Linggo, Hunyo 26, 2022

Gawa 5:12-42 - "Ministry and Hostility"

Ministry and Hostility 

Scripture: Gawa 5:12-42
Itinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Tony Merida na "Christ Centered Exposition" - Exalting Jesus in ACTS

Gawa 5:12-42 12
12 Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13 ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na humahanga ang mga ito sa kanila. 14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon. 15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat. 17 Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa tao ang buong mensahe tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang maguumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao. Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Sanedrin at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. 25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.” 26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka sila pagbabatuhin ng mga tao. 27 Iniharap nila sa Sanedrin ang mga apostol at siniyasat sila ng pinakapunong pari. 28 Sinabi niya, “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng Jesus na iyan? Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” 29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang Siya'y inyong ipapako sa krus. 31 Iniakyat Siya ng Diyos sa Kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. 32 Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya.” 33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!” Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41 Nilisan ng mga apostol ang Sanedrin at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, nagpupunta sila sa Templo at sa mga bahay-bahay upang magturo at mangaral tungkol kay Jesus, ang Kristo.


Pangunahing ideya ng pag-aaral:

          
Ang pagiging tapat sa ministeryo ng ebanghelyo ay parehong makakaranas ng resulta ng pagsalungat at pagpapala.


Outline ng ating pag-aaral:

I. Gospel Ministry Enriches the Poor in Spirit (5:12-16).|

II. Gospel Ministry Enrages the Prideful (5:17-40).

III. Gospel Ministry Energizes the Minister(s) (5:41-42).


          Habang inaaral natin itong buong aklat ng Gawa, dapat nating tandaan na natutunan natin ang tungkol sa nagpapatuloy na kasaysayan natin bilang nahagi nito. Gusto ko makita natin na itong nabasa natin ngayon sa Gawa 5 ay nangyayari at hinaharap parin ng mga Kristiyano hanggang ngayon. Parehong uri ng mga isyu ng mga kapatid natin sa Panginoon sa unang siglo AD. ang nagpapatuloy parin hanggang ngayon na nararanasan na mga paghihirap sa mga Taga-sunod ni Kristo gaya ng nabasa natin sa Gawa 5. Ang mga totoong kwento ng katapatan sa kabila nito ay kapwa nakakahikayat at nakakapagpalakas.

            Nakaraan nakita natin ang karanasan ng iglesya sa pagharap sa oposisyon mula sa loob. Sa kabanata namang ito ang iglesya ay nakatanggap ng oposisyon mula sa labas. Kapwa masayang ginagamit ni Satanas ang parehong taktikang ito. Ayaw niya ang ministeryong nakasentro sa ebanghelyo dahil alam niya na ang ministeryo ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kahanga-hangang pagpapala at paglawak ng kaharian.

            Kung hindi ka nakakaranas ng oposisyon sa iyong ministeryo – ito man ay pagtuturo sa mga kabataan o paglilingkod kay Jesus sa iyong trabaho – baka merong problema sa iyong pakikitungo. Sinasabi ko ito dahil ang oposisyon ay hindi maiiwasang dumating kapag lumalakad tayo sa ilaw sa isang madilim na mundo. Makaka-engkwentro tayo ng mga napopoot kapag sumunod tayo kay Jesus ng buong puso.

            Ang ministeryo ng ebanghelyo na may epekto ay nangyayari kung ang patuloy na ginagawa ay kung ano ang ginagawang ministeryo ni Jesus na mga salita at gawa. At nakita natin na ginawa ito ng mga apostol sa talata 12-42. At sa kanilang paglilingkod, tumindi ang pag-uusig. Sa puntong ito nakaapekto ito sa mga apostol, at ang mga taktika ng kanilang kalaban ay tumindi mula sa pagbabanta lang nang una at ngayon nakita na natin na may pisikal na – silay hinagupit. At makikita pa natin ang pagtindi ng pag-uusig sa mga susunod na kabanata hanggang sa may nakita na nga tayong namatay sa kanila sa Gawa 7.

           Ang tekstong ito ay kailangang pagtuunan at isaalang-alang dahil nakikita natin ang isang lumalaking pagkapoot ng maraming tao sa ministeryo ng ebanghelyo sa buong mundo. Kaya kung nagdesisyon kang ipakita ang iyong pananampalataya sa publiko, pwes maging handa ka sa parehong mga tugon na ito sa pagtangka mo na ibahagi ito. Pero syempre, ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi pribadong pananampalataya. Tandaan, si Jesus ay napako sa publiko – para lahat makita. Isipin nyo yung kahihiyang tinaggap Niya na parang ikaw ay pinako sa gitna ng shopping mall sa panahon ng pasko na kung saan sobrang daming taong nanonood sayo. At pagkatapos Niyang mabuhay, nagpakita Siya sa maraming mga saksi, tapos ay inutusan Niya ang iglesya na ipakalat ang Kanyang katanyagan sa publiko. At iyan ang nakita nating ginawa ng unang mga mananampalataya sa unang kapitolo ng Gawa.

            Itong nakita nating ito ay nagresulta ng pagkapoot. Pero huwag din nating makaligtaan ang kabilang panig. Bagamat may mga napopoot dahil sa ministeryo ng ebanghelyo, marami din namang napagpapala sa pagpapakita ng pananampalataya sa publiko at napapalakas din ang mga taong gumagawa nito na ipagpatuloy nila ang kanilang ginagawa. Kaya tingnan natin ngayon ang tatlong epekto ng ministeryo sa ebanghelyo.

I. Gospel Ministry Enriches the Poor in Spirit (5:12-16).

            Sino ba ang nakakatanggap ng mga pagpapala ng ministeryo sa ebanghelyo? Ang mga nakakaalam na kailangan nila ito. Sa mga talatang ito pinakita ni Lucas ang patungkol sa grupo ng mga tao. Ikumpara ang tekstong ito sa ministeryo ni Jesus:

Mateo 4:23-25
“3 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din Niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman. 24 Ang balita tungkol sa Kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa Kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay Kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan Siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.”

            Pagkatapos nito ay agad Niyang sinimulan ang Sermon sa bundok, at sinabi, “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:3). Kaya sino ang tumanggap ng mga pakinabang ng biyaya at kapangyarihan ni Jesus? Ang mga mapagpakumbaba, dukha sa espiritu, at mga desperado.

            Ito rin yung totoong nakita na nangyayari sa Gawa 5. Ang mga mapagpakumbaba sa talata 14 ay naligtas. Habang makita natin sa talata 13 na marami ang tumatalikod sa mensahe dahil sa takot, ngunit sila’y humahanga sa kanila at ang ilan nga sa kanila ay nailapit kay Kristo sa kapangyarihan at pag-ibig ng iglesya. Ang mapagpakumbaba ay minamahal. Sila ay "lahat magkasama" (tal. 12). Magkasama silang nagbahagi ng buhay. Inalagaan nila ang mga tao na magkasama.

            Kaya sa talata 15-16 ay makikita na itong mga mapagpakumbaba ay napagaling. Ang mga dukha sa espiritu ay despiradong humihingi ng pisikal na pagpapagaling. Habang kinikilala natin dito ang natatanging likas na ministeryo ng mga apostol, dapat pa rin nating makita na ang Diyos ang tunay na nagpapagaling sa mga tao, at minsan nga lalo na sa panahon natin ay sa pamamagitan ng tulong medikal. Pero paminsan-minsan ay nagpapasya si Jesus na makialam, na nagbibigay sa mundo ng isang malinaw na larawan tungkol sa ano ang buhay sa Kanyang darating na kaharian. Sa huli, alam natin na ang mga panalangin para sa paggaling ng mga nagmamahal kay Kristo ay laging sinasagot ng isang "oo, malapit na" o isang "oo, mamaya" (sa muling pagkabuhay).

            Sa panghuli, nakita natin sa talata 16 na ang mga mapagpakumbaba ay nailigtas sa kamay ng mga masasamang espiritu. Ang mga may maruming espiritu ay nakatanggap ng kalayaan mula sa mga ito. Napakagandang paalala nito sa atin ng kapangyarihan ng ebanghelyo: na walang masamang kapangyarihan ang makakatapat dito.

            Lumapit ka ba kay Kristo na dukha sa espiritu? Mahalagang tanong iyan sapagkat dapat tayong lumapit kay Jesus na nakikita natin sa sarili na wala tayong magagawa at nangangailangan ng biyaya. Hindi tayo makakalapit sa Diyos kung sa tingin natin ay kahit paano ay pakiramdam natin ay may tyansa tayong makalapit sa Kanya sa ano mang alam nating sariling kaparaanan o kadahilanan. Sabi ni Jesus sa Mateo 19:24, “Inuulit Ko, mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.” Ito ay sinabi Niya matapos may lumapit sa Kanyang isang mayamang lalaki na nagtanong kung papaano makakamit ang kaharian ng Diyos. Kaya sinabi ni Jesus na dapat Niyang sundin ang ilang mga kautusang binigay ni Moises. At sinagot ng mayaman na ito ay kanya ng ginawa. Kaya sa huli sinabi ni Jesus na umuwi siya at ibenta ang lahat ng kanyang ari-arian at sumunod sa Kanya. At dito na malungkot na tumalikod ang lalaki at umalis at dito pagkatapos ay dito na Niya sinabi sa mga alagad ang Mateo 19:24.

            Hindi ibig sabihin nito na ang mga mabubuting gawa ang paraan para ang isang makasalanan ay makapasok sa kaharian ng Diyos. Gusto lamang ni Jesus na tulungan ang lalaki sa isang bagay na hindi niya nakikita sa kanyang sarili. Roma 3:19-20, “Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala.”

            Bagamat siya ay mayaman, dapat niyang makita ang katotohanan na siya ay dukha sa espiritu at kailangan niya ang Tagapagligtas. Kaya nga sinabi ni Jesus sa kanya nung una na walang mabuti kundi ang Ama sa langit lang ang mabuti. Roma 3:23, “Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”

            Hindi rin ibig sabihin nito na ang mga mayayaman ay hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos. Sabi ni Jesus pagkatapos Niyang sabihin ito sa Mateo 19:26, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.” Gusto Niyang sabihin na ang kaligtasan ay mangyayari lamang sa pagkilos ng Diyos sa isang taong makasalanan at hindi sa sarili nating kakayahan o sariling kalooban. At pinatunayan ito ng Diyos sa sumunod na pangyayari sa kwento ng isang mayamang maniningil ng buwis na si Zaqueo. Bagamat siya ay mayaman dahil sa pagnanakaw ayon sa kanyang pag-amin, kinilusan siya ng Espiritu ng Diyos upang makita niya ang kadukhaan niya sa espiritu kaya siya ay nagsisi at sumapalataya kay Jesus at dineklara ni Jesus na siya ay naligtas. Tunay na ang mga lumapit kay Jesus na nagpakumbaba dahil sa kadukhaan sa espiritu ay pinayaman ng ebanghelyo.

            Ang mga apostol ay hindi bumuo ng business plan o isang diskarteng militar na nagsimula mula sa mga maimpluwensyang mga tao, na dahilan para makita natin dito ang mabilis na pagkalat ng ebanghelyo sa lahat ng tao. Sinundan nila ang kahabagan ni Jesus na minodelo nito sa Kanyang ministry sa Mateo 9:35-38. Dahil dito ang iglesya ay nagkaroon ng pambihirang ministeryo.

            Ang hamon sa atin na kunin natin ang mga pagkakataong binibigay sa atin na maabot ang mga mahirap, nasasaktan, alipin, o may mga sakit sa ating paligid. Pagyamanin natin ang mga dukha sa espiritu, at ipakita natin sa kanila ang pag-ibig ni Jesus, at maluluwalhati natin ang Amang nasa langit.

            Dapat tayong nakatuon sa pag-abot sa bawat-isa sa mensahe ng ebanghelyo. Ang ilang mga tao ay tutugon dito sa pagsisisi’t pananampalataya. Kaya tayo ba ay nagbabahagi sa mga tao patungkol kay Kristo upang Siya’y gawing Panginoon at kanilang Tagapagligtas? Kumikilos ba tayo para pakainin, damitan, at turuan ang mga taong walang pastol? Huwag tayong matakot kahit na may mga taong tutugon ng hindi maganda sa publikong pagpapahayag natin at pagpapakita ng ating pananampalataya. Alam natin na mas marami ang tatanggi sa mensahe ng Kaligtasan, ngunit huwag tayong panghinaan sa bagay na ito dahil ito ang sabi ni Jesus, “Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nagdaraan doon” (Mateo 7:14).

II. Gospel Ministry Enrages the Prideful (5:17-40).

            Ano ba ang pumipigil sa mga tao sa ebanghelyo? Pagmamataas. Ang ilan ay nakaposas sa intelektuwal na pagmamataas (intellectual pride). Para sa kanila isang kamangmangan ang maniwala sa ebanghelyo. Ang iba naman ay nahahadlangan ng pagmamataas sa lipunan (social pride). Ayaw nilang ipagsapalaran ang maaaring maging dahilan ng paglayo ng publiko sa kanila o pagkawala ng kapangyarihan para sa paniniwala. Ang iba naman ay nahahadlangan ng pagmamataas sa pamilya (family pride). Nakikita nila na ang pagsunod kay Kristo ay maaaring makasira sa relasyon nila sa mga hindi mananampalataya sa pamilya o mag dala ito ng kahihiyan sa pangalan ng kanilang pamilya.

            At sa talata 33, makikita natin ang grupo ng mga tao na nakitaan ng tatlong isyu sa pagmamataas na nakita natin. Kaya ang naging resulta, “nais nilang ipapatay ang mga apostol.” (Tal. 33).

            Gusto ng mga punong pari at mga saduseo ang kapangyarihan. Kaya sabi sa talata 17 na, “Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo” at dahil dito ay “Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo” (talata 16).

            Nakaraan na nakita natin na ang mga Saduseo ay hindi naniniwala sa mga himala gaya ng muling pagkabuhay at pagkakaroon ng mga anghel. Kaya nga sila ay galit. Kaya yung hindi nila paniniwala sa mga anghel ang ginamit ng Diyos sa talata 19 kung saan nag padala Siya ng anghel para ilabas ang mga apostol at magpatuloy sa pangangaral. Ang mga Saduseo ay may malaking bahagi sa pamumuno sa Sanhedrin. Magaling sila sa politika. Gumagawa sila para mapanatili ang mga Romano at Judio na masaya sa kanila.

            At nakita nga natin dito na ang grupong ito ay napuno ng inggit at galit dahil ang kanilang mga paniniwala ay nahamon at nawawalan sila ng kapangyarihan. Kinamumuhian nila ang walang tigil na pagpapatotoo ng mga apostol, na patuloy na nagsasabi sa kanilang malaking kasalanan sa pagpapapako kay Jesus. Pero hindi natin dapat makaligtaan ang isa pang halatang dahilan kung bakit ang mga lalaking ito ay nabigo sa eksena na mapanatiling nakakulong ang mga apostol para pigilan sila sa pangangaral. Nang hindi man namalayan ito, kinakalaban nila ang mismong layunin kung bakit nilikha ang sanlibutan, ito ay ang itaas si Jesus.

            Mag-ingat tayo sa pagseselos o pagkainggit. Ito ay humahantong sa lahat ng iba pang mga kasalanan. At huwag tayong magulat kung ang iba ay puno ng ganito at atakihin tayong mga mananampalataya.

            Kung nagtataka ka kung ano ang ginawa ng mga apostol upang lumikha ng gayong galit sa mga pinuno ng relihiyon, narito ang sagot: pinagaling nila ang mga tao! Mahal nila ang mga tao! Ibinahagi nila ang ebanghelyo sa mga tao. Gusto ng mga religious leader na matigil ang lahat ng ito. Nangangahulugan ba iyon na nais nila ang maraming tao na magkasakit o sapian ng demonyo? Hindi. Ngunit tiyak na hindi nila gusto na ang kanilang kawalan ng kapangyarihan ay mas lalong makita.

 

            Kahit sa ating modernong panahon ay may mga ganitong uri ng reaksyon na nangyayari. Maraming mga galit na mga hindi mananampalataya ang umaatake sa mga ilang organisasyon ng mga pinangingisawaan ng mga Kristiyano gaya ng mga ministeryo ng pag-aalaga sa ampunan, mga lumalaban sa anti-abortion, mga page at post sa mga social media patungkol sa pangangaral ng katotohanan sa Bibliya. Bakit? Dahil sa maraming parehong kadahilanan. Marami ang galit sa mensaheng ipinapangaral at sa mga motibo ng mga organisasyong ito. At marami ang mayroong politikal na mga agenda na nakikipaglaban sa agenda ng ating kaharian. Galit sila sa mga institusyong ito dahil nilalabanan ng mga Kristiyano ang panloob na layunin ng sanlibutang ito, kaya ito ang nagdadala sa mga tao na magsabi at gumawa ng mga mapangahas na mga bagay. Kaya maging handa tayo. Madalas na inaatake ng mga oposisyon ang mga taong gumagawa ng mabuti.

1 Pedro 4:12-19
“12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Kristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang Kanyang kadakilaan. 14 Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Kristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Kristiyano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Kristo. 17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad ng sinasabi ng kasulatan, “Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas, ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?” 19 Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako.”

            Sa talata 19-20 makikita natin kung ano ang nangyari sa mga apostol. Sa talata 20 nakita natin na may dumating na anghel at binuksan ang pinto at sinabi sa mga apostol na ipagpatuloy ang pangangaral sa mga templo. Medyo nakakatawa ang utos na ito dahil una sa lahat ito ang dahilan kung bakit sila nakakulong. Gayunpaman, bilang pagsunod, ang mga apostol ay patuloy na nag-alok sa mga tao ng ebanghelyo. Pinalaya sila ng Diyos sa pisikal para mapalaya ang iba sa espirituwal.

            Ngayon, ano ang nangyari pagkatapos ng himalang pagpapalaya? Sa talata 21-23 ang mga bantay ay nakita natin na ganito ang sinabi, “Meron kaming maganda at masamang balita. Ang magandang balita ay nakakandado parin ang pinto, at nanatili sa kanilang posisyon ang mga bantay, pero ang masamang balita wala sa loob ang mga nakakulong.” Kaya ng marinig ito ng mga punong pari sa talata 24 makikita natin na sila ay nabahala at hindi lubos maisip kung papaano sila nakalabas. Nang malaman na nila na ang mga dating nakakulong doon ay muling nakitang nangangaral sa templo nagbago na sila ng taktika at kinuha ang mga apostol ngunit hindi sila gumamit ng dahas dahil takot silang magalit ang mga tao.

            Inakusahan nila ang mga apostol sa hindi pagsunod sa utos nila na huwag nang mangaral sa pangalan ni Jesus. Sinabi din nila na dahil sa ginagawa nila ay pinagmumukha nilang masama ang konseho (tal. 28). Kung ilalagay natin ang sarili natin sa sitwasyon ng mga apostol ano ang gagawin natin o ano sa tingin nyo ang tugon nyo? Dito matutuwa tayo sa sagot ng mga apostol sa talata 29-32. Mas may takot sila sa Diyos kaysa sa sibil.

            Alam natin na ang Diyos ang nagtalaga sa mga nasa awtoridad, at ang pagsunod sa mga nasa awtoridad ay bahagi ng lakarin natin bilang Kristiyano. Kasama sa institusyon ng Diyos ang pamilya, simbahan, at estado. Si Pedro mismo ay nagsulat sa 1 Pedro 2:17, na “igalang ang Emperador.” Patuloy na tinuturo sa atin ng mga biblikal na manunulat na kailangan nating kilalanin na ang mga nasa awtoridad ay itinalaga ng Diyos. Kaya kailangan natin silang galangin. At kailangan nating magpasakop at sumunod sa mga nasa awtoridad, kung hindi sila sumasalungat sa Salita ng Diyos. Dahil higit sa lahat, dapat tayong mas sumunod kay Jesus.

            At dito nga sa Gawa 5 makikita natin na pinili ng mga apostol ang sumuway sa sibil dahil sa halatang dahilan: hindi nila pwedeng itigil ang pangangaral ng ebanghelyo. Gayunpaman, hindi tumugon ang mga apostol sa mga nasa awtoridad na may galit na salita o marahas na demonstrasyon. Simpleng nanatili lang sila sa pagpapahayag ng Mabuting Balita gaya ng nararapat bilang mga taga-sunod ni Kristo.

            Mapapansin din natin kay Pedro at sa iba pang apostol na lagi nilang ginagamit ang bawat pagkakataon para ipangaral ang Magandang Balita. Nakita nila na isang pagkakataon ang unang naging komprontahan nila sa konseho na ibahagi ang Magandang Balita. Ginamit nila ang pagkakataong iyon na ipaalala sa mga nakakarinig ang kamatayan ni Jesus, muling pagkabuhay, pagtaas, at kamangha-manghang gawa nito (tal. 31-32a). Pinaalala nila sa kanila na si Jesus ay dumating, at ang mga tao ay dapat magsisi at tanggapin ang kapatawaran. Sinabi nila na nakita nila si Jesus at ang Kanyang Espiritu ay nagpapatotoong kasama nila (tal. 32).

            Makikita talaga natin kung papaano balot ang kanilang buong pagkatao ni Jesus. Sinasamantala nila ang bawat pagkakataon na maipakilala si Jesus. Kaya tulad nila huwag din natin sayangin ang ating Sanhedrin moment. Kapag may isang tainga na ng taong nakikinig sayo – kahit na sa harap pa tayo ng pag-uusig – ibahagi natin ang katotohanan. Iyan lang ang ginagawa ng mga apostol. Hindi sila nagtakdang lumikha ng kaguluhan; nagtakda sila para gawin ang ministeryo. Kapag nagbigay ang Diyos sa atin ng mga pagkakataon para makapagpatotoo, gawin natin. Colosas 4:4-5, “4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat. 5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon.” Tandaan natin ang pangako ni Jesus kapag pinakilala natin Siya sa buong mundo, “Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mateo 28:20b). Tandaan din natin na ang ebanghelyo ay kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan. “Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16).            Sa talata 33-34 makikita natin ang grupo nila na nagngingitngit sa galit na nakatanggap ng isang magandang payo mula sa nangunguna na Pariseo na si Gamaliel. Ginamit niya dito yung tinatawag na pragmatic argument sa mga talata 35-39. Ito yung argumento na binibigyang katwiran yung isang aksyon para mangyari yung kanilang mga layunin, o yung mga hinahangad nila. Habang nahimok ang ilan sa karunungan ni Gamaliel, hindi nito napigilan ang mga pinuno ng relihiyon para patuloy na saktan ang mga apostol dahil sa talata 40 ito’y kanilang ipinahagupit.

            Ang mga Kristiyano ay humarap sa mga ganitong uri ng poot sa buong kasaysayan. Ang mga masasamang pinuno ay nag-uutos na saktan at pahirapan ang mga Kristiyano. Ito ay naging totoo mula sa mga lider na ito ng relihiyon, sa paghahari ni Nero, hanggang ngayon sa mga ISIS. Ngunit walang sinuman ang maaaring makapigil sa misyon ng Hari.

III. Gospel Ministry Energizes the Minister(s) (5:41-42).

“41 Nilisan ng mga apostol ang Sanedrin at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, nagpupunta sila sa Templo at sa mga bahay-bahay upang magturo at mangaral tungkol kay Jesus, ang Kristo.”

            Ngayon, paano tumugon ang mga apostol sa mga pagbabanta at sa paghagupit? Dalawang bagay ang nanangyari:

1. Sila ay nagpuri dahil minarapat na sila’y maghirap alang-alang sa pangalan ni Jesus.

2. Hindi sila tumigil sa pangangaral ng ebanghelyo.

            Kapansin-pansin na ang pag-uusig ang nagpalakas sa mga apostol. Sa atin po kaya? Ang ministeryo na ginawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu at nakatuon sa ebanghelyo ay nagdudulot ng kakaibang kagalakan at lakas sa taong naglilingkod. Bakit sinasabi ng mga Kristiyano na napunta sa ibang lugar para mahalin ang mga tao ay nasabi na mapalad? Bakit kapag natapos ang isang pag-uusap na nakasentro sa ebanghelyo, ay nagkakaroon ng pakiramdam na napapalakas ang espiritu? Ito ay dahil ang ministeryo ng ebanghelyo ay talagang naitataas tayo. Ang kasigasigan sa ministeryong nakasentro sa ebanghelyo ay nagpapasigla sa atin sa isang personal na antas, at madalas ay nauulat na napapalakas din ang iba sa loob ng iglesya.

            Ang mga tekstong ito ay mahalaga para maunawaan natin ang pag-aaral patungkol sa pagdurusa sa Bagong Tipan. May anim na mga magkakaugnay na aspeto ng gayong pagdurusa:

a. Si Jesus mismo ang nag-uugnay ng Kanyang pagdurusa sa ating pagdurusa. Ginawa Niya ito sa panimula sa pamamagitan ng pag-ugnay sa Kanyang krus sa ating pagpapasan sa krus. (Mateo 16:24-28; ikumpara sa Juan 15:18-25).

b. Ang pagdurusa para sa kapakanan ni Jesus ay nagpapakita na ang mundo ay masama.

c. Ang pagdurusang ito ay nag-uugnay sa atin sa mga tunay na mga mananampalataya sa buong panahon (Mateo 5:10-12).

d. Tinuro ni Pablo na ang paghihirap dahil sa ebanghelyo ay bahagi ng pagkatawag sa ating mga Kristiyano. “Dahil ipinagkaloob Niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa Kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Kristo." (Filipos 1:29).

e. Si Pablo ay nagpatuloy sa pagsabi na ang pagdurusa ay nakatali sa karanasan ng kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Kristo (Filipos 3:10-11).

f. Ang pagdurusa ng mga Kristiyano ay nakatali sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kung kailan ang pagdurusa ay nararanasan sa pagpapahayag ng ebanghelyo, ang nagbabahagi ay madalas nakakaranas ng malaking kagalakan. Pinapaalala sa atin ng Pahayag 12:11-12 ang Gawa 5. Ito ang sabi,

“11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at ng kanilang pagsaksi sa katotohanan sapagkat hindi nila pinanghinayangan ang kanilang buhay. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”

            Paano napagtagumpayan ng mga nasa talata ang galit ng masama? Sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at sa pamamagitan ng salita ng kanilang patotoo. Nilinis tayo ng dugo ni Kristo. May isang bagay pa na nilagay si Juan sa talatang ito na hindi natin dapat makaligtaan: Hindi nila pinanghinayangan ang kanilang buhay sa pagsaksi sa katotohanan. Lahat ng ito ay nakita natin sa Gawa 5.

            Naroon si Pedro nang magturo si Jesus tungkol sa pag-uusig sa Sermon sa Bundok. Nandoon din siya sa Caesarea Philippi nang magturo si Jesus tungkol sa pagkatawag Niya sa pagpasan ng sariling krus. Nandoon din siya ng sinabi ni Jesus ang Juan 15:20, “Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping nakakahigit kaysa sa kanyang panginoon. Kung Ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang Aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin.” At ngayon nga sa Gawa 5, nakita natin na nararanasan na nila Pedro at ng mga kasama niya ang mga tinuro ni Jesus sa kanila.

            Tunay na isang kaaliwan ang Gawa 5 sa mga naghihirap na iglesya sa North Korea, sa Somalia, sa Iraq, sa Sudan, sa China, at sa marami pang lugar na nananatiling sarado ngayon sa ebanghelyo. Dapat din itong maging isang malaking pagpapatibay-loob sa mga patuloy na nakakaranas ng pangungutya, iniiwasan, tinatakot, at ikinahihiya ng dahil sa pagpapatotoo kay Kristo. Kung nakita mo ang iyong sarili na nagdurusa bilang isang Kristiyano, magalak ka.

            Gusto mo ba ang tunay na Kristiyanong kagalakan? Sundan mo ang modelo ng aklat ng Gawa. Maging mahabagin sa nangangailangan. Maging matapang sa iyong Kristiyanong pagpapatotoo. Mapuno ka ng integridad, paggalang, at pagpapakumbaba sa harap ng mga tao. Makakaharap mo ang mga oposisyon, at mapupuno ka ng kagalakan – hindi lang ngayon kundi hanggang sa walang katapusan. Hindi mo pagsisisihan ang magdusa para sa pangalan ni Jesus.

            Mga kapatid, maaari tayong makatanggap ng pangbubuogbog ng may kagalakan dahil si Jesus ang tumanggap ng pinakamatinding pambubugbog para sa atin, maging ang pagbangon muli mula sa mga pataya ay para sa atin. Isang araw ang makapangyarihan ay katatakutan ang Kanyang nakakatakot na hustisya na ibubuhos Niya sa Kanyang mga kaaway. Kaya ihanay natin ang ating sarili sa Haring ito, at maaari ka ring magalak.

__________________________________________________

Discussion:

Pagbulayan:

1. Ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Jesus na “dukha sa 
espiritu”?

2. Bakit natin dapat asahan ang oposisyon kung tayo ay 
tapat sa ministeryo ng ebanghelyo at bakit hindi natin dapat ito katakutan?

3. Ano ang tinuturo sa atin ng ating pinag-aralan sa kung 
kailanan tayo dapat sumuway sa utos ng isang sibil o sa mga nasa awtoridad?

4. Bakit ang paggawa ng ministeryo ng ebanghelyo ay 
nakakapag dala ng kagalakan

Pagsasabuhay:

1. Ano ang mga panghahawakan mo na mga katotohanan sa 
pinag-aralan ngayon upang ikaw ay maging matapang na ibahagi ang Magandang Balita sa mga tao?

2. Sino sa tingin mo ang nais mong bahagian ng Magandang 
Balita at idisipulo?

Panalangin:
Ipanalangin na tulungan kang maisabuhay ang natutunan.

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...