Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Q & A. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Q & A. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 30, 2022

Ano ang daan tungo sa Kaligtasan?

Tanong: 


Ano ang daan tungo sa Kaligtasan?

Sagot:

            
Si Hesu Kristo ang tanging “daan” tungo sa kaligtasan! “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri” (Efeso 2.8-9). “..datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 6.23).

            
Ano ang pinagdadaanan mo ngayon sa buhay? Ikaw ba ay dumadaan sa pagkakasala, kalituhan, kaguluhan, kahirapan, kalungkutan, sakit, kapaguran, galit at kawalan ng pag-ibig o kawalang kabuluhan? Sadyang mahirap ang buhay! Si Satanas at ang kasalanan ang dahilan! Napapagod ka na ba sa pakikipag-laban sa tao at sa iyong mga problema? Si Hesus ang daan! Iniibig ka Niya! Si Hesus ang tanging tao at Panginoon na nararapat sundin! Muli ngang nagsalita sa kanila si Hesus, na sinasabi, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa Akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8.12).

            
Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14.6). “Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3.23). “Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Hesus na Panginoon natin” (Roma 6.23). Namatay si Hesus sa krus dahil sa parusang tayo ang dapat dumanas. Ang pagkamatay ni Hesus ang naging daan para sa kapatawaran ng lahat ng tao (1 Juan 2.2; 2 Corinto 5.21). Ginapi Nya ang kasalanan at kamatayan pagkatapos na mamatay sa krus at Siya'y muling nabuhay (1 Corinto 15:1-28). “Na ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na magmuli ng mga patay, sa makatuwid baga'y si Hesu Kristo na Panginoon natin” (Roma 4.1).

            
Nais mo bang magkaroon o makaranas ng higit pang kapayapaan, kagalakan, kaligayahan, pag-ibig, kapanatagan at katagumpayan? Iniaalok ni Hesus ang isang relasyon na magbibigay sa iyo ng lahat ng ito! Tanging sa pamamagitan lamang ni Hesus makararanas ang tao ng kapatawaran, pagmamahal, kapayapaan at kagalakan na nagmumula sa Panginoon (Juan 14.6; Gawa 4.12). Ang personal na relasyon sa Anak ng Diyos ang magbibigay sa iyo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ang buhay na na kay Hesus ang tamang buhay para sa iyo! Kailangan mo Siyang tanggapin upang ika'y maging anak ng Diyos. Kailangan mo ang buong pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya (Mateo 22.37, 39). Subalit hindi lahat ay maliligtas, tanging ang mga nagmamahal lamang kay Hesus ang maliligtas at mapupunta sa langit pagkatapos na sila ay mamatay. Ang ating kaligtasan ay pwedeng matiyak dahil sa Kanyang ginawa para sa atin at sa patuloy Nyang ginagawa sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3.16).

            
Kung nais mong ilagak ang iyong pananampalataya kay Hesu Kristo bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas at tumanggap ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos, narito ang isang panalangin na maaari mong pagbatayan. Ang panalanging ito ay isang paraan upang ipahayag sa Diyos Ama ang iyong pananampalataya sa Kanyang Anak at pasalamatan Siya sa regalo Niyang kapatawaran at buhay na walang hanggan. Tandaan mo na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu:

“Ama sa kalangitan, naniniwala ako sa inyong Anak na si Hesu Kristo, na Siya ang tanging daan upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan. Inaamin kong nagkasala ako laban sa Iyo at nararapat lamang na ako'y Iyong parusahan. Nagsisisi ako sa lahat ng aking mga nagawang kasalanan laban sa Iyo. Nalaman ko at nagpapasalamat ako kay Hesus na aking Tagapagligtas sa pag-ako ng parusang nararapat para sa akin. Dahil kay Hesus binabago ko ang aking pag-iisip tungkol sa paggawa ng kasalanan at hinihiling ko ang iyong tulong upang mapaglabanan ang pagnanasang magkasala muli. Salamat sa iyong kahanga-hangang pangako na buhay na walang hanggan. Tatalikdan ko ang aking mga kasalanan at maglilingkod kay Hesus at magtitiwalang Siya ang babago sa aking pagkatao at magliligtas sa kapahamakan. Sa pangalan ni Hesus, Amen."

(Mula sa gotquestion.org)

Linggo, Mayo 15, 2022

Ikaw Ba'y Mayron ng Buhay na Walang Hanggan?

Tanong: 

Ikaw Ba'y Mayron ng Buhay na Walang Hanggan?

May napakaliwanag na sagot ang Biblia patungkol sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Una, kailangan nating kilalanin at aminin na nagkasala tayo sa Diyos.
“Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos” (Roma 3:23). Lahat tayo ay nakagawa ng mga bagay na hindi mabuti sa paningin ng Diyos, kaya nararapat lamang na parusahan Niya tayo. Dahil ang lahat ng ating mga kasalanan ay paglaban sa walang hanggang Diyos, ang Kanyang kaparusahan sa mga nagkasala ay walang hanggan din naman. “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Hesus na ating Panginoon” (Roma 6:23).

Si Hesu Kristo na walang anumang nagawang kasalanan (1 Pedro 2:22), at walang hanggang Anak ng Diyos ay nagkatawang tao (Juan 1:1, 14) at namatay upang bayaran ang kaparusahang nararapat para sa ating mga kasalanan. Ayon sa Roma 5:8,
“Ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong mga makasalanan pa tayo.” Namatay si Hesu Kristo sa krus (Juan19:31-42) upang akuin ang kaparusahang nararapat sa atin (2 Corinto 5:21). Pagkatapos ng tatlong araw, Siya'y nabuhay na mag-uli (1 Corinto 15:1-4) bilang katibayan na natalo na Niya ang kasalanan at kamatayan. “Dahil sa laki ng habag Niya sa atin, tayo'y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesu Kristo. Ang bagong buhay na iyon ay nagbigay sa atin ng malaking pag-asa” (1 Pedro 1:3).

Kinakailangang manampalataya tayo kay Hesu Kristo at talikdan ang ating mga kasalanan (Mga Gawa 3:19). Sapagkat kung sasampalataya tayo sa Kanya at magtitiwala sa Kanyang pagkamatay sa krus para sa kabayaran ng ating mga kasalanan, patatawarin ang ating mga kasalanan at bibigyan tayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit.
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). “Kung ipahahayag mo sa iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon, at manalig ka ng buong puso na Siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka” (Roma 10:9). “Tanging ang pananampalataya kay Kristo at sa Kanyang ginawa sa krus ang tunay na daan patungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman” (Efeso 2:8, 9).

Kung gusto mong tanggapin si Hesu Kristo bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas, narito ang isang simpleng panalangin. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos sa pamamagitan ng pagbuhay ng Banal na Espiritu sa iyong espiritu. Sabihin mo sa Kanya ng buong puso, “O Diyos, inaamin kung nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako'y Iyong parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusa na ako ang dapat dumanas. Nagtitiwala ako na sa aking pagsampalataya sa kanya ay mapapatawad mo ako. Pinagsisihan ko at tinatalikuran ang aking mga kasalanan at magtitiwala ako kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat din sa buhay na walang hanggan. Amen!”

Ano ba ang ibig sabihin na ang Diyos ay Pag-ibig?

Tanong:
Ano ba ang ibig sabihin na ang Diyos ay Pag-ibig?



Sagot:

Ano ba ang ibig sabihin na ang “Diyos ay Pag-ibig?” Una sa lahat titingnan natin kung papaano ipinaliwanag ng salita ng Diyos, ang salitang “pag-ibig,” at pagkatapos ay titingnan naman natin ang ilang paraan upang magamit natin ito patungkol sa Diyos.
“Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Hindi ito naguugaling mahalay, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata ng lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroong paghahayag, ang mga ito ay lilipas. Kung may pagsasalita ng mga wika, sila ay titigil. Kung may kaalaman, ito ay lilipas” (1 Corinto 13:4-8).

Ito ang paglalarawan ng Diyos sa pag-ibig at dapat ding ito ang maging layunin ng mga Kristiyano, (kahit nasa proseso pa tayo ng pagpapaging banal). Ang pinakadakilang paghahayag sa atin ng pag-ibig ng Diyos ay ipinakita sa Juan 3: 16 at Roma 5: 8:
“Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang Kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” “Ngunit ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.” Makikita natin sa mga talatang ito na pangunahing layunin ng Diyos na makasama Niya tayo sa Kanyang walang hanggang tahanan sa langit. Gumawa Siya ng daan upang maging posible ito sa pamamagitan ng pagbabayad sa kaparusahan ng ating mga kasalanan. Mahal Niya tayo at ito ay ayon sa Kanyang kagustuhan. “Nagtatalo ang loob ko at nananaig sa aking puso ang malasakit at awa” (Hosea 11:8b). Ang pag-ibig ay nagpapatawad. “Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, Siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan” (1 Juan 1:9).

Ang pag-ibig ay hindi ipinagpipilitan ang sarili sa sinuman. Yaong mga lumalapit sa Kanya ay ginagawa ito bilang pagtugon sa Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig ay nagpapakita ng kagandahang loob sa lahat. Ang pag-ibig ay gumagawa ng kabutihan sa lahat ng walang kinikilingan. Ang pag-ibig ay hindi nagnanasa sa mga bagay na pagmamay-ari ng iba, namumuhay ng simple at hindi nagrereklamo. Ang pag-ibig ay hindi nagyayabang, kahit na madali niyang magapi ang sinuman. Ang umiibig ay hindi sapilitan ang pagsunod. Ang Panginoong Hesus ay hindi sapilitang sumunod sa Kanyang Ama bagkus, buong puso Siyang tumalima sa kalooban ng Kanyang Ama sa langit.
“Sinabi Ko ito sa inyo upang malaman ng sangkatauhan na iniibig Ko ang Ama. Malalaman nila na kung papaano Ako inutusan ng Ama, ganoon ang ginagawa Ko” (Juan 14:31). Ang pag-ibig ay palaging inuuna ang kapakanan ng iba.

Ang maikling paglalarawang ito sa pag-ibig ay nagpapakita ng isang buhay na hindi nakasentro sa sarili. Kamanga mangha na binigyan ng Diyos ang mga tumanggap sa Kanyang Anak ng kakayahang umibig na kagaya Niya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Tingnan ang Juan 1: 12; 1 Juan 3: 1, 23, 24). Ito ay isang napakalaking hamon at pagpapala.

(Mula sa gotquestion)

Sabado, Mayo 7, 2022

Bakit kakaiba ang Diyos sa Lumang Tipan kaysa sa kaparehong Diyos sa Bagong Tipan?

Tanong: 

Bakit kakaiba ang Diyos sa Lumang Tipan kaysa sa kaparehong Diyos sa Bagong Tipan?

Sagot:

          
Naniniwala ako na ang katanungang ito ay nag-ugat sa maling pagka-unawa kung ano ang ipinapahayag ng Luma at Bagong Tipan tungkol sa katangian ng Diyos. Ang katanungang ito ay kapareho ng kaisipang ito: “Ang Diyos sa Lumang Tipan ay Diyos ng poot samantalang ang Diyos naman sa Bagong Tipan ay Diyos ng pag-ibig.” Ang katotohanang ang Bibliya ay nagpapahayag sa progresong pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan at sa Kanyang relasyon sa mga tao sa buong kasaysayan ay maaaring makapag-ambag upang maunawaan ng tao kung ano ba ang Diyos sa Lumang Tipan kung ikukumpara sa Diyos ng Bagong Tipan. Gayon man, kung babasahin ng tao ang Luma at Bagong Tipan, magiging malinaw sa kanya na ang Diyos sa Lumang Tipan ay hindi kakaiba sa Diyos ng Bagong Tipan. Ang poot at pag-ibig ng Diyos ay parehong nabanggit sa dalawang Tipan.

          
Halimbawa, ang buong Lumang Tipan, ay nagpapakilala na ang Diyos ay “maawain at mapagbiyaya, hindi madaling magalit at puspos ng pagmamahal at katotohanan” (Exodo 34: 6; Mga Bilang 14: 18; Deuteronomio 4: 31; Nehemias 9: 17; Mga Awit 86: 5; Mga Awit 86: 15; Mga Awit 108: 4; Mga Awit 145: 8; Joel 2: 13). Sa Bagong Tipan naman, ang kabutihan, pagmamahal at kahabagan ng Diyos ay ipinakita ng mas malinaw sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Ito ay sapagkat sa ganitong paraan “inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob Niya ang Kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Sa kabuuan ng Lumang Tipan, makikita rin natin ang pagdidisiplina ng Diyos sa Israel kagaya ng pagdidisiplina ng isang mapagmahal na ama sa kanyang anak. Noong tahasan silang nagkasala sa Diyos at sumamba sa mga diyus-diyosan, pinarusahan sila ng Diyos, subalit iniligtas naman sila ng magsisi na sila sa kanilang mga naging kasalanan. Kagaya din nito ang nakikita natin kung papaano dinidisiplina ng Diyos ang mga Kristiyano sa Bagong Tipan. Halimbawa, sinasabi sa atin ng aklat ng Hebreo 12:6 ang ganito: “Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang mga iniibig Niya, pinapalo ang bawat tinatanggap Niya bilang anak.”

          
Sa parehong paraan, sa kabuuan ng Lumang Tipan nakikita natin ang paghatol ng Diyos at ang pagbuhos ng Kanyang poot sa mga makasalanan na ayaw magsisi. Gayon din sa Bagong Tipan, nakikita rin nating ang poot ng Panginoon ay patuloy na “ipinahayag mula sa kalangitan tungo sa mga hindi maka-Diyos at hindi mabubuting gawain ng sangkatauhan” (Roma 1: 18). Kahit sa isang madaliang pagbabasa sa Bagong Tipan ay makikita na binanggit ni Hesus ng mas maraming beses ang impiyerno kumpara sa langit. Kaya nga maliwanag na hindi magkaiba ang Diyos sa Lumang Tipan at ang Diyos sa Bagong Tipan. Ang Diyos ay hindi nagbabago. Habang maaaring makita natin ang ilang aspeto ng Kanyang katangian na mas inihayag ng malinaw sa ilang partikular na talata sa Kasulatan, Siya ay hindi nagbabago kailanman.

         
Kung ang isang tao ay magsimulang magbasa at magaral ng Bibliya, magiging maliwanag sa kanya na ang Diyos ng Luma at Bagong Tipan ay hindi magkaibang Diyos. Kahit na binubuo ang Bibliya ng animnaput-anim (66) na iba't-ibang aklat, na sinulat sa dalawa (o posibleng tatlong) kontinente, sa tatlong magkakaibang wika, sa loob ng isang libo at limang daang (1,500) taon, ng mahigit apatnapung mga may-akda (na nagmula sa iba't-ibang antas ng buhay), nananatili pa rin itong nagkakaisa mula umpisa hanggang sa huli at walang pagkakasalungatan. Sa Bibliya nakikita natin kung papaano nakikitungo ang mapagmahal, maawain at walang kinikilingang Diyos sa mga makasalanang tao sa lahat ng uri ng sitwasyon. Tunay na ang Bibliya ay liham ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga nilikha, lalong lalo na sa mga tao, ay maliwanag na makikita sa lahat ng bahagi ng Bibliya. Sa Kabuuan ng Kasulatan, nakikita natin na may buong pagmamahal na tinatawag ng Diyos ang mga tao upang magkaroon ng espesyal na relasyon sa Kanya, hindi dahil karapat-dapat sila kundi dahil Siya ay mahabagin at mapagbiyayang Diyos, hindi madaling magalit at puspos ng pagmamahal at katotohanan. Subalit nakikita rin natin ang isang Banal at Matuwid na Diyos na Siyang hukom ng lahat ng mga sumusuway sa Kanyang mga salita at hindi sumasamba sa Kanya at sa halip ay sumasamba sa mga diyus-diyosan na sila mismo ang may gawa, sa halip na sumamba sa iisa at tunay na Diyos (Roma 1).

          
Dahil sa ang Diyos ay matuwid at banal, ang lahat ng kasalanan sa nakaraan, sa kasalukuyan at darating ay kinakailangang hatulan. Dahil sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos binayaran Niya mismo ang ating mga kasalanan upang maiwasan natin ang Kanyang poot sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Makikita natin ang napakagandang katotohanang ito sa 1 Juan 4:10 “Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil Siya ang umibig sa atin at sinugo ang Kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan.” Sa Lumang Tipan, nagtakda ang Diyos ng sistema ng paghahandog kung saan sa pamamagitan nito maaaring pansamantalang mapatawad ang kasalanan. Subalit ang sistemang ito ng paghahandog ay panandalian lamang at anino lamang ng pagdating ni Hesu Kristo na Siyang namatay sa krus para sa lubos na ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang Tagapagligtas na ipinangako sa Lumang Tipan ay lubusang inihayag sa Bagong Tipan, at ang engrandeng paghahayag ng pag-ibig ng Diyos, ang pagpapadala ng Kanyang Anak na si Hesus, ay inihayag sa lahat ng buong kabanalan. Ang Luma at Bagong Tipan ay kapwa isinulat upang, “makakapagbigay ng karunungan sa iyo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 3:15). Kung pag-aaralan natin ang mga katotohanang ito ng masinsinan, napakaliwanag na ang Diyos ng Luma at Bagong Tipan ay walang pagkakaiba.

(Mula sa gotquestions)

Linggo, Mayo 1, 2022

Ang Diyos ba ang lumikha sa kasamaan?

Tanong: 

Ang Diyos ba ang lumikha sa kasamaan?

Sagot:

 
          May nagsasabi, kung ang Diyos ang siyang gumawa ng lahat ng bagay kung gayon siya rin ang gumawa sa kasamaan. Ang konseptong ito ay kailangang bigyang linaw. Ang kasamaan ay hindi isang “bagay” na gaya ng bato o kuryente. Hindi pwedeng magkaroon ng isang banga ng kasamaan! Sa halip, ang kasamaan ay isang bagay na ginagawa o isang aksyon na nanggagaling sa nilalang, kagaya ng pagtakbo. Ang kasamaan ay hindi lumabas sa ganang kanyang sarili. Ang kasamaan ay ang kawalan ng kabutihan. Nang lumikha ang Diyos, tinawag Niya ang lahat ng Kanyang nilalang na “mabuti.” Isa sa mga mabubuting bagay na ginawa ng Diyos ay ang kalayaang pumili o magdesisyon ng Kanyang nilalang. Upang magkaroon ng totoong kalayaan sa pagpili, pinahintulutan ng Diyos na may mapagpipilian ang tao hindi lang ang kabutihan. Kaya pinahintulutan ng Diyos ang mga anghel at ang tao na pumili sa pagitan ng kabutihan o kasamaan. Kung mayroong hindi magandang relasyon sa pagitan ng dalawang mabuting bagay tinatawag natin itong kasamaan, subalit hindi ito maituturing na isang “bagay.”

           
Ito pa ang isang halimbawa. Kung tatanungin ko ang isang tao “mayroon bang tinatawag na ‘lamig’”? Maaaring ang kanyang magiging kasagutan ay oo. Gayon man, ito hindi ito tama. Dahil ang totoo wala talagang bagay na tinatawag na “lamig.” Ang lamig ay kawalan ng init. Gayon din, wala talagang kadiliman. Ang kadiliman ay ang kawalan ng liwanag. Gayon din, ang kasamaan ay ang kawalan ng kabutihan, o sa isang salita ang Kasamaan ay kawalan ng Diyos. Hindi nilalang ng Diyos ang kasamaan subalit pinahintulutan Niya ang kawalan ng kabutihan.

         
  Halimbawa ay si Job sa aklat ng Job 1-2. Nais ni Satanas na durugin si Job, at pinayagan ng Diyos si Satanas na gawin ang lahat ng kanyang gustong gawin huwag lang niyang patayin si Job. Pinayagan ito ng Diyos upang patunayan kay Satanas na si Job ay isang matuwid na tao at mahal niya ang Diyos, at hindi dahil pinagpapala siya ng Diyos at ginawang mayaman. Ang Diyos ay makapangyarihan at Siyang may hawak sa lahat ng mga bagay. Walang magagawa si Satanas kung hindi siya pahihintulutan ng Diyos. Hindi nilalang ng Diyos ang kasamaan, subalit pinahintulutan ng Diyos ang pagkakaroon ng kasamaan. Kung hindi pinahintulutan ng Diyos ang pagkakaroon ng kasamaan, kapwa ang sangkatauhan at mga anghel ay maglilingkod sa Diyos bilang isang obligasyon, at hindi ayon sa kanilang kalayaang pumili. Hindi nais ng Diyos ang mga “robot” na susunod na lang sa Kanyang mga kagustuhan dahil sila ay naka “programa” na. Pinahintulutan ng Diyos ang posibilidad na magkaroon ng kasamaan upang magkaroon tayo ng lubos na kalayaang pumili kung paglilingkuran ba natin Siya o hindi.

         
  Hindi natin lubos na mauunawan ang kasagutan sa tanong. Tayo, bilang limitadong mga nilalang, ay hindi lubusang mauunawaan ang walang hanggang Diyos (Roma 11: 33-34). Kung minsan nag-iisip tayo na tila nauunawaan natin ang ginagawa ng Diyos, subalit malalaman lamang natin sa huli na iba ang layunin ng Diyos kumpara sa ating iniisip. Tinitingnan ng Diyos ang mga bagay sa walang hanggang pananaw. Tinitingnan naman natin ang mga bagay sa makamundong pananaw. Bakit inilagay ng Diyos ang tao sa mundo kung nalalaman Niyang magkakasala din lang si Adan at Eba at magdadala ng kasamaan, kamatayan, at kahirapan sa sangkatauhan? Bakit hindi Niya tayo nilalang at inilagay sa kalangitan kung saan tayo ay magiging perpekto at hindi na makakaranas pa ng kasalanan at kahirapan? Ang pinakamainam na kasagutan na maibibigay ko tungkol dito ay ito: Hindi tayo ginawang robot ng Diyos na walang kalayaang pumili. Pinahintulutan ng Diyos ang posibilidad ng pagkakasala upang magkaroon tayo ng kalayaang pumili kung sasamba ba tayo sa Kanya o hindi. Kung hindi na tayo maghihirap at hindi na tayo makakaranas ng kasalanan, paano natin maiintindihan ang kapatawaran ng Diyos at mararanasan ang kagandahan ng kalangitan? Hindi nilalang ng Diyos ang kasalanan at kasamaan, subalit pinahintulutan Niya ito. Kung hindi Niya pinahintulutan ang kasamaan at kasalanan, sasambahin natin Siya dahil sa ito'y ating obligasyon, at hindi dahil sa ito ay ating kagustuhan.

(Mula sa gotquestion)

Ano ang glossolalia o pagsasalita sa hindi naiintindihang wika (Speaking in Toungue)?

TANONG

Ano ang glossolalia o pagsasalita sa hindi naiintindihang wika?

SAGOT

 
          Ang glossolalia, isang hindi pangkaraniwang pangyayari na tinatawag din minsan na “pagsasalita habang wala sa sarili” ay ang pagsambit ng mga salita na hindi nauunawaan, o mga tunog na katulad sa ibang wika habang nasa isang blangkong estado ng katinuan. Ang glossolalia ay laging ipinagkakamali sa xenoglossia, na siyang “kaloob ng pagsasalita sa ibang wika” na naaayon sa Bibliya. Habang ang glossolalia ay pagsambit ng mga salitang hindi nalalaman o naiintindihan ng sinuman maging ng mismong nagsasalita, ang xenoglossia naman ay ang kakayahan na magsalita sa isang wika na hindi pinagaralan ng nagsasalita.

 
          Bilang karagdagan, habang ang xenoglossia ay isang kakayahan na hindi normal sa isang tao, ipinakikita ng mga pagaaral na ang glossolalia ay isang gawi na napagaaralan at nagagaya. Isang pagaaral na isinagawa ng Lutheran Medical Center ang nagpapakita na ang glossolalia ay madaling natututuhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga simpleng instruksyon. Gayundin, natuklasan na ang mga magaaral ay maaaring “magsalita sa ibang wika” kahit na wala silang nararamdamang anumang kakaiba o kahit hindi sila nawawala sa sarili. Isa pang pagsusuri ang isinagawa sa 60 magaaral ang nagpakita na pagkatapos na makinig sa isang minutong sampol ng “pagsasalita sa hindi naiintindihang wika,” 20 porsyento ang nagawang gayahin ang kanilang narinig ng halos walang pagkakaiba. Pagkatapos ng mga pagsasanay, nagtagumpay ang 70 porsyento ng mga magaaral na gayahin ang mga salitang kanilang narinig.

          
Sa halos lahat ng parte ng mundo, maoobserbahan ang glossolalia. Ang mga paganong relihiyon sa buong mundo ay nagsasanay din ng pagsasalita sa wika na hindi nauunawaan. Kasama sa mga paganong grupong ito ang mga Shamans sa Sudan, ang kulto ng Shango sa West Coast ng Aprika, ang kulto ng Zor sa Etiopia, ang kulto ng Voodoo sa Haiti at ang mga aborigines ng Hilagang Amerika at Australia. Ang pag-ungol o pagsasalita ng walang kahulugang mga salita habang nawawala sa sarili na itinuturing na isang mahiwagang karunungan ng mga “banal na tao” sa iba't ibang relihiyon ay isang sinaunang gawain sa kasaysayan ng mundo.

 
          May dalawang pangunahing bahagi sa pagsasanay ng Glossalalia. Una, ang mga nagsasanay nito ay mag-uumpisang umungol sa tunog na kagaya ng wika ng tao. Sa praktikal, halos lahat ng tao ay may kakayahang gawin ito; kahit ang mga bata bago sila matutong magsalita ay nakakagaya ng totoong mga salita, kahit na hindi nila iyon nauunawaan. Walang ekstra ordinaryo sa bagay na ito. Ang ikalawang bahagi ay ang pagpapakita ng kasiyahan habang tila nawawala ang tao sa kanyang sarili. Walang kakaiba sa bagay na ito, bagama't mas mahirap para sa tao na sadyaing magsalita ng mga tunog na gaya sa totoong wika ng tao.

 
          May mga Kristiyano, lalo na sa mga Pentecostal at Karismatikong grupo ang naniniwala na may hindi pangkaraniwang paliwanag para sa katulad ng inilarawan sa Bagong Tipan. Naniniwala sila na ang pangunahing layunin ng kaloob ng pagsasalita sa ibang wika ay upang ipakita ang ebidensya ng pagpuspos sa kanila ng Espiritu Santo gaya ng naganap sa Araw ng Pentecostes (Gawa 2), bilang katuparan ng hula ni Propeta Joel (Gawa 2:17).

 
          Hindi nagkakaisa sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng gawaing ito ang iba’t ibang denominasyong Kristiyano. Halimbawa, may naninindigan na ang ganitong kaloob ng Banal na Espiritu ay dapat na maranasan ng lahat ng mananampalataya dahil ito diumano ang ebidensya ng kapuspusan ng Banal na Espiritu, samantalang ang iba naman ay hindi masyadong binibigyang diin ang kahalagahan nito at sinasabing itinuro ni Pablo na ang “pagsasalita sa ibang wika” ay hindi kasing halaga ng iba pang mga kaloob ng Banal na Espiritu (tingnan ang 1 Corinto 13). Sa kabilang dako, may mga grupo naman na iniiwasan ang pagsasanay nito at mayroon namang hindi na halos binabanggit ang katuruang ito sa pag-aalala na maging dahilan ito ng pagkakabaha-bahagi sa Iglesya. Mayroon namang naniniwala dito ngunit sinasabi na ito ay isa lamang pangkaraniwang karanasang saykolohikal. Mayroon namang mga grupo na itinuturing na ang ganitong gawain ay isang tahasang pandaraya ng diyablo.

 
          May nakakaunawa kahit sa mga kakaibang wika ng tao sa buong mundo, ngunit walang nakakaunawa sa mga glossolalia na naririnig sa mga grupo ng Pentecostal at Charismatic sa panahong ito. Ang ating naririnig ay pawang mga ungol, hindi maintindihang salita, mga pinalaking kuwento, mga kuwento ng mga hindi pangkaraniwang karanasan na hindi sinasangayunan ng Bibliya at mga ingay at kaguluhan. Hindi ito gaya ng nangyari noong araw ng Pentecostes sa aklat ng mga Gawa kung saan sinabi ng mga taong nakarinig sa mga Apostol, “Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila?” (Gawa 2:8).

 
          Sa isang simpeng salita, ang glossolalia ay hindi ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika na makikita sa Bibliya. Malinaw na sinabi ni Apostol Pablo na ang pangunahing layunin ng pagsasalita sa ibang wika ay upang maging tanda ito para sa mga hindi mananampalataya at upang maipangaral ang Mabuting Balita, ang Ebanghelyo ng Panginoong Hesu Kristo (1 Corinto 14:19, 22).

(Mula sa gotquestion)

Biyernes, Abril 29, 2022

Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao?

Tanong: 

Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao?

Sagot:
Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao? Isa ito sa mga pinakamahirap na katanungan sa Teolohiya. Ang Diyos ay walang hanggan, sumasalahat ng lugar sa lahat panahon, nakaka-alam sa lahat ng bagay at pinakamakapangyarihan sa lahat. Bakit tayong mga tao na (na may katapusan at hindi sumasalahat ng lugar sa lahat ng panahon, hindi nakakaalam sa lahat ng bagay at walang kapangyarihan) ay umaasang lubos na mauunawaan ang Kanyang mga gawa? Ang ganitong isyu ay ipinaliwanag sa aklat ni Job. Pinahintulutan ng Diyos si Satanas na gawin ang lahat ng kanyang gustong gawin kay Job, ang hindi niya lang puwedeng gawin ay patayin ito. Ano ba ang naging reaksiyon ni Job? “Hindi ako matatakot kung ako man ay patayin, maiharap lamang sa Kanya itong aking usapin” (Job 13:15). “Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok, si Yahweh ang nagbibigay, Siya rin ang kukuha. Purihin si Yahweh!” (Job 1:21). Hindi nauunawaan ni Job kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang lahat ng iyon sa kanya, subalit alam niyang ang Diyos ay mabuti kaya patuloy siyang nagtiwala sa Kanya. Dapat na ganito din ang ating maging reaksiyon. Ang Diyos ay mabuti, walang kinikilingan, mapagmahal at mahabagin. Kung minsan may nangyayari sa ating buhay na hindi natin nauunawaan. Gayon man, sa halip na pagdudahan ang kabutihan ng Diyos, dapat na ang ating magiging reaksiyon ay pagtiwalaan Siya. “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Siya ay sangguniin sa lahat mong mga balak, at kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong lakad” (Kawikaan 3:5-6).

Marahil ang mas mainam na katanungan ay, “Bakit maganda ang nangyayari sa mga hindi mabubuting tao?” Ang Diyos ay Banal (Isaias 6: 3; Pahayag 4: 8). Ang lahat ng tao ay makasalanan (Roma 3: 23; 6: 23). Gusto mo bang malaman kung papaano tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan? Ayon sa nasusulat: “
Walang sinumang matuwid, wala kahit isa. Walang sinumang nakakaunawa, walang sinu-mang humahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng daan, sama-sama silang naging walang pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan. Sa kanilang mga dila ay ginagamit nila ang pandaraya. Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa mga labi nila. Ang mga bibig nila ay puno ng pagsumpa at mapait na pananalita. Ang mga paa nila ay mabilis sa pagbuhos ng dugo. Pagkawasak at paghihirap ang nasa kanilang mga landas. Hindi nila alam ang landas ng kapayapaan. Ang pagkatakot sa Diyos ay wala sa kanila“ (Roma 3:10-18). Lahat ng tao sa mundong ito ay nararapat lamang na dalhin at parusahan sa impiyerno. Bawat segundo na tayo ay nabubuhay, ito ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Kahit na ang katakot-takot na hirap na nararanasan natin sa mundong ito ay mas magaang kumpara sa nararapat na kaparusahan natin sa impiyerno.

“Ngunit ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa atin na noong tayo ay makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin”
(Roma 5:8). Sa kabila ng pagiging makasalanan ng tao, minahal pa rin siya ng Diyos. Napakalaki ng pag-ibig ng Diyos sa atin dahil inako Niya mismo ang parusa para sa ating mga kasalanan (Roma 6: 23). Ang gagawin natin ay manampalataya sa ating Panginoong Hesu Kristo (Juan 3: 16; Roma 10: 9) at magsisi upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at matamo ang pangakong buhay na walang hanggan sa langit (Roma 8: 1). Ang karapat-dapat sa atin ay Impiyerno ngunit ang ibinigay sa atin ay buhay na walang hanggan sa langit - kung tayo'y mananampalataya. May isang kasabihan na “ang mundong ito ay ang tanging impiyerno na mararanasan ng mga mananampalataya subalit ang mundong ito ang tanging langit na mararanasan ng mga hindi mananampalataya.” Sa susunod na may magtatanong sa atin, “Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao?” Ipaliwanag natin kung bakit ang dapat niyang itanong ay, “Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may magandang mangyari sa masasamang tao?”

Martes, Abril 26, 2022

Bakit ka naniniwala na ang Diyos ay Trinidad?

Tanong:

Bakit ka naniniwala na ang Diyos ay Trinidad?

Sagot:
Ang isa sa mga katotohanan ng Kristiyanismo na mahirap ipaliwanag ay ang Trinity o Trinidad. Walang sapat na kaparaanan upang lubusan itong maipaliwanag. Ang Trinidad ay isang Biblikal na katuruan na imposibleng lubusang maunawaan ng isang tao. Ang Diyos ay kahanga-hanga at higit ang karunungan kaysa sa atin, kaya nga, wala tayong kakayahan na maunawaan Siya ng lubusan. Itinuturo ng Bibliya na ang Ama ay Diyos, na si Hesus ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos. Itinuturo din ng Bibliya na mayroon lamang iisang Diyos. Bagama't nauunawaan natin ang relasyon ng tatlong persona ng Trinidad sa bawat isa, sa kabuuan ay hindi ito kayang maunawaan ng isipan ng tao. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ito totoo o hindi ito itinuturo ng Bibliya.

Dapat isaisip ng mag-aaral na ang salitang “Trinidad” ay hindi ginamit sa Kasulatan. Ito ay salitang ginamit ng mga teologo sa pagtatangkang ilarawan ang Diyos, at ang katotohanang mayroong tatlong nabubuhay, na kapwa walang hanggang mga persona na bumubuo sa Diyos. Dapat unawain na HINDI itinuturo ng Bibliya sa anumang paraan na mayroong tatlong Diyos. Ang katuruan ng Trinidad ay isang Diyos sa tatlong persona. Walang mali sa paggamit ng salitang “Trinidad” sapagkat ito'y katumbas ng salitang “tatlong nabubuhay, kapwa walang hanggang mga persona sa iisang Diyos.” Kung problema para sa iyo ang pag-intindi sa doktrinang ito, isipin mo ito: ang salitang lolo ay hindi ginamit sa Bibliya. Sa kabila noon, alam nating mayroong mga lolo sa Bibliya. Si Abraham ay ang lolo ni Jacob. Kaya't huwag kang maguluhan sa salitang “Trinidad.” Ang higit na mahalaga ay ang konsepto ng salitang “Trinidad” ay makikita sa Banal na Kasulatan.

Upang ang iyong pag-aalinlangan ay ganap na maisantabi, narito ang mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa paksa ng Trinidad.

1) Mayroong iisang Diyos: Deuteronomio 6: 4; 1 Corinto 8:4; Galacia 3:20; 1 Timoteo 2:5.

2) Ang Trinidad ay binubuo ng tatlong persona: Genesis 1:1; 1:26; 3:22; 11:7; Isaias 6:8; 48:16; 61:1; Mateo 3:16-17; Mateo 28:19; 2 Corinto 13:14. Sa mga talata sa Lumang Tipan, ang kaalaman sa wikang Hebreo ay makatutulong. Sa Genesis 1:1, ang maramihang pangalang “Elohim” patungkol sa Diyos ay ginamit. Ang salitang ito ay nagsasaad na iisa ang Diyos ngunit ang ginamit na gramatiko ay sa paraang pangmaramihan. Sa Genesis 1:26; 3: 22; 11:7 at Isaias 6:8, ang maramihang panghalip sa Diyos na “Amin” ay ginamit. Ang Hebreong salita na ”Elohim” na tumutukoy sa Diyos ay tumutukoy sa higit pa sa dalawa.

Sa wikang ingles, mayroon lamang dalawang anyo, isahan at maramihan. Sa Hebreo, mayroong tatlong anyo: isahan, dalawahan, at maramihan. Ang dalawahan ay salitang ginagamit na tanging para sa dalawa lamang. Sa Hebreo, ang dalawahang anyo ay ginagamit sa mga bagay na magkapares kagaya ng mga mata, at mga kamay. Ang salitang “Elohim” at ang panghalip na “Amin” ay nasa anyong maramihan - at iyon ay tiyak na higit pa sa dalawa - at posibleng tumutukoy sa tatlo (Ama, Anak, Banal na Espiritu). Sa aklat ng Isaias 48:16 at 61:1, ang Anak ay nagsasalita habang tinutukoy ang Ama at ang Banal na Espiritu. Ikumpara ang Isaias 61:1 sa Lucas 4:14-19 para makitang ang Anak ang nagsasalita. Inilalarawan ng Mateo 3:16-17 ang pagbabautismo kay Hesus. Makikita sa pangyayaring ito na ang Diyos Espiritu ay bumaba sa Diyos Anak habang ipino-proklama naman ng Diyos Ama ang Kanyang saloobin tungkol sa Kanyang Anak. Ang Mateo 28:19 at 2 Corinto 13:14 ay halimbawa ng tatlong magka-ibang persona ng Trinidad.

3) Kinikilala ang bawat miyembro ng Trinidad sa iba't-ibang talata sa Bibliya: sa Lumang Tipan, ang salitang “PANGINOON” ay bukod sa “Panginoon” (Genesis 19:24; Hosea 1:4). Sinasabi ng Kasulatan na ang “PANGINOON” ay may “Anak” (Awit 2:7, 12; Kawikaan 30:2-4). Ang Espiritu ay nagmula sa “PANGINOON” (Mga Bilang 27:18) at nagmula sa “Diyos” (Awit 51:10-12). Ang Diyos Anak ay mula sa Diyos Ama (Awit 45:6-7; Hebreo 1:8-9). Sa Bagong Tipan, sa aklat ng Juan 14:16-17, ipinahayag ni Hesus sa Ama ang tungkol sa pagpapadala ng isang “Katulong” na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Ito'y nagpapakita na hindi inaangkin ni Hesus ang Kanyang sarili bilang Ama o bilang Banal na Espiritu. Dapat ding isaalang-alang ang ilang pagkakataon sa Ebanghelyo kung saan nakikipag-usap si Hesus sa Diyos Ama. Siya ba ay nakikipag-usap sa Kanyang sarili? Hindi! Nakikipag-usap Siya sa isa pang persona sa Trinidad - ang Diyos Ama.

4) Ang bawat miyembro ng Trinidad ay Diyos: Ang Ama ay Diyos: Juan 6:27; Roma 1:7; 1 Pedro 1:2. Ang Anak ay Diyos: Juan 1:1, 14; Roma 9:5; Colosas 2:9; Hebreo 1:8; 1 Juan 5:20. Ang Banal na Espiritu ay Diyos: Mga Gawa 5:3-4; 1 Corinto 3:16 (ang nananahan sa atin ay ang Banal na Espiritu - Roma 8:9; Juan 14:16-17; Mga Gawa 2:1-4).

5) Ang katayuan ng mga persona ng Trinidad: Ipinakikita ng Kasulatan na ang Banal na Espiritu ay nagpapasakop sa Ama at sa Anak, at ang Anak naman ay nagpapasakop sa Ama. Ito ay panloob na relasyon at hindi maipagkakaila ang pagka-Diyos ng alinmang persona sa Trinidad. Ito ay isang katuruan na hindi na kayang arukin ng limitado nating pag-iisip sapagkat ang Diyos ay walang hanggan. Tungkol sa Anak tingnan ang: Lukas 22:42; Juan 5:36; Juan 20:21; 1 Juan 4:14.Tungkol sa Banal na Espiritu tingnan ang: Juan 14:16; 14:26; 15:26; 16:7 at lalong lalo na ang Juan 16:13-14.

6) Ang gawain ng bawat miyembro ng Trinidad:
Ang Ama ang pinanggalingan o may akda ng:

a) sanlibutan (1 Corinto 8:6; Pahayag 4:11);
b) ng banal na kapahayagan (Pahayag 1:1);
c) ng Kaligtasan (Juan 3:16-17); at
d) gawain ni Hesus bilang tao (Juan 5:17; 14:10).

Ang Ama ang nagpasimula ng lahat ng mga bagay.

Ang Anak
ang kinatawan ng Ama at nagsakatuparan ng mga sumusunod na gawain:

a) ang paglalang at pag-papanatili ng sanlibutan (1 Corinto 8:6; Juan 1:3; Colossas 1:16-17);
b) Banal na kapahayagan (Juan 1:1; Mateo 11:27; Juan 16:12-15; Pahayag 1:1);
c) ng Kaligtasan (2 Corinto 5:19; Mateo 1:21; Juan 4:4 2).

Ginawa lahat ito ng Ama sa pamamagitan ng Anak, na gumaganap bilang Kanyang kinatawan.

Ang Banal
na Espiritu naman na nagmula sa Ama at Anak ang gumaganap ng mga sumusunod na gawain:

a) ang paglalang at pagpapanatili ng sanlibutan (Genesis 1:2; Job 26:13; Awit 104:30);
b) Banal na kapahayagan (Juan 16:12-15; Efeso 3:5; 2 Pedro 1:21);
c) ang kaligtasan (Juan 3:6; Titus 3:5; 1 Pedro 1:2); at
d) ang mga Gawa ni Hesus (Isaias 61:1; Mga Gawa 10:38).

Ang Ama ang may lalang ng lahat ng bagay at ito ay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Wala sa mga kilalang halimbawa ang ganap at eksaktong makapaglalarawan sa “Trinidad.” Ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay hindi mga bahagi lamang ng Diyos kundi bawat isa sa Kanila ay Diyos. Ang paglalarawan gamit ang tubig ay isang magandang halimbawa ngunit bigo pa rin itong ipaliwanag ang “Trinidad.” Ang likido, singaw, at yelo ay mga anyo ng tubig. Ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay hindi anyo lang ng Diyos, ang bawat isa sa Kanila ay tunay na Diyos. Samakatuwid, habang ang ganitong paglalarawan ay magbibigay sa atin ng larawan ng Trinidad, ang nasabing larawan ay hindi eksaktong magkapagpapaliwanag sa Trinidad. Ang walang hanggang Diyos ay hindi kayang ipaliwanag ng limitadong isipan ng tao. Sa halip na ituon ang pansin sa pagpapaliwananag sa Trinidad, sikapin nating ituon ang pansin sa kadakilaan, kawalang hanggan at kaluwalhatian ng Diyos.
“Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di maarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang Kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat: Sapagka't sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon, O sino ang naging tagapayo Niya?” (Roma 11:33-34).

Lunes, Abril 25, 2022

Naniniwala ka ba na may Pastora?

Tanong:

Naniniwala ka ba na may Pastora?

Sagot:
Isa sa mainit na pinagtatalunan ngayong isyu sa mga simbahan ngayon ay ang isyu patungkol sa babaeng naglilingkod bilang pastor. Sa pagtalakay sa isyung ito, napaka importante na hindi ito makita bilang lalake laban sa babae na isyu. Mayroong mga kababaihan na naniniwala na ang mga kababaihan ay hindi dapat maglingkod bilang pastor at inilalagay ng Bibliya ang mga limitasyon sa ministeryo ng mga kababaihan, at may mga kalalakihan naman na naniniwala na ang mga kababaihan ay maaaring maglingkod bilang pastor at walang mga limitasyon sa mga kababaihan sa ministeryo. Hindi ito isyu ng chauvinism (agresibong pagkamakabayan) o diskriminasyon. Ito ay isang isyu ng interpretasyon sa Bibliya.

Ang sabi ng Salita ng Diyos:

1 Timoteo 2:11-12
“11 Ang mga babae ay hayaang matuto sa kanilang pananahimik at sa lubos na pagpapasakop. 12 Hindi ko sila pinapayagang magturo o sumabat habang ang mga lalaki ay nagtuturo, kundi dapat silang manahimik.”

Sa iglesya, ang Diyos ay nagtatalaga ng iba’t ibang tungkulin sa kalalakihan at kababaihan. Ito ay resulta sa paraan kung papaano nilikha ang sangkatauhan at sa paraan kung paano pumasok ang kasalanan sa sanlibutan (1 Timoteo 2:13-14). Kaya naman, ang Diyos sa pamamagitan ni apostol Pablo, ay nagbabawal sa mga kababaihan sa paglilingkod sa mga tungkulin ng pagtuturo at/o pagkakaroon ng espiritwal na awtoridad sa mga kalalakihan. Pinipigilan nito ang mga kababaihan na maglingkod bilang pastor sa mga kalalakihan, kasama dito ang pangangaral sa kanila, pagtuturo sa kanila sa publiko, at paggamit sa kanila ng espiritwal na awtoridad.

The Objections

Maraming pagtutol sa pananaw na ito ng mga kababaihan sa ministeryo ng pastoral. Narito ang ilan:

1. Ang isang karaniwan ay pinaghihigpitan daw ni Pablo ang mga kababaihan sa pagtuturo sapagkat noong unang siglo, ang mga kababaihan ay karaniwang walang edukasyon. Gayunman, ang 1 Timoteo 2: 11–14 ay wala ring nabanggit patungkol sa educational status. Kung ang edukasyon ay isang kwalipikasyon para sa ministeryo, kung gayon ang karamihan sa mga alagad ni Jesus ay hindi magiging kwalipikado.

2. Ang pangalawang karaniwang pagtutol ay ang pinaghigpitan o pinagbabawalan lamang daw ni Pablo ang mga kababaihan ng Efeso mula sa pagtuturo sa mga kalalakihan (Ang 1 Timoteo ay isinulat kay Timoteo, ang pastor ng iglesya ng Efeso). Ang Efeso ay kilala sa templo nito kay Artemis, at ang mga babae ang makikitang nasa awtoridad sa sangay ng paganism – samakatuwid, ang teorya nila na si Pablo ay tumutugon lamang sa mga kaugaliang pinamumunuan ng kababaihan ng mga sumasamba sa diyus-diyosan sa Efeso, at ang iglesya ay kailangang maging iba. Gayunpaman, ang aklat ng 1 Timoteo ay wala ring nabanggit patungkol kay Artemis, ni makikitang binanggit ni Pablo ang pamantayang pagsasanay ng mga sumasamba kay Artemis bilang isang dahilan para sa mga paghihigpit sa 1 Timoteo 2: 11–12.

3. Ang pangatlong pagtutol ay ang tinutukoy lamang daw ni Pablo dito ay ang husbands and wives, hindi mga kalalakihan at kababaihan sa pangkalahatan. Ang mga salitang Griyego para sa “woman” at “man” sa 1 Timoteo ay maaari daw tumutukoy sa husbands and wives; subalit, ang pangunahing kahulugan ng mga salitang iyon ay mas malawak kaysa doon. Dagdag dito, ang parehong mga salitang Griyego na iyon ay ginamit sa mga talata 8-10. Ang mga asawang lalake ba lamang ang manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa (talata
8)? Ang mga asawang babae ba lamang ang magbibihis ng maayos, pagkaroon ng mabubuting gawa, at sumamba sa Diyos (talata 9–10)? Syempre hindi. Ang mga talata 8-10 ay malinaw na tumutukoy sa lahat ng kalalakihan at kababaihan, hindi lamang ito patungkol sa husbands and wives. Wala sa konteksto sa 1 Timoteo 2:11-14 na direktang tumutukoy sa mag-asawang babae at lalake.

4. Isa pang pagtutol sa interpretasyong ito ng mga kababaihan sa ministeryo ng pastoral ay may kaugnayan sa mga kababaihang nakitang may posisyon sa pamumuno sa Bibliya, partikular na sina Miriam, Deborah, at Huldah sa Lumang Tipan. Totoo na ang mga kababaihang ito ay pinili ng Diyos para sa espesyal na paglilingkod sa Kanya at tumayo sila bilang mga modelo ng pananampalataya, tapang, at, oo, sa pamumuno. Gayunpaman, ang awtoridad ng mga kababaihan sa Lumang Tipan ay hindi nauugnay sa isyu ng mga pastor sa simbahan. Ang New Testament Epistles ay nagpapakita ng isang bagong modelo para sa bayan ng Diyos — ang iglesya, ang katawan ni Kristo - at ang modelo na iyon ay nagsasangkot ng isang istraktura ng awtoridad na natatangi sa iglesya, hindi para sa bansang Israel o anumang ibang bagay sa Lumang Tipan.

5. Isa pang katulad na argumento ay sa paggamit kay Priscilla at Phoebe sa Bagong Tipan. Sa Mga Gawa 18, sina Priscilla at Aquila ay ipinakita bilang tapat na mga ministro para kay Kristo. Ang pagkakabanggit kay Priscilla bilang una ay nagpapahiwatig na siya ay mas kilalang tao sa ministry kaysa sa kanyang asawang lalake. Itinuro ba ni Priscilla at ng kanyang asawa ang ebanghelyo ni Jesu-Kristo kay Apollos? Oo, sa kanilang bahay “
pinaliwanagan (nila) nang mabuti tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nalalaman tungkol sa Daan ng Diyos.” (Gawa 18:26). Sinasabi ba ng Bibliya na si Priscilla ay nangangalaga ng isang iglesya o nagturo sa publiko o naging spiritual leader ng isang kongregasyon ng mga mananampalataya? Wala. Ang malinaw na makikita natin na hindi nasangkot sa aktibidad ng minsteryo na taliwas sa 1 Timoteo 2:11-14 si Priscilla.

6. Sa Roma 16: 1, si Phoebe ay tinawag na isang
"deacon" (o "lingkod") sa simbahan at siya ay pinupuri ni Pablo. Ngunit, tulad ni Priscilla, wala sa Banal na Kasulatan na makikita na si Phoebe ay isang pastor o isang guro ng mga kalalakihan sa simbahan. Ang "able to teach" ay ibinibigay bilang isang kwalipikasyon para sa mga elder, ngunit hindi para sa mga deacon (1 Timoteo 3: 1–13; Tito 1: 6–9).

The Structure

Ang structure ng 1 Timoteo 2:11-14 ay ang dahilan kung bakit ang mga kababaihan ay hindi maaaring maging pastor na talaga namang napakalinaw. Nagsimula ang talata 13 sa “
sapagkat,” na nagbigay ng dahilan ng pahayag ni Pablo sa talata 11-12. Bakit hindi dapat magturo o magkaroon ng awtoridad ang mga kababaihan sa kalalakihan? Dahil “si Adan ang unang nilalang bago si Eva,  at hindi si Adan kundi si Eva ang nadaya at nagkasala.” (talata 13–14). Una na nilikha ng Diyos si Adan at pagkatapos ay nilikha si Eva upang maging isang "katuwang (helper)" para kay Adan. Ang pagkakasunud-sunod ng paglikha ay mayroong universal application sa pamilya (Efeso 5:22-33) at sa iglesya.

The Role of Women

Maraming mga kababaihan ang nangingibabaw sa mga kaloob ng pakikitunggo ng mabuti, kahabagan, pagtuturo, pag-e-ebanghelyo, at pagtulong/paglilingkod. Karamihan sa ministry sa lokal church ay nakasalalay sa mga kababaihan. Sa 1 Corinto 11:5 makikita na ang mga kababaihan ay hindi pinaghihigpitan sa pagdarasal sa publiko o pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Tanging sa pagkakaroon lamang ng awtoridad na magturo sa mga kalalakihan ang pinagbabawalan sa kanila. Hindi pinipigilan ng Bibliya ang mga kababaihan sa paggamit ng mga kaloob ng Banal na Espiritu (1 Corinto 12). Ang mga kababaihan, tulad ng kalalakihan, ay tinawag upang maglingkod sa iba, upang ipakita ang bunga ng Espiritu (Galacia 5: 22–23), at ipahayag ang ebanghelyo sa naliligaw (Mateo 28: 18–20; Gawa 1: 8; 1 Pedro 3:15).

Ang Diyos ay malinaw na nagtalaga na ang mga kalalakihan lamang ang dapat maglingkod sa mga posisyon ng espiritwal na awtoridad sa pagtuturo sa simbahan. Hindi dahil ang mga kalalakihan ay mas mahusay na guro o mga kababaihan ay mas mababa o hindi kasing talino ng mga lalake (hindi ganoon ang kaso). Ito ay simpleng paraan ng pagdisenyo ng Diyos sa iglesya upang mag function. Ang mga kalalakihan ay dapat magpakita ng halimbawa sa pamumuno sa espiritu — sa kanilang buhay at sa pamamagitan ng kanilang mga salita. Hinihimok ang mga kababaihan na magturo sa ibang mga kababaihan (Tito 2: 3–5). Hindi rin pinaghihigpitan ng Bibliya ang mga kababaihan sa pagtuturo sa mga bata. Ang tanging aktibidad na pinaghihigpitan sa mga kababaihan ay ang pagtuturo o pagkakaroon ng espiritwal na awtoridad sa mga kalalakihan. Pinipigilan nito ang mga kababaihan na maglingkod bilang pastor sa mga kalalakihan. Hindi nito ginagawang hindi gaanong mahalaga ang mga kababaihan, sa anumang paraan, ngunit higit na binibigyan sila ng isang ministeryo na higit na tumutugma sa kasunduan ng plano ng Diyos at ng Kanyang pagkakaloob sa kanila.

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...