Huwebes, Abril 7, 2022

Seven Last Words - Naganap na (Part 6 of 7)


It Is Finished
Naganap na!
Scripture: Juan 19:30
Tinuro ni Pastor Arnel Pinasas
Mula sa aklat ni Warren Wiersbie na Jesus’ Seven Last Words


Intro:

Sa pag-aaral natin nakita natin yung matinding hirap na dinanas ni Jesus 
sa krus. Kaya naniniwala ako na wala sa atin na gugustuhing maranasan ang hirap na dinanas ni Jesus. Pero ngayon ginawa nating palamuti ang krus. Pinaganda at ginawang alahas. Pero kailangan nating alalahanin na ang ibig sabihin ng pagkapako ay kahihiyan, paghihirap at karumaldumal na uri ng kamatayan. Pero syempre ito ay nagpapaalala rin sa atin ng pag-ibig at pag-sunod ni Jesus. Sabi sa Filipos 2:8, “nagpakumbaba Siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan, sa krus.”

Ang pang-anim na Salitang ating pag-aaralan ngayon ay nakatala sa Juan 19:30, “Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi Niya, “Naganap na!” Iniyuko Niya ang Kanyang ulo ay nalagot ang Kanyang hininga.”

Nakakatuwa dito hindi Niya sinabi na, “Tapos na Ako.” Hindi ito sigaw 
ng pagkatalo; ang sinigaw Niya ay “Naganap na!” – Ito ay sigaw ng katagumpayan. Nagulantang si Satanas ng ito ay isinigaw ni Jesus sa krus. Sa buong kasulatan makikita natin ang tangkang paghadlang niya sa pagdating ni Jesus at nang Siya ay nabuhay nakita natin ang buong tangka Niya na ito ay maipapatay sa pag-aakala na mahahadlangan niya ang plano ng Diyos sa kaligtasan ng mga makasalanan. Akala niya na nagtagumpay siya nang maipako si Jesus sa krus. Dahil naniniwala ako na kung alam ito ni Satanas ay pipigilan niyang makarating si Jesus sa krus para mamatay.

Maraming bagay ba kayo na sinimulang gawin na hindi tinapos? Ako, 
maraming mga bagay na sinimulan kong ginawa na hindi ko natapos, tulad ng pagbasa at drawings. Pero si Jesus nakita natin na sa katapusan ng ministeryo Niya ay nasigaw Niya ang dakilang katagumpayan, Naganap na!” Dahil dito, Ikaw at ako ay nagkaroon ng katiyakan sa kaligtasan. Titignan natin ang tatlong importanteng katotohanan sa Salita na ito – “Naganap na!” (Juan 19:30).

I. Ang Pamilyar na Salita

Ang sinigaw ni Jesus sa wikang Griego ay “TETELASTAI.” Maaaring 
hindi ito pamilyar na salita sa atin ngayon. Ngunit sa panahon nila itong salitang ito ay pamilyar at madalas na nagagamit. Ang mga Archaelogists ay naghuhukay at nag hanap ng maraming sinaunang Griyegong dokumento para makatulong sa atin na mas maintindihan ang Bibliya. Maraming mga tao ang nag-iisip na ang wikang griyego sa Bagong Tipan ay isang espesyal na “banal na wika.”Ang alam lang natin ay ang wikang griyego ay ang pangkaraniwang wika ng mga tao noong panahon na iyon. Yung salitang, “Tetelestai” – “Naganap na” – ay hindi isang makalangit na salita – kahit na meron siyang magandang makalangit na ibigsabihin. Muli ito ay isang pamilyar na salita. Saan saan nga ba ito nagagamit ang salitang ito sa panahon nila?

A. Lingkod
Kung titignan natin sa Greek lexicons, makikita natin na ang salitang ito ay madalas gamitin ng mga lingkod at alipin. Ang isang panginoon ay mag-uutos sa kanyang alipin o may ipapagawa ito sa kanya. At matapos na gawin ito ng kanyang lingkod o alipin, babalik ito sa kanya at sasabihin – “Tetelastai” – “natapos ko na po yung pinapagawa mo sa akin.”

Ngayon, meron tayong pangkaisipan na ang ibig ng sabihin ni Jesus, ay 
Siya ang naghihirap na lingkod ng Diyos. Ipinaalam sa atin ng Filipos 2, na si Jesus ay pumarito bilang isang lingkod. Hindi Siya pumarito bilang isang Diyos kundi bilang lingkod, hindi bilang pinuno kundi isang alipin. Meron Siyang gawaing dapat gawin sa pagparito Niya sa mundo. Sabi Niya sa Juan 17:4, “natapos Ko na ang ipinapagawa Mo sa Akin.”

B. Pari 
Nagagamit din ang salitang ito ng mga pari sa panahon nila. Dinadala ng mga Judio yung mga handog nila sa mga pari para suriin nila, dahil bawal sa batas nila na mag handog sa altar ng Diyos na may kapintasan. Pagkatapos nilang suriin ang handog sasabihin nila na, “Ito ay perpekto.” Syempre ang ginagamit nila na salita ay Hebreo or Aramaic, pero ito ay parehas sa “tetelastai” kung isasalin sa griyego.

Ito ay nagpapakita din sa atin na si Jesus ay ang perpektong handog para 
sa ating mga kasalanan. Paano natin malalaman na Siya ay perpektong handog? Sapagkat sinabi ng Ama. Noong si Jesus binautismuhan, ano ang sabi ng Ama sa Matteo 3:17? “Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan!” Sinasabi nito sa atin na si Jesus ay katanggap-tanggap sa Ama. Nakita natin yung tatak ng pagtanggap ng Diyos na bumaba kay Jesus sa anyo ng isang kalapati (tal.16). Kahit ang mga demonyo ay kumikilala na si Jesus ay tunay na Anak ng Diyos sa Mateo 8:28-29. Kahit ang mga kaaway ni Jesus na gustong mag papatay sa Kanya kumailangan pang magbayad para mag paratang ng kasinungalingan laban kay Jesus dahil sila mismo ay hindi makakita sa Kanyang buhay ng mali Niyang nagawa. Maging ang Kanyang mga alagad walang naiparatang sa Kanya. Walang nagsilbing saksi sa kanila na narinig nila si Jesus ng kasinungalingan o nakitaan nila ng gawang masama. Maging si Pilato nag sabi sa Lucas 23:4, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Si Judas na nag kanulo sa Kanya, ay nag sabi sa Mateo 27:4, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang taong wala ni anumang bahid ng kasalanan.”

Tetelastai! – Muli, ito ay ginagamit ng mga pari na ang ibig sabihin ay “Perpekto at walang kapintasang handog”

C. Pintor
Ang salitang ito ay ginagamit din ng mga pintor. Kapag natapos nila ang kanilang pinipinta, humahakbang sila ng isang hakbang patalikod sabay sabi, “Tetelastai” – Tapos na! Ibig sabihin, “Ang larawan ay kumpleto na.” Kapang nabasa mo ang Lumang Tipan, masasabi mong parang isang magulong larawan ito. Maraming bagay ka na makikita dito na parang walang kahulugan. Halimbawa sa pagsakripisyo ng kurdero; yung manna na tinapay galing sa langit; si Ruth na galing sa isang lugar na hindi kumikilala sa Diyos na napasama sa lahi ni Jesus. Kasama na rito ang mga seremonya, propesiya at mga ilang misteryosong simbulo. Tandaan kahit ang mga propeta ay nahirapan na maintindihan ang Lumang Tipan. Itong Lumang Tipan na ito ay parang gallery ng mga larawan ng Diyos na nakalagay sa anino. Napakaraming pahayag sa Lumang Tipan na tila kulang at mahirap intindihin. Pero ng dumating si Jesus, kinumpleto Niya ang larawan at binuksan ang ilaw. Si Jesus ang napakagandang kumumpleto sa pahayag sa Lumang Tipan.

Gusto ko yung eksena sa Lucas 24 na pagkatapos mamatay ni Jesus yung 
dalawa sa mga taga-sunod Niya ay naglalakad. Sinabayan sila ni Jesus. Nalungkot ang dalawa dahil sa nangyari kay Jesus. Pero anong sabi ni Jesus sa dalawa? Lucas 24: 25-27, “25 Sinabi sa kanila ni Jesus, ‘Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? 26 Hindi ba’t kailangang ang Kristo ay magtiis ng lahat ng ito bago Niya makamtan ang Kanyang marangal na katayuan?’ 27 At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa Kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.’”

Ang kalbaryo ang kumpletong larawan- Tetelestai – Tapos na! Kaya 
ngayon kung mababasa natin muli ang Lumang Tipan, kahit na maaaring marami paring hindi tayo maintindihan at mahirap maintindihan, dahil na kilala natin si Jesus, maliwanag na sa atin ang magandang plano ng Diyos sa atin. Nakita na natin ang kumpletong larawan na ipininta ng Diyos.

D. Mangangalakal
Maging ang mga mangangalakal ay gumagamit ng salitang ito. Para sa kanila ang ibig sabihin nito ay, “Ang utang ay bayad na” – wala ng pagkakautang – nabayaran na! Parang ganito yan, sa panahon natin kapag bumili ka ng produkto sa mga mangangalakal bibigyan ka niya ng resibo. Yung resibo na yun ay parang nagsasabi ng, “Tetelastai” – bayad na - bayad na ang utang.

Ikaw at ako, bilang makasalanan ay may pagkakautang sa Diyos, at wala 
tayong magagawa para mabayaran ito. Sinuway natin ang mga batas ng Diyos at nagkasala sa Kanya. Sabi sa Roma 6:23, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” Pero dumating si Jesus upang bayaran ang ating pagkakautang sa Diyos. Tinubos Niya tayo sa ating mga kasalanan.

Iyan ang ibig sabihin ng TETELASTAI. Muli, ito ay pamilyar na Salita:
- Ang lingkod ay tapos na sa kanyang trabaho
- Ang perpektong handog ay naihandog na
- Ang larawan ay tapos na
- Ang utang ay nabayaran na


II. Ang Tapat na Tagapagligtas

Pangalawang importanteng katotohanan: Ang Tapat na Tagapagligtas. 
Pumarito Siya upang gawin ang dakilang gawain, ang gawain ng pagliligtas. Noong Siya ay 12 taong gulang, ano sabi Niya sa Lucas 2:49, Ako‟y dapat na mamalagi sa bahay ng Aking Ama?” Sa Juan 2:4, sa kasal sa Cana, ang sabi Niya, “Hindi pa ito ang tamang panahon.” Sa Juan 4:34 ang sabi Niya, “Ang pagkain Ko’y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa Akin at tapusin ang ipinapagawa Niya sa Akin.” Doon sa pagbabagong anyo ni Jesus sa bundok, nakipag usap si Jesus kina Moises at Elijah tungkol sa, “nalalapit Niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem,” (Lucas 9:310). Isang araw sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Lucas 12:50, “May isang bautismo na dapat Kong danasin, at Ako’y nababagabag hangga’t hindi ito nagaganap.” Sa panalangin ni Jesus para sa Kanyang mga alagad ang sabi Niya sa Juan 17:4, “Inihayag Ko na sa lupa ang iyong karanggalan; natapos Ko na ang ipinapagawa Mo sa Akin.” Sa lahat ng ito nakita natin na buong buhay Niya ay buong katapatan Niyang ginawa ang pinapagawa ng Diyos sa Kanya. Ito ang magdadala sa atin sa huling katotohanan.


III. Ang Tapos na Trabaho

Muli, ang “Tetelestai,” ay isang pamilyar na salita, na sinabi ng isang 
tapat na Tagapagligtas, patungkol sa natapos na trabaho. Lahat ng propesiya patungkol sa Kanya at ang Kanyang gawa sa krus ay tapos na. Simula sa Genesis 3:15, o yung tinatawag na “protoevangelium,” (Gk. “protos” - first; “evangelion” - good news or gospel) makikita ang kauna-unahang propesiya patungkol kay Jesus, pinangako ng Diyos na ang Taga-pagligtas ay darating at tatalunin si Satanas. Lahat ng bagay na nilalarawan sa tabernakulo, sa kaparian, sa mga handog, sa mga kagamitan - ang lahat ng ito ay tapos na at natupad na.

Nang mamatay na si Jesus napunit ang tabing sa tabernakulo sa dalawa, mula taas hanggang baba. Anu ang ibig sabihin nito? Sa Lumang Tipan hindi makakapasok ang mga tao sa kabanal banalan kung saan nakalagay ang Arko ng Tipan. May tabing na nakaharang. Walang makakapasok sa atin dahil sa ating mga kasalanan dahil sa pagsuway natin sa batas ng Diyos. Ngunit na tapos ang lahat ng ito. Napunit ang tabing – ibig sabihin ang tao ay pwede ng makapasok o makalapit sa presensya ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Ibig sabihin nito tapos na ang Panahon ng Batas.

Maraming tao ang takot na panghawakan ang katotohanang ito at 
naniniwala na dapat parin nating gawin ang mga kautusan ni Moises para maging ganap ang kaligtasan. Sila yung mga tinatawag na, Hebrew root. Halimbawa, nakikita parin na hindi dapat suwayin ng mga Kristiyano ang kautusan na Sabbath worship. Sabi nila na sinabi ni Jesus na Siya ay pumarito hindi para suwayin ang kautusan kundi upang gawin ang mga nasa kautusan. At binabasa pa nila ang sinasabi sa Lucas. 4:16 na araw ng Sabbath ng pumunta si Jesus sa synagogue para mag turo. Syempre inaasahan natin na gagawin Niya ito dahil Siya ay nabuhay pa sa ilalim ng kautusan. Sabi sa Galacia 4:4, “Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak. Isinilang Siya ng isang babae at namuhay sa ILALIM NG KAUTUSAN.”At kailangan Niyang tuparin ang lahat ng kautusan na bagay na hindi nagawa ng kahit sinumang taong nabuhay upang patunayang Siya lang ang tanging karapat-dapat na makagawa ng kaligtasan.

Sabi sa Colosas 2:13-14, “
13 Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na makasama ni Kristo. Pinatawad Niya ang ating mga kasalanan at 14 pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi Niya ang lahat ng ito nang ipako Siya sa krus.” Kaya hindi na tayo nabubuhay sa ilalim ng kautusan – tayo ay nasa ilalim na ng panahon ng biyaya.

May isang lalaking lumapit kay Alexander
Wooton na isang evangelist. Nag tanong ang lalaking ito sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin para maligtas. Napansin niya na ang lalaki ay hindi seryoso. Ang sagot niya ay, “Huli na ang lahat!” Sabi ng lalaki, “Hindi, hindi, ano ang dapat kong gawin para maligtas?” Muli sabi niya, “Huli na ang lahat! Dahil tapos na ito!” Ito ang mensahe ng Magandang Balita – Ang gawa ng kaligtasan ay tapos na. Hindi na kailangang saktan pa ang sarili, o kung ano anong mga bagay pa ang dapat gawin.

Pinaliwanag ng Hebreo ang kumpletong gawa ng kaligtasan.
Hebreo 9:26-28; 10:4, 12, “26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit na Siya‟y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang Siyang nagpakita, ngayong matatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na Kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na sila’y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin naman, si Kristo‟y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya‟y muling darating upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa Kanya…10:4 sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan. 12 Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan at pagkatapos ay umupo na sa kanan ng Diyos.”

Dahil ang kaligtasan ay tapos na, hindi tayo dapat mag tangka na 
dagdagan pa ang kaligtasan. Meron lang isang daan ng kaligtasan - ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa natapos na gawa ng ating Panginoong Jesus. Nang mamatay si Jesus, iniyak Niya, “Tetelestai” – Naganap na!”

________________________________________________________________

Pondering the Principles

1. Kung si Jesus ay pumarito bilang isang lingkod na may dapat gawin, 
nakikita mo ba na ikaw din ay isang lingkod ng Diyos? Ano ang tungkulin ng isang lingkod? Ano ang pinapagawa sayo ng Diyos? Yamang nalaman natin na tayo’y tinubos ni Jesus sa tiyak na kamatayan sa impyerno sa pamamagitan ng Kanyang dugo, ano ang maibubunga ng mga katotohanang ito sa iyong pagsunod kay Jesus? Gumawa ng commitment. Gawin mo ang mga nagawa mong commitment. Ipanalangin na tulungan kang Diyos sa pagsasabuhay ng mga commitment na ito.

2. Nakita natin ang buong buhay ni Jesus bilang isang tapat na lingkod 
hanggang kamatayan. Suriin mo ang iyong buhay simula nang ikaw ay sumampalataya kay Kristo. Maging tapat sa bagay na ito. Nakikita mo ba ang katapatang pagsunod katulad ng ibinuhay ni Jesus? Ano ang mga dahilan kung bakit nangyayari ang mga ito? May mga bagay ka ba na dapat baguhin, alisin o idadag sa buhay mo? Manalangin ng pagsisisi at kapatawaran kung may pagkukulang na nagawa at ipanalangin na bigyan ka ng pusong tapat katulad ni Jesus.

3. Nalaman natin na tayo ngayon ay hindi na nasa ilalim ng kautusan – 
ang kautusan ni Moises. Na ang pagsunod sa kautusan ay hindi daan upang tayo ay mapabilang sa mga ligtas dahil ang kaligtasan ay tapos na. Nangangahulugan din ba nito na wala na tayong gagawin pag naligtas? Ngunit ano ang papel ng kutusan at mabuting gawa sa buhay ng isang mananampalataya? Papaano tinatanggkang dagdagan ng mga tao ngayon ang natapos nang kaligtasan na ginawa ni Jesus? Ipanalangin ang mga taong ito na sila ay mamulat sa katotohanan at sumampalataya lamang kay Jesus.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...