Linggo, Enero 1, 2023

1 Timothy 4:7 (Discipline Yourself)


Discipline Your Self
Scripture: 1 Timothy 4:7

            
Ilan sa inyo dito ang gumagawa pa ng New year’s resolution? Bakit marami na ang hindi gumagawa nito? Bihira nalang sa mga matatanda ang gumagawa nito at madalas ang mga kabataan naman ang gumagawa nito. Alam nyo kung bakit? Dahil ang mga matatanda ay na-discourage na, napagaod na. Kasi gumagawa sila ng New Year’s resolution taon-taon pero wala namang nangyayari, hanggang simula lang sila. Alam nyo na may pag-aaral na ginawa na 40% ng mga taong gumawa ng New year’s resolution ay nag give-up?

            
Sa oras na ito, nais ko kayong e-encourage na gumawa ng New Year’s resolution o magdagdag sa New Year’s resolution nyo. Alam nyo bakit marami ang gumagawa ng New Year’s resolution? Kasi gusto nilan mas maging better person, na mas maging mabuting tao. Iyan ang panalangin ko para sa lahat, na tayong lahat ay maging mas mabuti… mabuting asawa, mas mabuting anak, mas mabuting kapit-bahay, mas mabuting kaibigan, at higit sa lahat mas mabuting taga-sunod ni Jesus.

            
Tanungin nyo ang mga taong nakasama nyo ng mas madalas sa taong nagdaan, “Kayo ba ay mas naging mabuting tao ngayon kumpara sa nakaraang taon?” Nag-improve ba kayo? Ask them, o, tanungin nyo ang sarili nyo, “ako ba ay mas naging mabuting tao kumpara sa nakaraang taon?”

            
Again, my prayer is that everyone become a better follower of Christ. Iyan nawa ang lagi nating New Year’s resolution. Paano natin magagawa iyan? Let’s read this,

“Lumapit kayo sa Diyos at lalapit Siya sa inyo…”
(Santiago 4:8)

            
Pansinin ninyo, isa itong utos at isa rin itong inbitasyon at isa rin itong pangako. Ano ang utos? “Lumapit kayo sa Diyos” - iyan din ay isang invitation. At ano ang pangako? “at lalapit Siya sa inyo.” Ito nawa ang maging hangarin ninyo sa taong ito, “Pursue intimacy with God” Alam nyo kung bakit? Dahil sa huli ito ang pinaka importanteng bagay. Anung ibig kong sabihin? Let’s read this,

“Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan,”
(Filipos 3:13)

            
Alam nyo kung anung gustong sabihin dito ni Pablo? “Hindi ako perpektong Christian, hindi pa ako nakakarating sa buhay na ganap, ako ay patuloy pang lumalago, I’m still progressing.” Sa madaling salita ang buhay ng isang Christiano ay Progressive. Huwag kayong makuntento sa kung ano kayo. Do not be on Plateau, yung tumitigil kayo sa paglago. You keep growing.

            
And then pansinin nyo yung sinabi nya, “Ngunit isang bagay” - may isang bagay siyang gustong gawin. Hindi ibig sabihin na tamad sya, sa katunayan siya ay sobrang busying lingkod ng Diyos. Ibig sabihin nito may isa siyang objective -”nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan.” Para tayo ay lumago, para tayo mag progress dapat alam mo kung ano ang isang bagay sayo. Kay Pablo yung isang bagay niya ay kumbinasyon nang dalawang bagay - una, paglimot. Kailangan mong kalimutan kung ano ang nakaraan mo. Marami sa atin ang naparalisado na sa ating mga nakaraan. May nagawa ba kayong mali? Mga bad desisyon? Sa tuwing gusto mong lumago laging sinasabi sayo ni Satan na “huwag mo nang subukan. Naaalala mo mga ginawa mo dati? Ikaw ay talunan kaya huwag mo nang subukan.” Pero ito ang gustong sabihin sa atin ng Diyos, “kalimutan natin ang nakaraan, huwag tayong maparalisado sa ating mga nakaraang pagkakamali.” Pansinin nyo kung papaano ginawa ng Diyos ang ating katawan. Ang mata natin ay nasa harap. Ang lakad natin paharap. Ang ilong sa harap, tenga natin paharap, galaw ng kamay paharap, halos lahat paharap. Ano lang ang nakaharap sa likod? Puwet. Ano lumalabas dun? Dumi, mga bagay na wala nang kwenta. Kaya huwag na nating balikan ang dumi natin

            
Again dapat maging malinaw sa atin ang isang bagay natin.  si Pablo malinaw ang kanyang isang bagay, anu iyon? Basahin natin ang kasunod na talata at basahin natin sa English,

“I press on toward the goal for the prize of the upward call of God in Christ Jesus”
(Philippians 3:14)

            
Malinaw kay Pablo ang kanyang goal. Ilan sa inyo ang may goal sa taong ito? Ang goal ba ninyo ay patungkol sa financial? patungkol sa inyong pag-aaral? patungkol sa buhay pag-ibig? patungkol sa material na bagay? Ano man ang goal nyo sa taong ito o sa buhay mo pwede ko bang sabihin sa inyo na iyang mga goal nyo ay gawin nyo lamang pangalawang goal para dito sa isang bagay? Yung primary goal. Ano yung primary goal?

 “the prize of the upward call of God in Christ Jesus.”

            
Ang pagkakaintindi ng iba dito sa bahaging ito ay yung pagkatawag sa atin sa langit. Mali po iyon kasi given na po ang langit sa atin, ang kaligtasan - dahil ito ay binigay sa atin sa biyaya ng Diyos. Hindi mo ito pinagtrabahuan para makuha mo ito. Pero itong upward call na sinasabi dito ay patungkol sa design ng Diyos sa atin. Gusto nang Diyos na maging katulad tayo ni Jesus. Gusto nang Diyos na makilala mo Siya intimately. Sa katunayan ang context ng Philippian 3 ay makikita sa talata 8,

“Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo.”

            
Para kay Pablo ang isang bagay na mahalaga sa kanya ay ang makilala si Jesus. Kaya Pursue Jesus, pursue intimacy with God. Pero ang tanong paano? Tignan natin.

            
Sa totoo lang, ilan sa inyo ang gusto ang discipline? Ilan sa inyo, be honest, ang ayaw nang discipline? Ako sa totoo lang ayaw ko nang discipline, alam nyo kung bakit? Hindi kasi madali ang discipline. Tama ba? Pero alam nyo ba na may mga spiritual discipline na kailangan nating matutunan. Ipapakita ko sa inyo ang sinasabi ng Bible sa importansya ng discipline.

1 Timothy 4:7
“… discipline yourself for the purpose of godliness

            
Pansinin nyo ang salitang “discipline.” Ang salitang ito ay galing sa salitang gymnasium original sa greek word na goom-nad-zo. You need to exert effort, kailangan nyong mag exercise. Sino dito gusto maging godliness, maging mabuting tao, maging banal? Sabi ng Bible discipline yourself. Disiplinahin ang sarili. Ibig sabihin para tayo ay maging godliness kailangan natin ng disiplina.

            
Hindi pwedeng gusto mong mag ka abs or muscle na hindi ka mag didisiplina na pumunta sa gym. Hindi pwedeng gusto mong pumasa sa exam pero hindi ka nag disiplina na mag-aral ng mabuti. Ibig sabihin kung gusto mo magawa, makamtan, marating ang isang bagay dapat meron kang discipline. Hindi pwedeng ang pagiging godliness mo ay gagawin ko para sayo. Ito ay personal.

            
Madalas sa mga prayer request madalas ang maririnig mong request nila ay lumago pa sa Panginoon, magawa ang kalooban ng Diyos, mag bago at marami pang goal para sa Diyos. Pero kahit ilang taon mo pang prayer request iyan kung hindi ka nagdidiscipline hindi mang yayari iyon.

            
Gusto nyong mas makilala ang Diyos sa buhay nyo? Anung message natin sa ngayon? Discipline your self.

            
Maraming mga Christian iniisip nila na ang pagiging mabuting Christian ay sa pamamagitan ng isang aksidente…No! Godliness required discipline. At ngayon, maraming mga taga-sunod ni Jesus ang walang alam sa kung gaano kaimportante ng discipline, alam nyo kung bakit? Hindi kayo tinuruan. Maaaring tinuruan pero hindi naging intentional. Pumunta ka sa maraming simbahan, itanong mo ilan na ang nakabasa ng Bible ng buo, majority ay hindi pa. Dahil ba hindi sila tinuruan ng Pastor? Nagtuturo sila hindi lang sila naging intentional.

            
Ano yung pagiging intentional? Para maintindihan natin ito, tignan natin yung simple understanding ng Discipline. Isa sa mga kilalang Coach sa mundo si TOM LANDRY. Siya ay isang legendary Coach ng isang legendary team sa football ang Dallas Cowboy. Sinira nila ang record pagdating sa pagkapanalo. Siya ay isang Christian at ito ang sabi niya minsan sa isang interview,

 
“Make men do what they don’t like to do in order to achieve what they always wanted to be.” - TOM LANDRY

            
Naalala ko nang minsan kaming nag discipleship small group, may isang nag-aaral sa seminary ang sumali sa amin. Nag sabi siya sa akin na huwag ko daw dapat piliting mag basa ng Bible ang mga disciple ko at huwag daw lagyan ng prize pag nag basa sila kasi mali daw ang motive nila sa pagbabasa. Sabi ko sa kanya, “Mas isang Nanay na dinidisiplina niyang kumain ng gulay ang kanyang mga anak kasi ayaw nila. Kaya minsan nagbibigay siya ng reward sa mga makakaubos ng gulay. Dahil dito kahit ayaw nila pinilit nilang kumain ng gulay para sa reward. Kahit ayaw nila ito at kumakain lang dahil sa reward lumabas sa pangangatawan nila ang resulta ng pagkain ng gulay araw-araw. Kalaunan nakita nila ang kaibahan nila sa mga kaibigan nilang hindi kumakain ng gulay. Hanggang sa nagustuhan na nila ang kumain ng gulay kahit walang reward. Ganun din sa amin. Ako bilang kanilang spiritual parent,  maaaring ayaw nila ang mga spiritual discipline na ito gaya nang pagbabasa ng Bible, kaya gagawin ko ang lahat para mahikayat sila na mag basa. Kaya minsan naglalagay ako ng prize sa kanila. Pero dahil buhay na Salita ng Diyos ang kanilang binabasa bagama’t maaaring maling motibo ang naguudyok sa kanila para mag-basa ay hindi kala-unan ay nakita sa kanila ang resulta at kahalagahan nito sa kanilang buhay.

            
Pero syempre isa pang ibig sabihin din nito kung ayaw ng isang nagsasabing siya ay isang mananampalataya na gawin ang Spiritual discipline gaya ng pagbabasa ng Bible ay dahil baka hindi pa sila tunay na mananampalataya ni Jesus. Kasi ang sabi ng Bible sa mga sasampalataya kay Jesus sila ay makakaranas ng pagbabago. Sabi sa Ezekiel 36:26, “Bibigyan Ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin Kong pusong masunurin.” Nagkakaroon ng bagong puso ang tunay na nakay Kristo na may hangaring gawin ang nais ng Diyos. Sabi ni Jesus sa Juan 10:27, “Nakikinig sa Akin ang Aking mga tupa; nakikilala Ko sila, at sumusunod sila sa Akin.” Kaya siguraduhin nating tayo’y tunay na mananampalataya.

            
Pero totoo rin na marami sa mga tunay na tupa ng Diyos ang nahihirapan talaga na gawain ang nais ng Diyos dahil tayo ay nasa katawan parin na may sinful nature. Kaya sabi ni Pablo sa Galacia 5:17, “Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin.” Kaya ang apostol at mga lingkod ng Diyos ay makikita na paulit-ulit na pinapaalalahanan ang mga mananampalataya dati na pahalagahan ng Salita ng Diyos gaya nga ng ating talatang pinag-aaralan at sa 1 Pedro 2:2, “Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan,” At tandaan natin na dinesenyo tayo ng Diyos na kailangan natin ang isa’t isa para magtulungan, magpalakasan, at magpaalalahanan.

            
Now balik tayo sa pagiging intentional, sa mga magulang, ito ang dapat nilang ginagawa. Dapat nilang i-train ang kanilang mga anak kahit na hindi nila gustong gawin ang pinapagawa mo para marating nila ang dapat nilang marating. Iyan ang ibig sabihin ng Pastoring, ng Shepherding, ng nagdidisipulo, iyan ang ibig sahin natin ng pagiging intentional. But we need to understand people don’t like discipline, but you need to help them.

            
Kaya sa church na aking pinagpapastoran tinuturuan namin sila na mag discipline. Kahit na may ilan na nakukulitan na sa akin sa kakaulit-ulit at may ilan na nga na umalis kasi ayaw nila ang discipline na tinuturo namin pero tuloy lang kasi wala nang ibang paraan para makitang lumago ang bawat isa.

            
So anong klaseng discipline ba ito? Ito ang pag-aaralan natin at may tatlo tayong titignan.

I. Discipline by Spiritual things

            
Maraming mga spiritual discipline; the discipline of prayer - isa yan sa tinuturo sa atin sa simbahan; the discipline of studying the Bible, at marami pang iba. Hindi kayo magiging godly person kung hindi kayo mag spiritual discipline. 

            
Sino ang gustong sumagana at magtagumpay sa buhay? Anong sabi nang Bible patungkol sa bagay na ito?

Josue 1:8
“Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.”

            
Paano daw magiging masagana at matagumpay ang buhay mo? Huwag mong kakalimutang magbasa ng Bible, huwag mong kakalimutang pag-aralan ito. Kailan daw ito gagawin? Araw araw… araw at gabi.

            
Dito naiintindihan natin ang progression. Hindi ko inaasahan na kakayanin nyo na agad ang malalim na spiritual discipline. Ang grade one hindi mo yan aasahan na kaya na ang mga mabibigat na trabaho sa bahay. Mag sisimula muna yan sa pagpupunas punas muna, tapos walis walis hanggang sa ma train sya na maglaba, mag luto… PROGRESSION. Ganun din sa inyong spiritual discipline, hindi agad araw at gabi, hindi agad devotion at journaling. Kaya ok lang na magsimula ka muna ng Bible reading at isang chapter isang araw, nasayo kung sa umaga mo gagawin o sa gabi, hangang sa unti-unti ay lumalalim ka. Basta tandaan huwag mong isipin na ok kana dahil iyan ang simula nang pagbagsak mo.

            
Pero dapat araw-araw, kasi kailangan mo ng araw-araw na pagkaing spiritual. Bakit? - “upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon.” Kasi tayo ay likas na mahina, likas na malilimutin. Basahin nyo ito.

I don’t do these things because I want God to
Love me and bless me, nor to avoid punishment
Or impress people with my piety.
I do all of these to keep the fire burning.
I do them because I am spiritually weak
I cannot maintain an effort and joyful Christian life without these activities.

            
Pero hindi kayo nagtataka? Anung kinalaman ng spiritual discipline sa ating pagiging masagana at pagiging matagumpay? Anong kinalaman ng Spiritual discipline na iyon para mag tagumpay sila Joshua sa mga kalaban? May laban sila tapos nakuha pa nilang mag-basa at magbulay-bulay ng salita ng Diyos? Ito ba ang tinuturo sa atin ng mundong ito? Anong tinuturo sa atin ng mundo?  “Kung wala ka nito wala kang tama” -alak. “Be one of us” - cellular company. Nang mga nakakatanda sa atin? “magsumikap ka… magfocus ka sarili mo.” Kaya sa iba pag nakita ka na inuuna mo ang mga spiritual discipline anung sinasabi nila? May pag-kain bang maidadala yan sa lamesa natin? Mag papastor ka ba? Kaya hindi kataka-taka kahit na sa marami sa mga Christian na tila hindi masagana at hindi matagumpay sa kanilang buhay.

            
May mga matagumpay at masagana nga sa paningin ng mundo (mayaman, may pera, tila nasa kanila na ang lahat) pero still hindi masaya. Ilan nang mayayaman na namatay na na sa kanilang huling hininga nakapag sabi na hindi sila masaya… mga sikat na nagpapakamatay. Iyan ay dahil maraming nabulag, maraming napailalim sa kasinungalingan ni Satanas. Naiintindihan ko kung bakit tila marami ang nagdududa o nahihirapan na pagkatiwalaan ang Bible ito ay dahil sa tinuturo ng mundo. Pero kung meron man tayong dapat lapitan sa mga katanungan natin sa mundong ito o katanungan sa buhay natin - iyan ay walang iba kundi ang nagimbento nang buhay… yung lumikha sa atin - ang Diyos. Hindi natin dapat pagkatiwalaan ang hindi naman nag-imbento, pero marami ang mas naniniwala sa hindi nag-imbento - si Satanas. Kaya marami ang hindi nag babasa ng manual - ang Bible.

            
Isa pa bakit marami ang nagkakamali ng mga desisyon sa buhay? Kaya nagkakagulo-gulo na ang buhay? Ang mundong ito ay napaka dilim, puno nang kasinungalingan, puno nang patibong kailangan natin ng ilaw, kailangan natin ng gabay.

Awit 119:105
“Salita Mo’y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.”

            
Ang Kanyang salita daw ang masisilbi nating flash light sa madilim na mundong ito, para makita natin ang mga patibong ni Satanas para tayo ay mapahamak; makita natin ang ating mga karumihan; makita natin ang tamang landas sa kaligtasan. So, again anung dapat nating gawin? We need discipline. Ano ba ang Self-Discipline? Sabi ni Rezmez Sasson,

“Self-discipline is the ability to forego instant or immediate gratification and pleasure in favor of some greater gain… even if it requires effort and time.“ -
REZMEZ SASSON

            
Ibig sabihinn dapat maintindihan natin kung ano ang mas nakakabuti sa mga mabubuti. Halimbawa sa akin, sa pag-lalaro ko sa cell phone, minsan kailangan kong itigil ito sa mas kapipakinabang sa akin. Para sa akin walang masama sa paglalaro sa cell phone, kasi makakatulong ito sa atin para mabawasan ang stress natin pero pag wala namang discipline hindi na natin nagagawa ang mas kapakipakinabang. Tumitigil ako para bigyang daan ang aking pag-aaral.

            
Minsan may mga bagay na dapat nating bitawan para sa mas kapaki-pakinabang na bagay. Gaya ng mga spiritual na gawain like praying and studying Bible. Ano ang mga bibitawan natin? Isipin nyo yung mga gawain na nagiging dahilan para hindi nyo magawa ang mga spiritual discipline nyo? Tinanong ko yan sa mga disciple ko, may nagsabi na dahil sa TV, may nagsabi na dahil sa cellphone at may nagsabi na dahil sa sobrang tulog. Alam nyo maraming mga kabataan ngayon ang may problema na na ganito. Sa mga nagliligawan, sa mga magkasintahan, hindi nila nagagawa ang discipline. Marami ang naiinvolve sa premarital sex. Alam nyo problema? Hindi nila nakikita ang kagandahan ng pagsunod sa daan ng Diyos.

            
May isang pag-aaral na ginawa patungkol sa bagay na ito, may video ako na napanood na gumawa sila ng isang test sa ilang mga 6-9 years old na mga bata. Nilagay nila sa isang kwarto ang mga batang ito at sinabihan nila na huwag nilang kakainin ang marshmallow sa harap nila habang wala ang teacher. Kapag hindi nila nakain o nagalaw ang marshmallow magiging doble ang makukuha niya. Habang sila ay mag-isa sa loob ng isang kwarto sila naman ay inoobserbahan sa pamamagitan ng CCTV. May mga bata na hindi makatiis na nagsimula sa pagpisil-pisil, pag amoy-amoy, pagkurot-kurot, hanggang sa talagang naglalaway na sila at tuluyang kinain. Karamihan sa mga bata ay tumikim. At sa mga tumikim at kumain ng marshmallow after 10-15 year ay naging adik, nakulong o may criminal record, nag-asawa ng maaga kasi nakabuntis o nabuntis, tapos hiwalay sa asawa, karamihan hindi nakapag-tapos ng pag-aaral. Pero yung mga bataang nakitaan ng discipline ay kabaligtaran ang buhay sa mga hindi nakatiis. Anong point ko? Discipline is important. At may good news, ayon din sa pag-aaral nila pwede mong matutunan ang discipline. Na-realize nila na kailangan mo itong ipractice.

So, ang second point ay…

II. Discipline by building good habit

            
Again, pwede nating matutunan ito sa pamamagitan ng practice, hanggang sa ito’y maging habit. Sa tingin nyo ilang araw na practice ang dapat nyong gawain para makabuo ng bagong habit? Sabi nang iba 21 days pero hindi yun totoo. Para makabuo ng bagong habit kailangan mong ipractice ang discipline ng at least an average of 60 days. Patuloy at paulit-ulit mong gagawin ang isang bagay hanggang sa ito’y maging habit.

            
Ilan dito sa inyo ang nagtotooth brush dito araw-araw? Ilan dito ang hindi kayang humarap sa tao pag hindi nagtooth brush? Pero dati ba noong bata ka pa may paki-alam ka ba kung nag tooth brush ka o hindi? Kaya lang dahil sa kaulit-ulit na pagpapaalala ng mga magulang natin na magtooth brush muna bago matulog naging habit natin ngayon ang pagtotooth brush kahit wala nang nagpapaalala. Ganun din sa mga spiritual discipline, you need to build a habit, a good habit.

            
Ganun din kung gusto mong magtangal ng bad habit.  Iyan ang ginagawa sa rehab sa mga adik sa droga na gusto na mag bago. Habang nandun sila tinatanggal sa kanila ang bad habit at pinapalitan ng good habit. Again kung may gusto kayong tangalin na bad habit, you make sure na may ipapalit kayo na good habit, kundi mapapalitan lang baka mas lalong bad habit. At para mas maging effective kailangan mo ng accountability partner na tutulong sayo para magawa mo ito.

            
Basahin natin ulit ang 1 Timothy 4:7, “… discipline yourself for the purpose of godliness.” Ano bang ibig sabihin ng godliness? It is a combination ng dalawang salita sa original word na “eusebeia.Eu means good; Sebeia means worship, o meron kang mataas na respect sa Kanya. Ibig sabihin isang buhay na ang sentro ay ang Diyos. Again ang ibig sabihin ng godliness ay God Likeness. Anong ibig sabihin ng God likeness? Kilala Mo siya, at  nagsisimula kang mamuhay sa pamumuhay na gusto Niyang pamumuhay. Anong papumumuhay? Pamumuhay na tulad ni Jesus.

          
So godliness is Christ-likeness. Sa mas buong ibig sabihin nito…

GODLINESS
- It is living in the presence of God
- Intimacy and awareness of God in every area of life.
- Christlikeness

- (Opposite) Ungodliness is living life as if God does not exist.

            
Ngayon kung ikaw ay laging nag-aalala ang sabi ng Bible ikaw ay ungodly.

            
Now, isa pang bagay na dapat nating maintindihan na hindi nating pwedeng paghiwalayin ang discipline at godliness. Ito ang ating pangatlong point.

III. Discipline by godliness

            
Discipline na walang godliness ay delikado. Halimbawa gusto mong mag discipline na mag journal pero ang purpose ay hindi for godliness magiging spiritual proud ka (mayabang), magiging judgemental ka. Gaya ng mga Pariseo. Ang mga Pariseo ay may mga malalalim na spiritual discipline, dalawang beses sila kung mag mag-ayuno, pero sila ay tinawag ni Jesus na hypocrites. Alam nyo ba ibig sabihin ng hypocrites? Sa panahon nila ang tawag sa mga stage actor ay hypocrites, ibig sabihin hindi totoo, pakitang-tao lamang.

            
Makinig kayo sa akin, ang discipline ay magiging maganda at magiging makabuluhan kung ang dahilan mo ay godliness, para sa kaluwalhatian ng Diyos. Iyan yung sinasabi ko sa inyo kanina… basahin natin ulit.

I don’t do these things because I want God to
Love me and bless me, nor to avoid punishment
Or impress people with my piety.
I do all of these to keep the fire burning.
I do them because I am spiritually weak
I cannot maintain an effort and joyful Christian life without these activities.

           
Hindi ko kayo tinuturuan na mag basa ng Bible at pag-aralan ito para husgahan ang iba. Naging problema ko na ito dati. Minsan binabahagi ko sa ibang mga kaibigan kong Pastor ang kahalagahan ng pag-dedevotion, kasi nalaman kong hindi sila nagdedevotion pero wala akong maitatago sa Diyos. Pag dating nang gabi sa aking devotion pinakita ng Diyos ang totoong laman ng puso. Ang devotion ko ay yung Matthew 7 na ang sabi ay, huwag kang humusga. Basag talaga ako nun,  kaya kinabukasan nag sorry ako sa kanila.

            
Now, sa pagtatapos, again dapat nating seryosohin ang spiritual discipline, bakit?

1 Timoteo 4:8
“May pakinabang sa pagpapalakas ng katawan, ngunit ang pagsusumikap na maging maka-Diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating.”

            
Alam kong hindi madali ang spiritual discipline pero sabi ng Diyos, hindi ito saying, hindi ito mapupunta sa walang-kabuluhan, “sapagkat ito'y may pangako hindi lamang sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating.”

__________________________________________________________

Discussion by Group:

Pagbulayan:

1. Anu-anong discipline ang dapat na meron tayo?

2. Posible ba na lumago sa espirituwal ang isang nagsasabing 
Kristiyano pero walang spiritual discipline? Bakit?

3. Ano ang mga posibleng mangyari sa isang Kristiyanong walang 
spiritual discipline?

Pagsasabuhay:

1. May mga bad habit ka ba na dapat mong tanggalin na nagiging 
dahilan kung bakit hindi mo nagagawa ang mga good habit gaya ng spiritual discipline? Ano ang gagawin mo?

2. Ano ang mga spiritual discipline na dapat nating gawin? Alin sa 
mga ito ang nais mong makita sa buhay mo ngayong 2023?

Panalangin:

Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.

 

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...