Lunes, Hunyo 20, 2022

To Be More Like Jesus - D.E.N.Y. Yourself



To Be More Like Jesus - Deny Yourself

Tinuro ni Pastor Arnel D. Pinasas


            
Naalala ko nang bata pa ako, kaming magkakapatid panay ang sipsip namin sa mga magulang namin para mabili o makuha namin yung gusto namin. Madali itong mangyayari kapag natuwa o nalugod sila sa amin.  Kaya kanya-kanya kaming pakitang gilas. Alam kong alam nyo ang pakiramdan na ito - ang maging kalugod-lugod sa isang tao. At alam kong isa sa gusto nating mabigyan ng kaluguran ay ang Diyos lalo na kapag meron tayong isang bagay na gustong makuha sa Kanya. Pero sana makita natin na hindi lang sa materyal na bagay ang dahilan kung bakit gusto nating maging kalugod-lugod sa Diyos bagay na titignan natin mamaya.

Paano ba maging kalugud-lugod?

            Kung gusto nating maging kalugud-lugod dapat gayahin natin si Jesus na Sya namang layunin ng Diyos sa ating lahat. Dahil si Jesus ay nakitang naging kalugod-lugod sa Diyos.

2 Pedro 1:17
“…nang tanggapin Niya mula sa Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, ‘Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan.’”

Bakit Siya naging kalugod-lugod?

Juan 8:29
“sapagkat lagi Kong ginagawa ang kalugud-lugod sa Kanya.”

            
Pinagpala ka kung malugod sayo ang Diyos. Kaya lang marami ang natatakot na magin katulad ni Jesus. Bakit? Dahil sa mga nakita nating naranasan Niya.

Juan 15:20
“Alalahanin ninyo ang sinasabi Kong ito: walang aliping nakakahigit kaysa sa kanyang panginoon. Kung Ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang Aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin.”

Mateo 10:25
“Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”

            
Kaya marami ang natatakot na mamuhay na tulad ni Jesus at mas pinipili nalang ang makisama sa gawa ng makasalanan kaysa sila ay usigin at laitin dahil sa pagsunod kay Jesus. Kung ganito ka nasa delikado kang kalagayan. Kailangan mo talagang maunawaan kung ano ang kalooban ng Diyos patungkol sa mga bagay na ito.

Roma 8:28-29
28. Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya, silang mga tinawag ayon sa Kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang magiging Kanya at ang mga ito’y pinili upang maging tulad ng kanyang Anak. Sa gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid.”

            
Layunin Niyang tayo’y maging katulad ng Kanyang Anak na si Jesus. Habang sumusunod tayo kay Jesus, nagsisimula tayong mas maging katulad Niya; at habang mas nagiging katulad tayo ni Jesus, mas hindi tayo nagiging katulad ng mundo.

Papaano mangyayari ang mga bagay na ito?

Lucas 9:23
“At sinabi Niya sa kanilang lahat, ‘Ang sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.”

Kaya ang ating pag-aaralan sa araw na ito ay -
“To Be More Like Jesus - DENY yourself”

How to deny ourselves? by
D.E.N.Y.

I.
Doing Christ example

Filipos 2:5-8
“5 Nawa’y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Kahit Siya’y likas at tunay na Diyos, hindi Niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. 7 Sa halip, kusa Niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin. Ipinanganak Siyang tulad ng mga karaniwang tao. At nang si Cristo’y maging tao, 8 nagpakumbaba Siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus.”

            
Si Jesus ay nag iwan ng perpektong halimbawa ng pagtakwil sa Sarili. Ang salitang pagtakwil sa sarili ay isang salita ng kahinahaan sa ating panahon. Sa mundo na ang mga nagawa ang nagiging batayan ng pagiging tanyag at tagumpay ay minsang nauuwi sa pagmamataas at pagtapak sa iba marating lamang ang bagay ng ito.

            
Kung hindi tayo nagiging maingat, araw-araw ay sinasanay tayo ni satanas na mahirapang itakwil ang ating sarili sa pamamagitan ng mga di-napapansing ginagawa at kinahuhumalingan araw-araw. Halimbawa nito ay mga Social Media tulad ng Facebook kung saan lahat ay nagiging uhaw sa likes ng iba; Mga nauusong laro gaya ng Mobile Legends na kung saan mas tumataas ang pagnanais na mas maging angat sa iba.

            
Mahirap sa atin ang itakwil ang sarili para sa paglilingkod sa iba lalo na kung mataas ang antas natin sa buhay. Ngunit nag iwan si Jesus ng isang halimbawang dapat tularan.

Juan 13:13-17
13 Tinatawag ninyo Akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat Ako nga iyon. 14 Dahil Akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa’t isa. 15 Binigyan Ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang  panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Mapalad kayo kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin.”

           
Nauunawaan nyo ba ang sinasabi ni Jesus? Tanda na kung nauunawaan natin ito ay sinasagawa natin ito; ginagaya natin si Jesus. At kapag ginawa natin ito mapalad tayo. Pagtakwil sa sarili, pagpapakumbaba, paglilingkod at pagmamahal - ito ang mga katangiang pinakita ni Jesus na dapat nating tularan.

II.
Exchanging your desire for greater Joy

            
Iniisip ng iba na ayaw ng Diyos na maging masaya tayo, na puro church lang, puro gawain lang, madaming bawal, kaya marami nagsasabi boring daw ang maging Kristiyano. Pero dapat nating makita na ang Diyos ay may magandang plano sa atin at ito ay mabuti para sa atin.   

Jeremias 29:11
“Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-punno ng pag-asa.”       

            
Pero ito si Satanas, gaya ng una niyang ginawa kay Eba at Adan, naglagay siya ng pagdududa sa bawat isa sa atin sa mga salitang ito ng Diyos. Talaga bang sa ikakabuti mo ang pagsunod sa plano ng Diyos? “Dumadami na ang nawewerduhan sayo, dumadami na haters mo, dumadami ng ayaw sayo. Ang kj mo, ayaw mong makisama, kaya tigilan mo na ang mga bagay na yan.” Pero kagaya ng kwento ni Eba at Adan na nakinig sa panlilinlang ng ahas, sa dulo malalaman mo na nilayo ka nito sa magandang plano’t biyaya ng Diyos sa buhay mo.

            
Pag tayo nagkakamali sa dulo dahil sa pakikinig natin kay satanas madalas nasasabi natin na, “akala ko kasi.” Minsan nakakapagod yung lagi kang talunan kasi laging ikaw ang nasusunod at hindi si Jesus sa buhay mo.May kailangan lang tayong gawin para matigil ito. Katulad ni Eba kailangan nating palitan ang ating sariling pagnanais. Nang linlangin ni Satanas si Eba, isa sa mga dahilan kung bakit ang bilis niyang mahulog dito dahil sa kanyang sariling pagnanasa.

Genesis 3:6
“Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunon, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain nito.”

At ito ay nasa ating lahat, itong sariling nasa na ito.

Santiago 1:13-14
“Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya’y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya’y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa.”

            
Ito yung dapat nating alisin, yung sariling nasa ng laman, at matutong ipalit o ibalik sa nais ng Diyos na pagmumulan ng tunay na kaligayahan. Ano ang mga kailangan sa pagpapalit para sa higit na kaligayahan?

A. The exchange requires surrender

            
Sa panahon natin ang salitang ito ay ayaw natin dahil ito ay salita ng kahinaan at talunan. Pagnarining natin ito nakikita natin ang isang kahariang sumuko sa isang hari na kadalasan nating napapanood. Kaya ayaw na ayaw natin ang salitang ito. Pero muli ito ay parte ng kasinungalingan ni Satanas para ilayo tayo sa magandang plano at biyaya ng Diyos na makakapagbigay ng tunay na kagalakan.

Awit 127:1
“Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan; maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay, ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.”

            
Maliban na ang Diyos ang hinahayaan mo na maghari sa iyong buhay. Maliban na si Jesus ang masunod sa iyong buhay hindi mapupunta sa walang kabuluhan at saysay ang lahat ng iyong gagawin. Kanina sabi ko naiisip natin na ang pagsuko ay parang katulad sa mga kadalasang napapanood natin na ang sumuko ay nagiging alipin, sunod-sunuran at nabubuhay sa takot. Hindi ito ang mukha ng pagsuko sa Diyos.

Roma 8:15
“Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo’y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo’y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakakatawag tayo sa Kanya ng ‘Ama, Ama ko!’”

            
Muli, tandaan natin huwag tayong mahulog sa kasinungalingan ni Satanas na ang gusto natin ang dapat masunod at hindi ang Diyos dahil ang Diyos ang tunay na may kontrol at hindi tayo.

Kawikaan 16:9
“Ang tao ang nagbabalak, ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.”

B. The exchange requires faith

Isaias 55:8
“Ang sabi ni Yahweh, Ang Aking kaisipa’y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi Ko kaparaanan.”

Roma 8:28
“Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya, silang mga tinawag ayon sa Kanyang layunin.”

Kawikaan 3:5-6
“Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso’t lubusan, at huwag kang manangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga’y alalahanin, upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin.”

III.
Never coming back to the old ways

Lucas 9:23
“At sinabi Niya sa kanilang lahat, ‘Ang sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.’”

            
Pansinin natin ang salitang “araw-araw,” ibig sabihin hindi ito kung kailan trip mo lang. Hindi tayo dapat matulad sa mga Israelita na dumaing sa Diyos dahil sa kahirapang nararanasan sa mga Egipto at nang tinugon sila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at tinulungan silang makalaya sa kamay nila at nang malasap na nila ang ginhawa saka sila muli nagnanais at natatakam sa dati nilang pamumuhay sa kamay ng mga Egipto. Ito ay kahangalan.

Galacia 3:3
“Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo’y nais pa ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling lakas!”

Kaya ano ang dapat nating gawin?

Colosas 3:5-9
5 Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos sa kanya. 7 Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pitang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito. 8 Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito.”

Efeso 4:22-24
22 Iwanan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao nanilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.”

            
Ano ito? Ang pamumuhay na tulad ni Jesus. Alam kong mahilig tayo sa selfie. Pero huwag mo nang mahalin ang iyong sarili. - tama ba ang sinabi ko? “Pastor hindi, kasi sabi ni Jesus mahalin ninyo ang iba gaya ng pagmamahal nyo sa inyong sarili.” Kaya sabi nila mahalin mo muna ang iyong sarili upang matutunan mong mahalin ang iba. Mali! Dahil matagal na nating mahal ang ating sarili. Sa katunayan na-master na nga natin ito. Pero tandaan natin ito.

Roma 6:6
“Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama Niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan.”

Wala na ang Arnel, patay na ang Arnel na ang gusto nya ay ang dapat masunod.

Galacia 2:20
“Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin.  At habang ako’y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng buhay para sa akin.”

            
Kaya ng sabihin ni Jesus na, “mahalin ninyo ang iba gaya ng pagmamahal nyo sa inyong sarili,” ang gusto Nyang sabihin, “gawin ninyong basehan ang pagmamahal nyo sa iba ang dati ninyong pagmamahal sa sarili na pinatay na sa krus.” Pano nyo ba minahal ang inyong sarili dati? Di ba mas minamahal mo ito ng higit sa iba? Iyan ang gawin natin sa iba.

IV.
Yielding ourselves completely to God

Roma 6:12-13
“12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na kayo maalipin ng masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa Kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan.”

            
Ihandog ang ating katawan sa kanya? Ibig sabihin God demands complete yield o pagsuko sa Diyos. Talaga bang karapat-dapat Siya sa bagay na iyon? Parang sobrang demand naman iyon. Balikan natin ang tunay na kalalagayan ng taong hiwalay sa Diyos? Di ba ang taong hiwalay sa Diyos ay tiyak na ang buhay na walang-hanggan nila ay igugugol nila sa impyerno? Dito natin makikita kung gaano kalaking habag at biyaya ang natanggap ng mga naligtas.

Roma 12:1
“Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyo sa atin, ako’y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.”

            
Hindi ibig sabin nito na lahat tayo mag pastor. Hindi! Simple lang ang mensahe ng Diyos sa atin sa araw na ito - mamuhay tayo na tulad ni Jesus sa lugar kung nasaan tayo ngayon at magiging kalugud-lugod tayo sa Diyos at magiging pagpapala tayo sa iba.


____________________________________

Discussion:

Pagbulayan:

1. Ano ang dahilan kung bakit ninais ni Jesus na itakwil ng mga taong gustong sumunod sa Kanya ang kanilang mga sarili?

2. Ano ang hadlang sa pagnanais nating mamuhay na tulad ni Jesus? Ano ang dapat mong gawin sa mga hadlang na ito?

Pagsasabuhay:

1. Sa apat na paraan para maitakwil natin ang ating sarili, alin dito ang mas pinaka dapat mong gawin? Bakit?

Panalangin:
Ipanalangin mo sa Diyos na tulungan ka na maisabuhay ang pagsasabuhay na iyong binahagi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...