Linggo, Mayo 15, 2022

Ano ba ang ibig sabihin na ang Diyos ay Pag-ibig?

Tanong:
Ano ba ang ibig sabihin na ang Diyos ay Pag-ibig?



Sagot:

Ano ba ang ibig sabihin na ang “Diyos ay Pag-ibig?” Una sa lahat titingnan natin kung papaano ipinaliwanag ng salita ng Diyos, ang salitang “pag-ibig,” at pagkatapos ay titingnan naman natin ang ilang paraan upang magamit natin ito patungkol sa Diyos.
“Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Hindi ito naguugaling mahalay, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata ng lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroong paghahayag, ang mga ito ay lilipas. Kung may pagsasalita ng mga wika, sila ay titigil. Kung may kaalaman, ito ay lilipas” (1 Corinto 13:4-8).

Ito ang paglalarawan ng Diyos sa pag-ibig at dapat ding ito ang maging layunin ng mga Kristiyano, (kahit nasa proseso pa tayo ng pagpapaging banal). Ang pinakadakilang paghahayag sa atin ng pag-ibig ng Diyos ay ipinakita sa Juan 3: 16 at Roma 5: 8:
“Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang Kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” “Ngunit ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.” Makikita natin sa mga talatang ito na pangunahing layunin ng Diyos na makasama Niya tayo sa Kanyang walang hanggang tahanan sa langit. Gumawa Siya ng daan upang maging posible ito sa pamamagitan ng pagbabayad sa kaparusahan ng ating mga kasalanan. Mahal Niya tayo at ito ay ayon sa Kanyang kagustuhan. “Nagtatalo ang loob ko at nananaig sa aking puso ang malasakit at awa” (Hosea 11:8b). Ang pag-ibig ay nagpapatawad. “Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, Siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan” (1 Juan 1:9).

Ang pag-ibig ay hindi ipinagpipilitan ang sarili sa sinuman. Yaong mga lumalapit sa Kanya ay ginagawa ito bilang pagtugon sa Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig ay nagpapakita ng kagandahang loob sa lahat. Ang pag-ibig ay gumagawa ng kabutihan sa lahat ng walang kinikilingan. Ang pag-ibig ay hindi nagnanasa sa mga bagay na pagmamay-ari ng iba, namumuhay ng simple at hindi nagrereklamo. Ang pag-ibig ay hindi nagyayabang, kahit na madali niyang magapi ang sinuman. Ang umiibig ay hindi sapilitan ang pagsunod. Ang Panginoong Hesus ay hindi sapilitang sumunod sa Kanyang Ama bagkus, buong puso Siyang tumalima sa kalooban ng Kanyang Ama sa langit.
“Sinabi Ko ito sa inyo upang malaman ng sangkatauhan na iniibig Ko ang Ama. Malalaman nila na kung papaano Ako inutusan ng Ama, ganoon ang ginagawa Ko” (Juan 14:31). Ang pag-ibig ay palaging inuuna ang kapakanan ng iba.

Ang maikling paglalarawang ito sa pag-ibig ay nagpapakita ng isang buhay na hindi nakasentro sa sarili. Kamanga mangha na binigyan ng Diyos ang mga tumanggap sa Kanyang Anak ng kakayahang umibig na kagaya Niya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Tingnan ang Juan 1: 12; 1 Juan 3: 1, 23, 24). Ito ay isang napakalaking hamon at pagpapala.

(Mula sa gotquestion)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...