Behold Thy Son!... Behold Thy Mother!
“Ina, ituring mo siyang sariling anak!... Ituring mo siyang iyong ina!”
Scripture: Juan 19:25-27
Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Warren Wiersbie na Jesus’ Seven Last Words
Intro:
Habang tinitignan natin ang mga Salita ni Jesus sa krus nakikita at nauunawaan natin ang dakilang pag-ibig ni Jesus sa Kanyang mga kaibigan. Sabi sa Juan 15:13, “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang kaibigan.” Hindi lang Siya namatay para sa Kanyang mga kaibigan, namatay din Siya maging sa Kanyang mga kaaway. Sabi sa Roma 5:8, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo‟y makasalanan pa.” Ngayon, tignan natin ang pangatlo sa huling pitong Salita ni Jesus sa krus sa…
Juan 19:25-27
25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang Kanyang ina at ang minamahal Niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi Niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!” 27 At sinabi Niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.
Sino ang alagad na ito? Juan siyempre ang tinutukoy dito na alagad na Kanyang minamahal, na nagsulat ng Mabuting Balita ayon kay Juan at nakasaksi ng mga ito. May mga sundalong malapit sa krus ni Jesus pero nandoon sila dahil sa sila ay may tungkulin. Nandoon din ang tatlong babae, kasama si Apostol Juan, hindi dahil sa sila ay may tungkulin, kundi dahil sa mahal nila si Jesus. Si Maria na ina ni Jesus ay nandoon; Si Maria Magdalena ay nandoon; ang asawa ni Cleopas na si Salome na kapatid ni Maria ay nandoon, at si Juan ay nandoon.
Madalas natin nababanggit o naririnig ang salitang, “malapit sa krus” Madalas sinasabi ng mga tagapagturo ng Salita na, “lumapit tayo sa krus” Pero ano ba ang ibig sabihin na, “malapit sa krus?” Hindi ibig sabihin nito na literal na posisyon kundi espirituwal na posisyon; ang pinag-uusapan natin ay ang espisyal na relasyon kay Jesus. Ang pangatlong salitang ito ni Jesus ang makakatulong sa atin para maunawaan natin ang ibig sabihin ng malapit sa krus. Kung meron mang makakasagot nito, marahil ang tatlong babae at si Juan na ang makakasagot sa kung ano ang ibig sabihin ng malapit sa krus. Ano ba ang ibig sabihin ng krus sa bawat-isa sa kanila
Magsimula tayo kay Maria Magdalena. Bagamat siya ang huling binanggit sa Juan 19:25, pero gusto kong magsimula tayo sa kanya. Kung makakalapit tayo sa kanya at tanungin, “para sayo ano ang ibig sabihin ng malapit sa krus ni Jesus?” Sa tingin ko sasabihin niya ay…
I. Ito ay Lugar ng Pagtubos
Sino ba si Maria Magdalena? Siya ay niligtas ni Jesus. May ilang mga nag aaral ng Bibliya na may kalituhan sa babaeng tinutukoy sa Lucas 7:36-50, na ito raw ay si Maria Magdalena. Dito iyung kwento na may isang babaeng lumapit kay Jesus habang siya ay naghahapunan sa paunlak ng isang pariseo, at pagkatapos ay nag buhos ng mamahaling pabango sa paanan ni Jesus ang babaeng ito. Itong babaeng ito ay si Maria Magdalena daw. Ito ay hindi totoo, dahil walang binanggit na pangalan dito sa babae. Si Maria Magdalena ay makikitang binanggit sa Lucas 8:2, na isang babaeng sinasapian ng pitong demonyo na pinaalis ni Jesus. Si Maria Magdalena ay hindi lamang nasa malapit sa krus ni Jesus, siya din ang pinaka maagang pumunta sa araw ng pagkabuhay ni Jesus doon sa libingan Niya. Si Maria Magdalena ay minsang naging alipin ni Satanas. Hindi ko lubos maisip ang pakiramdam na masapian ng pitong demonyo. Sa mga nakikita natin na isang demonyo palang parang sobrang hirap na hirap ang mga sinasapian. Hindi natin alam kung anong klase ang ginagawa ng pitong demonyong ito kay Maria Magdalena, pero makatitiyak tayo na grabeng hirap ang nararanasan niya.
Bago natin siya husgahan, alalahanin muna natin ang sinasabi sa Efeso 2:3, “Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa ating laman, at sumusunod sa masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya‟t kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.” Ang pwersa ng kasamaan ay patuloy na gumagawa sa buhay ng mga hindi sumasampalataya kay Jesus para kontrolin ang kanilang pag-iisip at puso. Hindi lang sa mga hindi mananampalataya sila maaaring magkaroon ng kontrol sa pag-iisip at puso maging sa puso at pag-iisip ng mga mananampalataya. Hindi man nila kayang pasukin ang mga mananampalataya dahil ang Espiritu ng Diyos ay nananahan na sa puso ng bawat mananampalataya pero kaya nilang kontrolin ang puso at pag-iisip natin. Papaano? Halimbawa nakokontrol nila tayong hindi sumunod at sumuway sa Diyos. Si Satanas ay gumagawa sa buhay ni Maria at siya ay niligtas ni Jesus mula sa kapangyarihan ng mga demonyo. Kung iisipin natin ang pagliligtas, maiisip natin ang sinasabi sa Gawa 26:18. Sinabi ito ng Diyos kay Pablo sa kung ano ang ministeryo ng Magandang Balita:
Gawa 26:18
“Isusugo kita sa mga taong iyon upang imulat ang kanilang mga mata, ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, iligtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa Akin, sila‟y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at sila‟y mapapabilang sa mga taong pinaging-banal ng Diyos.”
Kapag sumampalataya tayo kay Jesus tulad ng magnanakaw, magsisimula ang mga pagbabago sa ating buhay. Mula sa kadiliman tayo ay mapupunta sa liwanag. Mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa kapangyarihan ng Diyos. Mula sa kasalanan patungo sa kapatawaran. Ito ang ginawa ni Jesus kay Maria Magdalena. Ang himala ng pagtubos ni Jesus ay napakataas ng halaga. Nang niligtas ni Jesus si Maria Magdalena mula sa kapangyarihan ng masama, may halaga ito kay Jesus. At naging malinaw ito sa kanya nang masaksihan niya malapit sa krus ni Jesus at makita kung papaano binayaran ito ni Jesus. Sana nakita din natin ang nakita niya malapit sa krus na si Jesus ay namatay para tayo ay tubusin sa tiyak na kapahamakan sa impyerno. Para tayo ay maligtas mula kay Satanas, dapat maranasan ni Jesus na talikuran ng Diyos. Para tayo patawarin sa ating mga kasalanan, si Jesus ay dapat ituring na makasalanan. Para tayo ay maging mayaman sa lubos na biyaya, dapat si Jesus ang maging pinakamahirap sa mahirap. Kaya hindi kataka-taka kung bakit si Maria Magdalena ay nandoon malapit sa krus ni Jesus. Hindi kataka-taka kung bakit siya nandoon nang si Jesus ay nililibing. Hindi kataka-taka kung bakit siya ang unang pumunta sa araw ng pagkabuhay ni Jesus sa libingan. Dahil naranasan niya ang pagtubos ni Jesus. Sabi ni Maria, habang siya ay nakatayo sa krus ni Jesus, “Ang krus para sa akin ay lugar ng pagtubos.”
Sunod, na titignan natin ay ang kapatid ni Maria na si Salome. Si Salome ay kapatid ni Maria na ina nila Santiago at Juan, at asawa ni Zebedeo. Makikita nyo si Salome sa Mateo 20:20-28 na humiling ng trono kay Jesus para sa kanyang mga anak. Lumapit siya kay Jesus kasama ang kanyang dalawang anak at humiling kay Jesus para tiyakin ang trono para sa kanyang dalawang anak. Ang gusto pa niya yung trono sa kanan at sa kaliwa ni Jesus. Ibig sabihin yung pinakapalapit sa Kanya. Tinanong sila ni Jesus kung maiinom ba nila ang kopang iinumin Niya at sumagot sila na oo. Ang tinutukoy nya dito ay ang kopa ng paghihirap na mararanasan ni Jesus. Nangyari nga iyon kasi si Santiago ang unang martir na Apostol at si Juan naman ang huling Apostol na namatay at nakaranas ng matinding paghihirap bago umuwi sa piling ng Diyos. Ngayon, kung tatanungin natin si Salome kung para sa kanya ano ang ibig sabihin ng malapit sa krus? Siguro ang sasabihin niya ay…
II. Ito ay Lugar ng Pagtutuwid
Maaaring naging malinaw sa kanya ang lahat at sinasabi, “naririto ako ngayon nakatayo malapit sa krus ni Jesus at nasaway dahil ako ay naging makasarili.” Gusto niya kasing maitaas ang dalawa niyang anak. Naging malinaw sa kanya ang sinabi ni Jesus na hindi niya nalalaman ang kanyang hinihiling. Nakita niya na hindi sa trono kundi sa krus niya nakita si Jesus, at labis niya itong kinahihiya. Ang kanyang panalangin ay puno ng pagmamataas. Ang trono ay hindi basta basta binibigay lang, kailangan silang maging karapat-dapat. Walang trono kung walang krus; walang masusuot na korona kung hindi uminom sa kopa. Kahit si Jesus ay hindi nakabalik sa Kanyang trono maliban sa kaparaanan ng krus. At hindi tayo ligtas lahat doon, maging tayo ay makakaranas ng paghihirap kung mamumuhay tayong tulad ni Jesus. Sabi sa 1 Pedro 5:10, “Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na Siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang Siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong dimatitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa Kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama si Kristo.”
Kaya minsan maging maingat tayo sa kung tayo ay mananalangin. Iwasan natin ang mga makasariling panalangin at baka ito pa ang mag bibigay sa atin ng kabigatan. Kapag tayo ba ay nakalapit sa krus nakita ba natin kung ano ang kamalian natin sa Diyos, mga kasalanan natin sa Diyos? Nakita ba natin ang mga bagay na dapat tuwirin? Upang ito ay magtulak sa atin na magsisi at manglimos sa Kanya ng habag at awa? Para magtulak ito sa atin na hilingin sa Kanya ang kaligtasan? Muli ang lugar na malapit sa krus ay lugar ng pagtutuwid.
Ngayon tignan naman natin si Maria na ina ni Jesus at si Juan na mahal ni Jesus. Kung tatanungin natin si Maria na ina ni Jesus sa kung ano ang ibig sabihin ng malapit sa krus para sa kanya, ano kaya sasagutin niya? Marahil sasabihin niya na…
III. Ito ay Lugar ng Gantimpala
Nakakatuwang isipin na si Maria ay makikita sa umpisa ng aklat ni Juan at makikita din sa huli ng aklat niya. Makikita natin siya sa Juan 2 at sa Juan 19, pero ang dalawang ito ay may malaking pagkakaiba. Sa Juan 2, si Maria ay kasama ni Jesus na pumunta sa isang kasalan at naging bahagi ng kagalakan ng handaan. Sa Juan 19, siya naman ay naging bahagi ng kalungkutan sa libing. Sa Juan 2, si Jesus ay nag pakita ng Kanyang kapangyarihan ng ginawa Niyang masarap na alak ang tubig. Sa Juan 19, si Jesus ay namatay na mahina at nasa kahihiyan. Pwede namang iligtas ni Jesus ang sarili Niya sa paghihirap sa krus, kaya lang hindi Niya magagawa ang pagliligtas sa mga makasalanan. Pero hindi Niya ginawa, dahil dumating Siya hindi para iligtas ang Kanyang Sarili kundi para iligtas ang Kanyang mga tupa. Sa Juan 2, si Maria ay nag salita, pero sa Juan 19, siya ay tahimik. Nakaka-interes ang pananahimik niya; sakatunayan ito ay importante. Sa Juan 2, aasahan talaga natin na siya ay magsalita. Ayon kasi sa kultura nila kapag nagyaya ka sa handaan mo at naubusan ka ng alak babayaran mo sila. Kaya lumapit si Maria kay Jesus at sinabing naubos na ang alak nila. Pero dito sa Juan 19, si Maria ay tahimik. Alam nyo naniniwala ako na kung meron mang pwedeng magligtas kay Jesus na tao sa oras na iyon, ito ay walang iba kundi si Maria na Kanyang ina. Kasi pwede siyang lumapit sa mga sundalo at sabihin na, “ako ang ina Niya, kilala ko Siya ng lubos. Lahat ng sinabi Niya ay hindi totoo. Kaya pakawalan nyo na Siya.” Kung sasabihin lang ito ni Maria at magpatotoo baka maaari pa niyang maligtas si Jesus, pero siya ay tumahimik. Bakit? Kasi alam niya na totoo ang lahat ng sinabi ni Jesus. Ang pananahimik niya ay isang patotoo na si Jesus ay nagsasabi ng totoo.
Kung meron mang higit na makakakilala sa atin ito ay walang iba kundi ang ating ina. Pero para sa kanya ang krus ay isang gantimpala. Pero sa anong dahilan? Ito ay sa kadahilanang siya ay hindi binale-wala ni Jesus. Sa halip siya ay ginantimpalaan sa pamamagitan ng pagpapaubaya sa kanya kay Juan na Kanyang minamahal. Dapat kilalanin si Maria pero hindi dapat sambahin. Dahil si Maria ay hindi taga-pagligtas. Sa katunayan sabi ni Maria sa Lucas 1:47, “at ang aking espiritu‟y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas.” Dito kinikilala din niya na siya ay makasalanan na nangangailangan ng taga-pagligtas. Kinikilala niya si Jesus bilang kanyang tagapagligtas at naligtas tulad natin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus. Hindi sinabi ni Elisabet kay Maria sa Lucas 1:42, “Pinagpala ka ng higit sa mga babae,” kundi ang sinabi niya, “Pinagpala ka sa mga babae.” Kinikilala natin siya, dahil siya ay naghirap para madala ang Tagapagligtas sa salibutan, hindi dahil siya ay isa sa mga daan sa kaligtasan o may bahagi sa pagka-Diyos. Sinabi ni Simon sa kanya sa Lucas 2:35, “magdarnas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.” Naranasan ito ni Maria doon sa krus. Nang malaman niya na siya ay nagdadalang tao, nagsimula siyang makaranas ng paghihirap at kahihiyan. Siya ay naparatangan ng mali. Siya ay pinag-usapan. Siya ay naging asawa ni Jose na isang mahirap na karpentero, at namuhay na mahirap. Siya ay nanganak sa isang sabsaban. Tapos sila ay tumakbo at tumakas papuntang Bethlehem para iwasan ang espada, pero marami ang namatay na inosenteng bata dahil sa kanyang sanggol. Ano kaya ang nararamdaman ni Maria sa mga bagay na ito? Maaaring masaya siya dahil nailigtas niya ang sanggol sa tiyak na kamatayan, pero matinding kapighatian na parang patalim ang tinarak sa kanyang puso na malaman na maraming inosenteng sanggol ang namatay. Sa krus, si Maria ay labis na naghirap dahil si Jesus ay namatay. Naghirap siya sa kung papaano namatay si Jesus kasama ng mga tulisan. Naghirap siya sa kung saan namatay si Jesus - sa lugar na kita ng lahat. Tunay na napakatindi ng kapighatian na parang patalim ang tinarak sa kanyang puso. Pero nakita ito ni Jesus, at sinugurado Niya sa kanya na mahal Niya ito.
Maaaring katulad ni Maria ay may mga patalim ding nakatarak sa atin puso, pero gusto rin ipaalam sa atin ni Jesus na nakikita Niya tayo at gusto Niyang ipaalam na mahal Niya tayo. Sinabi ni Jesus sa kanya sa Juan 19:26, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!” Tinutukoy Niya dito si Juan. At sinabi naman Niya kay Juan, ”Ituring mo siyang iyong ina!” (Juan19:27). Anong ginawa ni Jesus? Bumuo Siya ng bagong relasyon. Ang gusto niyang sabihin kay Maria ay parang ganito, “Ako ay babalik na sa langit, ikaw at ako ay magkakaroon na ng bagong relasyon. Pero para magkaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso, para ikaw ay gumaling sa sakit na naramdaman mo sa iyong puso kung saan malalim na naitarak ang patalim, ibibigay Ko sayo si Juan.” Alam ni Jesus ang hirap na kanyang dinaranas at ginantimpalaan Niya ito sa pamamagitan ng pagbigay Niya kay Maria kay Juan na Kanyang pinili. Kaya sabi sa Juan 19:27, “Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.” Pinapakita nito na gagantimpalaan din ng Diyos ang mga naghihirap sa mga lumapit sa krus. Bibigyan Niya tayo ng mga bagong pamilya sa espirituwal na tutulong sa ating paglago. Maaaring mawalan ka ng mga kaibigan o mga mahal sa buhay dahil sa paglapit mo sa krus dahil ikaw ay tinakwil o kinapootan, kaya nagdulot sayo ito ng sakit sa iyong puso. Ngunit ito’y gagantimpalaan ng Diyos at ikaw ay bibigyan Niya ng mga bagong pamilya na makakasama mo sa pagsunod kay Jesus. Sabi ni Jesus sa Mateo 19:29, “Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga kapatid, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan.”
Panghuli na titignan natin ay si Juan. Para sa kanya ano kaya ang malapit sa krus? Marahil sasabihin niya na
IV. Ito ay Lugar ng Resposibilidad
Makikita natin kung paano parin naghari si Jesus sa krus. Siya ay may kontrol. Nakapagbigay Siya ng utos. Pinamamahala Niya ang Kanyang disipulo at ang Kanyang mahal. At inayos Niyang muli si Juan. Si Juan ay isa sa mga tumakas at umiwan kay Jesus na disipulo Niya. Pero bumalik siya. Ikaw at ako ay maaaring biguin si Jesus, iwanan at talikuran Siya o kahit na itanggi Siya sa iba pero pwede parin tayong bumalik sa Kanya.
Kailangan ni Juan ng matinding katapangan at pag-ibig para bumalik at lumapit kay Jesus sa krus. At hindi kataka-taka kung bakit siya ang nakasulat ng talata sa 1 Juan 1:9, “Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa ating kasalanan, sapagkat Siya‟y tapat at matuwid.” Hindi lang siya inayos kundi siya ay tinaas ni Jesus. Sabi Niya sa kanya, “Ikaw ang papalit sa Akin bilang anak ni Maria. Hindi na ako mananatili sa mundong ito para tumingin sa Aking ina. Ikaw ang mag-aalaga sa Aking ina, at ikaw ang kanyang magiging anak.” Ang nakakatuwa dito - hindi lang siya ang binigyan ng responsibilidad na palitan ang posisyon ni Jesus sa mundong ito, kundi lahat ng mga mananampalataya. Sabi Niya sa Juan 20:21, ”Kung paanong isinugo Ako ng Ama, isinusugo Ko rin kayo.” Kung ikaw ay tunay na sumampalataya kay Jesus, tayo ang kakatawan kay Jesus dito sa mundo. Kailangang mahalin ni Juan ang ina ni Jesus dahil siya ang kakatawan sa Kanya.Ganon din sa atin, kailangan nating mahalin ang iba dahil tayo ang kumakatawan kay Jesus na nagmahal sa mga tao kahit na sa mga makasalanan. Ano ang ibig sabihin na tayo ay kumatawan kay Kristo? Ibig sabihin dapat tayong mamuhay na tulad Niya, ginagawa ang mga ginagawa Niya.
Ang karanasan na maging malapit sa krus ay mangyayari kapag tayo ay nasa kalagitnaan na binabahaginan ng Salita ng Diyos patungkol sa Magandang Balita. Ang mensahe ng Magandang Balita ang nag dadala sa atin sa lugar na malapit sa krus. Doon maaari nating makita ng malinaw ang ginawang pagtubos ni Jesus sa mga makasalanan at naising ito ay maranasan. Doon maaari nating makita ng malinaw ang tunay nating kalagayan at ang mga hadlang para maging matuwid sa Diyos. Magtutulak ito para makita natin ang tunay na pangangailangan natin na matatagpuan lamang kay Kristo. Tatawag tayo sa Kanya at hihingin ang kaligtasan. Doon maaari nating maranasan ang sakit sa puso sa pagsunod kay Kristo, ngunit papalitan ito ng Diyos ng gantimpala. Doon maaari nating maranasan ang pagkakaroon ng direksyon sa buhay dahil alam mo ang tungkuling pinagkatiwala sayo. Magkakaroon ang bawat araw mo sa mundong ito ng dahilan para mabuhay dahil alam mo ang iyong bagong layunin. Nawa ay tunay namaranasan natin ang maging malapit sa krus.
________________________________________________________________
Pondering the Principles
1. Ano ang ibig sabihin ng pagiging malapit sa krus at kailan ito pwedeng maranasan? Saan tayo tinutubos ni Jesus? Dahil sa naranasang pagtubos ni Jesus kay Maria, hindi naging kataka-taka kung bakit lagi siya nandoon sa sa krus at nauuna sa libinga ni Jesus. Kung naranasan mo na ang pagtutubos ni Jesus, ano ang mga naidulot nito sa iyong damdamin sa Kanya at papaano mo ito na ipakita sa gawa?
2. Ano ang mga maling bagay ang alam mo patungkol kay Jesus na nabigyang linaw ng naunawaan mo ang Magang Balita? Ang tunay na Kristiyano ba ay maaaring makaligtas sa paghihirap sa pagsunod kay Jesus? Bakit? Ano ang dapat kong gawin para makaiwas sa kahirapan sa pagsunod kay Jesus? Masasabi ko bang ako’y tunay na Kristiyano kung gagawin ko ang mga bagay na iyan? Bakit? Ano ang nalalantad sa taong lumalapit sa krus? Papaano ito makakatulong para siya ay maligtas? Hindi tatawag ng tulong ang isang taong hindi niya alam na siya ay may problema.
3. Ano ang mga sakit sa puso ang maaaring maranasan ng mga taong lumalapit sa krus? May naranasan ka ba sa mga ito? Paki kwento. Tulad ni Maria na ina ni Jesus, anong gantimpala ang iyong natanggap nang ikaw sumampalataya kay Jesus? Maaari ba na ang isang bagong mananampalataya ay lumakad mag-isa sa Panginoon? Bakit mahalaga na siya ay may espirituwal na pamilyang nakakasama?
4. Ano ang dapat nating gawin kapag tayo ay nagkasala sa Diyos?Anong bagong tungkulin ang tinganggap natin kay Kristo? Papaano tayo makakapamuhay na tulad ni Jesus? Ok lang ba na ang isang nagsasabing siya ay kristiyano ay mananampalataya lang ngunit hindi tutugon sa tungkuling iniwan sa kanya ni Jesus? Bakit? Naniniwala ako na lahat tayo ay pinagkatiwalaan ng tao para tulungan itong mas makilala si Jesus, ito’y sa pamamagitan ng pagdidisipulo. Naniniwala akong ito’y inutos sa lahat (Mateo 28:19-20). Sino ang (mga) taong pinagkatiwala sayo para sila’y tulungang mamuhay din na katulad ni Jesus at maihanda na gawin din ang ginagawa mo? Kung wala, ito’y dahil hindi mo una naranasan ang madisipulo. Manalangin ka sa Diyos na ikaw ay pagkalooban ng magdidisipulo sayo upang ika’y maihanda na gawin ang tungkuling iniwan sayo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento