Mga Koleksyon ng tagalog na araling Kristiyano na makakatulong sa paglago, pagdidisipulo, personal na pag-aaral at pag-tuturo.
Huwebes, Abril 7, 2022
Seven Last Words - Ama, sa mga kamay Mo’y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu (Part 7 of 7)
Into Thy Hands I Commend My Spirit
“Ama, sa mga kamay Mo’y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!”
Scripture: Lucas 23:46
Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Warren Wiersbie na Jesus’ Seven Last Words
Intro:
May isang kasabihan tayo na maririnig na, “Hindi ka talaga tunay na handang mabuhay kung hindi ka handang mamatay.” Usapang kamatayan tayo ngayon; marami ayaw ito pag–usapan. Kaya naman lahat ng bagay na ginagawa sa mundong ito ay panlaban sa kamatayan. Nag-aaral ang marami para matuklasan ang iba’t ibang gamot sa sakit. Nag hahanap buhay upang hindi mamatay sa gutom. Nag hahanap ng magandang tahanan para sa kaligtasan. May gumagawa ng masama upang mabuhay. Ngunit ang kamatayan ay isang pangyayaring hindi matatakasan ninuman. Ito ay nakatakda sa bawat isa sa atin at tanging ang Diyos lang ang nakaka-alam. Ito ang dakilang bagay sa buhay ng mga Kristiyano, ang makilala si Jesus na Tagapagligtas. Meron tayong katapangan na harapin ang kamatayan. Sabi ni Pablo, “O kamatayan nasan ang iyong kamandag.”
Maraming mga taong takot mamatay at hindi natin sila masisisi. Ngunit nakakapagtaka na may mga nagsasabing Kristiyano na takot parin mamatay. Kaya naman sa pag-aaral nating ito ay maging daan nawa ito upang tayo ay mapalakas at maalis sa atin ang takot sa kamatayan. Ang ika-pitong salita ni Jesus sa krus ay nagsasabi sa atin patungkol sa kamatayan at kung paano Siya namatay.
Lucas 23:46
“Sumigaw nang malakas si Jesus, „Ama, sa mga kamay Mo‟y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!‟ At pagkasabi nito, nalagot ang Kanyang hininga.”
Mula rito titignan natin ang apat na katangian mula sa Kanyang kamatayan.
I. Tunay Siyang Namatay
Siya ay tunay na namatay. Hindi ilusyon ang Kanyang kamatayan. Si Jesus ay tunay na may katawang panlupa at naranasan Niya ang kamatayang nararanasan ng mga tao bilang isang taong walang kasalanan. Alam ni Jesus kung paano lumaki; alam Niya ang kumakain; Alam Niya ang uminom at matulog, At alam din Niya kung ano ang pakiramdam ng mamatay. Siya ay tunay na namatay. Ang Kanyang kamatayan ay tunay. Sinigurado ng mga opisyal na Siya’y tunay na patay na. Nang sinuri nila ang katawan ni Jesus at matiyak na patay na ito hindi na nila binali ang Kanyang mga binti. (Juan 19:33) Nang hiningi at kukunin na nila Jose na isang mayamang lalaki at ni Nicodemus ang bangkay ni Jesus kay Pilato upang bigyan ng disenteng paglilibing, nagulat si Pilato na si Jesus ay patay na (Marcos 15:44). Kilala ang mga opisyal ng Romano sa pagpatay at ito ay tiniyak nila na patay na nga talaga si Jesus. Ang mga ebidensya na mababasa natin sa Magandang Balita ay sapat para paniwalaan nating Siya’y tunay na namatay.
Hindi Siya nahimatay lang o nag patay-patayan tapos nang nasa libingan na ay nagkamalay Siya at sinabi Niya na muli Siyang nabuhay. Bakit napakahalaga na malaman natin o mapatunayan natin na Siya ay tunay na namatay? Una, upang pabulaanan ang mga kumalat na paniniwala nang ilang mga religious group na Siya ay hindi tunay na namatay at ang Kanyang muling pagkabuhay ay isang kasinungalingan. Pangalawa, upang matupad ang kautusan na magdudulot sa atin ng pag-asa.
1 Corinto 15:54-58
54 ...”Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”
55 “Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.
57 Magpasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tayo‟y binigyan Niya ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!
58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa Kanya.”
Natikman ni Jesus ang buong karanasan ng kamatayan. Nakasagupa Niya ang huling kaaway – ang kamatayan – at buong tapang Niya itong hinarap. Diba may mga nakikita tayo na kung gusto nating hindi matakot ang bata pinapakita muna natin na tayo ang unang gagawa. Hindi tayo dapat matakot sa kamatayan dahil pinakita ni Jesus na ito’y Kanyang napagtagumpayan.
II. Namatay Siya ng may Buong Pagtitiwala
Sabi Niya, “Ama, sa mga kamay Mo‟y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!” (Lucas 23:46). Ngayon, bakit? May titignan tayong tatlong bagay dito:
A. Ang Presensya ng Ama
Namatay Siya ng may buong pagtitiwala at dahil nasa Kanya ang presensya ng Ama. Sa krus tatlong beses Niya dinirekta sa Diyos ang Kanyang salita:
Una, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Pangalawa sa pang-apat na salita, “Ama, Ama, bakit Mo Ako pinabayaan” (Mateo 27:46).
Pangatlo sa huling salita, “Ama, sa mga kamay Mo‟y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!” (Lucas 23:46).
Sa una, sa kalagitnaan, at ng katapusan ng Kanyang paghihirap ay nanalangin Siya sa Ama. Alam ni Moises yung pakiramdam na ito. Sabi niya, “Panginoon kung hindi Ka lang din namin kasama sa lupang pangako wag nalang.”
B. Ang Pangako ng Ama
Namatay Siya na may buong pagtitiwala dahil sa pangako ng Ama. Ang mga sinabi ni Jesus ay nag mula sa Awit 31:5 “Sa Iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay. At sa aki’y ibibigay ang Iyong kaligtasan; Ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.” Syempre hindi kailangan na maligtas ni Jesus dahil wala naman Siyang kasalanan at hindi Niya kailangang iligtas. Inangkin lamang Niya ang mga talatang ito upang ipakita na pinagkakatiwala Niya ang Kanyang buhay sa Diyos. Kung mapapansin natin at babalikan: makikita natin na yung tatlong pagkakataon na nanalangin si Jesus sa Ama ay mula sa mga ilang talata sa Banal na Kasulatan:
Una, yung, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34) – ito ay katuparan ng Isaias 53:12.
Pangalawa, “Ama, Ama, bakit Mo Ako pinabayaan” (Mateo 27:46) – ginamit Niya ang sa Awit 22:1.
Pangatlo, “Ama, sa mga kamay Mo’y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!” (Lucas 23:46) – tinupad Niya ang Awit 31:5.
Mula rito nakita natin na si Jesus ay nabubuhay sa Salita ng Diyos. Kung tayo ay nabubuhay sa Salita ng Diyos, mamatay tayo sa Salita ng Diyos. Ano yung mapapanghawakan mo para maranasan mo ang mamatay na may buong pagtitiwala? Ang ating tanging katiyakan ay ang Salita ng Diyos.
C. Ang Proteksyon ng Ama
“Ama, sa mga kamay Mo‟y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!” (Lucas 23:46).
Sa maraming oras hawak ng mga kaaway si Jesus. Ang mga kamay ng mga makasalanan ang bumugbog sa Kanya. Ang mga kamay ng mga makasalanan ang pumunit sa Kanyang damit. Ang mga kamay ng mga makasalanan ang nag lagay ng koronang tinik sa Kanyang ulo. Ang mga kamay ng mga makasalanan ang nag pako sa Kanyang mga kamay. Ngunit nang dumating Siya sa katapusan ng Kanyang ginawa, hindi na Siya hawak ng mga makasalanan; Siya ay nasa kamay na ng Ama. Namatay Siya ng may buong pagtitiwala dahil Siya ay nasa kamay na ng Ama.
Awit 31:8
“Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway.”
Awit 31:15
“Ikaw ang may hawak nitong aking buhay, iligtas mo ako sa taga-usig ko’t mga kaaway.”
III. Namatay Siya ng Maluwag sa Loob
Sa isang banda makikita natin na si Jesus ay pinatay. Sabi ni Pedro sa Gawa 2:23, “Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama.” Ngunit sa kabilang banda, hindi Siya pinatay, dahil Siya ay namatay ayon sa Kanyang pagnanais. Sabi sa Juan 10:17, 18, “17 Dahil dito’y minamahal Ako ng Ama, sapagkat iniaalay Ko ang Aking buhay upang ito’y kunin Kong muli.18 Walang makakakuha ng Aking buhay; kusa Ko itong ibinibigay. Mayroon Akong kapangyarihang ibigay ito at kuning muli. Ito ang utos na tinanggap Ko sa Aking Ama.”
Bago Niya ibigay ang Kanyang buhay, pinatawad Niya ang Kanyang mga kaaway. Bago Niya ibigay ang Kanyang buhay, binigyan Niya ng kaligtasan ang nagsising magnanakaw. Bago Niya ibigay ang kanyang buhay, kinalinga Niya ang Kanyang nanay. Bago Niya ibigay ang Kanyang buhay, tinapos Niya ang trabahong pinagkatiwala sa Kanya ng Ama.
Hindi ko alam kung gaano pa loloobin ng Diyos na tayo ay mabuhay. Bawat araw, at minuto ay isang kaloob ng Diyos ayon sa Kanyang biyaya. Gaano tayo kahandang mamatay gaya ni Jesus? Kailangan tayong mamuhay na wala na tayong taong hindi pa pinapatawad. Siguro naman ayaw nating mamatay na may tao pa tayong hindi pa pinapatawad. Siguro ayaw din nating mamatay na wala pa tayong na babahaginan ng kaligtasan patungkol kay Jesus. O hindi pa natin nababahagi si Kristo sa buhay ng ating mga mahal sa buhay. Nawa ang hangarin natin ngayon ay dumating tayo sa huli ng ating buhay na may kaluwagan sa ating loob na ipagkatiwala na sa Diyos ang ating buhay, dahil natapos natin o nagawa natin yung bagay na pinapagawa sa atin ng Diyos.
2 Timoteo 4:7
“Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang aking pakikipaglaban, natapos ko ang aking pakikipaglaban.”
IV. Namatay Siyang Matagumpay
“Ama, sa mga kamay Mo‟y ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu!” (Lucas 23:46).
Natapos na ni Jesus ang trabaho na binigay sa Kanya ng Diyos at nang ibigay Niya ang Kanyang Espiritu maraming himala tayong nakita pagkatapos nito. Una, yung tabing sa templo ay napunit mula taas hanggang baba. (Mateo 27:51). Pangalawa, nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang mga maraming namatay. (Mateo 27:52). Ito ay mga Mananampalatayang namatay sa Lumang Tipan. Sila ay muling nabuhay mula sa “paraiso” o “Abraham’s bossom.” Dahil walang makakapunta sa langit kundi sa pamamagitan lang ni Jesus. Sinisimbulo ng mga mga himalang ito ang katagumpayan ni Jesus mula sa kasalanan (pagkapunit ng tabing) at katagumpayan sa kamatayan (nagbukas na libingan). Tapos nakita din nating lumindol ng Siya ay mamatay (tal. 51).
Ito ay nag papaalala sa atin sa mga kaganapang nangyari din sa Exodo 19:18, na kung saan lumindol sa bundok Sinai ng bumaba ang Diyos at binigay ang kautusan. Pero itong lindol na ito ay hindi kapahayagan ng takot dala ng kautusan. Ito ay kapahayagan ng katuparan ng kautusan. Namatay si Jesus na tagumpay, na pagtagumpayan ang kasalanan, kamatayan at impyerno.
Mula sa mga napag-aralan natin, nagkaroon tayo ng may buong pagtitiwala na mamatay, na may katiyakan na tayo ay makakapunta sa tahanan ng Ama. Pwede tayong mamatay na may pangako tayong mapangahawakan mula sa Salita ng Diyos na magdudulot ng biyaya at kalakasan. Nalalaman natin ngayon na tayo ay mamatay sa pinakaligtas na lugar sa mundo - sa kamay ng Diyos.
Juan 10: 27, 28
"27 Nakikinig sa Akin ang Aking mga tupa; nakikilala Ko sila, at sumusunod sila sa Akin. 28 Binibigyan Ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma’y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa Akin ninuman.”
__________________________________________________________
Pondering the Principles
1. Ano kahalagahan sa atin na mapatunayan na si Jesus ay namatay? Natatakot ka ba mamatay? Bakit? Bakit maraming takot mamatay? Masasabi mo bang ikaw ay handa nang harapin ang kamatayan ano mang oras? Nang mapagtagumpayan ni Jesus na harapin at talunin ang kamatayan, anong bagay ang naidudulot nito sa ating damdamin bilang mananampalataya?
2. Gaano kahalaga sayo ang presensya ng Diyos? Ano ang ginagawa mong hakbang para maipakita mo ang pananabik mo sa presensya ng Diyos? Bakit mahalaga na may pinanghahawakan ka na pangako ng Diyos? Anong mga pangako ng Diyos ang napapanghawakan mo kapag ikaw ay natatakot sa kamatayan? Dahil hawak ng Diyos ang buhay ng mga mananampalataya, ano ang maidudulot nito sa ating damdamin patungkol sa kamatayan?
3. Muli, gaano ikaw kahanda sa kamatayan tulad ni Jesus? May mga hindi pa ba tayong napatawad? May mga nabahagian ka na ba ng Magandang Balita at na disipulo? Masasabi mo na rin ba ang mga sinabi ni Pablo bago siya mamatay? ”Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang aking pakikipaglaban, natapos ko ang aking pakikipaglaban,” (2 Timoteo 4:7). Kung hindi ka pa handa, ano ang mga bagay na dapat mong gawin o babaguhin sa iyong buhay? Gumawa ng commitment. Ipanalangin ito sa Diyos.
4. Muli, anu-ano ang mga dahilan kung bakit hindi dapat matakot ang isang mananampalataya sa kamatayan? May mga kakilala ka ba na takot sa kamatayan? Ano ang magagawa mo para mawala ang takot na ito sa kanila? Ipanalangin sa Diyos ang mga taong ito at hilingin na bigyan ka ng katapangan at pagkakataon na maibahagi ang Magandang Balita sa kanila.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)
Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...
-
Ang Ano, Bakit, at Paano ng Paggiging Disipulo Equip To Serve Class Baliktanaw: Sa biyaya ng Diyos, nakita natin nakaraan kung ano ang...
-
Father, Forgive Them “ Ama, patawarin Mo sila ” Scripture: Lucas 23:33, 34 Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas Mula sa aklat ni Warren Wiersbie...
-
The Reliability of the Bible (Part 2 of 4) Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas Mula sa CCF – GLC 3 1 Pedro 3:15 “Igalang ninyo si Kristo mula sa ...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento