The
Antioch Model
Lesson 15
Scripture:
Gawa 11:19-30; 12:25; 13:1-3
Gawa 11:19-30
19 May mga mananampalatayang
nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating
sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa
mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga
taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego ang
Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan
ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa
Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at
makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang
lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si
Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami
pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang
hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa
Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at
nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga
tagasunod ni Jesus.
27 Nang panahong iyon, dumating sa
Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. 28 Tumayo ang isa sa kanila na
ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na
magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong
kapanahunan ni Emperador Claudio. 29 Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala
ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat
isa. 30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga
matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.
Gawa 12
1 Nang mga panahon ding iyon, sinimulang
usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng iglesya. 2 Ipinapatay niya sa
pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3 At nang makita niyang
ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari
ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 4 Pagkadakip kay Pedro, siya'y
ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak
ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, 5 kaya't nanatiling
nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos
para sa kanya.
6 Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa
bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang
tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. 7 Walang
anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan.
Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng
anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. 8 “Magbihis ka't
magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi
pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”
9 Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit
hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain
lamang iyon. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa
pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y
lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel.
11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya,
“Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang
anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na
mangyari sa akin.”
12 Nang maunawaan niya ang nangyari, nagpunta siya
sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming
nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto,
lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala
niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay tumakbo siyang papasok ng bahay nang
hindi pa nabubuksan ang pinto, at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.
15 “Nahihibang ka!” sabi nila. Ngunit iginiit niyang
naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Anghel niya iyon!” 16 Samantala,
patuloy na kumakatok si Pedro.
Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro
at hindi sila makapaniwala. 17 Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos,
isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan.
“Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos,
umalis siya at nagpunta sa ibang lugar.
18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa
pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19
Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga
bantay at ipinapatay.
Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa
Cesarea at nanatili roon.
20 Matagal nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at
mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at
taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang
ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa
palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay
nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga
taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay
hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang
karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.
24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang
salita ng Diyos.
25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin,
bumalik sila sa Jerusalem kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.
Gawa 13:1-3
1 May mga propeta at mga guro sa iglesya sa
Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio
na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes na pinuno ng Galilea at Saulo. 2
Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng
Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa
tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” 3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at
manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo
na.
Pangunahing ideya ng pag-aaral:
Sa
pag-aaral na ito makikita natin ang ilan sa mga dahilan ng iglesya sa
Antioch—isang huwarang missionary church—para magbago ang mundo.
Outline ng ating pag-aaral:
I. Effective Evangelism (11:19-21)
A.
Cultural-engagement mentality (11:19-20)
B. Gospel
intelligibility (11:20)
C.
Personal anonymity (11:20)
D. The
Lord’s sovereignty (11:21)
II. Dynamic Discipleship (11:22-26)
A. Accountability
(11:22)
B.
Encouragement (11:22-24)
C.
Instruction (11:25-26)
D. Fruit
(11:26)
III. Mercy Ministry (11:27-30;
12:25)
A. It was
selfless.
B. It was
generous.
C. It was
corporate.
IV. Multicultural Leadership and
Membership (13:1)
V. Spirit-Directed,
Church-Sent/Supported Missionaries (13:2-3)
A. Worship
and expectant prayer fueled the mission.
B. The
Spirit and the congregation together affirmed this mission.
C. The
church sent their best on mission.
Sa
mga talatang ito ay titignan natin ang iglesya na sana ay katulad ng lahat ng
iglesya ngayon. Ito sana ang maging mukha na ating local na iglesya. Kaya
maganda na sila’y ating pag-aralan.
Ipinakita
sa atin ni Lucas kung paano naging launching pad ang iglesya sa Antioch para sa
mga misyon sa buong mundo. Ito ay naging base ng operasyon para sa paglalakbay
ni Pablo bilang misyonero kasama si Bernabe (Gawa 13:1-3; 14:26-27) at
pagkatapos ay isang base para sa kanyang paglalakbay kasama naman si Silas
(Gawa 15:35-41; 18:22-23).
Ang
Antioch ay ang ikatlong pinakamalaking lungsod sa mundo ng Greco-Romano, sa
likod ng Roma at Alexandria. Ipinagmamalaki nito ang mga limang daang libong
tao. Nagtaglay ito ng palayaw na "reyna ng Silangan." Ito ay
kosmopolitan at komersyal. Ito ang kapitolyo ng Syria, at ito rin ay isang base
para sa militar ng Roma. Ang Antioch ay matatagpuan tatlong daang milya sa
hilaga ng Jerusalem at tatlumpung milya silangan ng Dagat Mediteraneo, sa Ilog
Orontes, sa ngayon ay timog-silangan ng Turkey. Ang lungsod ay nagsilbi bilang
isang sangang-daan, na may mga pangunahing highway na papunta sa hilaga, timog,
at silangan. Ang mga Griego, Romano, Siryano, Phoenician, Hudyo, Arabo, Ehipto,
Aprikano, Indian, at Asyano ay pawang naninirahan sa Antioquia, na dahilan kung
bakit sila’y magkakaiba doon.
Sa
relihiyon, ang Antioch ay pluralistic at idolatrous. Tinawag ng ilan ang
Antioquia na “tahanan ng mga diyos” dahil maraming diyos na Griego ang
sinasamba doon, kasama na sina Zeus, Apollos, Poseidon, Adonis, at Tyche. Sa
loob ng limang milya ng Antioch ay naroon ang lungsod ng Daphne, na kilala sa
pagsamba nito kina Artemis, Apolos, at Astarte. Ang kultong prostitusyon ay
bahagi ng pagsamba sa Astarte.
Ang
lahat ng ito ang dahilan kung bakit ang Antioch ang isang magandang lugar para
simulan ang isang iglesya. Naalala ko noong naghahanap kami ng asawa ko sa
Culion Palawan ng lugar kung saan kami titira at magsisimula ng gawain. May
isang lugar doon na tinatawag na “Tondo ng Culion” at maraming kapatiran ang
nagbabala sa amin na huwag kami doon mag tumira at mag simula ng gawain dahil
kinakatakutan ang lugar na iyon doon at magulo. Pero sabi ko, “kung nandito si
Jesus, malamang dito ko Siya makikitang magsisimulang abutin ang mga tao.” Kaya
doon kami nakabili ng bahay at nag simula ng house church. Muli, wala nang mas
ankop na lugar na maiisip, para makapagsimula ng internasyonal na iglesya, o
pagsisimula ng pandaigdigang Kristiyanong misyon kundi ang lugar ng Antioch.
Ang
iglesya sa Antioch—hindi ang mother church sa Jerusalem—ang nagbago sa mundo.
Ang igleysa sa Jerusalem ay kahanga-hanga, at dapat itong pahalagahan dahil sa
pagiging natatangi at kapangyarihan nito, ngunit nagkaroon ito ng mga hamon
pagdating sa pag-eebanghelyo sa mga hindi Hudyo. Ang Antioch, sa kabilang
banda, ay isang internasyonal na iglesya.
Ano
ang naging dahilan ng pagiging makapangyarihan ng simbahan sa Antioch? Ano ang
mga sangkap ng isang missional church? Inilarawan ni Lucas ang hindi bababa sa
limang marka ng isang iglesyang misyonero. Ang mga ito ay simple upang
maunawaan ngunit mahirap ilapat. Kailangan nating manalangin para sa “biyaya ng
Diyos” (Gawa 11:23) habang sinisikap nating tularan ang mga Kristiyano sa
Antioch.
I. Effective Evangelism (11:19-21)
Ang unang bagay na dapat
pansinin sa talatang ito ay ang kahanga-hangang pag-abot ng iglesyang ito sa
mga hindi mananampalataya. Sa katunayan, ang iglesya ng Antioch mismo ay
isinilang sa pamamagitan ng pag-eebanghelyo—isang mahalagang punto. Ang
ebanghelyo ay itinanim sa Antioch, at pagkatapos ay isang iglesya ang itinatag
doon. Ang tema ng malawakang pagbabagong loob at pagsulong ng ebanghelyo ay
hindi bago na bago sa atin sa pag-aaral ng aklat ng Gawa, at ang ilan sa mga
kaparehong tema ng pag-eebanghelyo na tulad nga nito ay nangyari din sa ibang
lugar, ngunit may apat na natatanging katangian tungkol sa iglesya na makikita
natin dito na hindi natin gustong makaligtaan.
A. Cultural-engagement mentality
(11:19-20)
19
May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula
noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia.
Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may
kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia
ay ipinangaral din sa mga Griego ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong
Jesus.
Nakita na natin nakaraan ang
pagkalat ng mga mananampalataya mula sa Jerusalem para takasan ang lumalaking
pag-uusig doon, at ang ilan nga sa kanila ay naglakbay hanggang sa Fenicia (sa
lugar ng kasalukuyang Lebanon). Ang ilan ay pumunta sa Cyprus (isang bansang
isla na halos isang daang milya mula sa baybayin). Ang iba ay nanirahan sa
Antioquia. Habang sila ay nakakalat, ang mga Kristiyanong ito ay nagpatuloy sa
pangangaral ng Salita—gaya ng naobserbahan natin dati sa Gawa 8:1-4. Karamihan
sa mga mananampalatayang ito, gayunpaman, ay nagsalita ng ebanghelyo sa mga
Hudyo lamang. Ito ay, sa isang tiyak na lawak, ay naging natural na paraan
dahil marami sa mga refugee ang malamang na nagsimulang muli sa mga lugar kung
saan sila ay may natural na koneksyon sa pamilya o mga kasalukuyang kontak sa
negosyo.
Ngunit sa talata 20 ay may
nakikita tayong bagong pag-unlad. Ilang lalaki ng Cyprus at Cyrene (hilagang
Africa) ang dumating sa Antioch at buong tapang na ipinangaral din ang mabuting
balita sa mga Helenista (“Greeks” o “Gentiles,” NLT). Ang mga lalaking
naglakbay mula sa Africa ay nagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga hindi
mananampalatayang Hentil. Upang maging malinaw, nangaral si Pedro kay Cornelio,
isang Hentil, ngunit walang sinuman—ayon sa masasabi natin mula sa mga talaan
ng Kasulatan sa kasaysayan—na kumilos nang madiskarte at sadyang mangaral sa
mga Hentil hanggang sa puntong ito. Ang pag-abot sa Samaritano ay hindi rin katulad
nito, dahil ang mga Samaritano ay malapit na pinsan ng mga Hudyo. May
ginagawang bago ang mga ebanghelistang ito. Ang mga Helenista ay mga Hentil na
nagsasalita ng Griyego.
Kung susundan ang gawain ni
Pedro, waring ang terminong “Hellenist,” kung orihinal, ay hindi
nangangahulugan na mga Kristiyanong Helenista ngunit nagtataglay ng higit na
lahi, cultural sense, katumbas ng “mga Hentil.”
Samakatuwid, ang mga lalaking
ito mula sa Cyprus at Cyrene ay dumaan sa isang malaking hadlang sa kultura.
Kaya't ang unang dahilan ng
kanilang pagiging epektibo sa pag-eebanghelyo ay ang kanilang cultural
engagement mentality. Hindi natin nakikita sa kanila ang isang anti-Gentile
bias. Sa halip, lumilitaw na naging totoo din sa kanila ang sinabi ni Pablo sa 1
Corinto 9:22, “Ako'y nakibagay sa lahat
ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.”
Dahil dito, mahusay silang nag-ebanghelyo sa mga pagano.
Kadalasan ang mga tao na
napipigilan sa pagsusumikap na mag-ebanghelyo ay dahil sa kanilang mga deeply
religious culture. Marami, bagama't madalas na may mabuting layunin, ay higit
na nagmamalasakit sa pagprotekta sa kanilang sariling paraan ng pamumuhay kaysa
sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga pagano na maaaring magdala ng lahat ng uri
ng mga bagong hamon sa komunidad ng Kristiyano kung tatanggapin nila ang
Panginoon. Maaaring, halimbawa, gusto nilang magpakilala ng mga bagong istilo
ng musika o mga bagong paraan ng paggawa ng mga bagay. Ngunit ang mentalidad na
“magtago nang ligtas sa isang bomb shelter at hayaan ang mga nasa labas ng
pamilya” na kaisipan ay hindi magreresulta sa mabisang pag-eebanghelyo. Hindi
tayo magiging asin at liwanag kung hindi tayo kailanman makikibahagi sa mga
taong nakatira at alam lamang ang isang tiwali at madilim na mundo. Hindi
inalis ng mga Kristiyano sa Antioch ang pakikipag-ugnayan sa mga taong hindi pa
nakakaunawa sa ebanghelyo. Nagliwanag sila sa gitna nila. Hindi nakakagulat na
ito ang kongregasyong ginamit ng Diyos upang ilunsad ang misyon ng mga Hentil.
Upang maging isang iglesyang
tulad ng Antioch, dapat tayong makibahagi sa mga tao. Kailangan nating
matutunan kung paano mamuhay nang tapat, sensitibo, matino, matalino, mabait,
at magiliw sa mga taong malayo sa Diyos. Nasa isang digmaan tayo, at ang
digmaan ay hindi kailanman nilalabanan ng pagtakas. Nangangailangan ito ng
pakikipag-ugnayan—para sa ikabubuti ng ating mga nakikipag-ugnayan.
Colosas
4:5-6
“5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi
nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin ninyong
laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila,
at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.”
B. Gospel intelligibility (11:20)
“20
Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating
sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego ang Magandang Balita tungkol sa
Panginoong Jesus.”
Ang mga lalaki mula sa Cyprus at
Cirene ay “naghahayag ng Mabuting Balita
tungkol sa Panginoong Jesus.” Hindi sila nangaral tungkol kay Jesus bilang
ang Kristo kundi tungkol kay Jesus bilang Panginoon. Walang Hudyo na madla.
Bagama't alam natin na kalaunan ay itinuro ng iglesya sa kanila ang tungkol sa
Kristo—kung hindi man ay hindi maaaring tawagin ang mamamayan ng mga mananampalataya
bilang "mga Kristiyano"—ang mga unang sumubok na makarating sa mga
Hentil ng Antioch ay alam na ang kanilang mga tagapakinig ay hindi magkakaroon
ng malaking interes sa "pag-asa ng Israel.” Gayunpaman, ang pamagat, na Kurios, "Panginoon," ay karaniwang
ginagamit sa kanila. Sa mga misteryong relihiyon ang terminong ito ay ginamit
bilang pagtukoy sa isang banal na diyos na makapagbibigay ng kaligtasan sa mga
tao. Ang mga ebanghelistang ito ay nakapagsabi sa lahat ng tungkol sa Kurios na
siyang tanging Tagapagligtas. Dahil dito ang kanilang mensahe ay naiintindihan
at napakita nila ang awareness nila sa kanilang mga tagapakinig.
Upang maging isang mahusay na
ebanghelista, kailangan mong malaman ang ebanghelyo. Kailangan mo ring
isaalang-alang ang mga interes at antas ng kaalaman ng iyong madla. Naalala ko
may kaibigan akong Pastor na nagalit sa isang post sa Facebook na kung saan ay
nag comment siya sa isang video nang isang Pastor na nangaral ng Ebanghelyo sa
mga kabataan at ginamit niya ang ilustrasyon ng laro nila sa kanilang cellphone
na nilalaro ng karamihan sa kanila. Nagalit ang kaibigan kong Pastor sa bagay
na ito dahil bakit daw iyon ang ginamit na ilustrasyon at hindi ginamit ang mga
ilustrasyon na binigay ng Biblia gaya ng pagtatanim, pagpapastol, at iba pa.
Sabi ko wala akong nakitang mali. Dahil nakita ko na maging sa Bible ginagamit
nila ang ilustrasyon o mga salita o bagay na pamilyar sa mga nakikinig para mas
malinaw na maibahagi sa kanila ang mensahe ng Magandang Balita. Mahirap naman
na gamitin mo sa mga bata ang ilustrasyon ng pagtatanim kung wala naman silang
alam patungkol sa bagay na ito at gumamit ng mga salita na hindi nila alam at
dahil dito baka mas lalo nilang hindi maintindihan ang iyong tinuturo.
C. Personal anonymity (11:20)
Mapapansin natin na hindi
nabanggit ang pangalan ng mga lalaking ito? Ang kanilang mga pagsisikap sa
pag-abot sa Antioch ay nagkaroon ng mga epekto sa darating pa na mga taon,
ngunit halos wala tayong alam tungkol sa mga taong nagpasimula ng pandaigdigang
misyon na ito.
Ang mga hindi pinangalanang mga
Kristiyano bang ito ay talagang gumawa ng isang kakaiba para sa kaharian? Ang
sagot ay oo. Ang mga lalaking ito ay naging tapat lamang kay Jesus. Wala silang
plano. Walang programa. Walang budget. Isang kasigasigan lamang para sa
Panginoon! At ang Diyos ay gumawa sa pamamagitan ng mga ito sa isang
makapangyarihang paraan.
Nasa panahon tayo ngayon na
maraming Kristiyano ang gustong maging sikat o makilala ang dahilan kung bakit
lubhang kailangan nating tuklasin muli ang gawain ng mga lalaking
ebanghelistang taga-Cyprus at Cyrene. Ang mga hindi nakilalang mga bayaning ito
ay nagbigay sa atin ng modelong dapat sundin. Ang pinakamahalagang tao sa
iglesya ay hindi palaging pinakasikat, at hindi ko sinasabi na laging mali ito
dahil may nakikilala na may kahalagahan. Nagsimula ang iglesya sa Antioch dahil
ang tinitignan na mga hindi gaanong importanteng tao ay nagpatotoo sa kanilang
mga kapitbahay.
Ngayon, marami ang nag-iisip na
kung makakapag-imbita ng isang sikat o artista na Kristiyano para pumunta sa
gawain nila sa church at magbahagi ng kanyang patotoo ay ang paraan para
maka-akay ng maraming tao para mabahaginan ng ebanghelyo at isa daw ito na
siguradong taktika na makadala ng tao kay Kristo. Hindi ko sinasabi na mali ang
taktika na iyon dahil walang alinlangan na may ilan itong maaabot, ngunit sa
palagay ko ay hindi ito ang pinakamabisang ruta sa pag-eebanghelyo. Bagama't
isang magandang bagay na magsalita si Manny Pacquiao sa isang pagtitipon sa
simbahan, mas mabuting makita na ang buong kongregasyon ay makitang araw-araw
na nagbabahagi ng Magandang Balita sa mga tao sa kanilang paligid.
D. The Lord’s sovereignty (11:21)
21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng
Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
Ang mga ebanghelistang ito ay
mga ordinaryong tao, kaya paano nila nakita ang gayong mga resulta? Ang kamay
ng Panginoon ay nasa kanila. Pinagpala Niya ang kanilang patotoo. Ang
Panginoong Jesus ang tunay na bayani ng mensahe (“ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus,” tal. 20); Siya
ang layunin ng mensahe (“at maraming
naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus” tal. 21); at Siya ang pinagmumulan
ng kapangyarihan (“Nasa kanila ang
kapangyarihan ng Panginoon” tal. 21). Si Jesus ang
nagtatayo ng Kanyang iglesya mismo sa Antioch.
Bagama't hindi natin maaaring
manipulahin ang kamay ng Panginoon sa paggawa ng mga kamangha-manghang bagay sa
ating sariling mga komunidad, maaari tayong kumuha mula sa talata 13 ng isang
pahiwatig mula sa disposisyon ng mga mananampalataya sa Antioch. Sila ay mga
taong nananalangin. Desperado silang gumawa ang Panginoon, gaya ng mga nasa
Jerusalem noong nanalangin sila (Gawa 4:24). Hingin natin ang kamay ng Diyos ng
pagpapala habang nagsasalita tayo tungkol sa Kanya sa iba.
Ang iglesya sa Antioch ay
isinilang sa pamamagitan ng mabisang pag-eebanghelyo, at bilang resulta, “sa
Antioch mayroon tayong makikitang unang iglesya na binubuo ng mga Judio at
Hentil na mananampalataya na magkakasama”
II. Dynamic Discipleship (11:22-26)
Ngayon itong magkaibang,
bagong-convert na mananampalataya ay kailangang maging disipulo. Dalawang
masiglang pinuno, sina Bernabe at Saulo, ang dumating upang palakasin sila.
Tinuturuan nila ang mga Kristiyanong Antioquia sa tatlong paraan—sa pamamagitan
ng pananagutan, pampatibay-loob, at pagtuturo.
A. Accountability (11:22)
“Nang
mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe.”
Katulad noong ipinadala ng
iglesya sa Jerusalem sina Pedro at Juan upang i-endorso ang gawaing
pang-ebanghelyo sa Samaria (Gawa 8:14), sa pagkakataong ito ay ang ipinadala
naman ng iglesya ay si Bernabe upang suriin ang mga bagay sa Antioch. Ito ay
karaniwang isang pagsisikap sa "pagkontrol sa kalidad." Nais ng iglesya
na suriin kung ano ang nangyayari sa Antioquia. Ang ilan ay maaaring naging
mapanuri at mapaghinala tungkol sa magagandang bagay na iniulat tungkol sa
gawain ng Diyos sa rehiyong iyon, ngunit ang iba ay malamang na umaasa at
gustong tumulong. Si Bernabe ay kabilang sa mga ito.
Bagama't marami ang nakasimangot
sa paggamit ng mga accountability methods, ang iglesyang ito sa Antioch ay
tiyak na nangangailangan ng accountability. Wala silang apostolic leadership.
Ang iglesya ay napuno ng mga bagong mananampalataya mula sa buong mundo. Ang
gawain ay bago. Kaya't dumating si Bernabe, sinuri, at inendorso ang gawain.
B. Encouragement (11:22-24)
“22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa
Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at
makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang
lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si
Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami
pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.”
Si Bernabe ay isang Helenista
mula sa Cyprus. At ano nga ulit ang isang Helenista? - Isang dalubhasa sa
pag-aaral ng wikang Griyego, panitikan, kultura, o kasaysayan, o isang
tagahanga ng kultura at sibilisasyong Griyego. Kaya siya ay mas naka-relate sa
mga Hentil nang mas mahusay kaysa sa isang Hudyo na Palestinian. Isa pa, mahal
niya ang mga tao. Ang kanyang espirituwal na kaloob ay dahilan para siya ay mag
karoon ng palayaw na , “Anak ng Pampalakas-loob (Son of Encouragement).” Si
Bernabe ang tamang tao para sa trabaho sa Antioch. Hindi niya papatayin ang
apoy ng kung ano ang ginagawa ng Espiritu doon. Hindi siya maghihinala sa
sigasig ng mga mananampalataya sa Antioquia; papalakpakan niya ito.
Kung merong bumisita sa iglesya ng
Antioch na galing sa iglesya ng Jerusalem na hindi flexible, maaaring magkamali
sila gaya ng mga nakaraang Amerikanong misyonero. Sa halip kasi na magpatuloy
sa gawaing pagtulong sa mga tao na mas makilala ang Panginoon sa pamamagitan ng
Kaniyang Salita, mas naging abala sila na himukin ang mga katutubo na magsuot
ng parehong damit na sinusuot nila, kumanta ng parehong uri ng mga kanta nila,
at gumawa ng parehong uri ng mga programa na meron sila. Ngunit ang layunin ng
mga misyon ay hindi upang maitaas ang isang kultura sa isa pa. Dapat tulungan
ng mga misyonero ang mga tao na ipamuhay ang ebanghelyo sa kanilang sariling
mga kultura.
Ang musika, pananamit,
kaugalian, at wika ng Antioquia ay malamang na iba sa Jerusalem. Ngunit dahil
alam ni Bernabe ang malaking larawan, maaari siyang magalak sa kabila ng mga
pagkakaiba, na hindi nakadama ng kagustuhan na ibida ang isang partikular na
anyo ng buhay iglesya sa mga banal sa Antioch. Alam ito ni Barnabe na
mapagmahal sa grasya: Ang Diyos ay kumikilos. Hinihikayat niya ang mga
mananampalataya na manatiling tapat sa Panginoon, na nagpapahiwatig na sila ay
naging tapat na.
talata 23
Nang
dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak
at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso.
Ano ang naging dahilan kung
bakit si Bernabe ay naging encourager? Sinasabi ng Bibliya, “Siya ay isang
mabuting tao.” Hinihikayat ng mabubuting tao ang ibang mga banal. Ang kabutihan
ni Bernabe ay bunga ng kapuspusan ng Espiritu at pananampalatayang gumagawa sa
kanya;
talata 24
Mabuting
tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At
marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.”
Ang kanyang mga gawa ng
paghihikayat ay dumaloy mula sa kanyang matalik na kaugnayan sa Diyos.
Huwag natin maliitin ang
encouragement. Kailangan ito ng mga Kristiyano noon, at kailangan din natin ito
ngayon. Ang paghihikayat o encouragement ay binibigyang kapangyarihan ng
Espiritu. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, “Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo
tulad ng ginagawa ninyo ngayon.” (1 Tesalonica 5:11).
Ano ang kailangan ng isang
mabuting disciple maker? Alam ang tamang doktrina? Oo, ngunit kailangan din
niyang maging tagapagpalakas ng loob. Ang mga disciple maker ay dapat kilala sa
pag-uudyok sa iba sa pananampalataya at mabubuting gawa.
Hebreo
10:24
“Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat
isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti.”
Kailangan nilang pangalagaan ang
mga puso ng mga tao
pati na rin ang pagtulong sa kanila na malaman ang mga katotohanan. Isipin kung
paano ka nakikita ng ibang mananampalataya. Kung may mga taong nakakasalamuha
ka, ano kaya sa tingin mo ang iniisip nila sayo? “kailangan ko ang mga taong
katulad niya,” o “nako ito nanaman ang taong ito.” Gawin mong layunin araw-araw
na hikayatin ang iba na magtiyaga at palakasin sila sa pananampalataya.
Sinasabi ng talata 24 na mas
maraming tao ang “ sumampalataya sa
Panginoon.” Ito ay nagpapakita na ang mga
pagsisikap ni Bernabe sa pagdidisipulo ay maliwanag na kasama ang pagtulong
upang ma-equip at hikayatin ang mga kapwa niya ebanghelista na ibahagi ang
ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan. At habang si Bernabe ay tiyak na natuwa sa
biyaya ng Diyos sa Antioquia, kailangan niya ng tulong upang mapanatili ang
gawain ng pagdidisipulo sa lahat ng mga bagong mananampalataya. Ito, sa
katunayan, ay isang karaniwang problemang kinakaharap ng mga pinuno kapag
lumalago ang kanilang mga iglesya. Nag-aalala sila kung paano ang pinakamahusay
na paraan sa pagdisipulo sa lahat, at hindi ito isang trabaho na magagawa nang
walang tulong. Sa kaso ni Bernabe at sa kanyang gawain sa mga mananampalataya
sa Antioquia, kailangan ang isa pang disciple maker. Si Bernabe ay humingi ng
tulong kay Saulo na tamang gawin.
C. Instruction (11:25-26)
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang
hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa
Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at
nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga
tagasunod ni Jesus.
Hinanap ni Bernabe si Saulo, na
nakasama niya noon sa Gawa 9:27. Alam niya ang pagtawag kay Saulo na maging
apostol sa mga Gentil (Gawa 9:15-16). Alam niya ang kakayahan ni Saulo sa
pagbuo ng tulay; ang lalaking ito ay maaaring makipag-usap sa iba't ibang grupo
at may kaalaman tungkol sa Kasulatan. Alam ni Bernabe na si Saulo lamang ang
taong makakapagturo sa ganitong klaseng kongregasyon.
Kalaunan ay mababasa natin ang
tungkol sa higit pang mga guro sa iglesyang ito, “May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito
sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na
kababata ni Herodes[a] na pinuno ng Galilea at Saulo” (Gawa 13:1). Sina
Pablo at Bernabe ay magkasamang nagbigay ng karagdagang pagtuturo sa kanila, “Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa
Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng
Panginoon” (Gawa 15:35). Dito sa Gawa 11:26, sinabi ni Lucas na “nagtuturo
sa maraming tao” sina Bernabe at Saulo.
Ang pagtuturo ay isang kritikal
na bahagi ng disciple making. Ang pakikinig sa musika lamang ay hindi
makakapagpalago sa mga bagong mananampalataya. Hindi rin sa pagdalo lamang sa
mga gawain sa iglesya. Kailangang malaman at matutunan ng mga Kristiyano kung
paano ilapat ang Kasulatan
Mateo
28:18-20
“... 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng
iniutos Ko sa inyo...”
2 Timote
2:2
“Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming
saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang
magturo naman sa iba.”
Bawat isa sa atin ay
nangangailangan ng tapat na pagtuturo sa Salita ng Diyos.
D. Fruit (11:26)
26 at nang kanyang matagpuan ay isinama
niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng
iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na
Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
Ang mga mananampalataya sa Antioch
ay hindi tinawag ang kanilang sarili na mga Kristiyano. Sa halip, sila ay
“tinawag na mga Kristiyano.” Ang titulong ito ay makikita lamang dito, sa Gawa
26:28, at sa 1 Pedro 4:16. Sa bawat kaso ito ay isang terminong ginagamit ng
mga tagalabas. Ang mga banal sa Antioquia ay nakilala kay Jesus kaya tinawag
sila ng mga kapwa tagamasid na Hentil na “munting mga Kristo.” Ito ay tinawag
sa kanila bilang panlalait sa kanila pero sa mga mananampalataya sa Antioch ito
ay isang karangalan.
Ito, kung gayon, ay isa pang
pagbabago sa kasaysayan ng Kristiyanismo. Ang mga tagasunod ni Jesus ay
ibang-iba sa kulturang nakapaligid sa kanila kung kaya't ang mga mamamayan ay
kailangang bumuo ng ikatlong klasipikasyon ng mga tao—isang bagay na bago sa
pagkakaiba ng Hudyo o Hentil. Kung saan minsang nakita ng mundo ang mga
Kristiyano bilang mga Hudyo na tagasunod ni Jesus na Nazareno at ipinapalagay
na sumunod sila sa ilang magkakaibang anyo ng Hudaismo, na may nagbago. Ngunit
dahil sa nangyari sa Antioch malinaw na ang mga tagasunod ng Daan, na binubuo
ng mga tao sa lahat ng kultura, ay hindi lang mga Hudyo. Ngunit dahil ang ilan
sa kanila ay na-convert mula sa Hudaismo, hindi rin sila eksaktong mga Hentil.
Ang mga tao mula sa lahat ng uri ng mga bansa ay sama-samang sumasamba. Ang
pinag-isang grupong ito ay kumakatawan sa ikatlong “lahi” ng mga tao. Ang mga
Kristiyano ay isang bagong sangkatauhan.
Kahit ngayon ay inaakala ng ilan
na ang relihiyon ng isang tao ay nakabatay sa ethnicity, uri ng lipunan, o
pamilya ng isang tao, ngunit ipinakita ng mga tagasunod ni Jesus sa Antioquia
ang kakaibang sanlibutan na maganda tungkol sa Kristiyanismo. Ang iglesya sa
Antioch ay parang isang embahada ng kaharian ng Diyos. Ang mga tao nito ay
nagbigay sa mundo ng isang larawan kung ano ang magiging hitsura ng kaharian ni
Jesus, sa hinaharap. Ang mga indibiduwal na ito na may iba't ibang pinagmulan
ay nagpakita ng kakaibang mga pinapahalagahan, nagpakita ng kakaibang paraan ng
pamumuhay na taliwas sa makasanlibutang pamumuhay, at nangaral ng natatanging
mensahe. Hindi lang sila nagblend sa kultura. Magkaiba sila, at tayong mga
modernong Kristiyano ay dapat na mailarawan nang katulad nila.
Ano ang naging kakaiba sa turo
nina Bernabe at Saulo sa mga turo ng ibang relihiyon noong panahong iyon? Paano
ito makakalagpas sa mga hadlang sa lipunan upang maitatag ang gayong pagkakaisa
sa gitna ng gayong pagkakaiba-iba? It comes down sa kanilang single-minded
focus. Sila ay nangaral at nagturo ng ebanghelyo gaya ng itinuro ni Jesus.
Nakita nila ang kanilang sarili at ang iba pang mananampalataya bilang mga
makasalanan na naligtas sa pamamagitan lamang ng biyaya sa pamamagitan ng
pananampalataya kay Kristo lamang. Walang batayan para sa kahigitan
(superiority) at elitismo sa pananampalatayang Kristiyano. Ang mga tagasunod ni
Kristo ay tungkol sa kay Jesus lamang.
III. Mercy Ministry (11:27-30;
12:25)
Ang bahaging ito ay nagtapos sa
isang sulyap sa puso ng mga Kristiyano sa Antioch. Nagpapakita sila ng
sakripisyong awa at pagkabukas-palad sa mga nangangailangan. Ipinamalas nila
ang bunga ng kaligtasan sa paggawa ng mabubuting gawa—lalo na sa sambahayan ng
pananampalataya, “Kaya nga, basta may
pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid
natin sa pananampalataya” (Galacia 6:10). Nangako sila sa ministeryo sa
salita at sa gawa, gaya ng walang alinlangan na itinuro sa kanila nina Bernabe
at Saulo na dapat gawin.
Sa isang pangyayaring naitala sa
talata 28, ipinropesiya ni Agabo na ang isang taggutom ay makakaapekto sa buong
imperyo. Ang taggutom na ito ay magiging resulta ng pagbaha ng Ilog Nile noong
AD 45. Ang ani ng Ehipto, ang breadbasket ng rehiyon, ay lubhang napinsala ng
baha. Nagdulot ito ng pagtaas ng presyo ng butil sa buong daigdig ng Roma sa
loob ng maraming taon, kabilang ang sa Judea. Ang prophetic na salita na
binigkas ni Agabo ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Kristiyano na magpakita ng
suporta sa mga nasa Jerusalem. Sa Gawa 11 ang mga Kristiyanong Antioch ay
nagbigay, ayon sa kakayahan ng bawat tao, at ipinadala nila ang regalo kasama
sina Bernabe at Saulo. Mababasa natin ang tungkol sa pagkumpleto ng misyong ito
sa kabanata 12, “Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang
tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.” (Gawa
12:25)
A. It was selfless
Hindi pa nagaganap ang taggutom
nang magpasiya ang mga alagad na magpadala ng tulong. Gayunpaman, sa pagtanggap
sa hula ni Agabo sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga Kristiyano ay
waring higit na nababahala sa paghahanda ng tulong para sa iba kaysa sa
pag-iimbak ng personal na mga panustos bilang paghahanda sa darating na
kahirapan. Inuna nila ang iba bago ang sarili.
