Sabado, Marso 12, 2022

Daan sa Kaligtasan (Part 1 of 4) - ANG ATING MGA PROBLEMA SA DAAN SA KALIGTASAN

 Daan sa Kaligtasan (Part 1 of 4)

ANG ATING MGA PROBLEMA SA DAAN SA KALIGTASAN

 


Lahat tayo dito ay may problema. Pero anong maaaring mga problema ang dahilan para mabalisa, di makatulog, at matakot ng sobra ang isang tao ngayon? Maaaring pagkakaroon ng malalang sakit, pagkakaroon ng malalaking bayarin, o maling gawa na may hindi magandang kahihinatnan. Lahat tayo ay may problema at ito ay magkakaiba. Pero merong problema ang lahat ng tao na hindi natin alam. Dahil kung alam ito ng lahat ay lahat ay mababalisa, di makakatulog, at matatakot ng sobra na dahilan para gawin ang lahat para matakasan o masolusyunan ito. Ano ang mga problemang ito? Ito ang problema patungkol sa kaligtasan.

Ang layunin ng ating pag-aaralan na may apat na part ay maging tunay at tiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Layunin nating masagot ang tanong na, “paano ako maliligtas?” Tatawagin natin ang serye ng pag-aaral na ito na,
“Daan sa Kaligtasan.” Sa unang bahagi ng pag-aaral natin ngayon ay may layunin naman na makapagmulat sa atin sa katotohanan na tayo ay may problema na mag tutulak sa atin para makagawa ng tamang desisyon ano man ang kalagayan nyo ngayon sa espirituwal – kayo man ay hindi pa sigurado sa inyong kaligtasan o nagsasabi na isa na siyang mananampalataya. Kaya ang ating pamagat po ng ating pag-aaralan ay “ANG ATING MGA PROBLEMA SA DAAN SA KALIGTASAN.”

Tignan natin ngayon ang mga problema sa daan sa kaligtasan.

I. Ang Problema sa Maling Akala

Ang espirituwal na panlilinlang ay ganap na possible. Ang isa sa pinaka nakakatakot na talata para sa akin bilang Pastor ay ang Mateo 7:21-23. Pakinggan natin ang sabi ni Jesus:

“Hindi lahat ng tumatawag sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa Akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong 
pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ Ngunit sasabihin Ko sa kanila, ‘Hindi Ko kayo kilala. Lumayo kayo sa Akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”

Ang talatang iyan madalas na nagbibigay sa akin ng kabigatan bilang Pastor na isipin na merong mga tao, maraming mga tao, na sinabi ni Jesus, na magugulat isang araw na malaman nila na, bagama’t tinuro at sinabi sa kanila na sila ay ligtas sa harapan ng Diyos, hindi pala. Na merong maraming tao, sa araw na iyon, na magugulat na akala nila sila ay na sa tamang daan na magdadala 
sa kanila sa Kaharian ng Diyos, pero ang reyalidad ay sila ay nasa daan patungong impyerno. Iyan ay nakakatakot.

Kung tutuusin, kung titignan natin muli ang talatang ating binasa, may pinanghahawakan ang mga taong ito na sila ay ligtas dahil sa magagandang bagay na ginagawa nila. Maaaring marami sa atin ngayon na hindi natin nagagawa ang mga pinagmamalaki nila tulad ng pangangaral ng Salita ng Diyos, pagpapalayas ng demonyo at paggawa ng isang himala. Ang mga ito kung titignan natin ay masasabi natin na tiyak na ang mga taong ito ay ligtas. Pero nakakagulat na sinabi ni Jesus na hindi sila ligtas. Paano nalang tayong mga taong hindi manlang nagagawa ang kahit isa sa mga ito. 

Huwag ninyo itong kaligtaan. Si Jesus ang nagsabi nito. 
Ito yung sermon sa bundok, Mateo 7. Siya ay nagsasalita, hindi sa mga atheist at sa mga agnostic at sa mga pagans at sa mga heretic; Siya’y nagsasalita sa mga relihiyosong tao. Mga debotong reliyoso, na mga nag-aakalang sila’y mga ligtas, pero hindi naman. Mga taong magugulat kapag nalaman nila isang araw na sila ay hindi makakapasok sa Kaharian ng Diyos. Ang reyalidad dito, sa Mateo 7: posible na maloko natin ang ating sarili pag dating sa ating espirituwal na kondisyon. Posible na madaya natin ang ating sarili pag dating sa importanteng tanong sa buhay - “papaano ako maliligtas? Tulad nila marahil marami sa atin ngayon dito na kampante na ligtas tayo kasi lagi naman tayo nagsisimba, kasi tumanggap naman tayo kay Jesus at sumunod sa panalangin ng pagtanggap.

Naniniwala ako na maraming tao ang mapupunta sa impyerno na mabubuting tao at mababait sa paningin natin. Kasi marami ang nag-iisip na ito ang daan sa kaligtasan, na ito ang paraan para maligtas. Naniniwala din ako na marami ang mapupunta sa impyerno na mga taong minsang nag sabi sa buhay nila dito na sila ay sumasampalataya kay Jesus. Ang problema lang ay hindi nakita sa kanila ang pagbabago. Iyan ang problema kapag pakitang-tao lang ang ating pagiging Kristiyano. Iyan ang problema kapag tayo’y Kristiyano lang sa nguso at hindi sa puso. Sabi nga sa Santiago 1:22-25,

“22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.”

Kaya ang tanong sa ating ngayon ay, sino tayo kapag tayo lang at walang nakakakita? Doon lalabas kasi ang tunay na pagkatao natin at tanda ng kalagayan ng ating espiritu.


II. Ang Problema na Dulot ng Kasalanan

Noong pasimula, napakalapit ng kaugnayan ng tao at ng Diyos. Ang sa kanila’y matalik na pagkakaibigan, at hindi lamang malamig na pakikipagtunguhan ng Manlilikha at nilikha sa isa’t-isa. Nilalang ng Diyos ang tao upang Kanyang ibigin, at upang ibigin din naman 
Siya ng tao. Ang nais Niya’y malayang makalapit sa Kanya ang tao at maglingkod sa Kanya dahil sa pag-ibig, at di dahil sa takot. Gayunman, sa pamamagitan ng ating unang magulang, ang magandang ugnayan ay nawala dahil sa kasalanan. At naglaho sa ating buhay ang pakikisama ng Diyos. Ano ang dahilan ng nasirang pagkakaibigan?

Roma 5:12
“Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala.”

ISAIAS 59:2
 
“Ang masama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos. Nagkasala kayo kaya hindi ninyo Siya makita, at hindi Niya kayo marinig.”

Malinaw na ang kasalanan ang naging
pangunahing dahilan upang masira ang magandang ugnayan ng tao sa Diyos. Nag bigay ang Bibliya ng dalawang paraan kung papaano tayo nahuhulog sa kasalanan:

1. SANTIAGO 4:17
“Ang nakakaalam na dapat niyang gawin ang mabuti ngunit hindi iyon ginagawa ay nagkakasala.”

2. 1 JUAN 3:4
“Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan.”

At lahat tayo ay guilty sa bagay na ito. Sabi nga sa Roma 3:23,
“Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”

Maaaring may mga taong makakapag mayabang sa sarili na kung ikukumpara nila ang kanilang sarili sa iba hindi naman sila ganoon kasama. Pero ano ang nakikita ng Diyos sa puso ng tao?

MARCOS 7:20-22
“At sinabi rin Niya, ‘Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya."

Nakikita sa puso ng lahat ng tao na ito ay marumi. Ang kasalanan ay hindi panlabas na kilos lamang. Maaaring ito’y isang masama o maruming isipang-kinikimkim sa puso. Halimbawa, ayon sa pamantayan ng Diyos, ang taong namumuhi sa kapwa ay nagkakasala sa anong kasalanan?

1 JUAN 3:15
“Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao.”

Isa pang halimbawa, sa anong paraan din magagawa ang kasalanang pangangalunya bukod sa pagganap nang tuwiran dito?

MATEO 5:28
“Ngunit sinasabi Ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso.”

Ilan lamang ito sa daan pang mga talatang mababasa sa Biblia na nagpapakita kung gaano tayo makasalanan sa paningin ng Diyos. Pinapakita lang nito na lahat tayo nagkakasala; may mali o masamang nagawa sa ating buhay at maling desisyon na nagawa –pero may mas malala pa tayong problema dito.


III. Ang Problema na malala

May mas malala pa sa katotohanan na tayo ay nagkasala. Maaaring magkasala ako sa bata pero hindi ito mabigat na problema. Pero kung nagkasala ako kahit na sa maliit na bagay lang sa Presidente ng North Korea, o kay Queen Elizabeth magdasal dalasal kana. Makikita natin ang bigat ng kasalanan sa kung kanino tayo nag kasala. Kaya ang unang malalang problema natin ay hindi dahil sa nagkasala tayo, ang malala natin problema ay…

A. Nagkasala tayo sa Diyos
Punta tayo sa Genesis 3, ang simula ng pagpasok ng kasalanan sa sanlibutan, para mapaalalahanan tayo sa kung ano talaga ang sentro ng kasalanan.

Genesis 3:1-7
1 Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?” 2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.” 4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! 5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam Niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.” 6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. 7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.”

Ano ang mga katotohanang makikita natin dito?

a. Tinakwil natin ang Salita ng Diyos
Gusto kong mapansin ninyo dito kung paano nagsimula ang kasalanan. Ang unang talata sa Genesis 3, “Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos…” Ngayon, dapat itong si Eba ay naghinala na sa panahon na narinig niya ang salitang, “totoo bang sinabi ng Diyos,” at dapat din naghinala siya sa kung bakit nagsasalita ang ahas sa kanya. Isa lang ang mga iyan para maghinala.

Mas malalim pa dito, ang tanong na, “
totoo bang sinabi ng Diyos…” sa unang pagkakataon sa patagong paraan. Ang palihim na ito, ay mapanlinlang na kaisipan na dumating sa sanlibutan, na ang Salita ng Diyos ay nasa ilalim ng husga ng tao, at ito ang humihimok sa kasinungalingan… ang kaisipang iyon ay humihimok sa kasinungalingan mula pa noon. Ito ay popular nasalita na, “totoo bang sinabi ng Diyos?” Ito ay delikado. Tinanggihan natin ang Salita ng Diyos at ito’y pinagdududahan. Dahil kung hindi ito totoo sa mga tao mas magtitiwala sila dapat sa Salita ng Diyos – ito’y kanilang babasahin araw-araw, pagbubulayan, susundin at ipamumuhay. Pero mas pinagkatiwalaan ng tao ang mga hula, horoscope, pamahiin, kasabihan, paniniwala, kultura, fung sui, mga salita ng mga maimpluwensyang tao, atbp. – sa madaling salita tulad nila Eba’t Adan mas pinakinggan ng tao si Satanas.

b. Tumanggi tayong magpasakop sa Diyos
Giniit natin ang kalayaan mula sa Diyos. Sinabi ng Diyos, “Huwag kayong kumain ng bunga sa punong iyan.” Pero ang sabi natin, “kakain parin kami doon, hindi ikaw ang masusunod sa amin.” At ito ay totoo rin sa ating lahat at nakikita natin sa ating sarili na hindi tayo nagpapasakop ng kalooban ng Diyos. Hindi lang ito…

c. Tumanggi tayong kilalanin Siya.
Ito si Eba, sa kanyang kasalanan. Ang kasalanan naman ni Adan ay nagsasabi, “Ang kaparaanan ng Diyos ay hindi mabuti para sa amin. Ang kaparaanan namin ay mas mabuti. Hindi mabuti ang Diyos sa amin, mas mabuti ako.” Nakita nyo yung essence ng kasalanan dito? Mas pinagkatiwalaan nila Eba’t Adan si Satanas kaysa magtiwala sa Diyos. Ang nakakatakot dito…sa panahon na nagkakasala tayo, hindi man natin tuwirang sinasabi ito, pero ito ang larawan natin na nagsasabi sa Diyos na, “Ang kaparaanan mo ay hindi mabuti. Meron akong mas mabuting kaparaanan. Hindi ako nagtitiwala Sayo.” Ito ang ating kasalanan.

Ang pangalawang malalang problema natin ay


B. Ang kahihinatnan ng pagkakasala natin sa Diyos.

Ano ang bunga ng pagkakasala nating ito sa Kanya?

a. Pagkahiwalay sa Diyos
Roma 3:23
“Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”

b. Kamatayan
Roma 6:23
“Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan”

c. Walang hanggang buhay sa impyerno
Hebreo 21:8
“…ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”

Ang kamatayang espiritwal ay hindi lamang pagkahiwalay sa Diyos ngayon. Ito’y nangangahulugan ng walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos at walang katapusang kaparusahan sa lawang Apoy – ang impyerno. 
Ipinakita ng ilang talata sa itaas ang kalagim-lagim na kalagayan ng lahat ng tao, bunga ng kasalanan. Sinasabi ng Diyos na wala tayong magagawa upang maligtas ang ating sarili. Talagang, ito’y larawan ng kawalang pag-asa.

Ito ba ay alam ng lahat ng tao? Duda ko hindi. Dahil kung mulat ang lahat sa katotohanang ito, ito ay magdudulot ng lubusang kabalisaan gaya ng kung papaano tumutugon ang tao sa kanya-kanyang mabibigat na problema. Ngayong nanalaman at naunawaan nyo na ang totoong problema ng tao patungkol sa kaligtasan, meron itong dalawang hamon sa bawat-isa sa atin:

1. Sa mga hindi pa mananampalataya
Sa mga hindi pa mananampalataya ang pagtanggap sa katotohanang ito na ating pinag-aralan ang magiging unang hakabang para hanapin ang kaligtasan sa Diyos. Hindi hihingi ng tulong ang tao kung hindi niya nakikita na kailagan nya ng tulong. Importante na pagbulay-bulayan mo ito at harapin ang katotohanan.

2. Sa mga nagsasabing sila ay mananampalataya na
Ito ay panahon para suriin ninyo ang inyong sarili.

2 Corinto 13:5
“Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Kristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok.”

Tiyakin ang iyong kaligtasan. Isa pa ay kung talagang nauunawaan natin ang mabigat na problema ng mga taong hindi pa kumikilala kay Jesus ay buong tiyaga nating ibabahagi ang Magandang Balita, naniniwala ako na higit lalo sa ating mga mahal sa buhay at kaibigan.

 

_________________________________________________________________

PAG-ISIPAN:
1. Paaano napupunta sa maling akala ang mga taong nagsasabing sila’y ligtas ngunit hindi pala?
2. Ano ang pinaka matinding problema ng tao patungkol sa kaligtasan?
3. Nakikita bas a buhay mo ang tanda na ikaw ay tunay na ligtas may nakakakita man o wala?


PAGSASABUHAY:
1. Ano ang iyong napagtanto patungkol sa iyong sarili sa harap ng Diyos? Karapat dapat ba tayong parusahan ng Diyos sa impyerno? Bakit?
2. a. Kung ikaw ay hindi pa tiyak sa iyong kaligtasan ano ang unang hakbang na dapat mong gawin para ang kaligtasan ay maging posible sayo?
b. Kung ikaw ay tiyak na sa iyong kaligtasan sino ngayon ang nais mong bahaginan ng Magandang Balita?


PANANALANGIN:
Ipanalangin na tulungan tayo ng Diyos na maisabuhay ang ginawang desisyon sa pag-aaral.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...