Pagtatalaga ng Tahanan/Negosyo/Ari-arian sa Panginoon
Una sa lahat sa ating pasisimula nais kong maunawaan natin bakit ba natin ginagawa ang bagay na ito? Ang paghahandog hindi lang ng mga sanggol o bata maging ng mga tahanan, business, mga gamit o pag-aari ay naging bahagi narin ng kulturang Kristiyano. Muli bakit ba natin ginagawa ito?
Awit 127:1
“Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan; maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay, ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.”
Nang naisin ni Solomon na itayo ang bahay ng Panginoon, inutusan siya ng kanyang amang si David na gawing bahagi ang Diyos sa kanyang plano. Ito ay kasing halaga ng pagtatayo ng gusali na nangangailangan ng pagtatrabaho at pagsisikap at ang pagtatayo nang walang Diyos ay walang kabuluhan. Kahit na si Solomon ay nagtayo ng mga palasyo at kastilyo, binalaan siya na huwag alisin ang Diyos sa kanyang mga plano bilang isang pundasyon na walang patnubay ng Diyos.
Ano ang pinapakita ng talatang ito sa atin? Ang talatang ito ay nagpapakita sa atin na kahit na ang mga gumawa ng bahay o anuman ay mga magagaling na mga arkitekto na maraming alam sa larangang ito, ang gusaling ito ay maaaring gumuho kung ito ay itatayo nang walang patnubay ng punong arkitekto na walang iba kundi ang Panginoon. “Eh, Pastor bakit maraming mga tao na hindi kumikilala sa Diyos pero nananatiling matatag ang kanilang mga bahay, gusali at ari-arian?” Hindi po literal na guguho ang gusali ang tinutukoy ko dito, ibig sabihin pwede kang yumaman sa sarili mong kaparaanan na wala ang Diyos sa plano mo pero ang lahat ng ito sa dulo ng iyong buhay ay walang pakinabang at walang kwenta. Ito ang isinalaysay ni Jesus sa isang talinhaga sa Lucas 12:16-21,
“Isang
mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi
niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking
mga ani! 18 Alam ko na!
Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko
ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos, ay
sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon.
Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’
20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y
babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa
iyong sarili?’ 21 Ganyan
ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha
naman sa paningin ng Diyos.”
Hindi natin ginagawa ito para suwertehin ang bahay na ito, o business o anumang pinapahandog natin sa Diyos. Ginagawa natin ito kasi kinikilala natin na anuman ang meron tayo ngayon, ito ay mula sa Diyos.
Awit 115:1
“Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan, hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang…”
Ginagawa natin ito dahil pinagkakaloob at pinagkakatiwala natin ito sa Diyos na ito ay magamit para sa Kanyang kaluwalhatian.
Ginagawa natin ito kasi hinahayag natin na Siya ang maghahari sa lugar na ito at tayo ay Kanyang pinaghaharian.
At kung
magagawa natin ito ang aasahan nating bunga nito na ito ay pagpapalain. Ito ang
mas magandang gamitin na salita kaysa salitang swerte. Dahil sa Diyos ay walang
aksidente. Ang lahat ay nangyayari ayon sa Kanyang kalooban.
Pero nais ko
pong ipaalala sa atin muli na ang lahat ng meron tayo ngayon ay hindi natin
madadala sa kabilang buhay.
Job 1:21
Ang sabi ni (Job), “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
Merong inaasahan ang mga anak ng Diyos na isang tahanan sa langit na si Jesus mismo ang gumawa.
Juan 14:2
“Sa bahay ng Aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin Ko ba sa inyong pupunta Ako roon upang ipaghanda Ko kayo ng inyong matitirhan?”
Hebreo
13:14-15
“14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 Kaya't lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa Kanyang pangalan.”
Kaya ang ating pag-asa ay wala sa mundong ito. Huwag nating ilagak ang ating pag-asa at sekruridad sa mga bagay at ari-arian sa mundong ito dahil ito ay pansamantala lamang.
1 Juan 2:17
“Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng mga bagay na pinagnanasaan ng mga tao, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.”
Ang lahat ng ito
ay ipinangako sa lahat ng mga anak ng Diyos kapag sila ay namatay na sa mundong
ito. Ang tanong sa ating lahat ngayon na naririto ay kung tayo ba ay mamamatay
ngayon tayo ba ay nakakasigurado na sa ating kaligtasan? Nakakasigurado ba tayo
na makakamit at mapanghahawakan natin ang mga pangakong ito? Ano ba ang gagawin
ko upang makamit ko ang mga pangakong ito?
Una po ay maging mula’t tayo sa katotohanan kung ano ang ating pinaka matinding problema. Ang matinding problema po natin ay hindi mga babayarin, gastusin, mga gawaing dapat tapusin, sakit o ano paman. Ang matinding problema natin ay nagkasala tayo sa Diyos.
Awit 5:5
“Ang mga palalo'y di makakatagal sa Iyong harapan, mga gumagawa ng kasamaa'y Iyong kinasusuklaman.”
At sino ang gumagawa ng kasamaan na kinasusuklaman ng Diyos?
Roma 3:23
“Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”
At ano ang bunga ng kasuklamang ito ng Diyos sa ating mga nagkasala?
Roma 6:23
“Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan”
Hebreo 21:8
“…ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
Ito ay nagpapakita ng matinding problema ng tao na hindi natin kayang solusyunan sa sarili nating mga kaparaanan. Kailangan nating tanggapin ang katotohanang ito at aminin na tayo ay nag kasala sa Diyos at humingi sa Kanya ng pagliligtas. Na Siya lamang ang ating inaasahan. At kung ito ay ating gagawin sabi sa Mateo
Mateo 5:3
“Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.”
Hindi ninais ng Diyos na ang lahat ay mapahamak kaya gumawa Siya ng paraan upang ang lahat ng umaasa sa Kanya ay maligtas at ito ay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus.
Juan 3:16
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Makakamit natin ang kaligtasan at mapapabilang sa tahanang nakalaan sa Kanyang mga anak kung tayo ay magsisisi at sasampalataya sa Kanyang Anak na si Jesus.
Marcos 1:15
Sinabi Niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”
Ang tanong ano ba ang ibig sabihin ng pananampalataya? Ano ba ang pinagkaiba nito sa paniniwala? Dahil alam kong lahat naman tayo dito ay naniniwala sa Panginoong Jesus pero ano ba ang ibig sabihin ng pananampalataya? Nais kong ikwento ang “kwento ng sirkero.”
“Isang sirkero ang nais ipakita ang kanyang kakayahang tumulay sa alambre sa harapan ng maraming tao. Tinanong niya ang mga tao, “Naniniwala ba kayo na kaya kong tumawid sa alambreng ito”. Sumagot ang mga tao, “OO naniniwala kami”. Tumawid siya at nakatawid siya ng matagumpay. Nagpalakpakan ang mga tao.
Muling nagtanong ang
sirkero, “Naniniwala ba kayo na kayang kong tumawid tulak ang karmatilya (wheel
barrow) na ito na may sakay na aso?” Sumagot uli ang mga tao na may kasamang
sigawan, “OO naniniwala kami”. Tumawid and sirkero at matagumpay na nagawa ito.
Nagsigawan at nagpalakpakan ang mga tao. May sumisigaw pa na “more, more”.
Sa huling pagkakataon nagtanong ang sirkero, ito ang sinabi niya, “Dahil ito na ang huling pagtawid ko, gagawin ko na ang pinakamahirap. Sino ang naniniwala na kaya kong tumawid ng patalikod na may sakay na tao sa karmatilya?” Lahat ay sumagot na may pagsigaw at malakas na palakpak, “Naniniwala kami kayang kaya mo”. At sinabi ng sirkero, “Ok, Sino ang magvo-volunteer upang sumakay sa karmatilya”. Nanahimik ang lahat at isa-isang umalis.”
Maaaring tulad ng marami sa kwento ay isa tayo sa sisigaw sa tanong na, “sino ang naniniwala kay Jesus?” at sasagot tayo ng “Ako!” Ang pananampalataya ay isang desisyon na pinagkakatiwala at sinusuko mo ang iyong buhay kay Jesus bilang Hari at Panginoon ng iyong buhay. Gumagawa ka ng isang mabigat na desisyon na si Jesus na ang iyong nais na maghari sa Iyong buhay at sa lahat ng kung ano ang meron ka.
Iyan ang ibig sabihin ng ikaw ay sumasampalataya kay Jesus. Ang lahat sayo ay magbabago.
2 Corinto 5:17
“Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.”
Kung kayo po ay hindi pa humantong sa desisyong ito at ninanais ninyong sumampalataya kay Jesus bilang inyong Taga-pagligtas at Panginoon minumungkahi ko po kayo na kausapin ang Panginoon sa inyong panalangin mamaya o bago matulog. Kausapin nyo Siya ng masinsinan at totoo sa inyong puso. Aminin nyo na kayo ay nagkasala sa Kanya at karapat-dapat lang sa impyerno. Ngunit sinasampalatayanan nyo si Jesus na Siya ang tangi ninyong taga-pagligtas at Panginoon at Hari ng inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, ito ang pangako ng Diyos…
Roma 10:9
“Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay
Panginoon at buong puso kang sasampalataya na Siya'y muling binuhay ng Diyos,
maliligtas ka.”
Ano ang pangko ng Diyos kapag ginawa natin ito?
Juan 1:12
“Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.”
Tayo ay magiging anak ng Diyos at magiging bahagi sa kahariang hinanda ng Kanyang Anak pagkatapos ng buhay natin ditto. Kaya bilang mga anak ng Diyos hindi lang ang bahay, negosyo, ari-arian atbp. ang dapat natin ihandog sa Diyos maging ang ating sarili.
Roma 12:1
“Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang
habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong
sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang
karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.”
Nawa ay naging pagpapala sa bawat isa sa atin ang mga Salitang ito ng Panginoon at naging malinaw sa atin ang ginagawa nating ito at kung bakit ito mahalaga.
Kaya sa
pagkakataong ito bago natin ihandog sa Diyos ang _____________ na ito ay
pakinggan po muna natin ang pasasalamat ng nagpapahandog sa Diyos. Sabi kasi sa
Awit 92:1, “Ang magpasalamat kay Yahweh
ay mabuting bagay,”
(Panahon para magpasalamat sa Panginoon ang nagpapahandog)
Ngayon po ay dadako na tayo sa pananalangin para italaga sa Diyos ang _________________ ito.
Optional: Candle lightning
Ito ay
sumisimbulo sa ating Panginoong Jesus na nagbibigay liwanag. Nais nating
magbigay liwanag si Jesus sa lugar na ito upang ang mga tao ay sumampalataya sa
Kanya.
Juan 1:4-8
4 Nasa Kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng
sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi
kailanman ng kadiliman.
6 Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. 7 Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.
(Panahon para ipanalangin ang paghahandog sa
Panginoon)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento