With Me In Paradise
“Isasama Kita ngayon sa Paraiso”
Scripture: Lucas 23:42
Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Warren Wiersbie na Jesus’ Seven Last Words
Intro:
Siguro lahat tayo gusto makasaksi ng isang himala gaya ng mga nababasa natin sa Bibliya. Makakita ng mga imposibleng bagay na nangyayari. Pero may himalang bagay na pwede nating madalas masaksihan, tila imposibleng bagay na mangyari pero nangyayari. Iyan ay ang masaksihan sa kung papaano ang isang makasalanan ay tumalikod sa sarili, nagsisi at nagtiwala at sumampalataya kay Jesus. Ang himala ay sa kung papaano nakita sa isang taong makasalanan na nagbago dahil sa pananampalataya kay Jesus. Minsan makakatuwang makinig sa patotoo ng iba kung paano sila nakakilala kay Jesus sa kamangha-manghang paraan. At isa sa mga ito na alam nating lahat ay ang pagkakakilala ni Saul kay Jesus sa aklat ng Gawa 9:1-8. Nakakita siya ng nakakasilaw na liwanag at nakarinig ng boses na hindi alam kung saan galing. Isa pang nakakamanghang pagsampalataya na mababasa natin sa Bibliya ay ang pagsampalataya ng isang magnanakaw na kasamang pinako ni Jesus sa krus. Basahin natin ang mga nangyari…
Lucas 23:35-43
35 Ang mga tao nama‟y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “iniligtas Niya ang iba; iligtas Niya ngayon ang Kanyang sarili kung Siya nga ang Kristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilait din Siya ng mga kawal. Nilapitan Siya ng isa at inalok ng maasim na alak. 37 kasabay ng ganitong panunuya, iligtas Mo ang iyong sarili.” 38 Isinulat nila sa Kanyang ulunan, “Ito ang Hari ng mga Judio, iligtas Mo ang iyong sarili.” 39 Tinuya rin Siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi Niya, “Hindi ba ikaw ang Kristo? Iligtas Mo ang Iyong sarili at pati na rin kami.” 40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad Niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari Ka na.” 43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso.”
Dito natin makikita ang pangalawa sa pitong huling salita ni Jesus sa krus, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso,” Lucas 23:42. Sa pangalawang salita Niya, hinarap Niya ang nagsising makasalanan at binigyan siya ng katiyakan ng kaligtasan. Titignan natin ang kagulatgulat na mga pangyayari dito.
I. Ang Kagulat-gulat na Sitwasyon
Kung titignan natin mapapansin natin ang kagulat-gulat na sitwasyon sa kalbaryo. Nang pinako nila si Jesus, nilagay Siya sa gitna ng dalawang magnanakaw. Pwede naman nilang pagsamahin o pagtabihin ang dalawa tapos si Jesus ay nakahiwalay. Pwede nating sabihin batay sa kung papaano mag-usap ang dalawang magnanakaw na ito na sila ay magkasamang gumawa ng pagnanakaw. Pero hindi nila ito pinagsama sa halip si Jesus ay nilagay sa kalagitnaan nila. Ito ay talagang nakakagulat na sitwasyon. Bakit ganoon ang pagkakalagay sa kanila?
A. Ito ay Katuparan ng Propesiya
Katulad ng nakita natin sa unang salita ni Jesus, nangyari ito para mangyari ang propesiya patungkol kay Kristo. Sabi sa Isaias 53:12, “sapagkat kusang-loob Niyang binigay ang sarili at nakibahagi sa parusa ng masasama.” Kaya makikita natin sa Marco 15:27, 28, “May dalawang tulisang kasabay Niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” Nagkataon lang ba ang ganong ayos? Ito ba ay dahil lang sa may nag desisyon na nakakataas sa kanila na ganon dapat ang ayos? Hindi. Kaya dito natin makikita na hindi lang ang mga tao ang gumagawa kaya naging ganon ang sitwasyon Niya, makikita natin na tunay na ang Diyos ang kumilos kaya naging ganon ang sitwasyon ni Jesus. Walang kamalaymalay ang mga tao na ginagawa nila ang plano ng Diyos at tinutupad ang nakalagay sa Lumang Tipan patungkol kay Kristo. Si Jesus ay binilang bilang isang makasalanan. Siya ay pinanganak para sa makasalanan. Sabi sa Mateo 1:21, “Magsisilang Siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas Niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Nabuhay Siya para sa makasalanan. Sabi sa Mateo 20:28, “Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang Kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Namatay Siya kasama nila, at namatay Siya para sa kanila. Muli, ang nakakagulat na sitwasyon nayon ay isang katuparan ng propesiya.
B. Ito ay Mabiyayang Pagtalaga ng Diyos
Meron pang nakakagulat na bagay na makikita natin sa sitwasyong ito. Si Jesus ay nasa kalagitnaan ng dalawang magnanakaw dahil may gagawin ang Diyos na mabiyayang pagtatalaga. Ang ibig sabihin ng salitang “pagtatalaga” ay “kaalaman sa simula pa lamang” o “nakita na bago pa mangyari.” Walang aksidente sa buhay ni Jesus, kundi pagtalaga lamang. Hindi aksidente na si Jesus ay nasa kalagitnaan ng dalawang magnanakaw. Ito ay pagkilos na mabiyayang pagtalaga ng Diyos. Dahil sa ganitong sitwasyon, malamang narinig nila ang unang salita at panalangin ni Jesus, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34). At maaaring ginamit ng Banal na Espiritu ang panalanging iyon para mangusap sa kanilang puso: “Ito ang Isang nagpatawad at dumalangin para mapawad ang iba.”
Pangalawa, dahil nasa gitna nila si Jesus maaaring nababasa din nila ang inilagay sa ulunan ni Jesus. Ang nakalagay dito ay, “Ito si Jesus na taga-Nazaret, ang hari ng mga Judio.” Nakasulat ito sa tatlong linggwahe. At marahil alam ng mga magnanakaw na ito ang dalawa sa tatlong saling salita na nakalagay dito. Alam nyo yung mga libreng babasahing minsang pinamimigay ng mga Kristiyano patungkol sa Mabuting Balita. Itong nakalagay sa ulunan ni Jesus marahil ang unang babasahin ng Magandang Balita na nagawa. Kaya ng mabasa nila ito, nakuha nila ang mensahe ng Magandang Balita. Alam nila na ang ibig sabihin ng Jesus ay Tagapagligtas. Nabasa rin nila na isa Siyang hari, na may kaharian.
Pangatlo, naririnig din nila na nilalait Siya. Narinig din nilang kinutya Siya ng mga sundalo na sinabi, “Kung Ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas Mo ang Iyong sarili” (Lucas 23:37). Pati ang pangungutya ng mga tao na, “Iniligtas Niya ang iba; iligtas Niya ngayon ang Kanyang sarili kung Siya nga Kristo na hinirang ng Diyos!” (Lucas 23:35). Dahil dito nalaman ng mga magnanakaw na ito na si Jesus ay nakapagpagaling ng iba at nagtuturo na Siya ang Hari na Tagapagligtas. Ang lahat ng ito ay ginamit ng Diyos para ang isa sa dalawang magnanakaw ay makaalam ng ilang bagay kay Jesus at sumampalataya sa Kanya. Ang mga tao at sundalo ay nilait si Jesus, at ang mga panlalait na ito ay ginamit ng Diyos para maligtas ang isa sa mga magnanakaw. Iyan ay tunay na nakakagulat na pagkilos ng Diyos.
Isa pa, marahil kapag nagkakatinginan ang dalawang magnanakaw na ito nakikita nila si Jesus at nakikita nila na may kakaiba kay Jesus. Ang Diyos hanggang ngayon ay patuloy na gumagawa sa nakakagulat na paraan para maligtas ang isang tao. Walang naligtas na isang aksidente. Ang pagliligtas ay trabaho ng Diyos at hindi ng tao. Ang Diyos ang gumagawa ng sitwasyon para tayo ay maligtas. At trabaho natin ang ibahagi ang Magandang Balitang ito. Tignan ang mga talatang ito:
2 Pedro 3:9
“Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa Kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa Niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa Niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi Niya nais na may mapahamak.”
1 Timoteo 2: 3, 4
“Ito ang mabuti at nakakalugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig Niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.”
II. Ang Kagulat-gulat na Daing
Mapapansin din natin ang kagulat-gulat na daing ng isang magnanakaw, “Jesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na,” (Lucas 23:42). Ang daing o ang panalanging ito ng magnanakaw ang isa sa tunay na nakakagulat na panalangin sa Bibliya. Tignan natin kung ano ang tinanggap at inamin niya.
Una, inamin niya na may takot siya sa Diyos. “Wala ka na bang takot sa Diyos?” (Lucas 23:40). Pangalawa, naniniwala siyang walang kasalanan si Jesus. “Ikaw ay pinaparusahan ding tulad Niya!” (Lucas 23:40) at “ngunit taong Ito'y walang ginawang masama” (Lucas 23:41). Pangatlo, inamin niya na siya ay makasalanan. “Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa” (Lucas 23:41). Pang-apat, naniniwala siya na meron pang buhay pagkatapos ng kamatayan “Jesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na.” (Lucas 23:42) Panglima, sumampalataya siyang si Jesus ay kanyang Hari at Taga-Pagligtas. “Jesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na.” (Lucas 23:42)
Nakakagulat din ang katapangang pinakita ng taong ito. Sino ang maglalakas ng loob na maniwala at manalangin kay Jesus ng kaligtasan kung maririnig mo na ang mga pari at mga pinuno ay nilalait si Jesus, ang mga tao ay taliwas sa Kanya, ang mga kawal ay pinagtatawanan Siya, at ang isa niyang kaibigang nakapako ay nakilait din kay Jesus. Malamang kung tayo sa sitwasyon nya mas pipiliin nating mas manahimik nalang at ayaw madamay. Ang katotohanan, maraming mga tao ang takot na ipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesus kasi natatakot sila sa sasabihin at iisipin ng mga tao. Tulad ng, “Ay nagbago na siya ng relihiyon,” “nako magagalit mga magulang ko.” Pero ngayon nakita natin ang katapangan ng taong ito. Binale-wala nya ang iisipin at sasabihin ng mga tao sa kanya dahil sa mga sinabi niya kay Jesus. Hindi siya natakot na maging siya ay pwedeng lalaitin gaya ng panglalait nila kay Jesus na maaaring makadagdag sa kahirapang nararanasan niya sa krus.
Marami sa atin marahil hindi mahihirapan na sumampalatay at maniwala kay Jesus kasi nakita natin si Jesus na Siya ay buhay at naghahari ngayon kasama ng Diyos. Pero itong magnanakaw na ito ay sumampalataya kahit na nakita niya si Jesus na tinakwil, inabuso, mahina at agaw buhay. Kayo ba maniniwala ba kayo na mayaman ang isang taong nakita nyo na butas-butas ang damit, marumi, at maraming sugat? Diba hindi? Pero itong magnanakaw na ito ay nakakagulat na naniwala at sumampalataya kay Jesus sa ganong ayos Niya at kakaunting nalalaman palang sa Kanya. Iyong iba nga maraming nalalaman kay Jesus ay hirap parin magkaroon ng pananampalataya sa Kanya gaya ng kwento ng mga disipulo ni Jesus sa bangka na natakot sa malakas na alon at hangin kahit na nasaksihan nila ang mga himalang ginawa Niya at narinig ang mga turo nito patungkol sa Kanya at sa Diyos.
III. Ang Kagulat-gulat na Pagliligtas
Isa pang nakakagulat na pangyayari dito na makikita natin ay ang pagliligtas. Sabi sa Lucas 19:10, “Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”Isa sa mga problema ng mga tao ngayon, hindi nila nakikita na sila ay naliligaw. Pero itong magnanakaw na ito, alam niya na siya ay naliligaw. Kaya bumaling siya kay Jesus at nagsabi, “Jesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na” (Lucas 23:42). At nakakagulat ang tugon ni Jesus, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso” (Lucas 23:43). Ano ang katangian ng kaligtasan na ito kung bakit ito nakakagulat?
A. Ito ay Lubos na Biyaya
Una sa lahat, ang lalaking ito ay hindi karapat-dapat maligtas, at inamin niya iyon. Sabi niya, “Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa” (Lucas 23:41). At itong kaligtasang natanggap niya ay tunay na lubos na biyaya. Pag sinabing biyaya ay natanggap mo ang isang bagay kahit hindi ka karapat-dapat. Halimbawa ang nabigyan ng mataas na parangal ang classmate mong buong taong hindi pumasok sa school- ito ay lubos na biyaya- hindi siya karapat-dapat sa parangal na iyon ngunit nakatanggap ng mataas na parangal.
Ang unang nilikha na sila Adan at Eba ay naging magnanakaw: Ninakaw nila ang prutas na pinagbabawal kainin at sumuway sa utos ng Diyos. Ngunit si Jesus ngayon ay humarap sa magnanakaw at sinabi, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso” (Lucas 23:43). Sa awa ng Diyos hindi Niya binigay ang nararapat na para sa atin - ang impyerno - dahil sa habag; at sa lubos na biyaya ng Diyos binigay sa atin ang hindi nararapat para sa atin - ang langit. Itong magnanakaw na ito ay walang ginawa para maligtas. May ilan kasi na nagsasabi at nagtuturo ngayon na para maligtas ka dapat kang umanib sa iglesya o samahan nila, o gawin mo daw ang sampung utos ng Diyos o gawin mo ito, gawin mo yan para maligtas. May paniniwala naman ang iba lalo na ngayong semana santa na dapat kailangan nilang magpapako sa krus, mag latigo ng likod, pahirapan ang sarili, saktan ang sarili tulad ni Jesus para maligtas. Pero ang lahat ng iyan ay kasinungalingan ni Satanas para hindi natin makita ang lubos na biyaya at kagandahang-loob ng Diyos sa krus.
Nakakagulat na ang isang mananakaw na ito sa krus ay naligtas kahit na hindi siya nakagawa ng mabuti, umanib sa isang relihiyon, o gawin ang anumang bagay na pinaniniwalaang daan sa tao para maligtas. Sabi sa Efeso 2:8-9, “8 Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligatasang ito‟y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; 9 hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya‟t walang dapat ipagmalaki ang sinuman.” At ang bunga ng pananampalataya ay mabuting gawa. Kaya hindi din natin pwede sabihin na ok lang na hindi na gumawa ng mabuti dahil sabi ni Santiago ang pananampalatayang walang-kalakip na gawa ay patay (Santiago 2:17).
B. Ito ay Tiyak at Sigurado
Ang kaligtasang ito ay hindi, “baka siya ay ligtas,” o “siguro siya ay ligtas.” Nakakagulat ang kaligtasang ito dahil sabi ni Jesus, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso,” (Lucas 23:43). Bakit siya nakatitiyak na siya ay ligtas? Dahil sinabi ni Jesus. Pero bakit tayo hindi natin narinig si Jesus na sinabi na ligtas tayo matapos nating magdesisyong sumampalataya sa Kanya? Pero tandaan natin na nasa atin ang Kanyang Salita- ang Bibliya! Parehas na Salita na meron tayo ngayon sa Bibliya na makakatiyak at makakasigurado tayo sa ating kaligtasan kung tayo ay magsisisi at sasampalataya kay Jesus.
C. Ito ay Personal
Isa pang nakakagulat dito ay sinabi ni Jesus ng personal sa lalaking ito ang lubos na biyaya sa kanya. “Sinasabi Ko sa iyo” (Lucas 23:43) Mula rito, makikita natin na mahal tayo ng Diyos personally. Iba yung saya pagsinabi ng Presidente na, “mahal ko si Pastor Arnel dyan sa Culion,” kaysa sabihin niya na, “mahal ko ang lahat ng taga-culion” Alam natin na sinabi ng Diyos sa Juan 3:16 na, “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.” Pero na unawaan ito ni Pablo at sinabi sa Galacia 2:20, “mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng Kanyang buhay para sa akin.” Personal na namatay si Jesus para sa atin. Hindi Niya tayo tinitignan na bahagi lamang ng mga naligtas. Sobrang mahalaga kay Jesus ang bawat sumasampalataya sa Kanya.
D. Ito ay Ngayon
Nakakagulat na ang kaligtasang iyon ay nakuha niya agad. “…isasama Kita ngayon sa Paraiso” (Lucas 23:43). Pansinin ninyo iyong sinabi ng magnanakaw, ang sabi niya, “Jesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na,” (Lucas 23:42). Ang paniniwala niya hindi pa niya agad makukuha ang kaligtasan, ito ay sa panahon na maghahari na si Jesus. Pero sabi ni Jesus, “ay hindi sa araw na iyon ikaw maliligtas, ngayon din ikaw ay ligtas na!” Hindi tayo paunti-unti maliligtas, o sa susunod na linggo pa, o sa susunod na taon pa. Sa oras na ikaw ay sumampalataya na kay Jesus, sa oras ding iyon ikaw ay ligtas na.
E. Ito ay Naka Sentro kay Jesus
Mapapansin natin na ito ay naka-sentro kay Jesus, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso” (Lucas 23:42). Ang kaligtasan ay hindi naka-sentro kay Moises, o sa pagtupad ng kautusan. Hindi ito nakasentro kay Juan Bautismo. Hindi ito naka-sentro kay Maria. Hindi ito naka-sentro kay pastor o sa isang simbahan. Ang kaligtasan ay nakasentro lamang kay Jesus. Itong magnanakaw na ito ay hindi humingi ng tulong para iligtas sa kasama niyang magnanakaw. Hindi siya humingi ng tulong sa mga kawal, o sa mga pari at mga pinuno. Hindi siya humingi ng tulong sa kahit sinong taong naroroon. Humingi lang siya ng tulong kay Jesus. Alam niya na walang makakapagligtas sa kanya ang kahit sino doon maliban kay Jesus. Lumapit na ba kayo kay Jesus at humingi ng kaligtasan?
F. Ito ay Dakila
Pansinin ninyo na ang kaligtasang ito ay dakila, “Sinasabi Ko sa iyo, isasama Kita ngayon sa Paraiso” (Lucas 23:42). Ang lahat ng tao sa panahon ni Jesus ay umaasa sa kahariang darating. Pero sabi ni Jesus na, “mas higit pa sa hinahangad ng tao ang ibibigay Ko sayo- ikaw ay isasama Ko sa paraiso na kung saan wala ng sakit, luha, lungkot at kamatayan.” Maaaring may mga magpipilosopo na sasabihin na gagayahin ko ang magnanakaw na lalapit ako kay Jesus pag mamamatay na ako, magpakasaya muna ako sa paggawa ng mali. Ang problema hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay.
Ngayon
na tayo dapat lumapit sa Diyos upang makamit natin ang kaligtasan.
Basta’t gawin natin ang ginawa ng magnanakaw.
…
Siya ay may takot sa Diyos.
…
Siya ay umamin na isa siyang makasalanan
...
Siya ay naniwala na si Jesus ay hindi nagkasala
…
Siya ay sumampalataya na si Jesus ang Kanyang hari at tanging tagapagligtas.
________________________________________________________________
Pondering the Principles
1.
Ano ano ang mga bagay at sitwasyon ang pwedeng gawin ng Diyos para
madala ang isang tao sa kaligtasan sa oras na maibahagi sa kanya ang
Magandang Balita? May mga bagay ba na ginamit ang Diyos para madala
ka sa kaligtasan? Masasabi ba na isang aksidente ang pagkaligtas ng
isang tao? Bakit? Ang pagliligtas ba ay trabaho ng tao? Bakit? Ano ang
trabaho ng mga mananampalataya sa Mabuting Balita?
2.
Ano ang mga maaaring nakakagulat na makikita sa isang taong sumasampalataya
kay Jesus? May mga kilala ka ba na nais mo na makita ang
mga nakakagulat at himalang bagay na ito sa kanila? Ano ang iyong gagawin?
Bakit may mga Kristiyano na kinahihiyang maipakita ang pananampalataya
nila kay Jesus? May pagkakataon ba sa buhay mo na nahihiya
ka na mapakita ang iyong pananampalataya? Sa anong pagkaktaon?
Bakit hindi tama na ikahiya si Kristo?
3.
Anong ibig sabihin na ang kaligtasan ay isang biyaya? Bakit hindi hinayaan
ng Diyos na ang kaligtasan ay sa pamamagitan din ng gawa? Ano
ang papel ng mga mabuting gawa sa buhay ng isang naligtas? Papaano
tayo makatitiyak sa ating kaligtasan? Dahil ang kaligtasan ay personal,
ano ang maibubunga ng katotohanang ito sa iyong buhay? Dahil
ang kaligtasan ay agad-agad sa mga taong sumampalataya, ano ang
maibubunga ng katotohanang ito sa iyong buhay? Ano ang ibig sabihin
na ang kaligtasan ay nakasentro kay Jesus? Bakit sa Kanya lang nakasentro
ang kaligtasan? Isang kasinungalingan ni satanas ang niyakap
ng marami na, “saka nalang ako magseseryoso sa mga pangrelihiyong
bagay kapag ako ay matanda na.” Kapansin-pansin na marami
ang naniwala sa kasinungalingang ito dahil mapapansin natin na
karamihan na nasa simbahan at aktibo ay mga matatanda at kakaunti ang
mga kabataan, kung meron man minsan iba ang pakay. Bakit hindi
natin dapat yakapin ang kasinungalingan ito?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento