Martes, Oktubre 25, 2022

Gawa 9:32-11:18 - "Grace for Every Race"












Grace for Every Race
(Part 14)
Scripture: Gawa 9:32-11:18
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS

Gawa 9:32-43

32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, 33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”

At agad siyang tumayo. 35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.

36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.

Gawa 10

1 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. 2 Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. 3 Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”

4 Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”

Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. 5 Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. 6 Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”

7 Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. 8 Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.

9 Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”

14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”

15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.

17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.

18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil Ako ang nagsugo sa kanila.”

21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”

27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”

30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[d] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.

31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.”

34 At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod Siya sa sinumang may takot sa Kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang Kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag Niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na Siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili Siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta Siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa Niya ang mga ito sapagkat kasama Niya ang Diyos.

39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa Niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; Siya ay ipinako nila sa krus. 40 Ngunit Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama Niyang kumain at uminom pagkatapos na Siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan Niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na Siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa Kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pangalan.”

44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.

Gawa 11:1-18

1 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. 2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. 3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.

4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.

5 “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. 7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ 8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ 9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.

11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’

15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”

18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”

Pangunahing ideya ng pag-aaral:

            
Upang ma-convert ang Hentil na si Cornelio at maipakita sa mga Hudyo na mga Kristiyano na ang ebanghelyo ay para sa lahat na walang pagtatangi, si Pedro ang unang binago ng Diyos sa katotohanang ito.

Outline ng ating pag-aaral:

I. Scene 1: Introduction (9:32–10:8)

II. Scene 2: Vision (10:3-16)

III. Scene 3: Application (10:17-33)

IV. Scene 4: Declaration (10:34-43)

V. Scene 5: Confirmation (10:44-48)

VI. Scene 6: Resolution (11:1-18)

VII. Concluding Exhortations
A. Jesus overcomes disease and death—rely on Him!
B. Jesus shows hospitality to all—imitate Him!
C. Jesus commands us to preach to everyone—proclaim Him!
D. Jesus saves irreligious and religious people—worship Him!


            
Pagkatapos ilarawan ang pagbabalik-loob o conversion ni Saulo, nagbigay si Lucas ng buod ng pag-unlad at paglago ng iglesya “sa buong Judea, Galilea, at Samaria” (9:31). Sa salaysay na ito tungkol sa ministeryo ni Pedro, makikita natin ang misyon ng simbahan na umaabot sa mas malaking bahagi ng Judea at, higit sa lahat, “hanggang sa dulo ng mundo” sa pamamagitan ng pagbabalik-loob ng Hentil na si Cornelio sa Cesarea. Kaya, nakikita natin ngayon dito ang katuparan ng nabasa at napag-aralan natin nakaraan sa Gawa 1:8.

            
Tatlong malalaking game changer ang meron sa aklat ng Gawa - ito ay ang Pentecostes, ang pagbabalik-loob ni Saulo, at ang pagbabalik-loob ni Cornelio. Ang kaganapan ng Pentecostes na inilarawan sa kabanata 2 ay isa sa pinakamahalaga sa kasaysayan ng mundo. Sa araw na iyon kasi dumating ang ipinangakong Banal na Espiritu na ibinuhos sa mga Kristiyano sa Jerusalem, na nagbigay sa kanila ng mga kaloob at kapangyarihan upang matupad ang misyon ni Jesus. Pagkatapos sa Gawa 9, na-convert si Saulo (Pablo). Karamihan sa natitirang bahagi ng Gawa (pagkatapos ng mga kabanatang ito) ay may kinalaman sa ministeryo sa mga Hentil. At doon nababagay si Cornelio. Sa pamamagitan ng ministeryo ni Pedro kay Cornelio, ibinuhos ng Diyos ang Kanyang Espiritu sa mga Hentil at pinatunayan kay Pedro at sa iba pang mga disipulo na ang ebanghelyo ay para sa lahat ng bansa. Nagbigay ang Diyos ng mga sulyap ng Kanyang puso para sa mga bansa sa conversion ng mga Samaritano at ng eunuko na taga-Etiopia, ngunit sa pagbabalik-loob na ito ang Kanyang pag-ibig sa mga bansa ay ganap na ipinakita sa iglesya at sa mundo upang saksihan at tanggapin.

            
Upang ma-convert si Cornelio, at maipakita sa mga Kristiyanong Hudyo ang ebanghelyo ay para sa lahat nang walang pagtatangi, kinailangan ng Diyos na “i-convert” muna si Pedro—hindi sa Kristiyanismo kundi sa mga implikasyon ng Kristiyanismo. Kailangang makumbinsi si Pedro na ang ebanghelyo ay para sa lahat, kabilang ang mga ganap na nasa labas ng bansang Judio.

            
Ang nagliligtas na biyaya ng Diyos ay umaabot sa bawat grupo ng mga tao na sumisigaw sa Tagapagligtas para sa kaligtasan. Ngunit ang pangunahing katotohanang ito ay mahirap para sa ilang mga Kristiyano na tanggapin ito dahil sa malalim na nakatanim na pagtatangi na maaaring magtago sa loob ng kahit sa isang tinubos na puso. Tignan natin itong isang halimbawa ng isang napaka-karaniwang saloobin na ipinapakita ng mga Kristiyano sa mga tagalabas:

            
Ibinahagi ni Mahatma Gandhi sa kanyang autobiography na noong siya ay estudyante palamang sa England ay labis siyang naantig sa pagbabasa ng aklat ng Ebanghelyo at seryosong pinag-isipang maconvert sa Kristiyanismo, na tila nag-aalok ng tunay na solusyon sa caste system na naghati sa mga tao ng India. Isang Linggo ay dumalo siya sa isa sa mga gawain sa isang iglesya at nagpasyang humingi sa ministro ng kaliwanagan tungkol sa kaligtasan at iba pang mga doktrina. Ngunit nang pumasok si Gandhi sa santuwaryo, tumanggi ang mga usher na bigyan siya ng upuan at iminungkahi na pumunta siya sa ibang lugar upang sumamba kasama ang kanyang mga kauri. Umalis siya at hindi na bumalik. “Kung ang mga Kristiyano ay may caste system din na umiiral,” ang sabi niya sa sarili, “maaaring manatili nalang akong Hindu!”

            
Ang nakalulungkot na katotohanan ay lahat tayo ay maaari pang makarinig ng iba pang mga kuwento na nakakadurog ng puso na tulad din nito. Ako man ay marami nang narinig at nakilalang mga miyembro ng simbahan, maging mga pastor, na nagpahayag ng katulad na saloobin sa mga partikular na grupo ng mga tao.

            
Ang pagkahilig sa diskriminasyon ay resulta ng makasalanang pagkakasala ng sangkatauhan. Ang mga tao ay may diskriminasyon laban sa iba batay sa edad, hitsura, ninuno, kasaganaan, at mga nagawa. Ang mga resulta ng masamang ugali na ito ay regular na naririnig ngayon sa mga balita: dumarami ang walang kabuluhang pamamaril at ang mga hate crime. Ngunit dapat nating maunawaan na ang pagtatangi sa maraming anyo nito ay masama, at dapat nating pagsisihan ito. Dagdag pa, dapat tayong patuloy na magsisi sa pagkakaroon ugaling diskriminasyon dahil malalim itong nakatanim sa marami sa atin—kahit na hindi natin namamalayan. Maging si apostol Pedro ay nag-struggle upang mapagtagumpayan ang kasalanan ng pagpapakita ng pagtatangi.

“11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
(Galacia 2:11-14)

            
Naaalala nyo ba ang nag-aatubili na propetang si Jonas? Ayaw niyang pumunta sa Nineveh. Bakit? Dahil hinamak niya ang mga taga-Asiria na naninirahan doon.

           
Maraming pagkakatulad si Jonas at ang nag-aatubiling si apostol Pedro. Sa katunayan, ang tunay na pangalan ni Pedro ay Simon Bar-Jonah (Simon, anak ni Jonah; Mateo 16:17). Inatasan ng Panginoon sina Jonas at Simon Bar-Jonah na dalhin ang Kanyang mensahe sa kanilang mga kaaway. Parehong nagprotesta sila. Si Pedro ay hindi mas handang makihalubilo sa mga Hentil kaysa kay Jonas sa mga Ninevita. Gayunpaman, pareho sa huli binawi ang kanilang mga protesta—si Jonas pagkatapos na gumugol ng tatlong araw at gabi sa tiyan ng isang malaking isda at si Pedro pagkatapos makatanggap ng isang pangitain na inulit ng tatlong beses. Matapos ipangaral ang mensahe ng Diyos ayon sa tagubilin, nasaksihan ng dalawang lalaking ito ang pagbibigay ng Diyos ng pagsisisi sa mga tagalabas. Ito ay nag-udyok ng masamang tugon mula kay Jonas, na kinatawan ng tradisyonal na Israel, at itinutuwid siya ng Diyos. Ang positibong tugon ng sambahayan ni Cornelius ay nagbubunga ng isang hayagang tugon na hindi maganda mula sa iba sa loob ng tradisyonal na Israel, na itinutuwid din ng Diyos. Sina Jonas at Simon Bar-Jonah ay parehong isinugo upang ipakita ang puso ng Diyos para sa mga bansa, at kapwa nangangailangan ng isang missional conversion.

            
Maraming mga hadlang sa pagsulong ng ebanghelyo, gaya ng naobserbahan natin sa ating pag-aaral sa aklat ng Gawa. Nakita natin ang pag-uusig sa labas. Nakita din natin ang darama sa loob. At dito nakikita natin ang isa pang hadlang: ang ating sariling mga puso. Dapat nating malampasan ang diskriminasyon upang maging mabubuting misyonero.

            
Ano ang iyong reaksyon o disposisyon kapag nakatagpo ka ng taong may tattoo at maraming hikaw? Kapag ipinakilala ka sa isang magkaparehas na kasarian o nakatagpo ng isang cross-dresser habang nagbabayad ka para sa iyong mga pinamili? Paano ka magsalita at kumilos kapag ipinakilala ikaw sa mga nasa pulitika na hindi mo sinusuportahan na partido? Paano kapag nakilala mo ang isang pamilyang Muslim na bago sa iyong lugar? Ikaw ba at ang iyong mga kaibigan ay hindi apektado ng elitismo, eksklusivismo, at diskriminasyon na lumaganap sa ating lipunan? Itinuturo ng tekstong ito na walang pader ang dapat humadlang sa mga Kristiyano na mag-alok ng ebanghelyo ni Jesus nang libre at mapagmahal sa lahat.

            
Ang kwento ni Cornelius ang pinakamahaba sa lahat ng mga salaysay sa aklat ng Gawa. Ang epekto ng mga kaganapan dito ay patuloy na naramdaman sa loob ng maraming taon pagkatapos nito. Tignan natin ang anim na eksena.

I. Scene 1: Introduction (9:32–10:8)

a. Pedro (9:32-42)

            
Muli nating nakita si Pedro sa bahaging ito ng ating pinag-aaralan at ang isa pang bagong karakter na si Cornelio. Huling binanggit si Pedro sa Gawa 8, doon sa mission work ni Felipe sa Samaria.

            
Nakita natin dito ang dalawang himalang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pedro. Unang himala na nakita natin ay ang pagpapagaling ni Pedro sa paralitikong si Eneas at ang pagkabuhay niya kay Dorcas. Dahil nasaksihan na natin ang paggawa ng mga himala ng Diyos sa pamamagitan ni Pedro, maaaring magtaka tayo kung bakit naisama ang dalawang himalang ito sa kwento. Una, upang mas maipagtibay ang pagiging tunay na apostol ni Pedro. Ipinaaalaala nito sa atin kung sino si Pedro na sumusunod sa yapak ni Hesus. Pangalawa, ipinakita nito ang kapangyarihan ni Jesus. Ang misyon ni Pedro sa mga bansa (at natin) ay itinutulak ng kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Hesus. Pangatlo, ang mga himalang ito ay nagbibigay ng mga palatandaan ng darating na kaharian ni Jesus, na magpapagaling ng mga maysakit at magpapabangon ng mga patay. Sa wakas, ang mga himalang ito ay hindi nagtatapos sa kanilang sarili; sa parehong kuwento ang naging bunga nito ay marami ang sumampalataya kay Jesus at naligtas:

tal. 35 –
Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.”

tal. 42 –
Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon.”

            
Ang unang himala, na kinasasangkutan ni Eneas, ay nagpapakita ng kapangyarihan ni Kristo sa sakit. Si Pedro ay naglalakbay, nangangaral ng ebanghelyo at binibisita ang mga mananampalataya sa Lida (9:32). Dahil ang mga mananampalataya na ito ay nabubuhay sa panahon ng transisyonal, tiyak na marami silang katanungan tungkol sa kung paano ilalapat ang batas at isabuhay ang kanilang pananampalataya. Habang nasa Lida, mga dalawampu't limang milya hilagang-kanluran ng Jerusalem at mga labindalawang milya sa timog-silangan ng Joppa, nakilala nga ni Pedro si Eneas. Ang lalaki ay paralisado at nakaratay sa loob ng walong taon.

            
Naiimagine ko lang ang pananabik ng puso ng lalaking ito. Marahil ay labis niyang ninanais na maramdaman muli ang mga paa ng kanyang asawa na yumakap sa tabi niya sa ilalim ng kanilang mga kumot, maranasan muling makapagtrabaho. At ang mga panaginip niyang ito ay malapit na niyang maranasana muli at magkatotoo.

            
Nang makita ni Pedro si Eneas, sinabi lang niya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!” (9:34). Sa paggawa nito ay itinuturo ni Pedro ang kapangyarihan ni Hesus, na may kasaysayan ng pagpapagaling ng mga paralitiko (cf. Lucas 5:24-25). At tumayo si Eneas at lumakad bilang tugon sa mga salita ni Pedro. Isipin na lang ang saya sa lalaking ito sa puso niya!

            
Parang ganito din yung nangyari sa Gawa 3 na kung saan ang himala ang nakapag-akit sa mga tao at naging daan kay Pedro para maibahagi ang ebanghelyo sa kanila. Kaya, tulad doon maraming tao ang napagbagong loob (9:35).

            
Sunod na makikita natin ay ang kapangyarihan ni Kristo sa kamatayan na ipinakita sa kuwento ni Dorcas. Ang tapat na mananamapalatayang ito ay nagkasakit at namatay, at sinabi sa atin ni Lucas kung ano ang naging espesyal sa kanya: sinasabi sa talata 36, “Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa.” Ang mga balo na pinaghandaan niya ng damit ay labis na nagdalamhati para sa kanya (tal. 39). Agad na ipinatawag ng mga alagad sa Joppa si Pedro, sa pag-asang mabubuhay niya ito. Hindi man lang siya inilibing; inilagay nila ang katawan ng babae sa isang silid, umaasa sa isang himala. At hindi sila nabigo: Ginamit ng Diyos si Pedro para ipakita ang kapangyarihan ni Kristo sa kamatayan.

            
Tulad nina Jesus at Eliseo, pinalabas ni Pedro ang lahat sa silid nang siya ay nagpakita upang buhayin ang patay; naiwan siyang mag-isa kasama ang bangkay (cf. 2 Hari 4:33; Marcos 5:40). Gaya ni Eliseo, lumuhod si Pedro sa panalangin, na tumitingin sa Isang na may kapangyarihan ng muling pagkabuhay bilang kanyang tulong. (Hindi kailangang manalangin si Jesus sa Marcos 5 dahil Siya ang pagkabuhay-muli at ang buhay!) Pagkatapos ay tinawag ni Pedro si Dorcas sa kanyang Aramaic na pangalan: “Tabita,” sabi niya, “bumangon ka!” Ito ay halos isang echo ng Aramaic na utos ni Jesus sa anak na babae ni Jarius, "Talitha koum" (Marcos 5:41). Bilang tugon ni Dorcas ibinuka niya ang kanyang mga mata tulad ng ginawa ng anak ng babaeng Sumammita sa 2 Hari 4:35 nang siya ay nagising. Umupo si Dorcas, gayundin ang anak ng balo sa Nain (Lucas 7:15). Pagkatapos, gaya ng ibinalik nina Elias at Jesus ang mga muling binuhay sa kanilang mga balong ina (1 Hari 17:23; Lucas 7:15), kaya ibinalik ni Pedro ang balo sa mga banal.

            
Pareho sa mga himalang ito ang nagtakda ng yugto para sa susunod. Sa pagpapakita sa atin ng kapangyarihan ni Kristo laban sa sakit at kamatayan, inihanda tayo ni Dr. Luke na makita ang kapangyarihan ni Kristo laban sa diskriminasyon.

            
Tinapos ni Lucas ang kabanata sa pagsabi na si Pedro ay pumunta sa Joppa, at nananatili siya kay Simon, na isang tagapagbilad ng balat ng hayop (9:43). Ito ay makabuluhan bakit? Maliwanag na dinaig na ng Diyos ang ilan sa mga cultural biases ni Pedro. Dahil ang isang tagapagbilad ng balat ng hayop ay isang trabahong marumi para sa mga Hudyo dahil humahawak sila sa mga patay na hayop upang gawing leather ang kanilang mga balat.

b. Cornelio (10:1-8)

            Ang
Cesarea ay ang kabisera ng pananakop ng mga Romano sa Israel. Ito ay isang bayan ng militar. Ito ay nasa baybayin, tatlumpu't isang milya sa hilaga ng Joppa. Mahalagang malaman na ang mga Hudyo ay napopoot sa mga taga-Cesarea. Tinawag nila itong anak na babae ng Edom, isang lugar ng kasamaan, iyon ay isang simbolikong pangalan para sa Roma.

            
Si Cornelio ay isang kapitan ng mananakop na hukbong Romano. Bilang isang senturion, Meron siyang humigit-kumulang na isang daang sundalong Romano na    naka-poste sa Cesarea na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Siya ay may sweldo na limang beses ang laki kaysa sa isang ordinaryong sundalo. Kaya siya ay isang mayaman at maimpluwensyang tao. Gayunpaman, tiyak na marami ang galit sa kanya na mga Judio.

            
Kaya sa mga hidwaang ito sa pagitan nila sa lugar ng mga Hentil ay itong si Pedro ay may pagtanggi sa kanyang puso. Pero hindi niya alam na ang ebanghelyo ay malapit nang wasakin ang isang antigospel tradition na nakatago sa puso ng apostol na ito. Dahilan para ang ebanghelyo ay lumaganap sa buong mundo.

            
Ano ang pinaka-kinasusuklaman na lugar sa mundo para sa iyo? Aling bansa, lungsod, o bahagi ng bayan ang parang ayaw mo na doon ka? Maglaan ng ilang sandali upang isaalang-alang kung bakit mo nararamdaman iyon. Ngayon, isipin mo na doon ka sa lugar na iyon titira na at magtatrabaho doon para makipagkaibigan sa mga makikilala mo upang bahagian mo sila ng ebanghelyo. Parang ganun ang assignment ni Pedro.

            
Ayaw ni Lucas na makaligtaan natin ang relihiyosong debosyon ni Cornelio (10:2). Ang lalaking ito ay "may takot sa Diyos." Ang terminong “may takot sa Diyos” ay tinatawag sa mga Hentil na sumunod sa pananampalataya ng Hudaismo sa iisang Diyos. Sinunod nila ang Sampung Utos pero tinatanggihan nila ang ideya ng pagpapailalim sa pagtutuli o pagsunod sa kosher dietary ng Leviticus. Ang mga Hudyo ay may kaugaliang igalang ang ganong mga tao, bagaman pinipigilan nila ang mga ito nang buong pakikisangkot sa kanilang banal na gawain dahil nga sa kanilang mga ginagawa din. Binanggit din ni Lucas sa talata 2 na ang kabanalan ng lalaking ito ay may kinalaman sa paggtulong niya sa mga dukha at panalangin sa Diyos. Ang ganitong pagtulong niya ay dahilan kung bakit iginagalang siya ng mga Judio (tal. 22). Katulad din niya ang senturion sa Capernaum, na ginagalang din ng mga Judio, dahil sa pagsuporta nito sa kanilang gawain (Lucas 7:4-5).

            
Pero syempre alam natin na hindi sapat ito para siya ay maligtas. Kahit na si Cornelio ay isang relihiyosong tao, hindi siya tunay na ligtas pa. Si Cornelio ay katulad lamang din ni Nicodemo – ito ang lalaking nakipag-usap kay Jesus at sa kanya binigay ni Jesus ang mababasa natin sa Juan 3:16. Kung titignan sa mata ng marami sa panahon nila na ang kagaya niya ay ang tiyak na makakapasok sa langit dahil siya ay pariseo, ginagalang, at relihiyoso. Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus na, “Kailangan niyang maipanganak muli.” Ibig sabihin hindi siya tunay na ligtas sa mata ni Jesus kahit na siya ay mabuti at mabait sa paningin ng marami. Kaya masasabi natin na ang ebanghelyo ay hindi lamang para sa mga hindi relihiyoso; para din ito sa mga taong relihiyoso. Muli, ito ang dahilan kung bakit naniniwala ako na ang impyerno ay puno ng mga taong mababait at relihiyoso noong sila ay nabuhay sa mundong ito dahil hindi sila sumampalataya sa nag-iisang Tagapagligtas na si Jesus.

II. Scene 2: Vision (10:3-16)

            
Nakaraan nakita natin na nagkonekta ang pangitain ni Saulo at ni Ananias para kumpirmahin ang pagkatawag ng Diyos kay Saulo. At ganito din ngayon ang nakikita nating dalawang pangitain sa pagitan ni Cornelio at ni Pedro na nagkonekta para makumpirma ang mahalagang mangyayari sa pagitan nila.

            
Si Cornelio ay ang unang nakatanggap ng isang pangitain upang makipagkita kay Pedro (mtal. 3-8). Ang unang sundial ay itinakda sa oras ng templo, sa oras ng paghahandog sa gabi, at sa panahon ng kanyang panalangin, nakakakuha siya ng tagubilin mula sa isang anghel. Si Cornelio ay hindi isang Kristiyano nang nangyari ito, at isa pang kamangha-manghang bagay na makita natin dito na hindi siya niligtas ng Diyos sa pangitaing ito. Sa Gawa 11 natin makikita ang kaunti pang detalye tungkol sa nangyari dito.

“13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.”
(Gawa 11:13-14)

            
Sa pangitaing ito ay itinuro ng Diyos si Cornelio sa ebanghelista. Si Cornelio ay naging Kristiyano nang narinig niya ang mensahe at pinaniwalaan niya ito (tignan ang Gawa 4:12; Roma 10:14-17). Habang ang Diyos ay unang magsimulang gumawa sa puso ni Cornelio sa pamamagitan ng Kanyang pasimulang biyaya, kailangang malaman ni Cornelio ang ebanghelyo at tanggapin ito.

            
Hindi ko alam kung totoo pero may nabasa ako sa isang libro na kinuwento na may isang misyonaryo na nasa Middle East na nagsimula ng underground church. Sinubukan ng mga lokal na tuklasin ang lokasyon ng kapulungang iyon upang i-persecute ang mga mananampalataya doon, ngunit hindi nila ito mahanap. Gayunman, isang hating gabi, narinig ng misyonero ang isang katok sa pintuan sa lihim na simbahan nila. Maingat niyang binuksan iyon ng makita ang isang tribesman na nakatayo doon. Ipinaliwanag ng lalaki na ilang araw siyang naglakad upang mahanap ang misyonero. Sabi niya, “Nakaroon ako ng pangitain tatlong araw na ang nakararaan na may isang lalaking nakatayo sa address na ito na magsasabi sa akin kung paano ako makarating sa langit. Sir, ikaw ba ang lalaking ito?" Ang tribesman na iyon, tulad ni Cornelio, ay binigyan ng isang pangitain na mapagtagpo sila ng isang ebanghelista na magtuturo sa kanya kung paano tumawid mula sa espirituwal na kamatayan patungo sa masaganang buhay.

            
Sa totoo lang marami pa akong narinig na mga ganitong kwento. Ang kuwentong ito, din, ay nagpapaalala sa atin na kahit na ang Diyos ay gumagamit ng mga pangitain upang hikayatin ang mga tao tungo sa pananampalataya kay Kristo, ang mga ebanghelista ay dapat pa ring gawin ang kapana-panabik na gawain ng pagpapaliwanag sa kanila ng ebanghelyo upang kanilang maunawaan at tanggapin ito nang may kumpiyansa. Diba kasi bakit hindi pa yung Diyos mismo ang nagbahagi ng gospel kay Cornelio doon palang sa pangitain niya. Bakit kailangan pang isugo sa kanya si Pedro para siya mismo ang magbahagi? Dahil merong iniwang misyon si Jesus sa lahat ng mga sumampalataya sa Kanya.

            
Pero ang Diyos ay hindi palaging nakikipag-usap sa mga hindi mananampalataya—o maging sa mga Kristiyano—sa pamamagitan ng mga dramatikong panaginip. Kung minsan ay hinahatak niya ang mga tao sa isang malalim na pananabik. Kung minsan ay sinisimulan niyang hikayatin ang mga tao tungo sa pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng curiosity nila tungkol sa ebanghelyo o tungkol sa mga espirituwal na tanong na kinasasangkutan ng kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan o kung bakit sinusunod ng mga tao ang moral na mga alituntunin. Kaya kung kaw ay minsang nakaramdam ng gutom sa mas malalim pa na pagkilala kay Jesus o ikaw may nakausap ka na may ganito ding pagnanasa, ngayon alam natin na talagang hinahanap tayo ng Diyos.  

            
Sa  Gawa 10:9-16 si Pedro ay nakatanggap ng isang pangitain kung saan siya ay sinabihan na kumain ng lahat ng uri ng karne nang hindi nag-aalala sa kanyang sarili kung ang gayong mga pagkain ay malinis o marumi ayon sa mga batas sa pagkain ng mga Judio. Pansinin na si Pedro, tulad ni Cornelio, ay nananalangin nang matanggap niya ang kanyang pangitain. Hindi ko iminumungkahi na ang isang bagay na kapansin-pansing tulad nito ay mangyayari sa tuwing tayo ay mananalangin, ngunit sa palagay ko ito ay nagpapahiwatig na ang mga taong mapagpakumbabang naghahanap sa Panginoon sa walang hadlang at hindi nagmamadaling panalangin ay nakakaranas ng malaking pagpapala.

           
Si Pedro ay inutusang pumatay at ubusin ang magkakaibang mga nilalang, maging ang mga ipinagbabawal sa Levitico 11 (Tignan ang Marcos 7:19). Bagama't hindi pa nauunawaan ni Pedro ang simbolismong ginagawa sa pangitaing ito, ang mga maruruming hayop na ito ay sumasagisag sa paglilinis ng Diyos sa mga maruruming Hentil. Ngunit tumanggi si Pedro na sumunod sa utos ng tatlong beses; mayroon siyang history ng tatlong beses na pagtanggi na sinusundan ng pagpapatibay! Ang mga paghihigpit sa pagkain ay matagal nang humihiwalay sa mga Hudyo mula sa mga Hentil, ngunit sinira ngayon ng Diyos ang pader na ito.

            
Ang pagbabahagi ng pagkain at inumin sa isang mesa sa iba ay isang malaking bagay. Ito ay isang deklarasyon ng pagkakaibigan, at sa paraang iyon ay parang pagdedeklara ng isang tipan. Bilang mga Kristiyano ay dapat maging handa tayong kumain kasama ang sinuman. At dapat tayong tumanggap ng mabuting pakikitungo mula sa sinuman.  Ang paggawa nito ay nagwasak ng maraming pader at nagbigay-daan para sa ilang mabungang talakayan, at daan para maibahagi ang Gospel.

III. Scene 3: Application (10:17-33)

            
Sumunod, nakita natin na ginawa nina Pedro at Cornelio ang kanilang mga pangitain. Pinag-iisipan ni Pedro ang mga bagay na nakita niya nang dumating ang mga bisita sa tarangkahan. Hindi nila ito pinapasok dahil sila ay mga Hentil. Sinabi kay Pedro na hindi siya dapat mag-atubiling sumama sa kanila (tal. 20). Bagamat makikita natin dito na si Cornelio ang nagpadala ng mga tauhan para ipasundo si Pedro pero alam natin ultimately na ang Diyos ang tunay na nag pasugo sa kanila. Kaya't lumabas si Pedro upang salubungin sila. Ang mga lalaki ay nagsabi sa kanya ng kaunti tungkol kay Cornelio, ang tungkol sa anghel, at ang kanilang layunin (tal. 22). Pagkatapos marinig ito ni Pedro mababasa natin sa talata 23 na “Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.”  Ang alok na mabuting pakikitungo na ito ay maaaring hindi mukhang isang malaking bagay sa atin, ngunit para kay Pedro at sa iba pang mga Kristiyanong Hudyo ito ay hudyat ng isang malaking sandali ng ebanghelyo! Si Pedro at ang iba pa ay “na-convert” mula sa pag-iisip na ang Mabuting Balita ay para sa mga Judio lamang.

            
Hindi lamang binigyan ni Pedro ng matutulugan ang mga lalaki, ngunit nang sumunod na araw ay naglakbay siya sa Cesarea, kasama niya ang ilan sa mga kapatid mula sa Joppa (tal. 23). Ang mga lalaking ito ay magsisilbi hindi lamang bilang mga kasama kundi bilang mga saksi rin.

            
Nang sa wakas ay dumating sila sa Cesarea, parehong nagpakita ng matinding kapakumbabaan sina Cornelio at Pedro sa isa’t-isa. Si Cornelio, ay isang Romanong opisyal, ay yumuko sa harap ng mangingisdang Judiong ito! Pagkatapos ay ipinaalala ng mangingisdang Judio kay Cornelio na pareho silang mga tao lamang, na nilikha ng Diyos. Hindi na kailangang yumuko sa isa't isa. Sila ay magkakasama lamang dahil sila ay nagpasakop sa Salita ng Diyos at kumikilos nang may pagpapakumbaba sa Diyos at sa isa't isa.

            
Pero paghambingin natin saglit ang pangyayaring ito sa ilang pangyayaring tulad nito sa buhay ng iba at ni Jesus

Kay Pedro

Gawa 10:25-26
25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.

Sa Anghel

Pahayag 19:9-10
9 At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala silang mga tinawag ng Diyos sa hapunang para sa kasal ng Kordero. At sinabi niya sa akin: Ang mga ito ay totoong mga salita ng Diyos.

10 At ako ay nagpatirapa sa harapan ng kaniyang mga paa upang sambahin siya. At sinabi niya: Huwag mong gawin iyan. Ako ay kapwa mo alipin at kapatid mong lalaki na taglay ang patotoo ni Jesus. Sambahin mo ang Diyos sapagkat ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang espiritu ng paghahayag.

Kay Jesus

Mateo 2:11
“Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata (Jesus). Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira”

Mateo 14:33
Kaya ang mga nasa bangka ay lumapit at sumamba kay Jesus. Sinabi nila: Totoong Ikaw nga ang Anak ng Diyos.”

Mateo 28:8-9
"8 Sila ay mabilis na umalis mula sa libingan na may takot at malaking kagalakan. Sila ay tumakbo upang sabihin sa kaniyang mga alagad. 9 Nang sila ay papunta na sa kaniyang mga alagad, narito, sinalubong sila ni Jesus. Sinabi niya: Bumabati! Lumapit sila sa Kaniya, hinawakan ang Kaniyang paa at sinamba Siya."            

            Dito makikita natin na si Pedro at ang anghel ay hindi tinanggap ang pagluhod at pagsamba sa kanila dahil sila ay tao lamang tulad nila. Pero mapapansin naman natin na ang mga lumuhod at sumamba sa Kanya ay hindi Niya sinuway at sinabi na Siya ay huwag sambahin dahil tao lang din Siyang tulad nila. Sa halip makikita natin na ito’y Kanyang tinanggap.

Filipos 2:10
“Ito ay upang sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit, ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa”

            
Sa mga talata 30-32 naman, muling ikinuwento ni Cornelio ang mga pangyayari para kay Pedro, na sinasabi sa apostol kung bakit niya siya ipinatawag. Pagkatapos ay nagpakita si Cornelio ng higit na pagpapakumbaba, na nagpapahayag ng pananabik na marinig ang salita ni Pedro mula sa Diyos (tal. 33).

            
Isaalang-alang natin ang tatlong paraan kung paano natin maipapakita ang pagmamahal sa lahat ng ating kapwa, anuman ang kanilang lahi o pinagmulan.

1. Hindi tayo dapat magpakita ng pag-aalinlangan sa 
pakikipagkaibigan sa mga taong hindi katulad natin.

(tal. 20)
“Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil Ako ang nagsugo sa kanila.”

2. Maaari tayong magpakita ng mabuting pakikitungo sa 
lahat, ibukas natin ang ating tahanan at asikasuhin sila.

(tal. 23)
“Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.”

3. Maaari tayong magpakita ng pagpapakumbaba sa harap 
ng lahat ng tao, anuman ang kulay ng kanilang balat o taunang kita, na namumuhay nang may pagkaunawa na tayong lahat ay ginawa ayon sa larawan ng Diyos

(tal. 26)
Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”

            
Madali ba para sa iyo ang pagpapakita ng pag-ibig sa ganitong paraan, o baka kailangan mo munang "ma-convert" din tulad ni Pedro? Kung nag-aalinlangan ka sa ideya ng pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa mga taong hindi mo katulad o hindi mo pa nabuksan ang iyong tahanan sa mga nasa labas ng iyong karaniwang kasama, posibleng mayroon kang elitism - ang saloobin o pag-uugali ng isang tao o grupo na itinuturing ang kanilang sarili bilang kabilang sa isang piling tao. Ito ang adbokasiya o pagkakaroon ng isang elite bilang isang nangingibabaw na elemento sa isang sistema o lipunan. Kung gayon, hilingin sa Panginoon na baguhin ang iyong puso, na ibigay sa iyo ang Kanyang pananaw.

IV. Scene 4: Declaration (10:34-43)

            
Napakaganda na makita natin na tumugon si Pedro kay Cornelio. Dahil dito naipangaral niya ang ebanghelyo at naunawaan niya ng malinaw ang plano ng Diyos sa simula palang.

            
Ano nga ba ang ipinahahayag niya? Una, itinatanggi niya na ang Diyos ay nagpapakita ng pagtatangi sa mga linya ng etniko.

talata 34
“Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos.”

            
Naunawaan na niya ang sinasabi sa Deuteronomio 10:17-19;

“17 Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. 18 Binibigyan Niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal Niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit. 19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan sapagkat kayo ma'y naging dayuhan din sa Egipto.”

            
Pangalawa, pinagtitibay niya na tinatanggap ng Diyos mula sa bawat bansa ang mga taong may takot sa Kanya.

talata 35
“Nalulugod Siya sa sinumang may takot sa Kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa.”

 
           Sa paggawa ng pahayag na ito ay hindi sinasabi ni Pedro na ang pagtanggap ng Diyos ay batay sa mga gawa. Dahil sabi sa Gawa 10:43, “Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa Kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pangalan.” Dito malinaw na pinakita  ang pangangailangan ng pananampalataya at pagpapatawad. Sa halip, sinasabi lang niya na ang Diyos ay nagpapakita ng awa sa mga nagpapakumbaba sa harap Niya.

            
Ikatlo, binigyang-diin ni Pedro na si Hesus, ang isinugo na nangaral ng kapayapaan, ay Panginoon ng lahat.

talata 36
“Ibinigay ng Diyos ang Kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag Niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na Siyang Panginoon ng lahat!”

            
Ikaapat, ipinalagay ni Pedro na alam ng karamihan ang kontrobersyal na ministeryo ni Jesus sa lupa, na kinabibilangan ng ilang elemento.

Mga talata 37-38
“37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili Siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta Siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa Niya ang mga ito sapagkat kasama Niya ang Diyos.”

            
Binanggit ni Pedro ang pagbaba ng Espiritu sa pagbautismo kay Jesus, ang mabubuting gawa ni Jesus, ang pagpapagaling at kapangyarihan ni Jesus sa diyablo, at ang presensya ng Diyos kay Jesus.

            
Ikalima, itinuon ni Pedro ang kanyang mensahe sa krus, sa muling pagkabuhay, at ang pagbabalik ni Hesus.

Mga talata 39-42
39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa Niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; Siya ay ipinako nila sa krus. 40 Ngunit Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama Niyang kumain at uminom pagkatapos na Siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan Niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na Siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay.”

            
Pagkatapos, panghuli, binanggit ni Pedro ang mga propeta—ngunit ang sermon ay naputol bago pa nya matapos ang binabahagi niya sa talata 43,

Mga talata 43-44
“43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa Kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pangalan. 44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig.”

            
Dahil bumama ang Espiritu ng Diyos sa mga Hentil na nakikinig sa kalagitnaan ng semon. At pinatotohanan nga ito ni Pedro sa Gawa 11:15,

“Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una.”

            
Ang talatang ito ay nagbibigay ng mahahalagang bagay na dapat nating pag-isipan at isama sa sarili nating mga presentasyon ng ebanghelyo:

1. Si Jesus, ang Mesiyas, ay Panginoon ng lahat.
2. Si Jesus ay binigyan ng kapangyarihan ng Espiritu upang palayain ang mga bihag ng diyablo.
3. Namatay si Jesus sa ilalim ng sumpa na nararapat sa iba.
4. Si Jesus ay ibinangon upang maghari magpakailanman.
5. Hahatulan ni Jesus ang lahat.
6. Ang lahat ng ito ay naaayon sa Kasulatan, na nangangako ng kapatawaran para sa lahat—mula sa bawat tao—na nagtitiwala pangalan ni Jesus

            
Ang mensaheng ito ng kaligtasan ay nagbukas ng pinto ng kaharian sa mga Hentil, at ito ay patuloy na magbubukas ng pinto sa langit para sa lahat ng yayakap dito.

            
Dito natin maiintindihan ang sinabi ni Jesus kay Pedro sa Mateo 16:19,
“Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.”

            
Hindi ito literal na susi na parang nasa kanya nakasalalay kung makakapasok ang isang tao sa kaharian ng Diyos. Kundi ito ay badge of authority. At nakita nga natin na una niya itong ginamit sa pagbubukas ng kaharian ng Diyos sa mga Hudyo sa Araw ng Penticostes (Gawa 2) at pagkatapos ay sa mga Samaritano din agad pagkatapos nito (Gawa 8:14-17). At ngayon naman ay muli niyang ginamit ang susi at buksan ang kaharian ng Diyos sa mga Hentil; sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo at pagbautismo kay Cornelios na unang Hentil na na-convert.

V. Scene 5: Confirmation (10:44-48)

            
Isinulat ni Lucas ang kamangha-manghang tugon ng mga Hentil sa sermon ni Pedro. Ang nangyayari dito na ang isang Hentil na Pentecostes, na nagpapatunay na ang kaligtasan ay dumating din sa kanila. Ang salitang “bumaba” sa talata 44 ay makikita din sa Gawa 8:15 nang ang Espiritu ay bumaba sa mga Samaritano na tinatawag ng ilan na Samaritan Pentecost. Ang salitang “ibinuhos” (tal. 45) ay nagpapa-isip sa atin ng parehong pananalitang ginamit para sa Pentecostes na nangyari sa Jerusalem sa Gawa 2:17-18.

            
Ang Espiritu ay nagbukas ng bagong kabanata sa pagpapalaganap ng kaligtasan hanggang sa mga dulo ng mundo! Ang mga Hentil din ay mga anak ni Abraham—hindi sa pamamagitan ng pagtutuli, kundi sa pamamagitan lamang ng biyaya, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo lamang.

            
Mayroong iba pang mga parallel sa Jerusalem Pentecost. Ang mga Hentil na mananampalataya ay nagsasalita ng mga wika, at pinupuri ang Diyos (Tignan sa Gawa 2:4-11). Dagdag pa, ang mga nakasaksing Judio ay namangha (Gawa 10:45; Tignan sa Gawa 2:6-12). Sa wakas, ang mga bagong mananampalataya ay nabautismuhan (Gawa 10:47-48; Tignan sa Gawa 2:41).

47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.

            
Habang ang ilan sa mga kapatid na Judio ay nahihirapang tanggapin pa ang mga Hentil, ang mahalaga tinanggap sila ng Diyos. Kinumpirma niya ang Kanyang pagtanggap sa pamamagitan ng mga palatandaang ito na nagpakita na ang Hudyo at Gentil ay nasa pantay na batayan sa sandaling tanggapin nila si Kristo.

Galacia 3:28-29
“28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.”

            
Pinagtibay ito ng Espiritu, at nasaksihan ng pitong Judiong mananampalataya ang mga bagay na ito. Ang napakalaking bangin sa pagitan ng Hudyo at Hentil ay biglang napagdugtong

VI. Scene 6: Resolution (11:1-18)

            
Hindi lahat ay natuwa sa pagbabagong ito. Nang bumalik si Pedro sa Jerusalem, nakatagpo siya ng matinding pagpuna dahil sa kanyang pakikisama sa mga Hentil (Gawa 11:1-3). Simple lang ang tugon ni Pedro: ikinuwento niya muli ang mga pangyayari. Pagkatapos ay binanggit niya kung paano niya naalala ang mga salita ng Panginoon, na inihambing ang bautismo sa tubig sa bautismo sa Espiritu.

Gawa 1:5
“Si Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”

Gawa 11:16
At naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’

            
Ipinakita nito sa kanya kung paanong ibinigay ng Diyos sa mga Hentil ang parehong kaloob, ang parehong Espiritu, at ang parehong paglilinis tulad ng mga Judiong mananampalataya.

            
Pagkatapos ay tinanong ni Pedro ang mga mapanuring kapatid, “sino ako para hadlangan ang Diyos?” (tal. 17). Dito makikita natin na si Pedro ay lubusang kumbinsido na ang Diyos ay gumagawa upang iligtas ang mga Hentil; ang humadlang sa daan ng Diyos ay hindi matalino o ligtas. (Tanungin nyo si Jonas.)

            
Nang marinig ito ay tumigil sila sa pagtutuligsa at namangha (tal. 18). Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang bawat tao ay kumbinsido sa misyon sa Hentil. Bagamat mayroong ilang tahimik na tumutol, nakiisa parin ang iglesya kay Pedro sa pagpupuri sa Diyos para sa Kanyang kaloob sa mga Hentil. At tama sila na luwalhatiin ang Diyos. Walang sinuman ang nararapat sa kaligtasan. Yaong mga nakaranas nito—magkaparehong Hudyo at Gentil—ay dapat magbigay ng walang tigil na papuri sa Tagapagligtas.

            
Ang punto ng salaysay na ito ay ito: ang ebanghelyo ay para sa mga bansa. Ang pagbabagong loob ng Diyos sa saloobin ni Pedro at ang espirituwal na pagbabagong dulot ng Diyos kay Cornelio ay naging daan para sa misyon sa mga Hentil. Siyempre, napagbagong loob na ng Diyos ang eunuko ng Etiopia bago pa mangyari ito sa pamamagitan ni Pedro, ngunit ang kuwentong ito sa Gawa 10–11 ay may espesyal na kahalagahan:

            
Gaya ni Cornelio, ang eunuko ay tila parehong “may takot sa Diyos” at ang Hentil. Ang makabuluhang bagong development sa Gawa 10 ay si Pedro ay naging mas nakatuon sa misyon sa mga Hentil. Ang kanyang patotoo ay magiging instrumento sa pamumuno sa mother church sa Jerusalem upang i-endorso ang misyon sa mga Hentil.

            
Ang bagong pangakong ito na ihatid ang ebanghelyo sa mga bansa ay malalaman na ngayon sa buong natitirang bahagi ng aklat ng Gawa.

VII. Concluding Exhortations

A. Jesus overcomes disease and death—rely on Him!

            
Ang ating pinagmumulan ng kapangyarihan ngayon ay nagmumula sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pakikipag-isa kay Hesu-Kristo. Kailangan mo ba ang Kanyang lakas sa gitna ng karamdaman, dalamhati, o sakit? Tumingin sa Kanya. Kailangan mo ba ng kapangyarihan upang magpatotoo nang buong tapang tungkol sa Kanyang biyaya? Umasa sa Isa na bumubuhay ng patay!

B. Jesus shows hospitality to all—imitate Him!

            
Ang tekstong ito ay nagbibigay ng isang kahanga-hangang larawan ng mabuting pakikitungo ng ebanghelyo, ng pagbibigay ng pagbati sa mga tagalabas. Hihilingin mo ba sa Diyos na gamitin ka sa pag-abot sa isang katulad ni Cornelio? – isang tao na nakabilang sa mga tao o grupo na hindi mo nagugustuhan? Para magawa ito, maaaring kailanganin mong manalangin sa Diyos na linisin ka mula sa makasalanang saloobin na meron ka sa iba.

            
Hugasan natin ang ating isipan at bibig sa lahat ng mga panlalait sa ibang lahi at etnikong pagtanggi at tapusin na natin ang lahat ng pag-uugaling paghiwalay ng ating sarili sa iba. At tayo ay maging mabuting Samaritano para sa ilang etnikong itinakwil, at tayo ay maging Kristo para sa ilang di-mahipo na ketongin, at tayo ay maging Pedro para sa ilang naghihintay na si Cornelio.

C. Jesus commands us to preach to everyone—proclaim 
Him!

            
Binigyan tayo ni Pedro ng magandang modelo kung ano ang dapat nating gawin: dapat nating ipangaral ang ebanghelyo. Ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan “sa bawat sumasampalataya, una sa Judio, at gayundin sa Griego” (Roma 1:16). Huwag pagdudahan ang kapangyarihan ng ebanghelyo. Magkaroon ng buong tiwala dito habang binabahagi mo ito sa lahat ng tao sa planeta.

D. Jesus saves irreligious and religious people—worship 
Him!

            
Ang Diyos sa Kanyang kagandahang-loob ay umabot sa ibaba upang iligtas ang mga masasamang lalaki tulad ni Saulo, mga imoral na tao tulad ng babaeng Samaritana sa balon, at mga relihiyosong lalaki tulad ni Cornelio na maaaring mukhang nasa kanila ang lahat. Kung ikaw ay isang Kristiyano ngayon, dapat kang mamangha sa Kanyang biyaya sa iyo. Sa Kanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman.

______________________________________________________

Discussion:

Pagbulayan:

1. Bakit isinama ni Lucas ang kwento ng dalawang himala sa 
Gawa 9:32-42? Ano ang tinuturo nito patungkol kay Kristo at sa kaharian?

2. Kung si Cornelio ay napakarelihiyoso, bakit kailangan
niya ang ebanghelyo?

3. Ano ang isang hadlang para ang ebanghelyo ay sumulong 
sa buong mundo? Sino ang mga tao o grupo na nakakaranas ng diskriminasyon sa ebanghelyo?

4. Bakit hindi ang anghel ang nagbahagi ng Magandang Balita kay Cornelio? Bakit kailangan na ipatawag pa si Pedro at siya ang magbahagi? Ano ang itinuturo nito sayo? Basahin ang Roma 10:14-17

5. Ano ang nais iparating ng pangitain ng Diyos kay Pedro? Ano ang mensahe rin nito sa iyo?

Pagsasabuhay:

1. Ano ang pag-uugali na dapat meron ka sa pakikitungo sa 
ibang tao sa pagbabahagi ng Magandang Balita?

2. May mga diskriminasyon ka rin ba sa iyong puso? 
Ipanalangin ito na baguhin ng Diyos at pagsisihan ang maling gawang ito.


3. Sino sa tingin mo ang mga Cornelio sa buhay mo na dapat mong bahaginan ng Magandang Balita?

Panalangin:
Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.

 

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...