Huwebes, Hunyo 2, 2022

Manwal Para sa Panalalangin




[Download PDF]

Mga Nilalaman:

I. Patungkol sa Panalangin
A. Ano ang Panalangin?
B. Bakit ang Panalangin ay Importante?
C. Paano Nagiging Makapangyarihan ang Panalangin?

II. Gabay sa Panalangin
A. Ang Panalangin ng Panginoon
B. C.h.@.t. Prayer Pattern
C. Ang mga Talata at Panalangin
- Lunes (Panalangin para sa pamilya)
- Martes (Panalangin para sa mga pastor at mga manggagawa)
- Miyerkules (Panalangin para sa ating bansa at sa mga awtoridad)
- Huwebes (Panalangin para sa mga hindi pa mananampalataya na mahal natin sa buhay)
- Biyernes (Panalangin para sa sarili at sa iba pang mananampalataya)
- Sabado at Linggo (Panalangin para sa mga prayer request ng iba)


I. Patungkol sa Panalangin


A. Ano ang Panalangin?

    Ang panalangin ay pakikipag-usap pabalik sa Diyos sa kung ano ang nasabi Niya. Ito ay pag-alala at pagkilala sa mga Salita ng Diyos - tulad ng pananalangin ng pag-alala at pagkilala ng mga pangako at pagpapala para sa mga banal, sa pagkilala sa kung sino ang Diyos sa mga talatang nahayag, at pagpapanalangin ng mga nahayag na utos at bagay na dapat ipanalangin. Ang panalangin ay isang gawa na pagdala sa Diyos sa bawat sitwasyon at paghingi sa Kanya ng pagbabago, pagsasa-ayos at pagdala sa isang espirituwal na hindi pangkaraniwang bagay sa natural na bagay na kung saan ay makikita natin at masasabi na, “ito na, gaya ng kung ano ang sinabi ng Diyos sa Kanyang Salita.”

Ang panalangin ay pagpapakita ng buong pagdipende sa Diyos na ating Ama habang hinahanap natin una ang Kanyang Katwiran, pagkilala sa Kanya sa lahat ng ating mga nilalandas!

B. Bakit ang Panalangin ay Importante?

    Ang panalangin ay una sa lahat ay isang utos na hindi dapat balewalain (1 Thesalonica 5:17; Lucas 18:1; Colosas 4:2; Filipos 4:6; Juan 16:24; Hebreo 4:16; Santiago 4:2; atpb.) Ang panalangin din ang susi sa pagbuo at pagtataguyod ng tipan, ugnayan, pakikisama at pakikipagkaibigan sa Diyos. Ang panalangin ang nagbibigay ng lakas, karunungan, kaaliwan, at katugunan sa anuman at lahat ng sitwasyon at mga pangyayari. Sinabi ng Diyos na bago pa man tayo tumawag ay naririnig na Niya tayo, at sasagutin Niya tayo. Hindi natin kayang magdasal. Ito ang buhay ng isang muling naipanganak na mananampalataya. Kinamumuhian ito ni Satanas kapag nagdarasal tayo sapagkat ang pagdarasal ay nagdadala sa atin sa Banal na presensya ng Diyos, na walang kalabang makananaig. Alam ni Satanas na kapag lumapit tayo sa Diyos sa panalangin, siya (si Satanas) ay walang kapangyarihan sa atin. Ibinigay natin ang atensyon at nakatuon sa Diyos at si Satanas ay walang awtoridad sa atin. Ang panalangin ay ang ating lihim na lugar kasama ang kataas-taasang Diyos!

C. Papaano Nagiging Makapangyarihan ang Panalangin?

1. Kung ito ay batay sa Salita ng Diyos.
2. Kung ito ay dinadasal sa pananampalataya, paniniwala sa iyong puso at walang pag-aalinlangan.
3. Nagtitiwala ka sa Diyos nang buong puso na nalalaman mo na ang sinasabi Niya ay totoo at magaganap.
4. Sa pagyakap mo sa banal at malinis na pamumuhay.
5. Sa araw-araw na pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos.

II. Gabay sa Panalangin

A. Ang panalangin ng Panginoon

    
Ang pinakamagandang halimbawa ng balangkas (outline) o paraaang gagamitin sa ministeryo para sa pananalangin ay ang ibinigay sa atin ng ating Panginoong Jesus minsmo sa Mateo 6:9-13:

“Ganito kayo mananalangin: ‘Ama naming nasa langit, Sambahin nawa ang pangalan Mo. Ikaw nawa ang maghari sa amin, Sundin nawa ang Iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan Mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito; At patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan, Tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin. At huwag Mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok, Kundi ilayo mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan, magpakailanman! Amen.]’”

Ang sumusunod na gabay sa panalangin ay kapakipakinabang sa personal at sama-samang pananalangin.

a. “Ama naming nasa langit, Sambahin nawa ang pangalan Mo.”

    Salamat sa Diyos na maaari natin Siyang tawaging “Ama” ayon sa dugo ni Jesus. Ang mga benepisyo sa BagongTipan ay tumutugma sa mga pangalan ng Diyos. Ang “sambahin nawa ang pangalan Mo” ay isang deklarasyon ng pananampalataya!


Ø
Ang pagpapalang kaloob ng pangalan ng Diyos at kahulugan

1. Adonai
“Ang Panginoon”

    Siya ay ganap na umiirial sa Sarili, laging naroon, nahayag kay Jesus na hindi nagbabago noon, ngayon at magpakailanman

2. El-Elyon
“Ang Kataas-taasang Diyos”

 
- El Olam
“Ang Walang Hanggang Diyos”

    
Siya ang unang sanhi ng lahat, ang pinakapamataas na Soberano ng langit at lupa. Siya ang ating dakila at buhay na Diyos, maawain, tapat at makapangyarihan.

3. Elohim
“Diyos, ng may kapangyarihan at lakas.”

    Lumikha ng langit at lupa na nasa pasimula at ang Siyang nagbigay ng korona sa iyo na may karangalan.

4. El-Shaddai
“Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng mga Pagpapala.”

    Siya ang Diyos na higit pa sa sapat, lahat ng masagana, lahat ay sapat, na nagpapalusog at nagbibigay.

5. Jehovah-Tsidkenu
“Ang Panginoon Ang Aming Katuwiran”

    Tayo ay ginawang matuwid ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.

6. Jehovah-M’Kaddesh
“Ang Panginoon Ang sa Aming Nagpapabanal”

    Tayo ay inilaan para sa Kanya

7. Jehovah-Shalom
“Ang Panginoon ang ating kapayapaan.”

    Sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoong Jesus ay nagkaroon tayo ng kapayapaan sa Diyos.

8. Jehovah-Shammah
“Ang Panginoon ay naroon o naririto

    Ito’y nagpapakitang tayo ay hindi pinababayaan at iniiwan ng Panginoon. Ang Panginoon ay nasa puso rin naman ng mga tunay na mananampalataya.

9. Jehovah-Rapha

“Ang Panginoon ang nagpapagaling”

    Pinagaling ng Panginoon hindi lamang ang karamdamang pisikal kundi maging espirituwal, ang karamdaman ng kaluluwa.

10. Jehovah-Jireh
“Ang Panginoon ang tagapagtustos”

    Ang Panginoon ang naghanda ng hain para sa kasalanan ng tao. Ang Panginoong Jesus ang haing nahandog sa kasalanan ng tao.

11. Jehovah-Nissi
“Ang Panginoon ang ating watawat”

    Pinangungunahan tayo ng Panginoon sa ating pakikidigma laban sa lakas ng kadiliman. Pinangungunahan din tayo ng Panginoon sa ating pakikipagtunggali laban sa laman at Siya ang nagbibigay ng tagumpay.

12. Jehovah-Rohi
“Ang Panginoon ang ating Pastol”

    Siya ang matapat nangunguna at gumagabay o umaakay sa Kanyang mga tupa.


b. ”Ikaw nawa ang maghari sa amin, Sundin nawa ang Iyong 
kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.”

    Kailangan nating ipanalangin araw-araw na ang Kaharian ng Diyos at ang Kanyang kalooban ay mahayag sa sanlibutan sa pamamagitan ng pananalangin sa:

1. Sa ating gobyerno at sa mga tagapanguna, kapwa natural at 
espirituwal. Kasama dito ang bansa at local na mga opisyal.

2. Sa ating pamilya (Asawa, anak, at iba pang myembro ng pamilya).

3. Sa ating Iglesya (Pastors, leadership, katapatan ng mga tao, at ang 
pag ani.

4. Ating sarili.


c. “Bigyan Mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito.”

    Kailangan natin manalangin araw-araw na tayo ay nasa perpektong kalooban ng Diyos (hindi ang pinahintulot na kalooban) pagdating sa ating buhay pananalangin, ang ating buhay sa tahanan, sa ating nakaugaliang gawa, sa ating paglilingkod sa iglesya at sa ating pagbibigay. Tayo ay dapat maging masunurin sa Salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Tayo ay dapat maniwala na ang Diyos ang magkakaloob ng ating pang-araw-araw na pangangailangan.


d. “At patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan, Tulad ng aming 
pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin.”

Kailangan natin na:
1. Humingi ng tawad sa Diyos para sa ating mga kasalanan;
2. Patawarin ang ating sarili sa ating sariling mga kahinaan at pagkukulang;
3. Itakda ang ating kalooban sa pagpapatawad at pagpapakawala sa mga taong nakasakit sa atin o nagkasala laban sa atin.

    Importante na sa bawat araw ay suriin natin ang ating sarili para siguraduhin na wala tayong hindi pa napapatawad at hindi hayaan na lumubog ang araw na may galit kaninuman.


e. “At huwag Mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok, Kundi 
ilayo mo kami sa Masama!”

    Kailangan natin isuot lagi ang mga kasuotang pandigma na Kaloob ng Diyos kung saan kasama dito ang (Efeso 6:10-19):

1. Ibigkis nag sinturon ng KATOTOHANAN;
2. Isuot ang baluti ng KATUWIRAN;
3. Isuot ang sapatos ng PAGIGING HANDA sa pangangaral ng Magandang Balita ng KAPAYAPAAN;
4. Gawing panangga ang PANANAMPALATAYA, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo;
5. Isuot ang helmet ng KALIGTASAN;
6. Gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang SALITA NG DIYOS.


f. “Sapagkat Iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang 
kapurihan, magpakailanman!”

    Kailangan patuloy natin Siyang purihin. Hinahayag natin ang ating pananampalataya at hinayag natin ang Kanyang kaluwalhatian.

Tanging sa Iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan, hindi namin maangkin, pagkat ito’y iyo lamang; walang kupas Iyong pag-ibig, natatanging katapatan” (Awit 115:1).


B. Ch@t Prayer Pattern

    Kung aayusin natin ang nakita nating gabay ng panalangin mula sa panalangin ni Jesus, maaari natin itong masiayos sa tinatawag natin na C.H.@.T. prayer pattern:

C
- Cheer God for who He is
 - Ano ang mga katotohanan patungkol sa kung sino ang Diyos ang nahayag sayo at nakapagdulot sayo ng kagalakan?
- Dito mo maaaring ipanalangin ang nasa gabay “a.”


h
- Humble yourself

- Ano kaya ang mga bagay na nakikita ni Jesus sa iyong puso na 
dapat mong ihingi ng tawad?
- May mga taong dapat ka bang patawarin?
- Dito mo maaaring ipanalangin ang nasa gabay “d.”

@
- Appreciate what He has done

- Ano ang nangyari sa iyong buhay na dapat mong ipasalamat sa Diyos?
- Dito mo maaaring ipanalangin ang nasa gabay “f.”

t
- Tell God your needs

- Saan mo kailangan ang Diyos na makagawa sa iyong buhay?
- Dito mo maaaring ipanalangin ang nasa gabay “b, c, e.”

C. Ang mga talata at panalangin

    Narito ang mga panalangin na ipapanalangin natin at saang talata matatagpuan ang ipapanalangin. Minumungkahi naming basahin natin ang mga talata at ipanalangin ang mga nakalagay doon sa kung ano o kanino natin ito pinapanalangin.

Panalangin Para sa araw ng Lunes
PANALANGIN PARA SA PAMILYA

Panalangin Para sa iyong asawang babae 
(O Sa iyong sarili at sa iyong Nanay)

 

1. Na mahalin niya ang Diyos ng kanyang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. (Mateo 22:36-40)
2. Hanapin niya ang kanyang kagandahan at pagkakakilalan kay Jesus at makita ito sa kanyang katangian. (Kawikan 31:30; 1 Pedro 3:1-3).
3. Mahalin niya ang Salita ng Diyos at magbunga ito sa pamumuhay na tulad ni Jesus. (Efeso 5:26)
4. Pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig at umiiwas sa tsismis. (Efeso 4:15; 1 Timoteo 3:11)
5. Gumagalang at nagpapasakop sa pangunguna ng kanyang asawa tulad ng pagpapasakop kay Jesus. (Efeso 5:22-24; 1 Corinto 14:45)
6. May kagalakan at may kakuntentuhan kay Kristo, hindi sa kung ano ang kalagayan. (Filipos 4:10-13)
7. Magiliw sa bisita at masigasig sa paglilingkod sa iba na may kagalakan na tulad ni Jesus. (Filipos 2:3-4)
8. May puso sa mga naliligaw at epektibo at mabunga sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos. (Marcos 16:15; Lucas 10:2; 1 Pet. 3:15)
9. Siya ay nagpapadisipulo para matulungan pa siyang lumago. (Tito 2:3-4)
10. Hindi maniwala sa kasinungalingan na magpapawalang halaga sa kanya bilang asawa at ina. (Tito 2:5)
11. Mapagmahal, matiisin, hindi madaling magalit, at madaling magpatawad. (Efeso 4:32; Santiago 1:19)
12. Sa asawa lang niya hahanapin ang sexual na pangangailangan niya, at ang maibigay din naman ito sa kanyang asawa. (1 Corinto 7:1-5)
13. Tapat sa kanyang pananalangin at epektibo sa mamagitan para sa iba sa pananalangin. (Lucas 2:37; Colosas 4:2)
14. Ginagabayan ang kanyang tahanan at mga anak na masigasig, at sa kaparaanan ng tulad ni Jesus. (Kawikaan 31:37)
15. Wala siyang gagawin para magkaroon ng rason na masira ang kanyang puri o mawala ang kompiyansa. (1 Timoteo 5:14)


Panalangin Para sa iyong asawang lalake 
(O Sa iyong sarili at sa iyong Tatay)

1. Na mahalin niya ang Diyos ng kanyang buong puso, pag-iisip, 
kaluluwa, at lakas. (Mateo 22:36-40)
2. Lumakad na may integridad, tumutupad sa kanyang mga pangako, at magawa ang kanyang mga tungkulin. (Awit 15; 112:1-9)
3. Mahalin ang kanyang asawa na walang kondisyon at manatiling tapat (1 Corinto 7:1-5; Efeso 5:25-33)
4. Matiisin, mabait, hindi madaling magalit, at madaling magpatawad. (Efeso 4:32; Santiago 1:19)
5. Hinaharap niya ang responsibilidad at hindi nagpapa-apekto sa sinasabi ng iba at sa takot (Nehemias 6:1-14)
6. Maging masipag na manggagawa na tapat na binibigay ang pangangailangan ng kanyang pamilya at mga anak. (Kawikaan 6:6-11; 1 Timoteo 5:8)
7. Mapaligiran siya ng mga mabuti at ma-Diyos na kaibigan at malayo sa mga hindi mabuting kaibigan. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33)
8. Maging makatarungan sa lahat ng bagay, patuloy na iibigin ang kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Diyos. (Mikas 6:8)
9. Nagdidipende sa karunungan at kalakasan ng Diyos kaysa sa kanyang sarili. (Kawikaan 3:5-6; Santiago 1:5; Filipos 2:13)
10. Gumawa ng desisyon base sa pagkatakot sa Diyos at hindi sa takot sa tao. (Awit 34, Kawikaan 9:10; 29:25)
11. Maging isang malakas na esperitwal na lider na may katapangan, karunungan, at matibay na pananalig. (Josue 1:1-10; 24:15)
12. Makalaya sa anumang pagkagapos sa masamang kaugalian, o adiksyon na humahawak sa kanya. (Juan 8:31, 36; Roma 6:1-19)
13. Matagpuan niya kung sino siya at kasiyahan sa Diyos at hindi sa pansamantalang mga bagay. (Awit 37:4; 1 Juan 2:15-17)
14. Binabasa ang Salita ng Diyos at ginagawa itong gabay sa kanyang mga desisyon. (Awit 119: 105; Mateo 7:24-27)
15. Masumpungan na siya’y tapat sa Diyos at may maiiwan na isang magandang pamana sa susunod na henerasyon. (Juan 17:4; 2 Timoteo 4:6-8)


Panalangin Para sa iyong (mga) anak 
(O Sa iyong sarili at sa iyong mga kapatid)

1. Na mahalin niya ang Diyos ng kanyang buong puso, pag-iisip, 
kaluluwa, at lakas. (Mateo 22:36-40)
2. Maagang makilala si Jesus sa kanilang buhay. (2 Timoteo 3:15)
3. Mabuo ang galit sa paggawa ng masama, pagmamataas, pagkukunwari, at kasalanan. (Awit 97:10, 38:18; Kawikaan 8:13)
4. Mapagtagumpayan nila ang pagkilos ng kaaway sa lahat ng bahagi ng kanilang buhay: Espirituwal, emosyonal, pag-iisip at pisikal. (Juan 10:10; 17:15; Roma 12:9)
5. Tumatanggap ng pagtutuwid ng Panginoon. (Awit 119:71; Hebreo 12:5-6)
6. Makatanggap ng karunungan, kaunawaan, kaalaman, at mabuting pagpapasya mula sa Diyos. (Daniel 1:17, 20; Kawikain1:4; Santiago 13:17)
7. May respeto at pagpapasakop sa nakakataas sa kanya. (Roma 13:1; Efeso 6:1-3; Hebreo 13:17)
8. Mapalibutan ng mga tamang kaibigan at malayo sa masamang kaibigan. (Kawikaan 1:10-16; 13:20)
9. Makahanap ng tamang kasintahan o asawa at makapagpalaki ng maka-Diyos na (mga) anak na mamumuhay para sa Diyos sa tamang panahon. (Deuteronomio 6; 2 Corinto 6:14-17)
10. Lumakad ng may sekswal at moral na kadalisayan sa kanilang buong buhay. (1 Corinto 6:18-20)
11. Meron malinis na budhi sa tuwina sa harapan ng Diyos. (Gawa 24:16; 1 Timoteo 1:19; 4:1-12; Tito 1:15-16)
12. Hindi natatakot sa kasamaan pero lumalakad na may takot sa Diyos. (Deuteronomio 10:12; Awit 23:4)
13. Maging pagpapala sa kanyang pamilya, sa iglesya, at saanman. (Mateo 28:18-20; Efeso 1:3; 4:29)
14. Mapuspos ng kaalaman sa kaloobn ng Diyos at maging mabunga sa bawat kanyang ginagawa. (Efeso 1:16-19; Filipos 1:11; Colosas 1:9)
15. Mag-umapaw sa pag-ibig, mabatid kung ano ang mas mabuti, at maging mabuting patotoo hanggang sa pagbabalik ni Jesus. (Filipos 1:9-10)


Panalangin Para sa araw ng Martes
PANALANGIN PARA SA MGA PASTOR AT MGA MANGGAGAWA

Panalangin para sa ating mga Pastor

1. Na mahalin nila ang Diyos ng kanilang buong puso, pag-iisip, 
kaluluwa, at lakas. (Mateo 22:36-40)
2. Maranasan nila ang pagpuno at pagpapahid ng Banal na Espiritu (Juan 15:4-10; 1 Juan 2:20, 27) 
3. Tinataas si Kristo sa kanilang puso, salita, at sa kanilang mga gawa. (Awit 19:14; 1 Corinto 11:1; 1 Timoteo 1:17; Hebreo 5:4)
4. Maging mapagmahal, tapat, namumuhay na tulad ni Jesus bilang asawa sa kanilang mga asawa. (Efeso 5:25; Colosas 3:19; 1 Pedro 3:7)
5. Mapangunahan nila ang kanilang pamilya at iglesya na may karunungan, katapangan, at sensitibo sa tulong ng Banal na Espiritu. (Malakias 4:6; Efeso 6:4; Colosas 3:19; 1 Timoteo 5:8)
6. Manatili kay Kristo at maging tapat sa panalangin, umaasa sa Salita ng Diyos. (Gawa 1:14; Roma 12:12; Colosas 4:2)
7. Tapat na maturo ang Salita ng katotohanan at mapahayag ng malinaw ang Magandang Balita. (1 Corinto 4:2; Efeso 6:17; 1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 2:15; 4:2)
8. Mag karoon patuloy ng puso sa mga naliligaw at maging epektibo at mabunga tagapag-dala ng Magandang Balita. (Marcos 16:15; Lucas 10:2; 1 Pedro 3:15)
9. Alam nila kung ano ang prioridad nila ayon sa kalooban ng Diyos. (Kawikaan 2:5-6; Filipos 2:14-15; Colosas 1:10-12)
10. Lumakad sa kadalisayan at hindi mahulog sa kasinungalingan ni Satanas. (Efeso 4:27; 2 Tesalonica 3:3; 1 Timoteo 3:7; Santiago 4:7; 1 Pedro 5:8)
11. Napagkakaisa nila ang mga tao at nababahagi ang mga vision ayon sa kalooban ng Diyos sa iglesya. (Juan 17:21; 1 Corinto 1:10; Efeso 4:3)
12. Patuloy na nag-aaral ng mas malalim sa pagkakaunawa bilang estudyante ng Salita ng Diyos. (2 Timoteo 2:15)
13. Maranasan ang magandang kalusugan, kapahingahan, at kaginhawaan mula sa Diyos (Exodo 33:14; Awit 116:7; Mateo 11:28; Hebreo 4:13a; 3 Juan 2)
14. Tularan ang biyaya, kalakasan, at habag ng Mabuting Pastol patungo sa lahat ng kanilang pinangungunahan. (Panaghoy 3:32; Marcos 6:34)
15. Maipakita ang pag-ibig, pakikiramay, at pagpapalakas ng loob habang ginagawa nila ang pagkasal, paglilibing, at pagbibigay payo. (2 Corinto 1:3-4; 1 Tesalonica 5:14)


Panalangin para sa mga manggagawa sa pag-aani

1. Na buksan ng Diyos ang mga mata ng mga mananampalataya at 
bigyan sila ng puso at habag sa mga naliligaw. (Mateo 9:27-28; Juan 4:35; Roma 5:5; 10:1)
2. Tawagin ang mga bagong henerasyon sa ministeryo at pagliligkod sa kaharian ng Diyos. (Mateo 9:38)
3. Bigyan sila ng pananampalataya, katapangan, at kusang sumusunod sa pagkatawag ng Diyos. (Marcos 13:10-11)
4. Tumutulong sa paglilingkod sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos at hindi sa laman. (Juan 15:4-10; Galacia 5:16-25; 1 Juan 2:20, 27)
5. Tulungan na ma-ipresenta nila si Christo ng tama sa kanilang salita at gawa. (Awit 19:14; 1 Corinto 11:1; 1 Timoteo 1:17)
6. Maging masipag, epektibo, at mabungang lingkod.  (Kawikaan 6:6-11; Marcos 16:15; 1 Pedro 3:15)
7. Patuloy na may suporta at pananagutan para laging maging epektibo. (2 Corinto 8:1-7; Hebreo 3:13)
8. Pangunahan sila na manatili kay Kristo at nakatuon sa panalangin at umaasa sa Diyos. (Gawa 1:14; Roma 12:12; Colosas 4:2)
9. Magkaroon sila ng magandang kalusugan, kapahingahan, at kaginhawaan sa Diyos. (Exodo 33:14; Mateo 11:28; 3 Juan 2)
10. Pagpalain sila ng matibay na buhay may asawa at pamilya sa kabila ng mahirap na paglilingkod sa ministeryo. (Efeso 5:22-6:4; 1 Timoteo 3:4-5)
11. Tulungan sila na makapagsimula ng mga iglesia at makapagtatag ng mabuting pangunguna sa isa’t isa. (Tito 1:5)
12. Magamit sila na mapanatili ang  pagkaka-isa at nag pagpapalakas muli saan man sila pumunta at maglingkod. (2 Cronica 7:14; Awit 133)
13. Tulungan silang matagpuan na tapat kung sila ay nakatayo sa harap ng Diyos. (Mateo 25;21; 1 Timoteo 1:12; 2 Timoteo 4:7)


Panalangin Para sa araw ng Miyerkules
PANALANGIN PARA SA ATING BANSA AT SA MGA AWTORIDAD


Panalangin sa namamahala at sa mga awtoridad na namamahala sa atin

1. Na sila’y pagpalain, protektahan, at pagpalain sa kanilang tungkulin. 
(3 Juan 2)
2. Na sila’y magpasakop sa awtoridad at kaparaanan ng Diyos at ng Kanyang Salita sa araw-araw. (1 Pedro 2:13-17)
3. Makakilala sa Panginoong Hesus at sumuko sa Kanyang paghahari. (1 Timoteo 2:4)
4. Manguna na may karangalan, respeto, karunungan, pakikiramay, at maka-Diyos. (1 Timoteo 2:2)
5. Maging makatarungan sa lahat ng bagay, patuloy na iibigin ang kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Diyos. (Mikas 6:8)
6. Lumakad na may integridad, tumutupad sa kanilang mga pangako, at tinutupad ang kanilang mga tungkulin. (Awit 15; 112:1-9)
7. Hinaharap niya ang responsibilidad at hindi nagpapa-apekto sa sinasabi ng iba at sa takot. (Nehemias 6:1-14)
8. Nagbabantay, nagpoprotekta, nangunguna, at naglilingkod sa mga nangangailangan. (Hebreo 13:17)
9.  May respeto sa lahat anuman ang kanilang kasarian, lahi, relihiyon, o sosyal na kalagayan. ( 1 Pedro 2:17)
10. Galit sa masama, pagmamataas, hindi makatarungan, at lumalayo sa kasinungalingan ni Satanas. (1 Pedro 5:8)
11. Makapagtatag ng mga batas na makapagbibigay karangalan sa batas ng Diyos at mapalakas ang mga pamilya at mga bayan. (Deuteronomio 10:13)
12. Gantimpalaan ang mga gumagawa ng mabuti at pinaparusahan ang  mga gumagawa ng masama. (Roma 13; 1-5; 1 Pedro 2:14)
13. Tumatanggi na tumanggap ng suhol o may kinikilingan sa pagbibigay ng hatol. (Awit 15)
14. Maging masipag na lingkod na tapat sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin. ( Kawikaan 6;6-11; Lucas 12:42-44)
15. Gumagawa ng desisyon na may takot sa Diyos, at hindi dahil sa takot sa tao. (Awit 34; Kawikaan 9:10; 29:25)
16. Maging mabuting halimbawa sa kanilang mga tungkulin at mga responsibilidad. (Josue 24:15)


Panalangin para sa ating bayan

1. Na pagpalain ng Diyos ang ating bayan at maging ligtas at masagana 
para sa bawat pamilya na malayang namumuhay dito, lumalago, sumasamba, at naglilingkod sa Kanya sa kanilang buhay. (Awit 122:6-9; 3 Juan 2)
2. Patuloy na tumawag na mga mabubuting Pastor at mga buhay at tamang iglesya sa bawat lugar sa ating bayan para maging ilaw at espirituwal na lakas. (Mateo 5;16; Gawa 16:4-5)
3. Buksan ang mga mata ng mga mananampalataya sa ating bayan na magkaroon ng puso na umiibig at habag sa mga naliligaw. (Mateo 9:27-28; Juan 4:35; Roma 5:5; 10:1)
4. Magka-isa ang mga lokal na Pastor sa pananalangin, at pagpapahayag ng tamang katotohanan sa Salita ng Diyos at muling pagpapalakas at muling pagsasaayos sa ating bayan. (Colosas 4:3; 2 Timoteo 1:8)
5. Magka-isa ang mga iglesya sa panalangin, sa tamang katotohanan, at paglilingkod sa mga nangangailangan sa bayan. (2 Timoteo 4:1-3; Tito 3:14)
6. Bigyan ng gabay at pagkaunawa ang ating mga lider, at tulungan na sila’y mas matakot sa Diyos kaysa sa tao. (Deuteronomio 10:12; Santiago 3:13-18)
7. Palitan ng Diyos ang mga lider na hindi maganda ang pamamalakad at tiwali ng mga lider na kumikilala sa Diyos at naglilingkod ng may karunungan sa mga tao, matuwid, at hindi makasarili. (Awit 101:7-8; Mikas 6:8)
8. Alisin ang mga tiwaling negosyo at organisasyon na sumisira sa ating komunidad sa pamamagitan ng mga makasalanang produkto at mga gawi. (Awit 55:9-11)
9. Magkaroon ng mga maganda, malusog na negosyo na mabebenipisyo ang mga pamilya at ang bayan. (Kawikaan 28:12)
10. Suwayin ang mga inpluwensya ni satanas at kumukontrol sa bayan, at madaig ang anumang kuta ng kaaway ng Magandang balita, panalangin, at ang dugo ni Jesus. (Efeso 6;12-20; Pahayag 12:11)
11. Palitan ang mga tiwaling batas at pamantayan ng mga makatarungan at maka-Diyos. (Deuteronomio 16:19-20)
12. Palakasin ang mga buhay mag-asawa, pagpapalaki ng mga anak, at mga pamilya sa bayan. (Awit 112:1-9; 128; Efeso 5:22-6:4)
13. Palakasin ang nagpapatupad ng batas para protektahan ang mga tao at mawala ang krimen. (Roma 13;1-5)
14. Ibuhos ang Kanyang Espiritu at magdala ng muling pagpapalakas sa mga iglesya at sa mga nanghihina sa espirituwal na pamumuhay sa bayan. (2 Cronica 7:14)


Panalangain Para sa araw ng Huwebes
PANALANGIN PARA SA MGA HINDI PA MANANAMPALATAYA NA MAHAL NATIN SA BUHAY

1. Na sila’y dalhin ng Diyos sa mga tunay na mananampalataya at sa 
Magandang Balita (Roma 1:16; 1 Timoteo 2:5-6)
2. Mailayo sila sa mga masamang nakaka-impluwensya na maglalayo sa kanila kay Kristo. (Juan 7:47-52)
3. Makita nila ang maling mga paniniwala nila na naglalayo sa kanila kay Kristo. (2 Corinto 4:4)
4. Makasumpong ng habag, gapusin si Satanas, at matalikuran nila ang kadiliman tungo sa kaliwanagan para matanggap nila ang kapatawaran. (Lucas 19:10; Gawa 26:18)
5. Maliwanagan ang kanilang pag-iisip sa kung ano ang kaliwanagan na binibigay ng Diyos sa mga mananampalataya. (Efeso 1:17-19)
6. Makita nila na sila’y makasalanan, nararapat sa parating na hatol ng Diyos, at na kailangan nila ng Tagapagligtas. (Juan 3:18; 16:8-9; 1 Corinto 1:18; Efeso 2:11)
7. Magkaroon sila ng pusong nagsisisi na magdadala sa kanila ng tunay kay Kristo. (2 Timoteo 2:25-26; 2 Pedro 3:9)
8. Iligtas sila, baguhin ang kanilang puso, at punuin sila ng Espiritu ng Diyos. (Ezekiel 36:26; Juan 3:16; Efeso 5:18)
9. Tulungan silang mabautismuhan at maikonekta sa pag-aaral ng Biblia sa iglesya. (Mateo 28:18-20)
10. Makamtan nila ang biyaya para magsisi sa pang-araw-araw na kasalanan at lumakad ng may kabanalan. (2 Corinto 6:17; Efeso 5:15-18)
11. Lumago sila kay Kristo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na masunod ang Salita ng Diyos bilang disipulo. (Juan 8:31-32)
12. Tulungan silang mamuhay na kay Kristo lamang nila masusumpungan ang pag-asa at tunay na pinagmumulan ng kapayapaan at anumang tanggulan. (Juan 4:10-14
13. Iligtas sila sa masama, sa patibong ng kaaway, at mga panloloko, at anumang tanggulan. (2 Corinto 10:4-5)
14. Tulungan silang manatili kay Jesus at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. (Juan 15:1-17)
15. Masumpungan silang nagtatapat kapag sila’y haharap sa Diyos. (Mateo 25:21; 1 Timoteo 1:12; 2 Timoteo 4:7)


Panalangin Para sa Araw ng Biyernes
PANALANGIN PARA SA SARILI AT SA IBA PANG MANANAMPALATAYA

1. Na sila’y tunay na magsuko ng kanilang buhay kay Jesus bilang
kanilang Panginoon. (Roma 10:9-10; 12:1-2)
2. Na sila’y mabautismuhan at manatili sa pagsasama-sama, paglilingkod, pagsamba, at paglago sa pagtuturo ng Biblia sa iglesya. (Mateo 22:36-40; 28:18-20; Gawa 2:38)
3. Patuloy na manatili kay Kristo, mapuspos ng Banal na Espiritu, at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. (Juan 15:1-17)
4. Lumago kay Kristo at sumunod sa Salita ng Diyos bilang disipulo. (Juan 8:31-32)
5. Na mahalin niya ang Diyos ng kanyang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. (Mateo 22:36-40; Lucas 6:46-49)
6. Lumakad na may pag-ibig, may kabutihan, at may malasakit sa mga naliligaw at mga mananampalataya sa paligid niya (Colosas 4:5-6)
7. Makita nila na sila ay kay Kristo at masumpungan nila sa Kanya ang kasiyahan kaysa sa ibang bagay. (Awit 37:4; Efeso 1:3-14; 1 Juan 2:15-17)
8. Malaman nila ang pag-asa, yaman, at kapangyarihan na mamamana kay Kristo. (Efeso 1:18-19)
9. Maging tapat sa pananalangin sa lihim at sa sama-samang pananalangin sa iglesya. (Mateo 6:6; 18:19-20; Colosas 4:3)
10. Kilalanin ang pagkakamali sa araw-araw na may pagsisi at lumakad ng may kabanalan sa harap ng Diyos. (2 Corinto 6:7; Efeso 5:5-18)
11. Makalaya sa pagkagapos sa kasalanan o adiksyon na nakakasama sa kanilang buhay. (Juan 8:32, 36; Roma 6:1-19; 2 Corinto 10:4-5)
12. Lumakad na ,may integridad, tumutupad sa mga pangako, at tinutupad ang mga tungkulin. (Awit 15; 112:1-9)
13. Mamuhay na si Kristo ang kanilang pag-asa at tunay pinagmumulan ng kapayapaan at kagalakan. (Juan 4:10-14)
14. Nagbabahagi ng Magandang Balita at tapat na nadidisipulo sa iba. (Mateo 28:18-20)
15. Masumpungan na tapat kapag humarap sa Diyos. (Mateo 25:21; 1 Timoteo 1:12; 2 Timoteo 4:7).


Panalangin Para sa Araw ng Sabado at Linggo
Panalangin sa mga Prayer Request ng Iba

1. Kunin at magtanong ng mga prayer request ng mga kapatiran.
2. Ipanalangin ang anumang bagay na hindi mo pa napanalangin.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...