Sabado, Abril 2, 2022

Seven Last Words - “Ama, patawarin Mo sila” (Part 1 of 7)


 Father, Forgive Them
Ama, patawarin Mo sila
Scripture: Lucas 23:33, 34
Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Warren Wiersbie na Jesus’ Seven Last Words





Intro:
Pag-aaralan natin ngayon ang pitong huling wika ni Jesus sa krus. Napakaimportante ng mga pahayag na ito ni Jesus hindi lang dahil sa kung sino ang nagsabi nito kundi maging sa kung saan ito sinabi - sa krus. Nang gagawin na ni Jesus ang pinaka dakilang gawaing gagawin Niya sa mundong ito, sinabi Niya ang ilang mga dakilang salita. Itong pitong huling wika ni Jesus sa krus ang syang nagsisilbing bintana para makita natin ang walang-hanggan at makita ang puso ng Diyos. Ang una sa pitong wikang ito ay makikita sa Lucas 23:33-34,

Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Minsan o madalas mahirap sa atin ang magpatawad ng tao. Mas madali 
pa sa atin ang kupkupin o yakapin ang espiritu ng hindi pagpapatawad kaysa ibigay ito sa taong nagkasala sa atin. Hindi natin mapatawad ang nanakit sa atin, o sa mga may nagsabi ng masasakit na bagay sa atin, sa ating puso hindi natin sila mapatawad. Pero pakinggan muli natin ang panalangin ni Jesus sa Ama, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Mula dito mapapansin natin ang kahanga-hanga na makikita sa pahayag na ito. Kung makikita at mauunawaan natin ang kahanga-hangang bagay na ito, sa tingin ko makakatulong ito sa atin para makapagpatawad tayo at maranasan ang kagalakan na bunga ng pagpapatawad natin.

I. Ang Nakakamanghang Direksyon ng Salita.
Sinabi ni Jesus, ‘Ama…’”

Tatlong beses na makikita natin na ang salita ni Jesus sa krus ay naka 
direksyon sa Ama. At una sa mga ito ang sinabi Niya sa Lucas 23:34, muli, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Pangalawa sa pang-apat na salita sa Mateo 27:46, “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”At ang pangatlo ay sa Lucas 23:36, Ama, sa mga kamay Mo‟y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!” Dito natin makikita ang kahanga-hangang bagay, dahil nang mararanasan na ni Jesus ang paghihirap, tumawag Siya sa Ama sa langit. Nang nasa gitna Siya ng pagtitiis ng paghihirap, tumawag Siya sa Ama sa langit. At nang magtatagumpay na si Jesus sa paghihirap, tumawag Siya muli sa Ama na nasa langit.

Minsan may maririnig tayong Kristiyano na nagsasabi na, “Ayaw ko ng 
makipag-usap sa Diyos! Ayaw ko ng manalangin! Ayaw ko ng maniwala - matapos kong maranasan ang kawalang hiyaan ng mga taong gumawa nito sa akin.” Ito iyong mga taong sumabog na, mga taong sobrang nakaranas ng hindi maganda sa kamay ng mga tao o minsan sa kapwa Kristiyano o sa mga lingkod ng Diyos - napagod na; sumuko na. Pero, tignan natin kung papaano tinarato si Jesus ng mga tao. Ang Kanyang mga kababayan na minahal Niya-tinuruan, pinagaling, pinakain - ay pina-patay Siya. Ang Kanyang mga disipulo binigo Siya at iniwan. Tapos ang Ama sa langit ay may plano sa Kanya na maransan ang sobrang paghihirap. Kung iisipin mo na yung mga magulang mo na gusto kang maghirap. Ngayon, ilagay nyo yung sitwasyong ito sa atin. Paano tayo tutugon? “Lintik lang ang walang ganti.” Pero paano ba tumugon si Jesus? Kung titignan natin si Jesus, Siya ay may sapat na dahilan para hindi mag patawad pero ano nakita natin? Nasabi parin Niya, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At ang nakakamangha dito nagawa padin Niyang tumingala sa langit at sabihin, “Ama.” Dito natin makikita na namumuhay Siya sa pakikisalamuha sa Kanyang Ama. Nang magsimula Siya sa ministeryo Niya, ang sabi sa Kanya ng Ama, “Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan,” (Mateo 3:17). Meron Silang masayang pagsasama na may pag-ibig. Siguro, hindi ko alam, na kayo ngayon ay nasaktan. At iniisip nyo at sinasabi, “Iniisip ko, kung mahal ba talaga ako ng Diyos?” Oo, mahal Ka ng Diyos, at lagi Ka Niyang mahal, at lagi Siyang gumagawa ayon sa Kanyang layunin para sayo. Kaya kapag nanalangin ka ng, “Ama,” matatanggap mo ang kapangyarihan, biyaya at tulong ng Ama sayo kapag ikaw ay naghihirap.

Alam ko na hindi madali ang masaktan. Minsan, totoo, na mas masakit 
pa ang sakit sa puso na dulot ng salita at gawa ng tao kaysa sa nabaling kamay. Kasi sa bali, maaaring linggo lang wala na ang sakit o inuman mo lang ng gamot wala na, pero yung sakit na dulot ng salita at gawa ng tao ay minsan dala mo habang buhay. Iyan ay kung hindi tayo matututong magpatawad. Pero kung makakatingala tayo at makakapagsabing, “Ama, “ tulad ni Jesus, alam mo na hindi ka tunay na pinabayaan ng Diyos. Iyan ang nakakamangyang direksyon ng salita ni Jesus - “Ama.” Kung gusto nyo na matutong magpatawad sa iba, ito ang tamang lugar para makapagsimula - siguraduhin nyo na meron kayong tamang relasyon sa Ama na nasa langit. Kasi hindi lahat makakatawag ng Ama sa Diyos, malibang ang tao ay tumalikod sa kanyang mga kasalanan, nag sisi at naniwala at sumampalataya kay Jesus.

Juan 1:12
Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa Kanya ay binigyan Niya ng karapatang maging anak ng Diyos.”

II. Ang Nakakamanghang Panawagan
Ama, patawarin Mo sila”

Ayon sa Greek New Testament ipinakita na ang panawagang ito ni Jesus 
ay paulit-ulit. Nang hiniga si Jesus sa krus sa lupa, nanawagan Siya, “Ama, patawarin Mo sila.” Nang ipinako sa Kanya ang pako sa kamay at sa paa, nanawagan Siya, “Ama, patawarin Mo sila.” Nang Siya ay tinataas na sa krus, nanawagan Siya, “Ama, patawarin Mo sila.”At nang Siya ay nakasabit na sa krus sa pagitan ng lagit at lupa, nanawagan Siya, “Ama, patawarin mo sila.” Siguro kung tayo ang nakaranas doon ng mga ganong bagay, ang panalangin natin ay ganito, “Ama, parusahan mo sila, sumpain mo po silang lahat.” O kaya ay tawagin natin ang mga anghel para tupukin silang lahat. Pero si Jesus hindi Niya ginawa iyon. Nanalangin Siya na may pag-ibig sa Kanyang puso, “Ama, patawarin Mo sila.” Pero bakit ganito ang panawagan ni Jesus o ang Kanyang panalangin?

A. Para Matupad ang Salita ng Diyos.
Tinupad ni Jesus ang nakalagay sa Salita ng Diyos sa Isaias 53:12, Dahil dito Siya‟y Aking pararangalan, kasama ng mga dakila at makapangyarihan; sapagkat kusang-loob Niyang ibinigay ang sarili at nakibahagi sa parusa ng masama. Inako Niya ang mga makasalanan at idinalanging sila‟y patawarin.”

Sino kaya ang tinutukoy dito ni Yahweh? Si Jesus. Sinabi ito ni Jesus 
upang matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias.

B. Para Isabuhay ang Kanyang mga Turo
Tinuro Niya sa mga tao ang mag patawad. Sa panahon ni Jesus, sa panahon ng paghahari ng Romano, ang isa sa mga sinasamba nila ay diyos ng paghihiganti. At hindi sinasamba ni Jesus ang diyos ng paghihiganti, at maging tayo dapat.

C. Para sa Layunin ng Kanyang Kamatayan
Si Jesus ay nasa Krus dahil ito ang kaparaanan ng Diyos para mapatawad ang mga makasalanang magsisisi. Iyan ang mensahe ng Mabuting Balita. Ikaw at ako ay hindi na magdadala ng kabigatan ng kasalanan. Inalis ni Jesus ang pasan nating mga kasalanan. Pwede na tayong mapatawad. Sa Lucas 5:20, nakatala dito na sinabi ni Jesus sa paralitiko, “Kaibigan, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Sinabi naman Niya sa Lucas 7:48, 50, sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan… Iniligtas ka ng iyong pananampalataya.” Ang krus ay patungkol sa kapatawaran, at ang kapatawarang ito ay hindi simple lang, ito ay sobrang mahalaga dahil ang halaga nito ay ang ang buhay ni Jesus.

Ikaw at ako ay hindi magkakaroon ng problema sa pagpapatawad kung 
tayo ay may tamang relasyon sa Diyos at kung susunod tayo sa Salita ng Diyos, at alalahanin na tayo ay pinatawad din. Maaaring sabihin ng iba dito sa akin na, “Pastor hindi mo alam ang pinagdaanan ko kaya hirap akong patawarin siya.” Maaaring tama ka, pero alam ko kung paano tinarato si Jesus ng mga tao pero nagawa parin Niyang sabihin na, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Ang Nakakamanghang Direksyon ng Salita; Ang Nakakamanghang Panawagan. Ang sunod ay…

III. Ang Nakakamanghang Argumento
sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Hindi lang nanawagan si Jesus ng kapatawaran sa Kanyang mga 
kaaway, nagbigay pa Siya ng argumento para sa kanila. Parang nagsilbi Siyang lawyer nila sa Ama, “Ama, bibigyan kita ng dahilan kung bakit Mo po sila dapat patawarin.” Itong mga sinabing ito ni Jesus ay sobrang maraming tao ang may maling pagkaunawa. Sa sinabing ito ni Jesus, hindi Niya gustong sabihin na automatic nang pinatawad ang lahat. Hindi rin ibig sabihin nito na ang pagiging ignorante ay mapapatawad. Sabi nga sa batas ang pagiging ignorante ay hindi dahilan sa mata ng batas. Saan sila ignorante?

A. Ignorante sa Kanyang Pagkatao
Hindi nila kilala si Jesus.

a. Nilait nila si Jesus bilang propeta
Lucas 22:64
Hulaan Mo nga kung sino ang sumuntok sa iyo!”

b. Nilait din nila si Jesus bilang hari
Lucas 23:37
“kasabay ng ganitong panunuya, „kung Ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas Mo ang Iyong sarili.’”

Ito’y tanda na hindi nila kilala si Jesus. Tayo kilala natin si Jesus, meron 
tayong Bibliya, meron din tayong 2,000 taong kasaysayan ng iglesya. Kilala natin si Jesus - Siya ang tanging Anak ng Diyos.

B. Ignorante sa Kanilang Ginawa
Hindi nila nalalaman na ang kanilang ginagawa ay para matupad ang sinasabi ng Kasulatan sa mangyayari sa Kristo. Natupad ang nakalagay sa Awit 22:18, “Mga damit ko‟y kanilang pinagsugalan, at mga saplot ko‟y pinaghati-hatian,” at ginawa nila ito kay Jesus sa Lucas 23:34, “Pinaghatihati ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila‟y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasutan Niya.”

Natupad din ang sa
Awit 69:21, “Sa halip na pagkain, nang ako‟y magutom, ang dulot sa aki‟y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom,” at ginawa nila ito kay Jesus sa Lucas 23:36, “Nilait din Siya ng mga kawal. Nilapitan Siya ng isa at inalok ng maasim na alak.”

Natupad din ang sa Isaias 53:12, “
nakibahagi sa parusa ng masama,” At nangyari ito nang pinako Siya kasama ang iba pang makasalanan sa Lucas 23:33, “Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa Kanyang kanan at isa sa kaliwa.”

C. Ignorante sa Kanilang Kasalanan
Lahat sila ay ignorante sa kanilang maling ginawa. Ang alam nila wala silang ginawang mali. Ni hindi rin nila nakikita na sila ay makasalanan. Sa Lumang Tipan, sa batas ng mga Judio may batas na binigay patungkol sa kasalanang nagawa para sa mga ignorante. Makikita ito sa Aklat ng Levitico 4. Parang sinasabi ni Jesus na, “Ama, ang mga kababayan Ko ay hindi nakakaunawa; ignorante sila. Mamamatay Ako para sa kanilang mga makasalanan. Hindi nila alam ang ginagawa nila; pero alam Ko ang ginagawa Ko - mamamatay Ako kapalit nila. Kaya, patawarin Mo sila.” Iyan ang kahanga-hangang argumento. Ano kaya tugon ng Diyos sa panalangin ni Jesus? Tignan natin ang…

IV. Ang Nakakamanghang Tugon

Ang tugon ba ng Diyos ay agad Niyang binuhos sa mga nagkasala 
doon? Pinadala parin ng Diyos ang mensahe ng kaligtasan sa mga Judio. Sa Gawa 3:17, sinabi ni Apostol Pedro sa mga pinuno ng mga Judio, Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno.”Maging si Apostol Pablo na nagsabi sa kanyang sarili, sa 1 Timoteo 1:13, “kahit na noong una‟y nilapastangan, inusig at nilait ko Siya. Sa kabila nito‟y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako‟y hindi pa sumasampalataya.” Malinaw na tinugon ng Ama ang panalangin ni Jesus. Ang Diyos ay naging pasensyoso sa mga Israelita, at kay Saul na taga-Tarsus. Dahil dito marami sa Jerusalem ay nakakilala kay Kristo na taga-pagligtas. Nakita ninyo na hindi agad huhusgahan ng Diyos ang tao, sa halip binibigyan Niya ang pagkakataon ang lahat dahil sa panalangin ni Jesus sa Kanya, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34). Kaya, ngayon tayo ay nakakaranas ng kapatawaran ng Diyos kung tayo ay sumampalataya kay Jesus. Nawa ito ang maging batayan natin kung bakit hindi mahirap sa atin ang magpatawad sa ibang taong nagkasala sa atin.

________________________________________________________________

Pondering the Principles

1. Para sayo ano ang mga maaaring magawa sayo ng ibang tao na 
mahirap mapatawad? Maari kang bumase sa mga naranasan mo na o sa nararanasan mo ngayon. Meron ka bang mga hindi pa napapatawad ngayon? Bakit? Papaano tayo makakatawag ng “Ama”sa Diyos ng kalangitan? Bakit mahalaga na magkaroon tayo ng tamang relasyon sa Diyos? Kapag ikaw ay may kabigitan sino o kanino ka unang lumalapit? Ano ang maaaring maidulot kung ikaw ay tumatawag sa Ama sa oras ng iyong mga kabigatan?

2. Bakit mahalaga na maipanalangin ni Jesus sa Ama ang kapatawaran 
ng mga taong nagpako sa Kanya sa krus? Ibig sabihin ba nito na automatic na napatawad na sila sa kanilang mga kasalanan? Bakit? Bilang Kristiyano at may tungkuling mag disipulo, bakit mahalaga na maipakita natin ang pamumuhay na nagpapatawad?

3. Ano ang mga maaaring maging basehan natin kung bakit dapat 
patawarin ang mga nagkasala sa atin? Sa pagiging ignorante ng marami patungkol kay Jesus, masasabi mo ba na ikaw ay isa doon? Bakit? Sa pagiging ignorante nang marami patungkol kay Jesus, ano ang maaari mong gawin para sila’y makaunawa kung masasabi mo na ikaw ay nakakaunawa na?

4. Papaano tinugon ng Diyos ang panalangin ni Jesus? Papaano ka 
magiging kasangkapan sa patuloy na pagtugon ng Diyos sa panalanging ito? Basahin ang Mateo 18:21-35. Ano ang magiging pamantayan natin sa pagpapatawad sa ibang tao? Bakit madali sa mga tunay na mamanpalataya na sila ay magpatawad? Ano ang gagawin ng Diyos sa mga hindi nagpapatawad?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...