Ang mga Tao ay Mahalaga sa Diyos
Wholistic MinistryPangunahing Layunin
1. Maunawaan na ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos.
2. Maunawaan na may kahalagahan ang tao dahil sila’y nilikha sa wangis ng Diyos at namatay si Jesus para sa kanila.
3. Maunawaan na minamahal ng Diyos ang tao, kaya nga Kanyang ipinadala ang Kanyang nagiisang anak upang mamatay para sa atin, kaya naman dapat rin nating mahalin ang sangkatauhan.
Panimula
Maraming paniniwala ang meron ang mga tao patungkol sa pinagmulan ng tao. Marami ang hindi naniniwala sa tinuturo ng Bibliya na pinagmulan ng tao. Dahil dito marami ang hindi nagpapahalaga sa buhay ng tao. Isang halimbawa itong kwentong ito.
Sa India, may isang babaeng nagngangalang, “Mother Teresa,” na nagtayo ng mga tahanan upang kumalinga sa mga tao na nangamamatay na lamang sa lansangan at mabigyan sila ng pagkakataong mamatay na may dignidad. Marami ang tumuligsa sa kanya na nagsasabing, napakarami na ng mga tao sa India, kaya, bakit n’ya kailangang tulungan ang mga taong malapit ng mamatay. Mauunawaan natin na ang mga tumutuligsa kay Mother Teresa na mga tao ay hindi pinapahalagahan ang buhay ng tao. Pero Tignan natin kung bakit dapat nating pahalagahan ang buhay ng tao.
I. Ang Tao ay Nilikha Ayon sa Wangis ng Diyos
Genesis 1:26-27
26 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” 27 Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae”
Makikita natin na ang tao ay naiiba sa lahat ng nilikha dahil tayo ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang sarili bilang modelo sa paglikha sa tao. Ang pagkalikha ayon sa wangis ng Diyos ay nangangahulugan na ang tao ay may mga ilang katangian na gaya ng katangian ng Diyos. Hindi naging kawangis si Adan ng Diyos sa laman o dugo o kaya naman ay ginawa siyang kamukha ng Diyos sa pisikal na anyo dahil ang Diyos ay walang pisikal na anyo. Sinasabi ng Bibliya na ang "Diyos ay Espiritu" (Juan 4:24), samakatuwid Siya'y walang pisikal na katawan o anyo. Gayon man, si Adan ang sumasalamin sa pagiging walang hanggan ng Diyos, sapagkat siya'y nilalang na hindi namamatay.
Ang wangis ng Diyos ay tumutukoy sa hindi materyal na sangkap ng tao. Ito ang ipinagkaiba ng tao sa mga hayop. Ang tao ang ginawang tagapamahala sa nilikha ayon sa Kanyang kagustuhan (Genesis 1:28) at binigyan siya ng kakayahang makipagusap sa lumalang sa kanya. Binigyan din siya ng kakayahang mag-isip, pumili at makisama.
Ang tao ay nilalang ng Diyos na may talino at dahil dito may kakayahan siyang pumili, magisip at magdesisyon. Ito ay sumasalamin sa katalinuhan at kalayaan ng Diyos. Sa mga pagkakataon na ang isang tao ay nakakaimbento ng isang bagay o isang makina, makapag-sulat ng libro, makapag-pinta ng isang obra, makapag-pangalan ng alagang hayop, sinasalamin nito ang katotohanang ang tao ay ginawa ayon sa Kanyang wangis.
Sa
aspetong moral, ang tao ay nilalang na may likas na kaalaman tungkol sa
mabuti at masama at ito'y sumasalamin sa kabanalan ng Diyos. Nakita ng
Diyos ang lahat ng Kanyang ginawa at tinawag itong ‘mabuti’ (Genesis 1:31). Ang ating konsensya ay indikasyon ng
naturang orihinal na katayuan. Sa tuwing may nagagawang batas, may natatakot sa
paggawa ng masama, pumupuri sa isang magandang pag-uugali, o nakokonsensiya,
kinukumpirma nito ang katotohanang nilalang ang tao ayon sa wangis ng Diyos.
Nilalang
ang tao para makihalubilo. Ito'y sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos. Sa
hardin ng Eden, ang pangunahing relasyon ng tao ay tanging para sa Diyos. Ang
Genesis 3:8 ay nagsasaad ng ganitong relasyon ng Diyos sa tao. Nilalang ng
Diyos ang unang babae dahil "hindi
mainam na mag-isa ang tao" (Genesis 2:18). Kaya sa tuwing ang isang
tao ay nagaasawa, nagkakaroon ng kaibigan, dumadalo sa isang simbahan,
ipinapakita lamang niya ang katotohanang nilalang tayo sa wangis ng Diyos.
Ang
isa pang sumasalamin sa paglalang sa atin na kawangis ng Diyos ay ang kakayahan
ni Adan na gumawa ng malayang pagpapasya. Kahit na binigyan siya ng
banal na kalikasan, pinili ni Adan ang maging masama at lumaban sa Lumalang.
Dahil dito, sinira ni Adan ang wangis ng Diyos na nasa kanya at ipinasa niya
ang naturang nasirang wangis sa lahat ng kanyang mga naging anak, kasama na
tayo (Roma 5:12). Kahit na nananatili pa rin sa atin ngayon ang imahe ng Diyos
(Santiago 3:9), nasa atin ang pilat ng kasalanan at tayo ay lubusang nawalan ng
kakayahan na bigyang kasiyahan ang Diyos sa ating pag-iisip, sa ating
moralidad, sa pakikisama sa ibang tao at maging sa ating mga pisikal.
II. Ang Tao
ay Nilkha ng may Pag-iingat ng Diyos
Awit 139:13-16
13 Ang
anumang aking sangkap, Ikaw, O Diyos, ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y
hinugis Mo akong bata.
14 Pinupuri
Kita, O Diyos, marapat Kang katakutan, ang lahat ng gawain Mo ay
kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto
ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo'y Iyong
napapansin; lumalaki ako roong sa Iyo'y di nalilihim.
16 Ako'y
Iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid Mo kung ilang taon ang haba ng
aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat Mo na talaan, matagal nang
balangkas mong Ikaw lamang ang may alam.
Ang
Diyos ang nagdesenyo sa atin, maingat N’ya tayong nilikha, at Kanya nang
isinulat sa isang aklat ang lahat ng ating mga araw sa mundong ito. Tayo ay
hindi basta nabuhay lang, sa halip, ang bawat isang tao sa mundong ito ay nilikha
ng Diyos.
III. Ang Tao ay Nilikha na Inibig ng Diyos
Juan 3:16
Sapagkat
gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay Niya ang
Kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi
mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Para
manumbalik ang tao sa Kanya ay ipinadala Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak para
maghirap at mamatay sa krus. Namatay ang Diyos hindi dahil sa tayo ay mabuting
tao, namatay ang Diyos dahil tayo ay makasalanan. Roma 5:8, “Ngunit pinatunayan ng Diyos ang Kanyang
pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan
pa.” Kaya ang tanong sa atin ay, kung
ang Diyos ay handa at nagpasyang isugo ang Kaniyang Anak upang mamatay para sa
tao, gaano kahalaga ang tao para sa Kanya? At ano ang ibig sabihin nito sa
ating pamamaraan ng pakikitungo sa ibang mga tao?
Sa
mga talatang ito, hayagang makikita natin na napakahalaga ng tao para sa Diyos.
Kanyang nilikha tayo ayon sa Kanyang wangis—ang bawat isa sa atin ay Kanyang maingat
na nilikha at binuo sa sinapupunan ng ating mga ina. Kanyang lubos na
pinangangalagaan ang tao kaya Kanyang ipinadala ang Kanyang nag-iisang Anak
upang mamatay para sa atin.
Muling
pag-isipan ang ginawa ni “Mother Teresa” sa India. Ang mga ideya bang ito ay
makatutulong sa atin na mas mabuting maunawaan ang kanyang mga ginawa? Sa
inyong palagay, bakit pinahahalagan o inaalagaan niya ang mga taong mamatay na?
Nang
minsan siyang tinanong ng isang kilalang tagapag-ulat bakit n’ya sila inaaruga,
ay kanyang binanggit ang kwento mula sa Mateo 25:31-46, ang kwento tungkol sa
mga tupa at mga kambing. Sa siping ito, kinundena ni Jesus ang mga nasa kaliwa
N’yang bahagi at sinabing, “nang Ako’y
nagutom ay hindi ninyo Ako pinakain, nang Ako’y nauhaw, ay hindi ninyo Ako
binigyan ng maiinom.” Nang sila’y tumugon na hindi nila nakitang nagutom o
nauhaw si Jesus, ay Kaniya sinabi sa kanila na, “anuman ang hindi ninyo ginawa
para sa pinakamaliit na uri ng tao, hindi mo ito ginawa para sa Akin.”
Ipinaliwanag ni Mother Teresa na ang paglilingkod sa mga mamamatay na sa mga
lansangan ng India ay katulad ng paglilingkod kay Jesus.
Ang
mga Kristiano sa unang Iglesia ay nauunawaan na ang tao mahalaga. Nang panahong
iyon, ang tao ay naniniwala na ang mga diyos ay naglalaban-laban para sa
superyoridad at kanilang hinihingi na maghandog ang mga tao upang maiwasan ang
kaparusahan na maaaring ibigay ng mga diyos na ito. Ang mga Kristiano, sa
kabilang banda, ay naunawaan ang tunay na Diyos ay kakaiba. S’ya ang nagsakripisyo
para sa tao, nang Kanyang isinugo ang nag-iisa Niyang Anak upang mamatay para
sa kanila (Juan 3:16). Ang paniniwalang ito ay nangangahulugan na ang bawat
isang tao ay may dakilang kahalagahan at halaga. Ang pagka-unawa sa pambihirang
pag-ibig ng Diyos sa mundo at sa sangkatauhan ang gumabay sa unang Iglesia na
salungatin ang mga pangkaraniwan nang nakagawian tulad ng pagpapalaglag ng mga
sanggol mula sa sinapupunan ng isang ina at pagpapapatay sa mga nailuwal nang
mga sanggol. Nang panahong iyon, kung ang ipinanganak na sanggol ay babae, kadalasan
ay iniiwan na lamang ito sa lansangan upang mamatay. Ngunit, ang mga Kristiano
ay naka-uunawa na ang bawat buhay—may kapansanan man, hindi pa ipinapanganak,
lalaki o babae, alipin o marangal na tao—ay labis-labis na napakahalaga sa
Diyos. Kanilang inililigtas ang mga inabandonang babaeng sanggol sa lansangan
at palalakihin ang mga ito na parang sarili nilang mga anak.
Ang
unang Iglesia ay naniniwala rin na dahil ipinamalas o ipinadama ng Diyos ang
Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng Kanyang sariling buhay
para sa atin, kaya, kanilang namang inilagay sa kanilang mga balikat ang
tungkulin na mapaglingkuran na may pagsasakripisyo ang ibang mga tao. Ang mga
taga-sunod ng Panginoong Jesus ay naka-uunawa na dapat silang maging mahabagin
at maawain sa lahat ng tao sa katulad na paraan na ang Diyos ay naging
mahabagin at maawain sa kanila. Nang panahon ding iyon, ang
“cholera epidemic” ay kumalat. Kung ikaw ay nagbigay ng tubig sa isang tao na may “cholera,” ang pag-asa na sila’y
manatiling buhay ay napakataas. Kung walang tubig, sila’y mangamamatay. Ganun
pa man, ang “cholera” ay napakabilis makahawa. Dahil kinatatakutan ng mga Romano ang sakit na ito, kapag
nakita nilang may ganitong sakit ang isang tao ay kaagad-agad nila itong
itatapon sa lansangan upang mamatay, sa halip na kanilang bigyan ito ng tubig.
Ang buhay ng tao ay hindi mahalaga para sa kanila. Ngunit ang mga Kristiano ay
kakaiba. Sa katunayan, kanilang pinupuntahan ang mga taong may “cholera” upang
dalhan ng maiinom na tubig at pangalagaan sila. Kanilang pinaniniwalaan ang
paglilingkod na may pagsasakripisyo at ang pagiging maawain. Marami ang mga nangamatay, ngunit sa
pamamagitan ng kanilang pagpapamalas ng pag-ibig, ang bilang ng mga Kristiano
ay napakabilis na dumami.
__________________________________________________________
Discussion:
Pagbulayan:
1. Sinu-sino ang ilang mga tao na karaniwang
tinitingnan na mababa?
2. Anu-ano sa palagay nyo ang magiging bunga kung
hindi pinaniniwalaan o hindi alam ng tao na ang buhay ng lahat ay mahalaga sa
Diyos?
Pagsasabuhay:
1. Anu-ano ang mga pamamaraan na maaari mong maipamamalas
na bunga ng pagkaalam mo na ang mga tao ay mahalaga sa
Diyos?
2. Bilang mananampalataya paano mo pakikitunguhan ang
iyong kapwa?
Panalangin:
Ipanalangin na tulungan tayo ng Diyos na ipamuhay ang
pagsasabuhay na nagawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento