Inside the Huddle
Scripture: Gawa 4:32-5:11
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS
Gawa 4:32-37
“32 Nagkakaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa kanilang lahat. 34 Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan 35 ay dinadala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y “Anak na Matulungin.” 37 Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan.”
Chapter 5
“1 Ngunit mayroon namang mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. 2 Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan. 3 Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? 4 Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” 5 Nang marinig ito ni Ananias, siya'y patay na bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. 6 Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing. 7 Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. 8 Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?” “Oo, iyan lamang,” sagot ng babae. 9 Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nilang ilibing!” 10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. 11 Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.”
Pangunahing ideya ng pag-aaral:
Sa dalawang magkakaibang kuwentong ito, ipinapakita sa atin ni Lucas kung paano ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ay naitatag, naranasan, at nanganib.
Outline ng ating pag-aaral:
I. How Unity Is Established: The Gospel (4:32a)
II. How Unity Is Experienced: Generosity (4:32b-37)
A. Extensive sharing (4:32b)
B. Empowered sharing (4:33)
C. Extraordinary sharing among the affluent (4:34-35)
D. Exemplified sharing in Barnabas (4:36-37)
III. How Unity Is Endangered: Hypocrisy (5:1-11)
A. What they were: determined hypocrites (5:1-4)
B. What happened to them: instantaneous judgment (5:5-11)
C. What they needed (and what we need)
Sa Gawa 4:32-5:11 dadalhin tayo ni Lucas sa panloob na buhay sa iglesya – inside the huddle (sa loob na sama-sama). Madalas nating makikita sa aklat ng Gawa na ang iglesya ay naka-kalat sa misyon. Makikita natin dito mula sa simula ang mabilis nito na pagsulong: Ang ebanghelyo ay nakarating sa buong lugar ng Jerusalem, Judea, Samaria, hanggang sa dulo ng mundo. Ang mga apostol ay nangangaral, nagpapagaling, nagtatanim ng mga iglesya, patungo sa Roma pero nabigyan tayo ng pagkakataon ni Lucas na masulyapan natin ang hitsura ng mga bagay sa loob ng iglesyang pinagtitipunan.
Ang isa sa mga larawang ibinigay
dito ni Lucas ay kamangha-manghang positibo at nakakapagpatibay sa Gawa
4:32-37; at sa sunod na kapitulo naman sa Gawa 5:1-11 ay nakakakilabot at
nakakalungkot na pangyayari.
Ang kwentong ito ay magkalapit
at walang alinlangan na ito ay hindi aksidenteng pinagtagpo upang makita natin
ang kaibahan ng dalawang pangyayari sa loob ng iglesya. Sa kasaysayan,
inilarawan ni Lucas ang mga kilos ng ilang mga miyembro ng simbahan na nabuhay
sa parehong panahon. Ang kanilang kwento ay makikitang pinagsama’t pinagdikit.
Kaya mapapansin natin na matapos ikwento ni Lucas ang unang kwento ay sinimulan
niya ang sunod na kwento sa salitang “ngunit”
(Gawa 5:1). Parehong makikita sa mga kwento ang pagbebenta ng ari-arian at ang
pagbibigay bilang handog mula sa pinagbentahan. Sa kwento ay pareho ding
gumamit ng pang-uri (adjective) na “dakila”:
sa unang kwento ay mababasa natin sa talata 33 ang “dakilang biyaya” (great grace); at sa sunod naman na mababasa
natin sa Gawa 5:5, 11, ay “matinding
takot” (great fear). Ginamit ni Lucas ang dalawang sitwasyon upang
maitampok ang kabaitan at kalubhaan ng Diyos na kumilos sa iglesya. Sa kabuuan,
ang dalawang kwentong ito ay nagtulungan upang maipakita ang kalikasan at
kahalagahan ng pagkakaisa. Inilalarawan ng talata 32 ang pagkakaisa ng iglesya,
“Nagkakaisa ang damdamin at isipan ng
lahat ng mananampalataya, at di
itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa
lahat.” At sa unang kwento ay pinakita kung papaano naranasan ang
pagkakaisang ito, at sa sunod naman na kwento ay nakita kung paano ang
pagkakaisa ay nanganib.
Ang Bibliya ay puno ng mga
halimbawa ng kamangha-manghang pagsasama-sama at kakilakilabot na
paghahati-hati sa loob ng katawan ni Kristo. Ang Salmista ay nagpahayag ng pagpapala
ng pagkakaisa sa Awit 133:
“1 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating
pangmasid, ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid! 2 Langis ng olibo, ang nakakatulad
at nakakawangis, sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid, umaagos ito't
nababasa pati ang suot na damit. 3 Katulad din nito'y hamog sa umaga,
sa Bundok ng Hermon, hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion; sa
lugar na ito, nangako si Yahweh, ang pangakong buhay na mananatili.” (Awit 133:1-3).
Tayo bilang mga nagsasama-sama
sa iglesyang ito, ipanalangin natin at sikapin na mas mamuhay tayo talaga na
tulad ni Jesus, dahil kapag mas nagiging katulad natin si Jesus, mas
pahahalagahan natin ang isa’t isa at mananatiling nakatuon sa misyon, at ayaw
nating makita ang anumang bagay na nagbabanta sa pagkakaisa ng iglesya.
Itong
dalawang passage na pag-aaralan natin ay makakatulong para maunawaan natin at
mas hangarin ang Kristiyanong pagkakaisa. Ang pagpapanatili ng pagkakaisa ay
hindi madali, ngunit hindi rin ito kumplikado.
I. How Unity Is Established: The Gospel
(4:32a)
“Nagkakaisa ang damdamin at isipan
ng lahat ng mananampalataya”
Sa tingin ninyo ilan na kaya silang
lahat? Kung babalikan natin ang pinag-aralan natin malamang nasa mahigit
sampunglibo na sila. Sa talata 4 nabanggit ni Lucas na limanlibo ang bilang ng
mga lalaki. Tiyak na marami sa kanila ay kasal at pamilyado.
Ngayon, isipin ninyo ito, gaano
ka posible na magkaisa ang ganyang karaming tao? Simple lang ang sagot. Sila ay
naniwala sa ebanghelyo. Ang pananampalataya nila kay Kristo ang nagpa-isa sa
kanila. Sa talata 33 makikita natin na, “ang
mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng
Panginoong Jesus.” At dahil dito nakita na ang lahat ay nagkakasundo sa
paligid at ito ang pinaka makapangyarihang na nagpapa-isa sa mga tao.
Mayroon silang parehong
pag-iisip na nauunawaan nila kung ano ang mahalaga. Sila ay lubos na nakatuon
sa iisang ebanghelyo ng nabuhay na Kristo. Meron silang isang puso, na nangangahulugan
na ang dakilang espiritu ay lumaganap sa iglesya.
Samakatuwid, hindi natin ginawa
ang pag-kakaisa. Ang Diyos ang nagtatag nito. Tayo ang nagpapanatili nito, pero
hindi natin ito ginawa. Tinubos ng Diyos ang tao. Ang ebanghelyo ng Diyos ang
nagdala sa tao sa isang pagsasama-sama sa puso’t isipan.
Ang pagkakaroon ng gayong
pagkakaisa sa Gawa 4 ay tunay na nakakamangha kapag isinasaalang-alang natin
ang backgrounds ng mga taong ito. Kung babalikan natin sa Gawa 2:1-13, nakita
natin na ang mga taong ito ay, “nagmula
sa bawat bansa sa buong mundo.” Ang mga taong mula sa magkakaibang lupain
na may iba’t ibang kultura ay naniniwala sa nabuhay na Kristo, at nasisiyahan
sila sa pagkakaisa na itinatag ng Diyos. Ang eksenang ito ay isang magandang
paalala na ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugan ng pagkakapare-pareho. Ang
magkakaibang mga indibidwal ay nagkakaisa sa paniniwala sa ebanghelyo. Kung
gayon, ang tanging pinakamaganda na mapagkukunan ng pagkakaisa ay hindi ang mga
karaniwang mga kadahilanan, kundi ang ating pagkakakilanlan sa ebanghelyo. At
kapag hindi ito ang dahilan ng pagkaka-isa natin dito sa ating iglesya nalalayo
tayo sa pagkakaisa na maitaas si Kristo kahit na magkaka-iba tayo ng kulturang
kinagisnan, dahil ito ang pagkaka-isa na nakakaapekto sa mundo. At ito ang mga
bagay na nakita nating itinampok ni Lucas dito sa Gawa 4.
II. How Unity Is Experienced: Generosity
(4:32b-37)
Ngayon, papaano itong itinatag na
pagkakaisa ay mararanasan natin? Hindi tayo mahihirapan na makita sa mga
iglesya sa Gawa 4 kung saan sila kapansin-pansin na nagkaka-isa: Sila ay
mapagbigay. Meron silang kongregasyon na nagbibigayan.
Kapag ang mga miyembro ay nagbibigayan
palagi, ang iglesya ay malakas na magkakaisa. Madalas iniisip ng ilan na ang
pagkakaisa ay mararanasan sa pagkakasundo sa bawat maliliit na doktrina, o sa
pagkakasundo sa partidong politikal. Pero posible na makita ang pagkakaisa sa
bawat punto pero may dibisyon parin sa iglesya. Ang uri ng pagkakaisa na
inilalarawan ni Lucas ay nagsisimula sa isang pangkaraniwan pagkakakilanlan ng
ebanghelyo at sa isang radikal na pagbibigayan. Ang bawat miyembro ay
karaniwang namumuhay sa paraan ng pagbibigayan. Nagbabahagi sila sa pasanin ng
iba at kagalakan. Nagbabahagi sila ng panahon at mga ari-arian. Tignan natin
ang apat na aspeto sa kanilang pagbabahaginan.
A. Extensive sharing (4:32b)
“di itinuturing ninuman na sarili
niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat.”
Isaalang-alang natin ang malawak na
pag-abot na likas na katangian ng pagiging mapagbigay ng iglesya. Una, pinakita
sa atin ni Lucas kung sino ang nagbahagi: “di
itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian”
Pinakita
din ni Lucas sa atin kung kailan nagbabahagi: sa lahat ng oras - tuwing kailan
may mga nangangailangan (mtal. 34-35). Itong konsepto ng pag-aalaga nila sa mga
nangangailangan ay derekta mula sa Deuteronomio 15. Dito makikita natin na nais
ng Diyos na ang Kanyang mga tao ay maging isang mapagbigay na tao. Ang mga
Israelita sa Lumang Tipan ay nabigong sundin ito, ngunit ang Diyos ay gumawa ng
bagong mga tao, na binigyan ng kapangyarihan ng Espiritu, na pinalakas ng
nakitang kabutihan ng kanilang Tagapagligtas – “Hindi kaila sa inyo
ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kahit na mayaman,
naging mahirap Siya upang mapayaman kayo sa pamamagitan ng Kanyang pagiging
mahirap” (2 Corinto 8:9). Ang kanilang pagpagmamalasakit sa mga
nangangailangan ay isang dakilang biyaya. Ang ganitong uri ng pagbabahaginan ay
napadama din kahit sa mga hindi mananampalataya.
Isa pa na pinakita sa atin ni Lucas ay
kung ano ang ibinahagi: Lahat. Anong sabi ulit, “di itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian”
Hindi mahigpit ang pagkakakapit nila sa kanilang mga ari-arian.
Sa totoo lang ang pagiging
mapagbigay ay madaling maunawaan pero mahirap gawin. Tutuosin hindi na natin
kailangan ng mga karagdagan pang paliwanag sa konseptong ito; kailangan lang
natin na higit ito na mailapat sa ating buhay. Mas madali pa sa atin na maging
katulad ng isang dalubhasa sa kautusang Judio na lumapit kay Jesus sa Lucas
10, kung saan mababasa natin ang binahagi ni Jesus na parable na kilala sa
tawag na “the good Samaritan.” Gusto
ng lalaki na maipaliwanag ni Jesus ang salitang “kapwa (neighbour)” (Lucas 10:29). Gusto ni Jesus na yakapin ng
lalaking ito ang kanyang kapwa. Ang mensahe ni Kristo sa parabulang ito ay
nagsisilbing babala na dapat nating iwasan ang ugali ng mga paring Judio na
alam ang mga tama at matuwid na pamumuhay at kanila itong tinuturo ngunit hindi
nila pinamumuhay. Sa totoo lang, tayo minsan gusto natin gawing kumplikado ang
mga bagay-bagay hindi dahil sa kulang tayo sa pag-uunawa kundi dahil ayaw lang
talaga natin sumunod. Halimbawa sa pagbibigay nagiging kumplikado sa daming
tanong na binibigay gaya ng: “papaano ko malalaman na gagamitin sa tama ang
binigay ko?” “pano kung sindikato lang pala sila?” “pano kung nangloloko lang
sila?” Pero ang tunay na dahilan ayaw talaga magbigay. Ang mga pananalita natin
ay minsang ginagawa lang nating usok na pagtataguan dahil sa kakulangan ng
kagustuhan na gawin kung ano yung kaya nating gawin at dapat gawin. Kaya’t
manalangin tayo sa Diyos at ipanalangin natin na tayo’y gawin Niyang mga
mapagbigay na tao.
Ang uri ng pagbibigay na nais ng Diyos
na makita sa atin ay nangangailangan na hindi lamang basta na mag iwan lang
tayo ng ibibigay natin kundi maging sensitibo din sa iba. Dapat masangkot tayo
sa buhay ng iba na alam nating nangangailangan.
B. Empowered sharing (4:33)
“Taglay ang dakilang kapangyarihan,
ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng
Panginoong Jesus. At ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa kanilang
lahat.”
Dito makita natin ang isa pang
mahusay na halimbawa ng pagpapatuloy at pagsasagawa ng ministeryo ni Jesus –
ang salita at gawa. Makikita natin dito ang pagkakaisa nila kung saan ang mga
apostol ang nagpapahayag ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pangangaral, at ang
iglesya naman ang nagpapakita ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbibigay at
kabutihang loob.
Habang patuloy na tinuturo ng
mga apostol sa iglesya ang tungkol sa muling pagkabuhay, ang bawat isa sa loob
ng simbahan ay nalaman na ang kapangyarihan ng muling bagkabuhay ni Jesus ay
nanahan sa kanila. Nagkaroon sila ng wastong pananaw sa mga pag-aari nila
habang pinagbubulay-bulayan nila ang muling pagkabuhay. Nakakapagsalita sila at
nakakapagbigay ng walang takot dahil alam nila na sila ay ligtas sa pamamahal
ng Ama.
Nakatanggap sila ng biyaya ng
Diyos. Masaya ang Diyos na sila’y pagpalain at paluwagin ang mahigpit na pagkakahawak
nila sa mga materyal na pag-aari. Kapag ang biyaya ng Diyos ay kumilos, ang mga
tao ay magiging mapagbigay. Ang katotohanang ito ang magbibigay sa atin ng
pagtataka patungkol sa mga nagsasabing sila ay Kristiyano ngunit kailanman ay
hindi nagbibigay. Talaga bang nauunawaan nila ang ebanghelyo?
C. Extraordinary sharing among the
affluent (4:34-35)
“34 Walang kinakapos sa kanila
sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan
35 ay dinadala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa
pangangailangan ng bawat isa.”
May mga mayayamang tao rin ang kasama
sa unang iglesya. Hindi sinabi ng Bibliya na walang mayayamang Kristiyano sa
unang iglesya; sa halip ang nabasa natin ay “walang
kinapos sa kanila.” Hindi nilalarawan ang komunismo dito. Tinutukoy niya
dito ang grupo ng mga mapagbigay na mga tao na sensitibo sa mga pangangailangan
ng ibang tao. Walang natutulog ng gutom sa kanila dahil naiiwasan nila ito;
walang natutulog sa kalye; walang pumupunta na walang damit. Ang mga miyembro
ay nag-aalagaan sa isa’t isa, at ang mayayaman ay nagbebenta pa ng ari-arian.
Kapag nakita mo ang sarili mo na may
kakayahan ka, kailangan mo makita ito bilang pagpapala at responsibilidad. Ang
Diyos ay pinagkalooban ka, pero mananagot ka sa kung ano ang iyong ginawa sa
mga mapagkukunang pinagkatiwala sa iyo. Hindi tinuturo dito sa atin ng Banal na
Kasulatan na ibenta din natin ang lahat ng ating ari-arian (maliban kung
kumilos ang Banal na Espiritu sa iyong puso), ngunit dapat nating panghawakan
ang paalala sa 1 Timoteo 6:17-19 sa ating puso:
“17 Ituro mo sa mayayaman na huwag
silang magmamataas; at huwag silang umasa sa kayamanang lumilipas, kundi sa
Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan upang tayo'y
masiyahan. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabuting
gawa, maging bukás-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok
sila para sa matatag na hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.”
At nakita nga natin sa Gawa 4 ang mga
mayayaman na kapatiran na nag-iwan ng kamangha-manghang halimbawa sa kung ano
ang itsura na yakapin at isabuhay ang tekstong ito.
D. Exemplified sharing in Barnabas
(4:36-37)
“36 Ganoon ang ginawa ni Jose, isang
Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig
sabihi'y ‘Anak na Matulungin.’ 37 Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay
sa mga apostol ang pinagbilhan.”
Sa
puntong ito ng kabanata, ipinakilala ni Lucas sa atin ang isang bayani: si
Jose. Siya ay nabanggit ng dalawampu’t tatlong beses sa aklat ng Gawa. Siya ay
isang Levita. Siya ay dayuhan na mula sa Cyprus. Ang kanyang palayaw ay
Bernabe, na ang ibig sabihin ay “anak na matulungin (son of encouragement)” o
“anak ng payo (son of exhortation).” Kaya itong palayaw na ito na binigay sa
kanya ay sumasalamin sa kanyang buhay at ministeryo ng mahusay.
Kung ang mga tao ay titignan ang iyong
buhay at bigyan ka ng palayaw batay sa kanilang nakikita sayo, ano kaya ito?
Saan ka kaya nakikilala?
At kung patuloy pa nating
babasahin ang mga susunod na kabanata sa aklat ng Gawa ay makakakita pa tayo ng
maraming bagay patungkol kay Bernabe. Sa Gawa 9:26-30, mababasa natin dito na
siya ay nag-invest sa buhay ng mga mas batang mananampalataya. Sa Gawa 11:19-23
naman ay makikitang meron siyang mga mata na nakikita ang gawa ng Diyos at
pusong nagagalak. Sa Gawa 11:23 ay nakita nating hinimok niya ang mga
mananampalataya na manatiling tapat sa Panginoon. Sa Gawa 11:25-30; 13:1-14:28
naman ay makikita natin na siya ay mapagpakumbaba at maaasahan. Sa Gawa
15:36-41, makita din natin dito yung katiyagaan niya sa mga pagkukulang ng iba.
Pero dito naman sa talata nating tinitignan ay binigyang diin ang kanyang
pagiging mapagbigay.
Si Bernabe, tulad ng iba ay
hindi naman kailangang ibenta pa ang kanilang bukid at ibigay ang pinagbentahan
sa mga apostol, ngunit pinili parin niya na gawin iyon. Ang ganitong klaseng
gawa ng pagbibigay ay nagpapakita kung gaano niya kamahal si Jesus at ang mga
tao ng higit pa sa anumang bagay. Isa pa yung nakita natin na “ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan,”
ay nagpapakita ng pagpapasakop, kapakumbabaan, at pagtitiwala. Nagtitiwala siya
sa mga apostol
na mabahagi ito sa iba. Ayaw niya ng mapuri sa kung papaano niya ito ginamit.
Wala siyang interes na maparangalan ang sarili kundi ang Diyos.
Pinakilala siya dito ni Lucas para
maipakita ang matinding kaibahan niya kay Ananias at Safira.
Ang iglesya ay nananatili,
napapayaman, at pinagpapala ng mga hindi kilalang bayani na ginagamit ng Diyos
sa buong kasaysayan ng iglesya, na nagbibigay ng sagana sa gawain. Kailangan
nating purihin ang mga ganong mga lingkod. At kailangan nating hikayatin ang
mga tao na makita ang pambihirang epekto ng pagiging tapat sa personal giving
ministry. Tulad ng ibang Kristiyano na nilaan ang buhay sa ministeryo ng
pagtuturo, ang iba naman ay nakaposisyon upang ilaan ang buong buhay na maging
pagpapala sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay sa pinansyal.
Pero naniniwala ako na ang lahat
ay may kakayahan na magbigay dahil ang lahat ay pinagpapala ng Diyos kaya dapat
lahat ay turuang mag bigay at isali. Lahat ay pwede mag bigay kahit sa maliit
na bagay o halaga ngunit may ilan talaga ng may kaloob ng Espiritu na
makapagbigay ng sagana, sakripisyong pagbibigay, at may kagalakan. Nawa ang
katotohanan ng muling pagkabuhay at ang malalim na pagkaunawa sa biyaya ni
Kristong ating tinanggap ang maging dahilan para tayo’y maging mga lingkod na
tulad nila Bernabe.
III. How Unity Is Endangered: Hypocrisy
(5:1-11)
Dito natin makikita ang pagiging totoo
ng Bibliya. Kung magsisimula
ka ng isang relihiyon at magsusulat ka patungkol sa
pagsisimula nito malamang ay hindi mo isasama sa gagawin mong libro ang mga
hindi magagandang bagay na maaaring ikasira ng imahe ng relihiyong sinimulan.
Dito natin marerespeto si Lucas bilang historian. Hindi niya binalewala ang
kamalian ng unang iglesya. Hindi siya nagsusulat ng isang fairy tale patungkol sa
matalinhagang katawan ni Kristo.
Sa Gawa 5 makikita natin ang isang
malungkot na kwento pagkatapos ng isang magandang kwento. Ito ang nagpapaalala
sa atin na walang perpektong iglesya, na kahit ang pinaka puspos ng Banal na Espiritu
na kongregasyon, ang kasamaan ay kumikilos parin. Nakita natin sa Gawa 4:1-31
na ang bawat iglesyang tapat at buong tapang na nangangaral ng ebanghelyo ay laging
humaharap sa mga oposisyon mula sa labas, pero sa kwentong ito tinuro sa atin
kung papaano ang masamang mga gawa ay nakakagawa din ng oposisyon sa loob.
Mababasa
natin dito ang panlilinlang ni Ananias, ang pakikipagsabwatan ni Safira, at ang
tugon ng Diyos.
A. What they were:
determined hypocrites (5:1-4)
Tinawag
ni Jesus ang mga Pariseo na mga hipokristo o mapagkunwari. Gusto nilang
makilala at mapuri ng mga tao dahil sa kanilang pinapakitang mabuting gawa.
Pinakita din nila Ananias at Safira ang ganitong espiritu.
a. They were
spiritual posers (vv. 1-2)
“1 Mayroon namang
mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki
at Safira naman ang babae. 2 Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay
ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan.”
Ang kabanalan nila ay pagkukunwari,
hindi tunay na kabanalan. Walang nag pwersa kina Ananias at Safira na ibenta
nila ang kanilang ari-arian o maging ang ibigay ang lahat ng perang nakuha sa
pinagbentahan sa mga apostol. Ito ay ganap na kusang loob. Kaya ano ang
problema? Maliwanag na nagpanggap si Ananias na nagbigay ng higit pa sa
talagang binigay niya. Tinabi nila ang ilan sa kanilang pinagbentahan, at
sinabi na binigay nila ang lahat.
b. They were praise
seekers (vv. 1-2)
Nais ng dalawang ito ang reputasyon
tulad na meron si Bernabe
nang walang tunay na kahabagan. Marahil ay gusto din
nila ng palayaw na tulad na binigay kay Jose na Bernabe,
dahil gagawin siya nitong tunog na importante at magiging
dahilan para mas lalo siyang makilala.
Sa kasamaang palad, marami paring mga
tulad ni Ananias na nasa loob ng mga iglesya ngayon na ang gusto ay ang papuri
na mula sa mga tao. Marami ang nabubuhay na mas habol ay maraming like, follower
at share sa social media. May iba na gusto ang maging tagapanguna o pastor
dahil sa paghahangad lang na makilala o galangin. Ang iba namang mga lingkod
ang gusto ay ang paghanga ng mga miyembro.
c. They were liars
(vv. 3-4)
“3 Kaya't sinabi ni
Pedro, ‘Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at
nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang
pinagbilhan mo ng lupa? 4 Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At
nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin
iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.’”
Sinabi ni Pablo na “binawasan” ni
Ananias ang pinagbilhan ng lupa. Ang pandiwa (verb) na ginamit dito ay nangangahulugang
“kumupit” o “lumustay.” Ito ay magpapaalala din sa atin sa parehong kasalanan
na ginawa ni Achan sa Lumang Tipan na nagnakaw sa mga pinagbabawal na kunin na
gamit sa kanilang pananakop. Ang kwento ni Achan, Ananias, Judas, ang mayamang batang
pinuno, at ang milyon-milyong iba pa ang nagpapatotoo sa nakakawasak na
kalikasan ng kasakiman. Wala dapat lugar sa ang mga ito sa iglesya.
d. They were
deceivers (v. 4)
“Bago mo ipinagbili
ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na,
hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin
iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
Makikita natin dito na pinlano ng dalawang
ito ang kanilang ginawa. Isang kamangmangan na isipin na walang makakaalam
ng masamang pinaplano ng tao. Alam lagi ng Diyos
kung ano ang ginawa at sinabi ng lihim; wala tayong matatagong
anuman sa Kanya.
e. They were
Satan’s instruments (v. 3)
“3 Kaya't sinabi ni
Pedro, ‘Ananias, bakit ka nagpadala kaySatanas at
nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang
pinagbilhan mo ng lupa?”
Sa sinabing ito ni Pedro kay Ananias
tungkol sa pagpapadala
niya kay Satanas, dapat nating mapatunayan ang
totoong impluwensya ni Satanas. Nakakapanira ang diyablo
sa pamamagitan ng pag-ibig sa salapi, kasinungalingan, at pagkukunwari.
Tinutukso niya ang mga tao para sila ay makakilos na hindi pinag-isipan at
walang takot sa Diyos. Tinutukso niya ang mga tao na ang kasalanan ay hindi
malaking bagay. Ngunit huwag tayong magkamali: ang kanyang pangunahing layunin
sa lahat ay ang wasakin ang tao at ang iglesya. Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na
subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo.” (Lucas 22:31).
f. They were Spirit
grievers (vv. 3-4)
“3 Kaya't sinabi ni
Pedro, ‘Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at
nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang
pinagbilhan mo ng lupa? 4 Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At
nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin
iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.’”
Si Ananias at ang kanyang asawa ay
nagsinungaling sa Banal
na Espiritu. Tandaan natin na ang Espiritu ay hindi pwersa
gaya ng sinasabi ng iba, kundi ito ay person na maaaring
malungkot. Pinipighati ng isang tao ang Banal na Espiritu
kung sila ay nagsisinungaling, nanlilinlang, nagnanakaw,
at sa pakikilahok sa anumang salungat sa Kanyang
Banal na kalikasan.
B. What happened to
them: instantaneous judgment (5:5-11)
Bilang bunga ng napakalaking
pagkakasala ng mag-asawa na ito, bumagsak ang paghuhukom. Ito ay nagmula sa Diyos,
hindi kay Pedro. May mga pagtatalo ang mga tao sa sanhi
ng kamatayan ng dalawa, sabi ng ilan na atake sa puso daw
ang kinamatay o iba pang karaniwang sakit, ngunit sa anumang
kaso ang nagresultang diwa ng takot sa bawat isa maging
sa mga naglibing sa kanila ay alam na ang nangyaring
ito sa dalawa ay bilang banal na paghatol ng Diyos.
Pero hindi ba sobra o matindi ang
biglaang parusang ito? Ganito ang iisipin talaga natin kung tinitignan natin na maliit
na bagay ang kasalanang ito na hindi sinasaalang-alang kung kanino sila nagkasala.
Kung sasampalin mo ng kahit na mahina lang ang reyna ng England na si Queen Elizabeth
o kaya sa North Korea Supreme leader na si Kim Jong-un, ano sa tingin nyo ang
mangyayari sa inyo? Kung sa mga kilalang taong ito na makapangyarihan ay kinakatakutan
natin na gawan ng masama kahit sa maliit na bagay bakit sa Diyos ay hindi?
Ganito ang ginawa ng dalawang ito, minaliit nila ang Diyos sa ginawa nilang
ito, at ang iglesya ay napasabak sa atakeng ito ni Satanas sa pamamagitan ng
gawa ng dalawang ito. Sineryoso ng Diyos ang bagay na ito. Nag salita rin si
Pablo patungkol sa nakakatakot
na paghuhukom ng Diyos sa mga taga Corinto na
hindi kinikilala ang kabanalan ng Banal na hapunan sa 1 Corinto
11:28-30. Bagamat ang pangyayari doon ay hindi kasing
grabe sa isang ito ngunit ang nangyari sa kasong iyon ay
totoo at seryoso din.
Ang kwentong ito ang magtutulak sa
atin para tayo ay magsisi
at manalangin na, “Panginoon maawa po Kayo sa amin!
Gawin Mo po kami na maging katulad ni Bernabe, at hindi
maging katulad nila Ananias.” At “Salamat sa Iyong nakakamanghang pasensya sa
amin. Bigyan Mo kami ng biyaya
upang maiwasan ang pagkukunwari at kumilos na may
integridad.”
Sa talata 7-10 makikita na lumapit si
Pedro kay safira para tanungin tungkol sa pagkakasangkot niya sa bagay na ito. Pareho
lang ang nakita nating naging resulta ng pag-uusap na iyon sa kanyang asawa.
Nag sabwatan sila ng kanyang asawa kaya nakibahagi din siya sa kapalaran na
unang nangyari sa kanyang asawa. May utos ang Diyos sa mga babaeng asawa na
magpasakop sa kanilang asawang lalake ngunit hindi sa paggawa ng kasalanan.
Dapat ninyong malaman na ang katapatan ninyong mga babae ay una sa Diyos parin.
Hindi siya dapat nagpasakop sa masamang plano ni Ananias.
C. What they needed
(and what we need)
a. A healthy fear
of the Lord
Malinaw na ang kailangan nila Ananias
at Safira ay ang healthy
fear sa Panginoon. Ang Diyos ng lahat ng mundo ay humihingi
ng respeto. Kaya, habang isinasaalang-alang natin
ang daan na ito, hindi natin dapat isipin na hindi iyan gagawin
ng Diyos sa atin. Sa halip, alalahanin natin ang sinabi
ni Pablo sa Galacia 6:7, “Huwag ninyong
akalaing madadaya ninyo ang
Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang
aanihin.”
Tinuturo din sa atin sa Kawikaan 1:7
na, “Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh
ay pasimula ng karunungan.” Kung hindi ka tumatayo sa harap ng Diyos na may
takot, ikaw ay hindi matalino. Ang pagkawasak ang naghihintay
sayo.
b. The application
of the gospel
Hindi rin nila naunawaan ang
ebanghelyo o hindi nila hinayaan
itong kumilos nang malalim sa kanilang mga puso. Pinalaya
tayo ng ebanghelyo mula sa adiksyon sa sarili at sa mga
bagay-bagay. Pinalaya tayo nito sa pagpapanggap. Pinalaya tayo nito mula sa
kagustuhan na mapuri ng tao. Pinalaya tayo sa pagsisinungaling, pagnanakaw, at paglilinlang.
Ginawa tayong tapat at at mapagbigay. Tinuon nito ang ating mga isip sa kaluwalhatiang
mahahayag. Iyan ang ibig sabihin na mabuhay tayo sa ebanghelyo sa ara-araw. Hayaan
natin na ang kwentong ito ang magpaalala sa atin kung gaano natin talaga
kailangang maunawaan ang ebanghelyo ng biyaya at ang ating pagkakakilanlan kay Kristo.
c. Repentance
Ang mag-asawang ito ay dapat mamuhay
sa pagsisisi. Matuto
tayo sa kanilang pagkakamali. Kung alam na natin na
nakakagawa na tayo ng mali, kailangan nating magsisi sa mga
ito. Sa katotohanan lahat tayo ay nagkasala ng pagkukunwari
(hypocrisy), ngunit sa sandali na mapagtanto natin
ito, dapat tayong magsisi. Ang mag-asawang ito ay nakilala
sa pamumuhay na paghihimagsik at kasalanan. Lumilitaw
na ok lang sila sa kanilang pagpapaimbabaw.
Ang kwentong ito ay tumawag sa iglesya
para magsisi habang
may oras pa. Ang Diyos ay nagpalawak ng Kanyang biyaya.
Sa katunayan, ang sunod na kwento, ay nagpakita kung
papaano nagpatuloy ang iglesya sa pagdami sa kabila ng
nangyari sa eksenang ito. Nililinis ng Diyos ang Kanyang iglesya
para sa ikabubuti ng iba na sasampalataya, na nag-aalok ng mas marami pang
biyaya sa pagpapatuloy. Nag tuturo
ang katotohanang ito sa mga mananampalataya na magsisi
at huwag nang magkasala pa sa biyaya ng Diyos. Tinatawag
tayo nito na ang habulin natin ay ang nakita natin
sa Gawa 4:32-37 kaysa Gawa 5:1-11.
Dalangin ko na gawin tayo ng Diyos na
mga taong nakilala sa pagbibigay na puspos ng ebanghelyo, at hindi ng pagkukunwari.
__________________________________________________
Discussion:
Pagbulayan:
1.
Ano sa tingin mo o maaaring sa sariling karanasan, ang nagiging epekto ng pagbibigay sa taong
nakatanggap?
2.
Ano ang nagiging dahilan para mag bigay ang isang tao ng sobra?
3.
Paano ang kwento ni Ananias at Safira ay nag-iwan ng hamon sayo?
4.
Meron bang maliit at malaking kasalanan sa Diyos? Paano nito mababago ang pananaw at pakikitungo mo
sa anumang kasalanan?
Pagsasabuhay:
1.
Alamin kung sino sa paligid mo ang sa tingin mo ang dapat mong tulungan ngayong linggo kahit sa
maliit na bagay?
2.
Masasabi mo ba na ikaw din ay tulad ni Ananias at Safira na hipokrito? Ibig-sabihin:
-
nagkukunwaring banal
-
naghahangad ng papuri ng mga tao
-
sinungaling
-
manloloko
-
nagagamit ni Satanas
-
lumalaban sa Espiritu
Kung
oo, ano ang dapat mong gawin sa mga bagay na ito? Paano mo pagsusumikaping
mapanatili ang pagkakaisa sa iglesya?
Panalangin:
Ipanalangin
na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento