Martes, Setyembre 6, 2022

Gawa 8:26-40 - "How Ordinary People Live on Mission"












How Ordinary People Live on Mission
(Part 12)
Scripture: Gawa 8:26-40
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS

Gawa 8:26-40
26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”

31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. 33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”

34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”

35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” 37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”

38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Pangunahing ideya ng pag-aaral:
 

            
Sa talatang ito makikita natin ang isang paglalarawan ng nagliligtas na biyaya ng Diyos sa mga mga bansa habang tinutulungan ni Felipe ang isang lalaking eunuko na pinunong taga-Etiopia na maunawaan ang mabuting balita tungkol kay Jesus mula sa Bibliya.


Outline ng ating pag-aaral:

I. Love People with God-Centered, Christlike Love (8:26-
40).

II. Yield Daily to the Spirit’s Guidance (8:26-31).

III. Understand and Explain the Good News to People 
(8:32-40).

A. Be prepared to explain the good news.
B. Consider using questions as you explain the good news.
C. Expect God to work as you explain the good news.

            
Naalala ko noong namanhikan kami ng mga magulang ko sa lugar ng aking asawa sa Palawan, nang kami ay pauwi na sakay ng barko pa Manila ay manakita akong matandang babae na may malaking bukol sa leeg. Tinitignan ko siya at sa hindi ko mapaliwanag na kadahilanan ay bumaba ako sa aking higaan at nagsimulang kausapin siya at tanungin siya sa kalagayan niya. Pagkatapos nito ay nag share ako ng Gospel sa kanya at ipinanalangin. Ang nakakatawa dito kahit ako ay nagulat sa ginawa ko dahil kilala ko ang sarili ko at alam kong mahiyain ako. Pero naging malakas ang udyok ng Panginoon sa puso ko para gawin ito. Alam kong ang Diyos ang nag-ayos ng tagpo naming iyon, maging sa puso ko – isang bagay na magagawa din Niya sa bawat buhay ng mga Kristiyano. At ito ay nagsisilbing dakilang paalala na ang mga banal na tagpong tulad nito ay maaaring naghihintay sa bawat isa sa atin. Dapat natin itong hanapin.

            
Maaaring mangari ito habang ikaw ay nag-aantay ng masasakyan, habang namimili, habang kumakain sa labas, namamasyal, o anuman ang ginagawa mo, dapat kang maging handa sa mga pagkakataong makapagbahagi ng ebanghelyo. Ang Panginoon ng buong sanlibutan ay nag-aalay ng kaligtasan, at madalas Niyang ginagamit ang mga ordinaryong pag-uusap upang ipakita ang kaluwalhatian ng biyaya Niya sa mga hindi mananampalataya. Tayo, sa katunayan, ay mga Kristiyano ngayon dahil may nagbahagi ng Mabuting Balita sa atin, kaya't mamuhay tayo nang may pagkasensitibo sa mga nakakaharap natin. Maaaring gamitin ng Diyos ang bawat isa sa atin para akayin ang marami pa sa Kanya.

            Muli
sa talatang ito makikita natin ang isang paglalarawan ng nagliligtas na biyaya ng Diyos sa mga mga bansa habang tinutulungan ni Felipe ang isang lalaking eunuko na pinunong taga-Etiopia na maunawaan ang mabuting balita tungkol kay Jesus mula sa Bibliya. Nagkomento si John Stott sa dobleng kabutihan ng Diyos sa kwentong ito:

Ang katotohanan ay binigyan tayo ng Diyos ng dalawang kaloob, una ang Kasulatan at ikalawa mga guro upang buksan, ipaliwanag, ipalawakin at ilapat ang Kasulatan. Ito ay kahanga-hangang itala na ang paglalaan ng Diyos sa buhay ng Etiopian, una ay ang magkaroon siya ng kopya ng isinulat ni Isaias at pagkatapos ay ipinadala si Felipe upang magturo siya mula dito.
(The Message of Acts, 161)

            
Sa katunayan, ang kabaitan ng Diyos ang umaakay sa atin sa pagsisisi. Ang Diyos sa Kanyang biyaya ay nagbibigay ng isang kopya ng Kasulatan sa taong ito, at pagkatapos ay inayos Niya ang pagdating ng isang guro na maaaring makapagpaliwanag nito sa kanya. Ang buong kuwentong ito ay nagpapaalala sa atin sa kwentong makikita natin sa Lucas 24, kung saan si Jesus—na nagpakita bilang isang estranghero sa pangyayaring iyon —nakipagkita Siya sa ilang manlalakbay at ipinaliwanag sa kanila ang Lumang Tipan, ginamit ito upang ituro ang katotohanan na Siya ang Mesiyas.

            
Mayroong ilang iba pang mga aspeto sa kuwentong ito na hindi natin maaaring palampasin. Sa mga kabanata 8–10 mababasa natin ang pagtaas ng antas ng paglahok ng Espiritu.  Nakita natin nakaraan ang ginawa ng Espiritu sa “Pagbaba ng Espiritu sa mga sumampalatayang Samaritano” (8:17). Dito sa kuwento ng pagkakaligtas ang gawain ng Espiritu ay mas malinaw.

            
Mahalaga rin ang pandaigdigang kalikasan ng alok ng Diyos ng kaligtasan. Ang Gawa 8 ay isang paglalarawan ng Dakilang Utos at ng atas ni Jesus sa mga alagad sa 1:8. Ang iglesya ay sumusulong na sa ibang mga lugar at naging bahagi nga nito ang pangangaral ni Felipe. Ang kanyang patotoo sa Ethiopian na ito ay nahahalintulad sa maraming paraan sa kuwento ni Cornelius sa kabanata 10. Ang Ethiopia ay itinuturing na “katapusan ng sanlibutan” ng mga Griego at Romano, at ni Felipe ang saksi sa mga Samaritano at sa Etiopia ay walang alinlangan na paunang patikim ng pagkumpleto ng natapos na misyon ni Kristo na mababasa sa Pahayag 7:9:

“Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas.”

            
Sa pangwakas, hindi natin dapat palampasin ang regalong makita ang isang alipin na gumagawa. Tandaan na una nating nakita si Felipe sa Gawa 6 na kabilang sa pitong maka-Diyos na lalaki na inatasan sa gawain ng pag-aalaga para sa mga balo. Matapos natin siyang nakita na kusang-loob na naglilingkod sa kasong iyon, ngayon ay nakita naman natin siya na mabisa ring nangaral ng ebanghelyo. Ang Diyos ay patuloy na gumagamit ng mga mapagpakum-babang mga lalaki at babae na lumalakad at nakikibahagi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu tulad ng ginawa ni Felipe upang magawa ang hindi pangkaraniwang bagay.

            
Sa Gawa 8:26-40 makikita natin si Felipe na isinasabuhay ang misyon ng Diyos. Tandaan natin na si Felipe ay kasama sa iba pang mga Kristiyanong nagkalat dahil sa pag-uusig na tumulong sa pagtupad sa plano ng Diyos sa paggawa ng mga alagad sa labas ng Jerusalem (mtal. 1-4; ikumpara sa 1:8). Pagkatapos ay isinulat ni Lucas ang ulat ng pangangaral ni Felipe sa mga kinasusuklaman na Samaritano (mtal. 5-25). At dito naman makikita natin si Felipe sa disyerto, na sumusunod sa pagtawag ng Espiritu muli. Siya ay binigyan ng banal na utos na bumangon at pumunta sa timog (tal. 26), na sinusundan ng isang banal na nakaplanong pagtatagpo sa isang karwahe (tal. 27-31). Sa pagsunod sa patnubay ng Espiritu, sinamantala ni Felipe ang isa pang pagkakataon para sa pagbabahagi ng banal na mensahe, ang ebanghelyo (tal. 32-35). Nagreresulta ito sa isang himala ng pagbabagong loob (tal. 36-38). Pagkatapos nito ay sinundan ito ng gawain ng ebanghelyo ni Felipe naman sa Azotus at Caesarea (tal. 39-40; cf. 21:8).

            
Kaya ano ang mapupulot nating mga ordinaryong Kristiyano sa kwentong ito tungkol sa pamumuhay sa misyon ng Diyos? Tignan natin ang tatlong pagsasabuhay.

I. Love People with God-Centered, Christlike Love (8:26-
40).

            
Bukas ang puso ni Felipe sa lahat ng uri ng tao, at sinasalamin niya ang puso ng Diyos. Sa Gawa 6 makikita natin siya na nag-aalaga sa mga balo tulad ng pag-aalaga ng Diyos sa kanila (cf. Awit 146:9). Pagkatapos sa Gawa 8 ay ipinakita niya ang isang pag-ibig na tulad ng kay Kristo para sa hinahamak na mga Samaritano kahit na ang mga tao ay itinuturing na sila ay mga maruruming makasalanang mga tao (cf. Juan 4). Pagkatapos, sa ating teksto, ipinakita niya ang pag-ibig ni Kristo sa mga bansa sa pamamagitan ng pangangalaga dito sa lalaking Ethiopian na may paggalang. Ipinakita ni Felipe ang pag-ibig hindi lamang para sa karamihan (mtal. 6-8), ngunit para din sa mga indibidwal (mtal. 26-40)—sa iba't ibang uri at grupo, ibang mga antas, at maging ang mga may iba't ibang pananaw sa relihiyon.

            
Ano ang ginagawa ng isang mabuting misyonero? Nagmamahal sa mga tao. Pag-abot sa kabila ng mga hadlang.

            
Ihambing natin si Felipe kay Jonas. Ang pagiging makasarili ni Jonas ay ginawa siyang nag-aatubiling misyonero. Sa kasamaang palad, ang espiritu ni Jonas ay present parin hanggang ngayon sa maraming nagsasabing sila ay Kristiyano. Marami ang nahihirapang mahalin ang mga Muslim, Budista, yaong may partikular na kulay ng balat, o yaong mula sa ilang uri ng lipunan. Sikapin nating sundin o gayahin ang magandang halimbawang iniwan sa atin ni Felipe sa halip na si Jonas.

            
Paano tayo lalago sa ating pagmamahal sa iba? Kailangan nating pagnilayan ang krus at lumakad sa pamamagitan ng Espiritu. Tungkol sa nauna, tandaan natin na mahal tayo ni Kristo noong hindi tayo kaibig-ibig. Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kaligtasan ni Jesus, at higit pa pag-isipan natin kung sino si Kristo at kung ano ang ginawa Niya para sa atin, lalo nating magagawang mahalin ang mga tao tulad ng ginawa ni Felipe. Pagkatapos ay makakayanan na nating mahalin ang mga pinakamaliit, ang mga huli, ang mga nasa kawalan, at kahit na ang ating mga kaaway. Tungkol sa Espiritu, tandaan na ang pag-ibig ay bunga ng Espiritu (cf. 1 Corinto 13; Galacia 5:22-23). Sa Gawa 6 isa sa mga marka ng mga piniling kalalakihan ay

sila ay puspos ng Espiritu. Ang resulta ng katotohanang ito ay isang tulad ni Cristo na pagmamahal para sa mga tao. Kaya naman, araw-araw, pagnilayan natin ang krus, at hilingin natin sa Diyos na punuin tayo at sariwain kasama ng Kanyang Espiritu upang mahalin natin ang mga taong nakasentro sa Diyos, tulad ng pag-ibig ni Kristo.

II. Yield Daily to the Spirit’s Guidance (8:26-31).

            
Ang mga lumalakad ayon sa Espiritu ay sensitibo sa pangunguna ng Diyos. Ang unang kumilos sa kwentong ito ay hindi mapag-aalinlanganan na ang Diyos. Isang anghel ng Panginoon ang dumalaw kay Felipe sa isang pangitain at tinawag siya upang magpatotoo sa isang hindi na dinadaanang lugar (tal. 26). Itinuro Niya sa kanya ang ilang sa timog. Sinabi Niya sa kanya na iwanan ang revival na nangyayari sa Samaria upang magtungo naman siya sa disyerto.

            
Ang tinatawag na Ethiopia noong mga panahong iyon ay tumutugma sa tinatawag nating rehiyon ng Upper Nile. Ito ay umabot sa humigit-kumulang mula Aswan hanggang Khartoum (Stott, Message of Acts, 160). Itinuturo ni John Polhill na sa Lumang Tipan ang parehong lugar ay tinatawag na kaharian ng Cush (Gawa, 223; cf. Awit 68:31; Isa. 18:7; Zeph 3:10). Pinag-uusapan natin ang Africa dito. At ang katotohanan na si Felipe ay nagmiministeryo sa isang African na lalaki ay talagang kapansin-pansin. Ito ay katibayan ng paglaganap ng pandaigdigang misyon ng Diyos.

            
Nakita natin dito na ang partikular na lalaking ito ng Etiopia ay isang “eunuch,” at siya ay isang mahalagang “opisyal” na namamahala sa lahat ng kabang-yaman ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Ibig sabihin, siya ay parang ministro ng pananalapi (Polhill, Acts, 224).

            
Ang taga-Etiopia ay malamang na isang may takot sa Diyos na naniniwala sa Diyos ng Israel, tulad ni Cornelius, ngunit hindi niya maranasan ang ganap na pagiging miyembro sa komunidad ng Israel dahil siya ay isang eunuch, gaya ng ipinagbawal sa Deuteronomio 23:1 (Polhill, Acts, 224). Maaari niyang bisitahin ang templo sa Jerusalem, pero hindi siya makapasok dito.

            
Pansinin na binabasa niya nang malakas ang aklat ni Propeta Isaias (tal. 28), na pinag-iisipan ang mga pangako ng propeta. Si Isaias ay partikular na mahalaga para sa mga eunuch dahil sa kanyang gawain ay inilalarawan ng propeta ang hinaharap, na nangangako sa mga eunuch:

3
Hindi dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos, na siya'y hindi papayagan ni Yahweh na makisama sa pagsamba ng Kanyang bayan. Hindi dapat isipin ng mga eunuko na hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa bayan ng Diyos sapagkat hindi sila magkakaanak. 4 Ang sabi ni Yahweh: “Sa mga eunukong gumagalang sa Araw ng Pamamahinga, na gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa Akin at tapat na iniingatan ang Aking kasunduan. 5 Ang pangalan mo'y aalalahanin sa Aking Templo at sa gitna ng aking bayan nang mas matagal kaysa paggunita sa iyo, kung ikaw ay nagkaroon ng mga anak. Hindi ka malilimot kahit kailan.” (Isa. 56:3-8).

            
Hindi alam ng eunukong ito na personal niyang nang maranasan ang katuparan ng mga pangakong iyon! At si Felipe ay nagkaroon ng pribilehiyong ipakita sa kanya ang ebanghelyo ng biyaya.

            
Ang nangyayari dito ay isang pagkikita at tagpo na itinadhana ng Diyos. Tinanong ni Felipe ang isang lalaki kung naiintindihan niya ang kanyang binabasa (tal. 30). Sumagot ang Etiopian, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” (tal. 31). Hindi niya alam na binigyan niya lang si Felipe ng isang mahusay na tanong; halos binigyan niya siya ng imbitasyon na ibahagi ang ebanghelyo sa kanya! Ang eksenang ito ay nagpapaalala sa akin ng kuwento ng minsang ang asawa ko ay may kapatiran sa simbahan na dinididipulo niya doon sa apartment nito. Habang nagbabahaginan sila ng mga aral na natutunan nila sa mga binasa nila sa Bible lumapit sa kanila ang kasama ng kapatiran sa apartment niya na babaeng police at nagsabi na, “natutuwa ako sa inyo at sa ginagawa niyo kasi nauunawaan niyo ang Bible. Ako kasi nagbabasa din ng Bible kaso wala akong maintindihan.” At iyon ay naging pagkakataon sa asawa ko at sa kapatirang iyon para ibahagi ang Magandang Balita at tuloy-tuloy na maidisipulo siya. Kaya dapat lagi tayong handa at gamitin at samantalahin ang bawat pagkakataong binibigay at binubuksan sa atin ng Panginoon.

            
Mayroon ka bang kapitbahay na gusto mong bisitahin o isang bagong katrabaho na gusto mong makausap? Mayroon ka bang regalo na iniisip mong ibigay sa naghihirap na pamilya sa kalye? Mayroon bang isang tao sa iyong paaralan na patuloy na nasa iyong isip at puso? Kung gayon, maaaring ang Diyos ay may ginagawa na. Ikaw, tulad ni Felipe, ay maaaring may naghihintay din na sinuman na maibahagi mo sa kanila ang Magang Balita. Mas maging sensitibo lang tayo sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating paligid. Ipanalangin din natin sa sarili natin ang panalangin ni Pablo sa kanyang sarili at ang paalala niya sa mga mananampalataya sa Colosas 4:2-6,

2 Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. 3 Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang Kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. 4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.

5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.

            
Ang iglesyang misyonero ay binubuo ng mga indibidwal na pinamumunuan ng Espiritu tulad ni Felipe. Aakayin tayo ng Panginoon, ngunit dapat tayong maging handa na sumunod. Karamihan sa atin kung tayo ang nasa lagay ni Felipe ay mangangatwiran tayo sa Panginoon na. “huwag muna ngayon” dahil nakita natin nakaraan na gumaganda at lumalawak pa ang gawaing sinimulan niya sa Samaria tapos aalis siya agad doon para mangaral sa isang tao lang? Pero hindi ganon ang nakita natin. Bakit niya gustong iwan iyon para magtungo sa isang disyertong daan? Sa katunayan, ay maaaring humantong sa kanya na isipin na ginagawa na niya ang dapat niyang gawin. Ngunit tumuloy si Felipe ayon sa itinuro ng Diyos.

            
Ang buong kabanata sa Gawa ay makikitaan natin ng isang aral na ang kaparaanan ng Diyos ay hindi kaparaanan ng tao. Walang saysay ang kwentong ito mula sa isang pananaw ng tao; sa katunayan, karamihan sa aklat ng Gawa ay ganun din. Tila karamihan sa mababasa natin ay walang saysay. Ngunit ang kuwento ng pagbabagong ito ay hindi nangyari dahil sa nakasanayang karunungan o pagpaplano ng tao. Ang taga-Etiopia ay dinala kay Jesus ni Felipe bilang resulta ng pangunguna ng Diyos.

            
May mga ilan na hindi gusto ang ideya na, “salitang pinangungunahan ng espiritu,” dahil sabi nila parang pamahiin lang daw ito o gawang charismatic. Sa kabilang banda naman, marami rin ang naging exaggerate at inaabuso din ang paniniwalang , “ang Diyos ay nagsalita sa akin,” o “ang Diyos ay nangausap sa akin,” para bigyang katwiran ang mga maling katuruan at paniniwala nila. Ngunit hindi ito ang tinataguyod natin dito. Sa halip itinataguyod ko ang isang masiglang paniniwala na ang Espiritu ay nakikilahok sa ating pang-araw-araw na buhay. Kung hindi natin malugod na tinatanggap ang gabay ng Espiritu, kung gayon may mali, bakit? Tignan natin ang sinasabi sa Roma 8:9-14,

“9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, Siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng Kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.

12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.”

            
Sa pag-aaral nating ito, ang mahalaga, sa palagay ko ay hindi natin gamiting dahilan na “walang pangungusap sa akin ang Diyos,” para ibahagi ang ebanghelyo mga tao bago mo talagang gawin ito. Binigyan tayo ng Panginoon ng Dakilang Atas (Great Commission) na dapat sundin. Ibinibigay nito sa atin ang lahat ng lisensya na kailangan nating lumabas araw-araw at ipaalam ang ebanghelyo hangga’t maaari sa lahat ng taong ating nakakasalamuha. Gayunpaman, dapat tayong manalangin para sa mga banal na pagkakataon o tagpo at manatiling bukas at sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu. At kapag nangusap Siya sa ating puso, dapat tayong kumilos at sumunod.

III. Understand and Explain the Good News to People 
(8:32-40).

            
Tunay na kaysarap makita itong tagpo ni Felipe at ng eunukong ito na magkasamang nakaupo sa isang karwahe sa ilalim ng araw sa disyerto. Tapos makikita nating silang ibinabahagi ni Felipe sa lalaki ang kasulatan ni Isaias na binasa ng eunuko sa aklat ng Isaias 53:7-8, na tungkol sa tanyag na awit ng Nagdurusang Lingkod. Basahin natin yung binasa ng eunuko sa Isaias 53:7-8:

7 “Siya ay binugbog at pinahirapan, ngunit hindi kumibo kahit isang salita; tulad ay tupang nakatakdang patayin, parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan, at hindi umiimik kahit kaunti man. 8 Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay, wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan. Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.”

            
Sa loob ng maraming siglo, pinagtatalunan ng mga Hudyo ang talatang ito. Ang propeta ba ay nagsasalita tungkol sa sarili niyang pagdurusa, sa buong bansa, o sa Mesiyas? Si Felipe, na wastong tumingin kay Jesus bilang ang katuparan ng mga hula sa Lumang Tipan tulad ng isang ito, ay handa na magbigay ng sagot. Ipinaliwanag niya na mga 750 taon bago ang pagpapako sa krus, inilarawan ni Isaias ang pagdurusa at kadakilaan ni Jesus. Sa gitna ng misyon ni Jesus, ibinahagi niya, ay ang gawaing si Jesus ang nagdanas sa halip na ang mga makasalanan. Ginamit ni Felipe ang talata ni Isaias upang ipaliwanag ang Mabuting Balita sa kaniyang sabik na estudyante. Alam niya na si Kristo ang susi sa Isaias 53 at sinabi iyon. Alam niya at kayang ipaliwanag na iyon din ang bituin ng Kasulatan. Si Hesus ang Kordero ng Diyos, na nagpasan ng ating mga kasalanan sa Kanyang katawan sa krus. Siya ang Isa kung kanino ang mga tinubos mula sa lahat ng mga bansa ay sumigaw ng, "Karapat-dapat!" (Juan 1:35; 1 Pedro 2:25; Pahayag 5:8-14).

            
Bagama’t malamang na nadama ng lalaking ito na rejected siya dahil sa kaniyang kalagayan, nasabi ni Felipe sa kaniya na siya ay minamahal at tinanggap ng Mesiyas.

            
Sa buong aklat ng Lucas at Gawa nakikita natin ang isang paulit-ulit na pangangailangan para sa mga tao na ipaliwanag ang Mesiyas mula sa Kasulatan. Ang mga disipulo mismo ay nangangailangan ng gayong patnubay (halimbawa sa Lucas 24). At pagkatapos matanggap ang tagubiling ito mula kay Jesus, ipinaliwanag naman nila ang Banal na Kasulatan sa liwanag ng gawain ni Cristo sa mga Judio sa Jerusalem, gaya ng inilalarawan sa Gawa 2–7. Narito ang manlalakbay na ito mula sa isang malayong lupain ay kailangang maunawaan ang kahulugan ng Isaias, at ang Panginoon ay nagpadala sa kanya ng isang kahanga-hangang gabay sa katauhan ni Felipe. Ang lahat ng ito ay nagpapakita ng pangangailangan para sa ating lahat na mananampalataya kay Jesus na maunawaan ang buong kwento ng Bibliya.

A. Be prepared to explain the good news.

            
Kailangan nating maging handa sa espirituwal at teolohikal na gawin ang gawaing nilayon ng Diyos na gawin natin. Ang lalaking eunuko ay nangangailangan ng higit pa sa isang kaibigan sa kanyang karwahe. Kailangan niya ng pakikipagtagpo sa isang taong makapagpapaliwanag ng katotohanan ng ebanghelyo sa tulong ng Espiritu. Upang maging tapat na mga saksi kailangan natin ang Espiritu, at kailangan nating panghawakang mabuti ang Salita. Si Felipe ay hindi lamang ipinagdasal ito; pinag-aralan din niya ito.

            
Kailan mo huling binuksan ang Bibliya at ipinaliwanag ang mabuting balita sa isang tao? Tumigil ka ba at mananalangin para sa gayong pagkakataon sa linggong ito? Kung sa tingin mo ay hindi mo kayang ipaliwanag ang ebanghelyo mula sa mga Banal na Kasulatan, oras na para sa mas mahigpit na plano ng pag-aaral. Anuman ang iyong mga hakbang, manalangin at tandaan na ang gayong pag-aaral ay tutulong sa iyo nang tapat at mas may pagtitiwala na ipaliwanag ang Mabuting Balita sa iba.

B. Consider using questions as you explain the good news.

            
Ang buong talatang ito sa Gawa ay nagdala sa atin sa ilang mga katanungan. Nagtanong si Felipe ng isang tanong, at pagkatapos ay nagtanong ng tatlo ang eunuko. Ang pagtatanong, sa katunayan, ay nagbibigay ng magandang paraan upang simulan ang mga pag-uusap sa ebanghelyo.

            Nagsimula si Felipe sa tanong na, “Naiintindihan mo ba ang binabasa mo?” (tal. 30). Ang eunuko ay nagtanong ng isang mahusay na tanong bilang tugon kay Felipe:
“Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” (tal. 31). Sa unang pagkakataon na nagbasa ako ng Bibliya, kailangan ko ng tulong. Ganiyan din ang nararamdaman ng maraming tao, at karaniwan nang marinig natin sa mga taong binabahaginan ng Salita ng Diyos na, “Hindi ko alam ang unang bagay tungkol sa Bibliya.” Nagawa ni Felipe na makipag-usap sa eunuko at ibahagi ang Magandang Balita dahil alam niya ang Bibliya. Alam niya ang kuwento ng Kasulatan, at handa siyang ipaliwanag ito. Kailangan mong makita na ang iyong personal na pag-aaral ng Kasulatan ay pagsasanay sa pag-eebanghelyo. Inihahanda ka nitong makipagtagpo sa mga tao kung nasaan sila, na ibinabahagi sa kanila si Kristo.

            Sa huli nagtanong ang eunuko, “
Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” (tal. 36). Habang dumadaan ang karwahe sa tabi ng lawa ng tubig, ipinahayag ng Etiopian ang kaniyang pagnanasa upang makilala si Jesus sa pamamagitan ng bautismo. Naniniwala siya sa ebanghelyo tulad ng ipinaliwanag sa kanya ni Felipe. At si Felipe ay may malaking pribilehiyo na magbautismo ng isang bagong mananampalataya, isang bagong Kristiyanong kapatid, bilang resulta ng kanyang katapatan sa misyon.

C. Expect God to work as you explain the good news.

           
Ang ilang tao ay magsisisi at maniniwala kapag narinig nila ang ebanghelyo.

            
Sa kuwentong ito, nasira ang dalawang hadlang—ang mga hadlang sa pisikal at lahi ay nasira (Polhill, Acts, 226). Ang isang eunuko, na isa ring itim na tao, ay tinanggap sa ganap na pagiging miyembro ng mga tao ni Jesu-Kristo. Kahit na hindi siya kailanman naging ganap na Hudyo, maaari siyang maging isang Kristiyano! At gayundin ang lahat na tumawag sa pangalan ng Panginoon (Gawa 2:21, 37-41).

            
Wala tayong masyadong alam tungkol sa nangyari sa bagong convert na ito pagkatapos ng eksenang ito, kundi nagpatuloy siya sa paglalakbay na "masaya" (tal. 39). Gayunman, sinasabi ng mga church father na siya ay naging misyonero sa Ethiopia. At habang ang kanilang mga sinabi ay hindi mapapatunayan, alam natin na siya ay tiyak na umuwi at sinabi ang Mabuting Balita sa iba. Bakit natin nasabi iyan? Sabi sa Awit 68:31, “Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating, ang Etiopia'y daup-palad na sa Diyos dadalangin.”

            
Pagkatapos ay biglang nawala si Felipe (tal. 40), gaya ito ng nakita natin kay Jesus pagkatapos Niyang bahagian ang dalawang lalaking naglalakad papuntang Emaus: “Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit Siya'y biglang nawala sa kanilang paningin.” Sunod na nakita natin na si Felipe ay nagpatuloy sa pangangaral ng ebanghelyo, papuntang hilaga, hanggang sa tuluyang nakarating sa Caesarea, kung saan mababasa natin ang tungkol sa kanya sa bandang huli sa Gawa 21:8. Si Felipe ay may tahanan at apat na anak na babae. Tinawag lang siya ni Lucas na “ebanghelista, na isa sa Pito.” Marami tayong dapat matutunan mula sa ebanghelistang ito tungkol sa pagmamahal sa mga tao, sa pagsunod sa Espiritu, at pagpapaliwanag ng Mabuting Balita mula sa lahat ng Kasulatan sa lahat. Nawa'y bigyan tayo ng Diyos ng biyaya na, “Gampanan ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita.” (2 Timoteo 4:5).

______________________________________________________

Discussion:

Pagbulayan:
1. Paano ipinakita ng kwentong ito ang habag at awa ng Diyos sa lahat ng bansa?

2. Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa pagsunod sa 
Banal na Espiritu?

3. Ano ang itinuturo ng kwentong ito tungkol sa 
pangangailangang ipaliwanag ang Bibliya sa iba?

Pagsasabuhay:

1. Ano ang nakita ninyong magandang halimbawa sa buhay 
ni Felipe na nais mong tularan?

2. Paano mo maibabahagi ang Magandang Balita ngayong 
linggo?

Panalangin:
Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...