Christlike (Part 10)
Scripture: Gawa 6:8-8:3
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS
Gawa 6:8-8:3
8 Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. 9 Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi ng sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia. 10 Ngunit wala silang magawâ sa karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. 11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12 Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Sanedrin. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Sanedrin, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.
Gawa 7
1 Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?” 2 Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. 3 Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwanan mo ang iyong lupain at mga kamag-anakan at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’ 4 “Kaya't umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. 5 Gayunman, hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. 6 Ganito ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, 7 ngunit paparusahan Ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa Akin sa lugar na ito.’ 8 At iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na siyang naging mga ama ng labindalawang lipi. 9 “Ang mga anak na lalaki ni Jacob ay nainggit sa kapatid nilang si Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambayanan ng hari. 11 “Nagkaroon ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Dahil dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. 15 Pumunta nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang kanyang mga anak. 16 Ang kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor. 17 “Maraming-marami na ang mga Israelita sa Egipto nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham. 18 Si Jose naman ay hindi na kilala ng hari ng Egipto nang panahong iyon. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating ninuno at iniutos niya na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa. 23 “Nang si Moises ay apatnapung taon na, nagpasya siyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang mamahala at humatol sa amin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Nag-asawa siya roon at nagkaanak ng dalawang lalaki. 30 “Makalipas ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32 ‘Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinaroroonan mo. 34 Nakita Ko ang paghihirap ng Aking bayan sa Egipto; narinig Ko ang kanilang daing, at bumabâ Ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo Kita sa Egipto.’ 35 “Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Sila ay hinango niya sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya sa Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Mula sa inyo, ang Diyos ay pipili ng isang propeta upang gawing propetang tulad ko.’ 38 Siya ang kasama ng mga Israelita sa ilang. Siya ang nakipag-usap sa anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin. 39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40 Sinabi pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung napaano na ang Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ 41 At gumawa nga sila ng isang diyus-diyosang kahawig ng guya. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang kamay. 42 Dahil diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta: ‘Bayang Israel, hindi naman talaga Ako ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay sa loob ng apatnapung taóng kayo'y nasa ilang. 43 Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec, at ang bituin ng inyong diyus-diyosang si Renfan. Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin, kayo ay dadalhing mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’ 44 “Kasama ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos ng Israel. 47 Ngunit si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon. 48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta, 49 ‘Ang langit ang Aking trono,’ sabi ng Panginoon, ‘at ang lupa ang Aking tuntungan. Ano pang bahay ang itatayo ninyo para sa Akin, o anong lugar ang pagpapahingahan Ko? 50 Hindi ba't Ako ang gumawa ng lahat ng ito?’ 51 “Napakatigas ng ulo ninyo! Ayaw ninyong magbago ng inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanang mula sa Diyos! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon; lumalaban kayong lagi sa Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpapahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na inyo namang pinagtaksilan at ipinapatay. 53 Tinanggap ninyo ang kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinusunod.” 54 Nagalit kay Esteban ang buong Sanedrin nang marinig iyon at nagngitngit sila laban sa kanya. 55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” 57 Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58 at kinaladkad palabas ng lunsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59 At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin Mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag Mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!” At pagkasabi nito, siya'y namatay.
Gawa 8:1-3
1 Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban. Nang araw na iyon, nagsimula ang mahigpit na pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. 2 Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang. 3 Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinapasok niya ang mga bahay-bahay at ang mga mananampalataya ay kanyang kinakaladkad at ibinibilanggo, maging lalaki man o babae.
Pangunahing ideya ng pag-aaral:
Inilarawan ni Lucas ang kahanga-hangang pamumuhay na tulad ni Kristo at ministeryo ni Esteban, na humantong sa pagiging martir ngunit naging daan sa pagsulong ng misyon ng Diyos.
Outline ng ating pag-aaral:
I. He Was Empowered like Jesus (6:8).
II. He Spoke with Unanswerable Wisdom like Jesus (6:9-10).
III. He Endured a Trial like Jesus (6:11-15).
IV. He Preached the Old Testament like Jesus (7:1-53).
A. A historical clarification (7:2-50)
B. The Christological culmination (7:51-54)
V. He Suffered and Died like Jesus (7:54-60).
VI. Two Words of Encouragement (8:1-3)
A. God is sovereign over persecution.
B. Jesus can save the worst of sinners.
Naalala ko nang bata pa kami kapag may napanood kaming magkakaibigan ay ginagaya namin ang bida pagkatapos naming manood. Naalala ko yung paborito naming gayahin yung si FPJ bilang si Panday. Kayo sinong madalas o gusto ninyong ginagaya nang bata pa kayo? Maraming mga bata ang lumalake na gustong maging katulad ng kanilang nanay at tatay. Naalala ko yung bago kami pumunta ng aking asawa sa Culion nag bisita muna kami sa isa sa kaibigan naming Pastor. Nakita namin bago matulog yung anak nya na hindi pa nag-aaral ay may Bible na hawak at note book at ballpen. Nagulat ako at agad kong sinilip kung marunong na mag devotion, iyon pala ay ginagaya lang niya ang mama at papa nya pero wala talagang naisusulat kasi nga batang bata pa.
