Ang Ano, Bakit, at Paano ng Paggiging Disipulo
Equip To Serve
Class
Panimula:
Nais ko kayong
tanungin. Ano ang pumapasok sa isip ninyo kapag narinig ninyo ang salitang
“Discipleship”?
(Maaaring
ipasulat sa kapirasong papel o sa pagtawag ng ilang mga taga pakinig)
Gaano ninyo
kaya seseryosohing gawin ang isang huling habilin ng isang taong mahalaga sa
buhay nyo na malapit ng magpaalam (mamatay) sa inyo? Malamang po ay tiyak na
gagawin natin hanggat kaya ano pa man ang hiling ng namaalam na mahal natin sa
buhay. At lalo na siguro nating gagawin ang huling habilin kung ang namaalam na
mahal natin sa buhay ay muling nabuhay at nag-iwan ng huling habilin bago
magpaalam muli. Ganito ang nakita nating nangyari sa ating Panginoong Jesus
nang Siya ay muling nabuhay pagkatapos mamatay sa krus. At nang Siya ay muling
nabuhay at bago umakyat pabalik sa Ama ay nag-iwan Siya ng huling habilin sa
Kanyang mga alagad na kilala sa tawag na ang Dakilang Atas. Ano kaya ito? Mababasa
natin ito sa Mateo 28:18-20,
18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na
sa Akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't humayo kayo,
gawin ninyong alagad Ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo
sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang
sumunod sa lahat ng iniutos Ko sa inyo. Tandaan ninyo, Ako'y laging kasama
ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
Mula sa mga
talatang ito titignan natin at sasgutin ang Ano, Bakit, at Paano sa
pagdidisipulo. Meron tayong tatlong bahagi ng pag-aaral na ito. Mag simula tayo
sa ano ang pagdidisipulo?
Ano Ba ang Disipulo?
Ano ba ang
ibig sabihin na maging disipulo ni Jesus? Kung malalaman nyo, ang sagot ay
simple lang, pero babaguhin nito ng lubusan ang buhay mo.
“Mathetes” ang salitang Griego sa Bibliya
para sa salitang disipulo. Ang unang pakahulugan ay pagiging mag-aaral o
estudyante. Pero hindi kagaya ng kahulugan sa ating panahon para matuto ng
isang subject kagaya ng algebra o biology, ang salitang disipulo ay mas malalim
ang kahulugan sa panahon ni Jesus. Ito ay pagiging tagasunod ng katuruan ng
isang nagtuturo.
Papaano ba
magiging disipulo sa panahon ni Jesus?
Sa panahon
nila Jesus ang mga bata sa isang komunidad ay pumupunta sa isang kwarto sa
gilid ng kanilang Sinagoga para mag aral. Ang tawag sa unang level ng pag-aaral
nila ay “Beth Sefer” (katulad nito
ang elementary level sa atin). Ang curriculum nila dito ay “Torah” - ang unang limang aklat sa
Lumang Tipan (Genesis, Exodo, Levitico, Bilang at Deuteronomio). Ito ang level
para matuto ang mga batang bumasa at sumulat at mag kabisado ng mga kasulatan
sa Torah. At sa panahon na sila ay matatapos sa Beth Sefer sila ay mga nasa 12
o 13 taong gulang na at marami sa kanila ay alam na ang malaking bahagi ng
unang limang libro at marami sa kanila ang kabisado na ang malaking bahagi
nito. Alam nila kung ano ang nasa mga Torah at kaya na nilang unawain at
ipaliwanag.
Pagkatapos ng
ilang kabataan sa Beth Sefer, may ilang may kakayahang magpatuloy sa susunod na
level (Katulad sa atin sa High School level). Ang tawag dito ay “Beth Midrash”. Ang pinag-aaralan nila
dito ay ang mas malalim na kahulugan sa Torah at nagpapatuloy sa “Tenach” (Tenah) - ito ang mga sulat ng
mga propeta at ilan pang aklat sa Lumang Tipan. Kagaya ng sa una ay
pinag-aaralan nila ito at kinakabisado ang lahat ng nakalagay dito.
Pagkatapos
naman nila sa Beth Midrash, may ilan at mas kunti ang may mas kakayahang
magpatuloy at may posibilidad na maging isang tinatawag sa Hebreo na “Talmid” - ito ang salitang hebreo na ang
ibig sabihin ay disipulo. Ang isang seryosong mag-aaral na nagnanais na maging
isang Talmid ay magsisimulang mag hanap ng isang magaling na guro. Para siya ay
piliin na maging talmid kailangan niyang pakitaan ito ng di matawarang
karunungan na meron siya sa kanyang mga pinagdaanang pag-aaral sa Kasulatan.
Ikakabisa niya rito ang buong Kasulatan. Ipapakita niya ang galing niya sa
pagpapaliwanag at pagsasalita sa mga Kasulatan. At kapag na impress na ang guro
sasabihin nito sa kanya na, “come follow me” (sumunod ka sa akin o magiging
disipulo kita). Nangangailangan talaga ng matinding disiplina ang mga nais
maging talmid.
Ang pagiging tunay na disipulo
Ang pagiging
Talmid o disipulo sa panahon nila ay ang taong may matindi at di mapantayan na
pagnanais na maging katulad ng kanilang guro. Gustong gusto niyang gayahin kung
ano ang ginagawa nya - kung papaano siya kumilos at magsalita. Ganun din dapat
sa mga taong gustong maging tagasunod ni Jesus. Gaano ba ang kagustuhan mong
maging katulad ni Jesus? Maging katulad Niya na naging kalugod-lugod sa Ama.
2 Pedro 1:17
“Nang tanggapin Niya mula sa Ama ang karangalan at
kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang
kaluwalhatian ng langit na nagsabing, ‘Ito ang minamahal Kong Anak na lubos
Kong kinalulugdan.’”
Bakit
kinalulugdan ng Ama si Jesus? Dahil sabi ni Jesus sa Juan 8:29, “sapagkat lagi Kong ginagawa ang
kalugud-lugod sa Kanya.”
Muli, gaano ba
ang kagustuhan natin na mamuhay na tulad ni Jesus at maging kalugod-lugod sa
Diyos
Come Follow Me
Hindi tulad ng
sa panahon ni Jesus, hindi natin kailangang ipakita o patunayan sa Kanya na
tayo’y karapat-dapat na maging disipulo Niya. Hindi rin tayo ang naghanap sa
Kanya at nag sabing nais kong maging tagasunod Niya. Nakita natin na si Jesus
ang pumunta sa mga ordinaryong tao at nagsabi sa kanila na “come follow me.”
Ito ay isang dakilang biyaya na hindi dapat bale-walain. Hindi ang nawawalang
tupa ang maghahanap sa kanyang pastol. Laging ang pastol ang naghahanap sa
kanyang nawawalang tupa. Tandaan natin ito:
Roma 8:28-29
28. “Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang
Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya, silang mga tinawag ayon sa
Kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang
magiging Kanya at ang mga ito’y pinili upang maging tulad ng Kanyang Anak. Sa
gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid.”
Imposible
Mula sa ating
mga nakita masasabi natin na ang ibig sabihin ng biblikal na disipulo ay ang
isang taong may matindi at di mapantayang pagnanais na maging katulad ni Jesus
- ang maging kalugud-lugod sa Diyos Ama dahil sa pagsunod sa nais Niya.
Tandaan natin
na imposible na maging isang disipulo o taga-sunod ng sinuman at hindi mauwi sa
pagiging katulad ng taong iyon. Sabi ni Jesus, “Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang
lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro.” (Lucas 6:40). Iyan ang
lubusang punto ng pagiging tunay na disipulo ni Jesus: ginagaya natin Siya,
ginagawa rin ang ministeryo Niya, at ang maging katulad Niya sa proseso. Iyan
ang ibig sabihin ng pagiging isang tunay na Kristiyano. Lahat kasi ngayon ay
nagsasabi na sila ay Kristiyano na hindi naiintindihan kung ano ba talaga ang
ibig sabihin nito. Ang salitang Kristiyano ay isang tawag na panlait sa mga
unang mananampalataya. Tinatawag silang mga munting Kristo o Kristiyano. Pero
sa mga tinatawag ng ganito ito ay hindi panlait kundi isang karangalan sa
kanila na tawaging Kristiyano kasi ibig sabihin nito na nakikita ng mga taong
ito si Kristo sa kanilang pamumuhay.
Tayo ba na
nagsasabi na isang Kristiyano o disipulo ni Kristo ay nakikita sa atin ng ibang
mga tao si Kristo sa kilos natin, sa salita natin at gawa? Papaano nangyayari
ito? Halimbawa, kung merong mga taong umaapi sa atin, o gumagawa ng mga hindi
magagandang bagay ano ang ginagawa natin sa mga umapi sa atin? Binabangit ba
natin ang salitang, “lintik lang ang walang ganti?” O pinapatawad natin sila at
pinapalangin sa Ama na sila’y patawarin at pagpalain gaya ng ginawa ni Jesus sa
mga nagpako sa Kanya sa krus? Sa simpleng salita ay ginagaya natin kung ano ang
ginagawa ni Jesus sa bawat sitwasyon. Ang tanong muli ay nakikita ba ng iba na
namumuhay tayo ng tulad ni Jesus?
Basahin natin
ang mga talatang ito at nawa ay mangusap sa inyo ang Panginoon:
1 Juan 2:6
“Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay
dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo."
Efeso 5:1-2
“1 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos,
tularan ninyo Siya. 2 Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil
sa Kanyang pagmamahal sa atin, inialay Niya ang Kanyang buhay bilang mabangong
alay at handog sa Diyos.”
Juan 13:13-17
“13 Tinatawag ninyo Akong Guro at Panginoon, at tama
kayo, sapagkat ganoon nga Ako. 14 Kung Ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay
naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa.
15 Binigyan Ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan ninyo,
ang alipin ay hindi nakakahigit sa Kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa
nagsugo sa Kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y
gagawin ninyo.”
Efeso 4:22-24
“22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na
ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23
Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang dapat ninyong isuot ay ang
bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at
banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.”
Efeso 2:5-8
5 Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay
Cristo Jesus. 6 Kahit taglay Niya ang kalikasan ng Diyos, hindi Niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng
Diyos. 7 Sa halip, kusa Niyang binitawan ang pagiging
kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak Siya bilang tao. At
nang Siya'y maging tao, 8 nagpakumbaba Siya at naging masunurin hanggang
kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus.”
Nawa ay maging
sapat ang mga Salitang ito ng Panginoon na mangusap sa bawat isa sa atin na
naririto at mahamon na tayo ay mamuhay na tulad ni Jesus.
(Utusan sila
na sabihin sa kanilang mga katabi na mamuhay tayo na tulad ni Kristo).
Groupings:
Hatiin sila sa
grupo na may dalawa hanggang tatlong miyembro lamang.
Pag-isipan:
1. Bakit mahalaga sa isang taong nagsasabi na siya ay
isang Kristiyano o disipulo ni Kristo ang mamuhay na tulad ni Jesus?
2. Ano ang posibleng dahilan kung bakit may mga taong
nagsasabi na sila ay Kristiyano ngunit hindi nakikita sa buhay nila ang
pamumuhay na tulad ni Jesus?
3. Gusto mo bang maging katulad ni Jesus?
Pagsasabuhay:
1. Ano sa tingin mo ang mga dapat mong gawin upang tayo ay makapamuhay ng tulad ni Jesus?
2. Ano sa tingin mo ang mga dapat alisin o baguhin sa iyong buhay upang ikaw ay makapamuhay na
tulad ni Jesus?
Pananalangin:
Ipanalangin sa Diyos na tulungan tayong isabuhay ang mga ginawang desisyon sa pag-aaral na ito.
Sa susunod ay pag-aaralan naman natin ang bakit dapat nating gawin ang pagdidisipulo sa pangalawang bahagi n gating pag-aaral.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento