Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Evangelism. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Evangelism. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Hunyo 24, 2022

Paano mapapatawad ng Diyos ang lahat ng iyong mga kasalanan?













Tanong:
Paano mapapatawad ng Diyos ang lahat ng iyong mga kasalanan?

Sagot:

            
Sinasabi sa aklat ng Mga Gawa 13:38, “Dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Hesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na tayo'y patatawarin ng Diyos sa ating mga kasalanan.”

            
Ano ba ang kapatawaran at bakit natin ito kailangan? Ang salitang “pagpapatawad” ay maihahambing sa paglilinis sa ating nakaraan. Kapag nakagawa tayo ng kasalanan sa ating kapwa, humihingi tayo ng tawad upang manumbalik ang ating dating magandang relasyon. Ang kapatawaran ay ipinagkakaloob natin sa isang tao hindi dahil karapat-dapat siyang patawarin kundi dahil ito ay pagpapakita natin ng ating pag-ibig, awa at biyaya sa kanya. Ito ay isang desisyon upang mawala ang ating sama ng loob sa ating kapwa sa kabila ng ginawa niya sa atin.

            
Sinasabi ng Biblia na lahat tayo ay nangangailangan ng pagpapatawad ng Diyos. Tayong lahat ay nagkasala. Ayon sa Mangangaral 7:20, “Walang taong nabubuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkasala.” Sinasabi rin sa 1 Juan 1:8, “Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan.” Ang kasalanan ay pagrerebelde sa Diyos, (Mga Awit 51:4). Dahil dito, mahalagang makamtan natin ang kapatawarang galing sa Diyos. Kapag hindi natin nakamtan ang kapatawaran para sa ating mga kasalanan, walang katapusan tayong magdadanas ng kaparusahan ng Diyos sa apoy ng impiyerno dahil sa ating mga kasalanan (Mateo 25:45; Juan 3:36).

Paano ko makakamtan ang kapatawaran?

            
Ang ating Diyos ay mapagmahal at mahabagin. Handa niya tayong patawarin sa ating mga kasalanan. Sinasabi sa 2 Pedro 3:9, “Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo'y binibigyan lamang Niya ng pagkakataon ang lahat na manumbalik sa Kanya, sapagkat ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Nais ng Diyos na patawarin tayo kaya gumawa Siya ng paraan upang atin itong makamtan.

            
Ang karapat-dapat na kabayaran para sa ating mga kasalanan ay kamatayan. Sinasabi sa unang bahagi ng Roma 6:23, “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” Walang hanggang kamatayan ang naging bunga ng ating mga kasalanan. Ayon sa plano ng Diyos, ang Diyos ay naging tao - si Hesu Kristo (Juan 1:1, 14). Doon sa krus namatay si Hesus sapagkat binayaran Niya ang parusa na tayo ang dapat na tumanggap dahil sa ating mga kasalanan at pagsalangsang sa Diyos. Sinasabi sa 2 Corinto 5:21, “Kailanma'y hindi nagkasala si Kristo, ngunit alang-alang sa atin ay itinuring Siyang makasalanan upang maituring tayong matuwid ng Diyos sa pamamagitan Niya.” Ang kamatayan ni Hesus ang Siyang naging daan upang mapatawad ang kasalanan ng mga tao sa mundo. Sinasabi sa 1 Juan 2:2, “Siya mismo ang ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng ating mga kasalanan kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo.” Muling nabuhay si Hesus mula sa mga patay at ito ay isang katibayan na napagtagumpayan Niya ang kasalanan at kamatayan (1 Corinto 15:1-28). Purihin ang Diyos dahil sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay na mag-uli, dahil dito, ang ikalawang bahagi ng Roma 6:23 ay nagkatotoo, “ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.”

            
Gusto mo bang mapatawad ng Diyos ang lahat ng iyong mga kasalanan? Inuusig ka ba ng iyong konsensiya dahil sa iyong mga nagawang pagkakasala? Ang kapatawaran ay maaangkin mo kung mananampalataya ka kay Hesu Kristo bilang iyong tagapagligtas. Sinasabi sa Efeso 1:7, “Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo ay tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang ating mga kasalanan. Ginawa niya ito ayon sa kadakilaan ng kanyang biyaya na ipinagkaloob sa atin.” Binayaran ni Hesus ang ating mga pagkakasala tayo ay mapatawad ng Diyos. Ang kailangan mong gawin ay hilingin sa Diyos na patawarin ka dahil sa nananampalataya ka na namatay si Hesus sa krus upang ikaw ay mapatawad ng Diyos. Kahanga-hanga ang mensahe ng Juan 3:16-17 na nagsasabi ng ganito, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya.”

Ganito ba kadali ang kapatawaran?

            
Oo, ganito kadali para sa atin dahil naging napakahirap para sa Panginoong Hesu Kristo. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at sakit upang hindi na tayo hatulan ng Diyos kung ilalagak natin ang ating pagtitiwala sa Kanya. Hindi mo maaaring bilhin sa Diyos ang iyong kapatawaran. Sumampalataya ka at matatanggap mo ito sa dahil lamang sa habag at biyaya Diyos. Kaya kung nais mong ilagak kay Hesu Kristo ang iyong pagtitiwala bilang iyong Tagapagligtas upang makamtan ang kapatawaran mula sa Diyos, narito ang isang modelong panalangin na maaari mong sabihin sa Diyos ng iyong buong puso. Tandaan mo lamang na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu.

“O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa Iyo at nararapat lamang na ako ay Iyong parusahan. Salamat na inako ni Hesus ang aking mga kasalanan at tiniis ang parusang dapat na ako ang magdanas upang ako’y Iyong mapatawad. Tinatalikuran ko ang lahat ng aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat po sa buhay na walang hanggan. Amen.”

    Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, minumungkahi kong higit mo pang kilalanin si Jesus sa site na ito.

(Mula sa gotquestion.org)

Huwebes, Hunyo 16, 2022

Wholistic Ministry (Lesson 6) - "Anu-ano ang ilang Pangangailangan na Tayo ay Makakatulong Mapunuan?"

Anu-ano ang ilang Pangangailangan na Tayo ay Makatutulong Mapunuan?



Wholistic Ministry

Pangunahing mga Layunin

1. Malaman at makilala ang mga mapagkukunang yaman na
 naroon na sa komunidad.

2. Maka-isip ng mga praktikal na paraan na makatulong sa
 komunidad gamit ang              mga naririyan na, na mga yaman ng komunidad.

3. Mabuksan ang mga mata ng mga mag-aaral sa mga 
problemang kinakaharap ng komunidad.

Panimula

Ang kwento tungkol kay Pastor Wong

Minsan nagkaroon ng isang pastor ang isang maliit na simbahan sa isang mahirap na baryo sa loob ng isang malaking bayan. Ang kanyang pangalan ay Wong. Kalilipat pa lamang niya sa komunidad dahil kanyang naramdaman na nais ng Diyos na mapunta s’ya roon. Ang simbahan ay maliit lamang – mga 40 ang dumadalo. Karamihan sa kanila ay mga babae at mga bata. Si Wong ay may dalawang trabaho. Siya ay nagtatrabaho 
upang kanyang mapunuan ang pangangailangan ng kanyang asawa at dalawang maliliit na mga bata, at kanyang ginagawa ang kanyang pinakamahusay upang kanyang mapastolan ang kanyang mga miyembro.

Isang araw, gaya ng kanyang nakasanayan, gumigising s’ya isang oras bago magbukangliwayway upang magkaroon ng panahon upang makaniig ang Diyos sa panalangin. Siya’y bumangon, nagbihis, at nagtungo sa sala ng kanilang bahay na may isang silid lamang at tanging kurtina lamang ang naghihiwalay sa silid na ang kanyang asawa at dalawang anak ay patuloy na natutulog. Kanyang sinindihan ang isang maliit na lampara at nagsimulang magbasa ng kanyang bibliya. Nang araw na iyon, s’ya ay nagbabasa mula sa aklat ni Propeta Isaias, kapitulo 58, at kanyang narinig ang pagtangis ng Diyos sa uri ng pagsamba na Kanyang ninanais:

“Ganitong pag-aayuno ang gusto Kong gawin ninyo: Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo; kalagin ninyo ang mga tanikala ng inyong mga inalipin. Palayain ninyo ang mga inaapi, at baliin ang mga pamatok ng mga alipin. Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At ang mga nangangailanagang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait…”
(vv. 6-7, MBB)

Hindi na maituloy ni Wong ang kanyang pagbabasa. Ang kanyang puso ay nakikipaglaban na sa kanyang pagiisip. Nabasag ang kanyang puso na nagsasabing, “Paano labis na maaaruga ng Diyos ang mga mahihirap na ngayon ay nakikita ni Wong na s’ya mismo ay nasa gitna ng labis na kahirapan at pagdurusa?” Kanyang nababatid paano nagbabata ang mga tao sa kanyang lugar mabuhay lamang. Sila ay lubos na naaapi. Kahit na 
s’ya ay may kakarampot lamang upang mapakain ang kanyang pamilya at madalas ay hindi sila makabili ng mga kinakailangang mga gamot. Kanyang naisip, “Nasaan ang Diyos? Paano makatutulong ang mga talatang ito sa kanilang kalalagayan sa Las Pavas?”

Habang s’ya’y nakikipagbuno sa mga kaisipang ito, mayroong kumatok ng mahina sa kanilang pintuan. “Napaka-aga nitong kumakatok, sino kaya ito?” Inisip ni Wong. Siya’y nagtungo sa pintuan. “Sino po sila?” Ang boses sa kabilang bahagi ng pintuan ay nagsabi, “Ako si Jesus, Wong.” “Sino?” tanong ni Wong. “Ako si Jesus, Wong,” tugon ng boses. “Sino ka ba talaga?” tanung muli ni Wong. Ang boses ay tumugon, “Wong, ako si Jesus. Naparito ako sapagkat Aking narinig ang iyak ng iyong puso. Nais Kong ipabatid mo sa Akin ang gumugulo sa iyong puso’t isipan.”

Dalisay ang tinig ng boses. Maingat na inalis ni Wong ang sabat ng pintuan at kanyang binuksan ito. Madilim pa ng oras na iyon at tanging mukhang anino lamang ang kanyang nakikita, ngunit mukha itong tulad ng kanyang iniisip na ito’y si Jesus. “Pasok po Kayo, Panginoon,” wika ni Wong. “Hindi Wong, ang nais Ko’y dalhin mo ako sa iyong komunidad at ipakita mo sa akin kung ano yung bumabasag ng iyong puso’t damdamin.” Gulat pa rin siya, ngunit sumang-ayon si Wong, habang siya ay nagbigay naman ng isang babala, “Dahan-dahan lamang po tayong maglalakad—madalas ang malakas na ulan, maraming basurang nagkalat, dahil kakaunti lamang ang palikuran dito sa amin.”

Habang sila’y naglalakad sa lansangan ng baryo, sinabi ni Wong ang mga kwento tungkol sa mga pamilya na nakatira sa mga bahay na kanilang nadadaanan. Sa bahay po na iyan ay may isang ginang na ibinibenta niya ang kanyang sarili mapakain n’ya lamang ang kanyang mga anak. Dyan po sa susunod na maliit na bahay na yan, ang ama ng tahanan ay isang lasenggo at kanyang binubugbog ang kanyang asawa’t mga anak kapag nakaka-inom na s’ya—at madalas itong nangyayari. Doon naman po nakatira ang presidente ng lugar, isang masama at nanghihingi ng suhol sa mga tao. Kanyang hinihingan ng pera ang mga tao kapalit daw ng 
pagkakaroon ng kuryenta para sa komunidad—ngunit ito’y kanyang ipinang-iinom at ipinapatalo sa sugal lamang.

May nadaanan silang isang bakanteng lote doon sa lugar, at kanyang sinabi, “Dapat po ay isang lugar yan para sa komunidad, pero tingnan N’yo po, punong-puno ng mababahong basura at mga dagang malalaki. “Nakikita N’yo po ang bahay na yun?” tanong ni Wong, habang kanyang itinuturo ang bahay sa gilid ng bundok. “Isang ina na may apat na anak ang nakatira doon. Ang kanilang bubong ay sobrang butas-butas na. Napakahirap po 
nila. Sobrang konti ng kanilang nakakain at wala pang masuot na damit, at lagi na lang silang may sakit.” Sa panahong iyon ay nasa dulo na sila ng bundok kung saan matatagpuan ang Las Pavas. Itinuro ni Wong ang isang lugar sa may kalayuan. “Doon po sa malayong ibaba na iyon—doon pa po kumukuha ng tubig ang mga babae at mga bata. Wala pong mapagkukunang tubig dito sa Las Pavas.”

Nang papaliko na si Wong sa kanto, kanyang narinig ang isang mahinang pag-iyak. Kanyang tiningnan kung saan naggagaling ang iyak. Si Jesus—si Jesus ay umiiyak! Nakita ni Wong na ang parehong mga bagay na bumasag ng kanyang puso ay siya ring bumasag sa puso ni Jesus. Nagsimulang magsalita si Wong, ngunit inabot ni Jesus si Wong at Kanyang inakbayan, tinitigan N’ya si Wong, at nagsabi, “Wong, Nais Kong iyong ipakita sa Las Pavas ang aking intensyon para sa kanila.”

Bigla na lang, natagpuan ni Wong ang kanyang sarili na tumitingin pababa sa bayan ng Las Pavas. Si Jesus ay
  nagsimulang mangusap sa kanya, at nakikita ni Wong ang inilalarawan ni Jesus sa kanya—habang ito’y nangyayari! Nangusap si Jesus sa mga tao sa loob ng Simbahang sinimulan ni Wong—na kahit mahirap lamang sila—dapat nilang binabahagi kung ano ang meron sila sa mga mas mahihihirap pa sa kanila. Araw-araw, sila’y nagtatabi ng bigas sa isang sisidlang lata. Sa loob ng isang linggo, ang bawat isa sa kanila ay may sisidlang lata na puno na ng bigas na kanilang dinadala sa simbahan upang ibahagi sa ibang mas mahirap sa kanila at ginagawa nila ito sa pangalan ni Jesus. Ganito rin ang kanilang ginawa upang makaipon ng sabon. Ang Iglesia ay bumisita sa mga bahay ng balo sa komunidad at kanilang “inampon” sila—tinulungan nila silang maglaba, magluto, at mag-alaga ng kanilang mga anak kapag sila ay may sakit.

Si Jesus ay nagsalita patungkol sa pagtatrabaho, at nakikita ni Wong na ang mga tao ay may pinapasukan ng mga trabaho. Hindi nga lang trabahong may matataas na sweldo, ngunit mga trabahong may dignidad at may kitang sapat upang matustusan ang mga pangunahing mga pangangailan. Si Jesus ay nangusap tungkol sa pabahay, at nakita ni Wong na ang mga barong-barong madaling pasukin ng hangin at ulan ay naging maayosna na mga bahay. Hindi nga magagara, ngunit mga ligtas at malinis na mga kabahayan. Si Jesus ay nangusap tungkol sa tubig, at bigla-biglang nagkaroon ng pozo na kung saan ay nakakakuha ng malinis na tubig ang mga babae at mga bata. Si Jesus ay nagturo din tungkol sa kalinisan, at nakikita na ni Wong na mayroon na silang palikuran—hindi isa para sa bawat bahay, kundi sapat para magamit ng bawat isang naroroon. At ang mga tambak ng basura sa gitna ng kanilang komunidad ay nalinis na at naalis na rin. Sa halip ay mayroon ng mga maliliit na mga puno, at ang mga bata ay masayang nagtatawanan at naglalaro ng bola doon. Si Jesus ay 
nagsalita rin patungkol sa pagbabago ng buhay, at nakikita ni Wong na ang mga babaeng dating nagbebenta ng kanilang mga katawan ay nakakasuporta na ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kagalang-galang na hanap-buhay. Ang mga asawang lalaki na dating mga lasenggo ay mga mapagmahal na sa kanilang mga asawa’t mga anak. Ang presidenteng patronato ay matapat ng naglilingkod para sa komunidada sa pamamagitan ng kanyang pagtulong sa mga ito.

Pagkatapos nito ay sinabi pa ni Jesus, “Wong, tingnan mo ang iglesia!” Tiningnan ito ni Wong. Ito ay puno ng mga tao. May mga lalaki na naroroon! Ang mga tao ay masasaya. Kanilang pinupuri ang Diyos dahil sa kanyang kabutihan. Si Wong ay naroroon din, s’ya’y nangangaral, nagtuturo, at pinangungunahan ang mga tao 
sa pamamagitan ng Espiritu at sa pagpapamalas ng kanilang pag-ibig sa iba ayon sa kanilang pagsunod sa Diyos. Ipinaliwanag ni Jesus, “Wong, ang pangitaing ito ay hindi matutupad ng buong-buo hanggang sa aking pagbabalik, ngunit ito ang aking layunin at naisin para sa Las Pavas. Nais kong ibahagi mo ang pangitaing ito at pasimulan mong pangunahan ang mga tao sa Las Pavas sa pagtupad nito.”

Si Wong ay nagsimulang tumutol sa Diyos, “Panginoon, labis po silang mahihirap lamang!” “Wong,” tahimik na tanong ni Jesus, “Sino ang nanguna sa bayan ng Israel upang makatawid sa Pulang Dagat? Sino ang nagparami ng tinapay at isda upang mapakain ang limang libong mga lalaki, dagdag pa ang mga kababaihan at mga bata? Sino ang nagpanatili ng langis at arina ng balo sa Zarepat na hindi naubos ang mga ito upang makakain ang kanyang pamilya sa loob ng tatlong taon na taggutom? Sino ang pumayapa sa bagyo sa Lawa ng Galilea?” “Ikaw po, Panginoon,” sagot ni Wong. “Kaya, Wong, maging masunurin ka sa aking hinihiling sa iyo na gawin. Ibahagi mo kung ano ang meron ka, kahit na ito’y maliit o konti lamang. Ipahayag mo ang aking mabuting intensyon para sa iyong mga tao—ang aking magandang layunin para sa kanilang espiritwalidad at pisikal na 
kalalagayan. At aking pagagalingin ang inyong lupain!”

Narinig ni Wong ang tilaok ng manok. Ang kanyang misis ay inubo at umikot sa kabilang bahagi ng kanyang pagkakatulog. Siya ay naka-upo pa rin sa lamesa, ngunit namatay na ang kanyang lampara. Nagsisimula na ring lumiwanag. Hinanap ni Wong ang Panginoon sa kanyang paglingon-lingon, ngunit hindi niya Siya nakita. Siya’y napa-isip, “Panaginip ba itong lahat. Isa ba itong pangitain mula sa Diyos?” Hindi n’ya ito alam, ngunit 
ang kanyang tanging nalalaman ay kinatagpo siya ni Jesus at ngayon ay may bago na s’yang pagka-unawa tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga mahihirap …at panibagong pangitain kung paano niya gagabayan ang mga tao sa kanyang simbahan upang ipamalas sa iba ang pag-ibig ng Diyos para sa Las Pavas

Pag-usapan:
1. Anu-ano ang ilan sa mga problema na matatagpuan sa komunidad ni Pastor Wong? Hatiin at itala ang mga problemang ito sa ilalim ng apat na mga bahagi ng buhay: Espiritwal, sosyal, pisikal, at kaisipan.

2. Anu-ano ang mga intensyon ng Diyos para sa komunidad na ito? Pag-usapan ang bawat isang problema at alamin kung ano ang ipinakita ni Jesus na solusyon sa mga ito.

3. Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Pastor Wong na
 kaniyang dapat gawin?    

“Case Study:” Sina Long at Mai

Ang bahay nila Long at Mai ay nasunog; walang kahit anong bagay ang natira sa kanila. Kahapon, sila—kasama ng kanilang limang anak ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak. Ganun pa man, mayroon nang 10 taong nakatira doon sa maliit na bahay na ito, kaya halos wala nang lugar para sa 7 pang miyembro ng 
kaniyang pamilya. Si Long ay isang magsasaka at tapos na niyang taniman ang kanyang maliit na lupain, ngunit, tatlong buwan pa s’yang maghihintay para kanyang maani ito. Kanyang iginugol ang lahat ng kanyang pera sa pagbili ng mga binhi para sa kanyang lupain at ang lahat na ng kanyang pagmamay-ari ay natupok ng apoy.

Anu-ano ang ilan sa pangangailangan ng pamilyang ito?
1. Pagkain
2. Matitirhan
3. Damit
4. Gamit pangluto
5. Lugar matutulugan habang ang kanilang bahay ay muling magawa

Anu-ano ang ilang mga bagay na mayroon na sa komunidad na makatutulong sa kanila?
1. Tao
a. Mga tao na makatutulong sa paggawa ng bagong bahay
b. Mga tao na makatutulong sa paghahanda ng makakain ng mga magboboluntaryo na gagawa ng bahay
c. Mga tao na makatutulong sa pangangalaga ng mga bata
d. Mga tao na makapagbabahagi ng kaaliwan at suporta para sa pamilya
e. Mga tao na makatutulong malinisan ang lupa na kinatatayuan ng nasunog na bahay
f. Opisyal ng pamahalaan na makapagbibigay ng agarang supporta o “emergency support” sa ingles.

2. Materyales
a. Sobrang gamit panluto
b. Pagkain
c. Damit
d. Gamit pang-tulog, tulad ng kumot, unan, at iba pa.

3. Pasilidad
a. Lugar na pansamantalang matutuluyan ng pamilya

Ang Ating Komunidad

Maghiwahiwalay sa maliliit na mga grupo at sagutin ang mga sumusunod na mga tanong. Kung kakayanin, himukin ang grupo na maglakad sa komunidad na nananalangin sa loob ng 10-20 minuto upang ipaalala sa bawat isa ang ilan sa pangunahing mga problema sa inyong komunidad.

1. Anu-ano ang ilan sa mga problema ng inyong komunidad?
2. Ano sa inyong palagay ang mga intensyon ng Diyos para sa sitwasyong iyon ng iyong komunidad? 

Ano ang hinihiling ng Diyos na gawin ng iyong iglesia? Ilista ang tatlong problema na iyong napili at para sa bawat isa ay iyong pag-isipan kung anu-ano na ang mga mayroon kayo sa inyong komunidad na magagamit upang malutas ang mga nalamang problema


Martes, Hunyo 7, 2022

Wholistic Ministry (Lesson 5) - "Ang Diyos ay Nagnanais na ang Iglesya ay Makibahagi"

Ang Diyos ay Nagnanais na ang Iglesya ay Makibahagi 

Wholistic Ministry

Pangunahing mga Layunin

1. Maunawaan ang Pagkakatawag ng Diyos sa atin na 
makapaglingkod sa mga tao sa pamamagitan ng ating mga paggawa at gayun din naman sa ating pananalita.

2. Maunawaan na ang mga tao sa komunidad ay magiging 
malapit sa ating iglesia kung ang pagmamahal natin sa kanila ay kanilang nararamdaman bunga ng ating mga ginagawa.

3. Makila kung paano ang iyong sariling Iglesia ay
 makapagsimulang maipamalas, maipadama, at maipakita sa mga tao ang pag-ibig ng Diyos.

Panimula

            
Kung papansinin natin sa mga Iglesya ngayon, karamihan sa mga gawain dito ay nakatuon para sa mga mananampalataya na at kakaunti ang gawain na nakatuon para sa mga mahihirap at nangangailangan. Ang gawain ng marami ay para sa mga dumadalo na sa iglesya at kakaunti lang ang gawain para sa mga hindi pa dumadalo sa iglesya. Sa bagay na ito subukin mong sagutin ang tanong na ito batay sa iglesya kung saan ka ngayon dumadalo:

1. Ano ang iniisip ng mga tao sa komunidad tungkol sa iglesia?
2. Ano ang iniisip ng mga tao sa komunidad patungkol sa ginagawa ng iglesia?
3. Ano ang iniisip ng mga tao sa komunidad tungkol sa mga Kristiano?
4. Ang mga tao ba sa komunidad ay nagnanais na dumalo sa inyong Iglesia o kailangan mong lapitan sila at imbitahan upang dumalo?
5. Ano sa iyong palagay ang magiging damdamin ng mga tao sa komunidad kung ang inyong Iglesia ay mawawala roon sa inyong lugar?
6. Sa iyo bang palagay ay magagalak ang Diyos tungkol dito?

            
Sa pag-aaral natin ngayon ay tignan natin kung papaano ba magagalak ang Diyos sa ating iglesya.

I. Ang Tunay na Pagsamba

Isaias 58:1-10
1 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas; itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta. Ang kasalanan ng bayan Ko sa kanila'y ihayag. 2 Sinasangguni nila Ako sa araw-araw, tinatanong nila Ako kung paano sila mamumuhay. Kung kumilos sila ay parang matuwid, at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos. Humihingi sila sa Akin ng matuwid na pasya; nais nila'y maging malapit sa Diyos.”

3 Tanong ng mga tao, “Bakit hindi Mo pansin ang pag-aayuno namin? Bakit walang halaga sa Iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”

Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno, at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa. 4 Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan, kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon, kaya tiyak na hindi Ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa Akin. 5 Ganyan ba ang pag-aayunong Aking kaluluguran? Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao? Hinihiling Ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin, o mahiga kayo sa sako at abo? Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan, isang araw na nakalulugod kay Yahweh?

6 “Ganitong pag-aayuno ang gusto Kong gawin ninyo: Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo; kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin. Palayain ninyo ang mga inaapi, at baliin ang mga pamatok ng mga alipin. 7 Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait. 8 Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway, hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan. Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa, at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh. 
9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin Niya, ‘Naririto Ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling; 10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulungan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.”

            
Sa talatang ito nakita natin kung papaano sinamba ng mga Israelita ang Diyos – sa pamamagitan ng kanilang pag-aayuno. Akala nila ay malulugod ang Diyos sa kanilang ginagawa ngunit nakita natin na hindi nakapagbigay ng kaluguran sa Kanya kaya hindi Niya sila pinapakinggan sa kanilang mga panalangin at pag-aayuno. Ito ay dahil hindi nakikita sa kanila ang pagmamahal nila sa ibang mga tao na makikita sa pamamagitan ng pagiging makatarungan, pag-aalaga at pagbibigay ng pangangailangan ng mga nangangailangang mga tao.

II. Ang Asin at Liwanag

A. Ang Asin
Mateo 5:13
“Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananatili ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, kaya’t itatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.”

            
Maraming gamit ang asin. Ano ang ilang mga gamit nito? Ginagamit ang asin para mapriserba ang pagkain at hindi masira. Tulad ng asin tayo ay may tungkulin na mapriserba ang kabutihan sa mundong ito, sa lugar kung saan tayo nilagay ng Diyos. Isipin mo nalang kung wala ang mga Kristiyano sa mundong ito. Gaano nalang magiging tuluyang sira ang mundong ito. Ngunit dahil merong mga tapat na Kristiyano na nilagay ng Diyos sa mundong ito ang kabutihan ay nananatili kung saan sila naroroon. Nawawala ang lasa ng ating pagiging asin kung titigil tayo sa pamumuhay na ayon sa nais ng Diyos sa ating buhay.

B. Ang Liwanag
Mateo 5:14-16
“14 Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. 15 Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilallim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”

            
Dito makikita natin na hindi lang sa asin inilarawan ni Jesus ang mga mananampalataya, nilarawan din ito bilang ilaw ng sanlibutang ito. Paano ba tayo labis na magliliwanag? Sa pamamagitan ng pamumuhay na tulad ni Jesus na nakikita sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

Merong dalawang kwento dito sa pagiging asin at liwanag:

Kwento # 1 – “Saris” para sa mga Mahihirap

            
Itinuturing ng mga miyembro ng iglesiang ito na sila’y minoryang relihiyon na inaapi. Sila’y nangangambang maglingkod sa labas ng kanilang Kristianong komunidad. Pagkatapos nilang matutunan na dapat pala nilang ipamalas ang buong pag-ibig ni Cristo sa buong komunidad, hinimuk ng kanilang pastor ang mga kababaihan ng Iglesia na kanilang alamin at imbestigahan sa mga susunod na linggo kung anu-ano ang pangangailangan sa komunidad.

            
Makalipas ang sumunod na linggo, ang mga kababaihan ay nag-ulat na kanilang nalaman na may labingdalawang kababaihang Hindu na mayroon lamang tig-iisang “sari” (o damit ng Hindu). Kapag mainit ang klima, ang “sari” ay kinakailangan labhan araw-araw. At kung ang isang babae ay may iisa lamang na “sari,” ibig sabihin nito ay mananatili s’ya sa loob ng bahay hanggang matuyo ang kanyang nilabhan at ibinilad na “sari.” Ang pastor ay nagtanong sa mga kababaihan ng Iglesia kung sino sa kanila ang may tatlong “sari” at handang magbigay ng isa para doon sa labingdalawang kababaihang Hindu na iisa lamang ang “sari.” Sapat na bilang ng mga kababaihan ang nagboluntaryong punuan ang naiulat na pangangailangan ng mga “sari.” Nang sumunod na linggo, binisita ng mga kababaihan ang tahanan ng mga Hindung babae na iisa lamang ang “sari,” at kanilang ibinigay sa kanila ang kanilang magiging ikalawang sari. Ang mga babaeng Hindu ay labis na namangha sa kanilang ginawa kaya naman inimbitahan silang manalangin ng mga Hindung kababaihan. Ang ilang mga buntis na Hindu ay humiling din sa mga babaeng kristiano na ipanalangin ang kanilang mga ipinagbubuntis.

Kwento # 2 – Tubig para sa Komunidad

            
May isang lugar na ang mga tao ay nakakaranas ng labis na kakulangan sa tubig. Pagkatapos matutunan ang tungkol sa ibig ng Diyos para sa Iglesia na abutin ang kanilang komunidad, ang liderato ng Iglesia ay nagpasyang pag-aralan ng masusi ang kanilang maaaring magawa upang matugunan ang pangangailangan ng tubig. Nakahanap sila ng maaaring upahang kagamitan na makakahukay ng isang balon na hindi nangangailangan ng makinarya. Nang una, ang mga tao ay tumanggi sa ideya—kanilang inisip na ang tubig ay higit na may kalaliman. Wika nila, “Kung ang paghuhukay gamit ang mga kamay at simpleng kagamitan ay posible, sana ay noon pa nila ito ginawa at para makahukay ng tubig?

            
Ganun pa man, ang liderato ng iglesia ay nagpasyang subukan ang ideyang maghukay gamit ang inupahang kagamitan. Kanilang inupahan ang uno-sa-unong metrong napaghihiwalay at nabubuong bakal na silindro at “winch.” Kanilang dinala ito sa kanilang komunidad at nagsimulang maghukay ng tubig sa likod na bahagi ng lupa ng kanilang iglesia. Nang makatagpo ng tubig sa lalim na apat na putlimang talampakan, ang bawat isa ay masiglang nagdiwang.

            
Ang mga hindi kasapi ng iglesia, ganun pa man, ay hindi nasiyahan sa nangyari. Kanilang inisip na ang mga miyembro lamang nito ang makikinabang sa tubig na nahukay. Ngunit laking gulat nila nang, inimbitahan ng Iglesia ang buong komunidad upang makibahagi sa pagpapala ng kanilang matagumpay na paghuhukay ng balon. Hindi nagtagal, ang mga representante sa mga kalapit na komunidad ay nagsimulang dumulog sa liderato ng simbahan upang humiling sa kanila na maghukay din ng balon sa kani-kanilang komunidad. Ang Iglesia naman ay positibong tumugon sa kanilang kahilingan. Sa loob ng ilang buwan at isang taon, labinglimang balon ang kanilang nahukay gamit lamang ang kanilang mga kamay at ang kagamitan na kanilang inupahan.

            
Dahil nagpakita ang Iglesia ng pag-ibig ng Diyos sa kanilang komunidad sa ganitong paraan, ang mga tao ay labis na humanga sa Iglesia kaya naman nang imbitahan ng Iglesia ang komunidad sa kanilang simbahan upang makinig ng mensahe tungkol sa pag-ibig ng Diyos, ang kanilang simbahan ay napuno ng mga tao. Mausisang inalam ng mga tao kung paano makilala ang Diyos at ang mga taong gumawa ng paraan upang sila’y magkaroon ng tubig.

Talakayin natin ang mga tanong na ito:

·        
Ano ang ginawa ng mga iglesiang ito?
·         Sila ba’y mayayamang mga iglesia?
·         Ano-ano ang pinagmulan ng kanilang mga ginamit?
·         Bakit nila ginawa ang mga ito?
·         Ano ang naging kabuluhan o dating ng kanilang mga ginawa sa komunidad?

III. Ang mga Tupa at mga Kambing

Mateo 25:31-46
“31 Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa Kanyang maringal na trono. 32 Sa panahong iyon, matitipon sa harapan Niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin Niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa, at mga kambing. 33 Ilalagay Niya sa Kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. 34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama! Pumaok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. 35 Sapagkat Ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan,nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilango at inyong pinuntahan.’ 37 Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kalian po naming Kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan 39 At kailan po naming Kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw? 40 Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi Ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ito ay sa Akin ninyo ginawa.’ 41 “At sasabihin naman Niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa Diablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat Ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. 43 Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; Ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ 44 At sasagot din sila, ‘Panginoon, kalian po naming Kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi naming Kayo pinaglingkuran? 45 At sasabihin sa kanila ng Hari, “Sinasabi Ko sa inyo: nang pinagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, Ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggang, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

            
Dito pinakita ni Jesus ang pinagkaiba ng tupa sa mga kambing. Ang mga tupa ay ang mga taong ligtas at makakapasok sa lugar na kapiling ang Diyos magpakailanman. Ang mga kambing naman ay ang mga taong makakasama ng diablo sa lugar na inihanda para sa kanila – ang lugar ng paghihirap sa impyerno.

            
Makikita din natin dito ang ilang mga ginawa ng mga tupa. Ang kanilang mga ginawa ay hindi mga ispirituwal na bagay kundi pisikal na mga bagay. Hindi sinabi ni Jesus, “Ako’y nauhaw at binigyan mo Ako ng ispiritwal na babasahin” o “Ako’y naospital at ikaw ay nagpadala ng mapakikinggan Ko na mga mensahe.” Ang mga ito’y mga pisikal na kapunuan sa pisikal na mga pangangailangan. Kaya ang tanong ay gaano ginagawa ng ating iglesya ang mga bagay na binaggit na ito ng ating Panginoong Jesus?

            
Ano kaya ang magiging epekto sa komunidad kung ang lahat ng miyembro ng iyong Iglesia ay gumagawa ng ganitong mga bagay? Narito ang ilang maaaring mangyari kung gagawin natin ito:

·        
Ang mga tao ay magkakaroon ng positibong impresyon tungkol sa Iglesia.
·         Ang kanilang pamumuhay ay mapapabuti
·         Ang mga tao ay magiging higit na bukas sa pag-aaral tungkol sa Diyos

Paglalapat:

            Punan ang tsart sa ibaba. Mag-isip ng ilang mga ideya paano ang iyong Iglesia ay makatutulong sa mga sumusunod na mga bagay o pangagailangan.

Pangangailangan

Mga pamamaraan na ang Iglesya ay makatutulong

Gutom

 

Uhaw

 

Hubad

 

Matitirhan

 

Karamdaman

 

Nakabilanggo

 

 

Miyerkules, Hunyo 1, 2022

Wholistic Ministry (Lesson 4) - "Lucas 2:52"

Lucas 2:52 

Wholistic Ministry

Pangunahing mga Layunin

1. Maunawaan na dapat tayong lumago sa apat na bahagi ng 
buhay—ang pisikal, ang espiritwal, ang sosyal, at ang pag-iisip.

2. Mapagtanto na hindi natin kailangang maging mayaman muna 
upang maisakatuparan ang ibig ng Diyos na ating gawin.

3. Mapag-isipan paano tutulungan ang iba na lumago rin sa apat
 na bahaging ito ng buhay.

4. PAGLALAPAT – Gumawa ng plano paano matutulungan ang  sarili, ang kaniyang komunidad, ang isang tao mula sa loob ng Iglesia, na lumago sa isa sa apat na bahagi ng buhay.

Panimula

            
Sa palagay nyo ano-anong bahagi ng buhay kailangan ng isang batang edad 0 hanggang 18 na lumago? Para magkaroon tayo ng idea kung ano ang bahagi ng buhay ang dapat lumago na kailangan natin basahin natin ang Lucas 2:52

Lucas 2:52
“Patuloy na lumaki si Jesus. Umunlad ang Kanyang karunungan at lalong kinalugdan [si Jesus] ng Diyos at ng mga tao”

I. Ang paglago ni Jesus

Si Jesus ay nakita nating lumago dito sa apat na paraan:

·         Karunungan
·         Lumaki
·         Kinalugdan ng Diyos
·         Kinalugdan ng Tao

Ang mga karaniwang salita na naglalarawan sa apat na uri ng paglagong ito ay:
·         Paglago sa pag-iisip “Katalinuhan” (Pag-iisip)
·         Paglago sa pisikal (Lumaki)
·         Paglago sa Espirituwal (Kinalugdan ng Diyos)
·         Paglago sa sosyal (Kinalugdan ng mga tao)

                Bakit mahalaga na si Jesus ay lumago sa apat na bagay na ito para matapos ang misyong pinapagawa sa Kanya ng Diyos Ama? Una sa Kanyang paglagong espirituwal. Kung hindi Siya lumago sa pisikal magiging imposible sa Kanya na makarating sa lugar kung saan Siya ipapako. Hindi Niya makakayanan ang bigat ng papasaning krus at hindi makakaya ng katawan Niya ang hirap dahilan para hindi Niya masabi ng buo ang pitong huling wika sa krus. Sa loob ng tatlumpong taon bago Siya magsimula sa pagmiministeryo ay naihanda Niya ang katawan Niya sa paglilingkod – sa malalayong lakaran, sa maghapong pagpapagaling at pagtuturo. Naging malaking bagay din marahil ang uri ng trabaho nila ng Kanyang makalupang ama na si Jose bilang karpentero.

                Ganito din sa atin, maraming mga Kristiyano ang maraming kaalaman at kakayahan sa pagtuturo ngunit dahil sa ang katawan nila ay mahina at hindi pinalago nagiging limitado sa kanila ang paglilingkod. Maraming Iglesya na binabalewala ang pagtuturo sa kanilang mga miyembro sa paglagong pisikal at nakatuon lang lahat sa paglagong espirituwal kaya marami ang hindi nagiging epektibo at hindi natatapos ang misyong pinagkatiwala.

           Pangalawa ang paglagong kaisipan o sa karunungan. Si Jesus ay nag-aral din sa kanilang eskwelahan kaya nasabi sa talata na si Jesus ay lumago sa Kanyang karunungan. Maraming mga lingkod ngayon ang nagpapabaya at hindi pinapaunlad at pinapalago ang sarili sa karunungan sa kaisipan. Marami akong nakita na may pusong willing magpagamit sa ministeryo ngunit ayaw mag-aral ng pagbabasa at pagsusulat. Parang kang isang sundalo na gustong sumali sa giyera dahil siya ay matapang pero walang alam sa paghawak ng armas kaya pagdating sa giyera ay namatay agad dahil walang alam paano gamitin ang kanyang baril. Ganun din sa ministry, maraming mga taong gusto magpastor dahil mahal nila ang paglilingkod ngunit hindi nakapag-aral at kahit na may pagkakataon parin naman para makapag-aral sila ayaw nila kaya sa ministry imbes na makatulong sila ay lalong nasisira ang gawain.

            Pangatlo ay sa paglagong espirituwal. Si Jesus ay nakita din nating lumago sa espirituwal dahilan para Siya’y kalugdan ng Diyos Ama. Ito ay dahil naglalaan Siya ng oras sa Panginoon. Maraming Kristiyano ngayon ang mabilis matisod, mahulog sa kasalanan at sumuko dahil sila ay mahina at hindi lumago sa espirituwal. Ito ang mga taong hindi naglalaan ng oras sa Panginoon sa araw-araw sa pananalangin at pagbabasa’t pagbubulay-bulay sa Kanyang Salita.

            At panghuli ay sa paglagong sosyal. Si Jesus ay lumago sa sosyal kaya Siya ay kinalulugdan ng mga tao. Dumadalo Siya sa imbitasyon sa kasal at imbitasyon ng kainan ng mga makasalanan at maging sa mga tinuturing Siyang kaaway. Ngayon maraming mga Kristiyano ang hindi dumadalo sa mga imbitasyon ng mga sinasabi nilang hindi nila karelihiyon (Maliban kung imbetasyon para magkasala) at mga itunuturing na mga hindi mananampalataya. Hindi tuloy sila nakakabuo ng relasyon at ugnayan para maging pagkakataon na maibahagi sa kanila ang Magandang Balita. Marami na akong nakausap na mga hindi mananampalataya na ayaw pumasok sa simbahan dahil pinaparamdam daw sa kanila ng mga nagsasabi na sila ay Kristiyano na parang sila ay kaaway. Dahil marami rin sa simbahan ang hindi tinuruan at tinulungang lumago sa sosyal marami tuloy ang nahihiyang magbahagi ng Magandang Balita at pagdidisipulo.

            Ang paglago ni Jesus ay isang proseso sa mga taong lumipas. Ito ay hamon din sa atin na dapat nating sikaping lumago hindi lang sa espirituwal kundi sa lahat ng apat na bahaging ito ng ating buhay. Hindi lang sa ating buhay kundi maging sa iba. Dapat nating tulungan din ang iba na lumago rin sa mga bagay na ito. Maraming iglesya ang nakatutok lamang sa paglagong espirituwal ng mga tao sa loob ng simbahan kaya hindi nagiging epektibo sa pagmimisyon at pagsunod sa Panginoon.

            Ang apat na bahagi ng buhay na ito ay nagbibigay sa atin ng isang modelo na ating magagamit sa pagtulong sa iba na sila rin ay lumago sa mga bagay na ito. Kanina sinabi ko na ang paglago ni Jesus ay isang proseso. Ganun din sa atin at sa iba. Ang pagpapatatag ay gumugugol ng oras at panahon. Kung ibig nating tulungan sila, dapat tayong maging handang magbigay ng oras at panahon sa loob ng maraming taon.

II. Ang pagtupad ni Jesus

            Sa nakaraan na pag-aaral natin nakita natin ang kahalagahan ng pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa lahat ng tao –anuman ang kanilang kalagayan o katayuan. Ngunit, napapatanong tayo na papaano makakatulong o makakatupad sa utos na ito ang mga mahihirap na mga mananampalataya?

            Si Jesus ay lumaki sa isang mahirap na pamilya. Bakit ko po ito nasabi? Malalaman natin ang antas ng pamumuhay ng isang Judio sa pamamagitan ng kanilang handog sa Panginoon.

Levitico 12:8
“Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”

Ngayon anong handog ang ibinigay ng pamilya ni Jesus?

Lucas 2:24
“Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.”

            Sila ay tinakdaang magbigay lamang ng handog ng dalawang kalapati. Pero hindi nangangahulugan na sila ay sobrang hirap. Marahil mayroon silang sapat na pagkain. Ang kanyang ama ay may hanap-buhay at mayroon din S’yang mapagmahal na magulang. Sapat ba ang pangangailangan ni Jesus upang Kanyang matupad ang layunin ng Diyos para sa Kanya?

Juan 17:4
“Inihayag Ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos Ko na ang ipinapagawa Mo sa Akin.”

            
Ang talatang ito ay nagsasabing natapos o nakumpleto ni Jesus ang gawaing ibinigay sa Kanya ng Ama na Kanyang dapat tuparin. Siya ay may kakayahang maisakatuparan ang Kanyang layunin. Ang tanong ngayon nito sa atin ay gaano kalaki o karaming kayamanan ang kinakailangan upang maisakatuparan ng isang tao ang mga hangarin ng Diyos? Si Jesus ay mahirap lamang, ngunit nakaya Niyang matupad ang mga hangarin ng Diyos para sa Kanya. Nangangahulugan na hindi natin kailangan ng malaking pera para magawa kung ano ang pinapagawa ng Diyos sa atin.

            
Kung sakali man ay ang Diyos ang magbibigay nito sa atin ng kailangan natin basta maging matapat tayo sa maliit na bagay.

2 Corinto 9:6-8, 10-13
6 Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. 7 Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa.

10 Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos.

III. Personal na Paglalapat

            Hindi lamang natin kailangan lumago sa apat na bahagi ng buhay na ito tulad ni Jesus, dapat din nating tulungan ang iba pa na lumago rin sa apat na bahagi ng buhay na ito. Sa paglago natin sa mga apat na bagay na ito, una sa ating sarili, ay isipin din natin kung papaano natin matulungan lumago ang iba sa tatlong komunidad na ito: Ang ating Pamilya, ang ating Iglesya at sa ating komunidad.

            Narito ang tsart na nagbibigay sa atin ng pattern at mungkahi sa pagpaplano natin sa paglalapat nito sa ating buhay.

 


 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 
                Ngayon, ito ang hamon satin ng pag-aaral na ito. Pupunan natin ang kaparehong tsart na ito sa baba na blangko. Punan ang tsart na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga halimbawa kung paano ka lalago sa bawat na bahagi ng apat na ito at himukin ang iyong sariling pamilya, Iglesia, at komunidad na lumago rin sa mga bahagi ng buhay na ito.  

Tandaan:

·        
Pumili lamang ng mga bagay na maisasagawa sa loob ng linggong hinaharap. Kung ang napiling gawin ay napakalaki, mahihirapan itong makumpleto at ang mga resulta nito ay nakapanglulumo. Pumili ng isang bagay na mailiit lamang upang matagumpay itong matupad at pumili muli ng panibagong bagay na gagawin para naman sa susunod na linggo.

·        
Pumili ng isang bagay na hindi mo pa nagagawa. 

Konteksto

 

Paglago sa…

Mga bahagi ng Buhay ni Jesus

 

Karunungan         Pisikal               Espirituwal           Sosyal

 

 

Sarili

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Pamilya

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Iglesya

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Komunidad

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...