The
Promised Holy Spirit
Scripture:
Gawa 2:1-41
Itinuro
ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na
"Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS
Gawa
2:1-41
1
Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes.
2 Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas
na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. 3 May nakita silang
parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, 4 at silang lahat ay
napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon
sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. 5 May mga debotong Judio noon sa
Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. 6 Nang marinig nila ang
ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga
alagad sa wika ng mga nakikinig. 7 Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang
nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? 8 Bakit sila nakapagsasalita sa
ating wika? 9 Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at
Capadocia, Ponto at Asia. 10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia,
Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula
sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio. 11 May
mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika
tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” 12 Hindi nila lubusang
maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?” 13
Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!” 14 Kaya't
tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas,
“Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan
ninyong mabuti ang sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng
palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. 16 Ang nakikita ninyo'y
katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel, 17 ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling
araw,’ sabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob Ko ang Aking Espiritu sa lahat ng tao; ipahahayag
ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe. Ang inyong mga
kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at ang inyong matatandang
lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. 18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin
ang Aking Espiritu, sa Aking mga alipin, maging lalaki at maging babae, at
ipahahayag nila ang Aking mensahe. 19 Magpapakita Ako ng mga kababalaghan sa
langit at mga himala sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. 20 Ang araw ay
magdidilim, ang buwan ay pupulang parang dugo, bago dumating ang dakila at
maluwalhating araw ng Panginoon. 21 At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi
ng tulong sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’ 22 “Mga Israelita, pakinggan
ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga
himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan
Niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo.
23 Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng
Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong
masasama. 24 Subalit Siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan
ng kamatayan, sapagkat hindi Siya kayang ikulong nito, 25 gaya ng sinabi ni
David tungkol sa Kanya, ‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina, hindi ako
matitinag sapagkat kapiling ko siya. 26 Kaya't ako'y nagdiriwang, puso at
diwa'y nagagalak, gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa. 27 Sapagkat
hindi Mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi Mo pahihintulutang
mabulok ang Iyong Banal na Lingkod. 28 Itinuro Mo sa akin ang mga landas upang
ako'y mabuhay, dahil sa Ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’ 29
“Mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at
inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y propeta
at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang
isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Kaya't ang muling pagkabuhay ng Kristo
ang nakita at ipinahayag ni David nang kanyang sabihin, ‘Hindi Siya pinabayaan
sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’ 32
Si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon.
33 Pinaupo Siya sa kanan ng Diyos at tinanggap Niya mula sa Ama ang
ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong
nakikita at naririnig. 34 Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi
lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo
ka sa kanan ko, 35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”36
“Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa
krus ay Siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!” 37 Nabagbag ang
kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang
mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro,
“Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa
pangalan ni Jesu-Kristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang
Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak,
at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong
Diyos.” 40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at
nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang
sasapitin ng masamang lahing ito.” 41 Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya
ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang
araw na iyon.
Pangunahing
ideya ng pag-aaral:
Inilarawan
ni Lucas ang mga pangyayaring naganap sa araw ng Pentecostes at kasama ang
paglilinaw ni Pedro sa kadakilaan ng Kristo, at ang pangangaral niya na dahilan
kung bakit marami ang sumampalataya at sumunod.
Outline
ng ating pag-aaral:
I.
The Event of Pentecost (2:1-13)
A.
Sounds Like a Mighty Rushing Wind (2:2)
B.
Divided Tongues as of Fire (2:3)
C.
Speak in Other Tongue (2:4)
II.
The Explanation of Pentecost (2:14-36)
A.
Pentecost means prophecy has been fulfilled (2:16).
B.
Pentecost means the last days have dawned (2:17a).
C.
Pentecost means everyone can know God intimately and should make Him known faithfully
(2:17b-21).
D.
Pentecost means Christ has ascended to the throne (2:22-36).
1.
The Man (2:22)
2.
The Plan (2:23)
3.
The Resurrection (2:24-32)
4.
The Messiah (2:33-36)
III.
The Evangelistic Harvest at Pentecost (2:37-41)
A.
Human Side
B.
Divine Side
Nasa panahon tayo ngayon na naging
parang normal na nating naririnig ngayon ang, “It’s a prank!” Ito ay sinasabi
pagkatapos lokohin o paasahin ang taong binibiktima. Naalala ko nang panahon
namin ang madalas na panlolokong ginagawa namin ay yung ipapakita mong may
kinakain kang tsitsirya, at kapag nakita mong manghihingi na ang bibiktimahin
mo, agad mo itong ibibigay sa kanya at sasabihin mong “kaw na mag tapon,” sabay
tawa at takbo. Syempre ang mga panloloko na ito at pagsisinungaling ay masakit
din at minsan napapasobra dahil wala namang gugustuhin ang mabigo at mapaasa.
Siguro may karanasan kayo na sinabihan kayo na magpapasyal kayo at talagang
excited ka kaso hindi natuloy kasi biglang umulan ng malakas o bumagyo. O kaya
naman may karanasan kayo na kakain kayo sa labas tapos yung paborito mong
kinakain ay hindi available. O kaya naman yung akala mo crush ka rin ng crush
mo. Marami pa siguro tayong mga katulad nito na kwentong naalala patungkol sa
disappointment natin. Pero
ito ang magandang balita: Ang Diyos kailanman hindi nag pa-prank sa atin.
Laging tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Hindi Siya sobra kung
mangako at tumutupad sa mga iyon. Sa Kanyang Salita makikita na ito ay laging
totoo. Sa
Gawa 2, sa panahon ng Pentecostes, maraming pangako ang natupad. Pinangako ng
Diyos sa Lumang Tipan na ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa lahat ng mga
taong sumasampalataya kay Kristo.
Joel
2:28-29
“Pagkatapos
nito, ipagkakaloob Ko ang Aking Espiritu sa lahat ng tao: ipahahayag ng inyong
mga anak na lalaki't babae ang Aking mga mensahe. Magkakaroon ng mga panaginip
ang inyong matatandang lalaki, at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga
kabataang lalaki. Sa panahong iyon, ibubuhos Ko rin ang Aking Espiritu maging
sa mga alipin, lalaki man o babae. “
Maging sa Bagong Tipan makikita natin
sa panahon ng ministeryo ni Jesus makikita natin na tinuro Niya sa Juan 14-16
ang mga bagay patungkol sa Banal na Espiritu at gumawa ng kagayang ipinangako
ng Ama sa Joel 2.
Gawa
1:4-5, 8
4
“Samantalang Siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, ‘Huwag muna
kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng
Ama na sinabi Ko na sa inyo. 5 Si Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di
na magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 8 Subalit tatanggap
kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging
mga saksi Ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng
daigdig.”
Nang
maglaon, tinukoy ni Pablo “ang ipinangako na Banal na Espiritu,” bilang isang
paalala na matagal na niyang inaasahan.
Galacia
3:14
“Ginawa
ito ni Kristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay
makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Sa pamamagitan ng
pananalig sa Kanya ay matatanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.”
Efeso
1:13
“Kayo
man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan,
ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay
Kristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos
bilang tatak ng pagkahirang sa inyo.”
Sa lahat ng ito, masasabi natin na
ang Gawa 2 ay isang napakagandang paalala sa atin na ang Diyos ay likas na tumutupad
sa Kanyang mga pangako. Ang pagdating ng ipinangakong Banal na Espiritu sa mga
mananampalataya ay hindi nangangahulugan na Siya ay umiral lamang sa panahon na
iyon. Ang Banal na Espiritu ay aktibo nang kumikilos kahit sa panahon ng Lumang
Tipan, pero yung Kanyang gawa ay mas naging kahanga-hanga sa ilalim ng Bagong
Tipan. Sinabi ni Pablo sa atin na, “Nang umakyat Siya sa kalangitan, nagdala
Siya ng maraming bihag, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.” (Efeso 4:8)
Tunay na pinagpala ni Jesus ang Kanyang iglesya sa paglagay sa atin ng Kanyang
Espiritu - iyan ay, sa pamamagitan ng pagbigay ng mga kaloob. Ibig sabihin nito
na tayo ngayon ay nabubuhay sa panahon ng Espiritu, at hindi natin dapat
tinitignan itong pangyayaring ito sa Gawa bilang isang bagay na dumating at
umalis. Sa halip, kung ano ang mahalagang nangyari sa araw ng Pentecostes ito
ay nanatili. Ang Espiritu ay dumating at nanatili. Ang araw ng Pentecostes ay
parang isang mayor na nagkabit ng water system sa lungsod. At mula sa
pagkakataong iyon, kapag may bagong bahay ang matatayo sa lungsod na iyon, ang
bahay na iyon ay makakakonekta sa water system. Sa madaling salita, ang araw ng
Pentecostes ay ang pag-install ng Diyos ng bagong source ng biyaya at
kapangyarihan sa Kanyang mga anak. Ngayon ang bawat taong lalapit kay Kristo sa
pagsisisi at pananampalataya ay magkakaroon ng access sa dakilang pinagmumulan
ng kapangyarihan. Ang pagkakabit na ito ay nangyari lamang ng isang beses, at
sa punto ng kaligtasan ito nagaganap, pero ang kahalagahan nito ay
nagpapatuloy.
Ang
passage na ating pag-aaralan ay mahahati sa tatlong bahagi: (1) ang pangyayari
sa Pentecostes (Gawa 2:1-13), (2) ang paliwanag sa Pentecostes (Gawa 2:14-21),
at (3) ang ebanghelikong pag-aani sa Pentecostes (Gawa 2:22-41).
I.
The Event of Pentecost (2:1-13)
Ano ba itong Pentecostes na ito? Ang
araw ng Pentecostes ay kasama sa talong pangunahing mga feasts o piyesta sa
taunang kalendaryo ng Israel. Ang pangalan nito ay hango sa araw kung kailan
ito na tapat – sa ikalabinglimang araw (pentecoste) pagkatapos ng Paskwa. At
nakita na natin sa Gawa 1:4-5, na una palang ay sinabi na ni Jesus sa mga
disipulo Niya na mag hintay sila sa Jerusalem sa araw na ito. Sa gayon,
nakikita natin ang mahalagang koneksyon sa pagitan ng krus at ng Espiritu sa
pangyayari dito. Hindi natin dapat ihiwalay ang Espiritu mula sa gawaing
pagtubos ng Kordero ng Paskwa na si Jesu-Kristo.
Ang
isa pang tawag sa Pentecostes ay “feast of harvest” (piyesta ng pag-aani). Kaya
nababagay itong pangalan nito sa pangyayaring naganap pagkatapos na mag sermon
si Pedro, dahil tatlong libong mga tao ang sumampalataya kay Kristo. Ang
Pentecostes ay nagmarka sa araw na iyon bilang araw ng pag-aani ng mga
kaluluwa. At nakita ang resulta nito sa Gawa 2:42-47, kung saan sila ay
nagsama-sama at naglingkod sa isa’t isa sa magandang paraan bilang isang lokal
na iglesya. Sa
buong pangyayaring ito sa Pentecostes, nagbigay ang Diyos sa iglesya ng mga
ilang miraculous signs na makikita sa Gawa 2:2-4 sa pagdating ng Banal na
Espiritu.
A.
Sounds Like a Mighty Rushing Wind (2:2)
Una, may tunog ng ugong na malakas na
hangin. Sa salitang Hebrew at sa Greek ang salitang espiritu ay maaari ring
mangahulugang “hangin” o “hininga,” at ang lakas o kapangyarihan ng Espirito ay
minsang inihalintulad sa paghinga ng buhay sa mga bangkay. Makita natin yan sa
Ezekiel 37:9-10, “Sinabi sa akin ni
Yahweh, ‘Ezekiel, anak ng tao, tawagan
mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi Ko: Hangin, hingahan
mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay’ Nagpahayag nga ako at ang hangin
ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami,
parang isang malaking hukbo.’” Katulad ng paglaan ng Banal na
Espiritu sa templo sa Lumang Tipan, ganito rin ang Espiritu na nakalaan sa isang
bagong templo, ang bagong tipang bayan ng Diyos. At dito nga sa binasa natin ay
makikita nating unang dumating ito na, “tulad
ng ugong ng malakas na hangin.”
B.
Divided Tongues as of Fire (2:3)
Pangalawa, hindi lang ito ang
kahanga-hangang makikita natin sa pagdating ng Banal na Espiritu sa mga
disipulo, maging ang palatandaang nakita na tila “dilang apoy na dumapo sa
bawat isa sa kanila” (tal. 3). Ang magkaroon ng apoy dito ay hindi na ito
dapat nakakagulat sa atin. Sa katunayan sa presensya ng Diyos, ay madalas na
nauugnay sa apoy: sa nagliliyab na punongkahoy (Exodo 3:1-6), sa paglalakbay sa
ilang (Exodo 13:17-22, 25-27), at sa tabernakulo/templo (1 Hari 6-8). Sa
katunayan mababasa natin sa Hebreo 12:29 na, “ang ating Diyos ay parang apoy
na nakakatupok.” Kaya ang apoy na nakita sa bawat mananampalataya,
samakatuwid, ay maaaring maging tanda na ang mga mananampalataya ay ang bagong
templo. Kaya ano makikita natin sa 1 Corinto 6:19? “Hindi ninyo alam na ang
inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng
Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan.” Kaya malinaw
dito na ang Diyos ay naninirahan sa bawat mananampalataya gaya ng pananahan
Niya sa santuwaryo. Ang apoy na iyon na parang dilang apoy ay makabuluhan,
tulad ng ipinahiwatig ng susunod na tanda at tulad ng ipinaliwanag ni Pedro na
sunod na nakita sa Gawa 2:14-21.
C.
Speak in Other Tongue (2:4)
Pangatlong tanda ay ang kaloob ng
pagsasalita. Ano ba itong kaloob ng pagsasalita? Sabi sa talata 4 na, “silang
lahat ay napuspos ng Espiritu Santo” kaya ito ang dahilan kung bakit sila
ay “nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika” Ang bagay na ito ay
humantong sa mga debate at di pagkakaunawaan sa grupo ng mga nagsasabing sila’y
mga Kristiyano. May mga naniniwala kasi na ang Gawa 2 ay nagpapakita ng
halimbawa ng speaking in a heavenly tongue na mababasa sa 1 Corinto 14:2, “Ang
nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao,
sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa
tulong ng Espiritu Santo.” Ito yung pagsasalita ng mga salita na hindi
naiintindihan kahit ng nagsasalita at tanging ang Diyos lang ang nakakaintindi
at ang mga nakakapagsalita lamang daw nito ay ang mga puspos ng Banal na
Espiritu. Ang tawag dito ay “speaking in tongue,” o “glossolalia” Ngunit sa
talatang ating nabasa nakita natin na ang mga napuspos ng Banal na Espiritu ay
nagsasalita sa wikang naiintindihan, ang tawag naman natin dito ay,
“xenoglossia”- na siyang “kaloob ng pagsasalita sa ibang wika” na naaayon sa
Bibliya. Ang nakakamangha lang dito ay yung nagsasalita ay hindi niya alam ang
wikang kanyang sinasabi ngunit naiintindihan ng taong ganon ang kanyang wika.
At dito ay nakakapagsalita sila sa iba’t ibang wika. Ang taong puspos ng Banal
na Espirito ay maaaring makagawa ng iba’t ibang gawin, pero lahat ay si Jesus
ay naitataas.
Sa Jerusalem nang araw na iyon ay
may mga tao, “na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo” (tal. 5). At ang
bawat tao na pumunta doon ay naririnig ang mga disipulo na nagsasalita sa, “wika
ng mga nakikinig” (tal. 6). Kaya ang naging resulta ay “namangha sila”
at nagtaka dahil ang mga nagsasalita ay mga “taga-Galilea” (tal. 7)!
Alam kasi ng lahat na ang mga Galilean ay hindi na turuan ng ibang wika. Hindi
sila kilala sa pagsasalita ng maraming wika at di kilala sa kasigasigan sa
edukasyon. Isipin nyo iyon biglang magsasalita yung isang Chinese na 1st time
palang pumunta dito ng purong tagalog. Talagang mamamangha ang mga taong
makakakita’t makakarinig niyon.
Sa talata 8 ay nakita na nating sila ay
naguguluhan sa mga bagay na nasasaksihan nilang hindi pangkaraniwang bagay. At
tunay nga namang makarinig tayo ngayon ng iba’t ibang wika na sabay sabay na
binibigkas ay tunay nang nakakahanga.
Sa talata 9-11 ay makikita na ang mga tao ay mula sa hilaga, timog, silangan,
at kanluran ang nakakarinig sa mga disipulo na nagsasalita sa kanilang mga
wika, na “tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos” (tal. 11).
Ano ngayon ang itinuturo ng Diyos sa
iglesya sa kamangha-manghang tanda na ito? Ang halatang punto ay ang ebanghelyo
ay para sa lahat ng bansa. Kaya, tayo bilang iglesya ay dapat ipakalat ang
Magandang Balita sa bawat tao, tribo, at sa bawat wika, dahil iyan ang planong
pagtutubos ng Diyos na makikita sa Pahayag 5:9-10, “sa pamamagitan ng Iyong
dugo ay tinubos Mo ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika,
bayan at bansa.”
Mababasa natin yung passion ng Diyos
na abutin ang ibang mga bansa sa Lumang Tipan pero nahihirapan ang mga
Israelita na maunawaan ang misyon sa mga Hentil. Kaya nga kahit doon sa
nakaraang nakita natin sa Gawa 1, ay makikita natin ang mga Judio na may
pananampalataya kay Kristo ay mas concern parin sa Jerusalem kaysa pag-abot sa
ibang bansa. Pero di-kalaunan sa Gawa 10:45, “Namangha ang mga
mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ang Espiritu Santo ay
ipinagkaloob din sa mga Hentil.”
May isang misyonaryo ang sumubok na
isalin ang Bibliya sa wika ng Kurdish. Katuwang niya dito ang kaibigan niyang
hindi mananampalataya, na tumutulong sa kanya na maisalin ang aklat ng Gawa, at
siya’y namangha na makita’t malaman na ang mga bansa ay naroon nang araw na ang
Diyos ay bumuo ng bagong komunidad, ang iglesya. Ang lalakeng Kurdish na ito ay
bumitaw sa kanyang hawak na lapis pagkatapos niyang mabasa na ang “Medes” ay
kasali doon, kaya napatanong siya sa misyonaryo na, “ibig mo bang sabihin na
ang aking mga ninuno ay nandoon?” At dahil, ang kurds ay na trace nila sa
kasaysayan nila na sila ay nagmula sa Medes. Dahil dito ay muling pinag-isipan
ng lalaking ito ang kanyang ideya sa Kristiyanismo. Napagtanto niya na para sa
kanya ang Gawa 2 ay patunay na ang Magandang Balita ay para sa lahat. Ang
nangyari sa araw na iyon ay nagsisilbing matibay na katibayan na ang ating
Diyos na sinasamba ay hindi eklusibo lamang sa Israelita. Sa halip, tayo bilang
tagasunod ni Jesus ay nagbabahagi ng kaligtasan sa lahat ng mga bansa dahil ang
ating Tagapagligtas ay namatay upang maabot ang mga tao mula sa lahat ng bansa.
At makikita sa Pahayag 7:9 na, “Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming
tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at
wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may
hawak na mga palaspas.” Darating ang panahon na makikita natin ang
katuparan ng bagay na ito na makita ang mga nagtagumpay na mula sa lahat ng
bansa. At ang Gawa 2:6, ay ang siyang simula ng katuparan nito.
Sabi ng ilan na ang nangyari sa
Pentecostes ay ang kabaligtarang nangyari sa Babel. Kasi kung babalikan natin
sa Genesis 11, sa tore ni Babel, pinagwatak-watak ng Diyos ang mga tao sa
pagbigay sa kanila ng iba’t ibang wika; sa Pentecostes naman ay pinag-isa ang
bawat tao na nasa Jerusalem sa pagpapahintulot sa Magandang Balita na tumawid
sa iba’t ibang wika na humaharang. Gayunpaman, ang Pentecostes ay hindi talaga
isang kabuoang kabaligtaran ng mga kaganapan sa Babel. Ang wika ng mga tao sa
Pentecostes ay nanatili at hindi binago o naging isang wika. Sa halip ay
naunawaan ng iba’t ibang wika na nandoon ang isang mensahe. Ito ay mahalaga.
Nagsasabi ito sa atin na ang Diyos ay naluluwalhati sa pag-exalt o pagtaas kay
Kristo sa pagkakaisa sa kalagitnaan ng pagkakaiba-iba. Sinusubukan ngayon ng
mga misyonero sa iba’t ibang bahagi ng mundo na isalin sa iba’t ibang wika at
katutubong wika ang mensahe ng Magandang Balita; ang bawat wika ay mahalaga.
Kaya iyan ang dahilan kung bakit ang mga translator ng Bibliya ay buong
tiyagang nagsasalin ng mga Bibliya sa iba’t ibang wika sa maraming taon na ang
nagdaan at nagpapatuloy parin hanggang ngayon.
Ngayon sa paksang ito lilitaw ang
isang magandang tanong: Anong wika ang sasalitain ng mga ligtas sa langit?
Masarap isipin kung tagalog sana. Marami namang nagsasabi na modern English daw
kasi mas alam ng marami. May mas malalim naman na nag-iisip na baka ang
pangunahing salita natin doon ay Hebrew. Pero nasa panig ako ni D.A. Carson, na
nakikita niya na ang mga pupunta sa langit ay magsasalita ng kani-kanilang wika
pa rin - maging ang mga wikang wala na ngayon. At hindi din naman natin
makikita na problema iyon kasi una nakita na natin na naging posible iyon sa
Pentecostes at kung hindi man eh may habang buhay tayo para aralin ang lahat ng
wika. (Carson, “Pentecost”). Kapag tinitignan natin itong mga kamangha-mang
nangyari sa Pentecostes nagkakaroon tayo ng patikim o idea sa kung anong
kultura sa langit ang makikita na pagkakaloob ng Diyos sa gitna ng magandang
pagkakaiba-iba ng mga tao doon.
Sa ulat ni Lucas tungkol sa
Pentecostes ito ay nagbibigay diin sa paparating na kaharian ng Diyos, at ang
iglesya ay isang tanggapan (outpost) ng kaharian. Makikita natin ang iglesya,
ay katulad ng isang embassy na kumakatawan sa bansa habang nasa isang banyagang
lupain, na dapat maipakita sa mundo ang larawan sa kung ano ang kaharian ng
Diyos. Kaya iyan ang hamon sa atin na mamangha ang mga makakakita na mga tao sa
paligid natin sa ating pagsama-sama sa mga ministeryo ng habag, sa mensahe ng
pag-asa at ang pagkakaiba-iba natin sa pagsasama-sama. Ang mga taong natipon ng
Diyos sa Pentecostes ay napakita sa mundo kung anong Hari ang meron tayo at
napakita din nila sa mundo kung ano ang ibig sabihin ng maging isang mamayan ng
langit habang nabubuhay sa mundo. Di nga nagtagal nakita natin at mababasa sa
mga sunod na nangyari sa aklat ng Gawa na naitatag ang mga bagong outpost ng
kaharian (church) sa mga lugar tulad ng Corinto, Efeso at Filipos din.
Nawa’y hangarin din nating maipakita
sa mundo kung ano ang katulad ng darating na kaharian habang tayo ay
nagpapasakop sa ating Hari na si Jesus at ipagpatuloy ng iglesya ang misyon
tulad ng ipinakita sa Gawa na may kapangyarihan ng ipinangakong Banal na Espiritu.
II.
The Explanation of Pentecost (2:14-36)
Sa talata 12 makikita na tumugon si
Pedro sa tanong na, “Ano
ang kahulugan nito?” Ang kanyang sagot ang naging unang sermon sa aklat ng
mga Gawa. At pagkatapos maitala ni Lucas yung sermon ni Pedro mababasa natin sa
Gawa 2:40, na sinabi niya na, “Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan
ang kanyang sinabi.” Kaya mapapaisip din tayo at ma-iintriga kung ano pa
ang mga magagandang bagay na sinabi ni Pedro. Pero kahit na maikli lang na
tugon ang sinabi ni Pedro na meron tayo sa tanong na iyon, kung ano ang
naisulat na mababasa natin ay maluwalhati at sapat na.
Sa pagsagot ni Pedro sa tanong,
sinimulan niya sa pamamagitan ng paglilinaw. Tiniyak niya sa madla na ang mga
disipulo ay hindi umiinom at lasing, dahil 9:00am palang ng umaga (tal. 14-15).
Pagkatapos ng paglilinaw niya, ay sinabi niya ang ayon sa sinabi ni propetang
si Joel, na itong Pentecostes ay nagtuturo ng apat na mga katotohanan.
A.
Pentecost means prophecy has been fulfilled (2:16).
“Ang
nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,”
Sinabi ni Pedro sa madla na
nasaksihan nila kung ano ang na propesiya ni Joel na mangyayari. Malamang na
marami sa mga nakakarinig sa kanya doon ang maaaring nakabasa na
sa sinasabing iyon ni propetang Joel. Inihula ni Joel ang malakas na buhos ng
Espiritu sa mga Israelita at kung paano dumadaloy ang mga pagpapala sa mga tao
sa bawat bansa at tribo.
B.
Pentecost means the last days have dawned (2:17a).
“Ito
ang gagawin ko sa mga huling araw”
Sa halip na banggitin niya ang
eksaktong sinabi ni Joel, nagsimula si Pedro sa pagsasabing, “sa mga huling
araw.” Sa Joel 2:28 ay nagsimula naman sa pagsabi na, “Pagkatapos nito…”
Kaya’t ngayong umakyat na si Kristo at dumating na ang Pentecostes,
naghihintay tayo ngayon sa pangwakas na drama ng gawa ng pagtubos – ang
pagbabalik ng Hari ng mga bansa. At tandaan natin ang sinasabi sa 1 Corinto
10:11 at 2 Timoteo 3:1, na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw na.
C.
Pentecost means everyone can know God intimately and should make Him known faithfully
(2:17b-21).
Inihula ni Joel ang araw kung saan
ang bawat mananampalataya, mula sa bawat tribo, at wika, ay magiging isang
propeta. Sinipi ni Pedro si Joel sa pagsabi na ang lahat ng mga lingkod ng
Diyos ay makakapag propesiya. Habang hinirang naman ng Diyos ang ilang mga lingkod
bilang pastor. Ang bawat mananampalataya ay tinawag upang magturo ayon sa
kakayahang binigay.
Sa aklat ng Bilang, si Moises ay
nakitang minsang napagod sa pamumuno, kaya ang mga itinalaga ay ang mga
matatanda, na puspos ng Espiritu, at sila ay nagpropesiya. Nang ang ilan ay
nabulabog sa pagbabago na ito at nagreklamo kay Moises, tumugon siya, "Gusto
ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga
Israelita.” (Bilang 11:29)! Nakakatuwa na ang mismong bagay na pinanabikan
ni Moises at tungkol kay Joel na kanyang na propesiya ay nakita nating dumating
na may pagbuhos ng Espiritu. Inihanda ng Diyos ang Kanyang mga tao para sa
gawaing dapat nilang gawin.
Sa pagsabing ito ni Pedro ay hindi
nangangahulugan na ang bawat mananampalataya ay may gift of prophecy. Sabi sa 1
Corinto 12:10, “May pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala;
may pinagkalooban din ng kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at
may pinagkalooban naman ng kakayahang malaman kung aling kaloob ang mula sa
Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkalooban ng kakayahang magsalita sa
iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon.”
Ang gusto nyang ipakita sa atin dito na ang bawat mananampalataya ngayon ay may
shares sa pangkalahatang pribiliheyo at responsibilidad ng mga propeta sa
Lumang Tipan. Ang mga taong iyon (ang mga propeta) ay nakikilala nila ang Diyos
ng mas malalim at inatasan silang magbahagi ng tapat ng Salita ng Diyos.
Pangunahin nilang nakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng, “dreams and visions.”
Tayo ngayon ay nakakakilala sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at tayo ay
pwedeng mas lumago pa sa kaalaman sa pamamagitan ng Kanyang Salita na nahayag
sa atin – ang Bibliya. Ngunit tulad ng propeta, dapat nating ipahayag o ibahagi
sa iba ang Salita ng Diyos sa mundo. Ito ang ating misyon.
Dahil sa pagtatapat ng unang iglesya
sa pagtupad sa misyong pinagkatiwala sa kanila, makikita natin na ang sunod na
nangyari ay, sila ay lumago at nag multiply hanggang sa makatawid sa ibang
lugar at kultura sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Gawa
2:42; 6:7; 11:24; 12:24; 13:49; 16:5; 19:20; 28:30-31). At sa maraming
pagkakataon makikita natin na ito ay naipahayag ng mga Kristiyano na hindi
propesyonal o mga simpleng mga
tao lamang (mga hindi nakapag-aral, mahirap at walang kapangyarihan sa
lipunan). Ang tanging ginawa lang nila ay palagi nilang ipinapangaral ang
Salita ng Diyos saan man sila mapunta. Gawa 8:4, “Dahil dito,
nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba't ibang lugar, ngunit saanman
sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita.”
Nang maglaon sinabi ni Pablo, “Ang
salita ni Kristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan
ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan” (Colosas
3:16) Sinabi rin niya sa mga taga-Roma, “Mga kapatid, lubos akong
naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at may sapat na kaalaman, kaya't
matuturuan na ninyo ang isa't isa” (Roma 15:14). At maging si Pedro ay nag
paalala sa mga mananampalataya na, “Lagi kayong maging handang magpaliwanag
sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo” (1 Pedro
3:15). At sa Colosas 4:5, “Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi
nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon.” Anong ibig
sabihin nito? Ang ibig sabihin ng Pentecostes na ang bawat mananampalataya ay
maaaring makilala ang Diyos ng tunay at dapat Siyang ipakilala ng may katapatan
sa iba.
Muli pinapaalalahanan tayo nito na
lahat ay kasali sa misyong iniwan ni Kristo na dapat ipagpatuloy hindi lang ng
mga pastor kundi ng lahat ng mananampalataya – bata man o matanda, mayaman man
o mahirap, lahat ay kasali. Walang taga-masid lang. Pero marami ang nasa
simbahan na ganon ang trabaho - taga masid lang at dahil nga taga masid lang
sila at hindi nakikiisa sa MISYON sila ay maraming puna at bahagi ng
konsoMISYON sa iglesya. Pero kung kayo ay sumasampa-lataya kay Kristo, ikaw ay
kasali sa misyon ng Hari. Binigyan Ka Niya ng Kanyang Espiritu para ibahagi sa
iba ang Kanyang kaluwalhatian at hindi para patambayin mo lang ang Espiritu sa
iyong katawan.
Sa talata 19-21 nabasa natin na ang
pangangailangan ng sangkatauhan na makilala si Kristo at ang alok Niya upang
makilala Siya ng lahat. Binanggit dito ni Pedro ang mga mangyayari sa hinaharap
na kakila-kilabot na bagay bago dumating ang araw ng Panginoon. Habang sa akin
ito ay tila tumutukoy sa pagbabalik ni Kristo, sa iba naman nakikita nila na
ito ay reference sa cross at resurrection; nakikita naman ng iba na ito ay
konektado sa kaganapan na magaganap sa AD 70 kapag ang Roman general na si Tito
ay sisirain ang Jerusalem. Anuman ang tama sa tatlong ito na tunay na tinutukoy
ng propeta na nakikita niya, ang malinaw dito ay ang pinapakita sa atin ng
kanyang salita ng kabanalan ng Panginoon at pinapaalala sa atin ang
pangangailangan ng bawat isa na tumawag sa Panginoon para maligtas (tal. 21).
At ang Panginoong ito ay si Jesus, “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na
itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay Siyang ginawa ng Diyos na Panginoon
at Kristo!” (Gawa 2:36), na ngayon ay itinataas ni Pedro sa kanyang sermon
na nakasentro kay Kristo.
D.
Pentecost means Christ has ascended to the throne (2:22-36).
Iwan muna natin si Joel, dako naman
tayo sa paglalarawan ni Pedro sa buhay at ministeryo ni Jesus. Sa talata 33 ay
kinabit niya ang mga nangyaring nasaksihan ng mga tao sa Pentecostes sa
pag-akyat ni Jesus. At kung papansinin natin ang mga pagkakasunod-sunod na
nangyari kay Jesus, mula sa pag-akyat Niya, at pagkatapos ang pagbigay ng Ama
kay Jesus ng pinangakong Banal na Espiritu para ibuhos sa Kanyang mga tao, mag
papaalala ito sa atin ng sinabi sa Juan 14:16, “Dadalangin ako sa Ama, upang
kayo'y bigyan Niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo
magpakailanman.” Binuhos ni Jesus ang regalo sa Kanyang bayan bilang tanda
na Siya ay talagang umakyat sa trono, upang maghari sa lahat, at mamuno sa
gitna ng Kanyang mga kaaway.
Bago dumating si Pedro sa puntong
ito, nag salita siya ng ilang maluwalhating katotohanan tungkol kay Jesus.
Tulad ng ibang mga naitala na sermon sa aklat ng Gawa, nakasentro si Pedro sa
pangunahin na mensahe ng Bibliya: ang kamatayan at muling pagkabuhay ng Hari.
1.
The Man (2:22)
“Mga
Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos.
Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng
Diyos sa pamamagitan Niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap
sa kalagitnaan ninyo.”
Si Pedro ay nagsimula sa pagiging tao
ni Kristo. Sinabi niya, “Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap
sa kalagitnaan ninyo.” Ang mga tanda at kababalaghan ay nagpapatunay sa mga
sinasabi ni Jesus. Ang mga himalang ito ay hindi paglabag sa laws of nature sa
katunayan ito ay restoration ng laws of nature. Bakit? Sa Kanyang unang
pagparito ay ipinakita ni Jesus sa bawat isa kung ano ang magiging katulad ng
Kanyang ikalawang pagparito at sa Kanyang kaharian: doon wala ng may ketong,
walang sakit, walang demonyo, walang kakatakutang bagyo, walang kamatayan.
Babaliktarin ng ating Haring Jesus ang sumpa — ang lahat ng mga bagay ay
ibabalik. Ang lahat kasi ng nararanasan natin ngayon ay bunga ng kasalanang
pumasok sa sanlibutan.
Ang katauhan ni Kristo na
nailalarawang mababasa sa mga aklat ng Gospel (Mateo, Marcos, Lucas at Juan) ay
nakakaakit. Huwag nating maliitin ang kapangyarihan ng paghimok
sa isang kaibigan na unbeliver na basahing mabuti ang mga aklat ng four Gospel.
Marami na akong nakilala na sa simpleng pagbabasa ng mga aklat na ito ng Gospel
ay nagdala sa kanila para maunawaan ang pag-ibig at kapangyarihan ni Kristo
dahilan para sila ay lumapit kay Kristo.
2.
The Plan (2:23)
“Ngunit
ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa
mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama.”
Sunod na nilarawan ni Pedro ang
pagkamatay ni Kristo mula sa human at divine perspective. Binigyang diin dito
ni Pedro ang sovereignty ng Diyos at ang pananagutan ng tao. Ang kamatayan ni
Kristo ay bahagi ng plano ng Diyos noon paman. Ang katotohanang ito ay makikita
nating mas nabigyang diin din sa Gawa 4:24-28. Bakit binuksan ni Pedro ang
theological truth na ito? Dahil hindi maunwaan ng mga Hudyo kung bakit ang
Mesias ay ipinako sa Krus at iyon ay bahagi ng Kanyang katagumpayan. Nakita
nila na si Jesus ay ipinako sa kahihiyan at paghihirap. Paano magiging posible
na Siya ang Mesias? Ipinakita ni Pedro sa kanyang mga taga-pakinig na si Jesus
ay hindi namatay bilang isang biktima. Pinaalam niya na ibinuwis ni Jesus ang
Kanyang buhay bilang katuparan sa plano ng Diyos, na nilayon upang ibigay ang
lahat ng mga bagay kay Kristo. Efeso 1:10, “Layunin Niyang tipunin ang lahat
ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Kristo.”
Sa kabilang banda, hindi tinuturo ng
Bibliya ang fatalism. Ano ito? Ang paniniwala na ang lahat ng mga kaganapan ay
paunang natukoy at samakatuwid ay hindi maiiwasan kaya lalabas na hindi
mananagot ang mga nagpako kay Jesus sa krus. Ang bawat tao ay mananagot para sa
kanyang mga ginawa. Pinaalala ni Pedro sa kanyang mga tagapakinig na sila ay
responsible para sa pagpapapako kay Kristo sa krus. At tayo rin. Sa krus nakita
natin kung papaano inalis ng tao ang Diyos sa trono. Nagplano silang patayin
ang kanilang Manlilikha. Nang ipinaalala ni Pedro sa pangkat na ito ang
kanilang pagkakasala, “nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito”
(tal. 37).
3.
The Resurrection (2:24-32)
Sinabi ni Pedro sa madla ang tungkol
sa kamangha-manghang bagay na ginawa ng Diyos: Binuhay Niya si Jesus (tal. 24).
Nakita natin na si Jesus ay buhay at hindi napigilan ng kamatayan.
Pagkatapos ay sinabi sa kanila ni
Pedro na ang mga bagay na ito ay nakita at sinabi na noon pa man ni Haring
David; “Kaya't ang muling pagkabuhay ng Kristo ang nakita at ipinahayag ni
David nang kanyang sabihin, ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at
hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan’” (tal. 31). Si Kristo ang
pangakong tinutukoy sa Awit 16. Sinabi ni Pedro na maaari nyong mabisita ang
libingan ni haring David ngayon, ngunit ang libingan ni Kristo ay walang laman.
Sino, kung gayon, ang tinutukoy ni David sa Awit 16? Dapat nating tandaan na si
David ay isang prototype. Ano ito? Ito ang una, tipikal o paunang modelo ng
isang bagay. Ang mga bagay na nagyari kay David ay naging mga modelo na
inaasahan na darating sa isa pang Hari. Kung babasahin mo ang aklat ng mga Awit,
mababasa mo ang ilang mga bagay na naaangkop kay David; at minsan naman
mababasa mo na ang ilang mga bagay ay hindi maipaliwanag o hindi natupad kay
David. Marami tayong makikita na mga salita sa Awit na hindi abot ng ating
kaisipan hanggat hindi natin nakikita ang kabuoang inaasahan na Mesias. Ang
misteryo ay humantong sa mga tao na magtaka at magtanong, “sino itong Hari na
ito?” Sinabi ni Pedro, “paghambingin nyo ang libingan ni David at ni Kristo.
Pagkatapos sabihin nyo sa akin.”
Sa talata 32 sinabi na, “Si Jesus
ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon.” Ang
apat na aklat ng Gospel ay ginagamit ang mga nakasaksi para mapanatili ang
historical integrity. Marami ang saksi ang nabasa natin doon sa pangyayari ng
muling pagkabuhay. At marami ang nakakita sa mga disipulo ni Jesus na nagbago.
4.
The Messiah (2:33-36)
Kanina nakita natin na ikinabit ni
Pedro ang mga kaganapan ng Pentecostes sa pag-akyat ni Jesus sa talata 33, at
pagkatapos ay ginamit niya ang talata sa Awit 110. Gustong gustong gamitin ng
early church ang Awit 110. Isa ito sa mga messianic psalm na inaabangan na
matupad. Nakita na ni David ang pagtaas ng Panginoon. Alam niya noon palang na
may darating na mas dakila pa sa kanya na hari. Ginamit din ni Jesus ang mga
talata sa Awit 119 sa Lucas 20:41-44, kung saan dito pinatahimik Niya ang
Kanyang mga kalaban habang sinabi Niya na Siya ay uupo sa isang trono
magpakailanman. Tinapos
ni Pedro ang kanyang sermon sa pagsabi na, “Kaya't dapat malaman ng buong
Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay Siyang ginawa ng Diyos na
Panginoon at Kristo!” (tal. 36). Hindi sinubukan dito ni Pedro na
ipagtanggol si Jesus. Hindi niya pinababaw ang ebanghelyo dito. Sinabi niya na
si Jesus ay Hari; samakatuwid, ang mga tao ay dapat magpasakop sa Kanya.
Nangaral siya sa diwa ng Awit 2: “yumukod kayo't magparangal, baka magalit
Siya't bigla kayong parusahan. Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan”
(Awit 2:12).
Nakikita ko na kailangang maibalik sa
mga tao ang takot sa umakyat na maluwalhating Panginoon, gaya ng mababasa na
natin sa Pahayag 6:15-17: “Nagtago sa mga yungib na bato ang mga hari sa
lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan,
at lahat ng tao, alipin man o malaya. At sinabi nila sa mga bundok at sa mga
bato, ‘Tabunan ninyo kami para makubli kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at
makaiwas sa poot ng Kordero! Sapagkat dumating na ang malagim na araw ng
pagbubuhos nila ng kanilang poot, at sino ang makakatagal?’” Kasi ngayon
marami ang tumatanggi sa Kanyang pag-ibig; ang Kanyang kadalisayan ay
natatapakan; ang Kanyang katotohanan nililibing. Pero ayon sa nabasa natin,
balang araw ang maawain na Jesus na ito ay makikitang maghahari gamit ang isang
tungkod ng bakal, at ang pinakamakapangyarihang tao ay magtatago sa takot sa
Kanya.
Oo, si Kristo ay mabuti. Ngunit hindi
lang natin dapat Siya nakikita na ganito. Si Jesus ay totoong Hari. Ang mga
taong nakikita lamang Siya bilang mabait, mapagmahal at mapagpatawad at hindi
Banal at makatarungan ay ang mga taong hindi takot gumawa ng kasalanan at
pagsuway. Huwag kang paloko. Tignan mo Siya bilang Panginoon at Hari. Iyan ang
mensahe ni Pedro. Parang sinasabi niya na, “tiyakin mo kung ano alam mo. Dapat
sigurado ka sa bagay na ito.” Si Jesus ang Haring umakyat.
III.
The Evangelistic Harvest at Pentecost (2:37-41)
Sa pangwakas, nabasa natin ang
kamangha-manghang resulta ng pangangaral ni Pedro sa talata 37: “Nabagbag
ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang
ibang mga apostol, ‘Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Ang mga
nakarinig ay nakadama ng kahatulan sa kanilang sarili dahil napagtanto nila na
sila ay nagkasala at nararapat sa poot ng Diyos. Nakita nila ang
pangangailangan nila na makalaya sa kaparusahan. Napansin nyo dito na hindi
sila nag hintay sa alok ng paanyaya o hindi natin makikita dito na tinanong
sila ni Pedro kung sino gusto tumanggap kay Jesus? Tinanong nila si Pedro kung
papaano sila tutugon sa kanyang mensahe. Papaano nila nakita ang katotohanang
ito sa kanilang sarili? Sino ang nagbukas ng kanilang mata sa kalunos-lunos na
kalagayan nila?
Muli, ang mga salita ni Jesus tungkol
sa gawain ng Espiritu ay ipinakita. Sa Juan 16:8-11 ay sinabi ni Jesus, “Pagdating
Niya ay Kanyang patutunayan sa mga taga-sanlibutan na mali ang pagkakilala nila
tungkol sa kasalanan, tungkol sa pagiging matuwid, at tungkol sa paghatol ng
Diyos. Mali sila tungkol sa kasalanan sapagkat hindi sila nananalig sa Akin.
Mali sila tungkol sa pagiging matuwid sapagkat Ako'y pupunta sa Ama at hindi na
ninyo makikita; at tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang
pinuno ng mundong ito.”
Pinakita ng sermon ni Pedro kung
paano ang Espiritu ng Diyos kumilos sa ebanghelyo at kumilos sa puso ng mga
tao. Kaya habang tayo ay nagbabahagi ng Magandang Balita sa iba, manalangin
tayo na ang Espiritu ng Diyos ang mag dala ng conviction at pagsisisi sa
binabahaginan mo. Hindi natin dapat subukan na akitin sila sa ating mga patotoo
o mga gimik gimik para makuha natin ang tugon nila. Isipin natin na trabaho ng
Banal na Espiritu ang sila’y baguhin at trabaho natin ang ibahagi ang tunay at
biblical gospel.
Sa mga talata 38-41 makikita natin
ang maluwalhating pagkilos ng Diyos sa mga taong na convert. Inilarawan ni
Pedro ang human at divine sides ng conversion.
A.
Human Side
Humanly speaking, ang isang tao ay
dapat magsisi at maniwala para maligtas. Ang pananampalatayang ito ay
napapahayag sa baustismo, isang publikong deklarasyon ng taong
sumasampalataya kay Kristo. Ang lahat ng tatalikod sa kanilang mga kasalanan at
magtitiwala kay Jesus ay pananahanan ng Banal na Espiritu.
Tinuturo ng iba na ang mga talatang ito ay
nagtuturo ng tinatawag na “baptismal regeneration,” na ang ibig sabihin
maliligtas ka lang ng ganap kung ikaw ay magpapabautismo. Habang binibigyang
diin ni Pedro ang bautismo dito, kailangan natin na huwag ibalewala ang
konteksto. Nakita natin dito na ang Bautismo ay sumunod pagkatapos magtiwala
ang isang tao sa Salita ng Diyos. At kapag binasa pa natin ang buong aklat ng
Gawa, malinaw na makikita natin ang baptismal regeneration ay hindi naituro.
(tignan ang 2:21; 3:19; 10:43; 13:38-39; 15:9; 16:31; 20:20-21).
Pastor, eh ano po yung sinasabi sa
Marcos 16:16? “Ang sinumang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas,
ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan.” Muli, dapat huwag balewalain
ang konteksto dahil kung ang pagkakaunawa natin dito ay, maliligtas ang tao sa
pamamagitan ng Bautismo, ito ay sasalungat sa marami pang talata tulad ng Efeso
2:8-9 na malinaw na tinuturo na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng
pananampalaya kay Kristo na biyaya lamang, at hindi sa pamamagitan ng mga
anumang gawa, kasama ang bautismo. Maliligtas ba ang tao sa pamamagitan ng
bautismo? Ang maikling sagot ay, hindi. Para masabi na ang bautismo ay
kailangan talaga para maligtas, kailangan makikita natin na patuloy itong
naisasamang naituturo sa mga sumunod na aklat sa Bagong Tipan sa pagsagot sa
tanong na, “papaano maligtas ang tao?” Ang itinuturo ng talatang ito ay
kinakailangan ang paniniwala para sa kaligtasan, na naaayon sa hindi mabilang
na mga talata kung saan ang paniniwala lamang ang nabanggit (halimbawa,
Juan 3:18; Juan 5:24; Juan 12:44; Juan 20:31; 1 Juan 5:13).
Ang talatang ito ay binubuo ng
dalawang pangunahing pahayag. 1- “Ang sinumang sumampalataya at
mabautismuhan ay maliligtas.” 2 – “ang ayaw sumampalataya ay
paparusahan.” Habang
sinasabi sa atin ng talatang ito ang tungkol sa mga mananampalatayang
nabautismuhan (sila’y ligtas), hindi naman sinasabi nito na ang mga
mananampalataya naman na hindi nag pabautismo ay parurusahan. Kung talagang ang
tinuturo nito na ang bautismo ay makapagliligtas dapat ang sinabi niya sa
pangalawang bahagi ay, “ang ayaw sumampalataya at hindi nagpabautismo ay
parurusahan.” Kaya nga nasabi ni Pablo sa 1 Corinto 1:17, “Sapagkat
isinugo ako ni Kristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng
Magandang Balita.”
B.
Divine Side
Ang divine side ng conversion naman
ay involve ang God’s sovereign activity. Sinabi ni Pedro sa Gawa 2:39, na ang
Panginoon ay tumatawag sa mga tao sa Kanya. Ang parehong ideyang ito ay nakita
sa iba’t ibang mga lugar sa mga Gawa, tulad ng sa Gawa 13:48: “sumampalataya
ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.” Ang aktibong
pagkilos ng Panginoon sa puso ng mga rebeldeng tao ang nagbibigay sa atin ng
pag-asa sa pagbabahagi ng Magandalang Balita. Patuloy na itaas si Kristo sa
pamamagitan ng pagbabahagi ng Magandang Balita at manalangin na kumilos ang
Espiritu sa puso ng mga taong binabahaginan at dalhin sila sa pagsisisi.
Huwag nating kaliligtaan na minsan
isang araw, sa isang pangyayari, na makikitang dinala ng Panginoon ang tatlong
libong katao sa Kanyang sarili! Hinimok ni Pedro ang karamihan na tumalikod sa
kanilang mga personal na kasalanan pati na rin mula sa ang mga kasalanan ng
kanilang henerasyon, at marami sa kanila ang gumawa. Ang great harvest sa araw
ng Pentecostes ay nag tatag ng isang bagong komunidad, na kung saan ay
nilarawan sila sa Gawa 2:42-47, na pag-aaralan natin sa sunod na linggo.
Tunay na ang ating Diyos ay tapat sa
Kanyang mga pangako. Hindi nag pa-prank ang Diyos sa atin. Ginagawa Niya talaga
ang Kanyang mga ipinangako at dinala ang kaligtasan sa mga rebeldeng nagsisi.
Naniniwala ka ba na ang Diyos ay tapat sa Kanyang mga pangako? Kung ganon,
ibahagi natin sa mga tao sa paligid natin at saan man tayo mapunta ang
pinangakong buhay na walang hanggan, ang pinangakong kapatawaran, at ang
pinangakong pananahan ng Banal na Espiritu. Pagpalain nawa ng Panginoon ang
ating katapatan sa pagpapahayag ng Kanyang katotohanan, pagkalooban nawa tayo
ng kaluluwang maaani habang itinataas natin ang katauhan at gawa ni Jesus na
ipinako, muling binuhay at umakyat sa langit.
Sa ating paglakad sa aklat ng Gawa,
nakita na natin kung papaano kumilos ang Espiritu para matupad ang Kanyang
pangunahing layunin: To Exalt Jesus (ang dakilain si Jesus) – “Pararangalan
Niya Ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa Akin ang ipahahayag Niya sa
inyo” (Juan 16:14) At sa pag-aaral nating ito marami nawa tayong nakitang
makakapag-encourage sa atin. Meron tayong mga kailangan na mga kagamitan para
maging tapat na mga saksi dahil meron tayong Bibliya at Espiritu. Sa ganyon,
maaari tayong makapagsalita na may kompiyansa, yamang alam natin na ang
Espiritu ang kikilos at ang mangungusap sa taong ating binabahaginan ng
Magandang balita para sila ay dalhin nito sa pagsisisi at pananampalataya.
Nakita natin kung paano ang Espiritu binago ang mga indibidwal upang lumikha ng
buhay na iglesya.
Ang iglesya ay ang isang bagong
komunidad ng mga bagong nilikha kay Kristo, na nabubuhay para sa misyon bilang
mamamayan ng Kanyang kaharian. Maaari na nating ibaling ang ating pansin sa
kumunidad na ito ng pananampalataya at makita ang kahalagahan ng pagiging
kabilang sa isang biblikal na komunidad.
__________________________________________________
Discussion:
PAG-ISIPAN
1.
Sa anong paraan ka nabibigo ng mga tao? At paano ang mga pangako ng Diyos ay nakakapag-encourage
sayo?
2.
Bakit mahalaga ang Banal na Espiritu sa ating pagtuturo at pagbabahagi ng Magandang Balita tungkol kay
Kristo?
3.
Yamang alam mo na nasa atin din ang Banal na Espiritu ng Diyos, ano ang magiging dulot nito sayo sa
tungkulin nating ibahagi ang Magandang Balita tungkol kay
Jesus sa ating mga mgahal sa buhay?
PAGSASABUHAY
1.
Papaano mo mapapakita na ang Banal na Espiritu ay nasa iyong buhay?
2.
Sino ang sa tingin mo ang taong dapat mong bahaginan ng Magandang Balita
PANANALANGIN:
Ipanalangin
ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan tayo ng Diyos na maipamuhay ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento