Name of God: The God Who Sees Me (El Roi)
Mamuhay ng Lihim
Basahin: Mateo 6:1-8
(29 of 366)
“Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh” (1 Samuel 16:7)
Minsang sinabi ni Shakespeare, “Ang buong mundo ay isang entablado, at lahat ng lalaki at babae ay mga manlalaro lamang.” Maaaring totoo iyan para sa ilan, ngunit pagdating sa mga Kristiyano, hindi interesado ang Diyos na makakita sa kanila ng mga aktor na pakunwari lang ang lahat sa gawaing pangrelihiyon.
Ang paggawa ng mabubuting bagay upang mapabilib ang mga tao, o kahit na mapahanga ang Diyos, ay gawa na may maling motibo. Sapat na ang nakita ng mga tao noong panahon ni Jesus tungkol diyan. Ang mga pinuno ng relihiyon sa panahon nila ay gumagawa ng mga bagay na makakakuha ng atensyon ng tao habang ginagawa nila ang mabuting bagay. Sabik sila sa palakpak ng iba.
Tinuligsa ni Jesus ang pag-uugaling ito at itinuro ang isang bagong paraan ng pamumuhay ayon sa ating pananampalataya: ang mamuhay ng lihim. Hindi Niya ibig-sabihin na itago ang ating pananampalataya. Ang gusto Niyang ituro na ang ating motibo sa paggawa ng mabubuting bagay ay para bigyang kasiyahan ang El Roi, ang Diyos na nakakakita sa akin. Inilarawan ni Jesus ang Kanyang sinasabi sa mga pamilyar na gawain. Sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod na magbigay, manalangin, at mag-ayuno ng lihim, sa halip na gawin ang mga bagay na ito para sa papuri ng iba.
Hindi madaling magtrabaho nang palihim. Maaari tayong makaradam ng hindi pinapahalagahan o nabalewala kung iba ang nakinabang sa ating mga pagsisikap. Ngunit nakikita ng El Roi ang ating mga pagsisikap at ang ninanais ng ating mga puso. Gagantimpalaan Niya tayo, at ang Kanyang gantimpala ay palaging mas mabuti kaysa panandaliang palakpakan.
Pagbulayan:
Ano ang nag-uudyok sayo sa paggawa ng mabuti? Ang palakpakan ng mga tao sa iyo o ang mabigyang kasiyahan ang Diyos? Paano ikaw dapat tumugon sa kakulangan ng pagpapahalaga ng mga tao sa iyong ginagawa na mabuti?
Panalangin:
El Roi, ngayon ay nangangako akong maglingkod sa Iyo nang buong puso sa halip na hanapin ko ang papuri ng iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento