Biyernes, Abril 29, 2022

Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao?

Tanong: 

Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao?

Sagot:
Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao? Isa ito sa mga pinakamahirap na katanungan sa Teolohiya. Ang Diyos ay walang hanggan, sumasalahat ng lugar sa lahat panahon, nakaka-alam sa lahat ng bagay at pinakamakapangyarihan sa lahat. Bakit tayong mga tao na (na may katapusan at hindi sumasalahat ng lugar sa lahat ng panahon, hindi nakakaalam sa lahat ng bagay at walang kapangyarihan) ay umaasang lubos na mauunawaan ang Kanyang mga gawa? Ang ganitong isyu ay ipinaliwanag sa aklat ni Job. Pinahintulutan ng Diyos si Satanas na gawin ang lahat ng kanyang gustong gawin kay Job, ang hindi niya lang puwedeng gawin ay patayin ito. Ano ba ang naging reaksiyon ni Job? “Hindi ako matatakot kung ako man ay patayin, maiharap lamang sa Kanya itong aking usapin” (Job 13:15). “Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok, si Yahweh ang nagbibigay, Siya rin ang kukuha. Purihin si Yahweh!” (Job 1:21). Hindi nauunawaan ni Job kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang lahat ng iyon sa kanya, subalit alam niyang ang Diyos ay mabuti kaya patuloy siyang nagtiwala sa Kanya. Dapat na ganito din ang ating maging reaksiyon. Ang Diyos ay mabuti, walang kinikilingan, mapagmahal at mahabagin. Kung minsan may nangyayari sa ating buhay na hindi natin nauunawaan. Gayon man, sa halip na pagdudahan ang kabutihan ng Diyos, dapat na ang ating magiging reaksiyon ay pagtiwalaan Siya. “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Siya ay sangguniin sa lahat mong mga balak, at kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong lakad” (Kawikaan 3:5-6).

Marahil ang mas mainam na katanungan ay, “Bakit maganda ang nangyayari sa mga hindi mabubuting tao?” Ang Diyos ay Banal (Isaias 6: 3; Pahayag 4: 8). Ang lahat ng tao ay makasalanan (Roma 3: 23; 6: 23). Gusto mo bang malaman kung papaano tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan? Ayon sa nasusulat: “
Walang sinumang matuwid, wala kahit isa. Walang sinumang nakakaunawa, walang sinu-mang humahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng daan, sama-sama silang naging walang pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan. Sa kanilang mga dila ay ginagamit nila ang pandaraya. Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa mga labi nila. Ang mga bibig nila ay puno ng pagsumpa at mapait na pananalita. Ang mga paa nila ay mabilis sa pagbuhos ng dugo. Pagkawasak at paghihirap ang nasa kanilang mga landas. Hindi nila alam ang landas ng kapayapaan. Ang pagkatakot sa Diyos ay wala sa kanila“ (Roma 3:10-18). Lahat ng tao sa mundong ito ay nararapat lamang na dalhin at parusahan sa impiyerno. Bawat segundo na tayo ay nabubuhay, ito ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Kahit na ang katakot-takot na hirap na nararanasan natin sa mundong ito ay mas magaang kumpara sa nararapat na kaparusahan natin sa impiyerno.

“Ngunit ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa atin na noong tayo ay makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin”
(Roma 5:8). Sa kabila ng pagiging makasalanan ng tao, minahal pa rin siya ng Diyos. Napakalaki ng pag-ibig ng Diyos sa atin dahil inako Niya mismo ang parusa para sa ating mga kasalanan (Roma 6: 23). Ang gagawin natin ay manampalataya sa ating Panginoong Hesu Kristo (Juan 3: 16; Roma 10: 9) at magsisi upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at matamo ang pangakong buhay na walang hanggan sa langit (Roma 8: 1). Ang karapat-dapat sa atin ay Impiyerno ngunit ang ibinigay sa atin ay buhay na walang hanggan sa langit - kung tayo'y mananampalataya. May isang kasabihan na “ang mundong ito ay ang tanging impiyerno na mararanasan ng mga mananampalataya subalit ang mundong ito ang tanging langit na mararanasan ng mga hindi mananampalataya.” Sa susunod na may magtatanong sa atin, “Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga mabubuting tao?” Ipaliwanag natin kung bakit ang dapat niyang itanong ay, “Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may magandang mangyari sa masasamang tao?”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...