Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Devotion on the names of God. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Devotion on the names of God. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Hulyo 6, 2022

Name of God: The Lord of Host (Yajweh Sabaoth) - "Espirituwal na Realidad" (47 of 366)

Name of God: The LORD of Host (Yahweh Sabaoth) 

Espirituwal na Realidad
Basahin: 2 Hari 6:8-17
(47 of 366)

“Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan, kayong mga lingkod Niyang masunurin kailanman.”
(Awit 103:21)

Kung manonood ka ng 3-D na pelikula na wala kang suot na 3-D glasses ay ang magiging dahilan para hindi natin matamasa ang buong epekto ng pelikula. Gayundin sa buhay, kapag naniniwala tayo na kung ano ang nakikita natin ay naroon na lahat, hindi natin natamasa ang mga pagkakataon na ma-enjoy ang buong sukatan ng biyaya at kapangyarihan ng Diyos. Ang resulta ay madalas may pakiramdam tayo ng pagkatalo at labis na nasasaktan ng mga tao at mga pangyayari.

Ang lingkod ni Eliseo ay maaaring ang nakikita lamang niya ay ang hukbo ng kaaway na nakapaligid sa lungsod na may mga kabayo at karo. Malang na natatakot ang kanyang reaksyon. Hindi tinangka ni Eliseo na kumbinsihin ang kanyang lingkod na isuko ang kanyang takot. Sa halip, ipinagdasal niya na buksan ng Panginoon ang mga mata ng kanyang alipin sa hindi nakikitang katotohanan. Ang kaaway ay maaaring nakapaligid sa lungsod, ngunit ang mga hukbo ni Yahweh ay nakapaligid sa kaaway-at ang buong bundok!

Sa Efeso 6:12, nagbabala si apostol Pablo na,
“hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid.” Hindi dahil sa hindi natin nakikita ang espirituwal na mundo na ito ay hindi nangangahulugan na hindi ito totoo. Kahit na ang ating kaaway ay maaaring makapangloko at umatake, ay hindi tayo dapat matakot dahil kabilang tayo kay Yahweh Sabaoth. Siya ang nakikipaglaban sa ating mga laban at binibigyan tayo ng tagumpay.

Pagbulayan:
Paano mo babaguhin ang iyong pananaw upang walang humarang sa iyong pananaw kay Yahweh Sabaoth?

Panalangin:
Yahweh Sabaoth, buksan Mo po ang aking mga mata sa mga espirituwal na katotohanan sa paligid ko.

Lunes, Hulyo 4, 2022

Name of God: The LORD of Host (Yahweh Sabaoth) - "Ang Kampeon" (46 of 366)

Name of God: The LORD of Host (Yahweh Sabaoth) 

Ang Kampeon
Basahin: 1 Samuel 17:1-9, 32-51
(46 of 366)

“Sumagot si David, ‘Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak.’”
(1 Samuel 17:45)

Karamihan siguro sa atin ay may naaalala na mga bully sa paaralan. Kapag hindi sila napapansin, kawawa ang kanilang mapagtitripan. Ang mga biktima ng isang bully ay lahat nagnanais na magkaroon ng kampeon na makakatapat ang bully na iyon upang pabagsakin ang dahilan ng kanilang paghihirap.

Isipin natin kung ano ang nadarama ng hukbo ng Israel sa harap ng mga panunuya ni Goliat. Ang Israel ay pag-aari ni Yahweh, ngunit walang may lakas ng loob na harapin ang higanteng Filisteo. Kailngan nila ng kampeon na lalaban para sa kanila.

Naunawaan ng isang batang pastol ang hindi nakuha ng iba. Ang mga panunuya ni Goliat ay hindi lamang laban sa Israel, sila ay laban sa “
mga hukbo ng buhay na Diyos” (1 Samuel 17:36). Ang pagtuya sa Israel ay pag-aalipusta sa Diyos ng Israel.

Sa lakas ng loob na pinalakas ng karanasan, naghanda si David na lumaban. Si Yahweh Sabaoth, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay nakipaglaban para sa kanya noon. Nagtiwala si David sa Panginoon na muling bibigyan siya ng tagumpay.

Bagama't ang hukbo ng Israel ay nagmartsa sa ilalim ng bandila ni Yahweh, nag-alinlangan sila sa kapangyarihan ng Panginoon ng mga Hukbo. Ngunit ang Panginoon ay naghintay para sa isang tao na sumulong sa pananampalataya. Ginamit Niya si David upang ipakita ang Kanyang sarili na makapangyarihan sa labanan alang-alang sa Kanyang bayan at alang-alang sa Kanyang sariling Pangalan.

Pagbulayan:
Paanong ang pagkaalam na ikaw ay kay Yahweh Sabaoth ay nagbabago sa paraan ng pagtingin mo sa iyong kinatatakutan?

Panalangin:
Yahweh Sabaoth, ipakita Mo po ang Iyong sarili na makapangyarihan para sa Iyong kaluwalhatian sa paghakbang ko nang may pananampalataya ngayon.


Linggo, Hulyo 3, 2022

Name of God: The LORD My Banner (Yahweh Nissi) - "Sa Ilalim ng Watawat" (45 of 366)

Name of God: The LORD My Banner (Yahweh Nissi) 

Sa Ilalim ng Kanyang Watawat
Basahin: 1 Corinto 9:19-23
(45 of 366)

“Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego.”
(Roma 1:16).

Natural sa atin ang magkaroon ng pagnanais na tayo ay magustuhan ng iba. Ang mga taong naiiba ay may posibilidad na maakaakit ng negatibong atensyon. Gayunpaman, sa ating kagustuhan na magustuhan ng iba, ay magdala sa atin para maitulak natin si Jesus palabas.

Nakaugalian ni apostol Pablo ang pakikipag-ugnayan sa iba ayon sa kanilang mga kondisyon, ngunit hindi niya kailanman nakalimutan ang kanyang layunin na mahikayat ang mga tao kay Kristo. Hindi ikinahihiya ni Paul na mamuhay sa ilalim ng bandila ni Yahweh.

Sa ngayon, ang ating pagnanais na tanggapin ng iba ay maaaring higitian ang ating pagnanais na magpatotoo para kay Kristo. Sa halip na mamuhay sa ilalim ng bandila ni Yahweh, itinatago natin ang krus ni Kristo sa ilalim ng kumot.

Alam ba ng ating mga katrabaho kung kanino tayo kabilang? Habang nagsusumikap tayong umunlad, ikokompromiso ba natin ang ating patotoo para kay Kristo? Alam ba ng ating mga kapitbahay na tayo ay kay Yahweh Nissi? Sumasali ba tayo sa mga tsismis sa kapitbahayan, o ibinabahagi ba natin ang pag-ibig ng Diyos upang pasiglahin ang mga nasasaktan?

Ang pamumuhay sa ilalim ng bandila ni Yahweh Nissi ay nangangahulugan ng pamamahinga sa Isa na ating kinabibilangan, nagtitiwala na Siya ang ating tiyak na pagtatanggol, at pamumuhay ng isang buhay na nagtuturo sa mga tao sa Kanya.

Pagbulayan:
Paano mo itinatago ang iyong katapatan kay Yahweh Nissi sa halip na mamuhay sa ilalim ng Kanyang bandila?

Panalangin:
Yahweh Nissi, ipinagtatapat ko po na hindi ko laging naipapamuhay sa paraang dinadala ko ang mga tao sa Iyo. Tulungan Mo po akong hindi ikahiya ang krus habang ako ay nabubuhay sa ilalim ng Iyong bandila.

Biyernes, Hulyo 1, 2022

Name of God: The LORD My Banner (Yahweh Nissi) - "Itaas ang Krus" (44 of 366)

Name of God: The LORD My Banner (Yahweh Nissi) 

Itaas ang Krus
Basahin: Bilang 21:4-9
(44 of 366)

“14 At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
(Juan 3:14-15)

Isang brutal na paraan ang pagpatay ang pagpako sa tao sa krus. Ngunit ngayon, milyon-milyong mga Kristiyano ang nagsusuot ng krus upang ipahiwatig kung sino sila at kung ano ang kanilang pinaniniwalaan. Para sa mundo ng mga hindi naniniwala, walang saysay ang pagsuot ng munting electric chair na nakakwintas sa kanilang leeg.

Malamang na ganoon din ang iniisip ng mga Israelita noong una nilang marinig ang pagpapagaling ng Diyos sa salot ng mga makamandag na ahas. Sinabi ng Diyos kay Moises na gumawa ng isang tansong ahas, ang larawan ng dahilan ng kanilang pagdurusa, at ilagay ito sa isang pamantayan upang makita ng mga tao. Kapag tinignan nila ito nang may pananampalataya, sila ay gagaling. Mayroon silang pagpipilian: tumingin at mabuhay, o maghanap ng ibang lunas at mamatay.

Sa pamamagitan ng Kanyang pagkapako sa krus, kinuha ni Hesu-Kristo ang kasalanan ng mundo sa Kanyang sarili. Sa pagtingin sa krus, nakikita natin ang Kanyang kabayaran para sa ating kasalanan. Siya ang tanging pag-asa natin sa kaligtasan. Mayroon tayong pagpipilian: tumingin sa krus at mabuhay, o maghanap ng ibang lunas at mamatay.

Ang Aking Panginoon na Watawat ay tinaas ang Kanyang pamantayan: ang krus ay itinaas nang mataas. Ito ay nagpapahiwatig na tayo ay kay Jesus, ang ating Yahweh Nissi.

Pagbulayan:
Minsan ka na bang tumingin sa krus bilang ang natatanging lunas sa iyong kasalanan? Kung oo, paano nito mababago ang buhay mo sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay na ito?

Panalangin:
Yahweh Nissi, salamat po sa pag-taas Mo sa Iyong Anak na si Jesus sa Krus upang maging lunas naming sa aming mga kasalanan.

Huwebes, Hunyo 30, 2022

Name of God: The LORD My Banner (Yahweh Nissi) - "Ang Watawat ng Depensa" (43 of 366)

Name of God: The LORD My Banner (Yahweh Nissi) 

Ang Watawat ng Depensa
Basahin: Exodo 17:8-16
(43 of 366)

“Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, ‘Si Yahweh ang aking Watawat.’
” (Exodo 17:15)

Noong sinaunang panahon, ang mga pinuno ng military ay buong pagmamalaking nagmamartsa sa ilalim ng kanilang watawat o sa isang makintab na palamuting metal na nakakabit sa isang mataas na poste para makita ng lahat. Ang watawat na ito, o pamantayan, ay ang siyang laging kasama ng hukbo sa labanan at nagmamartsa ang mga sundalo upang ipaglaban ang kanilang layunin. Kapag nahulog ang kanilang watawat, ganoon din ang pag-asa nila para sa tagumpay.

Itinaguyod ni Yahweh ang Israel sa pamamagitan ng mga salot, inilabas sila sa pagkaalipin sa Egipto, at pinrotektahan sila sa Dagat na Pula. Pagkatapos ay nagdulot ng bagong panganib ang mga Amalekita.

Habang buong tapang na pinangunahan ni Josue ang mga Israelita sa labanan, si Moises ay nakatayo sa isang burol, hawak ang tungkod na ginamit ng Diyos para gumawa ng mga himala para sa kanila. Hangga't itinaas ni Moises ang tungkod, nanaig ang mga Israelita. Nang ibinaba niya ang kanyang mga braso dahil sa pangangalay, bumaling ang labanan laban sa kanila. Ang itinaas na tungkod ay nagpahayag ng kanilang pag-asa kay Yahweh Nissi, ang Panginoong Aking Watawat. Hindi nila naipanalo ang kanilang tagumpay sa larangan ng digmaan sa sarili nilang lakas. Ang tagumpay ay nakamit nila sa ilalim ng bandila na kumakatawan sa kanilang Panginoon.

Pinangungunahan pa rin ni Yahweh Nissi ang daan para sa Kanyang bayan ngayon. Siya ang ating depensa, ang Isa na nagpoprotekta sa atin sa ilalim ng bandila ng Kanyang banal na pangalan. Bagama't hinahanap ng ating espirituwal na kalaban ang ating pagkatalo, ang ating tagumpay ay natitiyak dahil tayo ay kay Yahweh Nissi.

Pagbulayan:
Paano ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sayo bilang Yahweh Nissi, Ang Panginoon na ating Watawat, sa linggong ito?

Panalangin:
Yahweh Nissi, salamat po sa pagiging kalasag at tagapagtanggol ko sa lahat ng pagkakataon.

Miyerkules, Hunyo 29, 2022

Name of God: The LORD Who Heals (Yahweh Rapha) - "Mahalagang Sustansya" (42 of 366)

Name of God: The LORD Who Heals (Yahweh Rapha) 

Mahalagang Sustansya
Basahin: Colosas 3:5-14
(42 of 366)

“Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal Niya at pinili para sa Kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis,”
(Colosas 3:12).

Ang malnutrisyon ay nauugnay sa iba't ibang sakit. Halimbawa nito, ang kakulangan ng bitamina D ay nagdudulot ng rickets, ang kakulangan sa bitamina C ay nagiging sanhi ng scurvy, at ang beriberi ay nagreresulta mula sa kakulangan ng thiamine. Sa bawat kaso, ang paggaling ay sinasabi na makukuha sa pamamagitan ng wastong diyeta at mga nutritional supplements.

Kung paanong ang ating mga katawan ay may mga pangangailangan sa nutrisyon upang manatiling malusog, ang ating mga relasyon sa iba ay mayroon ding mga pangangailangan sa nutrisyon. Ang mga relasyon ay mga buhay na bagay. Pakainin sila ng maayos, at uunlad sila. Sinasabi sa atin ng Bibliya na linangin ang ating ugnayan sa iba sa pamamagitan ng mahahalagang sustansya ng pagsasalita ng katotohanan, kabaitan, pakikiramay, at pakikipag-ugnayan sa iba nang may pagpapakumbaba, kahinahunan, pagtitiyaga, at pagpapatawad.

Pinagaling ni Yahweh Rapha ang ating relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Anak, si Jesu-Kristo. Ngayon ay inaanyayahan Niya tayo na ibahagi ang mensaheng ito sa mundong ito na puno ng sakit. Upang magawa iyon, dapat tayong maging mga sisidlan ng kagalingan habang inihahatid natin sa iba ang parehong biyayang ipinakita sa atin ng Diyos. May katotohanan ang kasabihang, "Maaaring ikaw lamang ang Bibliya na mababasa ng ilang tao." Kung ang iba ay hindi nakadarama na ligtas sila sa ating mga relasyon sa kanila, hindi nila iisiping magtiwala sa ating Tagapagligtas.

Pagbulayan:
Alin sa iyong mga relasyon sa iba ang nangangailangan ng healing touch? Paano mo sisimulan ang pagpapagaling ngayon?

Panalangin:
Yahweh Rapha, tulungan Mo po akong maging sensitibo sa mga taong dinala Mo sa aking buhay.

Lunes, Hunyo 27, 2022

Name of God: The LORD Who Heals (Yahweh Rapha) - "Ang Pasyente" (41 of 366)

Name of God: The LORD Who Heals (Yahweh Rapha) 


Ang Pasyente 
Basahin: Awit 38:1-22
(41 of 366)

“Yahweh, pagalingin Mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin Mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!”
(Jeremias 17:14)

Ang pagkakasala ay higit pa sa masamang pakiramdam. Maaari itong magdulot ng mga pisikal na komplikasyon gaya ng hypertension, insomnia, o mga ulser. Higit sa lahat, maaaring sirain ng pagkakasala ang mga relasyon sa iba at sa Panginoon.

Naunawaan ni David ang pisikal at emosyonal na pasanin ng kanyang kasalanan. Nararamdaman natin ang kanyang sakit at pagkakasala sa Awit 38. Ang pagkabalisa ay bumigat sa kanyang espiritu, ang kanyang mga sugat ay lumala, at nabigo ang kanyang lakas. Gayunpaman, matalino siyang hindi humingi ng tulong sa pamilya o mga kaibigan. Ang tanging pag-asa niya para sa kaginhawahan ay nasa Panginoon.

Ngayon, ang Panginoon ang madalas na huling lugar na pinupuntahan natin para sa pagpapagaling. Tinatakpan natin ng benda ang ating mga sugat at umaasa tayong mawawala ang sakit habang naghahanap tayo ng mga solusyon sa mundo. Sinasabi ng mga tagapayo na ang pagkakasala ay makalumang bagahe na dapat itapon. Sinasabi ng mga kaibigan natin na kay Kristo na pwede nating maranasan ang ating karapatan na tamasahin ang buhay nang walang hadlang. Pansamantalang napapawi ang sakit ng alak at droga. Gayunpaman, nananatili ang pagkakasala at sakit.

Ngunit sa lahat ng oras, hinihintay ni Yahweh Rapha na tayo ay bumaling sa Kanya. Kapag sumuko tayo sa Panginoon, pagagalingin Niya ang sakit nadulot ng pagkakasala. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak para sa layuning iyon.

Si Yahweh Rapha lamang ang makapagpapagaling kay David, at Siya lamang ang makapagpapagaling sa atin ngayon.

Pagbulayan:
Anong kasalanan mo ang minsang mong sinubukang takpan? Paano mo ito ipagkakatiwala kay Yahweh Rapha para sa paglunas?

Panalangin:
Yahweh Rapha, ako ang Iyong pasyente. Tulungan Mo po ako na makita ko ang mga kasalanang nagagawa ko na hindi ko alam na sumusugat sa aking kaluluwa.

Biyernes, Hunyo 24, 2022

Name of God: The LORD Who Heals (Yahweh Rapha) - "Ang Manggagamot" (40 of 366)

Name of God: The LORD Who Heals (Yahweh Rapha) 

Ang Manggagamot
Basahin: Exodo 15:22-27
(40 of 366)

“Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”
(Exodo 15:26)

Ang katawan ng tao ay isang nilikha na naging masalimuot ang lagay, ito ay isa sa karaniwan nating binabalewala hanggang sa dumanas tayo ng sakit o pinsala. Pagkatapos nagbabago ang ating priyoridad sa paghahanap ng kagalingan sa ating sakit. Nang unang ihayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang Salita bilang ating Manggagamot, ipinakita Niya sa atin ang Kanyang mga priyoridad tungkol sa pagpapagaling ay naiiba.

Sa panahon ng kanilang pagkaalipin sa Egipto, ang mga Israelita ay nakuha ang mga paganong pananaw ng mga nang-aapi sa kanila. Nang palayain sila ng Diyos, kailangang matutunan ng bagong bansang ito kung ano ang ibig sabihin ng pagiging kay Yahweh. Matapos hatiin ng Diyos ang Dagat na Pula, sinubukan Niya ang Israel ng hindi maiinom na tubig. Tumugon sila sa pamamagitan ng pagrereklamo sa halip na maalala ang makapangyarihang pagliligtas ni Yahweh tatlong araw lamang ang nakalipas.

Nilinis ng Diyos ang tubig ngunit itinuro din sa mga Israelita ang Kanyang mga priyoridad. Nais Niyang isantabi nila ang mga bagay na natutunan nila sa Egipto at sundin Siya. Ang kanilang unang priyoridad ay kailangang maging maayos ang relasyon nila kay Yahweh. Kung uunahin nila ang Panginoon, pagpapalain Niya sila sa espirituwal at pisikal. Siya ay magiging Yahweh Rapha sa kanila, ang Panginoong Nagpapagaling.

Ang Diyos ay nag-aalala tungkol sa ating pisikal na kalusugan. Gayunpaman, Siya ay higit na nag-aalala tungkol sa ating espirituwal na kalusugan na matatagpuan lamang sa isang tamang relasyon sa Kanya sa pamamagitan ni Jesus Kristo.

Pagbulayan:
Paano mo gagawing priyoridad ang malusog na relasyon mo kay Yahweh Rapha ngayon?

Panalangin:
Yahweh Rapha, tulungan Mo po akong makita ang aking buhay sa pamamagitan ng Iyong pananaw at sa Iyong mga priyoridad.

Name of God: The LORD Will Provide (Yahweh Jireh) - "Ako Ba ang Sagot?" (39 of 366)

Name of God: The LORD Will Provide (Yahweh Jireh) 

Ako Ba ang Sagot?
Basahin: Genesis 45:4-11; 50:15-21
(39 of 366)

“Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama,”
(Genesis 50:12)

Ikaw ba ay minsan nang naging sagot mismo sa iyong sariling panalangin?

Matapos ipagbili si Jose ng kanyang mga kapatid sa pagkaalipin, malamang na na-miss niya ang kanyang ama at ang kanyang nakababatang kapatid. Sa pagkakaroon niya ng malalim na relasyon sa Diyos, malamang nanalangin siya 
para sa probisyon ni Yahweh Jireh para sa kanila, at marahil sa iba pa niyang mga kapatid din!

Itinaas ng Diyos si Jose sa isang mataas na posisyon sa Egipto upang ihanda ang bansa para sa darating na taggutom. Ang tagumpay ni Jose ay umakit ng mga dayuhan, kasama na ang kanyang mga kapatid, sa Egipto upang maghanap ng makakain. Sa kalaunan ay nanirahan doon ang pamilya ni Jose sa ilalim ng kanyang panustos, at siya ang naging sagot sa sarili niyang panalangin.

Minsan nananlanagin tayo sa Diyos na Siya ay magbigay sa pangangailangan ng iba, sa pagpapatibay ng loob para sa isang taong may sakit, o isang taong may pinagdadaanan, o sa isang taong nangangailangan na makarinig ng ebanghelyo. Naisip mo ba kung ilan sa mga panalangin mong ito ang ikaw din ang sagot ni Yahweh Jireh? Sigurado na may magagawa ka sa karamihan sa mga panalangin mong ito para sa iba.

Siyempre, alam nating kayang ibigay ni Yahweh Jireh ang pangangailangan ng Kanyang mga anak sa kahit anomang kaparaanan. Pero minsan, gusto Niyang tayo ang maging sagot sa sarili nating mga panalangin.

Pagbulayan:
Handa ka ba na maging instrumento ng Diyos bilang katugunan sa mga ilang panalangin mo din para sa ibang tao? Ano sa tingin mo ang mga panalangin mo sa iba na alam mong ikaw din ang maaaring maging sagot sa mga ito?

Panalangin:
Yahweh Jireh, tulungan Mo po akong sumunod sa Iyo kapag gusto Mo po akong maging sagot sa aking mga panalangin para sa iba.

Miyerkules, Hunyo 22, 2022

Name of God: The LORD Will Provide (Yahweh Jireh) - "Masaganang Probisyon" (38 of 366)

Name of God: The LORD Will Provide (Yahweh Jireh) 

Masaganang Probisyon
Basahin: 1 Hari 17:1-16
(38 of 366)


“At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay Niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus,”
(Filipos 4:19)

Kapag kaunti na lang ang meron tayo, mahilig tayong kumakipit ng mahigpit sa kaunting meron tayo. Sa paggaw nito, name-miss natin ang pinakamabuti ng Diyos para sa atin.

Tulad ng iba sa Israel, ang balo sa Sarepta ay nagdusa mula sa tagtuyot na ipinadala ng Diyos bilang paghatol sa bansa. Nang dumating sa kanya ang propetang si Elias, siya’y mayroon lamang sapat na mga sangkap para sa panghuling pagkain bago siya at ang kanyang anak na lalaki ay humarap sa kamatayan sa gutom.

Ipinasiya ni Yahweh Jireh na papakainin Niya ang Kanyang propeta sa panahon ng tagtuyot. Inutusan ni Elias ang balo na bigyan siya ng pagkain at pagkatapos ay gumawa siya ng isang bagay para sa balo at sa kanyang anak.

Maaaring mahigpit na hinawakan ng balo ang maliit na mayroon siya, sa kahina-hinala na mga pangakong na maaaring walang katotohanan. Gayunpaman, ginawa niya ang hiniling niya, at ang kanyang huling ng harina at langis ay tumagal hanggang sa dumating ang ulan.

Ang Panginoon ay maaaring maglaan kay Elias kahit walang tulong ng balo, ngunit hindi niya makukuha ang pagpapala ng masaganang panustos. Gayunpaman, ang kanyang pagpapala ay nakasalalay sa kanyang pagsunod at pagtitiwala na magbibigay si Yahweh Jireh sa kanyang sitwasyon.

Namimiss ba natin ang masaganang probisyon ng Diyos dahil mahigpit nating hinahawakan ang kaunting mayroon tayo

Pagbulayan:
Ano sa tingin mo ang bagay na nais ni Yahweh Jireh na hawakan mo nang maluwag habang hinihintay mo ang Kanyang masaganang probisyon?

Panalangin:
Yaweh Jireh, tulungan Mo po akong gamitin ang mayroon ako ngayon ayon sa Iyong nais, at magtiwala sa Iyong pagbibigay.

Linggo, Hunyo 19, 2022

Name of God: The LORD Will Provide (Yahweh Jireh) - "Titignan

Name of God: The LORD Will Provide (Yahweh Jireh) 

Titignan Niya!
Basahin: Genesis 22:1-8
(37 of 366)

 “Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob”
(Genesis 22:14)

May mga taong iniisip na ang Diyos ay parang si Santa Claus na may sakong hawak na hindi nauubos ang regalo. Gayunpaman, nang ihayag ng Panginoon ang Kanyang pangalan bilang Tagapaglaan, wala itong kinalaman sa paglalaan ng material na mga bagay. Sa halip, pumili Siya ng mga pangyayari na may kinalaman sa isang bagay na mas mahalaga.

Tinawag ng Diyos si Abraham upang mag-alay ng isang hain na malinaw na magpapakita ng kanyang pagsunod. Hiniling sa kanya ng Diyos na ialay si Isaac, na anak ni Abraham na hinintay niya ng dalawampu’t limang taon para matanggap niya.
  Malamang na masakit para kay Abraham ito sa bawat hakbang na palapit sa pagkawala ng pinakamamahal niyang anak.  Gayunpaman, masunurin siyang nagtiwala sa Diyos, at tumugon ang Diyos sa kanyang pagsunod sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapalit na hain.

Inalala ni Abraham ang probisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangalan sa lugar na Yahweh Jireh, “
Si Yahweh ang Nagkakaloob” (Gen. 22:14). Habang ang ilang mga salitang Hebreo ay maaaring isalin bilang magbigay, ang partikular na salitang ito ay nauugnay sa pagkakakita o pagkilala sa isang bagay. Sa kasong ito, nakita ng Panginoon, nang maaga, ang pangangailangan ni Abraham para sa isang kapalit na hain para kay Isaac at naglaan ng isang lalaking tupa sa isang malapit na kakahuyan.

Ang pinakamalaking pangangailangan natin ngayon ay ang pangangailangan para sa isang kapalit upang bayaran ang multa para sa ating kasalanan at mamatay sa ating lugar. Nakita ni Yahweh Jireh ang aming pangangailangan bago ang lahat at nilaan ang Kanyang Anak.

Pagbulayan:
Ang pinakamalaking kailangan natin ay binigay ng Diyos – ang kaligtasan sa tiyak na kamatayan sa pamamagitan ni Jesus. Paano ang katotohanang ito ngayon makakaapekto sa mga pangangailangan mo sa buhay na ito?

Panalangin:
Yahweh Jireh, salamat dahil nakita Mo ang aking pangangailangan at isinakripisyo ang Iyong Anak bilang aking kapalit.

Miyerkules, Hunyo 15, 2022

Name of God: Jealous (El Qanna) - "Huwag Mainggit" (36 of 366)

Name of God: Jealous (El Qanna) 


Huwag Mainggit
Basahin: Awit 37:1-22
(36 of 366)

“Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa,” (Awit 37:1)

Sa bawat araw na lumilipas, tila lalong lumalaganap ang kasamaan sa ating mundo. Ang mga gumagawa ng mali ay nagagantimpalaan. Kung titignan, parang naiiwasan nila ang anumang parusa. Ngunit narito tayo, sumusunod sa Diyos at sumusunod sa Kanyang "mga tuntunin." Minsan ay sadyang mahirap na huwag ma-inggit sa mga hindi namumuhay ayon sa Diyos at sa Kanyang Salita.

Nauunawaan ni Haring David na syang sumulat ng kanta na ito ang kabiguang pangkiramdam na ito sa pagmamasid sa mga gumagawa ng kasamaan na umuunlad. Bagama’t lumilitaw na sila ay lumalayo sa kasamaan, alam niyang darating ang panahon ng paghuhukom. Hinikayat ni David ang mga tao ng Diyos na panatilihin ang pagtingin sa walang hanggan. Nalulugod ang Diyos na pagpalain ang mga taong inuuna Siya, at hahatulan Niya ang mga gumagawa ng mga diyos sa kanilang sariling mga pagnanasa.

Pinoprotektahan tayo ng ating mapanibughuing Diyos. Tinawag din Niya tayo na protektahan na may panibugho ang ating debosyon sa Kanya. Ang mga kabilang sa El Qanna ay hindi kailangan ma-inggit sa iba dahil panandalian lang ang kanilang kaunlaran. Laging ibibigay ng Diyos ang pinakamahusay para sa Kanyang mga anak.

Pagbulayan:
Kanino ikaw na-iinggit? At bakit ikaw na-iinggit sa taong ito? Ano ang sinasabi ng Salita ng El Qanna tungkol sa iyong inggit?

Panalangin:
El Qanna, tulungan Mo po akong huwag mainggit sa iba. Salamat sa katiyakan na walang sinumang makahihigit sa pinakamahusay na Iyong gawa sa buhay ng mga nagmamahal Sayo.

Martes, Hunyo 14, 2022

Name of God: Jealous (El Qanna) - "Protektahan ang Relasyon" (35 of 366)

Name of God: Jealous (El Qanna) 


Protektahan ang Relasyon
Basahin: 2 Corinto 11:1-4
(35 of 366)

“Sapagka't ako'y naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios: sapagka't kayo'y aking pinapag-asawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Kristo na tulad sa dalagang malinis,”
(2 Corinto 11:2)

Natural nating pinoprotektahan ang mga mahalaga sa atin, ito man ay tao o ating pagmamay-ari.

Ang El Qanna, na ating mapanibughuing Diyos, ay ang Syang nagpo-protekta sa atin at laging nais ang pinakamabuti para sa atin. Sa katotohanang ito, gaaano naman tayo nagpapahalaga sa ating relasyon sa Diyos sa pagprotekta dito?

May babala si Apostol Pablo para sa unang iglesya sa Corinto. Nababahala siya na ang maling turo ay ang maging dahilan para mailigaw sila nito at makaapekto sa kanilang debosyon kay Kristo. Siya ay nagbabala sa kanila na maging maingat laban sa anumang mga turo na naglalabas ng “iba’t ibang” bersyon ng Jesus.

Sa ngayon, marami ang nagiging mukhang espirituwal, pero ang pagiging espirituwal sa panlabas ay hindi palaging katulad ng sa Kristiyano. Tulad sa panahon nila Pablo marami rin ngayon ang mga nagsusulat ng mga libro at nagtuturo ng ibang Jesus na taliwas sa biblikal na Jesus. Gumagamit sila ng mga talata din sa Bibliya na binaluktot para ipakilala ang Jesus na ibang-iba sa Jesus na inilalarawan sa Bibliya. Tulad ng unang iglesya sa Corinto, tayo ay nasa panganib na mailigaw ng mga katuruang ito upang sumunod sa isang diyos na hindi naman Diyos. Ang pagbabantay ay kailangan upang matiyak na tayo ay hindi lamang nakatuon sa isang diyos, ngunit sa tunay na Diyos.

Ang El Qanna ay na ninibugho sa atin. Ganun din ba tayo na naninibugho sa Kanya para protektahan ang ating debosyon sa Kanya?

Pagbulayan:
Anong partikular na bagay ang maaari mong gawin ngayon upang makatulong na maprotektaha ang iyong debosyon sa Panginoon?

Panalangin:
El Qanna, Inaamin ko po na hindi ko po palaging napo-protektahan ang aking relasyon sa Iyo gaya ng nararapat. Tulungan Mo po ako Panginoon.

Linggo, Hunyo 12, 2022

Name of God: Jealous (El Qanna) - "Ang Pinakamahusay Para sa Atin" (34 of 366)

Name of God: Jealous (El Qanna) 


Ang Pinakamahusay Para sa Atin 
Basahin: Deuteronomio 6:10-19
(34 of 366)

“Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos,”
(Exodo34:14)

May isang celebrity talk show host kamakailan ang nagsabi sa kanyang mga manonood sa telebisyon na hindi daw tama ang sabihin na ang Diyos ay nagseselos o naninibugho. Kung iisipin nga naman, ang pahayag na ang Diyos ay isang mapanibughuing Diyos ay parang kakaiba.

Ang selos ay isang malakas na damdamin. Maaari nitong sirain ang mga relasyon at sirain ang mga buhay. Kaya bakit ang walang hanggan, soberano, makapangyarihang Diyos ay tatawagin ang Kanyang sarili na "mapanibugho"?

Kapag sinabi ng Diyos na Siya ay isang mapanibughuing Diyos, hindi Niya sinasabi na Siya ay naninibugho sa atin o sa isang bagay na mayroon tayo. Hindi rin Niya sinasabi na Siya ay natatakot na mawala ang Kanyang posisyon sa ating buhay, kung paanong ang isang tao ay maaaring maging possessive sa isang relasyon ng tao. Ang sinasabi Niya ay nagseselos Siya para sa atin. Napakahalaga natin sa Kanya kaya gusto Niya ang pinakamataas at pinakamabuti para sa atin, na makikita lamang kapag Siya ang una sa ating buhay. Alam Niya na kapag mahal natin ang sinuman o anupamang iba pa kaysa sa Kanya, sasaktan lang natin ang ating sarili at sinisira ang ating relasyon sa Kanya.

Ang Diyos ng Biblia ay naninibugho para sa ating kapakanan. Karapat-dapat Siya sa lahat ng ating pagsamba.

Pagbulayan:
Merong bang mga bagay, gawa, o mga tao (relasyon sa iba) ang sa tingin mo ang maaaring maging dahilan para ang Diyos ay manibugho sayo? Ano ang dapat mong gawin sa mga ito?

Panalangin:
EL Qanna, salamat sa pagiging isang mapanibughuing Diyos na nagnaais ng pinakamataas at pinakamabuti para sa akin. Dalangin ko po na tulungan Mo po akong na Ikaw lamang ang maging higit sa aking buhay.

Biyernes, Hunyo 10, 2022

Name of God: God Almighty, All-Sufficient God (El Shaddai) - "Nanlilinlang ang mga Itsura" (33 of 366)

Name of God: God Almighty, All-Sufficient God (El Shaddai) 


Nanlilinlang ang mga Itsura
Basahin: Bilang 24:1-25
(33 of 366)

“Pinasasalamatan ka namin, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat,”
(Pahayag 11:14)

Tayo ay nabubuhay sa isang mundo kung saan tila na ang mga masasama ay ang madalas na nagtatagumpay, at ang mga sumusunod kay Jesu-Kristo ang sentro ng atake at pangungutya. Lumilitaw na ang El Shaddai ay tila hindi na nag-aalaga at nag-iingat sa Kanyang bayan.

Iyan ang gustong isipin natin ng sanlibutan. Ang mga ito ay mali.

Sa totoo lang, hindi gaanong nagbago ang mga bagay sa loob ng ilang libong taon. Matapos ang pagpapalaya sa Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto, naghanda ang bansa na angkinin ang lupang pinangako sa kanila. Ang mga Moabita ang nakatira sa mga lugar na iyon, gayunpaman, mayroon silang ibang mga plano laban sa Israel.

Inupahan ng kanilang hari si Balaam para sumpain ang mga Israelita para matalo niya sila sa labanan. Sa kabila ng mga pakana ng hari, hindi pinahihintulutan ng Diyos na sumpain ang Kanyang mga tao. Pagkatapos ng 
dalawang nabigong pagtatangka, sinabi ni Balaam ang mga salitang ibinigay sa kanya ni El Shaddai, na hinuhulaan ang tagumpay at kaunlaran ng Israel. Habang ang Israel ay nagkampo sa libis, wala silang kamalayan sa nangyayaring proteksyon at pangangalaga ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat sa mga masasamang plano ng hari ng mga Moabita laban sa kanila.

Pinalampas ni El Shaddai ang masasamang hangarin ng mga kaaway ng Israel at ginamit ang parehong mga kaaway na iyon para pagpalain ang Kanyang bayan. Sa ngayon, gaano man ang pagsisikap ng mundo na salakayin ang mga tagasunod ni Kristo, hindi tayo dapat matakot. Ginagamit ng El Shaddai maging ang ating mga kaaway upang matupad ang Kanyang mga layunin.

Pagbulayan:
Kapag ako ay nakakaranas ng pag-atake, paano ako dapat tumugon sa paraang nagpapakita ng aking pagtitiwala sa El Shaddai?

Panalangin:
El Shaddai, tulungan Mo po akong magpahinga sa Iyong kapangyarihan at kasapatan sa pag-aalaga Mo po sa akin.

Martes, Hunyo 7, 2022

Name of God: God Almighty, All-Sufficient God (El Shaddai) - "Ang Buong Kwento" (32 of 366)

Name of God: God Almighty, All-Sufficient God (El Shaddai) 

Ang Buong Kwento
Basahin: Ruth 1:1-22
(32 of 366)

“Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa Kanyang kinalalagyan. Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.”
(Job 37:23)

Meron kaming kapatiran sa simbahan ang namatayan ng sunod-sunod na mahal niya sa buhay – namatay ang kanyang asawa at sunod na namatay ang kanyang bunsong anak. Nagkaroon din ng cancer sa dugo ang kanyang apo at nagkaroon din siya ng matinding sakit. Kailangan niyang i-dialysis linggo-linggo.

Nauunawaan ni Naomi ang nararamdaman ng kapatiran naming ito. Iniwan niya ang kanyang bayan na buo silang pamilya, pero bumalik siya na ang tanging kasama niya ay ang banyagang asawa ng namatay niyang anak. Inilarawan niya ang kanyang sarili bilang mapait at walang laman at ang tingin niya sa El Shaddai, ang Makapangyarihang Diyos, bilang Isa na nagdala ng kapighatian at kahirapan sa kanya.

Hindi alam ni Naomi ang buong kwento. Hindi pa niya alam na ikakasal si Ruth sa isang malayong kamag-anak at aalagaan nila siya sa kanyang pagtanda. Hindi rin niya alam na ang anak na ipapanganak nila ay ang pagmumulan ni David at ng Mesiyas. Hindi ibinahagi ni El Shaddai ang mga detalye ng Kanyang mga plano kay Naomi, ngunit ang Kanyang kapangyarihan at kasapatan ay kumilos upang matupad ang Kanyang layunin sa pamamagitan niya.

Ngayon, alam natin na sa bawat pangyayari sa ating buhay ay huwag nating hayaan na tayo ay maging mapait. Alam na natin kung kanino tayo nabibilang. Tinutupad ng El Shaddai ang Kanyang mga plano at layunin, kahit sa pinakamadilim na araw.

Pagbulayan:
Anong mga naging kaganapan sa buhay mo na nakita mo na naging mapait ka sa halip na magtiwala sa El Shaddai? Ano ang napagtanto mo sa huli? Paano ka ngayon na tutugon kapag naharap ka muli sa mga ganoong sitwasyon?

Panalangin:
El Shaddai, tulungan Mo po akong magtiwala sa Iyong kasapatan sa lahat ng kinakaharap ko ngayon.

Miyerkules, Hunyo 1, 2022

Name of God: God Almighty, All Sufficient God (El Shaddai) - "Kaya Niyang Gawin Iyan" (31 of 366)

Name of God: God Almighty, All-Sufficient God (El Shaddai) 


Kaya Niyang Gawin Iyan
Basahin: Genesis 17:1-8
(31 of 366)

“Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa Akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay.”
(Genesis 17:1)

Minsan nahihirapan tayo na isipin kung kalian kikilos ang Diyos sa ating mga kahirapang nararanasan. Hindi dahil sa hindi tayo naniniwala na kaya Niyang lutasin ang mahihirap na sitwasyong iyon. Ito ay dahil sa kung kalian kaya Siya kikilos. Ang Diyos madalas na naghihintay hanggang sa tayo ay nasa dulo na ating mapagkukunan bago Siya tutugon.

Nagtiwala lang si Abram at naghintay. Nang maabot niya ang dulo ng kanyang mapagkukunan, muling ipinangako ng Diyos sa kanya ang pagpaparami ng kanyang lahi. Sa pagkakataong ito, pinalitan ng Diyos ang kanyang pangalan na Abraham mula sa Abram (Genesis 17:5) upang pagtibayin ang Kanyang salita. Ginagawa na Niya ito dati, gayunpaman, inihayag Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng isang bagong pangalan: Ang Diyos na Makapangyarihan-El Shaddai – ang Isa na sapat sa lahat upang tuparin ang Kanyang mga pangako.

Sa pamamagitan ng kapangyarihan at kasapatan ni El Shaddai, si Sarai, na ngayon ay “Sarah” (Genesis 17:15), ay nanganak ng isang lalaki. Hindi kailangan ng Makapangyarihang Diyos ang tulong ni Abraham upang matupad ang Kanyang salita noon, at hindi din Niya kailangan ang ating tulong para matupad ito ngayon.

Pagbulayan:
Sa anong sitwasyon ikaw tinatawag ni El Shaddai na maghintay sa Kanya para sa solusyon sa problema mo?

Panalangin:
El Shaddai, inaamin ko po ang aking kawalan ng pagtitiwala sa Iyong kasapatan sa mahihirap na kalagayan. Tulungan Mo po ako na matutong magtiwala at maghintay sa Iyong pagkilos.

Lunes, Mayo 30, 2022

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) - "Nakikita Ko Ba ang Nakikita Niya?" (30 of 366)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) 


Nakikita Ko Ba ang Nakikita Niya?
Basahin: Santiago 2:14-18
(30 of 366)

“Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?”
1 Juan 3:17)

May isang lalake na kumatok sa bahay ng isang matanda na may sakit at mag-isa sa bahay. Nagpakilala ang kumatok na isang Kristiyano at may ibibigay lang daw na babasahin patungkol sa kaligtasan. Nakita ng lalaking Kristiyano ang lagay ng matanda at sinabi niya na, “Tamang tama tay may ibibigay ako sayo na kailangan mo, ito po babasahin tungkol sa kung papaano maligtas.” Pagkatapos ay umalis na ang lalaki na pikit-mata sa pangangailangan ng matanda.

Karamihan sa atin ay sobrang daming ginagawa at wala nang oras sa pagtulong sa iba. Marami ang abala sa pagtupad ng magagandang bagay para sa Panginoon. Nagmamadali sa ministeryo, ngunit nabibigong maglingkod sa mga pangangailangan ng iba sa paligid.

Sa liham ni Santiago sa mga mananampalataya, pinakita sa kanila ang tila hindi tumutugma sa kanilang kinikilos ang mga sinasabi ng mga Kristiyanong ito na sila ay nananalig sa Diyos. Hindi tinutukoy ni Santiago ang tungkol sa kaligtasan dito dahil mga ligtas na ang kausap niya kaso may nakapagsabi sa kanya na hindi nakikita sa buhay nila ang bunga ng kanilang pananampalataya kaya sinulatan niya sila. Pinakita niya ito sa kanyang punto ng sabihin niya sa talata 15 na,
“Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain.” Nais ng El Roi na makita natin ang kanilang pangangailangan at gumawa sa pangangailangang ito.

Gaano kadalas natin pinalampas ang pangangailangan ng isang tao, hindi dahil hindi tayo nagmamalasakit, kundi dahil sa sobrang abala natin sa maraming bagay upang makita kung ano ang nakikita ni El Roi?

Pagbulayan:
Paano ko mas makikita ang pangangailangan ng iba upang matugunan ang mga pangangailangang nakikita ni El Roi sa mga tao sa aking paligid?

Panalangin:
El Roi, buksan Mo po ang aking mga mata sa pangangailangan ng mga tao na nais Mo pong matugunan ko ang pangangailangan nila.

Huwebes, Mayo 26, 2022

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) - "Mamuhay ng Lihim" (29 of 366)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) 


Mamuhay ng Lihim 
Basahin: Mateo 6:1-8
(29 of 366)

“Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh”
(1 Samuel 16:7)

Minsang sinabi ni Shakespeare, “Ang buong mundo ay isang entablado, at lahat ng lalaki at babae ay mga manlalaro lamang.” Maaaring totoo iyan para sa ilan, ngunit pagdating sa mga Kristiyano, hindi interesado ang Diyos na makakita sa kanila ng mga aktor na pakunwari lang ang lahat sa gawaing pangrelihiyon.

Ang paggawa ng mabubuting bagay upang mapabilib ang mga tao, o kahit na mapahanga ang Diyos, ay gawa na may maling motibo. Sapat na ang nakita ng mga tao noong panahon ni Jesus tungkol diyan. Ang mga pinuno ng relihiyon sa panahon nila ay gumagawa ng mga bagay na makakakuha ng atensyon ng tao habang ginagawa nila ang mabuting bagay. Sabik sila sa palakpak ng iba.

Tinuligsa ni Jesus ang pag-uugaling ito at itinuro ang isang bagong paraan ng pamumuhay ayon sa ating pananampalataya: ang mamuhay ng lihim. Hindi Niya ibig-sabihin na itago ang ating pananampalataya. Ang gusto Niyang ituro na ang ating motibo sa paggawa ng mabubuting bagay ay para bigyang kasiyahan ang El Roi, ang Diyos na nakakakita sa akin. Inilarawan ni Jesus ang Kanyang sinasabi sa mga pamilyar na gawain. Sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod na magbigay, manalangin, at mag-ayuno ng lihim, sa halip na gawin ang mga bagay na ito para sa papuri ng iba.

Hindi madaling magtrabaho nang palihim. Maaari tayong makaradam ng hindi pinapahalagahan o nabalewala kung iba ang nakinabang sa ating mga pagsisikap. Ngunit nakikita ng El Roi ang ating mga pagsisikap at ang ninanais ng ating mga puso. Gagantimpalaan Niya tayo, at ang Kanyang gantimpala ay palaging mas mabuti kaysa panandaliang palakpakan.

Pagbulayan:
Ano ang nag-uudyok sayo sa paggawa ng mabuti? Ang palakpakan ng mga tao sa iyo o ang mabigyang kasiyahan ang Diyos? Paano ikaw dapat tumugon sa kakulangan ng pagpapahalaga ng mga tao sa iyong ginagawa na mabuti?

Panalangin:
El Roi, ngayon ay nangangako akong maglingkod sa Iyo nang buong puso sa halip na hanapin ko ang papuri ng iba.

Miyerkules, Mayo 25, 2022

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) - "Nakamasid na mga Mata" (28 of 366)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) 

Nakamasid na mga Mata
Basahin: Genesis 16:1-14
(28 of 366)

“Magmula sa langit, Kanyang minamasdan ang lahat ng tao na Kanyang nilalang”
(Awit 33:13)

Binigyan tayo ng agham ng kahanga-hangang kakayahang matukoy at makita ang isang partikular na lokasyon sa lupa mula sa langit. Gayunpaman, ang Diyos ay palaging ginagawa ito nang walang satellite.

Nalagay sa isang kumplikadong sitwasyon ang alipin ni Sarai na si Hagar. Dahil hindi magkaanak si Sarai, iminungkahi niya na magkaroon ng anak ang kanyang asawa sa kanyang alipin. Ito ay maaaring tunog na kakaiba ngayon, ngunit ito ay isang karaniwang gawain sa panahon nila, at si Hagar ay malamang walang magagawa. Gayumpaman, nang maglihi si Hagar, nakalimutan niya ang kanyang posisyon at tumingin sa kanyang amo na may paghamak.

Ikinagalit ni Sarai ang ginagawa ni Hagar sa kanya at ang kanyang pagbubuntis. Ang kanyang pagmamaltrato ay naging dahilan ng pagtakas ni Hagar sa disyerto, kung saan dito niya natagpuan ang buhay na Diyos. Tumawag si Hagar sa pangalan ng Diyos. Ang Kanyang pangalan ay El Roi, “Ang Diyos ang Nakakakita sa Akin.” Nakuha ng aliping ito na taga-Egipto ang atensyon ng Diyos sa kanyang sitwasyon. Pinabalik siya ni El Roi sa kanyang amo at binigyan siya ng biyayang makapagtiis. Nangako rin Siya na pararamihin ang lahi ni Hagar sa pamamagitan ng anak niya na si Ismael.

Tulad ni Hagar, ilang beses ka nang naipit sa isang mahirap na sitwasyon at iniisip kung may nakakaalam o nakakakita man lang sa iyong sitwasyon? Pakiramdam man natin na tayo ay mag-isa, merong El Roi na ang mga mata ay laging nakakakita at nakakaalam ng iyong pinagdadaanan.

Pagbulayan:
Ngayong alam mo na, na ang Diyos ay laging nakamasid sa atin, paano ito nagbibigay kaaliwan sa atin ngayon?

Panalangin:
El Roi, tulungan Mo po akong matandaan na nasaan man ako, hinding-hindi ako mawawala sa Iyong paningin.

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...