Biyernes, Mayo 6, 2022

Wholistic Ministry (Lesson 1) - "Ang Buong Kwento"

Ang Buong Kwento (Lesson 1) 

Wholistic Ministry


Pangunahing Layunin
          Ang pang-unawa sa plano ng Diyos ay hindi lamang makitang nangaliligtas ang mga tao bagkus ay makita rin ang panunumbalik ng tatlong mga relasyon na nawasak bunga ng pagkahulog ng tao sa kasalanan.



 
            Kung sakaling tanungin kayo kung bakit namatay si Jesus, maaaring may iba’t ibang sagot tayong maibibigay. Madalas nating sinasabi na si Jesus ay naparito upang Iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Ito ay totoo, subalit Siya’y naparito upang gumawa nang higit pa roon. Ang Kanyang kamatayan sa Krus ay isa lamang sa mga bahagi ng buong kwento. Upang tunay na maunawaan ang mensahe ng Biblia ay kailangan nating maunawaan ang buong kwento mula sa pasimula hanggang sa katapusan nito.

I. Ang Panimula

 
          Nang pasimula ay nakita natin na ang lahat ay nasa kaayusan doon sa Hardin ng Eden. Si Adan na unang nilalang ng Diyos ay may magandang relasyon sa Kanya. Maging si Adan kay Eba ay may magandang relasyon. Dahil naniniwala ako na hindi sila nag-aaway. Si Adan din ay may magandang relasyon sa iba pang nilkha ng Diyos. Lahat ng pangangailangan nila ay sapat. Hindi sila nauubusan ng pagkain at hindi din sila nahihirapan na hanapin ito.

 
          Muli si Adan ay may magandang relasyon sa Diyos, sa kapwa niya, at sa iba pang nilikha ng Diyos.

II. Ang Pagkahulog ng Tao sa Kasalanan

          
Ngunit may ilang mga problema na kinaharap ng mga tao sa ngayon bilang bunga ng pakahulog nila Adan at Eba sa kasalanan.

A. Genesis 3:8, 10
“8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.”


10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”

 
          Dahil sa kanilang pagkakasala nalagot ang magandang relasyon ng tao sa Diyos. Napawala’y ang tao sa Diyos.

B. Genesis 3:12
Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”

          Isa pa sa mga nasirang relasyon ay ang relasyon niya sa kapwa. Nagkaroon na ng pag-aaway at hidwaan sa isa’t isa.

C. Genesis 3:15
“Maglalagay Ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”

            
Bagama’t ang talatang ito ay isang propesiya patungkol sa mga kaganapang mangyayari sa krus sa pagitan ni Jesus at ni Satanas nandoon parin ang katotohanan na nasira din ang relasyon ng tao sa ibang nilikha. Nang nagkasala ang tao laban sa Diyos, ang kasamaan ay pumasok sa mundo, hindi lang ang kasamaang moral, kundi maging pisikal na kasamaan. Bago mahulog ang tao sa kasalanan, mayroong sapat na pagkain, walang lindol, pagbaha, ni ang tagtuyot. Bilang bunga ng pagkahulog sa kasalanan, kaya nararanasan natin ang lahat na ito. Ang pagkahulog sa kasalanan ang s’yang sumira sa tatlong relasyong ito.

III. Ang Misyon

          Ang sunod na yugto ng kwento sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga nilikha ay matatagpuan sa pagitan ng salaysay tungkol sa pagkahulog ng tao sa kasalanan at sa katapusan ng Matandang Tipan. Ito ang yugto kung saan ay hinahanap ng Diyos ang Kanyang mga tao. Siya ay may hangarin na muling maisaayos ang mga nasirang relasyon.

A. ABRAHAM

Genesis 12:1-3
“1 Sinabi ng Panginoon kay Abram, ‘Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo Ko sa iyo. 2 Gagawin Kitang isang malaking bansa, ikaw ay Aking pagpapalain, gagawin Kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala. 3 Pagpapalain Ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain Ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”

          
Sa bahaging ito ng Biblia ay tinawag ng Diyos si Abraham at Kanya s’yang pinagpala. Bakit N’ya pinagpala si Abraham? Ibig ng Diyos na pagpalain ang mga bansa sa pamamagitan niya. Sa mga talatang ito ay maliwanag nating makikita ang plano ng Diyos na iligtas ang buong mundo. Sa pamamagitan ng Iglesia ay nais N’yang magdala ng pagpapala sa lahat ng mga bansa.

B. MOISES

          
Ibinigay ng Diyos para sa mundo ang 10 Utos upang ating malaman paano mapanumbalik ang nasirang mga relasyon. Kung maingat nating babasahin at aaralin ang sampung utos ng Diyos makikita natin na ito ay hindi lang tumutukoy o sumasakop sa mga espirituwal na bagay dahil ito ay tumutukoy din sa ating relasyon sa bawat isa at sa ating relasyon sa kalikasan.

a. Ang kautusan na tumutulong na maayos ang relasyon natin sa Diyos.

Exodo 20:3-11
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa Akin.”
4 “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin.”
7 “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos.”
8 “Lagi mong tandaan at ilaan para sa Akin ang Araw ng Pamamahinga.”

b. Ang kautusan na tumutulong sa atin na maayos ang relasyon sa kapwa.

Exodo 20:12-17
12 “Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag kang papatay.
14 “Huwag kang mangangalunya.
15 “Huwag kang magnanakaw.
16 “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”

  
        Ang Diyos ay hindi lamang nagpapahalaga sa mga espiritwal na bagay. Kanyang pinahahalagahan ang lahat ng bahagi ng ating buhay. Ito ang dahilan kung bakit S’ya nagtalaga ng mga kautusan para sa bawat bahagi ng ating buhay na nasira ng kasalanan. Kung babasahin mo ang Deuteronomio 28:1-14, ang mga pagpapala na ipinangako ng Diyos ay pawang hindi mga espirituwal na mga bagay lamang kundi maging ang mga pagpapalang pisikal rin sa buhay. Ngunit ang mga Israelita ay hindi naging matapat sa Diyos kaya naranasan nila ang kabaligtaran nito.

          
Ang Diyos ay nagtalaga ng mga hari, at ng mga propeta, subalit ang bayan ng Israel ay paulit-ulit na dumanas ng kahirapan at mga digmaan dahil sa kanilang pagtalikod sa Diyos. Ngunit nagbigay ang Diyos ng paalala sa Kanyang Salita. 2 Cronica 7:14, “ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng Aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin Ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan Ko sila mula sa langit. Patatawarin Ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli Kong pasasaganain ang kanilang lupain.” Tinawag ng Diyos ang Israel na bayang Kanyang pinili na magpakumbaba at manalangin. Ang panawagang ito ay totoo din sa ating mga mananampalataya ngayon. Kung sila ay naging masunurin lamang ang Diyos ay magbibigay ng kagalingan sa kanilang lupain. Ito ay totoo hanggang ngayon. Higit pa ito na makita lamang na nangaliligtas ang mga tao mula sa kapahamakan na dulot ng kasalanan. Ito ay tumutukoy sa katotohanan na ang Diyos ay magdadala ng kagalingan sa lahat ng tatlong mga relasyong nasira.

IV. Ang Krus

          
Ito ay hindi lamang ang pinakakamangha-manghang bahagi ng kwento, sa halip, ito ang pinaka-mahalagang bahagi ng kwento. Sa karamihan ng ibang mga relihiyon, ang tao ay kinakailangang maghandog ng mga alay upang kanilang malugod ang kani-kanilang mga diyos. Sa Kristiyanismo, labis na minahal ng Diyos ang tao na Kanyang isinugo ang Kanyang nag-iisang Anak upang magdusa at mamatay para sa tao.

Colosas 1:19-20
“19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo Niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa Kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang Anak na inialay sa krus.”

          
Nakita natin dito ang rason ng kamatayan ni Jesus sa krus. Namatay Siya para panumbalikin ang lahat ng nasirang relasyon. Ang Diyos ay pumarito upang mapanumbalik ang lahat ng mga bagay na nawasak bunga ng pagkakahulog ng tao sa kasalanan. Ganun pa man, ang lahat ng mga bagay ay hindi pa magiging ganap at perpekto hanggang hindi matapos ang kwento.

          
Ang Panginoong Jesus ay nag-iwan sa atin ng Kanyang Dakilang Misyon. Tayo ay responsable hindi lamang makitang ang mga tao ay nagiging Kristiano, tayo rin ay responsible sa pagdidisipulo ng lahat ng etniko ng mga tao. Ang pagdidisipulo sa lahat ng etnikong grupo ng mga tao ay nangangahulugang tinutulungan natin ang etnikong ito na sumunod sa mga intensyon o layunin ng Diyos sa lahat ng bahagi ng ating buhay, na ito rin ang dahilan kung bakit naparito ang Diyos, upang mapanumbalik N’ya ang lahat sa Diyos.

V. Ang Katapusan ng Kwento

Pahayag 21:1-7
1 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. 2 At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. 3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan Siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan Niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at Siya ang magiging Diyos nila. 4 At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” 5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa Kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi Niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” 6 Sinabi rin Niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan Ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. 7 Ito ang makakamtan ng magtatagumpay: Ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak Ko.”

          
Sa katapusan, ang relasyon ng tao sa Diyos ay muling manunumbalik, ang relasyon ng tao sa isa’t isa ay muli ring manunumbalik at ang relasyon ng tao kaugnay sa kalikasan o sa lahat ng nilikha ay muling manunumbalik.

Pangwakas:

          Ito ang buong kwento—ang kamangha-manghang kwento mula sa pasimula hanggang sa katapusan. Ito ay kwento kung paano nilikha ng Diyos ang isang perpektong mundo. At kung paano pumasok ang kasalanan na sumira ng lahat ng bagay. Kung gaano tayo minamahal ng Diyos kaya Kanyang isinugo ang Kanyang nag-iisang Anak na si Jesus upang ipanumbalik ang mga relasyon na winasak nang ang tao ay mahulog sa pagkakasala. At isang araw, ay kung paanong muling magbabalik si Jesus upang gawing bago ang lahat ng mga bagay.

          
Labis kang minamahal ng Diyos. Kanyang ipinadala ang Kanyang nag-iisang anak upang mamatay at ikaw ay magkaroon ng relasyon sa Kanya, at ikaw ay magkaroon ng mabuting relasyon sa iyong kapwa at sa lahat ng Kanyang nilikha.

__________________________________________________________

Discussion:

Pagbulayan:
1. Ano ang tatlong relasyon ang nasira sa tao na bunga ng kasalanan?
2. Paano mo nakitang sinikap ng Diyos na ayusin ang nasirang relasyon na ito ng tao?
3. Papaano muling maaayos ang nasirang relasyon ng tao sa Diyos?

Pagsasabuhay:
1. Paano mo maipapakita ang maayos na relasyon mo sa Diyos?
2. Bilang mananampalataya paano mo pakikitunguhan ang iyong kapwa?

Panalangin:
Ipanalangin na tulungan tayo ng Diyos na ipamuhay ang pagsasabuhay na nagawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...