Martes, Abril 26, 2022

Pakikipaglaban Para sa Pagsasamang Mag-asawa- "Ang Telecom-Company na Pagsasama" (3 of 7)

Pakikipaglaban Para sa Pagsasamang Mag-asawa (3 of 7) 

Ang Telecom-Company na Pagsasama
Basahin: Roma 12:9-18

Madalas nating isipin na ang lahat ng problema sa pag-aasawa ay nagmumula sa isang malaking paglabag sa tiwala o isang malaking trahedya. Ngunit maraming problema sa pag-aasawa ang maaaring sanhi ng isang bagay na ganap na naiiba. Kadalasan, ang pagmamahal ng isang tao ay nawawala hindi dahil sa isang kasalanan lamang, kundi minsan dahil sa isang pattern na pagbalewala na ugaling nagpapatuloy na humahantong sa tinatawag kong “Ang telecom-company na pagsasama.” Alam kong medyo hindi kayo pamilyar sa salitang ito, kaya hayaan mong ipaliwanag ko ito.
Noong kami ng aking asawa ay sumubok na bumili ng pocket-wifi na post-paid sa isang local telecom ay napansin namin ang maayos at nakakamanghang pag-aasikaso at magandang pagtrato sa amin para makumbinse kaming magkuha nito dahil dito binili namin dahil nga sa magandang trato at nakita nga namin na mas makakatipid kami kaysa lagi kaming naglo-load ayon din sa kanilang panliligaw sa amin. Ngunit lumipas ang isang buwan ay nakita na namin ang problema, naglabasan ang mga nakatagong bayarin na dahilan para mas mapamahal pa ang binabayaran namin sa internet at isa pa ay ang mabagal na internet at hindi sulit na data usage. Kapag tumatawag naman ako para ireklamo ang hindi magandang connection ay hindi rin ako nila naaasikaso agad at wala ring tulong na naibibigay.

Nakakalungkot na minsan din kaming nakaranas nito sa aming pagsasama bilang mag-asawa. Alam kong marami rin ang mag-asawa na nakakaranas nito na pinapatakbo sa ganitong ding paraan. Sa simula, kapag sinusubukan natin na makuha ang isa’t isa, halos ibigay at gawin natin ang lahat para makuha ang isa’t isa. Ngunit kapag dumating na sa realidad na araw-araw kayong magkasama, hihinto na sila sa paggawa ng lahat ng mga bagay na ginagawa nila sa simula. Kapag ganito, hindi magtatagal ay pareho silang maghahangad ng bago kung saan sila ay muling pakikitunguhan ng maayos.

Naalala ko na ito lagi ang napapansin ng aking asawa sa akin at binabalik niya sa akin ang mga dati kong ginagawa at sinasabing magagandang pangako sa kanya noong ako ay nanliligaw palang sa kanya. Pero binale-wala ko ito na humantong sa hindi magandang bagay. Pero hindi dapat ganito sa pagsasama ng mag-asawa. Natutunan namin na dapat ang pag-aasawa ay lalong nag-g-grow stronger sa paglipas ng panahon. Dapat ipagpatuloy ng mag-asawa ang pagpupursige, paghihikayat, at pananabik sa isa’t isa sa anumang panahon ng relasyon.

Kung nakikita mo ang iyong sarili ngayon sa isang telecom-company na pagsasama, huwag mawalan ng pag-asa! Huwag mong itapon ang iyong kasalukuyang relasyon para lamang magsimulang muli sa iba at ulitin lang ang parehong pangyayari. Gumawa ng pangako na baguhin ang inyong pagsasama. Nang ginawa namin ito nakita namin na ang pinakamagandang araw sa aming pagsasama ay hindi pala sa nakaraan namin kundi sa hinaharap namin.

Nasaan ka man sa inyong relasyon, naniniwala ako na maaari kang lumakas sa paglipas ng panahon. Ang anumang relasyon na dumadaan na parang isang bote sa dagat na bahala na kung saan dalhin ng hangin ay patungo sa pagkawasak, ngunit ang relasyong nakakaranas ng tuloy-tuloy na pamumuhunan ng oras at pokus ay uunlad hanggang sa katapusan.

Isa pa sa mga tinuro ng Panginoon sa amin ay ang pinakamabisang paraan para makawala sa gulo sa aming pag-aasawa ay ang walang humpay na paglilingkod sa isa’t isa. Isa sa mga huling aral na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo sa lupa ay ang paglingkuran ang isa’t isa. Binigyan Niya sila ng isang praktikal na halimbawa ng paglilingkod sa pamamagitan ng paghuhugas Niya ng kanilang mga paa, nang sunod-sunod, pagkatapos ng kanilang huling pagkain nang magkakasama.

Kapag pinili ng isang mag-asawa na paglingkuran ang isa’t isa at pinili din na paglingkuran ang iba nang magkasama, agad na bumubuti ang pagsasama. Napagtanto naming mag-asawa na kapag darating ang panahon na darating na kami sa katapusan ng aming pagsasama sa mundong ito, ang pinakamahalaga ay ang mga sandali na pinaglingkuran namin ang isa’t isa at ang mga sandali na magkasama kaming naglingkod sa iba. Kapag inalis natin ang pagiging makasarili sa ating pagsasama, pag-ibig na lang ang mananatili. Iyan ang uri ng pag-ibig na maaaring magpabago ng inyong pagsasama at magpapabago ng mundo sa pamamagitan ng inyong pagsasama.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...