Linggo, Marso 20, 2022

Daan sa Kaligtasan (Part 2 of 4) - ANG ATING DAAN PATUNGO SA DIYOS


Daan sa Kaligtasan (Part 2 of 4)
ANG ATING DAAN PATUNGO SA DIYOS

Nakaraan nakita natin ang malaking problema natin – nagkasala tayo sa Diyos at ang mga kahihinatnan natin dahil sa pagkakasala sa Kanya. Ang parusa sa kasalanan ay kamatayan. May dalawang paraan upang mabayaran ang parusang ito: una, dapat mamatay ang bawa’t tao dahil sa sariling kasalanan; o, ikalawa, sinumang walang kasalanan ay maaaring mamatay alang-alang sa may mga kasalanan. At sa pangalawang pag-aaral natin ay titignan natin ang daan patungo sa Diyos. May apat na bagay tayong titignan sa pag-aaral na ito: Ang Anak ng Diyos; Ang Kanyang Kamatayan; Ang Kanyang Muling Pagkabuhay; at Ang Daan.

Simulan natin sa…

I. ANG ANAK NG DIYOS

Marcos 1:1
“Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos.”

A. Si Jesus ang tunay na Anak
Ang Anak ng Diyos ay walang iba kundi si Jesu-Kristo. Sa panahon natin ay maraming nagsasabi na sila ang Kristo at ito ay hindi kataka-taka dahil noon pa man ay nagbigay na ng babala si Jesus patungkol sa bagay na ito. Sabi Niya sa Mateo 24:5, “Maraming paparito sa pangalan Ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw.” Malinaw na wala ng Kristo na inaasahang pang darating. Ngunit sabi sa talata na marami silang maliligaw. Hindi ito kataka-taka dahil ito ang sabi sa 2 Corinto 11:14 na, “Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag.” Kaya mag-ingat tayo.

B. Ito’y pinatunayan ng Diyos
Ipinahayag ni Jesus na ang Diyos ang Kanyang Ama na Siyang kinapahamak Niya. Sabi sa Juan 5:18, “Lalo namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay Siya, sapagkat hindi lamang Niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa Niyang ang Diyos ang Kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang Kanyang sarili sa Diyos.” Ang mga taong nagpapanggap ay pinapahayag nila na ang Diyos ang kanilang Ama at sila ang Anak ng Diyos. Pero hindi ito pinatotohanan ng Diyos. Ngunit kay Jesus ito’y pinatotohanan ng Diyos. Sabi sa Mateo 3:16-17, “Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad Siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa Kanya. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan!”

C. Ito’y pinatunayan ng Kanyang buhay
Sabi ng mga tao na, “don’t judge the book by its cover,” pero ang sabi ni Jesus ay, “judge them by its cover.” Sabi ni Jesus sa Mateo 7:16-20, “16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? 17 Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Kaya't makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.” Kaya madaling malaman ang mga huwad na mga tao na nagsasabi na sila ang Kristo – tignan nyo ang kanilang pamumuhay.

Pero anong uri ng buhay ang ibinuhay ni Jesus? 1 Pedro 2:22,
“Hindi Siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman.” Namuhay Siya ng malinis upang maging karapat-dapat na maghandog ng buhay para sa ating mga makasalanan.

II. ANG KANYANG KAMATAYAN

Dumating si Jesus sa mundong ito para ialay ang Kanyang buhay sa mga makasalanan. Pero bakit?

A. Upang iligtas ang mga makasalanan

1 Timoteo 1:15
“Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Kristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila.”

Si Jesus ay dumating sa mundong ito upang tayong mga makasalanan na may malalang problema ay magkaroon ng pag-asa. Dumating Siya sa mundong ito para iligtas ang mga makasalanan dahil hindi natin kayang iligtas ang sarili sa sariling kaparaanan.

B. Upang maiharap tayo sa Diyos.

1 Pedro 3:18
“Sapagkat si Kristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu.”

Si Jesus bilang matuwid ay namatay para sa ating mga hindi matuwid upang tayo’y muling maibalik sa Diyos.

III. ANG KANYANG MULING PAGKABUHAY

1 Corinto 15:3, 4
“Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Kristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing Siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan.”

A. Ang mga saksi
Si Jesus ay hindi nanatiling patay. Ang kamangha-manghang bagay na nangyari sa Kanya pagkatapos Niyang mamatay ay ang muli Niyang pagkabuhay. Ito ay isang hindi kapani-paniwala na pangyayari kaya mahalaga ang mga saksi sa pangyayaring ito. Kanino Siya nagpakita ng Siya ay muling nabuhay? 

1 Corinto 15:4-8
“inilibing Siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; at Siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita Siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. At nagpakita rin Siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol. Sa kahuli-huliha'y nagpakita rin Siya sa akin (Pablo), kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon.”

May mga nakapagsabi na maaaring nabayaran lang daw sila para magsabi ng kasinungalingan. Kabaligtaran ang nangyari dahil sa kanilang patotoo na si Jesus ay muling nabuhay nawala ang lahat sa kanila maging ang kanilang buhay. Tignan natin kung papaano ba namatay ang mga apostol dahil sa kanilang patotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus:

Simon Peter
– Pinako sa krus ng pabaligtad.
Andrew, kapatid ni Peter – Pinako sa krus.
James, anak ni Zebedee – Pinugutan ng ulo ni Herod Agrippa I.
John, kapatid ni James – Tinapon sa kumukulong mantika pero nabuhay kaya ipinatapon sa isala ng Patmos at doon namatay sa katandaan.
Matthew – Namatay sa pagpapahirap sa Ethiopia
Bartholomew, kilala tawag ding Nathaniel – Binugbog sabay pinako sa krus.
Philip – Pinako sa krus.
Thomas – sinaksak hanggang sa mamatay.
Simon, na makabayan – Pinako sa krus.
James – Binato hanggang sa mamatay.
Thaddaeus, kilala din sa tawag na Judas na anak ni James - Binato hanggang sa mamatay.

Walang taong matino ang mamamatay ng brutal para sa isang kasinungalingan. Isa lang ang ibig sabihin nito, tiniis nila ang grabeng pahirap na ito dahil totoo ang kanilang patotoo.

B. Ang pangko
Tiniis ng mga saksi ang matinding hirap sa kanilang pagpapatotoo dahil pinang hawakan nila ang pangako ni Jesus sa Kanyang muling pagkabuhay. Sabi sa Juan 14:19, “Kaunting panahon na lamang at hindi na Ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit Ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy Ako, mabubuhay rin kayo.” Alam ng mga apostol at mga Kristiyanong namatay dahil kay Kristo na ang kaunting panahon na paghihirap ay hindi matutumbasan ng pangakong kanilang pinanghahawakan.

C. Ang bunga
Sapagkat nabubuhay si Jesus magpakailanman maliligtas ang lahat ng sasampalataya sa Kanya. Sabi sa Hebreo 7:25, “Dahil dito, lubusan Niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, sapagkat Siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.”

Si Jesu-Kristo ang tanging tulay ng tao sa Diyos. Bilang Anak ng Diyos, wala Siyang kasalanan at maaaring mamatay para sa iba. Pagkamatay Niya alang-alang sa mga tao, Siya’y nabuhay mula sa mga patay. Sa pamamagitan ng pagkabuhay na ito’y iniligtas Niya ngayon ang mga taong lumalapit sa Diyos sa pamamagitan Niya.

IV. ANG DAAN

A. Ang dapat gawin
May dalawang bagay na dapat gawin ang mga makasalanan upang sila ay lumipat mula sa kamatayan patungo sa buhay – Ang pakikinig sa salita ni Jesus at pananampalataya sa nagsugo sa Ama.

Juan 5:24
“Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa Aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa Akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan.”

Dalawa lang ang tao sa mundo ang mga sumampalataya at mga hindi sumampalataya. Ang mga sumapalataya ay may buhay na walang hanggan at ang mga hindi sumampalataya ay mananatili sa kanila ang poot ng Diyos. Makikita natin iya sa Juan 3:36,
“Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.”

B. Wala nang iba.
Bukod sa pananampalataya kay Kristo wala nang iba pang paraan para mapatawad ang tao sa kanyang kasalanan at magkamit ng buhay ng walang hanggan. Tignan natin ang ilang mga talatang ito:

Gawa 4:12
“Sa Kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas."

Juan 14:6
“Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko.”

Ang salitang “Ang (The)” ay tinatawag na definite article sa Engles. Ang indefinite article naman ay “ay (a).” Ano ang pinagkaiba ng dalawang ito? Tignan ang halimbawa ng pangungusap na ginamit:

Indefinite article:
“Ako ay gwapo.”
- Ibig sabihin nito na sinasabi niya na isa lang siya sa marami pang gwapo.

Definite article:
“Ako ang gwapo.”
- Ibig sabihin nito na sinasabi niya na siya lang ang gwapo at wala ng iba pa.

Kaya ng ginamit ni Jesus ang definite article na “ang” ng sinabi Niya na, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay,” malinaw na sinasabi Niya na wala ng iba bukod sa Kanya.

______________________________________________

PAG-ISIPAN:
1. Bakit si Jesus ang tunay na Anak ng Diyos?
2. Bakit namatay si Jesus sa krus?
3. Bakit mahalaga na si Jesus ay muling nabuhay?
4. Sabi sa napag-aralan natin na si Jesus lang ang tanging daan sa Ama. Sa inyong palagay ano ang iba pang ginawang daan o paraanan ng tao sa pag-aakala nila na isa pang daan para maligtas ang tao bukod kay Kristo


PAGSASABUHAY:
1. Tulad ni Jesus na namuhay na malinis, ano ang mga hakbang na gagawin mo upang makapamuhay ka ng malinis sa harap ng Diyos?
2. Nakita natin ang mga pagtitiis na hinarap ng mga apostol at mga Kristiyano sa kasaysayan ng dahil sa pagsunod kay Kristo. Ano ang sakripisyo na kaya mong ibigay sa Diyos tanda ng pagsunod mo sa Kanya?
3. Ikaw ba ay sumasampalataya kay Jesus na Siya lamang ang Panginoon at Taga-Pagligtas ng iyong buhay?

PANANALANGIN:
Ipanalangin ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan tayo ng Diyos na maipamuhay ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...