Ito ay isang magandang paalala
na sa atin na hindi lamang tayo dapat gumawa ng acts of love ministry kapag sa
tingin natin ay matatag at secure tayo sa pananalapi. May Pastor kasi ako dati
na nakilala na pinatigil niya ang lahat ng pagtulong na ginagawa ng church nila
kasi sabi niya magpapayaman daw muna ang church nila bago tumulong sa iba. Sabi
nya hadlang daw ang marami nilang pagtulong sa iba para mangyari iyon.
Nakakalungkot. Kailangan nating magsimula ngayon—kahit na nangangahulugan ito
na magsimula sa maliit. Mahalagang magpakita tayo ng awa sa wasak na mundong
ito sa abot ng ating makakaya, “ayon sa [ating] sariling kakayahan.”
B. It was generous
Ang iglesya ay hindi nagtanong,
kung magkano ang magagastos. Nagbibigay lang sila hangga't kaya nila. Ang
ganitong uri ng pagkabukas-palad ay nagpapakita na binago sila ng ebanghelyo.
2 Corinto 8:9
“Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating
Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging
mayaman kayo sa pamamagitan ng Kanyang pagiging dukha.”
C. It was corporate
Ang iglesya ay nagpasiya na
pangalagaan ang isa pang grupo ng mga mananampalataya—isa na iba sa kanila sa
kultura at ethnicity at isa na malayo sa kanila. Ang ganitong pakikipagtulungan
sa mga iglesya ay bihira na ngayon. Ang iglesya ng Antioch ay naghahatid ng
alay sa mga "elder" ng iglesya sa Jerusalem; ito ay ang unang
pagbanggit ng terminong elder sa Gawa 11:30. Ang parehong iglesya ay pag-aari
ni Jesus, kaya ang mga tao ay magkakapatid. Ang iglesya ng Antioch ay nagpakita
ng pagkakaisang ito sa pamamagitan ng kanilang kaloob.
Dapat lagi nating iniisip ang
mga pangangailangan ng ibang mga kongregasyon sa buong mundo. Kailangan natin
silang tulungan sa salita at gawa habang naririnig natin ang kanilang mga
pakikibaka. Sa kabila ng mga heograpikal o kultural na mga distansya na kung
minsan ay naghihiwalay sa atin sa kanila, tayo ay magkakapatid sa lahat ng na
kay Kristo. Tayo ay kapwa Kristiyano.
IV. Multicultural Leadership and
Membership (13:1)
“May mga propeta at mga guro sa iglesya sa
Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio
na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes na pinuno ng Galilea at Saulo.”
Nais kong ituro ang dalawa pang
sangkap ng missional church na ito.
Una, dapat nating pagnilayan ang
halimbawa ng pagkakaiba-iba sa pamumuno ng iglesya sa Antioch. May isang grupo
ng “mga propeta at mga guro” na lumilitaw na naglingkod tulad ng isang grupo ng
mga matatanda; Tatawagin ko silang Antioch Five. Si Lucas ay hindi nagbibigay
ng mga kahulugan at pagkakaiba para sa kanilang mga tungkulin, ngunit binibigyan
niya tayo ng kahulugan ng kanilang pagkakaiba-iba.
Si Bernabe ay isang
mananampalataya na Judiong taga-Cyprus (4:36). Si Simeon ay tinawag na Niger;
ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay “itim” o “madilim.” Karamihan ay
naniniwala na siya ay mula sa Africa. Si Lucio ay nagmula sa
"Cyrene," iyon ay, North Africa. Si Manaen, na pinalaki sa korte ni
Herodes, na may kaugnayan sa matataas na uri ng hari; maaaring siya ay isang
foster brother o kamag-anak ni Herodes Antipas. At pagkatapos ay naroon si Saulo,
na isang Judiong mananampalataya.
Ang pamumuno na ito ay
sumasalamin sa pagiging kasapi ng iglesya. Muli, malamang na marami ang nabigla
o nagulat sa pagkakaiba-iba ng mga tao sa loob ng iglesyang ito, ngunit ito ang
dahilan kung bakit marami ang naaakit sa Tagapagligtas. Dahil maiisip ng mga
tagalabas mula sa lahat ng dako na mapabilang sa kongregasyon ng Antioquia,
dahil alam nila na tinatanggap dito ang lahat ng uri ng mga tao at maipapahayag
ang Kasulatan sa kanilang lahat ano man ang nasyonalidad at pinagmulan nila.
Ang pamunuang ito ay magkakaroon
din ng mahalagang dimensyon ng misyon. Tiyak na iba ang nakikita ng mga
pinunong ito kung minsan, ngunit ang kanilang pagkakaiba-iba ay malamang na
nagbigay-daan sa kanila na maging mas malikhain at epektibo sa pag-abot sa
kanilang lungsod at sa paglilingkod sa kanilang mga tao kaysa sa kung isang
ranggo o klase lamang ng mga tao ang namumuno sa iglesya.
Ang konsepto ng mga worldwide
missions ay isinilang sa grupong ito na magkakaiba-iba. Hindi natin ito dapat
ikabigla.
V. Spirit-Directed, Church-Sent/Supported Missionaries (13:2-3)
2 Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa
Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at
Saulo. Sila'y pinili Ko para sa tanging gawaing inilaan Ko sa kanila.” 3
Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang
kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na
Dapat nating sundin ang modelo
ng Antioch sa pagpapadala ng mga misyonero sa mga bansa. Sa lahat
ng oras ang kanilang misyon ay makikita natin na limitado lamang sa Palestinian
at Syrian mainland. Walang sinuman sa kanila ang nakakuha ng pangitain na
dalhin ang Mabuting Balita sa mga bansa sa ibayong dagat. Ngunit nagbabago iyon
habang sinasabi sa atin ni Lucas kung paano nagsimula ang mga misyon sa mundo.
Ang buong iglesya ay kasali sa pagsamba at pag-aayuno nang patnubayan ng
Espiritu sina Bernabe at Saulo sa bagong gawaing ito. Pagkatapos ay binasbasan
at pinagtibay ng iglesya ang mga lalaking ito habang pinaalis nila sila.
Tatlong mailalapat na aral ang lumabas tungkol sa pangyayari na ito.
A. Worship and expectant prayer
fueled the mission.
Makikita natin na ang setting ng
mga talata 2 at 3 ay isang special prayer meeting; ito ay normal na gawain. Ang
mga mananampalataya sa Antioch ay isang komunidad na sumasamba at nananalangin.
Ang katotohanan na sila ay nag-aayuno ay nagpapahiwatig na sila ay nananalangin
nang may pag-asa at malalim na pag-asa sa Diyos.
Ang mga tunay na espirituwal na
pinuno ay hindi tumatakbo sa kanilang sariling mga ideya; hinahanap nila ang
Diyos at umaasa sa pamamagitan ng panalangin. Ang mga lalaking ito ay
kahanga-hangang likas na mga matalino, ngunit sila ay nag-aayuno! Ang mga
iglesya na may impact sa mundo ay buong pusong dinadakila si Hesus at hinahanap
Siya sa panalangin na dumidepende at umaasa. Nagsisimula ang kuwento sa
panalangin, at pagkatapos ay si Bernabe at si Saulo ay napili, at muling
nananalangin ang mga mananampalataya. Ang mga aksyon ng iglesyang ito ay babad
sa panalangin.
B. The Spirit and the congregation
together affirmed this mission.
Kailangang iwasan ng mga iglesya
ang indibidwalismo at institusyonalismo. Ang kuwentong ito ay hindi
nagmumungkahi na si Pablo ay may ideya na "Sinabi sa akin ng Diyos na
pumunta sa Espanya" na walang kinalaman o basbas ang iglesya
(indibidwalismo), ngunit hindi rin ito nagpapakita sa atin na sumunod ang
iglesya sa isang mekanikal na paggawa ng desisyon na prosesong walang
panalangin at Espiritu, na kadalasang umiiral sa mga bureaucratic system
(institutionalism). Ang Espiritu ang nagbigay ng salita (hindi natin alam kung
paano ito nangyari), at pagkatapos ay pinagtibay ng kongregasyon ang misyong
ito. Ang mga misyonero ay pinamumunuan ng Espiritu at ipinadala at sinusuportahan
ng iglesya. Sa huli, ang mga iglesya—hindi mga board, organisasyon, o
seminary—ay ang nagpapadala ng mga misyonero. Hindi natin kailanman nakikita
ang mga makapangyarihang
apostol na ito na kumikilos nang hiwalay sa komunidad. Si Saulo ay isang taong
pinatnubayan ng Espiritu, na kaisa ng iglesya.
C. The church sent their best on
mission.
Pansinin
kung sino ang itinalaga para sa paglalakbay na ito bilang misyonero: sina
Bernabe at Saulo. Nangangahulugan ito na ang iglesya ng Antioch ay humakbang sa
isang gawa na may pananampalataya at gumagawa ng isang sakripisyo. Handa silang
ibigay ang mga pangunahing pinuno bilang pagsunod sa Diyos at para sa ikabubuti
ng iba. Tandaan natin na mahal ni Jesus ang Kanyang mga iglesya nang higit sa
kanilang sariling iniisip.
Ang
dalawang pinunong ito na may mataas na kapasidad ay inilalaan para sa gawaing
ito, kahit na ang katangian ng "trabaho" ay hindi inilalarawan dito.
Ang kanila ay medyo katulad ng pagtawag kay Abraham na kung ano ang iniatas sa
kanila na gawin ay malabo (Gen. 12:1). Bagama't malinaw ang mismong pagtawag,
ang trabaho at lokasyon nito ay hindi.
Ang
kabanatang ito ay nagpapaalala sa atin na dapat tayong patuloy na magpadala ng
mga pinunong may mataas na kapasidad at suportahan ang kanilang gawain. Iyan
ang ginagawa ng mga missionary church. At habang sinusunod natin ang huwarang
ito, masasalamin natin—kahit malabo—ang misyonerong puso ng Ama, na nagpadala
ng pinakamahusay sa langit, si JesuKristo, para sa ikabubuti ng mga bansa. Ang
Diyos ay may iisang Anak, at Siya ay isang misyonero. Isinugo ng Ama ang Anak
na iyon upang tayo ay maligtas, at ngayon ay isinugo Niya tayo upang ang iba ay
maligtas,
Juan 20:21
“Muling
sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo Ako ng Ama,
isinusugo Ko rin kayo.”
Tularan
natin ang ating misyonerong Ama at ang Kanyang misyonerong Anak sa pamamagitan
ng pagsusugo sa iba para sa pagsulong ng ebanghelyo.
__________________________________________________
Discussion:
(Para
sa grupo o personal na pag-aaral)
Pagbulayan:
1. Ano ang natutunan mo sa iglesya
ng Antioch?
2. Bakit naging mas epektibo ang mga
nagbabahagi ng ebanghelyo sa iglesya ng Antioch?
3. Ano ang nakita ninyong magandang
bagay sa pagdidisipulo nila sa bagong mananampalataya? Ano ang matutunan natin sa modelong ito na ating nakita?
4. Ano ang magandang katangian ang
nakita natin sa kanilang mercy ministry?
5. Bakit naging epektibo ang
kanilang pagiging magkakaiba-iba sa kongregasyon at sa leadership sa pag-abot sa mga hindi mananampalataya?
6. Ano ang itinuturo ng pag-aaral
nating ito sayo patungkol sa pagsamba at pananalangin?
Pagsasabuhay:
1. Ano ang mga katangian ng iglesya
sa Antioch ang nais mong personal na ipamuhay at makita sa iyong iglesya?
2. Paano mo mas masusuportahan ang
iyong iglesyang kinabibilangan sa evangelism at church planting?
Panalangin:
Ipanalangin ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan
tayo ng Diyos na maipamuhay ito.