Why Hast Thou Forsaken Me?
“Diyos ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”
Scripture: Mateo 27:45-49
Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Warren Wiersbie na Jesus’ Seven Last Words
Intro:
Iyong unang tatlong Salita ay hindi nakakapagtaka. Kung alalahanin ninyo yung unang sinabi ni Jesus na pinag-aralan natin ay, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34). Nakita natin sa mga unang nangyari sa buhay Niya na nagtuturo Siya patungkol sa pagpapatawad at dumating Siya para tayo ay mapatawad; kaya hindi na tayo magugulat sa mga salitang ito. Noong nag salita Siya sa isang magnanakaw, “isasama Kita ngayon sa Paraiso” (Lucas 23:43). Inaasahan din natin ito dahil dumating Siya dito upang tayo ay mapatawad at balang araw ay mapunta sa langit. Nang kinausap ni Jesus si Maria na Kanyang ina at si Apostol Juan, hindi natin ito ikakagulat. Alam natin ang ating Panginoon ay buong pusong sumunod sa kautusan. Ang ikalimang utos ay nagtuturo sa atin na igalang ang ating mga magulang, at ginawa ito ni Jesus. Kaya muli, ang unang tatlong Salita ni Jesus ay hindi natin ikakagulat. Ito ay mga salitang aasahan natin base sa mga unang nasabi patungkol sa Kanya bago Siya ipako sa krus. Ngunit ang ikaapat na sinabi ni Jesus ay magdadala sa atin sa isang misteryo.
Mateo 27:45-49
45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang mag-aalis tres nang hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabacthani?” na ang ibig sabihi‟y “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” 47 Ito‟y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya‟t sinabi nila, “Tinatawag Niya si Elias!” 48 May isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. 49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas Siya!”
Naalala ko na hindi ko maintindihan ito dati. Napakamisteryo sa akin ang talatang ito. Tigtignan natin ang mga misteryo sa mga talatang ito. May tatlong misteryo ang makikita natin dito sa krus. At kung maiintindihan natin itong mga misteryong ito, sa tingin ko mas maiintindihan natin kung ano ang ginawa ni Jesus para sa atin. Una nating tignan ang…
I. Ang Dakilang Misteryo - Ang Pagdilim sa Paligid ng Krus
Magsimula tayo sa dakilang misteryo – Ang pagdilim sa paligid ng krus
“Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain” (tal. 45).
Itong kadiliman na ito ay hindi pangkaraniwan. Hindi ito bagyo ng buhangin, hindi din eclipse (Kadalasan walang eclipse sa panahon ng pagdiriwang ng Paskwa.) Itong kadiliman na ito ay hindi katulad ng kung anong iniisip ng mga tao. Ito ay hindi pangkaraniwang kadiliman na pinadala ng Diyos. Anong klaseng kadiliman ito? Bakit ito nangyari? May tatlong bagay na maaaring sagot tayong makikita sa tanong na ito.
A. Ang Kadiliman ng Pakikiramay
Una, sa tingin ko ito ay kadiliman ng Pakikiramay. Ang manlilikha ay mamamatay na sa krus, at lahat ng nilalang ay nagdurusa para sa manlilikha. Alam nyo ba noong nag kasala si Adan at Eba ang lahat ng nilikha ay naapektohan. Noong una bago sila mag kasala ay lahat ng nilikha ng Panginoon ay perpekto - walang lindol, bagyo, kidlat; walang nakakalason na mga halaman, bunga; walang mababangis na mga hayop. Ngunit nang sila ay nag kasala ang lahat ng ito ay pumasok sa nilikha ng Diyos. Bagama’t pinatawad sila ng Diyos sa kanilang mga kasalanan ay hindi sila nakatakas sa kaparusahan ng kanilang ginawang kasalanan. Ang pagkain nila Adan ay mula sa kanyang pawis. Ang babae naman ay mahihirapan sa panganganak. Pumasok din ang kamatayan sa pangkatawang lupa natin. Ito ay dahil sa pagsuway ng tao.
Pero alam ninyo ang lahat ng nilikha ng Diyos ay sumusunod sa Kanya maliban sa tao. Sinasabi ng Diyos kung saan ang ulan ay babagsak, at ito ay sumusunod. Sinasabi ng Diyos Kung saan ang hangin, bubuga, at ito ay sumusunod. Sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang gagawin, at ito ay hindi sumunod. Pero nadamay ang lahat ng nilikha dahil sa kasalanan ng tao. Sabi sa Roma 8:19-22, “19 Sapagkat nanabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang Kanyang mga anak. 20 Nabigo ang sanilikhang hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin Siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo‟y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak.” Sabi dito na ang lahat ng nilikha ay dumaraing sa matinding hirap. Bakit? Dahil sa paghinhintay sa pagdating ng naglikha na magpapalaya sa kanila. Kaya sa tingin ko na itong kadiliman na ito ay ang isang pakikiramay. Ang lahat ng nilikha ay nag nakikiramay sa lumikha. Naalala ko yung mga pagkakataon na umuulan kapag may nililibing - sinasabi natin na nakikiramay ang ulap.
B. Ang Kadiliman ng Kataimtiman
Pangalawa, sa tingin ko na itong kadiliman na ito sa krus ay kadiliman ng kataimtiman. Si Jesus na makatarungan ay namatay para sa mga di makatarungan. Ang inosenteng Kordero ng Diyos ay namatay para sa mga makasalanan. Naalala ko sa Aklat ng Exodo na nag karoon din doon ng dakilang kadiliman. Ang pang siyam na salot na pinadala ng Diyos sa Egipto ay tatlong araw na kadiliman. Nagkaroon ng kadiliman sa buong Egipto bago ang pinaka huling paghatol ng Paskwa - ang pagkamatay ng lahat ng mga panganay. Ganun din sa ating Panginoong Jesus nag karoon naman ng tatlong oras na kadiliman. At ito ay marahil tumutukoy din sa huling paghatol na mangyayari sa mundong ito at sa pinuno ng mundong ito para sa ikaliligtas natin sa umaalipin sa atin. Sabi sa Juan 12:31-32, “31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung Ako’y maitaas na, ilalapit Ko sa Akin ang lahat ng tao.” Ang kamatayan ng ating Panginoon sa krus ay isang taimtim, at seryosong banal na pangyayari.
C. Ang Kadiliman ng Pagiging lihim
Ang pangatlo ay Ang Kadiliman ng Pagiging lihim. Sa tatlong oras na kadiliman si Jesus ay gumawa ng isang dakilang bagay na Siya lamang ang makakagawa. Kung maaalala ninyo sa panahon ng Araw ng Pagbabayad-sala (Day of Atonement), kapag ang dakilang pari ay pumasok sa tabernakulo, pumupunta siya doon ng mag-isa. Haharap siya sa Diyos ng mag-isa para sa pangangasiwa at walang nakaka-alam ng mga kaganapan doon. Noong si Jesus naman ay nasa krus habang nasa tatlong oras ng kadiliman, si Jesus ay may pinangasiwaang pang walang-hanggan sa Ama na Sila lang din ang nakakaalam.
Natapos Niya ang trabaho na sa Kanya ay pinapagawa. Sabi sa Juan 17:4, “Inihayag Ko sa lupa ang Iyong karangalan; natapos Ko na ang ipinaagawa Mo sa Akin.”Ano itong trabaho na iyon? Ang trabaho ng pagliligtas, at tanging Siya lang ang makakagawa noon.
II. Ang Dakilang Misteryo – Ang kalungkutan sa Krus
Pero meron pang mas Dakilang Misteryo – Ang kalungkutan sa Krus. Nakita natin iyong kalungkutan ni Jesus sa huling oras Niya sa mundong ito. Siya ay naiwang mag-isa. Iniwan Siya ng mga tao, ngunit hindi Siya iniwan ng Ama. Sabi sa Juan 8:29, “At kasama Ko ang nagsugo sa Akin at hindi Niya Ako iniiwan, sapagkat lagi Kong ginagawa ang kalugudlugod sa Kanya.” at sa Juan 16:32, “Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwanan ninyo Ako. Gayunman, hindi Ako tunay na nag-iisa sapagkat kasama Ko ang Ama.”
Pero sa krus sinabi ni Jesus na iniwan Siya ng Diyos. Bakit Siya nag-iisa? Bakit tinalikuran Siya ng Ama? Ito ang dulot ng kasalanan - ang paghiwalay. Sabi sa Habakuk 1:13, “Napakabanal ng Iyong paningin upang masdan ang kasamaan.” Ang kasalanan ang magpapahiwalay sa atin sa Diyos. Pero tandaan natin na tunay na hindi tayo iniwan ng Diyos. May mga pag-kakataon na tila pinabayaan ka ng Diyos, pero tandaan mo na kailanman hindi ka pababayaan ng Diyos. Kapag pinabayaan tayo ng Diyos patay tayo. Sabi sa Gawa 15:17, “Sapagkat, Hawak Niya ang atingbuhay, pagkilos, at pagkatao.”
Ang Diyos ay na kay Josue ng siya ay nasa pagsubok. Ganun din kay Daniel at kay David. Pero bakit tinalikuran Niya si Jesus? Ang dahilan kung bakit Siya tinalikuran ay para tayo ay hindi talikuran ng Ama. Dumaan Siya sa kadiliman para makalapit tayo at makasumpong ng liwanag. Dumaan Siya sa pag-iisa para sa atin.
III. Ang Pinaka Dakilang Misteryo - Ang Pagkabulag ng mga tao sa Krus sa katotohanan
Pero sa tingin ko ang pinaka dakilang misteryo sa lahat na nakita sa salita na ito ay yung pagkabulag ng mga tao sa katotohanan doon sa krus. May mga tao sa krus na nakarinig sa iyak ni Jesus. – Sundalo at iba pa. Narinig nila ang iyak Niya, “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). Pero bulag sila. Sabi nila, “Tinatawag Niya si Elijah” (tal. 47); “Tignan natin kung darating si Elijah” (tal. 49). Pero ang katotohanan hindi Niya tinatawag si Elijah. Binabanggit Niya ang sinasabi sa Awit 22:1. Sila ay bulag sa Salita… sa katotohanan. Kung sila ay hindi bulag sa Salita malalaman sana nila na ito ay mula sa Awit 22:1, “o Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?”Pati iyung nasa Awit 22:2, “Araw-gabi‟y tumatawag ako sa iyo, O Diyos, di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.” Nadoon na sila sa oras ng kadiliman at nagliwanag narin ang Kanyang Salita sa kanila, ngunit hindi nila ito nauunawaan. Sabi sa talata 7-8, “7 Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin, inilalabas ang kanilang dila at sila‟y pailing-iling sa akin. 8 Sabi nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito, darating ang kanyang saklolo!” Sa talata 18, “Mga damit ko‟y kanilang pinagsugalan, at mga saplot ko‟y pinaghati-hatian.” Hindi nila nakita ang katuparan ng mga talatang ito. Grabeng pagkabulag ito. Bulag sila sa mga talata; bulag sila sa tagapagligtas; bulag sila sa kanilang mga kasalanan.
Naniniwala ako na kayo ay hindi na bulag ngayon sa espirituwal na katotohanan. Walang gustong umuwi na madilim. Walang Kristiyano ang uuwi na madilim. Sa halip…
Kawikaan 4:18
“Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway, tumitindi ang liwanag habang nagtatagal”
Dapat na magliwanag ang kaluwalhatian ng Magandang Balita sa puso mo at patuloy na nagliliwanag sa patuloy na tapat at buong pusong pag sunod kay Kristo.
________________________________________________________________
Pondering the Principles
1. Ang mga nilikha ng Diyos ay sumusunod sa Kanya, anong hamon ang makikita natin mula dito? Sa Exodo nakita natin na nag karoon din ng tatlong araw na kadiliman bago ang paghukom ng Diyos sa Egipto, at marahil marami pa tayong mga kakilala sa buhay na nasa kadiliman pa at maaaring maabutan sila ng araw ng paghatol ng Diyos. Kaya ito’y hamon na maibahagi mo sa kanila ang Magandang Balita bago pa mahuli ang lahat. Nakita natin na natapos na ni Jesus ang trabahong pinapagawa sa Kanya ng Diyos. Kamusta naman ang trabaho na pinapagawa sa iyo? Manalangin na katulad ni Jesus ay maging seryoso tayo na ipagpatuloy na ipahayag ang Magandang Balita sa mga tao.
2. Ano ang mga dahilan kung bakit tinalikuran ng Ama ang Anak sa krus? Ano ang pinapakita nito sa atin? Alam nating ang nakay Kristo ay hindi iiwanan at laging kasama ang Diyos. Ano ang magiging resulta ng mga katotohanang ito sa ating buhay pagsunod kay Kristo?
3. Basahin ang mga talatang ito: Roma 1:21; 2 Corinto 4:4; Efeso 4:18. Pano nabubulag ang mga tao patungkol sa katotohanan ng Diyos? Basahin ang Roma 12:2. Papaano patuloy na magliliwanag sa atin ang katotohanan mula sa Diyos at masunod ang Kanyang kalooban? Idalangin na patuloy na paliwanagin ng Diyos sa iyo ang Kanyang kalooban at masunod ito sa araw-araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento