Ang Apat na Haligi ng Katotohanan –
na panghahawakan Kung Merong Nangyaring Hindi MagandaPanimula:
Maraming nangyari o nangyayari sa buhay natin ang hindi natin nauunawaan. Marami tayong mga tanong na “bakit” sa Panginoon dahil sa mga pangyayari na sa tingin natin ay tila hindi tumutugma sa pagkakakilala natin sa Panginoon. Ang mga tanong gaya ng… “bakit hinahayaan ng Panginoon ang mga masasamang bagay na maranasan ng mga anak Niya?” o “Bakit tila pinagpapala o hinahayaan ng Diyos ang mga masasamang tao sa mali nilang ginagawa?” - ay kung hindi mabibigyan ng kasagutan ay maaaring mauwi sa mas malalang pangyayari gaya ng pagtalikod sa Diyos o pagpapakamatay. Ngunit inaamin ko na maaaring wala tayong makikitang specific na mga sagot sa Biblya sa bawat tanong na meron tayo sa Diyos, pero meron tayong apat na haligi ng katotohanan na pwede nating mapanghawakan upang manatili tayong matatag at nakatayo sa ating pananampalataya sa Panginoon. Panghawakan natin ang katotohanan na…
I. Ang Diyos ay May Kapangyarihan
A. Siya ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa ating buhay.
1. Walang bagay na nangyayari sa atin na hindi ayon sa Kanyang kalooban.
Panaghoy 3:37-38
“38 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh. 38 Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.”
2. Alam Niya ang lahat ng nangyayari sa ating buhay.
Panaghoy 3:34
“Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban.”
3. Maaaring tayo ay nagulat o nabigla at hindi makapaniwala sa mga nangyari sa ating buhay ngunit sa Panginoon ay alam Niya ang lahat noong una pa man.
Isa pa sa dapat nating alalahanin kapag may pangyayari sa buhay natin na hindi natin maintindihan ay…
II. Ang Diyos ay Banal
1. Ang kabanalan ng Diyos ang naghihiwalay sa Kanya mula sa lahat ng mga bagay.
2. Ang kabanalan ay higit pa sa Kanyang pagiging perpekto at walang bahid dungis na kalinisan; ito ang esensya ng Kanyang pagiging naiiba sa lahat, ang Kanyang pagiging bukod sa lahat ng Kanyang mga nilikha.
3. Ang kabanalan ng Diyos ang naglalarawan sa Kanyang pagiging kagilagilalas at Siyang dahilan upang mamangha tayo sa Kanya habang inuunawa natin ang kahit sa kaliit-liitan ng Kanyang karangalan.
4. Ang kabanalan ng Diyos ang mag-aalis ng anumang pagdududa o paratang na mali laban sa Kanya na tinatanim ni Satanas sa ating puso’t isipan sa gitna ng mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin maunawaan.
Isa pa sa dapat nating alalahanin kapag may pangyayari sa buhay natin na hindi natin maintindihan ay…
III. Ang Diyos ay Mabuti
Kung Siya ay mabuti, bakit Niya pinapahintulot ang masasamang bagay na maranasan natin?
A. Dahil ang Diyos ay mabuti maaaring tayo ay tinutuwid ng Diyos o pinapaalalahanan na magsisi at magbalik-loob sa Diyos.
Panaghoy 3:39
“Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?”
1. Dahil hindi Niya tayo hahayaan na manatili sa pagkakasala na magdadala sa atin sa tiyak na kapahamakan.
2. Kaya kapag nakakaranas tayo ng mga hindi magagandang bagay…
a. Siyasatin ang ating buhay at humingi ng tawad sa Panginoon kapag nakita natin ang ating pagkakasala sa Kanya at manumbalik tayo sa Kanya.
Panaghoy 3: 40-41
40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh! 41 Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin: ‘Kami'y nagkasala at naghimagsik…’”
b. Sikaping manatiling matatag at magtiiis tanda ng ating pagpapakumbaba sa Diyos.
Panaghoy 3:28-29
“28 Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay; 29 siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa. 30 Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.”
B. Maaaring tayo’y tinutulungang lumago ng Diyos
Santiago 1:2-4
“2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.”
C. Maaaring tayo’y tinutulungang sumunod sa Kanya
1. Dahil ito ay bahagi ng pagsunod natin sa Panginoon
Filipos 1:29
“Dahil ipinagkaloob Niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa Kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Kristo.”
Mateo 16:24
“Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.”
At ang panghuli sa dapat nating alalahanin kapag may pangyayari sa buhay natin na hindi natin maintindihan ay…
IV. Ang Diyos ay Mapagmahal
1. Nakita natin na may mga dahilan ang Diyos sa mga hindi magagandang bagay na pinahintulutan Niya sa ating buhay.
2. Isa na nga dito ay dahil nakakalimot o nagkakasala tayo sa Kanya.
3. Alalahanin na ginagawa ito ng Diyos dahil tayo’y mahal Niya.
Panaghoy 3:31-33
“31 Mahabagin si Yahweh at hindi Niya tayo itatakwil habang panahon. 32 Bagaman Siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang Kanyang pag-ibig. 33 Hindi Niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.”
Hebreo 12:6
"Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak.”
4. Ang mga kahirapang nararanasan dahil sa pagtutuwid ng Diyos ay isang kaaliwan sa mga mananampalataya dahil ito’y tanda na tayo’y sa Kanya.
Hebreo 12:7
7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama?”
Buod:
1. Gaya ng sabi ko kanina walang malinaw na sagot na maibibigay ang Bibliya kung bakit natin nararanasan ang mga hindi magagandang bagay sa ating buhay, ngunit meron tayong mga mapapanghawakang katotohanan na maaari nating yakapin upang manatili tayong maging matatag sa gitna ng mga matitinding pagsubok.
2. Ano pa man ang pahintulutan ng Diyos na maranasan natin, mabuti man o masama, mapanghahawakan natin ang katotohanan na ang lahat ay nangyayari para sa ikabubuti ng Kanyang mga mahal
Roma 8:28
“Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa Kanya, silang mga tinawag ayon sa Kanyang layunin.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento