Sabado, Hunyo 25, 2022

Ang Dahilan ng Panalangin









Ang Dahilan ng Panalangin 
Itinuro ni Pastor Arnel D. Pinasas

            Alam nyo ba na ang panalangin ay hindi patungkol sa panalangin. Halimbawa ang cell phone. Ang cell phone ay hindi patungkol sa cell phone. Ang primary purpose ng cell phone ay hindi para sa kanya but to serve bilang kasangkapan to connects us in relationships. Kung nilalagay natin ito sa tenga natin at hindi naman na kaka engage sa buhay ng iba, hindi natin nagagamit ng tama ang cellphone sa kung ano talaga ang purpose nito. Ganun din sa panalangin, ginagawa natin ito pero hindi talaga ito tunay na panalangin kung hindi tayo tunay na nakaka-engage sa Diyos. Sa araw na ito titignan natin ang mga bagay na tunay na panalangin at hindi tunay na panalangin.

            
Ang pag-upo na habang sinusubukang i-empty ang pag-iisip at lahat ng mga bagay sa isip ay hindi isang panalangin. Yung paulit-ulit na mga salita ay hindi isang panalangin. Crossing your legs and chanting a mantra ay hindi isang panalangin. Yung pagtirik ng kandila ay hindi isang panalangin. Ang pagluhod habang nananalagin sa church habang nakayuko ang iyong ulo, pikit ang mata, at  nananalangin ng malakas ay hindi rin isang tunay na pananalangin kung ginagawa mo ito impress to people.

Lucas 18:10-14
10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 

11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya’y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 
12 Dalawang beses akong nagaayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita’

13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama’y nakatayo sa malayo at di man lang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘ O Diyos, mahabag po Kayo sa akin na isang makasalanan!’

14Sinasabi Ko sa inyo, ang lalaking ito’y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

            
Yes, maaring magawa ng mga tao ang mga iba’t-ibang paraan ng pananalangin, pero hindi ibig sabihin nito na sila’y tunay na nananalangin. Ang panalangin, mula sa puso, ay tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos. May Paggalang at bukas. Seryoso. Pakikipag-usap directly sa magnificent God ng buong kalawakan na tunay na naroon.

            
Ang dahilan kung bakit nagpaalala si Jesus ng ganito sa pananalangin, sa totoo lang, ay dahil maaaring maloko o madaya natin ang ating sarili mula sa ating ginagawa o makalimutan natin na tayo ay dumudulog sa presensya ng Diyos kapag tayo’y nananalangin. Pero isipin nyo na tayo ay nananalangin sa parehong Diyos na kausap ni Juan sa aklat ng Pahayag na inilarawan na ganito:

Pahayag 1:14-16
“14 Ang Kanyang ulo at buhok ay simputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang Kanyang mga mata’y parang apoy na nagliliyab. 15 Kumikinang ang Kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang Kanyang tinig. 16 May hawak Siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumalabas sa Kanyang bibig ang isang matalim na tabak na sa magkabila’y may talim. Ang Kanyang mukha ay nakakasilaw na parang matinding sikat ng araw.”

            
Nang makita Siya ni Juan sa talata 17, anung nangyari? “Pagkakita ko sa Kanya, para akong patay na bumagsak sa Kanyang paanan” May tagpo na ba sa iyong buhay na may nakausap na kayo na isang kinikilala at makapangyarihang tao? Naalala ko nang nagkaroon kami ng asawa ko ng pagkakataon na madalaw si President Gloria Macapagal Arroyo sa Veteran Hospital at nakausap namin siya, nakasamang kumain at naipanalangin. Tinitiyak namin na laging kaaya-aya ang mga lumalabas sa bibig namin na may paggalang at kaba sa aming puso.

           
Marahil ay meron din kayong mga tagpo na tulad nito. Ngayon ihambing ninyo yung pakiramdam at the way kayo makipag-usap sa taong ito sa pananalangin nyo at pakikipag-usap nyo sa Diyos na inilarawan sa Pahayag. Kung mauunawaan lang natin kung ano ang tunay na pakiramdam na nasa presensya ng Dakilang Diyos, siguro hindi tuliro ang ating pag-iisip, hindi tayo aantukin, gising na gising tayo at may nag-uumapaw tayong pakiramdam. Lahat ng attention natin ay naroon. Tulala tayo, di makapag-salita, may paggalang na takot at kaba sa ating puso. At kapag nagsalita Siya, tayo ay nagpapakumbaba, may paggalang, at napakaingat natin sa ating mga pag-sasalita.

            
May mga ilan at piling tao lang na lingkod ng Diyos na may pagkakataon na maranasan ang visible na nasa presence ng Diyos. Isa na rito si Moises. Siya ay tinawag ng Diyos na mag-isa sa Bundok ng Sinai at pumasok sa tolda habang ang mga tao ay nasa labas nanonood. Ang nasa presenya ng Diyos ay isang banal. Alam ng mga tao ang kaseryosohan ng kung ano ang ibig sabihin ng nasa pakikipag-usap sa Diyos. At tayo rin, dapat nating ma-realize sa araw-araw ang kaseryosohan at kabanalan ng ating pananalangin.

            
 Ang tanging dahilan kung bakit tayo may prebiliheyo na makapanalangin ay dahil kay Jesus, our “Great High Priest,”

Hebreo 4:14
“Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mimso sa harap ng Diyos. Siya’y walang iba kundi mismo si Jesus na Anak ng Diyos.”

            
Nang ginawa ang templo, inutusan ng Diyos ang unang mga Israelita na maglagay ng veil or kurtina sa pagitan ng panloob na templo at sa pinaka banal na lugar. Sa panahon nila tanging ang Pinaka Punong Pari lang ang makakapasok doon isang beses sa isang taon sa panahon ng pagbabayad-sala. Pero si Jesus na ating perfect High Priest – ang walang dungis na kordero ng Diyos ang nagsakripisyo at naging karapat-dapat na magbayad sa ating mga kasalanan upang tayo ay tubusin. At ng panahon ng Kanyang kamatayan nakita natin na napunit yung tabing na ito na humihiwalay. Ano ang naging resulta?

Hebreo 10 19-22
19 Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya nang makakapasok sa Dakong kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan Niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito’y ang Kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22. Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may buong pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa Kanya.”

            
Sa panahon ni Moises ay mapapahamak ang makakalapit sa presensya ng Diyos. Halimbawa nito ang pangyayaring makikita sa Exodo 33:19-23, na kung saan maaaring ikapahamak ng tao ang makalapit sa presensya ng Diyos.

Hebreo 12:29
“Sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok.”

            
Parang isang bumbero na hindi makakatagal na nakatayo sa tapat ng isang malakas ng apoy sa init nito. Ang paglapit sa Diyos ng isang makasalanan ay parang yelo na sinusubukang lumapit sa araw. Pero dahil kay Jesus, our High Priest, sabi sa Hebreo 4:15,
“Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso Siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma’y hindi Siya nagkasala.”

            
At dahil tayo bilang mga mananampalataya na binihisan ng Kanyang kaluwalhatian at kabanalan ay malaya nang makakapasok sa presenya ng Diyos na walang pangamba. Sa pamamagitan lamang ni Kristo tayo ay ligtas sa piling ng Diyos. Diba madali sa atin na makalapit sa isang taong mahirap lapitan kung tayo ay may kakilala na malapit sa taong iyon? Naalala ko ang kwento ng isang sundalong nakita ng bata na umiiyak sa labas ng White House. Tinanong ng bata ang sundalong nakita niyang umiiyak, “bakit ka umiiyak?” “Ayaw kasi akong papasukin para makausap ang president ng bansa,” tugon ng sundalong umiiyak. Nagtanong muli ang bata, “bakit daw?” “Hindi daw ako basta-basta pwedeng makalapit. Maraming requirements at mga taong dapat muna daw kong unang lapitan bago ko makaka-usap ang presidente.” Kinuha ng bata ang kamay ng sundalo at hinila papasok ng palasyo. Dumiretso-deretso ito sa mga pinto hanggang sa makarating sa opisina ng presidente. Takang-taka ang sundalo sa nangyayari. Sinabi ng bata sa presidente, “Papa gusto ka daw makausap ng taong ito.”

Hebreo 4:16
“Kaya’t huwag tayong magatubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.”

            
Ngayon para mas makita natin ang mga pangunahing bahagi ng panalangin titignan natin ang kahulugan ng panalangin.

Ano ang panalangin?

Ang panalangin ay pakikipag-isa sa Diyos upang...

1. Kilalanin, mahalin, at sambahin Siya nang husto.
2. Unawain at iayon ang ating buhay sa Kanyang kalooban at mga paraan.
3. Marating at isulong ang Kanyang kaharian, kapangyarihan, at kaluwalhatian.

Tignan natin ito isa-isa. Ang panalangin ay pakikipag-isa sa Diyos upang...

I. Kilalanin, mahalin, at sambahin Siya nang 
husto.

            
Lahat tayo syempre may mahal tayo sa buhay. – Maybe pamilya mo, kasintahan mo, asawa, kaibigan. Itong mga mahal nyo sa buhay na ito papaano nyo pinapakita ang pag-ibig nyo sa kanila? Kaya nyo alagaan kapag nag kasakit. Tulungan kapag nahihirapan. Pag may problema sinasamahan at tinutulungan nyo sila. Sinusuportahan sa kanilang mga pangangailangan. Ngayon, itong pag-ibig na pinapakita mo sa mahal mo sa buhay kaya mo ba ito gawin sa ibang tao na hindi mo kakilala? Bakit? Halimbawa, yung magtatrabaho ka kahit mahirap para mabigay ang pangangailangan ng iba. Kadalasan bago sagutin ng babae ang isang lalake ano ang dapat gawin ng babae? O bago mangligaw ang lalake? Diba gusto muna nating makilala? So, ibig sabihin mahalaga na makilala mo ang isang tao para siya ay mahalin at paglikuran.

            
Ano ang isang mabisang paraan para mas makilala mo ang isang tao? Laging mag-usap. Ano sa tingin nyo ang mangyayari kung yung mag kasintahan o mag-asawa na malayo sa isa’t isa ay hindi nag uusap? Ano kayang mangyayari sa relationship nila? Napakahalaga ng pag-uusap para mas lumalim ang kanilang pagsasama. Sa pag-uusap mo nasasabi ang nararamdaman nyo sa isa’t isa, mga pangangailangan nyo, mga payo.

            
Sa bahagi ng panalangin ni Jesus na tinuturo Niya sa Kanyang mga disipulo, binanggit dito ang, “Ama, naming nasa langit, sambahin nawa ang Iyong pangalan.” Dito makikita natin na tayo ay may relasyon sa Diyos. Papaano ang isang makasalanan ay magkakaroon ng relasyon sa Amang nasa langit?

Juan 1:12
“Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa Kanya (Jesus) ay binigyan Niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.”

            
Nakita din natin dito yung dapat mangyari, “sambahin nawa ang Iyong pangalan.” Papaano naman natin Siya sasambahin, mamahalin at paglilingkuran? Kailangan Siyang makilala. Papaano natin Siya makikilala? Maraming paraan tulad ng mag basa ng Bibliya at pananalangin.

            
Mula dito nakita natin kung ano ang isa sa mga gamit ng panalangin. Ito ay para mas makilala natin ng mas malalim ang Diyos at the more na makilala natin Siya at maranasan Siya the more na lalalim at lalago ang ating pagrespeto, pag-ibig, banal na takot, at pagnanais na paglingkuran natin sa Kanya.

Awit 63:4-5
“Ang wagas na pag-ibig Mo’y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin Kita, O Diyos, at pararangalan. Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas. Itong aking kaluluwa’y tunay na masisiyahan, magagalak na umawit ng papuring iaalay.”

            
Meron ba kayong ganitong klaseng mga salita na lumalabas sa bibig nyo kasi sobrang nakikilala nyo Sya? Yung tipong kapag kumakanta kayo ramdam nyo yung mensahe kasi totoo sayo. Yung hindi mo mapigilang itaas ang kamay mo sa pagpuri at pananalangin. Kaya ito ang panglangin ni Pablo sa mga taga-Efeso:

Efeso 3:17-18
“Dalangin ko na ang lahat ng iyong gawain ay nag-uugat sa pag-ibig upang lubusang maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, gaano kahaba, gaano kataas, at gaano kalalim ang Kanyang pag-ibig.”

            
Ito rin ang dalangin ko sa aking sarili at sa lahat. Kasi kapag nakilala mo Siya at minahal ito ang mag tutulak sa atin para Siya ay sambahin at paglingkuran ng tunay. Ang natural na tugon sa presenya ng Diyos ay sambahin Siya – itaas at kilalaning may pag-ibig. At mas magiging willing tayo na sumunod.

Ang panalangin ay pakikipag-isa sa Diyos upang...

II. Unawain at iayon ang ating buhay sa Kanyang
 kalooban at mga paraan.

            
Ang pananalangin natin ay hindi magiging daan para baguhin ang isang bagay – ang panalangin ay para baguhin tayo. Hindi tayo nananalangin para baguhin Niya ang Kanyang sarili para sa gusto nating maging buhay.

Colosas 1:18
“Siya ang ulo ng iglesya na Kanyang katawan. Siya ang pasimula, Siya ang panganay na Anak, ang unang binubuhay mula sa mga patay, upang Siya’y maging pangunahin sa lahat.”

            
Dito pinakita sa atin ng Diyos kung sino ang dapat masunod sa ating buhay at kung kanino tayo dapat mag pasakop. Habang nananalangin tayo, pinapakita ng Diyos ang Kanyang kalooban at kaparaan at pagkatapos ay sisimulan nating iayos at iayon ang puso at pag-iisip natin dito.

“Nawa’y maghari Ka sa amin. Sundin nawa ang Iyong kalooban dito sa lupa tulad sa langit.”

            
Ang ultimate puspose natin ay hindi ang mang yari ang gusto natin kundi mangyari ang gusto Niya sa atin. Susunod tayo sa Kanya saan man Niya tayo dalhin.

Juan 10:3-4
“Pinapakinggan ng mga tupa ang Kanyang tinig.”

            
The more na tayo ay nananalangin, the more na tayo ay nagiging mapagpakumbaba, hindi makasarili at nagiging katulad natin si Jesus.

2 Corinto 3:18
“At ngayonng naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na Siyang Espiritu, ang Siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo’y maging kalarawan Niya.”

Ang panalangin ay pakikipag-isa sa Diyos upang...

III. Marating at isulong ang Kanyang kaharian, 
kapangyarihan, at kaluwalhatian.

Bigyan Mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw...at huwag Mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas Mo kami sa Masama.”

            
Nang binanggit ito ni Jesus sa panalangin na tinuturo ni Jesus sa mga disipulo ay parang ganito ang gusto Niyang sabihin, “Para magawa natin ang nais niya kailangan natin ng pagkain sa araw-araw para magkaroon tayo ng lakas sa ating physical at spiritual na magay. Kailangan nating magkaroon ng malinis na pamumuhay upang tayo ay maging kagamit gamit sa Kanyang gawain. Para magawa ninyo ang gusto Ko kailangan niyo ang kayamanan ng Aking kaharian para ang Aking kapangyarihan ay gumawa sa inyong kalagitnaan at makita ang Aking kaluwalhatian sa pamamaitan ninyo.”

Mateo. 6:33
“Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian at ang pamumuhay nang ayon sa Kanyang kalooban, at ibibigay Niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.”

Ang panalangin ay hindi lang para mas makilala natin ang Dakilang Diyos, kundi para mapabilang din tayo sa ginagawa Niya sa buong mundo para sa Kanyang kaluwalhatian.
Muli, ano ang panalangin?

Ang panalangin ay pakikipag-isa sa Diyos upang...

1. Kilalanin, mahalin, at sambahin Siya nang husto.
2. Unawain at iayon ang ating buhay sa Kanyang kalooban at mga paraan.
3. Marating at isulong ang Kanyang kaharian, kapangyarihan, at kaluwalhatian.

Discussion

Pagbulayan:
1. Paano hindi nagiging panalangin ang panalangin?



2. Bakit mahalaga ang pananalangin?



3. Paano nabago ng mga katotohanang napag-aralan natin ngayon 
ang pananaw mo sa pananalangin?



Pagsasabuhay:
1. Ano ang gagawin mo upang mas makapaglaan ka ng panalangin mula ngayon sa araw-araw?



Panalangin:
Ipanalangin ang tulong mula sa Diyos na maisabuhay ang pagsasabuhay na nagawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...