Pastoral Ministry (How To Shepherd Biblically)
Introduction
Ang paglilingkod
sa iglesya ay isang napakalaking pribilehiyo. Wala na marahil na higit na
marangal o may higit na walang hanggang kahalagahan kaysa paglilingkod sa ating
Panginoong Jesu-Kritso sa Kanyang iglesya. Ang pribilehiyong ito rin ang
pinakaseryosong responsibilidad na maaaring gampanan ng isang tao. Ang pagtupad
sa pribilehiyong ito at pagtupad sa responsibilidad na ito ay nangangailangan
ng pag-unawa sa iglesya at sa mga ministeryo nito na tama ayon sa Salita ng
Diyos. Upang maunawaan ang mga isyu ng simbahan at maitatag ang pag-unawang
iyon bilang pundasyon para sa ministeryo, kailangan nating maunawaan ang ilang
pangunahing katotohanan:
1. Ang iglesya ang tanging institusyon na ipinangako ng ating Pagninoon na
itatayo at pagpapalain (Mateo 16:18).
2. Ang iglesya ay ang lugar ng patitipon ng mga tunay
na mananamba (Filipos 3:3).
3. Ang igesya ang pinakamahalagang pagtitipon sa lupa mula nang binili ito ni
Kristo ng Kanyang sariling dugo (Gawa 20:28; 1 Corinto 6:19; Efeso 5:25;
Colosas 1:20; 1 Pedro 1:18; Pahayag 1:5).
4. Ang iglesya ay ang makalupang pagpapahayag ng
makalangit na katotohanan (Mateo 6:10; 18:18).
5. Ang iglesya ay magtatagumpay sa huli sa buong mundo
at local (Mateo 16:18; Filipos 1:6).
6. Ang iglesya ay ang kaharian ng espirituwal na
pagsasama (Hebreo 10:22-25; 1 Juan 1:3, 6, 7).
7. Ang iglesya ang tagapagpahayag at tagapagtanggol ng banal na katotohanan (1
Timoteo 3:15; Tito 2:1, 15).
8. Ang iglesya ang pangunahing lugar para sa
espirituwal na pagpapatibay at paglago (Gawa 20:32; Efeso 4:11-16; 2 Timoteo
3:16, 17; 1 Pedro 2:1, 2; 2 Pedro 3:18).
9. Ang iglesya ang lunsaran para sa pandaigdigang
ebanghelisasyon (Marcos 16:15; Tito 2:11).
10. Ang iglesya ay ang kapaligiran kung saan ang
malakas na espirituwal na pamumuno ay umuunlad at nagmamature (2 Timoteo 2:2).
Ang
sampung bagay sa itaas ay tiyak kung bakit dapat nating mahalin at iaalay ang
ating buhay dito. Ang pag-unawa sa mga katotohanang iyon ay ang pundasyon ng
epektibong ministeryo. Naniniwala ako na ang susunod na henerasyon ng mga
iglesya ay magiging walang kapintasan kung ang mga espirituwal na mga
kalalakihan na namumuno sa mga iglesyang ito ay nakatuon sa mga katotohanang
ito. Nakakalungkot lang na lumalago ang kalakaran na makabuo ng magagaling na
mga lider na marunong mamahala ng negosyo o pangangalakal ngunit walang
pang-unawa sa iglesya na ayon sa pananaw ni Kristo. Ang kanilang istilo at
sangkap ng pamumuno ay makalupa, hindi biblikal at espirituwal.
Isa pang nakakalungkot na
dumarami ngayon ang mga lider sa iglesya na mas gustong maging negosyante,
media figure, entertainer, psychologist, philosophers, o pulitiko. Ang mga
pagnanais na iyon ay lubos na nalalayo sa kahulugan ng simbolismong ginamit ng
Kasulatan upang ilarawan ang mga espirituwal na lider.
Halimbawa
sa 2 Timoteo 2, gumamit si Pablo ng pitong magkakaibang metapora para ilarawan
kung ano ang pamumuno. Inilarawan ang ministro bilang isang guro (tal. 2),
isang kawal (tal. 3), isang atleta (tal. 5), isang magsasaka (tal. 6), isang
manggagawa (tal. 15), isang sisidlan (mtal. 20-21), at isang alipin (tal. 24).
Ang lahat ng mga imaheng ito ay pumupukaw ng mga ideya ng sakripisyo, paggawa,
paglilingkod, at paghihirap. Mahusay silang nagsasalita tungkol sa masalimuot
at iba’t ibang mga responsibilidad ng espirituwal na pamumuno. Wala ni isa sa
kanila ang ginagawang kaakit-akit ang pamumuno.
Iyon
ay dahil hindi ito dapat maging kaakit-akit. Ang pamumuno sa iglesya – hindi
lang ang tungkulin ng pastor, kundi ang bawat pamumuno sa iglesya – ay hindi
isang katayuan na parang gagawaran ng kapa ang mga mahaharlika sa iglesya.
Hindi ito nakukuha dahil lang sa katandaan, o dahil mayaman, o minamana dahil
sa ugnayan ng pamilya. Ito ay hindi nangangailangan na dapat ay tagumpay ka sa
negosyo o pananalapi. Hindi ito binibigay batay sa katalinuhan o talent na
meron ang isang tao. Ang kailangan dito ay ang mga taong walang kapintasan sa
kanilang pagkatao, mature sa espirituwal, at higit sa lahat, handang maglingkod
nang may pagpapakumbaba.
Ang
paboritong talinghaga ng ating Panginoon para sa sa espirituwal na pamumuno, na
madalas Niyang ginagamit upang ilarawan ang Kanyang sarili, ay yaong isang
pastol, isang taong nag-aalaga sa kawan ng Diyos. Ang bawat pinuno ng iglesya
ay isang pastol. Ang salitang pastor mismo ay nangangahulugang “pastol.” Ito ay
angkop na imahe. Ang isang pastol ay namumuno, nagpapakain, nag-aalaga,
umaaliw, nagwawasto, at nagpoprotekta; mga responsibilidad na nararapat sa
bawat lingkod ng iglesya.
Ang mga pastol ay walang
katayuan. Sa karamihan ng mga kultura, ang mga pastol ay nasa mababang antas sa
lipunan. Angkop iyan, dahil sinabi ng ating Panginoon, “ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay
maging tagapaglingkod” (Lucas 22:26).
Sa ilalim ng planong itinakda
ng Diyos para sa iglesya, ang pamumuno ay isang posisyon ng mapagkumbaba at
mapagmahal na lingkod. Ang pamumuno ng iglesya ay isang ministeryo, at hindi
pamamahala. Ang pagtawag sa mga itinalaga ng Diyos bilang mga pinuno ay hindi
tulad sa isang posisyon ng namamahala na mga mahaharlika kundi tulad ng mga hamak
na alipin, hindi tulad ng celebrity kundi bilang mga manggagawang
tagapaglingkod. Yaong mga mamumuno sa bayan ng Diyos ay dapat na higit sa lahat
ay magpakita ng sakripisyo, debosyon, pagpapasakop, at kababaan.
Si Jesus mismo ang nagbigay ng
huwaran nang Siya ay yumuko upang hugasan ang mga paa ng Kanyang mga disipulo,
isang gawain na karaniwang ginagawa ng pinakamababa sa mga alipin (Juan 13).
Kung gagawin iyon ng Panginoon ng sansinukob, walang pinuno ng simbahan ang may
karapatang isipin ang kanyang sarili bilang higit sa lahat.
Ang papastol ng mga hayop ay isang trabahong hindi
mahirap. Walang kolehiyo na nag-aalok ng graduate degree sa pagpapastol. Hindi
ganoon kahirap ang trabaho; kahit na ang isang aso ay maaaring matutong
bantayan ang isang kawan ng mga tupa. Noong panahon ng Bibliya, ang mga batang
lalaki—halimbawa, si David—ay nagpapastol ng mga tupa habang ang matatandang
lalaki ay gumagawa ng mga gawain na nangangailangan ng higit na kasanayan at
matyuridad.
Ganon
pa man ang pagpapastol ng isang espirituwal na kawan ay hindi ganon kadali. Ito
ay nangangailangan ng higit pa sa isang tunay na pastol ng tupa upang maging
isang espirituwal na pastol. Mataas ang mga pamantayan at mahirap tuparin ang
mga kinakailangan (1 Tim. 3:1–7). Hindi lahat ay maaaring matugunan ang mga
kwalipikasyon, at sa mga nakagagawa, kakaunti ang tila nangunguna sa gawain.
Ang espirituwal na pagpapastol ay nangangailangan ng isang makadiyos, likas na
matalino, maraming kayang gawin na may integridad. Gayunpaman, dapat niyang
panatilihin ang mapagpakumbabang pananaw at kilos ng isang batang pastol.
Kasama
ng napakalaking responsibilidad ng pamumuno sa kawan ng Diyos ang potensyal ito
man ay isang dakilang pagpapala o dakilang paghatol. Ang mabubuting pinuno ay
pinagpapala ng doble ( 1 Timoteo 5:17), at ang hindi mabubuting pinuno ay
parurusahan din ng doble (Tal. 20), dahil, “Ang
binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng
lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami” (Lucas 12:48). Sabi
sa Santiago 3:1, “Mga kapatid, huwag
maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit
kaysa iba.”
Ang
bilang o dami ng miyembro ng iglesya ay hindi sukatan ng espirituwal na
tagumpay. Ngunit marami din tayong makikitang mga tapat na iglesya ngayon na sobrang
biniyayaan ng Diyos na maraming miyembro dahil ang mga nakapaloob dito ay may
matibay na commitment sa biblikal na pamumuno at biblikal na ministeryo.
Kung
ikaw ay nagnanais na maging isang pastor o tagapanguna ng iglesya, o ikaw ay
isa ng pastor o lingkod na, dapat nating sikaping magkaroon ng pagnanais na
maimodelo at maipahayag ang pagkatawag ni Jesus sa pagdidisipulo: “Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at
hindi sumusunod sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. Ang nagsisikap
magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang
buhay alang-alang sa Akin ay magkakamit nito” (Mateo 10:38-39).
Tunay
na mahirap ang pagpapastor pero narito ang ilang dahilan kung bakit mo dapat
mahalin ang pagpapastor at ang gawain ng ministeryo.
1. Dahil ang
pangangaral ang pangunahing paraan ng tao na ginagamit ng Diyos upang ibigay
ang Kanyang biyaya. Inutusan ni apostol Pablo si Timoteo na, “ipangaral ang salita ng Diyos,” (2
Timoteo 4:2). Meron kang pribilehiyong ipahayag ang mensahe ng Diyos tuwing
Linggo sa Kanyang mga tao, isang mensahe ng biyaya, kung saan naliligtas ng
Diyos ang mga tao at nababago ang buhay.
2. Dahil
maaaring makapag-ubos ng oras sa pag-aaral at pakikipag-isa sa Diyos. May
mga nakikita ang mga tao sa atin sa publikong kongregasyon, ngunit may pribadong
panig sa atin na ang Diyos lamang ang nakakaalam. Ang oras na inilalaan natin
sa bawat linggo sa presensya ng Diyos ay isang mataas at banal na pribilehiyo.
3. Dahil may direktang
pananagutan ka sa Diyos para sa buhay ng mga taong ipinagkatiwala upang
pagpastulan. Bilang pastor-guro ng isang kongregasyon, mayroon tayong
relasyon sa mga pinagkatiwalang tao tulad ng sa isang pastol at sa kanyang mga
tupa. Binabantayan natin ang kanilang kaluluwa dahil tayo ang, “mananagot sa Diyos sa gawaing ito,”
(Hebreo 13:17).
4. Dahil may
pananagutan ka sa mga tao sa iglesya. Lahat ay lantad sa kanila: ang inyong
buhay at pamilya, ang inyong mga personal na kalakasan at kahinaan-lahat.
Pahalagahan nyo ang pananagutang iyon. Ito ay isang pagtuloy na paghihikayat sa
atin na patuloy na ipakita si Kristo sa lahat ng inyong mga sinasabi at
ginagawa.
5. Dahil sa
hamon ng pagbuo ng isang epektibong pangkat ng pamumuno mula sa mga taong
inilagay ng Diyos sa iglesya. Kapag ang isang tao ay nagsimula ng isang
negosyo, maaari siyang kumuha ng sinumang gusto niya. Isa pang bagay ang pagbuo
kasama ng mga taong tinawag ng Diyos, kakaunti sa kanila ang matatalino,
makapangyarihan, o marangal ayon sa mga pamantayan ng mundo (1 Corinto 1:26). Inihayag
ng Diyos ang kadakilaan ng Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapakita
na ang mga walang kwenta na tao sa paningin ng mundo ay Kanyang gagawin na pinakamahalagang
mapagkukunan.
6. Dahil ang
pastor ay nakayakap sa lahat ng pangyayari sa buhay. Makakabahagi ka sa
kagalakan ng mga magulang sa pagsilang ng kanilang anak, pati rin sa
pagdadalamati ng mga anak sa pagkamatay ng kanilang mga magulang. Makakatulong
ka sa pagdiriwang ng mga kasal; Kayo din ang nakakapagbigay ng aliw sa isang
libing. Makikita natin mula rito na parte ng buhay ng pastor ang mga minsang
hindi inaasahan na bahagi ng inyong pagkatawag. Ang isang hindi
kapani-paniwalang pakikipagsapalaran ay maaaring magsimula sa anumang naibigay
na sandali. Sa mga oras na iyon ang pastor ay lumalampas sa kanyang sermon
upang tumayo sa puwang para sa Diyos sa buhay ng Kanyang mga tao.
7. Dahil ang mga
gantimpala sa buhay na ito ay kahanga-hanga. Mararanasan mo ang mahalin,
pahalagahan, kailanganin, pagkatiwalaan, at hangaan – lahat ng ito ay resulta
ng pagiging instrumento ng Diyos sa espirituwal na pagpapaunlad sa Kanyang mga
tao. Alam mong ipinagdarasal ka nga mga pinagkatiwala sayo at may lubos na
pagmamalasakit sayo. Dahil sa mga ito, ay lubos mo itong ipasasalamat sa Diyos.
Ikararangal mong maging daluyan ng pagpapala kung saan ang biyaya ng Diyos,
pag-ibig ni Kristo, at kaaliwan ng Banal na Espiritu ay maaaring maging totoo
sa mga tao.
Ang panimulang aralin na ito na magpapatuloy ay para
sa mga taong nauunawaan at nagmamahal sa iglesya ng ating Panginoong Jesus na
nais paglingkuran ang kawan na may pagpapala at kapangyarihan sa pamamagitan ng
pagsasagawa ng ministeryo ayon sa Bibliya.