Linggo, Marso 27, 2022

Aralin sa Kaligtasan (Part 3 of 4) - ANG KASINUNGALINGAN AT ANG KATOTOHANAN SA DAAN


Daan sa Kaligtasan (Part 3 of 4)
ANG KASINUNGALINGAN AT ANG KATOTOHANAN SA DAAN


Sa krus, matagumpay na isinigaw ni Jesu-Kristo, “
Naganap na!” (Juan 19:30) Ganap na ang kaligtasan. Natapos ni Kristo ang kinakailangang gawin para sa kaligtasan. Ngayon, inaalok ng Diyos ang ganap at sakdal na gawa ni Kristo bilang Kanyang kaloob sa atin. Inaalok Niya ang kaligtasan bilang Kanyang biyaya na matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngayon sa ating pag-aaral ay titignan natin ang pagsusumikap ng kaaway na baguhin ang Daan sa kaligtasan sa paglalagay ng mga kasinugalingan dito. Tignan natin ang ilang sa mga ito.

I. PANANAMPALATAYA LABAN SA GAWA

Marahil ay isa kayo o minsang naniwala na ang kaligtasan ay makakamit din sa pamamagitan ng mga gawa – paggawa ng mabuti at pagsunod sa mga utos ng Diyos. Isa sa mga pamilyar ngayon ay ang salitang, “minus o dadag points sa langit.” Ito ay dahil sa paniniwala ng marami na ang kaligtasan ay magiging posible sa performance mo, mas maraming ginawang mabuti mas maraming dagdag points at kapag mas maraming ginawang mali maraming bawas points para makapasok sa langit. Maraming mga politikong kurakot ang namimigay ng pera at tulong sa ibang mahihirap sa paniniwalang kahit na sila ay nagnakaw dahil sa dami ng kanilang ginawang kabutihan ay mataas ang tyansa nila sa langit. Naalala ko nang bata ako ay sinusulat ko sa notebook ko ang mali at tama kong ginawa para malaman ko kung mas lamang ang puntos ko papuntang langit. Kaya binabantayan ko ito palagi.

Maraming tao ang naniniwala na mapapatawad sila sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng mga mabubuting gawa, pero ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos? Sabi sa Roma 3:19-20,
“Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala.” Iyan ang layunin at tulong sa atin ng kautusan para makita at malaman natin ang hindi natin makita na napag-aralan natin noong una - na tayo ay makasalanan at kailangan natin ng Taga-pagligtas.

Bakit isinantabi ng Diyos ang paggawa ng mabuti para maligtas kundi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Jesus? Sabi sa Roma 3:27-28,
“Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampala-taya kay Kristo.Kung gayon, maliwanag na sa pama-magitan lamang ng pananampalataya mapapawalang-sala ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan.” Isinantabi ng Diyos ang pagpapatawad sa tao sa pamamagitan ng gawa dahil ayaw Niya na tayo ay makapagmalaki sa sarili nating gawa. Kasi kung iyon nga ang naging batayan pagdating ng mga tao sa langit ay magyayabangan sila sa kung bakit sila pinapasok sa langit. Ngunit alalahanin natin na isa sa dahilan kung bakit pinatapon si Lucifer sa impyerno ay dahil siya’y nagmalaki sa kanyang sarili sa langit.

II. KALOOB LABAN SA MGA GAWA

Bukod sa ayaw ng Diyos ang pagmamalaki sa langit kaya hindi sa pamamagitan ng gawa ang tao ay maligtas, isa pa sa dahilan kung bakit hindi pwede sa pamamagitan ng gawa ay dahil sa ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos. Sabi sa Roma 6:23, “
Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” Malinaw na ang kaligtasan ay libreng kaloob ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Roma 4:4, “Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran.” Sabi ni Pablo na kung ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng sariling gawa natin ang kaligtasan ng tao ay magiging kabayaran ng Diyos at hindi matatawag na libreng kaloob. Nakay Jesu-Kristo ang kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan. Kaya ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang kaloob na ito ng Diyos?

Juan 1:12 –
“Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa Kanya ay binigyan Niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.”

1 Juan 5:11-12 –
“At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan.”

Muli malinaw na tanging sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesus upang matanggap ng tao ang libreng kaloob ng Diyos na kaligtasan.

III. BIYAYA LABAN SA MGA GAWA

Ang libreng kaloob na ito ng Diyos ay inalok sa lahat ng tao, anoman ang iyong kalagayan, lahi, at kulay. Iyan ang sabi sa 1 Timoteo 2:4,
“Ibig Niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.”  Dahil dito malinaw na ang kaligtasang matatanggap ng mga sasampalataya kay Jesus ay isang biyaya. Ano ang ibig sabihin ng biyaya? Ang biyaya ay pagpapala at kabutihang ibinigay na walang bayad ng Diyos sa mga hindi karapat-dapat. Kalakip ng biyayang ito ay ang gawin tayong matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob. Iyan ang sabi sa Tito 3:7, “Upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ayon sa ipinangakong buhay na walang hanggan.” Yamang ang kaligtasan ay batay sa biyaya at kagandahang-loob ng Diyos, ano ang huwag nating dapat isama rito? Roma 11:6, “At kung iyon ay dahil sa Kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang siyang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.” Kung pipilitin ng tao o ng isang sekta ng relihiyon na ang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng mga gawa ng tao, winawalang kabuluhan nila ang kamatayan ni Jesus sa krus.

Galacia 2:21
“Hindi Ko maaaring tanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo!”

Galacia 5:2, 4
“… binabale-wala ninyo si Kristo. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Kristo at tinanggihan ninyo ang kagandahang-loob ng Diyos.”

Ang buod ng ating pinag-aralan ay makikita natin sa Efeso 2:8-9,
“Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman.”

Muli ang kaligtasan ay makakamit hindi sa pamamagitan ng gawa: paggawa ng mabuti, pagsunod sa kautusan, pag-anib sa isang relihiyon, pagpapabautismo, at anumang mga kulturang gawaing panrelihiyon.

Galacia 2:16
“Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami rin ay sumasampalataya kay Kristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat ang tao'y hindi pinapawalang-sala dahil sa pagsunod sa Kautusan.”

PAGSISISI AT PANANAMPALATAYA

Ano ang tanging gawa para tayo’y maging matuwid sa harapan ng Diyos?

A. Minasan makikita natin na ang kaligtasan ay sa 
pamamagitan lang ng 
    pananampalataya:

Gawa 11:17
“Kung ibinigay nga sa kanila ng Diyos ang gayon ding kaloob na gaya naman ng Kaniyang ibinigay sa atin, nang tayo'y nagsisisampalataya sa Panginoong Jesu-Kristo, sino baga ako, na makahahadlang sa Diyos?”

Gawa 14:23
“At nang makapaglagay na sa kanila ng mga matanda sa bawa't iglesya, at nang makapanalanging may pag-aayuno, ay ipinagtagubilin sila sa Panginoong kanilang sinampalatayanan.”

Gawa 16:31
“At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.”

B. Minsan makikita naman natin na ang kaligtasan 
ay sa pamamagitan 
    lang ng pagsisisi:

Gawa 2:38
“At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.”

Gawa 3:19
“Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon.”

Gawa 8:22
“Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangain ka sa Panginoon, na nawa’y patawarin ka Niya sa iyong hangarin.”

Gawa 17:30
“Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Diyos; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos Niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako”

Gawa 26:20
“Kundi nangaral akong unang-una sa mga taga Damasco, at sa Jerusalem din naman, at sa buong lupain ng Judea, at gayon din sa mga Gentil, na sila'y mangagsisi at mangagbalik-loob sa Diyos, na mangagsigawa ng mga gawang karapatdapat sa pagsisisi.”

C. Minsan makikita namn natin na ang kaligtasan ay 
sa pamamagitan ng 
    pagsisisi at pananampalataya:

Gawa 20:21
“Na sinasaksihan ko sa mga Judio at gayon din sa mga Griego ang pagsisisi sa Diyos, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”

Marcos 1:14-15
“Pagkatapos ngang madakip si Juan, ay napasa Galilea si Jesus na ipinangangaral ang evangelio ng Diyos, At sinasabi, Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio.”

Mula sa mga talatang ito makikita natin na hindi natin dapat paghiwalayin ang pagsisisi at pananampalataya. Sabi ni John Murray, "Imposible na paghiwalayin ang pananampalataya at pagsisisi. Ang ligtas na pananampalataya ay napuno ng pagsisisi, at ang pagsisisi ay napapuno ng pananampalataya.”

Papaano natin mapapakita ang ating pagsisisi?

A. Ang pagsisisi ay may nakapaloob na pagkilala ng 
ating kasalanan at 
    pagiging makasalanan

Awit 51:4-5
4 Sa Iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang ginawa ko'y di Mo kinalugdan; kaya may katuwiran Ka na ako'y hatulan, marapat na ako'y Iyong parusahan. 5 Ako'y masama na buhat nang isilang, makasalanan na nang ako'y iluwal.”

B. Ang pagsisisi ay nakikitaan ng emosyonal na 
kalungkutan laban sa
    kasalanan

2 Corinto 7:9-10
“9 Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan.”

C. Ang pagsisisi ay may nakapaloob na 
pagdedesisyong lumayo at  
    tumalikod na sa kasalanan

2 Corinto 12:21
“Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.”

Papaano naman natin mapapakita ang ating pananampalataya?

A. Ang pananampalataya ay may nakapaloob na 
pasang-ayon kay Kristo

Juan 20:31
“Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan Niya.”

B. Ang pananampalataya ay may nakapaloob na 
kaalaman tungkol kay 
     Kristo

1 Corinto 15:1-4
“1 Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. 2 Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya. 3 Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Kristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; 4 inilibing Siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan”

C. Ang pananampalataya ay may nakapaloob na pagtitiwala kay Kristo

Juan 1:12
“Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos”

Papaano naman natin maipapaliwanag ang sinasabi sa Santiago 2:14-20?

14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. 18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa?

Kinokontra ba nito ang turo ni Pablo na tanging sa pananampalataya lang at hindi sa pamamagitan ng gawa ang kaligtasan? Tinuturo ba nito na maliligtas ang tao hindi lang sa pamamagitan ng pananampalataya kundi sa pamamagitan din ng gawa? Para masagot natin iyan ay tignan natin kung sino ang sinulatan ni Santiago sa 1:1-2, “1 Mula kay Santiago, lingcod ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo: Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa iba't ibang bansa. 2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok.” Dito makikita natin na tinawag ni Santiago ang kanyang mga sinulatan na mga kapatid at binati na mga hinirang ng Diyos. Nakarating sa kaniya na hindi nakikita sa buhay nila ang pagiging taga-sunod ni Kristo. Kaya sinulatan niya sila para paalalahanan na bilang mga mananampalataya ay dapat nakikita ang bunga nito – ang bunga ng pananampalataya ay ang mabubuting gawa. Kung ikaw ay sumampalataya ngunit hindi nakikita sa buhay mo ang bunga ang pananampalataya mo ay sa nguso lang, hindi ikaw tunay na ligtas. Kaya ang gawa ay bunga hindi daan sa kaligtasan.

______________________________________________

PAG-ISIPAN:
1. Bakit hindi sa pamamagitan ng sariling gawa maliligtas ang tao?
2. Maliligtas ba ang tao sa pamamagitan ng pag-anib sa isang iglesya, pagsunod  
    sa utos ng Diyos? Bakit?
3. Kailang nagiging mahalag ang mabuting gawa?

PAGSASABUHAY:
1. Ano ang magiging epekto sayo matapos mong malaman na ang kaligtasan ay 
    pwede mong makamit o nakamit sa pamamagitan ng kagandahang-loob 
    at biyaya ng Diyos?

2. Papaano mo maipapakita ang mabuting gawa sa linggong ito sa mga tao
    sa iyong paligid?

PANANALANGIN:
Ipanalangin ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan tayo ng Diyos na maipamuhay ito.

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...