Tanong:
Bakit hindi ako dapat magpakamatay?Sagot:
Nakakahabag ang mga taong nag-iisip na wakasan na ang kanilang mga sariling buhay sa pamamagitan ng pagpapakamatay. Kung ikaw ang taong yun, ang pag-iisip tungkol sa pagpapakamatay ay produkto ng mapaminsalang emosyon katulad ng kawalang pag-asa at masidhing kalungkutan. Maaring nararamdaman mo na parang nasa ilalim ka na ng hukay at nag-aalinlangan ka kung mayroon pa bang pag-asa o kung bubuti pa ba ang sitwasyon na iyong kinalalagyan. Maaring iniisip mong wala nang nagmamahal sa iyo at wala nang nakakaunawa sa iyong sitwasyon. At dahil doon wala ng kabuluhan para mabuhay pa o mayroon pa nga ba?
Ang mga nakapanghihinang emosyon ay nararanasan ng karamihan paminsan minsan. Ang mga katanungang pumasok sa isip ko noong naramdaman ko na parang nasa ilalim na ako ng hukay ay “Ito ba ang kagustuhan ng Diyos na lumalang sa akin? Napakalayo ba ng Diyos upang ako'y tulungan? Napakalaki ba ng aking mga problema na wala Siyang sapat na kapangyarihan upang bigyan ng kalutasan ang aking mga problema?”
Nais kong ibalita sa iyo na kung pag-iisipan mo ng mabuti ang iyong kalagayan at Siya ang kikilalanin mong Diyos ng iyong buhay, patutunayan Niya sa iyo kung gaano Siya kabuti at kadakila! “Sapagkat walang imposible sa Diyos” (Lucas 1:37).
Maaaring ang mga sugat ng nakaraan ay nagbunga ng nakapanlulumong pakiramdam na binalewala at pinabayaan. Maaaring ito ang nagtutulak sa iyo upang makaramdam ka ng paninisi sa sarili, galit, pagkamuhi, mapaghiganting kaisipan at kilos, takot sa hinaharap at ito'y nagbubunga naman ng problema sa relasyon mo sa iyong kapwa. Subalit ang pagpapakamatay ay magdudulot lamang ng mas malaking suliranin sa iyong mga mahal sa buhay na hindi mo naman layong saktan. Ito'y magiging isang emosyonal na sugat na kakaharapin nila habang sila ay nabubuhay.
Bakit hindi mo kailangang magpakamatay? Kaibigan, gaano man kalaki ang iyong problema sa buhay, mayroong Diyos na nagmamahal at naghihintay sa iyong paglapit upang gabayan ka sa iyong paglalakbay sa kawalang pag-asa tungo sa Kanyang kamangha-manghang kaliwanagan. Siya ang iyong tiyak na pag-asa. Siya ay si Hesus.
Si Hesus ay ang Banal na Anak ng Diyos. Nalalaman Niya kung dumaranas ka ng pagbalewala at kahihiyan at nauunawaan Niya ang iyong kalagayan. Ito ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol kay Hesus, “Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, Wala siyang taglay na pang-akit para lapitan Siya. Hinahamak Siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas Siya ng sakit at hirap. Wala man lang nagtapon ng sulyap sa Kanya. Hindi natin Siya pinansin, para siyang walang kabuluhan. Tiniis Niya ang hirap na tayo ang dapat tumanggap, gayon din ang kirot na tayo sana ang lumasap; Akala natin ang dinanas Niya'y parusa sa kanya ng Diyos. Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan, Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Hanyang tinanggap. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw, nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit inibig ni Yahweh na sa Kanya ipataw ang parusang tayo ang dapat tumanggap” (Isaias 53:2-6).
Kaibigan, ang lahat ng mga kahirapang ito ay pinagdaanan ni Hesus upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan! Gaano man kabigat ang kasalanang dinadala mo ngayon, tiyak na papatawarin ka Niya sa iyong mga kasalanan kung taus-puso kang magsisisi (Talikuran mo ang iyong mga kasalanan at manampalataya sa Diyos). “Kung kayo ay may bagabag, Ako lagi ang tawagin; kayo'y Aking ililigtas, Ako'y inyong pupurihin” (Awit 50:15). Wala kang ginawang kasalanan na hindi kayang patawarin ni Hesus. Ang ilan sa Kanyang mga piniling tagapaglingkod ay nakagawa ng malaking kasalanan kagaya ng pagpatay (Moises), pakikiapid (Haring David), at pang-aabusong pisikal at emosyonal (Apostol Pablo). Subalit nakamit pa rin nila ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at ang bago at ganap na buhay kay Hesus. “Linisin Mo sana ang aking karumihan at ipatawad mo yaring kasalanan” (Awit 51:2). “Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; Siya'y bago na” (2 Corinto 5:17).
Bakit hindi mo kailangang magpakamatay? Kaibigan, handa ang Diyos na ayusin ang anumang “nasira” gaya ng buhay mo ngayon, na gusto mong tapusin sa pamamagitan ng pagpapakamatay.
Isinulat ni Propeta Isaias “Pinuspos ako ni Yahweh ng Kanyang Espiritu. Hinirang Niya ako upang ang magandang balita'y dalhin sa mahihirap, pagalingin ang sugat ng puso, palayain ang mga bihag at bilanggo. Sinugo Niya ako, upang ibalitang ngayo'y panahon nang iligtas ni Yahweh yaong mga tao na hinirang Niya, At upang lupigin lahat ang mga kaaway; Ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila, upang ang mga tumatangis na mga taga-Sion ay paligayahin, sa halip ng lungkot, awit ng pagpupuri yaong aawitin; Ang Diyos na si Yahweh iingatan sila at kakalingain. Sila ay uunlad na parang halamang itinanim, at ang bawat isa ay pawang matuwid ang siyang gagawin, at sa kanyang ginawa, siya'y pupurihin” (Isaias 61:1-3).
Lumapit ka kay Hesus, at ipakiusap mong ibalik Niya ang iyong kasiyahan at magtiwala ka sa Kanyang pagkilos sa iyong buhay. “Ang galak na dulot ng Iyong pagliligtas, ibalik at ako ay gawin mong tapat.” O Panginoon, buksan Ninyo ang aking mga labi, upang madeklara ko ang aking pagpupuri sa Iyo. Sapagkat hindi Kayo nalulugod sa haing sinunog. Ang handog ko, O Diyos, na karapat dapat ay ang pakumbaba'y pusong mapagtapat” (Awit 51:12,15-17).
Kikilalanin mo ba si Hesus bilang iyong Panginoon, Tagapagligtas at Pastol? Kung oo, gagabayan Niya ang iyong pag-iisip at hakbang sa bawat araw sa pamamagitan ng Kanyang salita, Ang Bibliya. “Aking ituturo ang iyong daraanan, Ako ang sa iyo'y magbibigay payo, kita'y tuturuan” (Awit 32:8). “Siya ang magpapatatag sa bansa, Iniingatan Niya ang Kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman; ang pangunahing yaman nila ay paggalang kay Yahweh” (Isaiah 33:6). Kay Kristo, makakaranas ka pa rin ng mga paghihirap, subalit mayroon ka ng pag-asa. “May pagkakaibigang madaling lumamig ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid” (Kawikaan 18:24). Nawa ang biyaya at habag ng Panginoong Hesus ay mapasaiyo sa oras ng iyong pagdedesisyon.
Kung nais mong magtiwala kay Hesu Kristo bilang iyong Tagapagligtas, banggitin mo sa iyong puso ang panalanging ito. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang magliligtas sa iyo kundi ang pagbuhay sa iyo ng Banal na Espiritu. “Panginoong Diyos, kailangan po kita sa aking buhay. Mahabag ka po sa akin na isang taong wala ng pag-asa at isang taong makasalanan. Patawarin Mo po ako sa lahat ng aking mga kasalanan. Inilalagak ko ng buong puso ang aking pananampalataya kay Hesus at kinikilala ko na Siya ang aking tagapagligtas. Linisin po Ninyo ako, pagalingin, at panumbalikin ang kasiyahan sa aking puso at buhay. Maraming salamat po sa Iyong pag-ibigsa akin at sa pagkamatay ni Hesus bilang aking kahalili doon sa Krus.”
(Mula sa gotquestion.org)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento