Biyernes, Abril 22, 2022

Ang Anihilasyon (Annihilationism)

Ang Anihilasyon (Annihilationism) 


Ang anihilasyon ay ang paniniwala na ang mga hindi mananampalataya ay hindi makakaranas ng walang hanggang pagdurusa sa impiyerno sa halip ang kaluluwa nila ay ganap na maglalaho pagkatapos nilang mamatay. Para sa marami ang anihilasyon ng kaluluwa ay isang nakaka-engganyong katuruan dahil sa nakakatakot na ideya ng pagdurusa ng mga kaluluwa sa apoy ng impiyerno magpasawalang hanggan. Habang may mga talata na mukhang sumasang ayon sa paglalaho ng kaluluwa, ang isang malalim na pag-aaral ng Bibliya ay magpapatunay na ang kahahantungan ng masama ay sa walang hanggang kaparusahan sa apoy ng impiyerno. Ang paniniwala sa anihilasyon ng kaluluwa ay nag-ugat sa maling katuruan gaya ng sumusunod: 1) Ang kaparusahan sa kasalanan 2) ang katarungan ng Diyos at 3) ang kalikasan ng impiyerno.

Maraming maling pagkaunawa ang mga naniniwala sa katuruan ng anihilasyon sa kalikasan ng impiyerno. Hindi mapapasubalian na kung ang isang tao nga ay itapon sa lawang apoy ng naglalagablab na asupre, siya ay matutunaw sa isang iglap. Ngunit ang lawa ng apoy ay parehong pisikal at espiritwal na lugar. Hindi simpleng katawan ng tao ang itatapon sa lawang apoy kundi ang katawan, kaluluwa at espiritu. Ang espirtwal na kalikasan ng tao ay hindi kayang tunawin ng apoy. Sa Pahayag 20:13 at Mga Gawa 24:15, ang mga hindi ligtas ay bibigyan ng katawan na sadyang inihanda upang magdusa sa impiyerno. Ang mga katawang ito ay sadyang ginawa para sa walang hanggang apoy ng pagdurusa.

Hindi rin nauunawaan ng mga naniniwala sa paglalaho ng kaluluwa ang katuruan tungkol sa walang hanggan. Tama ang pang-unawa nila na ang wikang Griyego na "aionion" na karaniwang isinasalin sa tagalog na "eternal" ay hindi laging "walang hanggan" ang kahulugan. Minsan, ito ay tumutukoy sa isang panahon o partikular na haba ng panahon. Gayunman, malinaw ang kahulugan ng "aionion" sa bagong Tipan ay "isang walang hanggang panahon na magtatagal magpakailanman." Sinasabi sa aklat ng Pahayag 20:10 na ang halimaw, si satanas ang mga bulaang propeta ay itatapon sa lawang apoy at doon ay parurusahan araw at gabi magpakailan man. Ang tatlong nabanggit ay hindi maglalaho sa pamamagitan ng pagtatapon sa kanila sa apoy sa halip, sinabi sa talata na sila ay magdurusa doon ng walang katapusan araw at gabi.

Ang magiging hantungan ng mga hindi mananampalataya ay sa gayunding kaparusahan (Pahayag 20:14-15). Ang pinakamatibay na ebidensya sa pagiging walang hanggan ng impyerno ay matatagpuan sa Mateo 25:45-46. Sinabi dito ni
Hesus "Kung magkagayo'y sila'y sasagutin Niya, na sasabihin, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa Akin. At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay." Sa mga talatang ito, parehong iisang wikang Griyego ang ginamit upang ilarawan ang huling hantungan ng mga masama at matuwid. Kung ang masasama ay pahihirapan lamang sa loob ng itinakdang panahon pagkatapos ay paglalahuin ng Diyos, kung gayon magiging panandalian din lang ang buhay na mararanasan ng mga mananampalataya sa langit. Kung ang mga mananampalataya ay mabubuhay ng magpakailanaman sa langit, gayundin naman, ang mga hindi mananampalataya ay mabubuhay magpakailanman sa impyerno.

Ang isa pang madalas na argumento na ginagamit ng mga naniniwala sa anihilasyon ay ang kanilang maling pang-unawa sa pag-ibig at hustisya ng Diyos. Sinasabi nila na magiging walang katarungan ang Diyos kung parurusahan Niya ng walang hanggan ang mga makasalanan sa impyerno dahil sa kanilang panandaliang kasalanan dito sa lupa. Paano Siya magiging makatarungan kung ang isang tao na naging makasalanan lamang ng 70 taon ay parurusahan magpakailanman sa apoy? Ang kasagutan ay ito: ang ating kasalanan sa Diyos ay may walang hanggang konsekwensya dahil ito'y ginawa laban sa walang hanggang Diyos. Nang matanto ni David na siya ay nagkasala ng pangangalunya at pagpatay, sinabi niya,
"Laban sa Iyo, sa Iyo lamang ako nagkasala, At nakagawa ng kasamaan sa Iyong paningin: Upang Ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita Ka, At maging malinis pag humahatol Ka" (Mga Awit 51:4). Nagkasala si David laban kay Batsheba at kay Urias, paano niya nasabi na sa Diyos lamang siya nagkasala? Nauunwaan ni David na ang lahat ng kasalanan ay kasalanan laban sa Diyos. Ang Diyos ay walang hanggan, dahil dito ang lahat ng kasalanan laban sa Kanya ay karapatdapat sa walang hanggang pagpaparusa. Hindi ang haba ng panahon ng pagkakasala ang sukatan kung bakit parurusahan ang makasalanan ng walang hanggan kundi ang karakter ng Diyos na kanyang pinagkasalahan.

Ang isang personal na pangangatwiran ng mga naniniwala sa anihilismo ay ang ideya na maaring hindi tayo magiging maligaya sa langit kung alam nating nagdurusa ang ating hindi mananampalatayang mga mahal sa buhay sa apoy ng impiyerno. Ngunit ang hindi nila alam, pagdating natin ng langit walang magiging dahilan upang tayo ay magreklamo o malungkot. Sinabi sa Pahayag 21:4
"At papahirin Niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na." Papawiin ng Diyos ang mga luha sa ating mga mata. Wala na roong kamatayan, pagdurusa, pagluha, kalumbayan o sakit. Ang lahat ng mga bagay ay nagsilipas na. Kung ang ating mga mahal sa buhay ay wala sa langit, hindi sila talaga karapatdapat roon sapagkat sila ay pinarurusahan sa impyerno dahil sa kanilang pagtanggi sa Panginoong Hesukristo (Juan 3:16; 14:6). Bibigyan tayo ng Diyos ng makalangit na pag-iisip hindi lamang ng makalangit na katawan kaya't ang hindi nila pagpunta sa langit ay hindi makakaapekto sa ating kaligayahan. Ang ating buong atensyon ngayon habang narito pa sa lupa ay hindi dapat kung paano tayo magiging masaya sa langit kundi kung paano natin maaakay ang ating mga mahal sa buhay sa pananampalataya sa ating Panginoong Hesu Kristo ng sa gayon ay makasama natin sila sa langit magpakailanman.

Ang impyerno ang pangunahing dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos Ama ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo upang bayaran ang ating mga kasalanan. Hindi ang paglalaho ng kaluluwa ang dapat katakutan kundi ang pagdurusa sa apoy ng impyerno magpakailanman. Ang kamatayan ni Hesus ay ang tanging paraan upang mabayaran ang walang hanggang kaparusahan na naghihintay sa makasalanan. Namatay Siya para sa makasalanan upang hindi na magbayad ang makasalanan ng walang hanggan sa apoy ng impiyerno (2 Corinto 5:21). Kung ilalagak natin ang ating pagtitiwala sa ginawa ni Hesus sa Krus, tayo ay Kanyang ililigtas, patatawarin, lilinisin at bibigyan ng karapatan sa Kanyang ipinangakong buhay na walang hanggan sa langit. Ngunit kung ating tatanggihan ang biyaya ng buhay na walang hanggan, haharapin nating walang pagsala ang walang hanggang kaparusahan sa impiyerno.

(Mula sa gotquetions.org)

1 komento:

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...