Lunes, Mayo 23, 2022

Ang Pitong Katotohanan Tungkol sa Kabilang Buhay (Kamatayan)

Ang Pitong Katotohanan Tungkol sa Kabilang Buhay (Kamatayan) 

Scripture: Lucas 16:19-31

                
Kung kayo ang tatanungin, ano mas pipiliin nyo, ang pumunta sa bahay ng namatayan o sa bahay na may handaan? Malamang marami sa atin ang magsasabi na sa bahay ng may handaan mas magandang pumunta kaysa bahay ng namatayan. Kasi ayaw natin ng malungkot at marami takot kapag ganito ang pupuntahan. Pero ano ba ang payo ng Bibliya sa atin patungkol sa tanong na ito:

Mangangaral 7:2
“Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, sapagkat dapat alalahanin ng buhay na siya man ay nakatakda ring mamatay.”

                
Marami sa mga tao ay ayaw pag-usapan ang patungkol sa kamatayan. Kapag may isa na pinasok ito sa usapan may iba na tutuktok at sasabihin na, “huwag natin pag-usapan iyan.” Ito ay dahil may mga paniniwalang masamang pamahiin ang mga pinoy patungkol dito. Pero kung meron man tayong dapat paghandaan sa ating buhay, ito ay ang ating kamatayan. Kaya sinabi sa Mangangaral 7:2 na mainam na sa bahay ng namatayan pumunta kasi dito natin mapagtatanto na tayo rin ay mamamatay at mapapatanong ano ba ang mangyayari akin kung ako ay mamamatay na rin. Upang huwag tayong magaya sa taong binanggit ni Jesus sa Kanyang kwento matapos nitong maranasan ang kamatayan na nagsisisi. Kaya tignan natin ang pitong katotohanan patungkol sa kabilang buhay (kamatayan) na makikita sa kwentong ito. Basahin natin ang kwento ni Jesus sa Lucas 16:19-31:

Lucas 16:19-31
19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’

27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Ano ang pitong katotohanan na makikita nating dito tungkol sa Kabilang buhay?

I. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY ANG LAHAT 
AY TUTUNGO (Tal. 22)
“Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing.”

                
Kanina sabi ko marami ayaw pag-usapan ang kamatayan pero sinasabi sa atin ng Biblia na dapat harapin ng lahat ng tao ang usaping kamatayan. Bakit? Dahil sabi ng Bibliya sa Hebreo 9:27,

Hebreo 9:27
“Itinakda sa mga tao na sila’y minsang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.”

                
Muli, kung meron man tayong dapat paghandaan sa buhay na ito, ito ay ang kamatayan. Dahil sinasabi sa atin ng Bibliya na ang lahat ay nakatakdang mamatay, at pagkatapos ng kamatayan ay ang paghuhukom na. Kahit anong iwas pa ng tao dito sa mundong ito sa kamatayan darating at darating parin ito sa kanya. Walang makakapagsabi sa atin kung kalian tayo mamamatay. Hindi rin tayo makapagmamayabang at makakapagsabi na, “ah, Matagal pa ako mamamatay."

                
Maraming tao ang nakakalimot sa katotohanang ito kaya mas nag-uubos sila ng maraming oras sa pagpapakayaman sa mundong ito kaysa maglaan ng ilang oras sa paghahanda para sa kamatayan nila. May kwento si Jesus tungkol sa mga taong nag-iipon ng kayamanan sa maling paraan. Lucas 12:16-21,

“21 …isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. ‘Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’ 20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

                
Ako po ay minsan ng sinabihan ng hangal ng kasamahan ko sa trabaho dahil mas pinili ko daw na iwan ang malaki kong kita sa aking trabaho at mas piliing mag Pastor dahil wala daw pera sa pagpapastor. Minsan naman ay nasasabihan tayo na, “wala kang kikitaain sa pa-Bible-bible study mo na iyan,” o, “walang madadalang pagkain iyan sa iyong lamesa.” Maaaring sa mata ng marami ay hindi ka isang hangal dahil inuubos mo ang oras mo sa pagtatrabaho sa puntong wala ka nang oras sa Panginoon at pagsunod sa mga nais Niya sa iyong buhay pero ang totoo sa paningin ng Diyos ikaw ay isang hangal, sabi ng Kanyang Salita (Tal. 21). Huwag nating ubusin ang oras natin sa mundong ito sa mga bagay na hindi natin madadala sa kabilang buhay at hindi makakapag secure sa atin sa kabilang buhay.

II. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY DALAWA 
LAMANG ANG PUPUNTAHAN NG TAO (mTal. 22-23a)

22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay…”

                
Dito makikita natin na malinaw na sinasabi ni Jesus sa Kanyang kwento ang katotohanan sa kabilang buhay na dalawa lamang ang maaaring puntahan ng tao – sa langit (sa piling ni Abraham), at sa impyerno (daigdig ng mga patay). Wala ng iba pang lugar na binaggit si Jesus na maaaring puntahan pa muna ng isang taong nasa kabilang buhay na. Kaya ang tanong sa ating nabubuhay pa ngayon ay, “saan sa tingin mo sa dalawang ito ikaw pupunta pagkatapos ng buhay mo dito sa lupa?”

                
Pansinin na sa kwento ni Jesus ang mayamang lalaki na pumunta sa lugar ng paghihirap ay hindi pinangalanan at ang lalaking napunta sa lugar ni Abraham ay pinangalanan – Lazarus. Bakit? Sabi sa Pahayag 20:15, “Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.” Malinaw na hindi nakasulat sa aklat ng buhay ang mayamang ito kaya hindi siya kilala ni Jesus. Sabi ni Jesus sa mga taong itatapon sa impyerno sa Lucas 7:21, 23,

21 “Hindi lahat ng tumatawag sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit…Ngunit sasabihin Ko sa kanila, ‘Hindi Ko kayo kilala. Lumayo kayo sa Akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”

               
Hindi sapat na kilala mo lang Siya, sikaping kilala ka rin Niya upang makapasok sa Kanyang kaharian.

III. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY ANG TAO 
AY MAY PAKIRAMDAM (mTal. 23-24)

23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.”

                
Maraming tao ang nabubuhay ngayon ang hindi siniseryoso o hindi natatakot sa kahahantungan nila kung mananatili silang suwail at malayo sa Diyos. Marami ngayon ang makikita nating paglalarawan sa impyerno na tila ang lugar na ito ay isang masayang lugar o hindi ganoon masaydo nakakatakot. Pero dito sa nabasa natin na ang mayaman ay nakaranas ng pagdurusa at pagkauhaw ng matindi. Sa Bibliya mas maraming turo si Jesus patungkol sa impyerno kaysa patungkol sa langit. Narito ang ilang paglalarawan ni Jesus sa impyerno at sa mga taong mapupunta sa lugar na ito:

Marcos 9:48
“Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.”

Mateo 13:42
“Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”

Pahayag 20:14-15
“14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay. Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.”

Pahayag 20:10
“Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.”

Pahayag 14:11
“Ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga”

2 Tesalonica 1:9
“Magdurusa sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan.”

                
Ilan lang ito sa marami pang talatang binigay ng Biblia patungkol sa impyerno upang bigyang babala ang mga taong nabubuhay pa sa panahon natin ngayon sa lugar na pupuntahan ng mga taong hindi pa tiyak sa kanilang kaligtasan.

IV. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY ANG 
KATARUNGAN AY IIRAL (Tal. 25)

“Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan.”

                
Minsan kung titingin tayo sa ating paligid masasabi natin na tila walang katarungan. Kasi mapapatanong tayo na bakit ang mga masasamang tao ay nakikita nating nagsasaya sa mundong ito pero ang mga mababait at maka-diyos sila ang naghihirap. Iyan din ang tanong ng isang tao sa Awit 73:1-16,

1 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel, 
lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
2 Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
3 Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
4 Malulusog ang kanilang mga katawan at hindi sila nahihirapan.
5 Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
6 Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.
7 Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan, at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
8 Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba. Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
9 Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios? Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”
12 Ganito ang buhay ng masasama: wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw. Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila, para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito, ngunit napakahirap.

                
Marahil marami sa atin ang sumasang-ayon dito. Marami ang hindi natatakot sa impyerno kasi sinasabi nila sa kanilang sarili na, “kung ako ay masamang tao, bakit ako pinagpapala ng Diyos?” Kaya maraming tao rin ang nahihikayat nila na gawin din ang ginagawa nila kasi pakiramdam nila ay wala ring kabuluhan ang pagpapakabuti. Pero ano ang natuklasan ng taong ito sa kanyang awit? Tuloy natin ang pag-basa…

17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo, 
doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan, at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak; mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na. Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.

                
Lagi nating isipin na ang Diyos ay makatarungan. Huwag mong iisipin na ang Diyos ay nagpapabaya sa mga makasalanan dito sa mundo. Dahil tulad ng mayamang lalaki sa ating kwento na nagpakasasa sa buhay, naranasan niya sa kabilang buhay ang katarungan ng Diyos. Tulad ng pag-uutang, “enjoy now, pay later.”

V. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY AY WALA
 NG LIPATAN (Tal. 26)

“Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.”

                
Malinaw na tinuturo dito ni Jesus na sa kabilang buhay kung saan ka hinatulan ng Diyos na makatarungan ay iyon na ang magiging lugar mo habang-buhay. Wala sa kabilang-buhay ang pag-asa at wala ng pag-asa sa lugar ng impyerno. Ang impyerno ay lugar ng mga taong nagsisisi dahil sa nalaman na nila ang katotohanan sa buhay. Ito ang mga taong hindi binigyan ng panahon at importansya ang paghahanap sa kasagutan tungkol sa kanilang kaligtasan dito sa lupa noong sila’y nabubuhay pa. Kaya huwag mong hintayin pa na mahuli sa iyo ang lahat.

VI. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY ANG MGA
 PATAY ANG NANANALANGIN PARA SA MGA BUHAY (mTal. 27-28)

27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’

                
Maraming tao ang pinapanalangin nila ang mga mahal nila sa buhay na namatay na pero dito sa kwento baligtad. Ang mga namatay na ang nananalangin para sa mga mahal nila sa buhay na buhay pa. Dahil nakita na nila ang reyalidad ng buhay sa kabilang buhay – ang lahat ng pagdududa at hindi nila paniniwala ay malinaw na sa kanila na mali at alam na nila ang katotohanan. Kaya naniniwala ako na marami ngayon ang nagdarasal sa Panginoon na mahal natin sa buhay na nauna na sa atin sa kabilang buhay ang nananalangin din ng ganito… ”magpadala po kayo ng tao na magbibigay-babala sa kanila upang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.”

VII. ANG KATOTOHANAN NA SA KABILANG BUHAY WALA NG
 PAG-ASA (mTal. 29-31)

29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

                
Gaya ng sinabi ko sa kanina, at malinaw din sa tinuro ni Jesus na sa kabilang buhay wala doon ang pag-asa. Ang pag-asa natin ay naririto sa atin. Ito ay matatagpuan natin sa Bibliya. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya sa tanong na, “Paano ba ako maliligtas? Paano ba ako makakasigurado na sa langit ako pupunta at hindi sa impyerno? Paano ba ako makakasigurado na ang pangalan ko ay nasa aklat ng buhay at ako ay kilala ni Jesus?” Ito ang sinasabi ng Salita ng Diyos:

Juan 3:16
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

               
Malinaw na tanging sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesus upang ang tao ay hindi mapahamak sa impyerno, kundi magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Ama.

                
Muli sabi sa Bibliya para tayo ay maligtas at makaiwas sa tiyak na kapahamakan sa impyerno dapat tayong sumampalataya kay Jesus. Pero ano ba ang ibig sabihin ng sumampalataya kay Jesus? Madali kasing sabihin na, “Ako ay sumasampalataya kay Jesus” ng lahat pero ano ba ang ibig sabihin nito? Nais kong ikwento ang “kwento ng sirkero.”

                “May isang sirkero ang nais ipakita ang kanyang kakayahang tumulay sa alambre sa harapan ng maraming tao. Tinanong niya ang mga tao, “Naniniwala ba kayo na kaya kong tumawid sa alambreng ito”. Sumagot ang mga tao, “OO naniniwala kami”. Tumawid siya at nakatawid siya ng matagumpay. Nagpalakpakan ang mga tao. 
Muling nagtanong ang sirkero, “Naniniwala ba kayo na kayang kong tumawid tulak ang karmatilya (wheel barrow) na ito na may sakay na aso?” Sumagot uli ang mga tao na may kasamang sigawan, “OO naniniwala kami”. Tumawid and sirkero at matagumpay na nagawa ito. Nagsigawan at nagpalakpakan ang mga tao. May sumisigaw pa na “more, more”.

                Sa huling pagkakataon nagtanong ang sirkero, ito ang sinabi niya, “Dahil ito na ang huling pagtawid ko, gagawin ko na ang pinakamahirap. Sino ang naniniwala na kaya kong tumawid ng patalikod na may sakay na tao sa karmatilya?” Lahat ay sumagot na may pagsigaw at malakas na palakpak, “Naniniwala kami kayang kaya mo”. At sinabi ng sirkero, “Ok, Sino ang magvo-volunteer upang sumakay sa karmatilya”. Nanahimik ang lahat at isa-isang umalis.” 

                
Maaaring tulad ng marami sa kwento ay isa tayo sa sisigaw sa tanong na, “sino ang nainiwala kay Jesus?” at sasagot tayo ng “Ako!” Pero kung tatanungin tayo kung sino gustong sumampalataya kay Jesus ay marami ang ayaw itong gawin. Ang pananampalataya ay isang desisyon na pinagkakatiwala at sinusuko mo ang iyong buhay kay Jesus bilang Hari at Panginoon ng iyong buhay. Gumagawa ka ng isang mabigat na desisyon na si Jesus na ang iyong nais na maghari sa Iyong buhay at sa lahat ng kung ano ang meron ka.

                
Iyan ang ibig sabihin ng ikaw ay sumasampalataya kay Jesus. Ang lahat sayo ay magbabago.

2 Corinto 5:17
“Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.”

                
Kung kayo po ay hindi pa humantong sa desisyong ito at ninanais ninyong sumampalataya kay Jesus bilang inyong Taga-pagligtas at Panginoon minumungkahi ko po kayo na kausapin ang Panginoon sa inyong panalangin mamaya o bago matulog. Kausapin nyo Siya ng masinsinan at totoo sa inyong puso. Aminin nyo na kayo ay nagkasala sa Kanya at karapat-dapat lang sa impyerno. Ngunit sinasampalatayanan nyo si Jesus na Siya ang tangi ninyong taga-pagligtas at Panginoon at Hari ng inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, ito ang pangako ng Diyos…

Roma 10:9
“Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na Siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.”

Ano ang pangko ng Diyos kapag ginawa natin ito?

Juan 1:12
“Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.”

                
Tayo ay magiging anak ng Diyos at magiging bahagi sa kahariang hinanda ng Kanyang Anak pagkatapos ng buhay natin dito kung tayo ay sasampalataya kay Jesus at magsisisi sa ating mga kasalanan.

______________________________________________________________

Karagdagan:
Kung ang taong namatay ay nagpakamatay

                
Mali ang isipin na ang nagpakamatay ay deretso na sa impyerno. Dahil ang tao ay mapupunta sa impyerno hindi dahil siya ay nagpakamatay kundi ang tao ay pupunta sa impyerno dahil siya ay hindi sumampalataya sa Panginoong Jesus. Ayon sa Bibliya, kung ang isang tao ay magpakamatay hindi ito ang magtatakda kung makapapasok ba siya sa langit o hindi. Kung ang isang hindi mananampalataya ay magpakamatay, wala siyang ginawa kundi ang padaliin ang kanyang pagpunta sa impyerno. Muli, ang taong nagpakamatay ay mapupunta sa impiyerno hindi dahil sa siya ay nagpakamatay kundi dahil sa pagbalewala niya sa kaligtasang ipinagkakaloob ni Kristo.

                
Ano naman ang sinasabi ng Bibliya sa isang taong sumampalataya na kay Jesus o isang Kristiyanong nagpakamatay? Hindi ako naniniwala na kung magpakamatay ang isang Kristiyano ay mawawala ang kanyang kaligtasan at mapupunta siya sa impiyerno. Itinuturo ng Bibliya na sa sandaling ang isang tao ay tapat na manampalataya kay Kristo, siya ay ligtas na at hindi na mapapahamak kailanman. Bakit? Sabi sa Roma 8:38-39, “Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”

                
Kung walang nilalang ang makapaghihiwalay sa isang Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos, kahit na ang Kristiyanong nagpakamatay ay maituturing din na “nilalang,” samakatuwid kahit na ang pagpapakamatay niya ay hindi makapaghihiwalay sa kanya sa pag-ibig ng Diyos. Namatay si Hesus para sa lahat ng ating mga kasalanan at kung ang isang totoong Kristiyano ay nagpakamatay dahil sa pag-atake ng kaaway at kahinaang espiritwal, kahit ang kasalanang iyon ay hinugasan ng dugo ni Jesus.

                
Hindi ko sinasabi na ang pagpapakamatay ay hindi isang seryosong kasalanan laban sa Diyos. Ayon sa Bibliya, ang pagpapakamatay ay pagpatay, ito ay laging kasalanan. Tinatawag ang mga Kristiyano na mabuhay para sa Diyos at ang desisyon kung kailan mamamatay ay dapat na sa Diyos at sa Diyos lamang.

                
Dapat din nating bigyang diin na walang sinuman ang tiyak na nakakaalam sa nangyayari sa puso ng tao sa oras na siya ay mamatay. May mga tao na nagsisi at sumampalataya kay Kristo habang naghihingalo at malapit ng mamatay gaya ng nakasama ni Jesus na naipako sa krus na nagsisi at sumampalataya sa Kanya. Posible na ang isang taong nagpakamatay ay magsisi at humingi sa Diyos ng kahabagan at kapatawaran ilang segundo bago siya malagutan ng hininga. Dapat lamang na ipaubaya natin sa Diyos ang paghusga sa ganitong mga sitwasyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...