Growing Pains (Lesson 9)
Scripture: Gawa 6:1-7
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS
Gawa 6:1-7
1 Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya at dumating ang panahong nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. 3 Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. 4 Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.” 5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Judio. 6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay. 7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya.
Pangunahing ideya ng pag-aaral:
Sa pagtingin natin sa loob ng unang iglesya, inilarawan ni Lucas ang mga pagpapala at mga hamon na kinakaharap ng mabilis na paglago sa bilang ng nagiging bahagi ng katawan ni Kristo sa Jerusalem.
Outline ng ating pag-aaral:
I. We Should Celebrate Gospel-Centered Church Growth (6:1a, 7).
II. We Should Expect Problems when the Church Grows (6:1-7).
A. Protecting the unity of the church (6:1)
B. Keeping up with the number of legitimate needs (6:1, 7)
C. Overcoming overburdened leadership (6:2)
D. Avoiding and handling criticism (6:3)
E. Keeping ministerial priorities in order (6:4)
F. Sharing the ministry (6:5-6)
G. Advancing the mission while managing people (6:7)
III. We Should Protect Biblical Priorities, Make Wise Adjustments, and Share the Ministry—All in a Spirit of Love (6:2-6).
IV. We Should See Growth Problems as Opportunities for More Gospel-Centered Growth (6:7).
Sa nakaraang kabanata na tinalakay natin nakita natin ang mga ilang talata ng isang makabagbag-damdaming kwento ng pag-uusig. Sa Gawa 6 inilarawan ni Lucas ang mga pagpapala at ang mga hamong kinakaharap nila dahil sa mabilis na pagdami nila sa bilang na nadadagdag sa katawan ni Kristo sa Jerusalem. Sabi nga ng ilang Pastor ito ang isa sa magandang problema ng iglesya na sana kinakaharap ng marami. Kaya dito makikita natin ang praktikal na katotohanan na naisalarawan: na ang lumalagong ebanghelyo ay laging nagdadala ng mga pagpapala, mga problema, at mga oportunidad. Kung titignan pa lang natin ang unang talata sa Gawa 6, may makikita na tayong magandang balita - ang iglesya ay lumalago. Pero ano ang masamang balita? Ang mga tao ay nagsisimulang magreklamo. Ngayon, titignan natin kung papaano ang unang iglesya ay tumugon sa problema ng pagdami nila at papaano nagpatuloy ang pagsulong ng misyon. May apat na mga aral na nakaugnay sa lumamaking kapighatiang ito.
I. We Should Celebrate Gospel-Centered Church Growth (6:1a,7).
1 Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya…7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya.
Iba-iba ang reaksyon ng mga tao sa paglago ng iglesya. May ilan na naging madali sa kanila ang magdiwang dahil ito talaga ang hinahangad nila sa kanilang pagmiministeryo: ang dumami ang mga naaabot sa Panginoon. Pero may iba naman na may negatibong opinyon sa pagdami dahil marami ang nahuhumaling dito, at ang ilan pakiramdam ay marami ang masasakripisyong mga pangunahing prinsipyo para salubungin ang mga paglago. Tinutulungan tayo ng mga talatang ito na maunawaan ang paglago ng iglesya ng may katuturan.
Naranasan ng unang iglesya ang isang partikular na uri ng paglago – paglago na nakasentro sa ebanghelyo. Ito ang uri ng paglago ang dapat nating hanapin. Marami ngayon ang hinahangad ang paglago sa bilang sa pamamagitan ng mga makasanlibutang kaparaanan gaya ng pagpapaganda ng iglesya, mga programa o sa pag-imbita ng mga tao para manood ng tinatawag nilang mass indoctrination o pag-imbita sa mga mananampalataya na, na galing sa ibang iglesya. Hindi nawa tayo matukso na lumago sa bilang sa alin man sa mga ito kundi sa pagtatapat sa ministeryong nakasentro sa ebanghelyo at pagdidisipulo. Nagiging resulta ito ng pagkakaroon ng pagnanais na maipangaral ang ebanghelyo at maipadama ang pagmamahal sa pamamagitan ng gawa. Walang mga gimik sa likod nito. Ang mga apostol ay hindi nag aalok ng mga sermon na nakasentro sa tao – yayaman ka, magiging maganda buhay mo, atbp. Ganun paman pinagpala ng Diyos ang iglesya sa pagdadagdag ng mga bagong mananampalataya. Ito ay nagpapaalala sa atin na habang ngayon ay pwedeng dumami ang mga miyembro sa pamamagitan ng iba’t ibang kaparananan, ang tunay na iglesya ay tanging naitatayo lamang sa pamamagitan ng mga taong niyakap ang ebanghelyo.
Siguraduhin natin na ang ebanghelyo ang nagiging pangunahin natin. Nabasa natin nakaraan sa Gawa 5:42, na ang iglesya ay patuloy na nangaral at nagpahayag patungkol kay Kristo araw-araw. Kapag ito ang nangyayari, at tayo ay dumadami, kung gayon dapat tayong magdiwang.
Isa sa madalas na reklamo ng mga nagki-kritiko sa paglago ng iglesya sa bilang ay, lahat ng tao daw sa iglesya ay laging sa bilang nakatuon. Naging ganun sila sa paglago sa bilang dahil iniuugnay nila ang mga malaking simbahan na alam nila na hindi tapat na iglesya. Kaya pag nakikita nila na ang iglesya nila ay naghahangad sa bilang o nakakakita ng kaparehas na pananampalatayang iglesya na lumalago sa bilang ay iniisip nila na may hindi tama. Ngunit si Lucas ay walang pag-angal na makikita sa kanya patungkol sa mga bagong mukha na nakikita niya sa iglesya. Sa katunayan makikita natin sa salaysay ni Lucas ang paglago sa bilang. Sa talata 1 ang sabi niya, “Patuloy ang pagdami”; at sa talata 7 naman ay sinabi niya, “parami nang parami.”
Masasabi ba natin na si Lucas ay sa bilang lang nakatuon? Hindi. Binilang lang ni Lucas ang tao dahil ang tao ay nabibilang. Ang tao ay mahalaga sa Diyos, at dapat din mahalaga sila sa atin. Dapat din nating hangarin na maabot ang maraming tao dahil ito ang isa pa sa magtutulak sa atin na magtapat sa ministeryo ng ebanghelyo. Walang masama sa hangaring iyon.
Pero syempre naniniwala din ako na hindi lahat ng paglago sa bilang ay mabuti. Ito ay kung ang hangarin lang ay pagpapatunay sa iba sa kanilang kalalagayan at pagtatayo ng sariling kaharian. Kaya sinasabi ko rin na dapat nating itakwil ang pag-iidulo sa paglagong iglesya. Pero kung ang ebanghelyo ang una at ang sentro, dapat tayong magalak kapag ang iglesya ay lumalago. May hindi bababa sa sampung buod na pahayag si Lucas kung saan binanggit niya ang paglago ng iglesya:
• “Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon.” (Gawa 2:41)
• “Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.” (Gawa 2:47)
• “Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.” (Gawa 5:14)
• “Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at patuloy na nagpupuri sa Panginoon. Sa tulong at sa pakikisama ng Espiritu Santo, tumatag at dumami ang mga mananampalataya.” (Gawa 9:31)
• “Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon.” (Gawa 13:49)
• “Kaya't tumibay sa pananampalataya ang kaanib ng bawat iglesya, at araw-araw nadaragdagan ang bilang ng mga alagad.” (Gawa 13:5).
• “Kaya't sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang Kanyang salita.” (Gawa 19:20)
• “Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, ‘Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan.’” (Gawa 21:20).
Malinaw na nakikita ni Lucas ang pagdami sa bilang sa iglesya bilang isang magandang bagay. Sa Gawa 6, maaaring sila ay nasa mga dalawang-libong mga mananampalataya kay Kristo. Ang bilang na ito ay resulta ng nakakamanghang biyaya ng Diyos, at ang paglagong ito ay nagbigay sa atin ng patikim sa dakilang pagsasama-sama ng mga bansa na nakatayo sa paligid ng trono na ipinangako sa Pahayag 7:9. Gusto ni Jesus ang mabuting paglago. Dapat din tayo.
Dapat nating hangarin ang makakita ng libong mga naligtas. Napakasarap siguro na marinig na ang problema natin dito na, “pastor hindi na kasya sa atin ang lugar na ito.”
II. We Should Expect Problems when the Church Grows (6:1-7).
Habang tinitignan natin itong Gawa 6 papakita ko yung problema ng mga lokal na iglesya. Basahin natin ang Mateo 13:47-50,
“47 Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”
Dito makikita natin na hindi lahat ng paglago sa bilang ay dalisay na paglago. Hindi lahat ng nasa simbahan ay tunay na tupa ni Kristo. At hindi ligtas sa ganitong bagay ang iglesya sa Gawa 6. Totoo na sa kongregasyon nila ay may mga tunay at mga nagpapanggap lamang na makikitang magkakasama sa iglesya – gaya nalang ng nakita natin sa kaso nila Ananias at Safira (Gawa 5:1-11) at si Simon na salamangkero (Gawa 8:9-25). Kaya, asahan din natin na merong hindi tama sa mga nadadala at napapasama sa iglesya, yamang alam natin na sa ngayon ay hinahayaan sila ng Panginoon pero darating ang panahon na ihihiwalay ang mga hindi tunay sa tunay.
Mateo 13:27-30
“27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Hindi lamang naging problemang kinaharap ng unang iglesya ang mga hindi tunay na mga mananampalataya kundi maging ang limitasyon sa tao. Isang pagkakamali na isipin na ang iglesya sa Gawa ay perpekto. Sila ba ay dapat tularan? Opo. Perpektong iglesya ba ito? Hindi. Sa katunayan nakita na natin dito ang isa sa mga problema. Nabigo ang mga magkakapatid sa Panginoon na matutukan ang mga pangagnailangan ng mga balo, na isang malaking bagay ayon sa Bibliya. Nabigo sila na maipamuhay ang Santiago 1:27, “Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.”
Isang magandang bagay naman ang makikita natin dito bagamat nakita nga nating na nabigo ang iglesya sa bagay na ito. Makikita natin na ang naging kabiguan nila ay pansamantala lang. Ang iglesya sa Gawa ay mabuting iglesya. Dahil ngayon karamihan sa mga nagiging kabiguan sa mga modernong lokal na iglesya ay nagiging matagal ang pagresulba. Sa kabila ng lahat ng ito, ang labing dalawang mga apostol ay nanguna batay sa kanilang pakikipag-ugnayan kay Jesus. Sa katunayan ang mga apostol na sobrang nakaayon sa Espirito na kahit ang anino ni Pedro ay nakapagpagaling sa mga tinatamaan na mula sa kapangyarihan ng pagpapagaling ni Kristo. At ang mga apostol ay hindi kailanaman masasabihan na sila ay hindi naging tapat sa pangangaral ng Bibliya. Gayunman, muli, ito ay hindi isang perpektong iglesya.
Kailangan nating maunawaan na ang kabiguan ay hindi laging resulta ng kasalanan. Minsan ang kabiguan ay dahil sa mga limitasyon ng tao. Masasabi ba natin na inaalagaan ng mga apostol ang mga balo? Siymepre ginagawa nila ito sa abot ng kanilang makakaya. Ngunit ang mga lalaking ito ay mga tao lamang din tulad natin at kakaunti lamang sila. Hindi nila kayang lahat mapaglingkuran.
Kaya isang magandang mga paalala ito sa atin – na sa paghuhuli natin ng mga isda minsan may kasama itong mga walang pakinabang, at kahit ang mahusay na iglesya ay nabibigo din – kailangan nating ayusin ang mga inaasahan natin. Kailangan nating alisin ang paghahangad natin sa iglesya na ito ay maging perpekto, at piliin nating maging totoo sa reyalidad ng limitsayon sa tao at sa pagkilala na merong mga hamon na ating haharapin. Meron tayong mga gulo na dapat ayusin habang pinaglilingkuran natin si Kristo sa sirang mundo. Kaya harapin natin ang mga reyalidad na ito na may biyaya tungo sa mga tao at magkaroon ng kompiyansang si Jesus ang kumikilos sa Kanyang iglesya sa kabila ng mga pagkukulang nito.
Ano ang eksaktong pinagsisikapan ng mga apostol na ito? Pitong problema.
A. Protecting the unity of the church (6:1)
“Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya at dumating ang panahong nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay.”
Ang pagkakaisa ng iglesya ay nabantaan sa maraming mga kadahilanan. Bilang panimula, ang mga pinuno nito ay nakitungo sa pinagsamang kawalan ng katarungan at makasalanang mga tugon. Ang mga nagsasalita ng Griego ay nagrereklamo, isang bagay na sinabi ni Pablo sa mga iglesya na dapat iwasan – 1 Corinto 10:10, “Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.” At sa Filipos 2:14, “Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagtutol at pagtatalo.” Meron naman silang karapatan na abalahin ang pagiging pabaya sa pamamahagi ng pagkain, pero hindi sila dapat nagrereklamo laban sa mga babaing Hebreo. Dapat ay dinala nila ang usaping ito sa mga lider.
Ito’y magandang paalala sa atin na may mga pagkakataon na may mga katuwirang nasasaktan sa iglesya, pero sila ay hindi tumutugon ng tama. Marami kapag may problema sa kapwa mananampalataya o sa iba sinasabi sa halip na sabihin sa mga lider na binigyan ng tungkulin at kakayahan ng Diyos na ayusin ito.
Ang pagpapanatili ng pagkakaisa ay kasangkot hindi lamang ang pagharap sa kawalang-katarungan at kasalanan kundi pati na rin sa pagtugon sa mga tensyon sa kultura. Ang mga balo na nagsasalita ng Hebreo ay mga purista – sila ang mga taong nagpipilit sa ganap na pagsunod sa mga tradisyon na tuntunin o istrukura, lalo na sa wika o istilo ng bansang sumakop sa kanila. Ang mga balo na nagsasalita ng Griego ay dating naninirahan sa labas ng Jerusalem, ang ilan sa kanila ay taon ang inabot. Ang kanilang mga pamilya ay maaaring kasama sa nakaraang mga naipatapon. Sa paglipas ng panahon, bagaman sila ay mga Hudyo, pinagtibay nila ang wika ng komersyo. Nagkaroon sila ng kanilang sariling sinagoga na nagsasalita ng Griego, makikita natin yan sa talata 9. Hinamak ng mga Pariseo ang mga nagsasalita ng Griego na mga Hudyo. Ang tingin sa kanila ay marumi, bilang second-class na mamamayan. At marami nga sa mga balong ito ay bumalik sa Jerusalem at kailangan nila ng mga tulong. Marami rin sa mga ito ang naging bahagi ng iglesya na kinabibilangan ng maraming mga balong Hebreo. Kaya hindi kataka-taka, kung gayon, yung tumataas na tensyon dito. Kapag nakadama ang isang grupo ng kapabayaan sa kanila, ang nagiging kasunod nito ay samaan ng loob at pagkakahati-hati. Ang mga apostol naman ay wala ng oras at panahon para mapanatili nila ang pagkakaisa sa gitna ng naturang kultural na drama.
B. Keeping up with the number of legitimate needs (6:1, 7)
“1 Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya at dumating ang panahong nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya.”
Isang malaking hamon itong simpleng talaan ng mga pangangailangan ng dalawampung libong tao at maraming mga balo. Sabihin na natin na meron silang mga sampu o dalawampung balo doon at inaasahan ng lahat na ang mga apostol lang lahat ang gagawa, siguro maririnig nating sinasabi ni Pedro na, “Uy, dadaan pala ako muna sa bahay ni Esther at titignan ko kung may kailangan siya.” O si Juan ay mag sabi na, “kailangan ko pang bumili ng mga grocery para sa pamilya ko, kaya dadaan ako kina Ruth at para matiyak ko kung may sapat pa ba siyang supply hanggang sa susunod na linggo.” Maaaring makakita tayo na mas organisadong iglesya ngayon kaysa sa kanila, pero isipin natin na ang pangangalaga sa mga tao sa panahon nila ay hindi katulad ng parehong antas ng atensyon na ginagawa nito sa pungtong ito ng Gawa 6. Marami tayo ngayong mga gamit na napapadali ang pangangasiwa sa mga misteryong tulad nito na wala ang mga apostol kaya walang paraan para makasabay sila sa atin.
Ang bilang ng mga nagiging taga-sunod ni Kristo ay dumadami na makikita natin sa talata 1, at parami ng parami pa ayon sa talata 7. Nangangahulugan iyon ng higit pang pangangasiwa at muling pagsasaayos na kakailanganin. Alam ng bawat lider ng lumalaking organisyayon o iglesya kung gaano kahirap para makasabay sa lahat ng bagay at gumawa ng mga bagong paraan upang hawakan ang mga bagong problema.
C. Overcoming overburdened leadership (6:2)
“Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay.”
Dito makikita natin na inamin ng mga apostol na hindi nila ito magagawa. Wala silang oras, at hindi nila pwedeng bitawan ang panalangin at pangangaral, kahit na alam nila na ang trabahong ito ay dapat magawa. Ang kanilang kalagayan ay magpapaalala sa atin sa kaparehong naging problema ni Moises, na nakatanggap ng magandang payo sa kahalagahan ng pagbabahagi ng mga pasanin sa pamumuno:
Exodo 18:17-23
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. 18 Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. 19 Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. 20 Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. 21 Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. 22 Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. 23 Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.”
Pinakinggan ni Moises ang magandang payong ito at napatunayang matagumpay ang ministeryong binabahagi. Ito ang parang katulad na makikitang nangyari sa Gawa 6.
D. Avoiding and handling criticism (6:3)
“Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito.”
Sa tingin nyo lahat kaya doon sa kanila ay nagustuhan yung ginawang desisyon ng mga apostol na hindi sila personal na makakapunta sa mga balo para ibigay ang mga pangangailangan nila, sa halip ay nagtalaga sila ng mga gagawa nito para sa kanila? Sigurado yan. Marahil ganito yung naririnig nating sinasabi ng mga balong nagtatanong, “Sino ka? Si Arnel? Nasaan si Pedro? Gusto kong madampian ako kahit anino niya dahil hindi maganda ang aking pakiramdam.” Natitiyak kong naroroon ang tuksong maging kritikal sa bagong plano. Ngunit kailangang iwasan ng mga tao ang ganitong pagrereklamo. At ang hamon sa mga apostol ay kailangang hawakan ang iba’t ibang reaksyon ng mga taong ito sa mahirap na desisyong ito na may katalinuhan at kagandahang-loob. Nagsimula ito sa pagpili ng mga tao ng mga lalaki, na “nakakalugod” sa kanila (tal. 5).
E. Keeping ministerial priorities in order (6:4)
“Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”
Ipinahayag ng mga apostol na mananatili silang tapat sa panalangin at ministeryo ng salita. Ayaw nilang magambala. Ito’y isang hamon sa lahat ng nasa ministeryo – na inuuna ang pinakamahalagang bagay. Madaling tayong mahulog sa patibong ng pagiging abala sa maraming bagay maging sa mga ministeryo habang mabibigo tayong magkaroon ng panahon sa pananalangin bilang pangunahin.
F. Sharing the ministry (6:5-6)
“5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Judio. 6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.”
Napagtanto ng mga apostol na sila ay isang katawan na may maraming bahagi, kaya’t nagmungkahi sila ng solusyon. Pumili ang kongregasyon ng grupo, at ipinatong ng mga apostol ang kanilang kamay sa kanila, at sila ay naging katuwang sa paggawa sa importanteng gawaing ito. Ito ay isang paalala na kahit na ang mga modernong pinuno ay dapat na matalinong magtalaga ng mga gawain at magtalaga ng mga tao upang matugunan ang pangangailangan.
G. Advancing the mission while managing people (6:7)
“Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya.”
Parehong mahalaga ang pamamahala at misyon. May ilang mga ministro na hindi gusto ang pamamahala o pangangasiwa, ngunit ito ay maaaring humantong sa mga problema dahil sinabi ni Pablo sa 1 Timoteo 3 na ang isang pastor ay dapat mamamahala sa sambahayan ng Diyos. Kasama sa pagpapastor ang pamamahala at pangangasiwa, at kailangan din silang may malasakit sa misyon. May mga ministro ngayon ang hindi alam kung ano ang priyoridad nila. Para sa kanila lahat ng dumadating ay dapat kunin.
Dito sa talata 7 makikita natin na matapos magawa ang isang plano sa pamamahala sa pangangalaga sa mga balo, ang iglesya ay nagpatuloy sa paglago sa misyon. Ito dapat ang ating layunin: gumawa ng mahabagin at mahusay na pamamahala habang agresibo sa pagsusulong ng ebanghelyo sa ating lungsod at sa mga bansa.
III. We Should Protect Biblical Priorities, Make Wise Adjustments, and Share the Ministry—All in a Spirit of Love (6:2-6).
Kapag ang mga Kristiyano ay nahaharap sa salungatan, hindi natin maaaring sundin ang ating sariling diskarte o katalinuhan o sundin ang mga tradisyon. Kailangan natin munang pumunta sa Bibliya. Dapat nating maunawaan ang mga biblikal na priyoridad. Ang naging tugon ng mga apostol ang nagturo sa atin ng katotohanang ito. Matapos nilang suriin ang problema ng mga balo, may dalawang bagay ang hindi nila inalis: “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos.”
Ang panalangin ay nasa puso ng pastoral na ministeryo. Ang lahat ay nagsisimula at nagtatapos sa panalangin. Ngunit ito ang pinakamadaling bagay na isinasakripisyo. Kaya ang diskarte ng iba sa panalangin nila ay sinasabay sa paglilingkod. Kung baga sa dami nilang gawain o minisyero sa maghapon sinasabay na nila ang panalangin sa oras ng paggawa nila. At iyon ang inararason ng marami. Ngunit dapat nating tandaan na kung paramihan lang ng gawain sa maghapon ay hindi natin matatalo si Jesus ngunit hindi Siya nabigo na ipakita sa atin na nagkaroon parin Siya ng oras sa Ama. Pwede ding gawin ni Jesus ang diskarteng iyon na pagsabay ng panalangin habang gumagawa pero naghahanap parin Siya lagi ng pagkakataon na makapag-isa para makapanalangin sa Ama. May tatlong na itinala si Lucas na partikular na halimbawa ng paglayo ni Jesus sa mga tao upang makipag-usap sa Ama:
Lucas 5:16
“Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.”
Lucas 6:12
“Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos.”
Lucas 9:18
“Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa…”
At ito ang sinundan na halimbawang iniwan ni Jesus sa kanila dahil saksi sila sa bagay na ito sa Kanyang buhay. Naunawaan nila ang ang ministeryo ay dumadaloy mula sa pakikipag-ugnayan ng isang tao sa Diyos. Hindi nila pipiliing pabayaan ang nagbibigay buhay na ministeryo.
Maging tapat po tayo mga kapatid. Masasabi mo ba na ikaw ay taong mapanalaningin? Hindi natin pinag-uusapan dito ang pangkaraniwang ginagawang pananalangin natin gaya ng pananalangin sa paggising o bago kumain. Ito ay yung kalidad na oras na binibigay mo sa pananalangin sa Panginoon gaya ng kalidad na oras na nilalaan mo sa cell phone, sa mga pinapanood mo o sa anumang kinahuhumalingan mo na nakakapag taka na minsan kahit marami kang dapat gawin ay nagagawa mo parin ang mga ito. Ang kakulangan natin sa panalangin ay nagpapakita na kaya na natin ang ating sarili na wala ang Diyos. Ito ay tanda ng kayabangan. Ito ay tanda na hindi tayo naniniwala na ang Diyos ay gumagawa kapag tayo ay nananalangin. Ito ay tanda na hindi natin mahal ang mga tao na dapat nating gawin. Kaya magsisi tayo sa gayong kahambugan at kamangmangan, at punuin natin ang ating buhay ministeryo ng maraming oras sa pananalangin, pagpapasalamat, panaghoy, petisyon, pagsamba, at pagtatapat. Magsikap tayo upang linangin ang masiglang pananalangin at mamuhay tulad ng ginawa ng mga apostol.
Sinabi ng mga apostol sa talata 2 na, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay.” Sinabi nila ito dahil ang mas hangad nilang pasayahin ang nagligtas sa kanila at nagtalaga sa kanila na mangaral. Ipinahayag nila ang kanilang debosyon sa pangunahing tungkulin nila.
Napagtanto ng mga apostol na kung hindi nila ipapangaral ang ebanghelyo, walang iglesyang makikita. Ang pagbibigay ng pagkain sa mga tao ay isang magandang bagay, ngunit kung wala ang pangangaral ng ebanghelyo, ang iglesya ay mabilis na mawawala. Ang pagbibigay ng tulong at pagkain sa mga nangangailangan ay isang dakilang bagay na dapat suportahan ng mga Kristiyano, pero san ba dapat makilala ang iglesya – ano ba ang nagpapanatili sa kanila sa misyon - ito ay ang ipangaral ang ebanghelyo.
Hindi sinasabi ng mga apostol na, “kami ay masyadong napakahusay at mahalaga para mag-alaga lang ng mga balo.” Nagpakita lamang sila ng pagiging tapat sa kung ano ang kanilang tungkulin sa mga biblikal na mga prayoridad. Hindi din natin masasabi na ang mga apostol ay nagpapakasarap lang habang ang pitong pinili ang gagawa ng lahat ng mga trabaho. Tandaan natin ang nakita natin sa Gawa 5:42 - nakita natin na sila ay araw-araw nagtuturo at nangangaral sa palengke at sa mga sinagoga at sa mga bahay-bahay. Sila ang makikita sa harapan, nangunguna at pagod mula sa labanan at tumatanggap ng mas maraming pag-uusig. Kung tutuosin ang pagpili sa pag-aalaga sa mga balo ang mas madaling gawain upang maiwasan nila ang mas mabigat na gawain ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Pagkatapos unahin ang panalangin at pangangaral, ang mga apostol ay gumawa ng ilang matalinong pagsasa-ayos. Nagtalaga sila ng ilang mga lalaki na mag-aalaga sa mga balo.
Marami tayong makikita na mga talata sa Bibliya na nagpakita ng kahalagahan ng pangangalaga sa mga balo, kasama ang ilang grupo ng mga salat sa buhay – mga ulila, mga dayuhan, at mga mahihirap. Ito ang ilang mga talata: Ruth; Job 29:13; Awit 68:4-6; 146:9; Isa 1:17; Lucas 7:11-15; 12:41-42; 18:1-8; Santiago 1:27. Sa 1 Timoteo 5:3-16 naman ay nagturo tungkol sa kung papaano pangangalagaan ang mga balo. Makikita natin dito na ang isang lider ay dapat na may kakayahang umangkop sa pagpapatupad ng mga ministeryo batay sa mga pangangailangan at ang mga manggagawa sa isang partikular na sitwasyon. Iyan ang ipinapakita ng iglesya dito: isang kakayahang gumawa ng mga pagsasa-ayos.
Dahil ang iglesya ay parehong organisyasyon at isang organismo, nangangailangan ito ng patuloy na pagsasa-ayos at pagbuo ng mga bagong plano. Iyan ang dahilan kung bakit sa paggawa ng mga estratehiyang pagbabago ng mga Kristiyano ay dapat na munang itanong kung ang pagbabagong ito ay biblikal ba? Ito ba ang mas tamang gawin at pinakamahusay?
Sa kasong ito, tinukoy ng mga apostol sa talata 3 na ang pipiliin ng iglesya na kasamahan nila ay pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matalino upang sila ang ilagay sa tungkuling ito. Ito ay paalala sa mga namumuno na kailangang hindi sila basta basta pipili lang ng mga taong ipagkakatiwala sa isang ministeryo. Kailangang gamitin nila ang pag-wawari, pag-unawa sa paggawa ng mabuting pasya. Hindi lagi nagbibigay ang Bibliya ng malinaw na sagot sa bawat problema. Ang ang mga problema at kahirapan sa ministeryo, samakatuwid, ay nangangailangan na ipakita ng mga pinuno ang kakayahang pangasiwaan ang mga sitwasyon sa paraang nagpapakita ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ang karunungan ng Kristiyano ay dumadaloy mula sa pakikipag-isa kay Kristo. Sabi nga sa Colosas 2:3, “Sa pamamagitan Niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.” Sa pamamagitan ng pagkilala kay Kristo at paglakad kasama Niya, natututo ang isang tao na mamuhay nang matalino. Ang mga lalaking napili ay nasiyahan sa ganitong relasyon na meron sila kay Kristo.
Hindi lamang ang mga apostol ang gumagawa ng mga pagbabago. Gumawa din ng pagbabago ang mga tao. Kailangan nilang tanggapin ang bagong pamunuan na isinilang mula sa desisyon ng mga apostol. Ang paggawa nito ay nagpakita ng kakayahang umangkop at pag-unawa. Sa panukala para sa pitong napili na gumawa ng trabaho para sa mga balo ay nagbigay ng kaluguran sa buong kapulungan (tal. 5). Kapansin-pansin na ang mga tao ay talagang nasiyahan sa pagbabago. Matuto tayo mula sa grupong ito. Kung minsan, sa ilang partikular na panahon, kailangan ang mga pagbabago para sa ikabubuti ng iba at para sa pagsulong ng kaharian. Ngayon kasi maraming iglesya ang nagkaka-problema kapag sinubukan ng pastor o ng mga lider na baguhin ang araw at oras ng prayer meeting para mas marami ang makadalo sa gawaing ito. Ayaw ng iba ng pagbabago para sa ikabubuti ng iba at gawain.
Pinoprotektahan ng mga apostol ang mga priyoridad ng Bibliya, at pinangungunahan ang iglesya na maging matalino sa mga pagsasa-ayos – mga pagsasa-ayos na may kinalaman sa binahaging ministeryo. Ang munting kwentong ito sa Gawa 6 ay nagbigay sa atin ng isang magandang modelo ng pamumuno at pagtutulungan.
Tinuro din ng mga apostol sa mga tao at sa atin na sa pagpili ay dapat mga kuwalipikadong pinuno na iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino (tal. 3). Ngayon kasi ang pinipili ng mga tao halimbawa para maging deacons sa iglesya ay palibhasa ay kamag-anak eh kaya kahit na hindi pa karapat-dapat ay napipili at nailalagay sa pwestong ito. Isa pa ito sa maling nagagawa ng maraming iglesya ngayon sa pagpili halimbawa nga ng mga deacons sa iglesya. Dahil ang mga miyembro ang nagpapasya kung sino ang magiging deacons nila. Ngunit dito ay hindi ganoon. Ang mga tao lang ang pumili pero nasa mga apostol parin o mga lider ang desisyon kung sila ay karapat-dapat na ilagay sa pangunguna sa isang paglilingkod. Kaya nga marami na akong nakitang iglesya na ang deacons nila ay may mga bisyo pa, mga hindi tapat sa pananampalataya at iba pang sala. Ito ay dahil nga sa mga tao ibinigay ang pagpili na dahilan para ang mas piliin nila ang mas kakilala, kaibigan, o kamag-anak kaysa piliin ang gaya sa mga kwalipikasyong binigay sa talata 3.
Mapapansin nga natin dito na ang iglesya ay hindi lang nagpili basta-basta, mapapansin na ang pitong pinili nila ay may Griyegong pangalan (tal. 5). Ibig sabihin na ang mga lalaking ito ay may koneksyon sa mga balong nagsasalita ng Griyego. Kaya, makikita natin dito ang matalinong pagpili nila. Ang mga napili ay maka-Diyos at may kulturang angkop para sa kanilang gawain. Mas makikilala natin ang dalawa sa pitong ito na sila Esteban at Felipe sa mga susunod na kapitulo. Makikita natin na ang ministeryo nila ay hindi lang sa pag-aalaga sa mga balo.
Kung titignan natin ito, may mga mapapatanong kung ito ba ang pinag mulan ng ministeryo ng diyakono? Sa teksto hindi natin makikita na tinawag silang mga diyakono. Ang katungkulan ng diyakono ay hindi man lang makikita na binanggit sa aklat ng Gawa, kahit na nabanggit ang elder ng maraming beses. Kung gayon ang mga lalaking ito ay hindi tinalaga para maging diyakono; sila’y inatasan lang, na may trabahong tulad sa mga diyakono.
Sa usaping ito, sa tingin ko ang mga talatang ito ay nagbigay sa atin ng modelo para sa pagbabahagi ng ministeryo na bagay na ginagawa din ng mga diyakono: tinutulungan nila ang mga pastor at elder sa gawaing ministeryo. Paano ginawa ng mga lalaking ito ang kanilang mga gawain sa Gawa 6? Tumulong sila at nagkasundo sila.
Sa tekstong ito makikita na tinutulungan nila ang mga apostol sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila upang tumuon sa pananalangin at ministeryo ng Salita. Tumutulong din sila sa pagpapakita sa bawat isa ng mabuting halimbawang dapat tularan sa kung papaano dapat maglingkod. Iyan ang ibig sabihin ng pagiging miyembro ng iglesya: paglilingkod. Ang dapat ninyong sabihin bilang miyembro ay, “dito ako maglilingkod,” hindi, “dito ako makikinig ng mga sermon.” Ang mga diyakono ang dapat magbigay ng isang halimbawa sa kung ano ang hitsura ng pagiging tapat na miyembro ng iglesya, naglilingkod, at hinihikayat din ang iba na maglingkod kasama nila.
Ang pitong tagapaglingkod na ito ay tumulong na mapanatili ang pagkakaisa sa iglesya sa pamamagitan ng pagtugon sa dramang nangyari dito na nauugnay sa mga napabayaang balo. Ang mga diyakono (at iba pang huwarang mga tagapaglingkod) ay mga sumasalo ng kaguluhan. Sila ay mga tagapamayapa. Sa kasamaang palad, ang mga diyakono ay hindi laging may reputasyon sa pagdadala ng pagkakaisa! Pero dapat ganun sila.
Mga kapatid huwag nating palampasin ang pangkalahatang diwa ng pag-ibig na maikita sa tekstong ito. Upang gumawa ng mga pagbabago at upang magpakita ng biyaya sa isa’t isa na nangangailangan ng diwa ng pag-ibig. Hindi natin nakita na humantong pa sa malaking pagtatalo at pag-aaway sa Gawa 6. Sa halip, nakita natin ang isang pagtitipon na kung saan ang katotohanan ng Salita ng Diyos ang nanguna sa grupo at ang pag-ibig ng Diyos ang nagpakalma sa hindi pagkakasunduan. Nakakahikayat na makita ang isang puspos ng Espiritu na pagkaka-isa.
IV.
We Should See Growth Problems as Opportunities for More Gospel-Centered Growth (6:7).
“Patuloy
na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya
ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring
sumampalataya.”
Makikita
din natin dito ang paglalarawan ni Lucas sa kinahinatnan ng patuloy nilang
pag-eebanghelyo bilang solusyon sa problema. Nakita nating nilutas
ng iglesya ang naging problema, at patuloy nilang
ipinangaral ang ebanghelyo, kaya ang naging resulta ay mas
marami pang tao ang naligtas. Ang mga hadlang sa
paglago na dulot ng paglago din sa bilang ay maaaring maayos
kung pinoprotektahan ang mga prayoridad at
ibinabahagi ang ministeryo.
Dapat
din nating isaalang-alang ito bilang isang normal na modelo ng iglesya: mangaral,
lumago, asahan ang mga drama, manalangin, patuloy na mangaral, at maging handa para
sa mga maaari pang maging higit pang drama. Kapag dumating ito, patuloy na
manalangin.
Marami
sa mga Kristiyano ang umaalis sa kanilang iglesya dahil sa mga krisis na kinakaharap
nito. Pero dapat nating makita na ang mga panahon na ang iglesya ay nahaharap
sa mga krisis ay nagiging isang pagkakataon sa iglesya. Sa buong kasaysayan ng
iglesya, ang mga kontrobersyal ay nagsilbi upang dalisayin at palakasin ang
iglesya. Kaya't piliin nating tingnan ang mga hamon bilang mga pagkakataon ng
sama-sama.
Isang
nakakatuwang bagay na makikita natin dito na sa gitna ng nangyaring drama,
maraming mga paring Judio ang sumampalataya kay Jesus bilang Mesiyas.
Ito’y tunay na kamangha-mangha. Nabasa natin nakaraan sa
Gawa 4:1 ang tungkol sa mga paring Judio na dumating na
galit na galit sa dalawang apostol. Dito makikita na mukhang
hindi pa sila hinog sa pag-aani – kinamumuhian nila ang
mensaheng dala ng mga apostol, gaya ng pagkamuhi nila kay
Jesus – ganun pa man, marami sa kanila ang tumanggap sa
Kanya.
Ang
huling talatang ito ay dapat magpasigla sa atin. Ang pinakamatinding kaaway ng
ebanghelyo ay maaaring maligtas dahil walang imposible sa
Panginoon. Ang kanilang pagbabago ay nagpapakita ng
kapangyarihan ng ebanghelyo. Maaaring ang ilan sa mga paring
ito ay minsang nakapagsabi ng ilang mga masasakit
na salita laban sa mga mananampalataya. Ngunit sa kabila
nito ay naging bahagi sila ng iglesya. Ang Espiritu ng
Diyos ay kumilos na makapangyarihan sa isang maliit na grupo ng
mga disipulo para makitang maligtas kahit ang mga pinaka
galit na mga kaaway ni Kristo. Nawa’y maranasan at
masaksihan din natin itong ganitong bagay sa ating lokal
na iglesya.
Bilang
buod, ibahagi natin ang kaligtasan sa bawat isa – huwag tayong mamili at bumase
sa kung ano ang nakikita natin dahil maaaring makita nating kumilos
ang Espiritu sa kahit na pinakamatigas na puso. Ipagdiwang
din natin ang paglago sa bilang kung ito ay dahil sa ang
ministeryo na nakasentro sa ebanghelyo. Magkaroon din
tayo ng mga makatotohanang inaasahan sa isa’t isa at sa
mga lider. Maging pagpapala tayo sa isa’t isa. Tandaan
natin na may pinagkaiba ang kasalanan at ang limitasyon
ng tao. Maging isang pangkat tayo; kung ikaw ay isang
Kristiyano, ikaw ay manlalaro at ikaw ay kasali, hindi ka
tagahanga lang at walang ganoon, kaya makilahok sa misyon.
Mag pasalamat tayo sa mga taong naglilingkod. Ipagdasal
natin ang ating mga Pastor at ang bawat lokal na iglesya na
maging mabisa sa pag-aalagaan sa mga pangangailangan ng
isa’t isa at maging matapat sa pagpapahayag ng Mabuting
Balita. At sa lahat ng ito, tandaan natin na si Jesus ang
nagtayo ng Kanyang iglesya at tayo ay kahanga-hangang
naging bahagi nito.
__________________________________________________
Discussion:
Pagbulayan:
1. Paano nagiging hindi tama ang paglago sa
bilang ng iglesya? Ano dapat ang pangunahing dahilan ng ating paglago
sa bilang at ano ang dapat iwasan na dahilan ng paglago sa bilang?
2. Nakita natin na walang perpektong
iglesya, ano ang dapat nating gawin o iwasan kapag may banta sa pagkakaisa ng iglesya?
3. Ano ang tinuro sa atin ng ating teksto
patungkol sa pagpili ng mga lider sa ating lokal na
iglesya?
4. Ano ang naging reaksyon mo sa
pagkakaligtas ng mga paring Judio? Ano ang naging tinuturo nito
sayo sa pag-abot mo sa mga hindi pa mananampalataya?
Pagsasabuhay:
1. Paano ka magiging bahagi ng paglago sa
bilang sa iglesya? Ano ang iyong gagawin?
2. Papaano ka magiging bahagi ng
pagpapanatili ng pagkakaisa sa ating iglesya?
3. Kamusta ang iyong buhay pananalangin?
Ano ang mga hamon at pagbabago na gagawin mo sa iyong buhay pananalangin?
4. Paano ka ngayon tutugon sa mga problema
na maaaring kahaharapin
ng iglesya bilang miyembro nito?
Panalangin:
Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang
natutunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento