Be W.A.T.C.H.ful – in Your Action
Theme verse: 2 Timothy 4:5 (NKJV)
2 Timothy 4:5 (NKJV)
“But you be watchful in all things…”
Isa sa mga Pastor na guro ko sa Bible School ang nag kwento patungkol sa isa nilang kasamahan sa kwarto noong nag-aaral pa sila sa Bible School. Kwento niya na lagi daw nila inaasar at binu-bully ang ka-roomate nila na ito. Isang araw ng ito ay mapuno ay sinabi nito sa kanila na, “kapag ako naging Pastor hinding-hindi ko kayo iimbitahan para mag preach sa pulpito ko dahil kilala ko mga tunay nyong ugali!”
Ang kwentong ito ay nag-iiwan ng mensahe sa atin na marami ang nag-oobserba sa buhay natin kung nakikita ba sa buhay natin ang sinasabi natin na tayo ay mga taga-sunod ni Kristo. Maraming mga tao ang ayaw yakapin ang Kristiyanismo dahil natitisod sa mga nagsasabing sila ay Kristiyano ngunit hindi nakikita sa buhay nila. Marami naman ang mga tao ang nadala sa Panginoong Jesus dahil nakita nila ang binagong buhay sa kanilang kaibigan na dahilan para sila ay mahikayat na yakapin din ang pananampalataya kay Kristo. Ito ang paalala ni apostol Pedro sa kanyang unang sulat, “sa mga hinirang ng Diyos sa lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia” (1 Pedro 1:1), na ang mga tao ay nanonood sa bawat galaw natin para makita kung ano ang pagbabago sa ating buhay dahil sa ating sinasampalatayanan. Ang mga tao na hindi mananampalataya ay nasa paligid natin, sabi ni Pedro sa, 1 Pedro 2:12, “Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng Kanyang pagdating.”
Iyan ang ating titignan ngayon bilang pangalawang bahagi sa serye na ating nasimulan nakaraan. Tinitignan natin ang payo ni apostol Pablo ay Timoteo sa, 2 Timothy 4:5 (NKJV), “But you be watchful in all things…” Mula dito ay tinitignan natin kung saang area ng buhay natin ang dapat nating bantayan. Kaya ginamit natin ang salitang “WATCH.” Meron tayong limang bahagi sa pag-aaral na ito:
Be watchful in your…
Word
Action
Thought
Company
Heart
Nasimulan na natin nakaraan ang “Word,” ngayon naman ay dako tayo sa pangalawa, “be watchful in your…
II. Action
Basahin natin muli ang 1 Pedro 2:12:
“Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng Kanyang pagdating.”
Ang ibig sabihin dito ng salitang “makikita,” ay hindi lang isang sulyap na tingin lang kundi ito ay konsentradong pag-oobserba. Ang mga tao sa paligid natin ay nag tatala sa kanilang isip patungkol sa na-obserbahan nila sa atin. May isang Pastor na nakapagsabi sa akin na ingatan ko lagi ang kilos ko sa bawat lugar na pinupuntahan ko dahil normal sa tao at hindi maiiwasan na pag-alis mo ay pag-uusapan ka nila. Pag-uusapan nila ang kani-kanilang obserbasyon sayo. Ang tanong lang sa atin ay ano ang pinag-uusapan nila sa atin? Magandang bagay ba o hindi magandang bagay? Sa ayaw man natin o hindi ay pinagmamasdan tayo ng mga tao sa ating paligid, lalo na kung tayo ay nagsasabi na tayo ay mananampalataya.
What do they watch? Ano ba ang pinapanood nila sa atin? Tinitignan nila kung ang ating pag-uugali ba ay tumutugma sa ating mga paniniwala, kung ang ating paglalakad ba ay tumutugma sa lahat ng ating kinikilos. Ito ba ay tuloy-tuloy na naipapamuhay natin sa buong linggo. Sa madaling salita ay tinigtignan nila kung tayo ba ay may integridad.
Ang tanda ng buhay Kristiyano ay integridad. Iyan ang titignan natin natin sa pag-aaral na ito: Ang kahulungan ng integridad; ang modelo ng integridad; at ang pagpapakita ng integridad. Una nating tignan ay…
I. Ang Kahulugan ng Integridad
Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang "integridad" ay nangangahulugang "isang kundisyon na pagiging walang kapintasan, pagiging ganap, perpeksyon, sinseridad, pagiging marangal, katapatan, kabutihan." Ang integridad sa Bagong Tipan ay nangangahulugan ng "katapatan at pagsunod sa isang pamantayan ng mabubuting gawa." Ang sabi sa Kawikaan 10:9, “Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan, ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.” Ang buhay ng may integridad ay parang bukas na libro. Tumutugma sa pag-uugali nila ang kanilang paniniwala. Ang kanilang paglakad ay tumutugma sa kanilang pananalita. Ang kanilang karakter ay tumutugma sa kanilang inaamin. Kung sino sila pag aral ng Linggo ay iyon din sila kapag araw ng Lunes at sa buong linggo.
II. Ang Modelo ng Integridad
Si Jesus ang perpektong halimbawa ng isang lalaki ng integridad. Pagkatapos na bautismuhan, pumunta Siya sa ilang para mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kung kailan dumating si Satanas sa Kanyang pinakamahinang sandali para subukang sirain ang Kanyang integridad. Si Jesus ay tunay na tao at tunay na Diyos sa parehong panahon, at tinukso Siya sa lahat ng paraan ngunit hindi nagkasala kailanman (Hebreo 4:15); ito ang kahulugan ng integridad. Si Jesus lamang ang nag-iisang walang dungis, perpekto, ganap ang katapatan, at laging nagpapakita ng mabubuting gawa.
Pinatunayan ng Kanyang buhay ang Kanyang kadalisayan at mahusay na pagkatao, na ang kahit ang Kanyang mga kaaway ay nakakapagsabi na lamang sa Kanya ng, “nalalaman po naming Kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao,” (Marcos 12:14). Sa ibang salin ng Biblia ay ganito ang pagkakasabi, “nalalaman po naming Kayo’y taong may integridad.” Kahit na sa pagtatapos ng Kanyang buhay dito sa lupa habang Siya ay nakatayo sa harap ni Pilato sa panunuya ng isang paglilitis, sinabi ng pinuno, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito,” (Lucas 23:4). Walang batayan para sa pagkakasala, walang katibayan ng kasalanan, na natagpuan kay Jesus. Sa madaling salita, ang Kanyang pag-uugali ay tumutugma sa Kanyang paniniwala, ang Kanyang paglalakad ay tumutugma sa Kanyang pananalita, ang Kanyang pagkatao ay tumutugma sa Kanyang pag-amin.
Dahil sa mga kadahilanang ito kung bakit sinabi ni Pedro sa mga mananampalataya na, “Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan Siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan,” (1 Pedro 2:21). Ibinigay sa atin ni Pedro ang halimbawa, ang modelo ng integridad na dapat nating sundin. Kung pinagmamasdan tayo ng mundo, dapat ay pinagmamasdan natin si Kristo. Dapat nating tularan ang Kanyang halimbawa. Dapat nating gawin ang ginawa Niya.
Makakatulong sa atin na kung tayo ay gagawa ng desisyon sa buhay natin o nahaharap sa isang sitwasyon at may pagpipilian tayong dapat gawin ay mainam na tanungin muna natin ang tanong na ito sa ating sarili: “Ano kaya ang gagawin ni Jesus kung sakaling Siya ang nasa kalagayan ko?” Ito ay simple pero makakatulong na malaki sa atin para maging intensyonal na maipamuhay natin ang pamumuhay na tulad ni Jesus na may integridad.
III. Ang Pagpapakita Ng Integridad
Ngunit paano ba natin maisasanay ang ating sarili sa pamumuhay na may integridad bilang pang-araw-araw na pamumuhay? Saan tayo mas napapanood ng mga tao? Sinagot ni Pedro ang mga tanong na ito. Tinukoy niya ang ilang area kung saan sinusubok ang integridad ng mga nagmamasid na sankibutan sa ating mga galaw at kilos. Nagbigay din siya ng ilang praktikal na solusyon na dapat gawin sa mga area na iyon para mapanatili ang ating integridad.
A. Lumayo sa mga mapang-akit na mga sitwasyon.
“Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili.” (1 Pedro 2:11).
Noong ako ay nagtatrabaho pa sa Makati, kada darating ang aming company outing ay hindi na ako sumasama dahil puno ng tukso na pinipilit ko nang talikuran gaya ng pag-iinom ng alak. Dahil kapag nakakaamoy ako ng alak ay baka mahulog na naman ako sa pagkakasala.
Sa mga nakakatuksong sitwasyon ay dapat tayong tumakas, lalo na kung alam natin na ito ang ating kahinaan para mahulog sa pagkakasala. Takbuhan natin ito. Lumayo tayo. Kung ang kahinaan natin ay ang panonood ng porno ay huwag tayong magdala ng cellphone sa banyo o huwag tayong hahawak ng cellphone kapag tayo lang ang mag-isa. Huwag kayong pupunta sa isang lugar na ikaw lang at ang kaiba mo ng kasariaan. Maaarin ding pag-iwas sa mga kaibigan o grupo ng mga tao na maaaring mag-udyok sa atin na magkasala.
B. Magpakita ng respeto sa mga may awtoridad na sitwasyon.
“13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo Niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti…17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador.” (1 Pedro 2:13-14, 17).
Nagpaalala si Pedro sa atin na igalang ang gobyerno at ang mga nagpapatupad ng mga batas para sa gobyerno. Dapat tayong pasakop, o manangan sa kanila. Ito ay tanda ng isang mananampalataya. Ang pagpapasakop ay hindi tanda ng kahinaan; ito ay tanda ng pagpipigil sa sarili. Sinasabi nito sa atin na hindi lagi ang gusto ko ang masusunod sa lahat ng oras.
Ang sinasabi ng integridad na maaaring hindi ko gusto ang batas, pero susundin ko ito. Sinasabi ng integidad na maaaring hindi ko gusto ang tao sa gobyerno o yung nasa awtoridad, pero gagalangin ko ang nasa posisyon. Sinasabi ng integridad na maaaring hindi ko gusto ang direksyon na pupuntahan ng bansa, pero mananalangin ako para sa interbensyon ng Diyos. Sinasabi ng integridad na susundin ko muna ang Diyos, kahit na nangangahulugan ito na dumaranas ako ng parusa sa paggawa ng tama.
C. Sa kapaligiran ng trabaho, panindigan kung ano ang tama.
“Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit.” (1 Pedro 2:18)
Ang pang-aalipin ay laganap sa Imperyo ng Roma. Mga 60 milyong tao ang naging alipin sa panahon nila. Hindi sila itinuturing na mga tao, ngunit sila ay pagmamay-ari ng kanilang amo. Bagama’t wala tayong ganitong pang-aalipin sa ating bansa at panahon ngayon, naaangkop pa rin ang talatang ito. Hayaan nyo kong baguhin ang dalawang salita na angkop sa panahon natin ngayon, “Mga empleyado, magpasakop kayo sa inyong mga employer at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit.”
Bilang mga mananampalataya kay Kristo, ang ating integridad ay dapat gumagawa din sa atin. Ito ay nakikita mismo sa paraan ng pagtrato naitn sa ating mga boss, sa aitng kliyente, at sa mga kapwa empleyado. Ito rin ay nakikita sa paraan ng pagtugon natin sa mga pamamaraan at patakaran ng kumpanya, sa mahirap at kung minsan ay hindi makatarungang mga pagtatalaga, at sa lugar ng trabaho, mismo. Mas nakikita ito sa ating saloobin at paninindigan at katapatan na ipinapakita natin sa lugar kung saan tayo nag tatrabaho. Tandaan natin na ang mga tao sa paligid natin ay nanonood at nag-o-obserba.
Hinihingi ng integridad na manindigan tayo sa kung ano ang tama at matuwid na dapat gawin sa lahat ng oras.
D. Sa pagdurusa, hanapin ang Diyos.
“Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos.” (1 Pedro 2:19).
Ang pinakamalaking pagsubok sa integridad ay kung paano tayo tumugon sa pagdurusa. Walang mas mabilis na paraan para makita ang pagkatao ng isang tao kaysa sa mga problema at sakit. Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit ito ay pinahihintulutan ng Diyos. Kapag dumaan tayo sa pagdurusa, talagang ipinapakita nito kung ano tayo. Nadidiskubre natin ang problema natin at nakikita natin kung sino talaga tayo.
May nakapagsabi na, ”Ang mga Kristiyano ay parang tea bags, hindi malalaman kung ano ang nasa loob hanggat hindi nailalagay sa mainit na tubig.”
Habang tayo ay nabubuhay sa mundong ito, lagi tayong makakaranas ng pagdurusa. Tayo ay laging may mga problema. Magkakaroon tayo ng sakit. Ang tanong lang ay: papaano tayo tumutugon sa mga ito? Isa ito sa mga tinitignan ng mga tao sa atin kung papaano tayo tumutugon sa mga ito.
Sa gitna ng ating pagdurusa hanapin natin ang Diyos. Ang tanong nating ay hindi dapat, “bakit ito nangyayari sa akin?” Sa halip ay, “Ano ang Iyong tinuturo sa akin dito?”
Konklusyon:
Narito ang mga katotohanan: Ang ating integridad ay sinusubok araw-araw, sa halos lahat ng sitwasyon. Pinagmamasdan tayo ng maigi ng mga tao sa ating paligid para makita kung paano tayo tutugon. Ang pagpili ng ating lakad na tumutugma sa ating pananalita, sa ating pag-uugali na tumutugma sa ating mga paniniwala, sa ating pagkatao na tumutugma sa ating pag-amin ay iniiwan na sa atin. Ano ang gagawin natin?
_______________________________________________________
PAG-ISIPAN:
1. Bakit mahalaga ang integridad sa buhay
ng isang Kristiyano?
2. Ano ang mangyayari kung wala tayong
integridad sa
ating kinikilos at pananalita?
3. Ano naman ang magandang maidudulot kung
tayo ay
mamumuhay na may interidad?
PAGSASABUHAY:
1. Saang area ng buhay mo kailangan mo ang integridad?
2. Ano ang mga iiwasan mo (grupo ng mga
tao, kaibigan,
lugar, gawa) para makapamuhay na may
integridad?
3. Kabisaduhin ang talatang ito:
1 Pedro 2:12:
“Mamuhay
kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng
masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa
Araw ng Kanyang pagdating.”
PANANALANGIN:
Ipanalangin sa Panginoon na tulungan tayong
maisabuhay ang ating nagawang pagsasabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento