Daan sa Kaligtasan (Part 4 of 4)
ANG KAPALIT NG PAGSUNOD KAY JESUS SA DAAN
Ang
pagnanais na maligtas ay isang desisyon na nais mong maging alagad ni Jesus. At
nawa sa puntong ito ng ating pag-aaral ay nakagawa kana ng desisyon magsisi sa
iyong mga kasalanan at sumampalataya kay Jesus bilang iyong Panginoon at
Taga-Pagligtas. Sa huling bahagi ng pag-aaral na ito ay titignan natin ng mas
malalim ang kahulugan ng desisyong sumampalataya kay Jesus. Pag-aaralan natin
kung ano ba ang inaasahan sa mga taong gustong maligtas sa tiyak na kapahamakan
sa impyerno. Kaya ang
pamagat ng ating pag-aaralan ay, “Ang Kapalit ng Pagsunod Kay Jesus sa Daan.”
Basahin
ang Lucas 14:25-33
Lucas
14:25-33
25 Sumama kay Jesus ang napakaraming
tao; humarap Siya sa kanila at Kanyang sinabi, 26 “Hindi maaaring maging alagad
Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid,
at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa Akin. 27 Ang ayaw magpasan ng
sarili niyang krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring maging alagad Ko. 28
“Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna
upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak
kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka
matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya’y
kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Anong taong
ito’y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’ 31 “O sinong hari na
makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti
kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may
dalawangpung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay
magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman,
hindi maaaring maging alagad Ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang
lahat sa kanyang buhay.
Upang matulungan
tayo na mas makagawa ng desisyong sumampalataya kay Jesus ay pag-aralan natin
ang: Kapalit ng pagsunod; Kapalit ng hindi pinag-isipang desisyon; at kapalit
ng hindi pagsunod.
I. KAPALIT NG PAGSUNOD (mtal. 25-27)
“25 Sumama kay Jesus ang
napakaraming tao; humarap Siya sa kanila at Kanyang sinabi, 26 “Hindi maaaring
maging alagad Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak,
mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa Akin. 27 Ang ayaw
magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring maging
alagad Ko…”
A. Ang Panginoon ng iyong buhay.
Una,
pag-aralan natin ang mga talatang 25-27 kung saan pinakita
ni Jesus ang kapalit ng pagiging alagad. Sabi ni Jesus na, “Hindi maaaring maging alagad Ko…” ito’y nangangahulugan na hindi
pwedeng maligtas ang isang tao kung hindi mo handang tanggapin ang magiging
kapalit ng pagiging alagad ni Jesus. Ang pagiging ligtas ay ang pagiging alagad
ni Jesus.
Pansinin
din sa sinabi Niya ang, “hindi maaaring
maging alagad Ko…” ibig sabihin nito na dapat mong kilalanin si Jesus na
iyong Panginoon at Hari ng iyong buhay. Dapat mong tanggapin na Siya dapat ang
masunod sa iyong buhay. Hindi mo lang Siya dapat tanggapin bilang iyong Taga-pagligtas
kundi maging bilang iyong Panginoon.
B. Ang Higit sa iyong buhay.
Sinasabi
sa talatang 26 na “hindi maaaring maging
alagad ni Jesus ang sinumang umiibig sa kanyang pamilya at sa sarili.” Ito’y
hindi nangangahulugan na lapastanganin mo ang iyong pamilya at pabayaan ang
sarili, ito’y nangangahulugan na dapat nating mahalin si Jesus nang higit sa
ating pamilya at sarili. Kailangang pahawakan natin sa Kanya ang lahat ng
bahagi ng ating buhay.
Marami
ngayon na ang ginagawang rason para hindi magawa ang mga pagbabasa ng Biblia,
pagdadasal, pagdidisipulo, pag-adalo sa mga pagtitipon ay dahil sa kanilang mga
anak o trabaho. Ang anak ay isang pagpapalang kaloob ng Diyos sa mga magulang.
Awit 127:3, “Kaloob nga ni Yahweh itong
ating mga anak, ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.” At maging
ang trabaho ay biyayang kaloob ng Diyos. Mangangaral 5:19, “Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman:
tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran
sapagkat ito ay kaloob ng Diyos.” Tandaan natin na ito ay binigay ng Diyos
para mas lalo tayong mapalapit sa Kanya at hindi para ilayo tayo nito sa Kanya
dahil hindi nagbibigay ang Diyos sa atin ng mga bagay na maglalayo sa atin sa
Kanya.
C. Ang modelo sa iyong buhay
“Ang
ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring maging
alagad Ko…” (tal. 27).
Hindi
tayo hinahanapan ni Jesus nang higit sa Kanyang ibinigay sa atin. Tiniis Niya
ang lahat ng paghihirap samantalang nasa lupa, at ibinigay ang Kanyang sarili
upang mamatay sa krus para sa atin. Hindi rin ito nangangahulugan na dapat
tayong literal na gumawa ng krus at pasanin ito at magpapako dito kapag mahal
ng araw. Kaya nang sabihin Niyang, “Pasanin
natin ang ating krus” (tal. 27), nais Niyang “mamatay tayo sa ating sarili
- limutin at talikuran natin ang ating sarili (mga masasamang gawa) at ang
sanlibutan (mga masamang gawa nito), at mabuhay na tulad Niya sa pagtitiis at
paghihirap sa paglilingkod sa Diyos.”
Ang krus
ay sumisimbulo sa:
a. Paghihirap
Maraming
mga naging Kristiyano ang nakapagsabi nito, “Noong ako ay hindi pa
mananampalataya ay hindi ganoon kahirap ang aking buhay, ngayong ako ay naging
mananampalataya na eh naging mas mahirap ang aking buhay.” Ito ang mga tao na
hindi nakakaunawa sa ano ba ang kapalit ng pagsunod kay Jesus. Ito ang mga tao
na sumampalataya lang kay Jesus kasi gusto lang nila makapunta sa langit at
ayaw gawing Panginoon si Jesus sa kanilang buhay at paglingkuran Siya. Hindi
sila handang magtiis para kay Kristo.
Filipos
1:29
“Dahil ipinagkaloob Niya sa inyo,
hindi lamang ang manalig sa Kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay
Cristo.”
Santiago
1:2-4
“2 Mga kapatid, magalak kayo kapag
kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na
nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4
At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang
pagkukulang.”
b. Kamatayan
Ano ang
kamatayan na tinutukoy dito?
1. Kamatayan sa sarili
Galacia 2:20-21
"Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. Hindi ko maaaring tanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!"
Galacia 5:24-25
“24 At ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay
Cristo Jesus ang kanilang laman at ang masasamang hilig nito. 25 Kung binigyan
tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu.”
Hindi na ang mga gusto natin ang masusunod. Lahat ng pangarap natin, plano, layunin sa buhay, nais at plano ay dapat naka-angkla at naka sentro kay Jesus.
2. Kamatayan sa lumang pagkatao
Efeso 4:22-24
22 Iwan na ninyo ang
dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil
sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang
dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at
nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
Colosas 3:10
“Isinuot ninyo ang
bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na
lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala.”
2 Corinto5:17
“Kaya't kung nakipag-isa
na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati
niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.”
3. Kamatayan sa kasalanan
Hindi na tayo alipin ng
kasalanan. Hindi tayo namumuhay ng tuluy-tuloy na pamumuhay sa kasalanan.
1 Pedro 2:24
“Sa Kanyang pagkamatay sa
krus, pinasan Niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan
at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang mga sugat,
kayo'y pinagaling.”
Roma 6:1-6
“1 Ano ngayon ang
sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang
kagandahang-loob ng Diyos? 2 Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano
pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? 3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na
nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa Kanyang kamatayan? 4
Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama Niya sa pamamagitan ng
bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang
kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay. 5 Sapagkat
kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng Kanyang kamatayan,
tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang
muling pagkabuhay. 6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa
krus kasama Niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi
na tayo maalipin pa ng kasalanan.”
Kung hindi mo handang
tanggihan ang iyong sarili, hindi ka maaaring maging isang Kristiyano. Dapat
mong mahalin si Kristo nang higit pa sa iyong ina, tatay, at dapat mong mahalin
siya nang higit pa sa iyong sariling buhay. Dapat ay handa kang mamatay para
kay Kristo. Ito ay alinman sa ikaw ay alipin ng kasalanan o ikaw ay isang
alipin ni Kristo.
Dapat
mong tanggihan ang iyong sarili at pasanin ang krus araw-araw. Dapat kang magtiwala
sa Panginoon sa pinakamahirap na sitwasyon. Dapat mong disiplinahin ang iyong
sarili at tumanggi sa mundo. Ang iyong buhay ay dapat laging patungkol kay
Kristo.
Ang
isang taong gustong panatilihin ang kanyang buhay at patuloy na namumuhay ng
kasalanan ay hindi isang Kristiyano. Ang taong iyon ay hindi bagong nilikha at
isa lamang sinungaling.
Dadaan
tayo sa mga pagsubok, ngunit ang mga pagsubok ang nagpapatatag sa atin kay
Kristo. Ang ating buhay ay hindi para sa atin, ito ay palaging para kay Kristo.
Namatay Siya para sa atin kahit na hindi tayo karapat-dapat. Lahat ng mayroon
tayo ay para kay Kristo. Lahat ng mabuti ay galing sa Kanya at ang masama ay sa
atin.
II. KAPALIT NG HINDI PINAG-ISIPANG
DESISYON (mtal.
28-30)
28 “Kung ang isa sa inyo’y
nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at
kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang
pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga
pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya’y kukutyain lamang ng lahat ng
makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Anong taong ito’y nagsimulang magtayo ngunit
hindi naman naipatapos.’”
Bakit
kaya ginawang ilustrayon ni Jesus ang toreng hindi tapos? Dahil ito ay
tumutukoy sa mga taong nabigong magpatuloy sa Panginoon ang mga taong nagsabing
sila ay mananampalataya. Ang tanong ngayon ay bakit sila nabigong magpatuloy?
Maraming
tao ang naaakit kay Kristo dahil gusto lamang nilang mapunta sa langit. Ngunit
hindi sila handang mag-sakripisyo. Madali silang nagdesisyon upang sumunod kay
Jesus, at marahil ay nalalaman nila ang ilang bagay na magiging kapalit nito,
ngunit hindi naisip ang kapalit nitong panghabang-buhay.
Ito’y
isang babala sa mga taong nagnanais na magdesisyong magsisi sa kanilang
kasalanan at sumampalataya kay Jesus. Tulad sa pag-aasawa marami ang
naghihiwalay dahil marami sa kanila na nagdesisyong mag-asawa ngunit hindi
pinag-isipan ang magiging kapalit
na buhay may asawa. Ganun din sa maraming taong nais sumunod kay Jesus na hindi
pinag-isipan at inalam kung ano ang magiging kapalit nito sa kanyang buhay.
Minsang
may binahaginan ako ng Magandang Balita na isang security guard ng isang
private school na pinagtatrabahyuan ng aking asawa. Matapos kong maituro rito
ang magiging kapalit ng pagiging alagad ni Jesus, tinanong ko ang lalake kung
gusto niyang sumampalataya kay Kristo at maging kanyang Panginoon at Taga-pagligtas
ito. Nagulat ako ng sinabi nito na “hindi niya gusto isuko ang kanyang buhay
kay Jesus.” Nalaman ni ko na ang dahilan ay dahil meron itong kabit habang ang
asawa nito ay nagtatrabaho sa ibang bansa at nauubos ang padala ng asawa niya
sa sabong. Hindi siya handang isuko ito sa Panginoon. Mas gusto nyang maghari
si Satanas sa kanyang buhay kaysa kay Jesus. Iyan ang nakakapagtaka kung bakit
marami ang mas pinipili ang pagharian ni Satanas kaysa ni Jesus. Bakit mas
marami ang pinilipi ang impyerno kaysa sa langit. May tanong na, “bakit dinala
ng Diyos ang tao sa impyerno,” pero ang tamang tanong ay, “bakit mas pinipili
ng tao ang impyerno kaysa langit.”
III. KAPALIT NG HINDI PAGSUNOD (mtal. 31-33)
31 “O sinong hari na makikipagdigma
sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung
libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawangpung libong kawal? 32
At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan
upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad Ko ang
sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.”
Dalawa
lang ang desisyong dapat gawin ng haring may 10,000 kawal laban sa hari na may
20,000 kawal, ang lumaban o ang sumuko. Sino ang inilalarawan ng dalawang
haring ito? Tayo ang haring may 10,000 kawal at ang Diyos naman ang haring may
20,000 kawal. Pansinin sa ilustrasyon na ang tanging magagawa ng haring may
10,000 kawal ay sumuko. Sapagkat lulusubin siya ng ibang hari kung hindi siya
susuko. Tulad nito, kakalabanin din tayo ng Diyos kung hindi tayo susuko sa
Kanya.
Ngunit
bakit tayo kakalabanin ng Diyos kung hindi tayo susuko
sa Kanya? Sapagkat alam natin ang lahat na mga sinasabi
at pamantayan na ipinahayag ni Jesu-Kristo, ang makapangyarihang
Diyos. Maaari nating tanggapin o tanggihan
ang mga ito. Kung tatanggapin natin, tayo’y nasa
panig ng Diyos at nakikipaglaban kay Satanas. Kung tatanggihan
naman natin, tayo’y nasa panig ni Satanas at nakikipaglaban
sa Diyos. Hindi pwedeng wala kang pinapanigan.
Hindi pwede na balewalain ang Diyos at gawin
ang gusto nating gawin. Kung wala ang Diyos, tayo’y matutukso, maiimpluwensyahan,
at sa dakong huli ay maaalipin ni Satanas. Isipin na lamang ninyo kung paanong napakadali
nating mag-isip, magsalita at gumawa ng masama. Aminin man natin o hindi, nasa
ilalim tayo ng kapangyarihan ni Satanas. Ang tanging solusyon dito ay makipagkasundo
tayo sa Diyos. Kailangang pumanig tayo sa Kanya ayon sa Kanyang pamantayan, at
talikdan ang lahat (tal.33). Sa gayo’y ililigtas Niya tayo sa pagkaalipin kay
Satanas at pagkalooban tayo ng tunay na kalayaan, kapayapaan, kagalakan at
pag-ibig!
Puwede
kaya na ang isang tunay na kristiyano ay maging mananampalataya lamang at hindi
isang alagad ni Kristo? Hindi pwede. Ang isang taong hindi handang humarap sa
magiging kapalit ng pagiging alagad, at gusto’y maging “isang mananampalataya”
lamang (para makapunta siya sa langit) tulad sa isa sa napakaraming tao sa
Lucas 14:25. Nais lamang ng mga taong ito ang isang bagay mula kay Jesus ngunit
ayaw nilang sumunod sa Kanya.
Si Jesus
bilang Tagapagligtas at si Jesus bilang Panginoon ay tulad sa dalawang mukha ng
isang barya. Hindi maaring isang mukha lamang, kailangan ay dalawa. Sinasabi sa
Roma10:9 na, “Kung ipahayag ng iyong labi
na si Jesus ay Panignoon… maliligtas ka.” Sa 1 Corinto 6:19, 20 ay
sinasabi, “Ang iyong katawan ay hindi
talagang inyo… binili Niya kayo sa malaking halaga.” Ang
dakilang utos sa atin ay “Kaya, humayo
kayo at gawin ninyong alagad Ko ang lahat ng bansa” (Mateo 28:19)
Kung
titignan ay mukang napakataas ng pamantayan ng pagiging alagad ni Jesus. At
marami sa ating ang napapa-isip kung maaabot ba natin ito. Hindi ibig sabihin
ng pagiging alagad ay pagiging perpekto. Si Simon Pedro ay isang alagad pero
ipinagkaila niya ang Panginoong Jesus nang tatlong beses. Ngunit nagsisi siya
pagkatapos. Ang isang alagad ay isang tao na nagsuko nang kanyang buhay kay
Jesus at nagsisikap na masunod sa Kanya.
Konklusyon:
Ngayong
alam mo na ang magiging kapalit ng pagsunod kay Jesus at kung ano ang
mangyayari kung hindi ninyo Siya susundin, ano ngayon ang inyong desisyon?
Nais mo
bang maligtas sa tiyak na kapahamakan sa impyerno? Nais ba mo bang isuko ang
iyong buhay sa Kanya at hayaang Siya ang maghari-masunod sa iyong buhay? Nais
mo bang magsisi at talikuran ang iyong maduming pamumuhay at nagnanais na
sumampalataya kay Jesus? Tulad ng sinabi ni Jesus mainam na umupo ka muna at
muli mong pagbulay-bulayan ang mga katotohanang pinakita sayo ng Diyos sa pag-aaral
nating ito. At gumawa ng siguradong desisyon dahil ito’y tunay mong naunawaa.
Minumungkahi kong muli mong balikan ang mga napag-aralan at mas unawain at kung
tiyak na sa iyong puso na nais mong magsisi at talikuran ang iyong maruming
pamumuhay at ikaw ay sumasampalataya kay Jesus, kausapin mo ang Diyos sa
pamamagitan ng panalangin at ilahad mo ang laman ng iyong puso base sa mga
katotohanang iyong tinanggap. Ilahad mo kung ano ang desisyong nais mong gawin
sa Kanya.
Kung
ikaw ay nagdesisyong magsisi at sumampalataya kay Jesus bilang iyong Panginoon
at taga-pagligtas, marapat lang na mas kilalanin mo pa si Jesus sa iyong buhay.
______________________________________________
PAG-ISIPAN:
1. Ano ang inaasahan ni Jesus sa mga gustong maging alagad Niya?
2. Bakit maraming taong nagsasabi na sila ay mananampakataya
ang nabigong magpatuloy sa Panginoon?
3. Ano ang magiging kapalit ng hindi pagsuko kay
Jesus?
PAGSASABUHAY:
1. Anong paghihirap ang handa mong tiisin ng dahil sa pagsunod m
okay Kristo?
2. Ano ang mga bagay na nais mong alisin sa iyong buhay upang
mas mag Hari si Jesus sa iyong buhay?
PANANALANGIN:
Ipanalangin ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan
tayo ng Diyos na maipamuhay ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento