Lunes, Mayo 30, 2022

Ano ang daan tungo sa Kaligtasan?

Tanong: 


Ano ang daan tungo sa Kaligtasan?

Sagot:

            
Si Hesu Kristo ang tanging “daan” tungo sa kaligtasan! “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri” (Efeso 2.8-9). “..datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 6.23).

            
Ano ang pinagdadaanan mo ngayon sa buhay? Ikaw ba ay dumadaan sa pagkakasala, kalituhan, kaguluhan, kahirapan, kalungkutan, sakit, kapaguran, galit at kawalan ng pag-ibig o kawalang kabuluhan? Sadyang mahirap ang buhay! Si Satanas at ang kasalanan ang dahilan! Napapagod ka na ba sa pakikipag-laban sa tao at sa iyong mga problema? Si Hesus ang daan! Iniibig ka Niya! Si Hesus ang tanging tao at Panginoon na nararapat sundin! Muli ngang nagsalita sa kanila si Hesus, na sinasabi, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa Akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8.12).

            
Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14.6). “Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3.23). “Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Hesus na Panginoon natin” (Roma 6.23). Namatay si Hesus sa krus dahil sa parusang tayo ang dapat dumanas. Ang pagkamatay ni Hesus ang naging daan para sa kapatawaran ng lahat ng tao (1 Juan 2.2; 2 Corinto 5.21). Ginapi Nya ang kasalanan at kamatayan pagkatapos na mamatay sa krus at Siya'y muling nabuhay (1 Corinto 15:1-28). “Na ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na magmuli ng mga patay, sa makatuwid baga'y si Hesu Kristo na Panginoon natin” (Roma 4.1).

            
Nais mo bang magkaroon o makaranas ng higit pang kapayapaan, kagalakan, kaligayahan, pag-ibig, kapanatagan at katagumpayan? Iniaalok ni Hesus ang isang relasyon na magbibigay sa iyo ng lahat ng ito! Tanging sa pamamagitan lamang ni Hesus makararanas ang tao ng kapatawaran, pagmamahal, kapayapaan at kagalakan na nagmumula sa Panginoon (Juan 14.6; Gawa 4.12). Ang personal na relasyon sa Anak ng Diyos ang magbibigay sa iyo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ang buhay na na kay Hesus ang tamang buhay para sa iyo! Kailangan mo Siyang tanggapin upang ika'y maging anak ng Diyos. Kailangan mo ang buong pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya (Mateo 22.37, 39). Subalit hindi lahat ay maliligtas, tanging ang mga nagmamahal lamang kay Hesus ang maliligtas at mapupunta sa langit pagkatapos na sila ay mamatay. Ang ating kaligtasan ay pwedeng matiyak dahil sa Kanyang ginawa para sa atin at sa patuloy Nyang ginagawa sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3.16).

            
Kung nais mong ilagak ang iyong pananampalataya kay Hesu Kristo bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas at tumanggap ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos, narito ang isang panalangin na maaari mong pagbatayan. Ang panalanging ito ay isang paraan upang ipahayag sa Diyos Ama ang iyong pananampalataya sa Kanyang Anak at pasalamatan Siya sa regalo Niyang kapatawaran at buhay na walang hanggan. Tandaan mo na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu:

“Ama sa kalangitan, naniniwala ako sa inyong Anak na si Hesu Kristo, na Siya ang tanging daan upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan. Inaamin kong nagkasala ako laban sa Iyo at nararapat lamang na ako'y Iyong parusahan. Nagsisisi ako sa lahat ng aking mga nagawang kasalanan laban sa Iyo. Nalaman ko at nagpapasalamat ako kay Hesus na aking Tagapagligtas sa pag-ako ng parusang nararapat para sa akin. Dahil kay Hesus binabago ko ang aking pag-iisip tungkol sa paggawa ng kasalanan at hinihiling ko ang iyong tulong upang mapaglabanan ang pagnanasang magkasala muli. Salamat sa iyong kahanga-hangang pangako na buhay na walang hanggan. Tatalikdan ko ang aking mga kasalanan at maglilingkod kay Hesus at magtitiwalang Siya ang babago sa aking pagkatao at magliligtas sa kapahamakan. Sa pangalan ni Hesus, Amen."

(Mula sa gotquestion.org)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) - "Nakikita Ko Ba ang Nakikita Niya?" (30 of 366)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) 


Nakikita Ko Ba ang Nakikita Niya?
Basahin: Santiago 2:14-18
(30 of 366)

“Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?”
1 Juan 3:17)

May isang lalake na kumatok sa bahay ng isang matanda na may sakit at mag-isa sa bahay. Nagpakilala ang kumatok na isang Kristiyano at may ibibigay lang daw na babasahin patungkol sa kaligtasan. Nakita ng lalaking Kristiyano ang lagay ng matanda at sinabi niya na, “Tamang tama tay may ibibigay ako sayo na kailangan mo, ito po babasahin tungkol sa kung papaano maligtas.” Pagkatapos ay umalis na ang lalaki na pikit-mata sa pangangailangan ng matanda.

Karamihan sa atin ay sobrang daming ginagawa at wala nang oras sa pagtulong sa iba. Marami ang abala sa pagtupad ng magagandang bagay para sa Panginoon. Nagmamadali sa ministeryo, ngunit nabibigong maglingkod sa mga pangangailangan ng iba sa paligid.

Sa liham ni Santiago sa mga mananampalataya, pinakita sa kanila ang tila hindi tumutugma sa kanilang kinikilos ang mga sinasabi ng mga Kristiyanong ito na sila ay nananalig sa Diyos. Hindi tinutukoy ni Santiago ang tungkol sa kaligtasan dito dahil mga ligtas na ang kausap niya kaso may nakapagsabi sa kanya na hindi nakikita sa buhay nila ang bunga ng kanilang pananampalataya kaya sinulatan niya sila. Pinakita niya ito sa kanyang punto ng sabihin niya sa talata 15 na,
“Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain.” Nais ng El Roi na makita natin ang kanilang pangangailangan at gumawa sa pangangailangang ito.

Gaano kadalas natin pinalampas ang pangangailangan ng isang tao, hindi dahil hindi tayo nagmamalasakit, kundi dahil sa sobrang abala natin sa maraming bagay upang makita kung ano ang nakikita ni El Roi?

Pagbulayan:
Paano ko mas makikita ang pangangailangan ng iba upang matugunan ang mga pangangailangang nakikita ni El Roi sa mga tao sa aking paligid?

Panalangin:
El Roi, buksan Mo po ang aking mga mata sa pangangailangan ng mga tao na nais Mo pong matugunan ko ang pangangailangan nila.

Gawa 4:1-31 - "With All Boldness"

With All Boldness 


Scripture: Gawa 4:1-31
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" -
Exalting Jesus in ACTS

Gawa 4:1-31
1 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio, ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. 2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil ipinapangaral nila sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki. 5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga tagapanguna ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 6 Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. 7 Pinaharap nila ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” 8 Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at pinuno ng bayan, 9 kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling
dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni 
Jesu-Kristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang Jesus na ito, ‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang Siyang naging batong-panulukan.’ 12 Sa Kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.” 13 Nagtaka ang buong Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nalaman din nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Sanedrin, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila; hindi natin ito maikakaila. 17 Pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman tungkol kay Jesus upang huwag nang mabalita ang pangyayaring ito.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsasalita o magtuturo pang muli tungkol kay Jesus. 19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.” 21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taĆ³ng gulang. 23 Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. 24 Nang marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, Kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nilalaman nito! 25 Kayo po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na Inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo, ‘Bakit galit na galit ang mga Hentil, at ang mga tao'y nagbabalak ng walang kabuluhan? 26 Naghahandang makibaka ang mga hari sa lupa, at nagtitipon ang mga pinuno laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang.’ 27 Nagkatipon nga sa lunsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang Inyong Hinirang. 28 Nagkatipon sila kaya't naisakatuparan ang mga dapat mangyari, ayon sa itinakda Ninyo noon pang una. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan Ninyo, pinagbabantaan nila kami. Tulungan Ninyo ang Inyong mga alipin na maipangaral nang buong tapang ang Inyong salita. 30 Iunat Ninyo ang Inyong kamay upang magpagaling, at loobin Ninyo na sa pangalan ng Inyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.” 31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.

Pangunahing ideya ng pag-aaral:

          
Itinala ni Lucas ang isang mainit na pagtatalo sa pagitan ng mga nasa relihiyong establisyemento at ni Pedro’t Juan patungkol sa kanilang pangangaral na nakasentro kay Kristo.

Outline ng ating pag-aaral:

I. Peter and John: Interrupted by the Religious 
Establishment (4:1-4)

II. Peter and John: Bold before the Religious 
Establishment (4:5-12)

III. The Religious Establishment: Paralyzed before Peter 
and John (4:13-18)

IV. Peter and John: Bold before Threats (4:19-22)

V. The Church: Bold in Response (4:23-30)

VI. Conclusion (4:31)

          
Noong 2015 may isang kakila-kilabot na video ang kumalat sa Internet, kung saan pinakita ang brutal na pagpatay sa dalawampu’t isang Egyptian Christians ng teroristang grupo na Islamic State (ISIS). Sa nasabing video, at hindi ko minumungkahing hanapin nyo iyon at panoorin, makikita doon na pinakita ng ISIS ang mga sundalo na nagmamartsa na mga matatapang na mga Kristiyanong martir sa dalampasigan. Pagkatapos, sa espadang hawak nila, pinaluhod ng mga ISIS ang mga bihag at binigyan sila ng pagkakataon na mabuhay sa pagtalikod sa Kristiyanong pananampalataya. Sa biyaya ng Diyos ay nanatili silang tapat sa kanilang pananampalataya at hindi tinalikuran ang pagiging Kristiyano. Bilang tugon, isa-isa silang pinugutan ng ulo ng mga dumakip sa kanila, habang pabulong nilang sinasabi na, “Jesus, tulungan Mo ako!”

          
Ganito din ang nangyari sa mga kapatid natin sa pananampalataya sa buong panahon ng kasaysayan. Ang mga Kristiyano ay tinututulan, inaaresto, inuusig at pinahihirapan. At sa bahaging ito ng aklat ng Gawa ay napakita ang isang sitwasyon na kung saan tinutulan ng mga oposisyon ang mga lingkod ng Diyos.

          
Habang isinasaalang-alang natin ngayon ang kasaysayan ng mga tumututol sa pananampalatayang Kristiyano, tignan at tanungin natin ang ating sarili kung tayo ba ay nakakaranas din ng oposisyon o sumasalungat sa atin dahil sa pangangaral natin ng Salita na naka sentro kay Jesus. Kung hindi natin nakikita ang ebidensya ng kahit maliit man lang na pag-uusig sa ating buhay, posible na hindi tayo nagiging tapat sa ating paggiging patotoo ni Kristo sa sanlibutan habang ginagawa natin ang Dakilang Atas – o tinatago natin ang ating pananampalataya na dahilan kung bakit walang umuusig sa atin. May preacher na nagsabi na kung saan mo ilalagay si Pablo tiyak magkakagulo doon, at kung saan naman ngayon nagpupunta ang mga Kristiyano merong conference doon! Hindi ko sinasabi dito na hanapin talaga natin ang pag-uusig at mga oposisyon, ang tanong na lalabas sa puntong ito ay: Tayo ba ay may katapangan katulad nila Pedro at Juan pagdating sa pagbabahagi sa iba patungkol kay Jesus?

          
Alam ni Pedro kung ano ang maging duwag at takot. Dahil alam natin na hindi pa lumilipas ang isang daang araw ng isinumpa niya at tinanggi pa na kilala niya si Jesus sa harap ng isang katulong na babae (Juan 18:17). Kung si Judas ginawa niya ang pagkanulo kay Jesus dahil sa kabayaran, si Pedro naman ginawa niya ito ng walang bayad. Kapwa nila pinagkanulo si Jesus. Ngunit mayroong isang bagay na naiiba tungkol kay Pedro sa puntong ito ng kwento. Tignan natin kung bakit ang taong ito ngayon ay wala nang takot sa harap ng mga reliyosong batikan na nagpapako sa kanyang Panginoon sa krus!

I. Peter and John: Interrupted by the Religious 
Establishment (4:1-4)

          
Kasunod ng nakita natin nakaraan na pagpapagaling nila Pedro at Juan sa isang lalaking lumpo, ginamit ito ni Pedro na pagkakataon para maipangaral ang mensaheng naka-sentro kay Jesus – ang Magandang Balita. At ito’y naging dahilan para ang ilan sa mga nakaranig ay magsisi at sumampalataya kay Jesus na muling nabuhay (Gawa 3:11-26). Ito rin ang naging dahilan para makuha ang atensyon ng mga miyembro na nasa religious establishment at sila’y ginambala ng mga ito dahil sa galit nila sa naririnig nilang tinuturo ng dalawa sa mga tao patungkol kay Jesus na muling nabuhay. Dahil dito ay inaresto nila si Pedro at Juan. Gayunpaman ang mensahe ng ebanghelyo na ibinihagi nila ay nanatiling malakas sa buhay at gumana sa mga nakarinig, at marami ang naniwala.

          
Sa talata 1, “dumating ang mga paring Judio, ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo”, na “galit na galit” (talata 2). Ang mga Saduseo ay mga theological liberals sa panahon nila. Ano ba ang pinagkaiba ng grupo ng mga Pareseo at Saduseo. Ang mga Pareso ay ang grupo na gustong panatilihin ang Jewish religious at ang pambansang kalayaan at ayaw nilang magpa-imlpluwensya sa kultura ng Griyego. Ang mga Saduseo naman ay payag na isuko ang ilan sa kanilang Jewish distinctives para makakuha ng ilang gusto nilang mga kalidad na pamumuhay ng Griyego. At itong mga Saduseong ito ay hindi na niniwala sa mga himala tulad ng muling pagkabuhay at mga anghel. Kaya ang matapang na pangangaral na totoo ang muling pagkabuhay na nasaksihan ng mga nangangaral sa buhay ni Jesus ang dahilan kung bakit lahat ng grupong ito ay nagalit sa kanila, lalo na ang mga Saduseo.

          
Ang mga apostol ay hindi nangangaral ng mga patakaran; nangangaral sila ng pagkabuhay na mag-muli. Isa itong paalala sa atin na tuwing ipinapangaral natin at tinuturo ang Salita ng Diyos, na hindi tayo mangahas na magturo ng ilang mga moralidad na panuntunan (halimbawa ang ituro na dapat mong gawin ito, at iyan) para ang isang tao ay maging katanggap-tanggap sa Diyos at maligtas. Sa halip, dapat tayong magpuri sa ating buhay na Panginoong Jesu-Kristo, na ginawa tayong katanggap-tanggap sa harap ng Diyos. Siya ang bayani ng buong Bibliya at Siya lang pinatotohanan ng buong Bibliya. Siya ang ating mensahe. Siya ang ating tema. Kaya masasabi din natin ang nasabi ni Pablo, “Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Kristo. Ang lahat ay aming pinapaalalahanan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Kristo” (Colosas 1:28).

II. Peter and John: Bold before the Religious 
Establishment (4:5-12)

          
Kinabukasan ay dinala sina Pedro at Juan sa harap ng Sanedrin, ang Jewish leadership, upang harapin ang ilang mga katanungan tungkol sa kanilang ipinapangaral na muling pagkabuhay. “ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan” na binanggit sa talata 5 ay mga religious power player sa Jerusalem. Nandoon din si Annas at Caiaphas, na isa sa mga lumitis at nagkondena kay Jesus. Nakakapagtaka na kung bakit ganun kalalaking tao sa sekta nila ang mga dumating para sa dalawang ordinaryong taong ito. Malamang na nakita nila na itong mga disipulo at ang kanilang pagkakalat ng mensahe ay maaaring maging banta sa kanilang kapangyarihan sa lipunan at pulitika. Tinanong nila sa talata 7 na, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” Tandaan natin na si Pedro at Juan ay nakatayo sa harap ng mga makapangyarihang tao sa relihiyon nila na nakita ding sumubok, umaresto, at pumatay sa kanilang Panginoon. Kaya marahil napapaisip din sila kung ipapapako din sila katulad ng ginawa sa kanilang Paninoong Jesus. Kaya paano itong si Pedro tumugon na nakita nating duwag at takot nang nakaraang ilang araw lang sa harap ng isang babaeng lingkod? Kapansin-pansin, na tumugon siya na may katapangan.

          
Makikita natin sa mga talata 10-12 na wala ng takot si Pedro. Bakit? Dahil nang si Jesus ay pinako, si Pedro ay humarap sa babaeng lingkod na mag-isa. Ngayon, sa puntong ito, hindi na siya nag-iisa dahil sumasakanya ang Espiritu ng Diyos!

          
Ngayon, mapapatanong tayo, “diba si Pedro ay napuspos na ng Banal na Espiritu sa Pentecost sa Chapter 2?” Opo, napuspos na siya doon. So ano yung ibig sabihin ni Lucas sa talata 8 na si Pedro ay sumagot na puspos ng Espiritu Santo? Sinasabi dito ni Lucas na ang nanahang Espiritu ay pinasariwa ang kapangyarihan kay Pedro, kung saan nagbigay sa kanya ng kakayahang makapangaral ng may buong katapangan. Ito ay isang kamangha-manghang katotohanan para sa mga mananampalataya. Ang Diyos ay kasama natin magpakailanman at ang Diyos ay madalas nag pupuspos sa atin ng Kanyang supernatural na Espiritu para magawa natin ang Kanyang kalooban. Kaya ito marahil ang katugunan sa panalangin ni Jesus sa Lucas 21:12-15:

“12 Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa Akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa Akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan Ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway.”

          
Sa kanyang sagot ipinahayag ni Pedro na ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus ay magiging katuparan ng propesiya sa Lumang Tipan. Ginamit niya dito ang talata sa Awit 118:22, “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan.” Binigyang diin ng gumawa ng awit na ito na kung papaano ang Lingkod ng Diyos ay tatanggihan ng mga tao ngunit ang banal na Lingkod ay itinaas sa marangal na katungkulan. Ang pinunong Lingkod ay ang bato na kung saan itatayo ang templo. Gayundin, si Jesu-Kristo ay tinanggihan ng mga tao ngunit itinaas Siya sa kanang kamay ng Diyos. Siya ang bato kung saan ang bagong espirituwal na templo ay itinayo.

          
Binigyang diin ni Pedro ang sovereignty ng Diyos at ang pagkakaloob nito sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus. Bilang tugon sa mga tanong ng mga makapangyarihan sa relihiyon nila patungkol sa kung kaninong pangalan at kapangyarihan sila gumawa ng bagay na kanilang ginawa, sinagot ni Pedro na, “sa Mesiyas na kanilang binugbog, pinahiya, tinanggihan, at pinatay –ngunit pinabangon ng Diyos mula sa mga patay – ang kanyang awtoridad. Kilala ni Pedro si Jesu-Kristo bilang Panginoon. Si Jesus ang bagong pundasyon ng isang bagong templo: ang iglesya.

          
Sa huli, buong tapang na sinabi sa kanila ni Pedro na hindi gumana ang kanilang plano. Ang Jesus na inakala nilang patay at nawala na ay nakapagpagaling ng isang tao. At hindi nila mapasinungalingan iyon dahil nakita ng lahat ang himalang nangyari sa lumpong lalake at ang katotohanang ito ay naging isang magandang pahiwatig na si Jesus ay hindi patay kundi buhay. Ang relihiyong kinapapanigan ng mga umuusig sa kanila ay wala sa panig ng pagkilos ng Diyos sa sanlibutang ito, ibig sabihin sila ay nasa malaking kaguluhan. Sila ang totoong nasa paglilitis. Ang lumpong walang pag-asa na minsan nilang itinuring na wala ay ngayon nasa tabi nila Pedro, at kailangan nila kung ano ang naranasang kagalingan ng lumpong ito. At kung ano ang naranasan ng lalaking iyon na pagpapala ay resulta ito mula sa pananampalataya ng mga apostol sa nag-iisang pangalan na makapagliligtas. At ang pangalang iyon ay – Jesus – ang pangalang ayaw ipangaral ng mga religious establishment kina Pedro at Juan. Ngunit ito’y hindi sinunod ng mga apostol.

          
Tignan natin ang ilang bagay na makukuha natin sa kanilang tugon.

A. Be bold because the resurrection is true. (v. 10)
“nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Kristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos.”

          
Sa talata 10 makikita natin na mas tumapang pa si Pedro nang tinuligsa niya ang religious establisment sa kanilang naging papel sa kamatayan ni Jesus. Lumakas ang loob niya dahil sigurado siya at alam niya na kahit pinatay nila si Jesus, binuhay naman Siya ng Diyos mula sa mga patay. Linggo ang lumipas, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at sa pangalan ni Jesus, ang gospel ay kumalat at napatunayang totoo ng mga tanda at himala. Samakatuwid, hindi mapapatahimik ang mga apostol sapagkat alam nila na totoo ang muling pagkabuhay na pinangako na si Kristo. Para kay Jesus, malinaw na ang kamatayan ay hindi huling salita. Gayundin para sa ating mga taga-sunod Niya, ang kamatayan ay hindi katapusan ng lahat.

          
Marahil marami sa atin ang makakaranas ng pisikal na kamatayan at may ilang mapapalad ang mapapabilang sa rapture na hindi makakaranas ng pisikal na kamatayan. Magkaroon din tayo ng katapangan sa pagsunod at pangangaral ng Salita ano pa man ang harapin natin sapagkat ang lahat ng nakipag-isa kay Kristo ay muling mabubuhay tulad ni Kristo. Ang pinakamalala lang na kayang gawin sa atin ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos ay ang patayin tayo sa pisikal, ngunit walang kapangyarihan sa ating espiritu.

B. Be bold out of love for neighbor. (v. 12)
“Sa Kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

          
Makikita natin dito sa talata 12 ang lubos na paanyaya ni Pedro sa mga religious leader na ito na magtiwala sa pangalan lamang ni Jesus. Ang lumpo ay tumanggap ng pisikal na pagliligtas sa pamamagitan ni Kristo. Siya lang din ang nag-iisa na maaaring makapagbigay ng isang higit na paglaya. Ang ebanghelyo ni Jesu-Kristo ay ang magandang balita patungkol sa kung papaano tayo minahal ng Diyos at ibinigay ang Kanyang sarili para sa atin. Ang mga binago ni Jesus ay nakikilala sa kanilang pagmamahal:

Juan 13:35
“Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad Ko.”

1 Juan 3:14
“14 Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang kapatiran. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan.”

1 Juan 4:20
“Ang nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?”

          
Ang pag-ibig ang tumawag sa atin para harapin ang panganib sa paghahanap ng ikabubuti ng iba (kahit na minsan ay kailangan nating magdusa). Ang pag-ibig ay hindi isinasa-alang-alang ang sariling kaluwalhatian. Ang hinahabol niya ay ang mabigyan ng kaluwalhatian ang Diyos at ang kabutihan ng iba. Bilang Kristiyano, dapat nating hangarin ang mga tao na makilala nila ang Diyos at mapatawad dahil iyan ang pinaka mabuti sa kanila at ang resulta nito ay pupurihin nila ang Diyos.

C. Remember the exclusivity of the gospel.

          
Tandaan natin na ang landas patungong kaligtasan ay makitid. Hindi tayo makakalikha ng sarili nating daan patungo sa Diyos batay sa ating sariling pagsisikap o ideya. Ang Diyos ay naglaan ng isang maluwalhating daan para matubos tayo sa ating kasalanan at maging matuwid na matatagpuan kay Kristo. Ang gospel ay parehong hindi tumutugma sa tinatawag nating universalism (na ang lahat ay maliligtas sa huli) at inclusivism (na ang mga hindi Kristiyano ngunit sinama si Jesus sa isa sa kanilang pinaniniwalaan ay maliligtas). Ito ay isang gospel sa modernong pag-iisip na hindi tama. Ngunit ano man ang maaari nating marinig mula sa mga ilang Kristiyanong tagapagturo ngayon, ang early church ang makikita nating gumawa ng eksklusibong claims ni Kristo ng seryoso. Sa tingin ko ginawa nila ito sa ilang kadahilanan:

          
Una, ang sabihing meron pang ibang daan patungo sa Diyos ay nagpapatunay na hindi nagmamahal, dahil ito ay hindi totoo. Itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang Diyos ay nagbigay ng isang paraan lamang. Kahit na meron pang napakalaki at tapat na pananampalataya ang isang tao sa isang diyus-diyosan o sa mga alituntunin, ang mga ito ay hindi makakaligtas. Sa halip, kung kanino tayo sumasampalataya ayon ang makaliligtas at iyon ay walang iba kundi si Jesus. Kahit na parang matulungin at mapagmamahal ang pagsasabi sa iba na meron pang ibang daan patungo sa Diyos, ito ay talagang masama sapagkat ito ay kasinungalingan mula sa kalaban. Sa mga nagsasabi ng ganung bagay, pinipigilan nila ang mga tao sa nag iisang tunay na mapagkukunan ng buhay at iniiwan silang nakakapit sa isang bagay na hindi nakaliligtas.

          
Pangalawa, ang pagsasabi na may iba pang paraan ay isang hindi paggalang kay Jesus. Parang sinasabi na hindi na dapat mamatay si Jesus sa krus dahil kaya namang makapunta sa Ama sa ibang paraan maliban sa Kanya. Kung meron pang ibang paraan sa Diyos, kung gayon ang pagtitiwala sa ginawa ni Jesus sa krus ay nagiging ibang paraan sa gitna ng marami pang daan na pagpipilian sa kaligtasan. Pinapaliit nito ang kaluwalhatian ni Kristo at winawalang-kabuluhan ang Kanyang ginawa. Malinaw ang sinasabi ng Salita ng Diyos na, “iisa ang Diyos, at tanging si Jesu-Kristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos” (1 Timoteo 2:5). At may iisang pintuan lamang, “Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan Ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan” (Juan 10:9), at tinatanggap Niya ang bawat ilalapit sa Kanya ng Ama na sumampalataya sa Kanya (Juan 3:16; 10:29; Roma 10:13). Minahal tayo ni Jesus at dapat namang hangarin natin na Siya’y maparangalan ng tama ng iba. At ito ang pinakamataas na kabutihan na pwede nating ibigay sa ating mga kapit-bahay –upang maluwalhati si Jesus.

          
Marami sa mga hindi naniniwala kay Kristo ay maaaring galit o hindi matanggap ang pagiging ekslusibo nito at ang mensahe ng gospel. Gayunpaman dapat nating sabihin ang totoo na may pag-ibig, kahit alam natin na ang katotohanan, kahit na isipin nila na namimilit na tayo at nanggugulo o sabihan na walang respeto sa kanilang paniniwala. Kung tutuusin iyan ay maliit lamang na peligro sa atin kumpara sa mga naranasan ng early church kung talagang may hangarin tayong ang mga kaibigan, kapamilya, kamag-anak, o mga tao sa paligid natin ay masiyahan sa kung anong meron tayo kay Kristo.

          
Alam natin na merong sakit ang lahat sa espirituwal na dulot ng kasalanan na hahantong sa kamatayan sa impyerno habang buhay. At naglilingkod tayo kasama ng Dakilang Manggagamot na unang nagbahagi sa atin ng gamot sa sakit na ito sa kamatayan, at ito ay mula sa Kanyang kamatayan na malaya Niyang inihandog sa mga nagsisisi at tumawag sa Kanyang pangalan. Kaya, tayo bilang kamanggagawa Niya, ay hindi dapat mabigo na ibahagi ito sa iba.

          
Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na mas mapalapit kay Jesus upang maipakita natin Siya ng buong pagmamahal gaya ng ginawa ng early church. At nawa’y maging matapang tayo na harapin ang anumang panganib sa pagpapatotoo natin kay Kristo habang namamarkahan ng pagiging sensitibo at mainit.

III. The Religious Establishment: Paralyzed before Peter
 and John (4:13-18)

          
Nakita natin sa talata 13 na ang mga religious leader na ito ay nagtaka na ang mga kilalang mangingisda na ito ay matapang na nagsasalita sa kanila ng patungkol sa Banal na Kasulatan. Nakakagulat ito sa kanila dahil alam din nila na ang nagsasalita sa harap nila ay walang pormal na edukasyon at walang pagsasanay na ginawa at hindi nga nila inaasahan na magsalita sila ng may katapangan at kumpiyansa. Ang tanging paliwanag para sa kakayahan nina Pedro at Juan na gawin ito ay sa natanggap nila na napakalaking karunungan sa Banal na Kasulatan mula sa Tagapagligtas na kanilang sinusunod. Sila ay matapang dahil nasa kanila ang Banal na Espiritu, at personal nilang kilala ang nag-iisang mayroong awtoridad sa langit at sa lupa (Mateo 28:18). Sila’y nakasama ni Jesus.

          
Makikita natin ang katotohanan dito na epektibong magagamit ng Diyos ang sinuman – kahit ang hindi nakapag-aral - na makikinig at susunod sa Kanyang Anak. Maaaring hindi ka nakakuha ng pagkakataon na makatanggap ng pormal na pagsasanay sa Banal na Kasulatan, ngunit huwag panghinaan at huwag gawin itong rason para hindi makibahagi sa pagbabahagi ng katotohanan sa iba. Tandaan natin, maaaring magamit ka ng Diyos. Malay mo balang araw eh magamit ka ng Diyos na makapagsalita sa harap ng mga kilalang tao at sa mga may matataas na posisyon. Kung mangyari iyan, hindi kailangang matakot: Dahil kilala mo ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha (Col. 1:15).

          
Pero hindi tayo syempre dapat mapako at tumigil sa ganung kompiyansa. Kung may pagkakataon at alam kong meron ay magsumikap tayong mag-aral at magpa-equip sa Pastor, discipler, teacher, leaders o mentor natin. May mga kilala naman din kasi ako na mga Pastor na ayaw mag aral kapag inaalok ko na mag-aral, mag enroll sa church base Bible school, mag attend ng mga seminar/conference, mentoring, discipleship, at Bible Study. Dahil sabi ng isang nakausap ko na Pastor na tinutularan nila ang mga apostol na sa Banal na Espiritu lang umaasa na mabigyan ng karunungan sa pangangaral katulad ng mga apostol at nagiging mayabang lang daw ang mga Pastor na nakapag-aral. Pero nalaman ko na ang basehan lang nila kung bakit nasabi na mayabang ay dahil sa lalim nila mag paliwanag ng mga Salita ng Diyos. At sa tingin ko ay mas mayabang ang mga Pastor na ayaw mag-aral, at mag pa-equip dahil madaling magtago sa salitang “mas nagtitiwala sa pagkilos ng Banal na Espiritu” sa pangangaral, pero ang totoo ay tinatamad lang at talagang ayaw mag sumikap na mas matuto pa at paunlarin ang sarili sa kaalaman sa Salita ng Panginoon. Dahil kahit sa pag-aaral ang Banal na Espiritu parin ang nagbibigay ng karunungan at kakayahan na kakailanganin para mas maging handa at epektibo sa pangangaral. Gaya ko na mahina sa english at nakaranas pa nga na mag karoon ng 69 sa grade ko sa English subject noong 4th year High School ako. Pero nang tinawag ako ng Diyos sa pagpapastor, sinabi ko sa Kanya sa panalangin na sinusuko ko ang lahat ng kakulangan ko sa Kanya at magtitiwala na Siya ang mag pupuno. Kaya ginawa ko ang part ko na mag-aral at sanayin ang sarili na may pagtitiwala sa pagkilos ng Banal na Espiritu. Ngayon, sa biyaya ng Diyos nakikita ko ang unti-unting bunga ng pagsusumikap sa mas epektibong pangangaral sa tulong at biyaya Niya.

          
Isa pa ang malalim na pagmamahal mo sa Panginoon at sa tao ang magtutulak din sa mananampalataya para mas paglaanan ng maraming oras ang pag-aaral at pagdalo sa lahat ng pagtitipon na makakatulong para mas mahasa at matuto sa pangangaral.

          
Ngayon sa talata 14, nang mapagtanto ng mga religious leader na ang katapangan nila Pedro at Juan ay resulta ng pagiging kasama nila ni Jesus, at nakita nila sa harap nila ang dating lumpo na himalang napagaling, sila ay hindi nakapagsalita at walang masabi sa dalawa. Kaya inutusan muna nilang lumabas ang dalawa sa Sanedrin upang mapag-usapan ang malaking kaguluhang ito. Mabigat ang sitwasyon nila dahil sa isang banda naroon ang himalang nagawa sa harap ng maraming tao na hindi nila mapapasinungalingan. Sa kabilang banda naman ay kailangan nilang mapatigil ang balita tungkol kay Jesus sa pagkalat nito. Kaya napagdesisyunan nilang utusan sila Pedro at Juan na hindi na magsalita ng anuman patungkol kay Jesus.

         
Sa ginawa nilang diskarte na ito, makikita na ito ay bunga ng takot ng mga pinunong ito para sa kanilang hinaharap kaysa matakot sa Diyos. Ayaw nilang mawala ang kanilang kapangyarihan at impluwensya. Kaya sa halip na magtanong kung, “Ano ang dapat nating gawin upang maligtas?” ang tinanong nila ay, “Ano ang dapat nating gawin para mapanatili ang ating kapangyarihan?” Gustong-gusto nila ang papuri ng nagmula sa mga tao ng higit kaysa papuri na nagmula sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit makikita natin sila na higit silang nag-aalala sa pagkontrol sa seryosong pinsala na dala ng mensahe ng pagsisisi at paniniwala.

IV. Peter and John: Bold before Threats (4:19-22)

          
Sa mga talata 19-20, makikita natin dito ang matapang na tugon nila Pedro at Juan sa hiling ng Sanedrin: Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig” (tal. 20). Dahil nakita talaga ng dalawa nilang mata at nahawakan ng mga kamay nila ang muling nabuhay na Panginoon. Ang Kanyang kaluwalhatian ay hindi maikakaila. Kumilos sila bilang pagsunod sa Kanya.

          
Mahalaga, habang ang mga Kristiyano ay tinawag upang sumunod at magpasakop sa mga namumuno at na sa awtoridad sa mundo (Roma 13:1-17), hindi nila ito dapat gawin sa mga paraang salungat sa Salita ng Diyos o paglabag sa kanilang budhi. Kaya kung nahaharap tayo sa isang ganap na desisyon kung dapat ba nating sundin at magpasakop sa mga awtoridad o sa Diyos, maaari mong matiyak na ang pagsunod sa Panginoon ay ang tamang landas. Minsan ang paggawa nito ay maaaring mapanganib, ngunit ang tahasang pagsuway sa Salita ng Diyos ay kailanman hindi opsyon. Katulad ni Pedro at Juan, dapat mayroon tayong pangunahing hangaring na kalugdan ang Diyos. Dalangin ko na nawa’y gawin tayong matalino at matapang ng Diyos sa pagsasalita tungkol sa ebanghelyo ng Kanyang Anak.

          
Sa mga talata 20-21, makikita natin na sa kabila ng malinaw na himala na pagpapagaling at sa harap ng mga taong nagagalak sa nasaksihan, ang mga pinuno ay makikita parin na nakagapos. Ang tanging ligtas na maaari nilang gawin ay ang pagbantaan ang mga apostol tungkol sa hayagan nilang pangangaral patungkol kay Jesus. Sa huli ang mga pinuno ay walang nahanap na matibay na batayan para sila ay parusahan.

V. The Church: Bold in Response (4:23-30)

          
Pagkatapos ng kanilang pagdinig, bumalik sina Pedro at Juan sa kanilang mga kasama at sinabi sa kanila kung ano ang sinabi ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. Makikita natin dito na ang iglesya ay nakikibahagi sa pinagdaanan nila Pedro at Juan. Tunay na ang mga Kristiyanong ito ay nakikinig at may pakialam. Nakikiramay sila at nahihimok na mas maging bahagi ng misyon ng Diyos. Gayundin, dapat nating patuloy na ipaalala sa ating sarili na lahat tayo ay kasali sa misyon ng Panginoon.

          
Kapag ang isa sa ang ating mga kapatid ay naghihirap sa ngalan ng pagpapatotoo kay Jesus, hindi lang nating nilalayon na makiramay lang sa kanila ngunit dapat din natin silang palakasin sa pamamagitan ng pananalangin para sa kanila. Habang titignan natin ngayon ang panalangin ng iglesya sa kabanatang ito, isaalang-alang natin ang tatlong obserbasyon:

A. This prayer is rooted in God’s attributes (vv. 24-30).

          Sa kanilang pananalangin, tinawag nila ang Diyos bilang “Master o Sovereign Lord” (ESV) sa talata 24. Ang tawag nila na ito sa Diyos ay nagpapakita ng pakilala nila sa Kanya na Siya ay may ganap na awtoridad at pamamahala. Pinaalalahanan ng iglesya ang kanilang sarili na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay.

B. This prayer is rooted in the Scriptures (vv. 25-28).

          
Sa paggamit sa Awit 2:1—2 sa kanilang panalangin, ang iglesya ay pinaalalahanan ang sarili sa sovereignty ng Diyos at pangangalaga nito na nakita sa buong kasaysayan. Ang kabuuan ng Awit 2 ay naglalarawan ng katagumpayan ng Panginoon at ng Kanyang piniling hari laban sa sabwatan ng mga bansa. Dahil sa kanilang kaisipang nakasentro kay Jesus sa pag-unawa sa Banal na kasulatan, ang iglesya ay naunawaan ang Awit 2 ng tama bilang propesiya sa kaganapan sa ebanghelyo – “Nagkatipon nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. 28 Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa Inyong kapangyarihan at kalooban (tal. 27-28). Sabi dito na ang magiging supling niya ay makakaranas ng pagtakwil ngunit sa huli ay magtatagumpay bilang namumuno sa lahat ng mga bansa, At ito ay tiyak na nakita natin sa buhay ni Jesus, sa Kanyang kamatayan, at sa Kanyang muling pagkabuhay.

          
Nauna na munang sinabi ng Diyos sa Kanyang bayan na ang mga bansa ay magsasabwatan laban sa Mesiyas, gayon paman Siya ay magtatagumpay at magiging pinuno ng lahat. Napagtanto ng iglesya na sila ay nasa huling kabanata ng isang drama na nalalahad, at ang susunod na mangyayari ay ang pagbabalik na ni Kristo. Nagtitiwala sila sa pangakong ito at hinayaan nila na ito ang maging dahilan para maging matapang sila.

          
Dapat natin ding mapagtanto na tayo ay nasa huling kabanata ng totoong kwento ng mundo. Ano man ang kinakaharap mo ngayon, tunay na si Jesus ay malapit ng dumating. At pagkatapos ang bawat tuhod ay luluhod at ipapahayag na Siya ang Panginoon. Hayaan natin na ang mga katotohanang ito ang magpalakas ng loob natin sa pagsasalita at pamumuhay para sa Hari.

C. This prayer is for mission above comfort (vv. 29-30).
“29 At ngayon, Panginoon, tingnan Ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan Ninyo ng katapangan ang Inyong mga alipin upang ipangaral ang Inyong salita. 30 Iunat Ninyo ang Inyong kamay upang magpagaling, at loobin Ninyo na sa pangalan ng Inyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”

          
Inayon ng iglesya ang kanilang sarili kay Kristo at sa Kanyang mga pagdurusa. Sa mga banta na meron sila dahil sa pagpapatotoo kay Kristo, sa halip na ang ipanalangin nila ay ang pagbagsak at paglipon sa kanilang mga kaaway ang hiniling nila ay katapangan na magpatotoo parin sa kabila ng kapahamakang maaari nilang harapin. Nanalangin sila ng katapangan at pagtitiyaga kaysa kaginhawaan. Alam kasi nila na si Jesus ay mas mahalaga kaysa kanilang buhay.

          
Ang pagdurusa ay hindi maiiwasan sa mga Kristiyanong tapat sa pagpapatotoo at tapat sa pagtupad sa misyong iniwan ni Jesus sa atin. “Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Kristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig,” (2 Timoteo 3:12).

          
Ngayong nakita natin ang panalangin nila, isipin natin ngayon ang lahat ng bagay na ito sa kalayaan na meron tayo ngayon, at isipin kung ano ang kaibahan ng panalangin natin ngayon sa panalangin nila? Ang panalangin ba natin higit na patungkol sa kaginhawaan natin o ang paghiling na higit na maipakita ang kaluwalhatian ng Diyos? Kaya kapag nananalangin tayo para sa mga kapatiran natin na alam nating humaharap sa mga pag-uusig at banta ng mga humahadlang sa Magandang Balita, hindi sapat na ang karaniwang panalangin lamang natin para sa kanila ay, “Ama, pagaanin Mo po ang kanilang paghihirap.” Sa halip, maaari natin idagdag sa panalangin na, “ngunit Panginoon kung pipiliin Mong huwag mangyari, nawa ay sumulong ang ebanghelyo dahil sa pakikibakang ito!”

VI. Conclusion (4:31)
“Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.”

          
Makita natin dito ang nakakamanghang tugon ng Diyos sa kanilang panalangin. Binigay sa kanila ang katapangang pinanalangin nila. Napuspos sila ulit ng Espiritu at nagpatuloy magsalita ng ebanghelyo nang may katapangan.

          
Kanina na kwento ko yung ginagawang pagpatay ng ISIS sa mga Kristiyano ngayon, ilagay natin ang ating sarili sa kanila. Alam nyo ba ang magiging tugon nyo kung kayo ay papipiliin? Ang itanggi si Jesus sa inyong buhay o ang pugutan kayo ng ulo? Simple lang para malaman nyo. Kung tayo ba ay may katapangang ipangaral ang Magandang Balita sa mga tao sa paligid natin – kapit-bahay, katrabaho, kaklase, kamag-anak, kaibigan, o sa kahit na sinong tao na makakasalubong, makakasalamuha at makakatabi natin.

          
Alam nyo na nabubuhay tayo sa mundo na kung saan ay meron tayong mga kapatid sa Panginoon, na nakatira ilang oras lang ang layo sa atin sakay ng eroplano, ang pinapatay dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo. Samantalang tayo dito ay madalas na abala sa maraming bagay na walang kinalaman sa ikasusulong ng Magandang balita at naparalisa ng mga gawang walang kabuluhan at takot sa isip na ibahagi ang ebanghelyo dito sa ating lupaing may kalayaan.

          
Dapat tayo mapatanong, Bakit hindi natin nakikita ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa kung papaano ito kumilos sa buhay ng mga mananampalataya sa aklat ng Gawa? Ito ba ay dahil mas nag-aalala tayo tungkol sa ating katayuan sa lipunan o reputasyon kaysa kay Kristo at sa Kanyang misyon? Mas interesado ba tayong makaipon ng mga bagong laruan at gadget kaysa sa nakikita ang awa ng Kristo na makapangyarihang napapahayag at niyayakap ng ating mga kapit-bahay?

Roma 8:11
“Kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na Siyang muling bumuhay kay Jesu-Kristo, Siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng Kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.”

          
Tandaan natin na parehong Espiritu na nagpalakas sa mga unang iglesya ang nananahan din sa atin. Nawa ay muli tayong mahikayat lahat patungo sa pagbabahagi sa misyon ng pagtubos. Ipanalangin natin na ipagkaloob sa atin ng Diyos ang katapangan na nakita natin kina Pedro at Juan at sa mga unang iglesya sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
__________________________________________________

Discussion:

Pagbulayan:
1. Maging totoo sa sarili: Nahihiya ka ba o natatakot na ibahagi sa ibang tao ang Magandang Balita? Ano sa palagay mo ang mga sanhi ng iyong hiya at takot?

2. Bakit kailangan natin manalangin para sa katapangan? 
Paano mo ba masasabi na ang isang tao ay matapang sa pag-e-ebanghelyo?

Pagsasabuhay:
1. Isaalang-alang natin ang milyon-milyong tao na hindi pa naaabot at naliligaw na nabubuhay ngayon. Ngayon isaalang-alang natin ang sinabi ni Pedro sa Gawa 4:12. Papaano tayo tutugon?

2. Sino sa tingin mo sa mga kakilala mo ang nangangailangan 
na makaranig ng ebanghelyo ng kaligtasan na iyong buong tapang na babahagian?

Panalangin:
Ipanalangin ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan ka ng Diyos na maipamuhay ito. 

 

 

Huwebes, Mayo 26, 2022

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) - "Mamuhay ng Lihim" (29 of 366)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) 


Mamuhay ng Lihim 
Basahin: Mateo 6:1-8
(29 of 366)

“Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh”
(1 Samuel 16:7)

Minsang sinabi ni Shakespeare, “Ang buong mundo ay isang entablado, at lahat ng lalaki at babae ay mga manlalaro lamang.” Maaaring totoo iyan para sa ilan, ngunit pagdating sa mga Kristiyano, hindi interesado ang Diyos na makakita sa kanila ng mga aktor na pakunwari lang ang lahat sa gawaing pangrelihiyon.

Ang paggawa ng mabubuting bagay upang mapabilib ang mga tao, o kahit na mapahanga ang Diyos, ay gawa na may maling motibo. Sapat na ang nakita ng mga tao noong panahon ni Jesus tungkol diyan. Ang mga pinuno ng relihiyon sa panahon nila ay gumagawa ng mga bagay na makakakuha ng atensyon ng tao habang ginagawa nila ang mabuting bagay. Sabik sila sa palakpak ng iba.

Tinuligsa ni Jesus ang pag-uugaling ito at itinuro ang isang bagong paraan ng pamumuhay ayon sa ating pananampalataya: ang mamuhay ng lihim. Hindi Niya ibig-sabihin na itago ang ating pananampalataya. Ang gusto Niyang ituro na ang ating motibo sa paggawa ng mabubuting bagay ay para bigyang kasiyahan ang El Roi, ang Diyos na nakakakita sa akin. Inilarawan ni Jesus ang Kanyang sinasabi sa mga pamilyar na gawain. Sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod na magbigay, manalangin, at mag-ayuno ng lihim, sa halip na gawin ang mga bagay na ito para sa papuri ng iba.

Hindi madaling magtrabaho nang palihim. Maaari tayong makaradam ng hindi pinapahalagahan o nabalewala kung iba ang nakinabang sa ating mga pagsisikap. Ngunit nakikita ng El Roi ang ating mga pagsisikap at ang ninanais ng ating mga puso. Gagantimpalaan Niya tayo, at ang Kanyang gantimpala ay palaging mas mabuti kaysa panandaliang palakpakan.

Pagbulayan:
Ano ang nag-uudyok sayo sa paggawa ng mabuti? Ang palakpakan ng mga tao sa iyo o ang mabigyang kasiyahan ang Diyos? Paano ikaw dapat tumugon sa kakulangan ng pagpapahalaga ng mga tao sa iyong ginagawa na mabuti?

Panalangin:
El Roi, ngayon ay nangangako akong maglingkod sa Iyo nang buong puso sa halip na hanapin ko ang papuri ng iba.

The Life of Christ - "Ang Publikong Pagbautismo Kay Jesus" (1 of 365)

The Life of Christ 

Ang Publikong Pagbautismo kay Jesus
(1 of 365)

“Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea”
(Mateo 3:13a)


                
May isang bagay na kahanga-hanga tungkol sa bautismo ni Jesus dahil dito nagsimula ang paglilingkod Niya. Ito ang yugto na ang kwento ng ebanghelyo at ang Kanyang gawain at ministeryo ay tunay na nagsimula.

                
Pagkatapos ng walang hanggan sa langit at ang tatlumpong taon na nilaan ni Jesus sa Nazareth bago Siya bautismuhan, ngayon ay ipinakita na ng hayagan ng Diyos sa publiko ang Tagapagligtas sa mundo. Si Juan Bautista, bilang “isang taong sumisigaw sa ilang,” na nagpapahayag ng pagdating ng Mesiyas (Mateo 3:3; Isaias 40:3), ay ngayon si Jesus ay ganap at nakahanda na sa publiko upang simulan na ang katuparan ng Kanyang misyon sa lupa.

                
Pinakita din sa aklat ng Lucas ang parehong pangyayaring ito na ito ay hindi pribado o tagong seremonya: “Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus” (Lucas 3:21). Ang salitang ginamit sa pagsalin na “dumating” sa Mateo 3:13 ay kadalasang nagpapahiwatig ng opisyal na pagdating o pagpapakita sa publiko ng isang importanteng tao dahil sa kanyang mataas na posisyon. Mula rito ngayon si Jesus ay nasa mata na ng publiko at walang permanenteng lugar o tahanan dito sa lupa (Mateo 8:20) – Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.”

                
Ang mahalagang yugtong ito ng simula ng minsteryo ni Kristo ay malinaw na nagpapakita sa atin na si Jesus, bagama’t alam Niya kung gaaano kalaki ang magiging kapalit ng pagpapakita Niyang ito sa huli, ay masunurin parin Siyang humakbang mula sa magandang kalagayan Niya (sa tahimik na pamumuhay) patungo sa buhay na puno ng panganib sa pampublikong gawain. Ang Kanyang gawain ay mag-aanyaya ng kalaban, pero para maisakatuparan ang kalooban ng Ama, dapat itong maganap sa harap ng mga taong nagmamasid sa mundong ito. Dapat itong makitang malawak na na-o-obserbahan ng marami.


Pagbulayan:
Tayo’t tinawag na maging asin at ilaw, hindi lamang para tamasahin ang biyaya mula sa Diyos sa ating sariling buhay kundi upang maging Kanyang tagapaghatid ng biyaya sa iba. Paano binabago ng pampublikong pagtawag na ito ang paraan ng pagpapahayag at pamumuhay mo bilang Kristiyano? 

Panalangin:
Ipanalangin mo na mabuhay ka hindi sa takot kundi sa pananampalataya at pagsunod.

Miyerkules, Mayo 25, 2022

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) - "Nakamasid na mga Mata" (28 of 366)

Name of God: The God Who Sees Me (El Roi) 

Nakamasid na mga Mata
Basahin: Genesis 16:1-14
(28 of 366)

“Magmula sa langit, Kanyang minamasdan ang lahat ng tao na Kanyang nilalang”
(Awit 33:13)

Binigyan tayo ng agham ng kahanga-hangang kakayahang matukoy at makita ang isang partikular na lokasyon sa lupa mula sa langit. Gayunpaman, ang Diyos ay palaging ginagawa ito nang walang satellite.

Nalagay sa isang kumplikadong sitwasyon ang alipin ni Sarai na si Hagar. Dahil hindi magkaanak si Sarai, iminungkahi niya na magkaroon ng anak ang kanyang asawa sa kanyang alipin. Ito ay maaaring tunog na kakaiba ngayon, ngunit ito ay isang karaniwang gawain sa panahon nila, at si Hagar ay malamang walang magagawa. Gayumpaman, nang maglihi si Hagar, nakalimutan niya ang kanyang posisyon at tumingin sa kanyang amo na may paghamak.

Ikinagalit ni Sarai ang ginagawa ni Hagar sa kanya at ang kanyang pagbubuntis. Ang kanyang pagmamaltrato ay naging dahilan ng pagtakas ni Hagar sa disyerto, kung saan dito niya natagpuan ang buhay na Diyos. Tumawag si Hagar sa pangalan ng Diyos. Ang Kanyang pangalan ay El Roi, “Ang Diyos ang Nakakakita sa Akin.” Nakuha ng aliping ito na taga-Egipto ang atensyon ng Diyos sa kanyang sitwasyon. Pinabalik siya ni El Roi sa kanyang amo at binigyan siya ng biyayang makapagtiis. Nangako rin Siya na pararamihin ang lahi ni Hagar sa pamamagitan ng anak niya na si Ismael.

Tulad ni Hagar, ilang beses ka nang naipit sa isang mahirap na sitwasyon at iniisip kung may nakakaalam o nakakakita man lang sa iyong sitwasyon? Pakiramdam man natin na tayo ay mag-isa, merong El Roi na ang mga mata ay laging nakakakita at nakakaalam ng iyong pinagdadaanan.

Pagbulayan:
Ngayong alam mo na, na ang Diyos ay laging nakamasid sa atin, paano ito nagbibigay kaaliwan sa atin ngayon?

Panalangin:
El Roi, tulungan Mo po akong matandaan na nasaan man ako, hinding-hindi ako mawawala sa Iyong paningin.

Martes, Mayo 24, 2022

Ang Apat na Haligi ng Katotohanan – na panghahawakan Kung Merong Nangyaring Hindi Maganda

Ang Apat na Haligi ng Katotohanan – 

na panghahawakan Kung Merong Nangyaring Hindi Maganda

Panimula:

                
Maraming nangyari o nangyayari sa buhay natin ang hindi natin nauunawaan. Marami tayong mga tanong na “bakit” sa Panginoon dahil sa mga pangyayari na sa tingin natin ay tila hindi tumutugma sa pagkakakilala natin sa Panginoon. Ang mga tanong gaya ng… “bakit hinahayaan ng Panginoon ang mga masasamang bagay na maranasan ng mga anak Niya?” o “Bakit tila pinagpapala o hinahayaan ng Diyos ang mga masasamang tao sa mali nilang ginagawa?” - ay kung hindi mabibigyan ng kasagutan ay maaaring mauwi sa mas malalang pangyayari gaya ng pagtalikod sa Diyos o pagpapakamatay. Ngunit inaamin ko na maaaring wala tayong makikitang specific na mga sagot sa Biblya sa bawat tanong na meron tayo sa Diyos, pero meron tayong apat na haligi ng katotohanan na pwede nating mapanghawakan upang manatili tayong matatag at nakatayo sa ating pananampalataya sa Panginoon. Panghawakan natin ang katotohanan na…

I. Ang Diyos ay May Kapangyarihan

A. Siya ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa ating buhay
.

1. Walang bagay na nangyayari sa atin na hindi ayon sa Kanyang 
kalooban.

Panaghoy 3:37-38
“38 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh. 38 Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.”

2. Alam Niya ang lahat ng nangyayari sa ating buhay.

Panaghoy 3:34
“Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban.”

3. Maaaring tayo ay nagulat o nabigla at hindi makapaniwala sa mga 
nangyari sa ating buhay ngunit sa Panginoon ay alam Niya ang lahat noong una pa man.

                
Isa pa sa dapat nating alalahanin kapag may pangyayari sa buhay natin na hindi natin maintindihan ay…

II. Ang Diyos ay Banal

1. Ang kabanalan ng Diyos ang naghihiwalay sa Kanya mula sa lahat ng 
mga bagay.

2. Ang kabanalan ay higit pa sa Kanyang pagiging perpekto at walang 
bahid dungis na kalinisan; ito ang esensya ng Kanyang pagiging naiiba sa lahat, ang Kanyang pagiging bukod sa lahat ng Kanyang mga nilikha.

3. Ang kabanalan ng Diyos ang naglalarawan sa Kanyang pagiging
 kagilagilalas at Siyang dahilan upang mamangha tayo sa Kanya habang inuunawa natin ang kahit sa kaliit-liitan ng Kanyang karangalan.

4. Ang kabanalan ng Diyos ang mag-aalis ng anumang pagdududa o
 paratang na mali laban sa Kanya na tinatanim ni Satanas sa ating puso’t isipan sa gitna ng mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin maunawaan.

                
Isa pa sa dapat nating alalahanin kapag may pangyayari sa buhay natin na hindi natin maintindihan ay…

III. Ang Diyos ay Mabuti

                
Kung Siya ay mabuti, bakit Niya pinapahintulot ang masasamang bagay na maranasan natin?

A. Dahil ang Diyos ay mabuti maaaring tayo ay tinutuwid ng Diyos o
 pinapaalalahanan na magsisi at magbalik-loob sa Diyos.

Panaghoy 3:39
“Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?”

1. Dahil hindi Niya tayo hahayaan na manatili sa pagkakasala na
 magdadala sa atin sa tiyak na kapahamakan.

2. Kaya kapag nakakaranas tayo ng mga hindi magagandang bagay…

a. Siyasatin ang ating buhay at humingi ng tawad sa Panginoon kapag
 nakita natin ang ating pagkakasala sa Kanya at manumbalik tayo sa Kanya.

Panaghoy 3: 40-41
40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh! 41 Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin: ‘Kami'y nagkasala at naghimagsik…’”

b. Sikaping manatiling matatag at magtiiis tanda ng ating 
pagpapakumbaba sa Diyos.

Panaghoy 3:28-29
“28 Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay; 29 siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa. 30 Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.”

B. Maaaring tayo’y tinutulungang lumago ng Diyos

Santiago 1:2-4
“2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.”

C. Maaaring tayo’y tinutulungang sumunod sa Kanya

1. Dahil ito ay bahagi ng pagsunod natin sa Panginoon

Filipos 1:29
“Dahil ipinagkaloob Niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa Kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Kristo.”

Mateo 16:24
“Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.”

                
At ang panghuli sa dapat nating alalahanin kapag may pangyayari sa buhay natin na hindi natin maintindihan ay…

IV. Ang Diyos ay Mapagmahal

1. Nakita natin na may mga dahilan ang Diyos sa mga hindi
 magagandang bagay na pinahintulutan Niya sa ating buhay.

2. Isa na nga dito ay dahil nakakalimot o nagkakasala tayo sa Kanya.

3. Alalahanin na ginagawa ito ng Diyos dahil tayo’y mahal Niya.

Panaghoy 3:31-33
“31 Mahabagin si Yahweh at hindi Niya tayo itatakwil habang panahon. 32 Bagaman Siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang Kanyang pag-ibig. 33 Hindi Niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.”

Hebreo 12:6
"Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak.”

4. Ang mga kahirapang nararanasan dahil sa pagtutuwid ng Diyos ay 
isang kaaliwan sa mga mananampalataya dahil ito’y tanda na tayo’y sa Kanya.

Hebreo 12:7
7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama?”

Buod:
1. Gaya ng sabi ko kanina walang malinaw na sagot na maibibigay ang Bibliya kung bakit natin nararanasan ang mga hindi magagandang bagay sa ating buhay, ngunit meron tayong mga mapapanghawakang katotohanan na maaari nating yakapin upang manatili tayong maging matatag sa gitna ng mga matitinding pagsubok.

2. Ano pa man ang pahintulutan ng Diyos na maranasan natin, mabuti man o masama, mapanghahawakan natin ang katotohanan na ang lahat ay nangyayari para sa ikabubuti ng Kanyang mga mahal

Roma 8:28
“Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa Kanya, silang mga tinawag ayon sa Kanyang layunin.”


Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...