Lunes, Mayo 23, 2022

Kung magpakamatay ang isang Kristiyano, ligtas pa rin ba siya?

Tanong: 

Kung magpakamatay ang isang Kristiyano, ligtas pa rin ba siya?

Sagot:

            
Isang nakalulungkot na katotohanan na may mga Kristiyano na nagpapakamatay. Dagdag pa sa trahedya ay ang maling katuruan na awtomatikong pumupunta sa impiyerno ang mga taong nagpapakamatay. Marami ang naniniwala na ang isang Kristiyanong nagpakamatay ay hindi maliligtas. Ang katuruang ito ay hindi sinasang-ayunan ng Bibliya.

            
Itinuturo ng Kasulatan na sa oras na tunay na sumampalataya kay Kristo ang isang tao, ginagarantiyahan ng Diyos na siya ay may buhay na walang hanggan (Juan 3:16). Ayon sa Bibliya, maaaring matiyak ng isang tunay na Kristiyano ng walang pagdududa na siya ay nagtataglay ng buhay na walang hanggan (1 Juan 5:13). Walang makapaghihiwalay sa isang Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8:38–39). Walang anumang “gawa” ang makapaghihiwalay sa isang Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos at kahit na ang pagpapakamatay na isang bagay na ginawa ay hindi makapaghihiwalay sa kanya sa pag-ibig ng Diyos. Namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan, at kung ang isang tunay na Kristiyano sa panahon ng kanyang kahinaan at pag-atakeng espiritwal ay magpakamatay, ang kanyang kasalanan ay natatakpan pa rin ng dugo ni Kristo.

            
Ayon sa Bibliya, hindi ang pagpapakamatay ang magtatakda kung ang isang tao ay pupunta sa langit o hindi. Kung ang isang taong hindi ligtas ay magpakamatay, walang kinalaman ang kanyang pagpapakamatay sa kanyang pagpunta sa impiyerno. Pinadali lamang nito ang kanyang pagpunta doon. Gayunman, ang taong nagpakamatay ay pupunta sa impiyerno hindi dahil nagpakamatay siya kundi dahil sa kanyang pagtanggi sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, hindi dahil sa kanyang pagpapakamatay (tingnan ang Juan 3:18). Dapat din nating bigyang diin na walang sinuman ang tiyak na nakakaalam sa nangyayari sa puso ng tao sa oras na siya ay mamatay. May mga tao na nagsisi at sumampalataya kay Kristo habang naghihingalo at malapit ng mamatay. Posible na ang isang taong nagpakamatay ay magsisi at humingi sa Diyos ng kahabagan at kapatawaran ilang segundo bago siya malagutan ng hininga. Dapat lamang na ipaubaya natin sa Diyos ang paghusga sa ganitong mga sitwasyon (1 Samuel 16:7).

            
Ang pagpapakamatay ng isang mananampalataya ay isang katibayan na ang sinuman ay maaaring makipaglaban sa mga kabiguan sa buhay at ang ating kaaway na si Satanas ay “mamatay tao na sa pasimula pa” (Juan 8:44). Ang pagpapakamatay ay nananatili pa ring isang seryosong kasalanan laban sa Diyos. Ayon sa Bibliya, ang pagpapakamatay ay pagpatay; ito ay laging mali. Tinatawag ang mga Kristiyano na mabuhay para sa Diyos at ang desisyon kung kailan mamamatay ay dapat na sa Diyos at sa Diyos lamang.

            
Nawa’y pagkalooban ng Diyos ng biyaya at ng parehong pananaw ng Mang-aawit ang bawat isa na humaharap sa matitinding pagsubok sa oras na ito: “Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios” (Awit 43:5).

(Mula sa gotquestion.org)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...