Ang unibersalismo o kaligtasan ng lahat ng tao (Universalism)
Ang unibersalismo ay ang paniniwala na ang lahat ng tao ay maliligtas. Napakaraming mga tao sa ngayon ang naniniwala na ang lahat ng tao anuman ang relihiyong kinaaaniban ay pupunta sa langit. Maaaring ang pagkatakot sa katuruan ng walang hanggang pagdurusa sa impiyerno ang dahilan upang hindi nila paniwalaan ang itinuturo ng Bibliya. Para sa iba, ito ay bunga ng sobrang pagbibigay diin sa pag-ibig at kahabagan ng Diyos habang hindi isinasa-alang-alang ang Kanyang katuwiran at katarungan na nagtulak sa kanila upang maniwala na ang Diyos ay mahahabag sa lahat ng kaluluwa. Ngunit ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo na may mga tao na gugugulin ang walang hanggan sa apoy ng impiyerno.
Una sa lahat, malinaw ang pagtuturo ng Bibliya na ang mga hindi natubos ng dugo ni Kristo ay parurusahan sa apoy ng impiyerno magpakailanman. Ang mga salita mismo ng Panginoong Hesu Kristo ang nagpapatunay dito. Sinabi Niya sa Mateo 25:46 "Itataboy ang mga ito (mga taong hindi tinubos) sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan." Ayon sa talatang ito, ang kaparusahan sa mga hindi nananampalataya ay magpakailanman katulad rin naman ng mga matuwid na makakasama ang Diyos sa langit magpakailanman. May ilang naniniwala na ang mga pupunta sa impiyerno ay maglalaho din sa huli ngunit ang Panginoon mismo ang nagsabi na ang paghihirap nila ay mananatili magpakailan pa man. Inilalarawan ng Mateo 25:41 at Marcos 9:44 ang impyerno na "walang hanggang apoy" at "apoy na hindi namamatay".
Paano maiiwasan ng isang tao ang apoy na hindi namamatay? Marami ang naniniwala na ang lahat ng daan - ang lahat ng relihiyon at paniniwala - ay magdadala sa tao sa langit. Mayroon na iniisip na dahil ang Diyos ay puspos ng habag at pag-ibig kaya ipapahintulot Niya ang lahat ng tao na pumasok sa langit. Ang Diyos ay totoong puspos ng pag-ibig at habag; ito ang mismo ang katangian na nagtulak sa Kanya upang isugo ang Kanyang Anak ang Panginoong Hesu Kristo sa mundo upang mamatay sa krus para sa mga makasalanan. Si Hesus ang nag-iisang daan na magdadala sa tao sa walang hanggang buhay sa langit. Sinabi sa Mga Gawa 4:12, "Kay Jesu-Cristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao." Sinabi naman ng 1 Timoteo 2:5, "Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus." Sa Juan 14:6, sinabi ni Hesus "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko". Ipinahayag ng Juan 3:16 "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Kung piliin ng isang tao na tanggihan ang Anak ng Diyos, hindi niyamakakamit ang kaligtasan (Juan 3; 16, 18, 36).
Sa maga talatang nabanggit, naging napakalinaw na ang unibersalismo o ang kaligtasan para sa lahat ng tao ay hindi itinuturo ng Bibliya. Tahasang sinasalungat ng unibersalismo ang itinuturo ng Bibliya. Habang maraming tao ang inaakusahan ang mga Kristiyano sa pagiging sarado at panatiko, mahalagang tandaan na ito ang itinuturo mismo ni Hesus. Hindi ginawa ng mga Kristiyano ang ganitong katuruan sa kanilang sarili. Pinaninindigan lamang ng mga Kristiyano ang itinuro sa kanila ng Panginoong Hesu kristo. Pinili ng mga tao na tanggihan ang mensahe ng Diyos sapagakat ayaw nilang harapin at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at aminin na nangangailangan sila ng Tagapagligtas. Ang sabihin na pupunta sa langit ang mga tumanggi sa probisyon ng Diyos sa kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak ay pagmamaliit sa kabanalan at katarungan ng Diyos at tinututulan ang pangangailangan ng tao kay Hesus at sa Kanyang ginawa sa Krus para sa kanilang ikaliligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento