The Wonder and the Word
Scripture: Gawa 3:1-26
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition"
- Exalting Jesus in ACTS
Gawa 3:1-26
1 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. 3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, siya'y humingi ng limos. 4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” 5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. 6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit may iba akong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Kristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” 7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; 8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templong kasama nila habang naglalakad, at lumulundag na nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita ito ng lahat, 10 at nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya. 11 Nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nang patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Kaya't sinabi ni Pedro sa mga tao, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang Kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain Siya. 14 Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit Siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa Kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita. 17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ginawa ninyo'y natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo ay kailangang magtiis ng hirap. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit na ang panahon ng kapahingahang mula sa Panginoon. Susuguin Niya si Jesus, ang Kristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos 22 ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng propeta, mula kay Samuel at lahat ng sumunod sa kanya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong iyon. 25 Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno 25 nang Kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain Ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang Kanyang Lingkod, sa inyo Siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay.”
Pangunahing ideya ng pag-aaral:
Inilalarawan ni Lucas kung paano ipinagpatuloy ng mga apostol ang ministeryo ni Jesus sa salita at gawa sa pagpapagaling ng isang lumpo na dahilan para maakit ang mga tao upang marinig nila ang sermon ni Pedro na naka sentro kay Kristo.
Outline ng ating pag-aaral:
I. The Wonder (3:1-10)
II. The Word (3:11-26)
A. The explanation of the miracle
1. Two denials
2. Six affirmations
B. The evangelistic appeal
1. Jesus is the Servant of the Lord (3:13, 26).
2. Jesus was glorified by God (3:13).
3. Jesus is the Holy and Righteous One (3:14).
4. Jesus is the source of life (3:15).
5. Jesus rose from the dead (3:15, 26).
6. Jesus is the fulfilment of Old Testament prophecy and promises (3:17-26).
7. Repent (3:19-21)
Nang nabasa ko ito naalala ko yung isang kapatiran natin na lagi nagbibigay ng 50 pesos sa offering box. Tapos may nakalagay na papel na may nakalagay na para kay Pastor. Wala man siyang silver and gold pero malaking bagay na iyon sa akin para ma-encourage at matuwa sa paglilingkod.
Ito yung katulad na makikita natin sa kwento kung saan ang mga apostol ay pinagpatuloy nila ang ministry ni Jesus sa salita at gawa. Ang pagpapagaling sa taong lumpo na ito ang nagdala para makapag sermon si Pedro sa mga taong namamangha sa nakita. Pagkatapos marinig ng mga tao ang semon na iyon, maraming mga tao ang na convert sa pananampalataya kay Jesus, na dahilan kung bakit nagsisimula muli na magalit ang mga nasa awtoridad sa relihiyong Hudyo.
Mahahati sa dalawang bahagi ang passage na ating binasa at pag-aaralan. Ang teksto ay patungkol sa himala at sa mensahe: the wonder and the word.
I. The Wonder (3:1-10)
May tatlong pundasyon ang pananampalatayang Hudyo: ang Torah (ang unang limang aklat sa Lumang Tipan), pagsamba, at pagpapakita ng kabaitan (pagbibigay limos). Dahil ang mga bagay na ito ay bahagi nga ng kanilang religious community, ang nagiging diskarte ng mga pulubi ay ang pumunta sa mga lugar na marami ang mga debotong Hudyo para makahingi sila ng limos sa mga taong umaakyat para manalangin. Kaya marami sa mga deboto ay pamilyar na sa mga nanlilimos.
Sabi sa talata 2 na, “Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon.” Ito marahil ang pinaka-magarbo at madalas na gamiting daan ng mga tao papasok sa templo. Ang lalakeng makikita natin dito ay maaaring hindi lang ang pagiging lumpo niya ang nagpapahirap sa kanya, maaaring pasan-pasan din niya ang kahihiyan, kawalan ng pag-asa, lalo na siya ay may edad na, “Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taóng gulang” (Gawa 4:22). At matagal siyang nabuhay na ganito ang kanyang pinagdadaanan.
Sa paghingi ng lalakeng lumpo na ito ng limos kay Pedro at Juan, may nangyaring kababalaghan. Sa talata 4-7 ay makikita natin na siya ay tinitigan ng dalawang apostol, kinuha ang kanyang atensyon, at binigyan ng bagong buhay. Nakita ng mga tao ang pagbabago ng lalakeng lumpo, at sila ay napuno ng pagtataka. Kanina lang sa pagpasok nila ay nakita nila itong lumpo ngayon ay nakita na nilang nakatayong pasayaw na nagpupuri sa Diyos. Kahit siguro tayo na masaksihan natin ang ganung bagay ay mapapataka tayo at mamamangha. Pero ang chapter na ito ay hindi lamang naglalaman ng pangyayaring pinagtakhan at pagkamangha. Tinulungan tayo ni Pedro na maunawaan na ang himala at gamit nito ay para ang Magandang Balita ay mapahayag sa mga tayo na na-attract sa himala.
Ang kwentong ito ay nagpakita ng pangangailangan sa pagtulong at pag-aalaga sa mga taong nasasaktan o nahihirapan sa ating paligid. Ito ay nakakalungkot na paalala sa atin na posible na dumalo ang mga tao sa mga gawaing pangrelihiyon habang hindi pinapansin ang mga taong nangangailangan sa harap nila. Ito yung mga katotohanan na makikita natin na binanggit sa Isaias 1:11-20; Amos 5:21-24; Micah 6:6-8.
Isa pang application na makikita natin dito sa pagtulong nga ng mga apostol sa nag-iisang lalakeng ito. Nakaraan nakita natin na tatlong libo ang naligtas. At mula dito makikita natin ang isang bagong prinsipyo: Ang mga nag-abot sa marami ay may malasakit din kahit sa nag-iisa o kakaunti. Ito yung isa sa naging hamon sa aming mag-asawa nang nagsisimula kami sa Culion, Palawan. Personally, masarap mag preach kapag marami ang makakarinig ng iyong pinagpagurang mensaheng inaral, pero may pagkakataon na isa lang ang nagsimba. Ang naging tanong sa akin nang time na iyon ay magp-preach ba ako kahit isa lang ang nag simba? O kung mag preach man ako, ang galak ko ba sa puso ko ay tulad ng kagalakan na meron ako pag marami ang nagsisimba? Kaya ang panalangin ko ay bigyan tayo ng Diyos ng mahabaging puso na maabot ang pisikal at espirituwal na pangangailangan ng bawat indibiduwal.
II. The Word (3:11-26)
Sa bahaging ito hatiin pa natin sa dawalang pangunahing bahagi: (1) the explanation of the miracle at (2) the evangelistic appeal.
A. The explanation of the miracle
Dito naman may makikita tayong dalawang pagtanggi at anim na pagtitibay patungkol sa kamangha-manghang bagay na ito.
1. Two denials (Gawa 3:11-12)
“11 Nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nang patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Kaya't sinabi ni Pedro sa mga tao, ‘Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan?”
Una, tinanggi ni Pedro sa talata 12 na ang pagpapagaling nila ay hindi sa pamamagitan ng sariling kapangyarihan gaya ng witchcraft, mahika, pangkukulam, o anumang bagay. Sinabi ito ni Pedro habang nakahawak pa sa kanila ang lalakeng pinagaling. Naniniwala ako na hindi lang sa panahon natin, maging sa panahon nila ay meron talagang napapagaling ang mga witchcraft at mga gawa ng kadiliman dahil sabi nga sa 2 Corinto 11:14, “Hindi ito dapat pagtakhan sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan,” pero ang himalang kanilang ginawa ay gawa ni Kristo, ang pinagmulan ng buhay.
Ang pangalawang tinanggi ni Perdo ay ang pagiging karapat-dapat ng pinagaling at ang nagpagaling. Ang himalang ito ay hindi maiuugnay sa kapangyarihan o kabanalan ni Pedro. Siya’y ginamit lang ng Diyos para makapagpagaling, kaya dapat lang na sa Diyos niya ibalik ang papuri at hindi sa kanya. Sa Diyos lang ang papuri. Ganun din sa lalakeng pinagaling. Hindi siya gumaling dahil sa siya ay banal. Ni hindi nga niya hiniling na gumaling. Pera ang hinihingi niya nang ang Diyos ay mabiyaya syang pinagaling agad.
May mga tao na iniisip nila kung bakit hindi sila pinapagaling ng Diyos sa sakit nila ay dahil sila ay hindi karapat-dapat sa paggaling. Maging sa dahilan kung bakit hindi gumagaling ang pinapanalangin natin kasi iniisip natin na hindi sapat ang pagiging banal natin para makuha natin ang atensyon ng Diyos sa ating panalangin. Kapatid ang ganyang pag-iisip ay mali. Pero hindi ko rin sinasabi na ang moral life natin ay hindi mahalaga dahil may malinaw nga naman talaga na talata na ang kasalanang hindi naihingi ng tawad ang hadlang sa katugunan ng Diyos sa ating panalangin. Ang punto ko lang ay kung ano yung sinabi ni Pedro na isang godly man: na ang miracle na ito ay nangyari dahil ang makapangyarihang Tagapagligtas ay nagnais na makialam at gumawa ng isang himala. Kaya dito makikita natin na si Jesus ay nasa trono, namumuno at naghahari, at maaari Siyang makialam at gumawa ng himala tuwing kailan Niya nais. Parang sinasabi ni Pedro sa mga tao na, “Hindi ito tungkol sa akin; tungkol ito sa Kanya!" Nangyari iyon hindi ayon sa kagustuhan niya kundi ayon sa nais ni Jesus.
2. Six affirmations
Una, ayon sa nabanggit, si Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito. Sa mga talata 13-16 pinaliwanag ni Pedro kung paano ang pananampalataya sa napako, at naluwalhating Kristo ay literal na gumaling din. Ang puntong ito ay makikita patuloy sa chapter na ito hanggang sa susunod na chapter.
Pangalawa, pansinin na ang pananampalataya para gumaling ay sa pamamagitan ni Kristo – na binigay din ni Jesus. Kaninong pananampalataya ang tinutukoy dito? Sa pananampalataya ni Pedro at hindi sa lalaking lumpo dahil wala naman itong rason sa teksto na maiisip natin para siya ay maniwala sa sinasabi ni Pedro. Again, gaya ng sinabi ko nangyari ito sa pananampalataya ni Pedro at ito ay galing din sa pagkilos ni Jesus. Yan ang makikita natin dito sa Gawa 5:31, “Iniakyat Siya ng Diyos sa Kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran.” At ito yung susi na makikita natin sa kung ano yung nangyari sa talata 4 nang si Pedro ay tumingin sa lumpo. Sinabi sa atin ni Lucas sa talata 2 na ang lalakeng ito ay dinadala araw-araw sa pintuan ng templo. Kaya maaaring masabi natin na hindi ito ang unang beses na nadaanan siya ni Pedro ng hindi siya pinapagaling dahil malamang palagi din nagpupunta si Pedro sa templo. Pero sa araw na iyon, nang tumingin si Pedro, may nangyari. Ano? Ang pananampalataya ni Pedro para ang lumpo ay gumaling ay mula kay Jesus. Ang buhay na Kristo ay unang may ginawang isang bagay kay Pedro, at alam ni Pedro na ito na ang araw. Nang sinabi niya na, “may ibibigay ako sayo,” maaaring ang gusto niyang sabihin na, “ngayong araw ay may ibibigay ako sayong espesyal na bagay. Binigyan ako ni Jesus ng pananampalataya para magsalita ng kagalingan sayo at ngayon ay ibabahagi ko sayo ang regalong ito.” At iyan yung malinaw na sinasabi ng talata 16, “Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa Kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.” Ang Panginoong Jesus ang nagbigay ng pananampalataya para gumaling, at si Pedro ay tumugon dito. Ang pangalan ni Jesus ang gumawa sa lalaking ito na maging malakas muli.
Maaari bang magpasya ang Diyos na gumawa ng tulad nito sa atin ngayon? Oo naman. Sa tingin ko ang apostolic miracle ay natatangi sa bilang at kalikasan, ngunit alam kong ginagawa pa rin ng Diyos ang mga himala sa pamamagitan ng Kanyang mga tao sa mga partikular na sandali para sa Kanyang sariling layunin.
Sa 1 Corinto 12:9-10 ni lista ni Pablo ang tatlong espirituwal na kaloob - faith, healing, at miracles. Saan natin madalas nakikita ang mga kaloob na ito na napapakita ngayon? Tiyak na masasabi natin na itong mga ito ay makikita sa prayer ministry ng iglesya. Sabi sa Santiago 5:14-15, “Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan.”
Habang nananalangin tayo, kailangan nating alalahanin na ang Diyos ay laging tumutugon: maaaring sa kasalakuyan o sa muling pagkabuhay. Ngunit palaging inaanyayahan tayo ng Diyos na manalangin, at tinitiyak Niya na ultimately ay pagagalingin Niya ang Kanyang mga tao.
Tila ang Diyos ay nalulugod din na gumawa ng mga kamangha-manghang gawa sa mission field lalo na sa mga lugar na hindi pa naaabot ng Biblikal na pahayag. Gaya yung isang narinig ko na testimony ng mga kababaihang missionary na tinangkang abutin ang isang tribu sa norte na kilala sa tawag na mga head hunter. Pagdating nila doon ay pina-ikutan daw sila ng mga lalake na may mga hawak ng sibat kaya nag iyakan sila dahil pinagbibintangan sila na espiya sila sa kalaban nilang mga tribu. Habang nag-iiyakan sila ay sinabi nila na magbabahagi lang sila ng mga ilang bagay patungkol sa Diyos. Kaya hinamon sila ng isa sa mga may hawak ng tabak at sinabi na kung totoo ang Diyos na ipakikilala nila ay paulanin daw. Nang oras kasi na iyon ay sobrang init at talagang tirik ang araw. Pero sa biyaya ng Diyos pagkasabi niyang iyon ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. At isa sa mga nandoon na may hawak ng sibat ay naging Pastor na.
Pangatlo, kailangan nating pagtibayin na si Kristo ay dapat purihin bilang mapagkukunan ng buhay na nag bigay sa pamamagitan ng mga ordinaryong paraan o maging sa himalang paraan. Sabi sa talata 15 na,”Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay.” Si Jesus ang author o source ng buhay. Sakop nito ang pisikal at espirituwal na buhay.
Bilang Lumikha ng lahat ng buhay, ang Diyos kung minsan ay gumagawa sa pamamagitan ng mga himala, ngunit madalas nagbibigay Siya sa pangangailangan ng mga taong may sakit sa katawan sa pamamagitan ng mga magsasaka, pharmacists o surgeons. Ang doktrina ng pangangalaga o “doctrine of providence” ay nagtuturo na ang Diyos ay nagmamalasakit sa Kanyang nilikha, at pinapanatili Niya ito. Kaya kung ikaw ay gumaling sa sakit mo sa pamamagitan ng mga antibiotics o medecal procedure, karapat-dapat parin na sa Diyos ang papuri para sa iyong paggaling.
Pang-apat, kailangan din nating pagtibayin na ang himalang ito sa lumpo ay isang tanda ng messianic kingdom na darating. Kaya sa talata 21, nasabi ni Pedro, “ang pagbabago ng lahat ng bagay.” Sa English version ang sinabi ay, “the restoration of all things.” Sa bagong langit at lupa doon ay wala ng lumpo. Pinakita ni Jesus ng bahagya ang masayang araw na iyon na darating sa pamamagitan ng Kanyang maraming ginawang himala na pagpapagaling. At nahula na ni Isaias ang tulad na araw na iyon:
“Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi. Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig, at dadaloy sa disyerto ang mga batis” (Isaias 35:6).
Itinuro ni Isaias ang maluwalhating hinaharap na ito, pinasinayan sa unang pagdating ni Jesus sa Lucas 7:18-23 at ganap na matatapos sa Kanyang muling pagbabalik. At ang lumpong ito, kung gayon, ay naging isang buhay na halimbawa ng Isaias 35. Ang mga himala ni Jesus na pagpapagaling ay mga palatandaan ng Kanyang pagkakakilanlan at mga sulyap sa Kanyang pagkahari. Ang kagalingan ng pilay na ito ay nagdudulot sa atin ngayon na mga dumaraing din sa mga sakit sa katawan ng pananabik sa “pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay!” At ang araw na iyon ay alam natin na malapit ng dumating.
Panglima, dahil si Kristo ay nagbigay ng pananampalataya at gumawa ng himala, ang Kanyang pangalan lamang ang dapat maitaas o ma-exalt. Kung mapapansin ay madalas na banggit ang “sa o ang pangalan ni” sa mga kabanata 3 at 4. Ang pangalan ni Jesus ay nangangahulugan na ang lahat patungkol sa Kanya ay totoo. Dahil si Kristo ay nagbigay ng pananampalataya at gumawa ng himala, ang Kanyang pangalan lamang ay dapat itaas. Siya ay dapat itaas bilang mapagkukunan ng buhay at bilang tagapagpatawad ng mga makasalanan. Sa Kanyang pangalan lamang matatagpuan ang kaligtasan ng tao.
Panghuli, dapat nating pagtibayin na ang himalang ito ay nagsisilbing mensahe ng ebanghelyo. Iyon ang nagiging simulain para mapasok ang sermon. Hindi tumigil si Pedro pagkatapos ng himala at sinabi na, “tapos na trabaho ko dito,” at pagkatapos ay umalis na agad. Hindi, may dahilan ang himalang iyon. Ang physical na himalang ito ay isang katotohanan, pero ito rin ay isang larawan, isang talinghaga. Ang mga himalang ginagawa rin ni Jesus ay madalas nagiging ilustrasyon o pagpapatunay ng mensahe na Kanyang binabahagi. Ang miracle ang umaakit sa mga tao, ngunit ang mensahe na inaalok sa karamihan ng tao ay mas mahalaga kaysa anumang himala. Bakit? Simple lang. Maaari kang himalang gumaling ngayon, pero ang puso at katawan sa kalaunan ay mamamatay parin talaga. Mas kailangan ng tao ang mensahe ng buhay na walang hanggan kaysa himala na panandalian lamang ang kagalingan.
Muli, ang kagalingan ng taong lumpo na ito ay isang makapangyarihan na paalala na si Jesus ang mapagkukunan ng buhay. Siya ang nagbibigay buhay. Pinagaling ni Jesus ang mga kapansanan ng puso ng tao. Siya ang dahilan para ang mga tinubos na makasalanan ay magkaroon ng kagalakang walang kapantay sa Kanyang presensya.
B. The evangelistic appeal
Hindi pinalagpas ni Pedro ang pagkakataon para maipahayag ang Magandang Balita. Ginamit ni Pedro ang himalang ito para ituro ang bawat isa sa Messiah. Na exalt niya si Jesus sa mga ilang paraan at kasama na dito ang pagsasakdal sa mga hindi mananampalatayang naroon.
1. Jesus is the Servant of the Lord (3:13, 26).
“13 Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang Kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain Siya…26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang Kanyang Lingkod, sa inyo Siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay.”
Dito sa mga talatang ito, makikita natin na si Jesus ay tinukoy bilang “lingkod” ng Diyos. Ang title na iyo ay tumutukoy sa ipinangakong Lingkod sa Lumang Tipan na makikita sa Isaias 52:13-53:12. Ang ipinangakong Lingkod na ito ay lumitaw sa kasaysayan ng tao at sinabi, “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng Kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami,” (Marcos 19:45).
Habang ang mundong ating ginagalawan ay ginagawa ng lahat na naririto upang mas umangat sa iba at mapaglingkuran ng iba, si Jesus ay pumarito sa kabaligtaran na naisin. Pinaglingkuran tayo ni Jesus hanggang makarating tayo sa krus, at patuloy na pinaglilingkuran Niya ang Kanyang iglesya hanggang ngayon. Kapag nasimulan mong mas maunawaan kung paano ka pinaglingkuran ni Kristo, malugod ka ring maglilingkod sa Kanya at sa iba.
2. Jesus was glorified by God (3:13).
13 Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang Kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain Siya.
Pinarangalan ng Diyos na ating Ama ang Kanyang Lingkod na si Jesus. Merong makikitang masayang pagbabahagi ng luwalhati na umiiral sa loob ng Godhead. Bago ang Kanyang gagawin sa krus, nananalangin si Jesus sa Ama:
“1 Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, tumingala Siya sa langit at Kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; parangalan Mo na ang iyong Anak upang maparangalan Ka Niya. 4 Inihayag Ko sa lupa ang Iyong karangalan; natapos Ko na ang ipinapagawa Mo sa Akin. 5 Kaya, Ama, ipagkaloob Mo sa Akin ngayon ang kaluwalhatiang taglay Ko sa piling Mo bago pa likhain ang daigdig” (Juan 17:1, 4-5).
3. Jesus is the Holy and Righteous One (3:14).
“Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao.”
Sa unang bahagi ng sermon ni Pedro, makikita natin na ginamit niya kay Jesus ang missianic title na Lingkod. Kung sasabihin natin sa mga tao ngayon na si Jesus lamang ang Banal at Matuwid, tulad ng ginawa ni Pedro sa talata 14, maaaring magkakaroon ka ng isang relihiyosong kontrobersyal na haharapin mo.
Marami kasi ang nag-iisip na si Jesus ay tulad lamang ng mga religious teacher. Kaya ang tingin lang nila kay Jesus ayisang makasaysayang tao na tulad ng maraming kilalang tao din sa kasaysayan na marami ang mga kontribusyon. Ngunit alam natin na si Jesus ay hindi maikukumpara sa sinumang tao sa kasaysayan gaano man kalaki ang kontribusyon nito.
Sa liwanang ng katotohanang ito, paano tayo magiging banal at matuwid? Kailangan natin ang kabanalan at katuwiran ni Jesus. Iyan ang Magandang Balita sa gospel. Si Jesus na Matuwid, ay nakipagpalit sa ating mga makasalanan. Sa pamamagitan ng pagsisisi at sa pagsampalataya kay Kristo, matatanggap natin ang Kanyang katuwiran. Sabi nga sa 2 Corinto 5:21, “Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, Siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan Niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.” Kaya ang bagay na ito ay hindi kapanipaniwala na ang Kanyang gawa ay na-credit sa atin. Habang ang ibang mga relihiyon ay nagtuturo na ang mga tao ay dapat maglingkod para sila ay maging matuwid, ang mensahe naman ng ebanghelyo ay kakaiba dahil sa Kristiyanismo ay ang paglilingkod ng mga tao ay dahil sa katuwirang ibinigay ni Kristo. Naglilingkod tayo hindi para maging matuwid sa Diyos, naglilingkod tayo bilang bunga ng ginawa ni Jesus sa atin na gawing matuwid sa harap ng Ama sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya sa Kanya.
4. Jesus is the source of life (3:15).
“Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit Siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon.”
Itinaas ni Pedro si Jesus sa title na ginamit niya kay Jesus bilang, “Pinagmumulan ng buhay.” Sinabi ni Juan sa Juan 1:4, “sa Kanya ay may buhay, at ang buhay ay Siyang ilaw ng sangkatauhan.” Sabi naman ni Pablo sa Colosas 1:16-17, “16 Sapagkat sa pamamagitan Niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan Niya at para sa Kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan Niya.” Sa madaling salita, kung wala ang pagkilos ni Jesus walang buhay. Kung hindi sa Kanya wala tayong pisikal na buhay. Katulad ng mga gadget natin at mga appliances kung ito ay hindi nakasaksak sa source ng kuryente hindi ito mabubuhay. Ganun din sa tao, kung tayo ay hiwalay sa source ng buhay para mabuhay, tayo ay mananatiling patay.
Nalaman ni Pedro na ang paggawa ng ganoong pahayag tungkol kay Jesus sa harap ng mga Hudyo ang magiging dahilan ng ikagagalit ng marami. Ngunit ang kanyang mga salita ay nag-aalok ng kamangha-manghang mga balita tungkol sa kung paano natin mapagtagumpayan ang kamatayan.
5. Jesus rose from the dead (3:15, 26).
“15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit Siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon. 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang Kanyang Lingkod, sa inyo Siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay.”
Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay ang mensaheng patuloy na pinapahayag ng mga apostol. Binuhay ng Diyos si Jesus mula sa patay, at nakita Siya ng mga apostol na buhay. Ito ang nagpapatunay sa lahat ng mga claim ni Jesus, na naipakita ang pagtanggap ng Ama sa kamatayan ng Anak bilang bayad sa sala ng mga tao, at napatunayan na Siya talaga ang mapagkukunan ng buhay. Malinaw ang punto ni Pedro: hindi tayo naligtas sa kalidad ng ating pananampalataya kundi sa kung kanino tayo sumampalataya. Kaya nga kahit singliit lang ng buto ng mustasa ang iyong pananampalataya kay Jesus, ang kaligtasan ay tiyak. Kaya kay Jesus lamang natin ilagak ang ating pananampalataya, ang ating Panginoon na muling nabuhay, na dumating para iligtas tayo.
6. Jesus is the fulfilment of Old Testament prophecy and promises (3:17-26).
17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno. 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang Kanyang Lingkod, sa inyo Siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay."
Maraming binanggit si Pedro na mga teksto sa Lumang Tipan sa kanyang pagtuturo sa mga tao patungkol kay Jesus na Mesiyas. Mula kay Abraham, patuloy hanggang sa kasaysayan ng pagtubos na nagtapos kay Jesus. Sabi ni Pedro sa talata 18, 24, na “ang lahat ng propeta,” ay nahulaan ang Kanyang pagdating – kasama si Moises, na nakahula sa isang taong mas dakila at mas maluwalhati kaysa sa kanya. Mahalagang sinabi ni Pedro na, “ang Mesiyas ay dumating.” Ngunit marami sa mga nakarinig niyon, at hanggang ngayon, ay naghihintay parin sa katuparan ng mga hula ng mga propeta dahil hindi sila naniniwala na si Jesus ang katuparan niyon.
Si Jesus ang huling propeta. Wala nang mga propeta pagkatapos ni Jesus dahil ano pa ang sasabihin ng mga propeta? Hindi tulad ng ibang mga propetang nabanggit sa Kasulatan, si Jesus ay hindi lang nagsasabi ng katotohanan; Siya mismo ang katotohanan. Hindi lang Niya pinapakita sa atin ang daan; Siya mismo ang daan. Hindi lang Niya sinasabi sa atin ang kahulugan; Siya mismo ang kahulugan.
Bilang si Jesus na mas dakila kay Moises, pinangunahan Niya ang mas dakilang exodo. Si Jesus ang huling manunubos. Bilang mas dakilang Hari, si Jesus ay maghahari magpakailanman. Bilang supling ni Abraham, kay Jesus ang lahat ng mga pamilya sa mundo ay pinagpala. Napanatili ng Lumang Tipan ang messianic hope sa buong salaysay, at natupad ito kay Kristo, na ating dakilang Propeta, Hari, at Manunubos.
Tignan muna natin sandali at isaalang-alang ang lahat ng paratang ni Pedro sa mga tao:
• Talata 13: Isinakdal at itinakwil ninyo si Jesus.
• Talata 13b: Mas masahol pa kayo kay Pilato.
• Talata 14: Ipinagpalit ninyo sa isang mamatay-tao ang Banal at Matuwid.
• Talata 15: Pinatay ninyo ang pinagmumulan ng Buhay.
• Talata 17: Kayo’y ignorante.
• Talata 18-25: Hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan.
• Talata 26: Tinanggihan ninyo ang inyong pribiliheyo.
• Talata 26b: Kayo’y masasama.
7. Repent (3:19-21)
“19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan, 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na propeta mula pa noong una.”
Sa mga mabibibigat na mga paratang na
ito, mapapatanong tayo kung meron pa bang pag-asa sa mga makasalanang tao. Ang
sagot ay meron. Iyan ang mababasa natin sa talata 19-21 kung saan nagbigay si Pedro
ng gospel hope sa lahat. Pansinin ninyo ang pangangailangan ng pagsisisi sa
talata 19. Sinabi niya na may pag-asa kung kayo’y tatalikod sa inyong mga
kasalanan. At sa talata 26 nga ay sinabi niya sa mga
tagapakinig na gustong pagpalain sila ng Diyos sa pagtulong
sa kanila sa pagtalikod sa kanilang mga maruming
pamumuhay. Sa madaling salita, ang kakayahan ng
tao na makapag sisi ay isang mapagbigyayang kaloob ng Diyos.
Pansinin din natin ang pagpapala ng
kapatawaran. Sa mga talata 19-21 nabanggit ni Pedro ang tatlong benipisyo ng totoong
pagsisisi: (1) total forgiveness, (2) spiritual refreshment, at (3) universal
restoration.
a. Total
forgiveness
Sinabi nga sa talata 19, na sa
pamamagitan ng pagsisisi mapapatawad
tayo sa ating mga kasalanan. Ito ay isang magandang
larawan ng salita. Isipin nyo habang pinapakita ng Diyos ang bigat at laki ng
ating mga kasalanan sa Kanya at ang bigat ng kabayaran nito, bigla Niyang ipapaalam
sa atin ang Kanyang biyaya na inaalok sa atin ng kapatawaran sa ating mga
kasalanan kung tayo ay tatalikod at magsisisi sa ating mga kasalanan. Buburahin
Niya ang ating mga kasalanan at hindi na muling aalalahanin pa at sasabihin Niya
na ikaw ay walang kasalanan at matuwid. Hindi ba iyan sapat na dahilan para
buong puso natin Siyang sambahin at paglingkuran ng buong katapatan?
b. Spiritual
refreshment
Pero meron pa. Sapamamagitan ng
pagsisisi ma-e-enjoy natin
ang espirituwal na kapahingahan sa Panginoon (talata 20).
Ito ay isang salita tungkol sa panahon ng Mesiyas, kung kailan
ibubuhos ang Espiritu. Ito ay paalala sa mga bumaling kay Jesus na sila ay makakatagpo
ng kapahingahan. Ano ang magandang balita ng gospel na inaalok sa mga tao na sinusubukang
makuha ang kapatawaran sa sariling kaparanan at sa kaligtasan? Sa simpleng
paglapit kay Jesus at sila ay makakatagpo ng kapahingahan at kaginhawaan sa
kanilang pagod na kaluluwa. Ang Kanyang ginawa sa krus ang nagpalaya sa atin.
c. Universal
restoration.
At panghuli, sabi ni Pedro sa talata
20-21, kung ikaw ay magsisi, then ma-e-enjoy mo ang pag-asa kay Kristo sa pagbabago
ng lahat ng bagay. Ito rin ang tinukoy ni Pablo sa Roma
8:18-37 na sa ating pagdurusa ay magbibigay daan sa kaluwalhatian.
Binigyan tayo ni Jesus ng pag-asa para matiis natin
ang kahirapan sa buhay na ito sapagkat binigyan Niya tayo
ng pangako ng kaluwalhatian na darating. Hindi mabuti na ang pag-asa mo lang ay
sa buhay lang na ito. Pero ang gospel ay nag-aalok sa atin ng isang hindi
matitinag na pag-asa sa darating na panahon.
Sa susunod na pag-aaralan natin sa
Gawa 4, makikita natin sa unang apat na talata na natanggap ng mga tao ang mensahe
ni Pedro. Ito ang dahilan kung bakit sa talata 4 ay makikita
natin ang isang magandang bagay dahil may limang libong bilang ng lalaki ang
sumampalataya kay Jesus. Ito ay patuloy na paalala sa atin na pwedeng gamitin ng
Diyos ang mga ordinaryong tao para mapahayag ang extraordinary na mensahe. Ang
mga buhay ay nababago kung naitataas (exalt) si Jesus sa Kanyang Salita. Kung
ang Banal na Espiritu ay kumilos kay Pedro na isang mangingisda, makakakilos
din Siya sa iyong buhay. Magkaroon tayo ng kompiyansa na habang nagtatapat tayo
sa pagtupad ng Great Commission tulad ng mga apostol si Jesus ay kasama natin.
Iyan ang pangako ni Jesus sa Mateo 28:20 na Siya ay kasama natin hanggang sa
katapusan ng panahon.
__________________________________________________
Discussion
Pagbulayan:
1.
Nakita natin na ang himala ay posible parin sa panahon natin. Ano ang dapat nating hanapin sa
himalang naganap para malaman kung ito ba ay sa Panginoon o
sa diablo?
2.
Sa nakita nating ginawa nila Pedro at Juan sino ang laging naitataas sa lahat ng ginagawa nila at
sinasabi? Ano ang tinuturo nito sa atin?
Pagsasabuhay:
1.
Meron ka bang mga kilala na nangangailangan ng pisikal at espirituwal na tulong mula sayo?
2.
Anong tulong ang pisikal na maaari mong gawin at anong espirituwal ang tulong ang iyong gagawin?
3. Ano ang humihimok sa iyo sa ating pinag-aralan upang gawin ang mga bagay na ito?
Panalangin:
Ipanalangin ang pagsasabuhay na nagawa na tulungan tayo ng Diyos na maipamuhay ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento