Biyernes, Abril 29, 2022

Pastoral Ministry (How To Shepherd Biblically) - Introduction

Pastoral Ministry (How To Shepherd Biblically)


Introduction

          Ang paglilingkod sa iglesya ay isang napakalaking pribilehiyo. Wala na marahil na higit na marangal o may higit na walang hanggang kahalagahan kaysa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Kritso sa Kanyang iglesya. Ang pribilehiyong ito rin ang pinakaseryosong responsibilidad na maaaring gampanan ng isang tao. Ang pagtupad sa pribilehiyong ito at pagtupad sa responsibilidad na ito ay nangangailangan ng pag-unawa sa iglesya at sa mga ministeryo nito na tama ayon sa Salita ng Diyos. Upang maunawaan ang mga isyu ng simbahan at maitatag ang pag-unawang iyon bilang pundasyon para sa ministeryo, kailangan nating maunawaan ang ilang pangunahing katotohanan:

1. Ang iglesya ang tanging institusyon na ipinangako ng ating Pagninoon na itatayo at pagpapalain (Mateo 16:18).

2. Ang iglesya ay ang lugar ng patitipon ng mga tunay na mananamba (Filipos 3:3).

3. Ang igesya ang pinakamahalagang pagtitipon sa lupa mula nang binili ito ni Kristo ng Kanyang sariling dugo (Gawa 20:28; 1 Corinto 6:19; Efeso 5:25; Colosas 1:20; 1 Pedro 1:18; Pahayag 1:5).

4. Ang iglesya ay ang makalupang pagpapahayag ng makalangit na katotohanan (Mateo 6:10; 18:18).

5. Ang iglesya ay magtatagumpay sa huli sa buong mundo at local (Mateo 16:18; Filipos 1:6).

6. Ang iglesya ay ang kaharian ng espirituwal na pagsasama (Hebreo 10:22-25; 1 Juan 1:3, 6, 7).

7. Ang iglesya ang tagapagpahayag at tagapagtanggol ng banal na katotohanan (1 Timoteo 3:15; Tito 2:1, 15).

8. Ang iglesya ang pangunahing lugar para sa espirituwal na pagpapatibay at paglago (Gawa 20:32; Efeso 4:11-16; 2 Timoteo 3:16, 17; 1 Pedro 2:1, 2; 2 Pedro 3:18).

9. Ang iglesya ang lunsaran para sa pandaigdigang ebanghelisasyon (Marcos 16:15; Tito 2:11).

10. Ang iglesya ay ang kapaligiran kung saan ang malakas na espirituwal na pamumuno ay umuunlad at nagmamature (2 Timoteo 2:2).
 

          
Ang sampung bagay sa itaas ay tiyak kung bakit dapat nating mahalin at iaalay ang ating buhay dito. Ang pag-unawa sa mga katotohanang iyon ay ang pundasyon ng epektibong ministeryo. Naniniwala ako na ang susunod na henerasyon ng mga iglesya ay magiging walang kapintasan kung ang mga espirituwal na mga kalalakihan na namumuno sa mga iglesyang ito ay nakatuon sa mga katotohanang ito. Nakakalungkot lang na lumalago ang kalakaran na makabuo ng magagaling na mga lider na marunong mamahala ng negosyo o pangangalakal ngunit walang pang-unawa sa iglesya na ayon sa pananaw ni Kristo. Ang kanilang istilo at sangkap ng pamumuno ay makalupa, hindi biblikal at espirituwal.

          
Isa pang nakakalungkot na dumarami ngayon ang mga lider sa iglesya na mas gustong maging negosyante, media figure, entertainer, psychologist, philosophers, o pulitiko. Ang mga pagnanais na iyon ay lubos na nalalayo sa kahulugan ng simbolismong ginamit ng Kasulatan upang ilarawan ang mga espirituwal na lider.

          
Halimbawa sa 2 Timoteo 2, gumamit si Pablo ng pitong magkakaibang metapora para ilarawan kung ano ang pamumuno. Inilarawan ang ministro bilang isang guro (tal. 2), isang kawal (tal. 3), isang atleta (tal. 5), isang magsasaka (tal. 6), isang manggagawa (tal. 15), isang sisidlan (mtal. 20-21), at isang alipin (tal. 24). Ang lahat ng mga imaheng ito ay pumupukaw ng mga ideya ng sakripisyo, paggawa, paglilingkod, at paghihirap. Mahusay silang nagsasalita tungkol sa masalimuot at iba’t ibang mga responsibilidad ng espirituwal na pamumuno. Wala ni isa sa kanila ang ginagawang kaakit-akit ang pamumuno.

          
Iyon ay dahil hindi ito dapat maging kaakit-akit. Ang pamumuno sa iglesya – hindi lang ang tungkulin ng pastor, kundi ang bawat pamumuno sa iglesya – ay hindi isang katayuan na parang gagawaran ng kapa ang mga mahaharlika sa iglesya. Hindi ito nakukuha dahil lang sa katandaan, o dahil mayaman, o minamana dahil sa ugnayan ng pamilya. Ito ay hindi nangangailangan na dapat ay tagumpay ka sa negosyo o pananalapi. Hindi ito binibigay batay sa katalinuhan o talent na meron ang isang tao. Ang kailangan dito ay ang mga taong walang kapintasan sa kanilang pagkatao, mature sa espirituwal, at higit sa lahat, handang maglingkod nang may pagpapakumbaba.

          
Ang paboritong talinghaga ng ating Panginoon para sa sa espirituwal na pamumuno, na madalas Niyang ginagamit upang ilarawan ang Kanyang sarili, ay yaong isang pastol, isang taong nag-aalaga sa kawan ng Diyos. Ang bawat pinuno ng iglesya ay isang pastol. Ang salitang pastor mismo ay nangangahulugang “pastol.” Ito ay angkop na imahe. Ang isang pastol ay namumuno, nagpapakain, nag-aalaga, umaaliw, nagwawasto, at nagpoprotekta; mga responsibilidad na nararapat sa bawat lingkod ng iglesya.

          
Ang mga pastol ay walang katayuan. Sa karamihan ng mga kultura, ang mga pastol ay nasa mababang antas sa lipunan. Angkop iyan, dahil sinabi ng ating Panginoon, “ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod” (Lucas 22:26).

          
Sa ilalim ng planong itinakda ng Diyos para sa iglesya, ang pamumuno ay isang posisyon ng mapagkumbaba at mapagmahal na lingkod. Ang pamumuno ng iglesya ay isang ministeryo, at hindi pamamahala. Ang pagtawag sa mga itinalaga ng Diyos bilang mga pinuno ay hindi tulad sa isang posisyon ng namamahala na mga mahaharlika kundi tulad ng mga hamak na alipin, hindi tulad ng celebrity kundi bilang mga manggagawang tagapaglingkod. Yaong mga mamumuno sa bayan ng Diyos ay dapat na higit sa lahat ay magpakita ng sakripisyo, debosyon, pagpapasakop, at kababaan.

          
Si Jesus mismo ang nagbigay ng huwaran nang Siya ay yumuko upang hugasan ang mga paa ng Kanyang mga disipulo, isang gawain na karaniwang ginagawa ng pinakamababa sa mga alipin (Juan 13). Kung gagawin iyon ng Panginoon ng sansinukob, walang pinuno ng simbahan ang may karapatang isipin ang kanyang sarili bilang higit sa lahat.

          Ang papastol ng mga hayop ay isang trabahong hindi mahirap. Walang kolehiyo na nag-aalok ng graduate degree sa pagpapastol. Hindi ganoon kahirap ang trabaho; kahit na ang isang aso ay maaaring matutong bantayan ang isang kawan ng mga tupa. Noong panahon ng Bibliya, ang mga batang lalaki—halimbawa, si David—ay nagpapastol ng mga tupa habang ang matatandang lalaki ay gumagawa ng mga gawain na nangangailangan ng higit na kasanayan at matyuridad.

          
Ganon pa man ang pagpapastol ng isang espirituwal na kawan ay hindi ganon kadali. Ito ay nangangailangan ng higit pa sa isang tunay na pastol ng tupa upang maging isang espirituwal na pastol. Mataas ang mga pamantayan at mahirap tuparin ang mga kinakailangan (1 Tim. 3:1–7). Hindi lahat ay maaaring matugunan ang mga kwalipikasyon, at sa mga nakagagawa, kakaunti ang tila nangunguna sa gawain. Ang espirituwal na pagpapastol ay nangangailangan ng isang makadiyos, likas na matalino, maraming kayang gawin na may integridad. Gayunpaman, dapat niyang panatilihin ang mapagpakumbabang pananaw at kilos ng isang batang pastol.

          
Kasama ng napakalaking responsibilidad ng pamumuno sa kawan ng Diyos ang potensyal ito man ay isang dakilang pagpapala o dakilang paghatol. Ang mabubuting pinuno ay pinagpapala ng doble ( 1 Timoteo 5:17), at ang hindi mabubuting pinuno ay parurusahan din ng doble (Tal. 20), dahil, “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami” (Lucas 12:48). Sabi sa Santiago 3:1, “Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba.”

          
Ang bilang o dami ng miyembro ng iglesya ay hindi sukatan ng espirituwal na tagumpay. Ngunit marami din tayong makikitang mga tapat na iglesya ngayon na sobrang biniyayaan ng Diyos na maraming miyembro dahil ang mga nakapaloob dito ay may matibay na commitment sa biblikal na pamumuno at biblikal na ministeryo.

          
Kung ikaw ay nagnanais na maging isang pastor o tagapanguna ng iglesya, o ikaw ay isa ng pastor o lingkod na, dapat nating sikaping magkaroon ng pagnanais na maimodelo at maipahayag ang pagkatawag ni Jesus sa pagdidisipulo: “Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. Ang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay magkakamit nito” (Mateo 10:38-39).

          
Tunay na mahirap ang pagpapastor pero narito ang ilang dahilan kung bakit mo dapat mahalin ang pagpapastor at ang gawain ng ministeryo.

1.
Dahil ang pangangaral ang pangunahing paraan ng tao na ginagamit ng Diyos upang ibigay ang Kanyang biyaya. Inutusan ni apostol Pablo si Timoteo na, “ipangaral ang salita ng Diyos,” (2 Timoteo 4:2). Meron kang pribilehiyong ipahayag ang mensahe ng Diyos tuwing Linggo sa Kanyang mga tao, isang mensahe ng biyaya, kung saan naliligtas ng Diyos ang mga tao at nababago ang buhay.

2.
Dahil maaaring makapag-ubos ng oras sa pag-aaral at pakikipag-isa sa Diyos. May mga nakikita ang mga tao sa atin sa publikong kongregasyon, ngunit may pribadong panig sa atin na ang Diyos lamang ang nakakaalam. Ang oras na inilalaan natin sa bawat linggo sa presensya ng Diyos ay isang mataas at banal na pribilehiyo.  

3.
Dahil may direktang pananagutan ka sa Diyos para sa buhay ng mga taong ipinagkatiwala upang pagpastulan. Bilang pastor-guro ng isang kongregasyon, mayroon tayong relasyon sa mga pinagkatiwalang tao tulad ng sa isang pastol at sa kanyang mga tupa. Binabantayan natin ang kanilang kaluluwa dahil tayo ang, “mananagot sa Diyos sa gawaing ito,” (Hebreo 13:17).

4.
Dahil may pananagutan ka sa mga tao sa iglesya. Lahat ay lantad sa kanila: ang inyong buhay at pamilya, ang inyong mga personal na kalakasan at kahinaan-lahat. Pahalagahan nyo ang pananagutang iyon. Ito ay isang pagtuloy na paghihikayat sa atin na patuloy na ipakita si Kristo sa lahat ng inyong mga sinasabi at ginagawa.

5.
Dahil sa hamon ng pagbuo ng isang epektibong pangkat ng pamumuno mula sa mga taong inilagay ng Diyos sa iglesya. Kapag ang isang tao ay nagsimula ng isang negosyo, maaari siyang kumuha ng sinumang gusto niya. Isa pang bagay ang pagbuo kasama ng mga taong tinawag ng Diyos, kakaunti sa kanila ang matatalino, makapangyarihan, o marangal ayon sa mga pamantayan ng mundo (1 Corinto 1:26). Inihayag ng Diyos ang kadakilaan ng Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapakita na ang mga walang kwenta na tao sa paningin ng mundo ay Kanyang gagawin na pinakamahalagang mapagkukunan.

6.
Dahil ang pastor ay nakayakap sa lahat ng pangyayari sa buhay. Makakabahagi ka sa kagalakan ng mga magulang sa pagsilang ng kanilang anak, pati rin sa pagdadalamati ng mga anak sa pagkamatay ng kanilang mga magulang. Makakatulong ka sa pagdiriwang ng mga kasal; Kayo din ang nakakapagbigay ng aliw sa isang libing. Makikita natin mula rito na parte ng buhay ng pastor ang mga minsang hindi inaasahan na bahagi ng inyong pagkatawag. Ang isang hindi kapani-paniwalang pakikipagsapalaran ay maaaring magsimula sa anumang naibigay na sandali. Sa mga oras na iyon ang pastor ay lumalampas sa kanyang sermon upang tumayo sa puwang para sa Diyos sa buhay ng Kanyang mga tao.

7.
Dahil ang mga gantimpala sa buhay na ito ay kahanga-hanga. Mararanasan mo ang mahalin, pahalagahan, kailanganin, pagkatiwalaan, at hangaan – lahat ng ito ay resulta ng pagiging instrumento ng Diyos sa espirituwal na pagpapaunlad sa Kanyang mga tao. Alam mong ipinagdarasal ka nga mga pinagkatiwala sayo at may lubos na pagmamalasakit sayo. Dahil sa mga ito, ay lubos mo itong ipasasalamat sa Diyos. Ikararangal mong maging daluyan ng pagpapala kung saan ang biyaya ng Diyos, pag-ibig ni Kristo, at kaaliwan ng Banal na Espiritu ay maaaring maging totoo sa mga tao.

Ang panimulang aralin na ito na magpapatuloy ay para sa mga taong nauunawaan at nagmamahal sa iglesya ng ating Panginoong Jesus na nais paglingkuran ang kawan na may pagpapala at kapangyarihan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ministeryo ayon sa Bibliya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...