Huwebes, Abril 21, 2022

Pakikipaglaban Para sa Pagsasamang Mag-asawa - "Sa Hirap man at Ginahawa" (2 of 7)

Pakikipaglaban Para sa Pagsasamang Mag-asawa (2 of 7)

Sa Hirap man at Ginahawa
Basahin: Efeso 5:21-33
Mula kay Pastor Arnel Pinasas

Kapag ang magkasintahan ay nangako ng pag-ibig sa isa’t isa ng “Sa hirap man at ginhawa,” karamihan ay hindi magkakaroon ng “sa hirap” na level ng trahedya na nangyari sa amin ng aking asawa. Ang kwento ng aming pagsasama ay nagpapaalala sa amin na sa bawat magkasintahan o mag-asawa ay maaaring manatiling matatag sa anumang bagyo kung sila ay magtitiwala sa Diyos at ipaglalaban ang isa’t isa at hindi laban sa isa’t isa.

Maaaring masasabi mo sa akin na, “hindi mo alam ang pinagdadaanan namin,” at totoo ito. Dumating din sa punto ng pagsasama namin na talagang naisip namin sa isa’t isa na wala ng pag-asa. Marami ring sinubukang kausapin kami para magkaayos ngunit walang nangyari. Ngunit bago ko tuluyang sukuan ang kung ano ang meron sa amin ay binaling ko ang sarili ko muli sa pagmamahal ni Jesus sa akin na nahayag sa krus. Natulungan ako nito na makita muli ang ginawa Niya sa akin – ang napakalaking pagmamahal Niya sa akin na nahayag sa pagpapatawad Niya sa lahat ng kasalanang aking ginawa. Napaalalahanan ako sa tungkulin ko sa aking asawa na mahalin Siya ng tulad ng pagmamahal na pinakita at pinaranas Niya sa akin.

Nakatagpo kami ng labis na kaaliwan sa katotohanan na alam naming ang ating Diyos ay hindi malayo sa amin sa mga panahon ng sakit at dalamhati. Alam Niya ang aming paghihirap. Kasama namin Siya sa mga pasakit, at ang Kanyang pag-ibig ay may kapangyarihang dalhin kami sa pagpapatawad sa isa’t isa at akayin kami sa gitna ng unos.

Dalangin namin na hindi maranasan ng marami ang nangyari sa aming pagsasama, pero kung aabot sa punto at level na tila pakiramdam nyo ay wala ng pag-asa ang hirap na inyong nararanasan sa inyong pagsasama alalahanin nyo na ang bawat desisyon na inyong gagawin ay huhulma sa kinabukasan ng inyong pagsasama. Kung ang pinili mong desisyon ay daan ng galit, matutukso kang itulak ang asawa mo palayo sayo. Maaari ka ring matuksong itulak ang Diyos palayo sayo, dahil sisisihin mo Siya sa sakit na nararanasan mo. Ang landas ng kapaitan (bitterness) ay maaaring makaramdam ng pagpapalaya sa simula, ngunit ito ay magiging isang bitag sa huli. Ang kapaitan at pag-ibig ay hindi maaaring mabuhay nang magkasama sa isang pagsasama; bawat araw ikaw at ang iyong asawa ay dapat magpasya kung alin ang mananatili.

Ang landas ng pag-ibig ay isang daan patungo sa kagalingan. Ito ang isang daan kung saan pinili mong magtiwala sa Diyos kahit na hindi mo naiintindihan ang nangyayari. Ito ay isang daan kung saan handa kang gamitin ang iyong sariling sakit bilang isang paraan upang matulungan ang iba na makahanap ng kagalingan, na sa huli ay tutulong sa iyo na makahanap ng kagalingan sa iyong puso at sa inyong pagsasama.

Ang landas na ito ng pag-ibig at pagpapagaling ay ang pinili naming landas ng aking asawa. Patuloy namin ipinagdiriwang ang aming pagsasama at ibinabahagi sa iba ang aming kwento bilang isang paraan upang magbigay ng lakas at pag-asa sa mga tao na aming nakakasalamuha.

Muli, tandaan na malalampasan mo ang anumang unos sa inyong pagsasama kung pipiliin mong harapin ito nang may pananampalataya sa Diyos at buong pakikipag-isa sa iyong asawa. Mahalin ang isa’t isa. Galangin ang isa’t isa. Ipagdasal ang isa’t isa. Harapin ang bawat pakikipagbaka nang magkahawak-kamay at magkasama. Dalhin ang mga pasanin ng bawat isa. Malalampasan nyo ito nang magkasama, dahil dadalhin kayo ng Diyos at hinding-hindi Siya aalis sa tabi nyo.

1 komento:

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...