Sino man ang iyong modelo nang bata ka pa, dapat na ang bawat isa sa atin ay sikaping si Kristo ang ating maging modelo. Ang layunin ng Kristiyano ay ang maging katulad ng Tagapagligtas. Ito yung hinahangad ni Pablo nang sabihin niya sa Filipos 3:10-11, “10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng Kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa Kanyang mga paghihirap, at maging katulad Niya sa Kanyang kamatayan 11 upang ako man ay muling buhayin mula sa mga patay.” Hangad niyang mas lumago pa ng lumago sa pagkakatulad kay Jesus na siyang layunin niya sa buhay.
Dito sa Gawa 6:8-8:3 na ating binasa nakilala natin ang isang lalaking katulad ni Jesus na makikita natin sa Kasulatan hanggang sa puntong ito: si Esteban. Inilarawan ni Lucas ang pagiging katulad ni Kristo ni Esteban sa katangian, ministeryo, at kamtayan. Sa katunayan, ang kanyang kamatayan, ay ang unang natalang martir na nabasa natin sa aklat ng Gawa. Nakita natin na nagsimula ang pag-uusig sa simpleng pagbabanta. Hanggang sa nakita nga natin na lumala ito sa paghagupit sa mga apostol. At sa puntong ito na nga ay nakita na natin ang mas malala, yung pagbato kay Esteban hanggang sa siya’y mamatay.
Ang pokus natin dito ay hindi yung pagkamartir. Bagkus, umaasa ako na ano man ang ating mapag-uusapan dito ay mag-iiwan sa atin ito ng tanong sa ating sarili: Gusto ko ba talagang maging katulad ni Jesus?
Ang maging katulad ni Jesus ay hindi nangangahulugan ng simpleng pangangalap ng mga katotohanan tungkol sa buhay ni Jesus at pagkatapos ay ginagaya Siya na parang mga bata na ginagaya ang mga iniidolo nila. Huwag natin dapat subukan maging katulad ni Jesus sa ating sariling kapangyarihan o isipin na kaya natin makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagkopya sa mga salita o pag-uugali at ginawa Niya. Bagkus, bilang mga Kristiyano kailangan nating mapagtanto na maaari nating hangarin ang maging katulad ni Jesus dahil sa pakikipag-isa natin kay Kanya. Sa pamamagitan ng pakikipag-isa natin kay Jesus tayo ay mabubuhay ng tulad ni Kristo. Galacia 2:20, “Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Kristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng Kanyang buhay para sa akin.” Sa pamamagitan ni Hesus kaya nating magbunga ng katuwiran. Si Esteban ay hindi natin masasabi na walang kasalanan; tulad ng iba sa atin, kailangan din niya ng Tagapagligtas. Sa sandaling tinaggap niya si Jesus, siya ay binigyan ng kapangyarihan na mamuhay ng isang buhay na sumasalamin sa kanyang Tagapagligtas.
Habang hinahangad nating sundin si Esteban gaya ng pagsunod niya kay Kristo, kailangan muna nating makipag-isa kay Jesus at handang magdusa. Ngunit ang kwento ni Esteban na nagpapakita sa atin na ang pagdurusa ay sulit dahil ito ay konektado sa pagtaas sa Panginoon – naitataas ang Panginoon sa ating pagdurusa ng dahil sa pagsunod natin kay Kristo. Habang titignan nating itong hakbang ng martir na ito, makikita natin ang limang paraan na nagpupunto kay Jesus ni Esteban
I. He Was Empowered like Jesus (6:8).
“Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla.”
Nag simula si Lucas sa pagsabi sa atin ng pinagmulan ng ministeryo ni Esteban. Nakaraan ay sinabi niya na sa talata 3, at 5 na si Esteban ay merong magandang reputasyon at puspos ng Espiritu at karunungan. Dito dinagdag niya sa talata 8 na si Esteban ay, “pinagpala ng Diyos at pinagkalooban ng kapangyarihan.” Si Esteban ay ang taong puspos ng mga kaloob mula sa Diyos.
Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang biyaya sa lalaking ito. Ang Espiritu ang nagbigay ng kapangyarihan kay Esteban na gawin ang ministeryo, kasama dito ang pag-aalaga sa mga balo, pagsasalita at pagkilos ng may karunungan, at paggawa ng mga tanda at mga himala. Sa ganitong paraan makikita ang pagtulad ni Esteban sa kanyang Master. Si Jesus ay isa ring taong “puspos ng Espiritu” (Lucas 4:1) at karunungan (Lucas 2:52), at Siya mismo ang karunungan (Colosas 2:3-4). Ito ay nagpapaalala sa atin na ang karunungan ay higit sa isang hanay ng mga prinsipyo; ang karunungan ay si Jesus mismo. Kapag tayo ay nakipag-isa kay Jesus, ginagawa ka Niyang marunong. Binigyan ka Niyang magkaroon ng kahulugan sa buhay na ito.
Pinapanalangin mo ba sa Diyos na pusposin ka Niya ng pananampalataya, kapangyarihan, at karunungan? Tandaan: Ikaw ay kontrolado ng kung ano ang pumupuno sa iyo. Kung napupuno ka ng inggit, ang tagumpay ng iba ay magpapagalit sa iyo. Kung ikaw ay puno ng pagnanasa, ang iyong sekswal na pagnanasa ang magdadala sayo sa malaking kadiliman. Kung ikaw ay puno ng galit, magagawa mong makipag-away at maging ang pumatay sa isip. Ngunit kung ikaw ay puno ng kapangyarihan ng Diyos at karunungan, mabubuhay ka ng tulad ng ipinakita ni Esteban – isang buhay na nakatuon sa pagdadakila kay Jesus.
II. He Spoke with Unanswerable Wisdom like Jesus (6:9-10).
“9 Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi ng sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia. 10 Ngunit wala silang magawâ sa karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban.”
Ang “Sinagoga ng mga Pinalaya” ay maliwanag na isang pagtitipon ng mga nagsasalita ng Griyego na binubuo ng mga dating alipin mula sa iba’t ibang lokasyon. Ang pinaka interesanteng lokasyon na nabanggit ay ang “Cilicia,” na pinagmulang rehiyon ni Pablo. Ang pagkakabanggit sa Cilicia ay nangangahulugan na malamang ang mga apostol ay dumadalo sa sinagogang ito. Kung titignan din natin ang konteksto nito masasabi natin na si Saulo ang pinuno doon. Sa puntong ito kinasusuklaman ni Saulo ang ebanghelyo. Kaya marahil kasama siya sa mga nakipagtalo kay Esteban na maaaring umabot din ng ilang araw. Ngunit, tulad ng sa kaso ng pagtuturo ni Jesus (Lucas 20:40), walang sinuman ang makatapat sa karunungan ni Esteban.
Ang kapangyarihan ng ebanghelyo ay nailarawan sa buong kwentong ito. Isaalang-alang natin si Saulo. Kalaunan, pagkatapos niyang sumampalataya at sa pagpapalit niya ng pangalan, susulat siya ng Bagong Tipan na mga aral na sumasalamin sa sermon ni Esteban. Sa katunayan, malamang na itong si Pablo ay personal na nagbahagi ng account na ito kay Lucas upang maitala ito para sa iglesya. Bukod dito, sa Gawa 9:29 si Saulo ay nakipagtalo sa mga Helenista pagkatapos niyang sumampalataya, kung saan ay ipinahayag niya sa kanila na si Jesus ang Kristo - at malamang na nanyari ito sa sinagoga ding ito.
Kaya, ano ang nagbigay kay Esteban ng ganung kompiyansa? Paano siya nakatagal laban dito sa mga grupong relihiyosong bully? Tandaan natin na siya ay hindi nakapag-aral sa Bible college; wala siyang digri sa seminary. Wala din siyang gospel tract na dapat niyang kabisaduhin. Kaya itong si Esteban ay maaaring puno ng kumpiyansa sa isang dahilan lamang: naniniwala siya sa isang partikular na pangako ni Jesus. Nagtiwala siya sa mga salita ni Kristo na makikita sa Lucas 21:12-18:
12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa Akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa Akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa Akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok.”
At dito nga sa Gawa 6-7 si Esteban, ang tapat na disipulo ni Kristo, ay dinala sa harap ng mga pinuno ng relihiyon at pinatay, gaya ng sinabi ni Jesus. Pero bago mangyari iyun, naranasan din niya ang ibang bahagi ng talatang ito: nabigyan siya ng pagkakataong magbahagi ng isang mensaheng hindi napaghandaan pero puno ng hindi masagot na karunungan.
Hindi lamang si Esteban ang nakaranas ng sinabing ito ni Jesus. Nakita na natin nakaraan ang katotohanang ito na unang naranasan din ng mga apostol sa kanilang pagpapatotoo. At tayo din ay pwede ring magsalita tungkol kay Kristo nang may kumpiyansa, na batid na ang Diyos ay sumasaatin kapag tayo ay nakatayo sa harap ng mga lobo.
Hindi natin dapat gamitin ang tekstong ito bilang dahilan upang hindi pag-aralan ang Salita ng Diyos. Malinaw naman na si Esteban ay pinag-aralan kung ano ang sinabi nito; kaya ito ang dahilan kung bakit muli niyang naisalaysay ang kuwento ng Lumang Tipan na pinag-aralan niya na makikita natin sa susunod ng kabanata. Ang pinag-uusapan dito ay ang ideya na tayong mga tagasunod ni Jesus ay hindi nag-iisa kapag tayo ay nabubuhay sa misyon. Kaya, kapag ginagawa mo ang dakilang atas, at nakakaranas ka ng galit sa mga taong hinahadlangan ang ebnaghelyo, paalalahanan mo ang iyong sarili tungkol sa pagpapatotoo ni Esteban. Manalangin sa Diyos na bigyan ka ng kakayahan na makapagsalita ng Kanyang Salita na may kapangyarihan at kalinawan, yamang alam mo na ang makapangyarihang Diyos ay kasama mo at para sayo.
III. He Endured a Trial like Jesus (6:11-15).
“11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Sanedrin. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Sanedrin, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.”
Ang mga relihiyosong bully na ito ay nagpasya na gamitin ang kasabihang, “kung hindi mo sila matalo, bugbogin mo” sa pagharap nila kay Esteban. Hindi sila makatapat sa karunungan niya, kaya nag-imbento sila ng mga kasinungalingan laban sa kanya at dinala siya sa harap ng korte. Ang pakikipag talo nila kay Esteban sa talata 9 ay nauwi sa masamang plano sa talata 11-15. Ang mga taong tutol kay Esteban ay nagsabwatan laban sa kanya (talata 11), para udyukin ang mga tao na magalit, sunggaban at dalhin siya sa Sanedrin (talata 12), at pagkatapos ay pinaratangan siya ng mga bulaang saksi (mtal. 13-14). At kung babasahin natin ang Mateo 26:57-68 makikita natin dito ang parehong tiniis ni Jesus sa kamay ng mga huwad na paglilitis.
Dito nakita natin na inakusahan si Esteban na nagsalita ng mga kalapastanganan tungkol kay Moises at sa Diyos, at hinamak ang templo at ang kautusan. Ngunit sa katunayan, sa talata 15 ang mukha ni Esteban ay katulad ng mukha ni Moises na nababasa natin sa Exodo 34:29, “Mula sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha.” Bukod pa rito ang kanyang pananalita ay malinaw na nagpapakita ng karangalan para kay Moises. At hindi kailanman ginamit ni Esteban ang pangalan ng Diyos nang walang kabuluhan.
Itinuro lamang ni Esteban na si Jesus ang katuparan ng kautusan at ng templo. Si Jesus ang sangkap, at ang mga bagay na iyon ay ang mga anino. Ganito rin ang sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang sarili. Mateo 12:6, “Sinasabi Ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo.” At sa Juan 2:19, “Sumagot si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli Ko itong itatayo.” Kaya si Esteban ay biktima ng parehong paratang na tiniis ng kanyang Panginoon.
Ang talatang ito ay isang magandang paalala na dapat nating sabihin sa lahat na kung gusto nila makilala ang Diyos, hindi nila kailangang pumunta sa isang templo o isang gusali; dapat silang lumapit kay Jesus. Kung ang isang tao ay nagnanais ng kapatawaran, hindi niya kailangang gawin ang pagpapahirap sa sarili o maghandog sa Diyos ng hain ng mga toro at kambing; lahat ay dapat kay Jesus pumunta, magtiwala sa Kanyang ginawa sa krus para sa kaligtasan. Habang sinasabi natin ang Magandang Balita na si Kristo ang Tagapagligtas ng mga makasalanan at tumayo sa katotohanang ito, dapat tayong maging handang harapin ang oposisyon. Dapat tayong maging handa na itakwil, kutyain, paratangan ng mali, ipahiya, at patayin dahil sa paniniwalang ito. Ito ay palaging ganito, at palaging magiging ganito hanggang sa pagbabalik ng Hari. Kaya huwag tayong madala sa tukso na subukang gawing mukang cool ang Kristiyanismo sa harap ng sanlibutan.
Kapag tayo bilang mga tagasunod ni Kristo ay sinasalungat, tayo ay nahaharap sa oposisyon laban kay Jesus. Bagamat si Esteban ang nililitis, si Jesus ang tunay na paulit-ulit na nililitis ng mga taong naglagay kay Esteban doon. Gusto nilang saktan at patayin muli si Jesus. Tandaan na ipinangako ni Jesus na marami ang mapopoot sa atin gaya ng pagkapoot nila sa Kaniya (Juan 15:18-26). Kaya’t maging handa tayo sa mga ganitong sandali, at alalahanin na tayo ay may bahagi sa isang makapangyarihang malapit na relasyon sa Diyos habang kinikilala natin ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa mga sandaling tulad nito. Filipos 3:10-11, “10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng Kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa Kanyang mga paghihirap, at maging katulad Niya sa Kanyang kamatayan 11 upang ako man ay muling buhayin mula sa mga patay.” (basahin din ang 1 Pedro 4:12-19).
Pakatapos ng talata 15 ay lilipat na sa kabilang eksena. Habang si Esteban ay hindi makatarungang tinarato, ang “kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.” – nagniningning. Maaaring ang kanyang nagbagong mukha ay sumasalamin sa katotohanan na ang Diyos ay nakatayo sa tabi ni Esteban, ngunit maaari rin itong magpahiwatig ng pagiging malapit ni Esteban sa Diyos at sa kanyang tapat na representason ni Moises. Inakusahan siya ng mga pinuno na hinamak si Moises, gayunman sumasalamin kay Esteban si Moises – na kinakailangang takpan ang sarili niyang mukha dahil nagniningning ito nang napakaliwanag pagkatapos niyang gumugol ng oras sa harapan ng Diyos. Sa kabanata 7 itinuro sa kanila ni Esteban kung paano nila dapat maunawaan si Moises.
IV. He Preached the Old Testament like Jesus (7:1-53).
Ito ang pinakamahabang sermon sa aklat ng Gawa, isang aklat na puno ng mga sermon. Ito rin ang huling sermon ni Esteban. Ang kanyang sermon na nakasentro kay Jesus at tinataas si Kristo ang dahilan ng kanyang kamatayan.
Ang sermon ni Esteban ay isang tugon sa isang tanong. Hindi siya katulad sa maraming pastor ngayon na tatayo sa pulpito pagkatapos ng isang kanta, at mangangaral sa mga taong handang makinig at tumanggap ng Salita. Sa halip, kailangan niyang tumugon sa galit ng Sanedrin na nagtatanong kung totoo ba na nilapastangan niya ang kautusan at ang templo.
Kung tayo ang nasa posisyon ni Esteban papaano ka tutugon? Nakakatuwa ang tugon ni Esteban dito. Alam niya ang kanyang misyon. Hindi niya sinubukang takasan ang panganib na maaari siyang mamatay kung magsasalita pa siya patungkol kay Jesus na dahilan ng galit ng mga tao na nakapalibot sa kanya. Nagpasya siya na sagutin ang kanilang tanong sa isang maingat, banayad na muling pagsasalaysay ng kasaysayan ng Israel, na nagtapos sa ginawa ni Kristo. Lahat ng ginawa niya dito ay sumasalamin sa kanyang pagkaunawa na siya ay dapat maging isang “saksi” (Gawa 1:8).
May mga nagsabi na walang tunay na layunin ang sermon ni Esteban dito. May ilan naman na sumang-ayon at sinabi na ang dahilan kung bakit siya binato ay dahil sobrang hindi maganda at boring daw ang sermon niya. Pero meron silang hindi nakitang isang magandang bagay sa ginawa ni Esteban.
Narito ang kanyang pangkalahatang punto: “Hindi ako ang nagpapababa sa kautusan at sa templo… kayo!” Siyempre hindi niya agad ito sinabi sa kanila ng hayagan. Inunti-unti niya itong pinaalam sa kanila sa pamamagitan nga ng muling pagsasalaysay ng kasaysayan ng Bibliya. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga relihiyosong mga pinuno na talagang hinahamak nila ang kautusan at ang templo dahil hindi nila naiintindihan ang kalikasan ng templo at dahil tinanggihan nila ang isang matuwid na tinuturo ng templo. Dinagdag pa niya na talagang inaasahan na ang pagtakwil ng mga pinuno ng Israel batay sa kanilang nakaraan na kung ano ang ginawang pagtakwil ng mga ninuno nila kay Yahweh ay siyang ginawa din nila sa Anak. Pinaalala niya kung papaano paulit-ulit na tinanggihan ng kanilang bansa ang itinalagang tagapagligtas ng Diyos.
Kaya sa sermon ni Esteban siya na inakusahan ang naglagay ngayon sa mga umakusa sa kanya sa paglilitis. Parang sinabi niya sa kanila na, “hindi ninyo nauunawaan ang kasulatan.” Siyempre alam nila ang ilang mga katotohanan tungkol dito, inamin naman niya, ngunit hindi nila naiintindihan ang pinatutukuyan ng mensaheng ito.
Sa katunayan madalas na itinutuwid ni Jesus ang interpretasyon ng mga pinuno ng relihiyon sa Lumang Tipan. Sinabi Niya sa Juan 5:39-40, “Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa Akin! Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa Akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.” Dinagdag pa Niya sa talata 46, “Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, maniniwala din kayo sa Akin, sapagkat tungkol sa Akin ang sinulat niya.”
Parang ang ginawang diskarte dito ni Esteban ay yung munting kwentong ito ay naipunto niya sa pagkwento sa mas malawak na istorya ng Bibliya. Iyon ay isang magandang pangangaral. Sa Bibliya maraming mga kwento, pero ang pangunahing tampok ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Hatiin natin ang sermon ni Esteban sa dalwang bahagi: (1) a historical clarification (isang paglilinaw sa kasaysayan) at (2) the Christological culmination (pagkahantong sa aral patungkol sa katauhan at mga gawa ni Krsito). Ang unang bahagi ang pinaka mahaba, dahil ito ang bahagi kung bakit si Esteban ay pinagkaguluhan bago niya mabuo ang pangalawang bahagi. Ang bahaging iyon ang pinaka nagsakdal sa kanya at ang talagang pangunahing punto: na ang mga pinunong relihiyon ng Israel ay hindi tinanggap ang pinaka Tagapagligtas ng Diyos.
A. A historical clarification (7:2-50)
Sa mahabang sinabi na ito ni Esteban, mahalagang nasabi niya sa mga Sanhedrin na ang presensya ng Diyos ay hindi nakakulong sa isang gusali. Ang presensya ng Diyos ay palaging nasa Kanyang mga tao at ang presensyang iyon ay nauna pa sa kautusan, sa templo, at sa lupain. Pinaalala niya iyon sa kanila, na ang Diyos, sa Kanyang likas, ay hindi nakakulong sa isang lugar. Sa kasamaang palad, bagamat ang Israel ay madalas na sinasabi na ang presensya ng Diyos sa templo ang mag-iingat sa kanila, pinaalala ni Esteban sa kanila na ang mga dakilang bayani ng Lumang Tipan ay kailanman hindi inisip na ang Diyos ay nakakulong sa templo o nadama na ang Diyos ay obligadong pagpalain sila dahil sa presensya nito. Ang templo ay mabuting bagay, ngunit madalas ang mga tao ay ginagawa nila ang gusaling ito sa isang bagay na hindi kailanman nilayon na maging ganon o sa pakikipagtagpo. Kaya nga sabi sa Jeremias 7:4, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.”
Itinuro ni Esteban sina Abraham, Jose, Moises, at ang monarkiya (David at Solomon). Ang buong linya ng kwento ay nagpapakita na ang Diyos ay kasama ang Kanyang mga tao sa iba’t ibang lokasyon, at nang itinayo na ang templo, ipinaalala niya sa kanila sa talata 48 na, “ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao.” Pagkatapos ay ginamit niya ang sinabi sa Isaias 66:1-2 sa mga talata sa 49-50 para patunayan ang pinupunto niyang ito. Si haring Solomon mismo ay nagsabi sa paghahandog ng unang templo sa 1 Hari 8:27 na, “Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo!”
Pagkatapos simulan ni Esteban sa magalang na pananalita sa talata 2, nagsimula siya kay Abraham at inilarawan kung paano naroroon ang Diyos sa tabi niya maging sa Mesopotamia (talata 2-8). Nakipagtipan ang Diyos sa paganong ito at, sa pamamagitan ng kamanghamanghang biyaya, ginawa Niya siyang ama ng maraming bansa sa bago pa maibigay ang kautusan, o magawa ang templo, o umiral ang bansang Israel.
Tungkol naman kay Jose, ipinaalala ni Esteban sa kanila kung paano ang mga kapatid niya na nanibugho sa kanya ay binenta siya, ngunit, “ang Diyos ay sumakanya.” Ginamit ng Diyos si Jose bilang isang tagapagligtas. Nangyari ang lahat ng ito habang si Jose ay nasa paganong Egipto. Sa katunayan anim na beses nabanggit ang Egipto sa mga talata 9-15. Meron bang templo sa Egipto? Wala.
Inilarawan naman ni Esteban ang tatlong yugto sa buhay ni Moises, ma magpapakita kung paanong kasama ni Moises ang Diyos sa bawat lugar. Sa unang yugto sa mga sa talata 20-22, si Moises ay “kinalugdan ng Diyos” at “dakila sa salita at sa gawa.” Sa pangalawang yugto sa mga talata 23-29, naunawaan ni Moises ang kanyang tungkulin bilang tagapagligtas sa kanyang mga kababayan, ngunit tinaggihan siya ng mga tao. Sa ikatlong yugto sa mga talata 30-38, nagpakita ang Diyos sa ilang. Nagsalita ang Diyos kay Moises at pinahayag na ang lugar na iyon ay “banal na lugar.” Pinangunahan ni Moises ang mga tao palabas sa Egipto at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. Nakuha ni Esteban ang atensyon ng Sanhedrin sa turo ni Moises, sa talata 37 na ang propesiyang ito ay tungkol kay Jesus. Pagkatapos, kinuwento pa ni Esteban ang karera ni Moises mula sa Egipto, sa mga Midianita, at sa panahon nila sa ilang, para sabihin lang ang kanyang pinupunto na ang Diyos ay kasama niya sa bawat pagkakataon.
Si Jesus ay katulad ni Moises sa maraming paraan sa kung papaano nilarawan ni Esteban si Moises. Tulad ni Moises na makapangyarihan sa salita at gawa ganun din si Jesus na makapangyarihan sa salita at gawa; Tulad ni Moises na itinakwil bilang tagapagligtas; ganun din si Jesus na itinakwil bilang Tagapagligtas. May kasaysayan din ang Israel hindi lamang sa pagtanggi sa hinirang ng Diyos na tagapagligtas kundi pati na rin ang pagpapalit ng kaluwalhatian ng Diyos sa isang walang kabuluhang mga diyus-diyosan na makikita nating nabanggit sa mga talata 39-43.
Pagkatapos nito ay dinala na niya sila sa usapan patungkol sa paninirahan ng mga Israelita sa lupain maging sa tabernakulo at sa templo. Parehong tinayo ang mga ito ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay mga magagandang kaloob ng Diyos. Kaya hindi sinasabi ni Esteban na nagkakamali ang mga tao sa pagtatayo ng mga ito, ngunit maling isipin nila na ang mga gusaling ito ay tahanan ng Diyos.
Ang katotohanang ito ay malinaw na nabigyang-diin sa Kasulatan. Ang Diyos ay nagpakita. Ang Diyos ay nagsalita. Ang Diyos ay nagpadala. Ang Diyos ay nangako. Ang Diyos ay nagpaparusa. Ang Diyos ay nagliligtas. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang kalooban sa buong lupain. Tiyak at malinaw na Siya ay hindi nakakulong sa isang gusali.
B. The Christological culmination (7:51-54)
Sa kasukdulang bahagi ng mensahe ni Esteban ay sinabi niya sa mga tagapakinig na sila nga ay talagang mga lumabag sa kautusan, at tinaggihan nila ang matuwid na tagatupad ng kautusan. Tulad nila, tinaggihan nila ang mapagbiyayang pag-abot sa kanila ng Diyos.
Gamit ang salita ng mga propeta at ni Moises, sinabi ni Esteban sa mga relihiyosong pinuno na sila ay katulad lamang ng kanilang mga ama na matitigas ang ulo at matitigas ang puso na mga tumakwil sa Salita ng Diyos. Pinagsabihan sila ni Estaban sa pag-uusig sa mga propeta at lalo na sa pagpatay sa Taong tinutukoy ng mga propeta: si Jesus ang matuwid. Tinawag niya silang mga mamamatay-tao. At ang kanyang huling pangungusap ay nagpaalala sa kanila ng pribilehiyo ng pagkakaroon ng Salita ng Diyos habang sinasaway sila dahil sa hindi nila pagtudon dito ayon sa nararapat.
Ang punto ni Esteban na ang mga pinuno ng relihiyon at ng mga awtoridad ay ang tunay na lumalapastangan sa kautusan, at tinaggihan nila ang Tagapagligtas, na Siya ring tumupad ng kautusan. Sa halip na magsalita pa siya tungkol sa templo at sa kautusan, dinala sila ni Esteban kay Jesus, na Siyang katuparan o kasukdulan ng mga ito. Totoong may taong nagkasala sa paghamak sa kautusan at sa templo, ngunit hindi si Esteban iyon.
V. He Suffered and Died like Jesus (7:54-60).
Sa kamatayan ni Esteban hindi natin masasabi na hindi ito maiiugnay sa kamatayan ni Jesus. Ang kaparusahang ito ng kamatayan ay maaari nating masabi na hindi eksaktong katulad ng kay Jesus, ngunit makikita natin na maraming pagkakatulad.
Ang galit na mga tao ay lalong nagalit sa mensahe ni Esteban at, para silang mga hayop na “nagngingitngit” ang kanilang mga ngipin sa galit (tal. 54). Sa halip na tumugon sila sa mensahe ng pagpapakumbaba at pagsisisi, ang mga mapagmatuwid na ito ay galit na galit. Ngunit, tulad ni Jesus, si Esteban ay may makalangit na pananaw bago siya mamatay. Sa mga talata 55-56, nakikita ni Esteban ang kamatayan bilang isang magandang bagay dahil sa makalangit na katotohanan.
Sa sinabi ni Esteban na nakita niya ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos dito sa talata 56, tinangkang ipaliwanag ng marami na ang ideyang ito ng pagtayo ni Jesus sa halip na nakaupo sa kanang kamay ng Diyos; na ang pag-upo ay pahayag na madalas ginagamit upang ilarawan ang Kanyang mataas na posisyon. Kaya ito ba ay tanda ng pagpaparangal ni Jesus kay Esteban, katulad ng isang teacher na tatayo para sa mga estudyanteng magsisipagtapos? Ang eksenang iyon ay laging nagpapakita ng pagpaparangal kung isasaalang-alang ang masisipag na mga estudyante na nagtiis hanggang sa huli. Ito ba ay tanda ng pag welcome at pagtanggap ni Jesus kay Esteban, tulad ng isang pamilyang sinalubong ang minamahal na miyembro ng pamilya sa kanilang tahanan? Diba kapag tayo ay may mahal sa buhay na hindi natin nakita ng matagal na panahon at nalaman natin na siya ay dumating sa ating tahanan ay tatayo tayo agad sa pagkakaupo o pagkakahiga natin para salubungin natin siya na may kagalakan. Malinaw na kinikilala ni Jesus si Esteban sa harap ng Ama sa langit, gaya ng pagkilala ni Esteban kay Jesus sa harap ng mga tao sa sanlibutan. Kaya itong pananaw na ito ng kaluwalhatian ay ang nagbigay ng kapangyarihan kay Esteban na dahilan para mas magalit pa ang mga lobo.
Kaya sa puntong ito isang kaguluhan ang nangyari. Walang pormal na hatol ang ibinigay laban kay Esteban. Wala nang mga katanungan pa sa kanya. Sa halip, ang grupong ito na kinabibilangan ng mga ginagalang na mga relihiyosong tao ay nagkaisang pumatay na walang paglilitis. Ang tanging parang hustisyang ginawa lang dito ay yung batuhin siya sa harap ng mga saksi at nilabas muna siya sa lungsod para doon patayin. Doon inilapag ng mga umatake ang kanilang mga damit, parang isang boksingero na inalis ang kanyang jacket para makasuntok ng maayos. At sa talata 58 sinabi na, “inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo.”
Sa buong kwentong ito ang tanging kumalaban na nabanggit ang pangalan ay si Saulo (Maging sa Gawa 8:1). Siya ang nanguna sa di makatarungang eksenang ito. At ayon sa Gawa 22:20, hindi makalimutan ni Saulo ang sandaling ito.
Ang ating kapatid na si Esteban ay nagtiis ng isang malagim na kamatayan. Pinagbabato siya at kalaunan ay namatay sa daming batong tumama sa kanyang ulo. Pero bago siya mamatay, mababasa natin sa mga talata 59-60 na nag-alay siya ng mga panalangin sa Panginoong Jesus, at ito’y sumalamin sa panalanging idinalangin din ni Jesus sa Ama habang nagdurusa sa krus. Ito ay isang magandang katotohanan na tumutulong sa atin na makita kung papaano nabubuhay ang isang puspos ng Espiritu at namamatay. Hiniling ni Esteban na salubungin siya ni Jesus, at pagkatapos ay nanalangin din siya para sa mga pumatay sa kanya. Tanging ang mga taong nakaranas at nakaalam ng kapatawaran ni Jesus sa malalim na antas ang makakagawa ng gayong biyayang pagpapatawad.
At sinagot ba ng Diyos ang panalanging ito ni Esteban? Opo, si Saulo mismo ang naging sagot sa panalangin ni Esteban. Dahil sa mga susunod na pag-aaral natin makikita natin ang nalalapit na tagpong siya ay makakasumpong ng kapatawaran sa pamamagitan ni Jesus. Siya ang magiging isang hindi karapat-dapat na tatanggap ng kahilingang ito ng isang martir na ang kasalanang ito ay hindi na pagbabayarin ng mga responsable sa bagay na ito.
Pagkatapos niya itong ipinanalangin siya ay namatay. Sa orihinal na salin ang ginamit na mga salita ay, “nakatulog siya.” Alam nyo ba na ang kamatayan sa mga Kristiyano ay parang nakatulog lang? Ang paggamit ng metaphorical na paglalarawang ito ay sumasalamin sa isang pakiramdam ng kapayapaan na hindi natin dapat palampasin. Ito ay nagpapaalala sa atin na habang si Esteban ay nakatulog sa buhay na ito, magigising siya sa kaluwalhatian. Tulad ng pagdurusa ni Jesus na humantong sa Kanyang kamatayan, siya ay tiyak na mabubuhay na muli tulad ni Kristo. Kaya hindi kinakatakutan ng mga nakay Kristo ang kamatayan.
VI. Two Words of Encouragement (8:1-3)
1 Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban. Nang araw na iyon, nagsimula ang mahigpit na pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. 2 Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang. 3 Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinapasok niya ang mga bahay-bahay at ang mga mananampalataya ay kanyang kinakaladkad at ibinibilanggo, maging lalaki man o babae.
A. God is sovereign over persecution.
Habang ang iglesya ay nararapat na magdalamhati sa pagkamatay ni Esteban sa talata 2, ginamit ito ng Diyos upang isulong ang Kanyang layunin sa pagtubos. Dahil sa pag-uusig, ito ang naging dahilan para ang iglesya ay kumalat sa labas ng Jerusalem sa talata 1, at nag-ebanghelyo sa mga rehiyong binaggit na mababasa sa talata 8. Hindi maaaring mahadlangan ng kaaway ang mga layunin ng Diyos. Kaya magpakatatag tayo bilang mga Kristiyanong saksi. Bagama’t hindi maiiwasan ang pagdurusa, ang misyon ng Diyos ay hindi mapipigilan.
B. Jesus can save the worst of sinners.
Makikita natin na sinang-ayunan ni Saulo ang pagkamatay ni Esteban sa talata 1, at ang kanyang galit ay tumaas lalo hanggang sa puntong, “pinapasok niya ang mga bahay-bahay at ang mga mananampalataya ay kanyang kinakaladkad at ibinibilanggo, maging lalaki man o babae” (talata 3). Hanggang sa mga unang bahagi ng kabanata 9 ay makikitang gustong-gusto niyang pagpapatayin ang mga Kristiyano. Kung makakakita ka ng ganitong tao malamang pare-pareho tayong mag-iisip na imposibleng kumilala pa ito kay Kristo at maging isang Kristiyano. Walang magtatangka sa ating bahaginan siya ng Magandang balita. Pero alalahanin natin ang paraan ng pagbabago ni Jesus sa kanya. Tanging isang himala na makita sa isang kabanata na ang taong terorista ay gawing isang ebanghelista sa susunod na kabanata.
Mamangha tayo sa magandang balitang ito. At patuloy na manalangin para sa mga hindi pa mananampalataya. Ibahagi natin ng buong katapatan ang Magandang Balita. Dahil tayo bilang nakaranas ng parehong biyayang pagpapabago sa atin sa parehong Jesus na pinaglilingkuran natin, si Pablo na dating mang-uusig ay sumulat ng ganito: “Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Kristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan.” (1 Timoteo 1:15).
Sa pagtatapos, gusto kong makita natin na ang pagdurusa ay minsan hindi maiiwasan habang ipinasiya nating sundin si Jesus sa gawing nais Niyang gawin natin, ngunit ang magandang balita ay ang misyon ng Hari ay hindi mapipigilan. Si Jesus ang nagtayo ng Kanyang iglesya, at walang mananaig laban dito. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng biyaya upang sumunod kay Jesus ng tapat hanggang sa tulad ni Esteban ay makatulog. Sa sandaling imulat natin ang ating mga mata upang makita natin ang niluwalhating Tagapagligtas, malalaman natin na ang pamumuhay para kay Jesus ay higit na mahalaga kaysa anumang sakripisyo.
______________________________________________________
Discussion:
Pagbulayan:
1. Si Esteban ay pinanahanan ng Banal na Espiritu dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesus at siya ring tinanggap mo nang ikaw ay sumampalataya kay Jesus. Ano ang tinuturo nito sayo sa mga nakita nating pagkakahalintulad ni Esteban kay Jesus? Nakikita rin mo rin ba ang mga ito sa iyong sarili?
2. Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit ang mga tao ay galit sa mga Kristiyano? Papaano mo sila haharapin at papaano ka tutugon sa galit nila?
3. Anong panganib ang maaari nating maranasan ngayon nang dahil sa pangangaral din natin ng ipinangaral ni Esteban na naging dahilan ng kanyang kamatayan? Handa ka ba na harapin ang mga ito alang-alang kay Jesus? Basahin ang Efeso 3:10-11 – Ito rin ba ang tanging hangarin mo?
4. Si Esteban ay nanalangin kay Jesus na patawarin ang mga papatay sa kanya. Ano ang itinuturo nito sa atin?
5. Ano ang mga aral dito ang nakapagbigay sayo ng encouragement na magtiis laban sa mga persecution alang-alang sa pagsunod kay Jesus?
Pagsasabuhay:
1. Ano ang mga hakbang na gagawin mo upang tulad ni Esteban ay ikaw ay makapamuhay na tulad ni Jesus?
2. Ano ang humahadlang sayo sa pamumuhay na tulad ni Jesus? Ano ang dapat mong gawin?
Panalangin:
Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento