Pakikipaglaban Para sa Pagsasamang Mag-asawa (1 of 7)
Ang Hubad na Pagsasama
Basahin: Genesis 2:18-25
Mula kay Pastor Arnel Pinasas
Dumating sa punto ng pagsasama naming mag-asawa ang paghihiwalay. Sa awa ng Diyos nang kami ay muling pinag-ayos ng Panginoon ang isa sa una naming napagbulayan at natutunan sa aming couple devotion patungkol sa aming muling pagsasama ay ang kapagyarihan ng, “Hubad na Pagsasama.” Maaaring ang nasa-isip nyo na pag-uusapan natin ngayon ay patungkol sa pagtatalik, pero meron pang ibang makikita nating magandang katotohanan tungkol dito. Tunay na ang sekswal na aspeto ng ating kasal ay dapat na isang malaking priyoridad, pero tandaan natin na ang tunay na magpapalalim sa ating pagsasama ay higit pa sa kung ano ang nangyayari sa kwarto. Sa aklat ng Genesis, binigyan tayo ng kwento ng unang kasalan na nangyari sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang pagsasama nila ay walang katulad sa lahat ng kinasal dahil sila ay nagsama sa panahon na walang utang, walang biyenan, walang anumang dalahin, walang away, at higit sa lahat walang ding damit!
“Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.” (Genesis 2:25).
Nang itinala ng Diyos sa Bibliya ang hubad na kasal, naniniwala ako na may hinahayag Siya na bagay sa atin na higit pa sa sekswal na pagsasama; ipinapahayag Niya ang kahalagahan ng buong transparidad - na walang tinatago at maaaring malantad ang lahat sa isa’t isa sa ating pagsasama. Hindi ibig sabihin nito na literal na maghuhubad tayo sa harap ng ating asawa, kundi ang nais kong makita natin dito ay yung mas maging intensyonal muli sa pag konekta sa tunay na malalim na pagsasama na gaya ng naranasan nila Adan at Eba sa hardin ng Eden. Kailangan nating sabihin at ipaalam sa asawa natin ang lahat-lahat kahit ang mga pinakatago-tago natin na kasalanan, kahinaan, at mga iba pang pangit na bagay sa ating buhay.
Kung sabagay ang kalikasan ng pag-ibig ay katapatan, at ito ay higit na mahalaga sa sagradong pagbuklod ng pagtitiwala sa kasal. Kapag hindi kayo nabubuhay sa isang hubad na pagsasama sa paraang nilayon ng Diyos, nilalagay ninyo ang inyong mga sarili sa napakadelikadong mga tukso. Ang mga tuksong iyon ay humahantong sa maraming madidilim na landas.
Ito ang minsan naming naranasan sa aming pag-sasama. Ang madalas ng pagtago namin sa isa’t isa ng mga sa tingin naming na maliliit lang na pagkakasala ay humantong para mapunta kami sa mas malaking kasalanan na dahilan ng pagkasira ng aming pagsasama. Nang sa biyaya ng Panginoon na kami ay muling nagkaayos at nagsama napag-usapan namin at muling binalikan ang umpisa ng lahat at nakita ang maling ugali ng pagtatago at pagtakip ng aming kanya kanyang sarili sa isa’t isa. Kaya pinagpasyahan namin na mas maging hubad kami sa isa’t isa. Kahit na crush palang o munting pag-hanga sa ibang tao ay pinagtatapat na namin upang matulungan at hindi na maging malaking kasalanan pa na aalagaan.
Noong una akala ko ay magiging madali ito para sa amin, ngunit habang mas ginagawa namin ito ay nararamdaman namin ang sakit sa puso ngunit mas nagiging madali naman sa amin na tulungan ang isa’t isa at mas magtulungan na harapin na magkasama ang kanya kanyang kahinaan na pinagdadaanan.
Maaaring binabasa mo ang lahat ng ito at napapa-isip kung paano ka posible na maibalik ang pagsasama matapos ang ganoong uri ng pag-uugali o pangyayari. Nangyari ito dahil sa napakalaking biyaya mula sa Diyos sa aming pag-sasama. Naligtas lang at naayos muli ang aming pagsasama dahil handa kaming lumikha ng lugar sa aming pag-sasama kung saan maaaring muling mabuo ang pagtitiwala at ang paggaling ay maaaring magsimula.
Sa puntong ito mahalaga na makita natin na hindi natin maaayos ang anumang kahinaang meron tayo sa kapangyarihan ng ating sariling kakayahan, kailangan nating makausap ang ating asawa at magka-isa na magtulungan. Makakatulong din ang mag karoon ng mga taong tutulong sa atin na mahimok at mapanatili ang pananagutan at palaging mananalangin para sa atin.
Ngayon bago matulog ay sabay kaming nag aaral ng Salita ng Panginoon at pagkatapos ay ginagawa namin ang “hubad na kasal” – kung meron ba kaming dapat ipagtapat na pagkilos ng kaaway sa aming sarili.
Kung sa inyong pagsasama ngayon ay tila tumigil dahil sa isang gulo o hindi magandang pangyayari, ang isang dahilan ay maaaring may mga sikreto na kailangang ihayag. Iyahag ninyo ang diablong kumikilos sa inyong sarili at pagsasama at huwag siyang itago. Magugulat ka sa kapangyarihan ng katapatan at biyaya. Hayaang malayang dumaloy ang katotohanan at pagpapatawad sa inyong pagsasama, at malalampasan ninyo ang anumang pagsubok na darating sa inyo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento