Biyernes, Marso 18, 2022

Be W.A.T.C.H.ful – in Your Word (Part 1 of 5)

 


Be W.A.T.C.H.ful – in Your Word
Theme verse: 2 Timothy 4:5 (NKJV)

2 Timothy 4:5 (NKJV)
“But you be watchful in all things…”

Isa sa mga pinayo ni Pablo sa kanyang disipulo na si Timoteo ay itong talatang nabasa natin sa 2 Timothy 4:5, “be watchful” – sa lahat ng bagay. Ang tanong ay bakit? Sabi sa 1 Pedro 5:8,
“Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa.” Ito ang dahilan kung bakit dapat nating panghawakan ang turo ni Pablo kay Timoteo na laging mapagbantay sa lahat ng area ng ating buhay. Ngunit saang area ng ating buhay ang ating babantayan? Para masagot ito gagamitin natin ang salitang WATCH sa ating pag-aaral. Meron tayong limang bahagi sa pag-aaral na ito:

Be watchful in your…
Word
Action
Thought
Company
Heart

Simulan natin ang pag-aaral sa…

I. Word

Isang paalala sa Salita ng Diyos sa Kawikaan 18:21 ay nagsasabi na,
“Ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay. Kaya mag-ingat sa pagsasalita sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.” Lagi tayong may pagpipilian bago mag salita. Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan na sabihin kung ano ang gusto nating sabihin. Ngunit dapat nating alalahanin na ang ilang mga salita ay nagdudulot ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, at nag-uugat sa takot. Ang ilang mga salita ay nagdudulot ng liwanag at pag-asa, at nakaugat sa pag-ibig. Meron tayong mga salita na dapat nating sabihin at mga salitang hindi natin dapat sinabi. Mayroon tayong mga salita na nagpapatibay, at may mga salitang nakakasira.

Naniniwala ako na kapag nagsasabi tayo ng isang nakakatakot na bagay sa isang lugar, ang takot ay mararamdaman sa lugar na iyon. Ganoon din sa pag-ibig, kapag nagsalita tayo ng may buhay at pag-ibig ang mga bagay na ito ay nararamdaman at nahahayag. Maraming sinasabi ang Kasulatan tungkol sa ating mga salita:

“Ang taong nag-iingat sa kanyang mga sinasabi ay nakakaiwas sa gulo.”
– Kawikaan 21:23

“3 Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. 4 Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang. 
Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, 8 ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.” - Santiago 3:3-12

33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig.”
– Mateo 12:33-34

“Ang pabigla-biglang salita ay nakakasugat ng damdamin, ngunit ang magandang salita ay nagpapagaling.”
– Kawikaan 12:18

Marami pang talata ang mga katulad nito ang makikita natin sa Bibliya pero ang dalangin ko ay nagbigay paalala itong mga talatang ito sa atin. Kailangan nating mapigilan ang ating mga dila sa masasamang salita. Pero paano yung sinasabi sa Santiago 3:8…
na nagsasabi na, “ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay.” Ano pa ang point na subukan ito kung imposible namang ito’y mapigilan? Sabi ni Jesus sa Mateo 19:26, “Imposible ito sa tao; pero sa Diyos, ang lahat ay posible.” Malinaw na ang paraan para mapaamo at mapigilan ang dila ay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Banal na Espiritu; ang problemang ito ay imposible na malutas o mabago sa pamamagitan ng sarili.


Papaano natin ito magagawa? Tignan natin ang limang paraan para mapaamo natin ang ating dila.

A. IALAY ANG IYONG PUSO, ISIP AT DILA SA 
PANGINOON ARAW-ARAW.

Sa bawat araw, sa pag-gising sa umaga ay lagi nating ipanalangin sa Panginoon ang sinasabi sa Awit 141:3, “Panginoon, tulungan N
ʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.” Ipanalangin na protektahan ng Diyos ang iyong isip mula sa mga kaisipang humahantong sa mga salita na nakakapagpawasak. Sa pananalangin natin ay mapapaalalahanan natin ang ating sarili na ang lahat ng salita natin ay dapat nakakapagbigay puri at kaluwalhatian sa Diyos. Sabi sa Hebreo 13:15, “Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa Kanya.” Ito rin ang magiging tanda sa atin kung ano ang nilalaman palagi ng ating puso’t isipan. Sabi sa Lucas 6:45, “Ganoon din naman ang tao. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti dahil puno ng kabutihan ang puso niya. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama dahil puno ng kasamaan ang puso niya. Sapagkat kung ano ang nasa puso ng isang tao, iyon din ang lumalabas sa kanyang bibig.”


B. IPANALANGIN NA BIGYAN KA NG DIYOS NG KAMALAYAN/KONSENSYA 
SA IYONG MGA SALITA      

May nakapagsabi na, “Tikman mo muna ang iyong salita bago mo idura.” Ibig sabihin ay tanungin mo muna sa iyong sarili kung ang sasabihin mo ba ay sabihin mo sa iyong sarili ay ano ang mararamdaman mo? Alamin mo kung ano ang posibleng mararamdaman o dulot ng mga salitang bibitawan sa isang tao. Kailangan natin ng pag-unawa at ang biyaya ng Diyos upang tulungan kang manatiling mulat sa iyong mga salita. Maging intensyonal.

Kung dapat kang magsalita, gawin ito nang may katapangan. Kung ikaw ay dapat na manatiling tahimik, gawin ito nang may katapangan.

Awit 19:14
“Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran Mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.”

Dapat nating panagutan ang bawat salitang lumalabas sa ating bibig.

C. ISUKO ANG IYONG KARAPATANG 
MAGREKLAMO

Isa marahil ang madalas na lumabas sa bibig natin ay ang pag-rereklamo. Pero gaya nga ng unang paalala na kung magiging aware tayo ay hindi ito maganda o gusto ng mga tao sa ating paligid. Kahit man tayo siguro ay ayaw makasama ang mga taong reklamador. Maraming paalala ang Salita ng Diyos patungkol sa bagay na ito:

Filipos 2:14-16a
“14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay.”

Efeso 5:9
“Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom.”

1 Corinto 10:10
“Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.”

1 Pedro 4:9
“Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob.”

Mula sa mga talatang ito makikita natin na ang pagrereklamo ay hindi isang maliit na bagay lamang ngunit madalas na lumalabas sa bibig natin. Sa halip na pagrereklamo ang laging lumabas sa ating bibig ano ang dapat nating ipalit dito? Sabi sa 1 Tesalonica 5:18,
“at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.”

Iwasan natin ang laging malungkutin dahil sa daming reklamo sa buhay. Sikapin nating laging piliing maging masaya ano man sitwasyon dahil ito ay nakakabuti sa atin. Sabi sa Kawikaan 17:22,
“Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan, at ang malungkuti'y unti-unting namamatay.”

D. HUMINGI NG TAWAD SA ANUMANG MGA 
SALITA O UGALI NA HINDI NAGPAPAKITA NG PAGMAMAHAL

Dapat tayong lahat ay matutong humingi ng tawad sa anumang ginawa nating mali maging sa bawat mga salitang hindi maganda na lumabas sa bibig natin. Sabi sa Santiago 3:2,
“Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.”  Mag laan tayo ng oras na dumulog sa Panginoon upang mag sisi at humingi ng tawad tungkol sa mga salita na sinalita mo na nakakasakit. At kung may naalala kayong nasaktan ngayon at alam nyo o napag-alaman nyo na sila ay nagalit sa inyo o nagtampo ay agad makipag-ayos sa kanila. Sabi sa Mateo 5:23-24, “Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.” Kaya iwasan na natin ang mga salitang ito:

a. Salitang paninira o panlalait
Kawikaan 11:9
“Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira, ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.”

Efeso 5:4
“Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos.”

b. Salitang mararahas
Kawikaan 15:1
“Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.”

c. Salitang masakit
Kawikaan 15:4
“Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao, ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso.”

d. Salitang kasinungalingan
Kawikaan 25:18
“Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.”

Muli, kung ito man ay nasalita natin laban sa ating kapwa ay agad na humingi ng tawad sa Panginoon at sa taong nasaktan.

E. SANAYING MAGSALITA NA 
NAKAKAPAGHIMOK, NAKAKAPAGPASAYA, 
NAKAKAPAGPALAKAS, AT NAKAKAPAG BIGAY INSPIRASYON

Hilingin natin sa Diyos na gabayan tayo sa pagsasalita ng mga salita na magpaparangal sa Kanya at makakamit ang Kanyang mga layunin. Ang layunin natin ay makapagsalita ng salitang nakakapag bigay buhay. Iyan ang mga paalala ng Diyos sa Kanyang Salita:


Colosas 4:5-6
“5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. 6 Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.”

Efeso 4:29
“Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig.”

Kapag may kausap tayong iba laging nating paalalahanan ang ating sarili na dapat pagkatapos natin silang makausap ay sikapin natin silang ma-encourage, ma-comfort, ma-edify, at ma-inspire. Ano ang ibig sabihin ng mga ito? Ang hikayatin o encourage ay nangangahulugan ng pagbibigay ng suporta, pagtitiwala, o pag-asa. Ang ibig sabihin naman ng aliw o comfort ay aliwin, pakikiramay o palayain mula sa sakit na nararamdaman. Ang ibig sabihin naman ng pasiglahin o edify ay linangin, paunlarin, at patatagin. At ang pagbibigay inspirasyon naman ay nangangahulungan ng pag-udyok, pagpapasigla, at pagpapalakas.

Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na ang mga natutunan natin ngayon ay ating maisabuhay.

_______________________________________________________________


PAG-ISIPAN:

1. Sa anong pagkakataon nagagamit mo ng hindi tama ang iyong mga salita?
2. Sino ang madalas na nakakarinig ng mga salita mo na hindi tama? Ano sa tingin mo ang nagiging epekto o nararamdaman nila?
3. Ano sa tingin mo ang magiging epekto sayo kung lagi kang nagsasalita ng hindi tama at hindi magaganda? Ano naman sa tingin mo kung lagi kang nagsasalita na maganda?


PAGSASABUHAY:
1. Meron ka bang mga taong nasaktan ng dahil sa iyong mga pananalitang hindi tama? Ano ang gagawin mo?
2. Ano ang mga salitang madalas mong nababanggit na hindi tama? Ano ang gagawin mo sa mga ito at ano ang ipapalit mong mga salita dito?
3. Kabisaduhin ang natin ang talatang ito:

Awit 141:3
“Panginoon, tulungan Nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.”

PANANALANGIN:
Ipanalangin sa Panginoon na tulungan tayong maisabuhay ang ating nagawang pagsasabuhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...