mga Samaritano at mga Hudyo, kailangan na ang mga Samaritano ay makatanggap ng Banal na Espiritu sa presensya ng mga lider ng Jerusalem para mapanatili ang pagkakaisa ng iglesya dahil napakita nito na ang natanggap nila ay ang parehong Espiritu Santo na ibinigay sa mga Kristiyano sa Jerusalem. Ito’y nagpaalala din sa mga Samaritano na kailangan nilang magpasakop sa awtoridad ng mga apostol. Ganito din ang sagot sa kaparehong nangyari sa Gawa 19:5. Kailangan nating maunawaan na ang nakita nating pag-antala ng pagdating ng Banal na Espiritu sa mga sumampalatayang hindi Hudyo sa Gawa 8 at 19 ay nasa transisyonal na panahon patungkol sa pagdating ng Banal na Espiritu at hindi ito ang normal. Ngunit alam natin na ang sinumang sumampalataya kay Jesus ay pananahanan ng Banal na Espiritu.

IV. Simon and Peter: A Confrontation Related to the 
Gospel (8:18-24)

            
Matapos ipatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa mga Samaritano, tinanggap nila ang Banal Espiritu. Nakita ni Simon ang pangyayaring ito, at buong tapang niyang inalok ang mga apostol ng pera (v. 19) upang ibigay sa kanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Itinala nga dito ni Lucas ang mabagsik na tugon ni Pedro sa mga talata 20-23 maging ang tugon ni Simon sa talata 24.

            
Marahil inisip ni Simon na kapag nagkaroon din siya ng ganong kapangyarihan ay maaari siyang kumita ng maraming pera. Ito’y nagpapakita na malinaw na siya ay walang nalalaman sa kalikasan ng Espiritu sa talatang ito, marahil ay iniisip niya na ang Espirit ay isang di-persona na pwersa na magagawang manipulahin sa halip na bilang isang banal na persona kung saan siya magpapasakop at mabubuhay.

            
Pinagsabihan siya ni Pedro at sinabi sa talata 20 na, “mapapahamak ka (sa impyerno), ikaw at ang iyong salapi.” Nakita niya na itong si Simon ay ganap na hindi nauunawaan ang Diyos at ang Kanyang biyaya. Napakaseryoso itong maling pagkaunawa ni Simon na ito, sa katunayan idinagdag pa ni Pedro na sa talata 21 na, “wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat alam ng Diyos na marumi ang puso mo.” Ang gustong sabihin dito ni Pedro sa kanya na siya ay hindi tunay na ligtas kaya siya’y sinabi na magsisi.

            
Alam ni Pedro na si Simon ay nasa matinding panganib dahil ang kanyang puso ay napakasama sa harap ng Diyos. Sa halip na magkaroon ng mapagpakumbabang pananampalataya na tumanggap ng kabutihan ng Diyos na kaloob, inisip niya na kaya niyang manipulahin, kontrolin, at bayaran ang Diyos. Nakita ni Pedro na siya’y balot ng inggit at bilanggo ng kasalanan (tal. 23). Tumugon naman si Simon na parang may sinseridad na sa talata 24 na siya’y ipanalangin.

           
Ang pangyayaring ito ay nagtuturo sa atin ng dalawang importanteng mga aral:

1. Ang Banal na Espiritu ay hindi nabibili.

            
Ang Diyos lang ang nagbibigay ng Banal na Espiritu. Hindi natin mabibili ang kaligtasan o ang mga kaloob ng Diyos. Hindi natin Siya magagamit para sa personal na interes; Siya ang ating makapangyarihang Panginoon. Ibig sabihin, ang ating pera, katayuan sa lipunan, at ang mga talento natin ay hindi makapagliligtas sa atin o maging dahilan upang tayo ay italaga ng Diyos sa mga posisyon sa Kanyang kaharian. Ang kaligtasan ay isang kaloob mula sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo (Gawa 15;11), at ang ating espirituwal na mga kaloob, ay dapat gamitin sa paglilingkod sa iglesya, at ito’y mga kaloob na mula sa Diyos na ipinamahagi ayon sa Kanyang perpektong kaloob.

2.
Talagang dapat tayong mamangha sa kamangha-manghang biyaya ng Diyos.

            
Hindi napagtanto ni Simon na ang ebanghelyo ang magpapalaya sa isang tao mula sa pagkahumaling sa sarili at mga materyal na bagay. Ang problema sa pagkamangha ni Simon sa biyaya ng Diyos ay dahil interesado siya sa kanyang sariling kaluwalhatian at kapangyarihan.

            
Sa katunayan ay ang pagsaway ni Pedro sa kanya ay isa nang magandang regalo. Siya ay inalok ng pagkakataong magsisi at mapatawad. Ito rin ay biyaya.

            
Ang kaso ni Simon ay iba sa sitwasyon nina Ananias at safira sa Gawa 5:1-11, kung saan ay hinatulan agad ang mag-asawa. Marahil ang kasalanan ng dalawa ay malupit dahil ito ay pinagplanuhan habang ang kasalanan naman ni Simon ay dahil sa ito ay bahagi ng kanyang kamangmangan. Anuman ang pinagkaiba at dahilan, si Simon ay mabiyayang binigyan ng pangalawang pagkakataon. Kaya ang kwento niya ang magdala sa atin para mag sisi at humingi ng habag sa Diyos. At paalala din ito sa atin para magpasalamat sa Kanyang biyaya sa atin.

V. The Apostles: More Preaching of the Gospel (8:25)
“Bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon sa lunsod ng Samaria. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Kristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.” 

            
Pagkatapos ng pangyayaring ito kay Simon, bumalik na ang mga apostol sa Jerusalem. Ang nakakatuwang bagay ay sa kanilang paglalakbay ay nangangaral sila patuloy ng ebanghelyo sa kanilang mga dinaraanan. Ang kanilang kapursigiduhan sa pangangaral ng ebanghelyo ay nagbibigay hamon din sa atin na tularan natin ang kanilang walang tigil na pagsusumikap sa pagpapahayag. Wala silang sinasayang na pagkakataon.

VI. Gospel Applications

Ano ngayon ang mga dapat nating gawin?

a. Ipangaral ang ebanghelyo
.

            
Bakit ganun nalang kapursigido ang mga apostol sa pangangaral ng Magandang Balita ni Kristo? Dahil ang Magandang Balita ay, “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya,” (Roma 1:16). Hindi sapat na “isabuhay ang ebanghelyo.” Dapat nating ipahayag at ipaliwanag ito. Sa pulpito, sa lugar kung saan kayo nag tatrabaho, sa hapagkainan, o saanman tayo naroroon, dapat nating ibahagi ang kabutihan ng Diyos, ipaliwanag ang katotohanan tungkol sa kasalanan, at ituon ang pansin sa maluwalhating pagtubos na mayroon tayo kay Jesu-Kristo. Alalahanin natin ang sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 1:21, “Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi Niya pinahintulutang Siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat Niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa Kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan.”

            
Kaya ipangaral natin si Kristo. Samantalahin natin ang bawat pagkakataon na maibahagi ang ebanghelyo kung saan man tayo naroroon.

b. Ipahayag ang ebanghelyo sa iba’t ibang sitwasyon.

            
Si Felipe at ang mga inusig na mga Kristiyano sa Jerusalem ay naging pagkakataon sa kanila ang kanilang pagkawatak-watak para lumawak ang naaabot ng ebanghelyo. At maging ang nakita nating ginawa ng mga apostol ng sila’y pabalik sa Jerusalem na nangaral sa bawat lugar na kanilang nadaanan. Ito’y isang paalala sa atin na mamuhay tayo na may intensyonalidad sa ebanghelyo. Lahat tayo ay misyonaryo. Lagi nating itanong kung papaano ko ba maibabahagi si Kristo sa sitwasyon ko? Nais ng Diyos na maging kusa sa atin ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa ating mga anak, sa ating mga katrabaho, sa ating mga mamimili, at sa ating mga kasamahan. Gawin natin ang sinasabi sa Colosas 4:5-6, “5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa sinumang nagtatanong.”

c. Purihin ang Diyos sa Kanyang gawang pagliligtas sa mga 
bansa.

            Salamat sa Diyos sa napakagandanag kwentong ito na nagpakita sa atin ng kapangyarihan at pag-unlad ng ebanghelyo na kumilos sa buhay ng mga Samaritano. Ito’y nagpaalala sa atin na pagsisihan natin kung tayo man ay minsang nag-isip na may mga taong hindi karapat-dapat sa kaligtasan. Ipanalangin natin at buong tapang na ibahagi ang Mangandang Balita sa lahat lalo na’t alam nating walang sinuman ang hindi kayang abutin ng nagliligtas na biyaya ng Diyos
.

______________________________________________________

Discussion:

Pagbulayan:

1. May karanasan ka ba na minsan kang nakaranas ng pag-
uusig ng dahil sa iyong pananampalataya kay Kristo? Sa anong mga paraan naisusulong o nahahadlangan ang misyon ng Diyos sa pamamgitan ng pag-uusig noong unang siglo?              

2. Bakit ipinagpaliban ng Diyos ang pagbuhos ng Kanyang 
Espiritu sa mga mananampalatayang Samaritana? Bakit ito naging mahalaga? Anong mga aral ang maaari nating matutunan mula sa natatanging kaganapang ito?

3. Alalahanin kung papaano mabigat na pinagsabihan ni 
Pedro si Simon para sa pagsisi. Bakit mahalaga ang pagsisisi sa pagsampalataya kay Jesus?

Pagsasabuhay:

1. Gawa 8:4
“Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba't ibang lugar, ngunit saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita.”

Anong prinsipyo sa buhay mo bilang mananampalataya ang magagawa mo sa mga talatang ito?

2. Ano ang mga maaari mong gawin upang maihatid ang 
Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo sa iba?

Panalangin:
Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.

 

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...