Biyernes, Abril 29, 2022

Ang Ebanghelyo ng Kasaganaan (Prosperity Gospel)

Ang Ebanghelyo ng Kasaganaan (Prosperity Gospel) 


Itinuturo ng Ebanghelyo ng Kasaganaan (prosperity Gospel) na kilala rin sa tawag na "Word of Faith" na ang mananampalataya ay maaaring gamitin ang Diyos para sa sariling kapakanan samantalang ang itinuturo ng Biblikal na Kristiyanismo ay ang kabaliktaran - ang Diyos ang gumagamit sa mga mananampalataya. Sa teolohiya ng "Word of Faith", itinuturing nila na ang Banal na Espiritu ay isang kapangyarihan na magagamit ng isang mananampalataya sa anumang paraan na kanyang maibigan. Sa kabilang banda, itinuturo naman ng Bibliya na ang Banal na Espiritu ay isang Persona na nagbibigay sa mananampalataya ng kakayahan upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang katuruang ito ay kagaya ng mga mapanirang sekta na nagtutulak sa tao upang maging gahaman noong panahon ng unang iglesia. Hindi kailanman sinang-ayunan ni apostol Pablo at ng iba pang mga apostol ang mga bulaang guro na nagpakalat ng ganitong hidwaang pananampalataya. Itinuring nila ang mga bulaaang gurong ito na mapanganib at inutusan ang mga mananampalataya na iwasan sila at kanilang mga katuruan.

Pinag-iingat ni Pablo si Timoteo sa mga ganitong klase ng tao sa 1 Timoteo 6:5; 9-11. Ang mga taong ito na may maruming pag-iisip at ginagamit ang pakunwaring kabanalan para magkamit ng kayamanan ngunit sila rin ang "magdadala sa kanilang sarili sa kapahamakan". Ang pagnanais ng kayamanan ay isang mapanganib na daan para sa isang Kristiyano na siyang pinaiiwasan ng Diyos.
"Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan." (1 Timoteo 6:10). Kung ang kayamanan ang layunin ng mga mananampalataya sa mundong ito, naging mayaman sana si Hesus ng Siya'y magkatawang tao. Ngunit hindi Niya ginawa iyon, sa halip ay pinili Niya ang buhay na salat na kaya nga't wala man lang lugar na mapagpahingahan ang Kanyang ulo (Mateo 18:20). Ang mga apostol ay ganito rin ang itinuturo. Matatandaan na tanging si Hudas lamang ang alagad na may interes sa kayamanan.

Itinuro ni Pablo na ang pagiging gahaman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan (Efeso 5:5) at tinuruan niya ang mga taga Efeso na iwasan ang sinuman na nagtuturo ng imoralidad at paghahangad ng mga materyal na bagay (Efeso 5:6-7). Itinuturo ng mga guro ng prosperity gospel na hindi makakakilos ang Diyos sa buhay ng isang mananampalataya kung hindi nila Siya pahihintulutan. Ang pananampalataya ayon sa katuruan ng "Word of Faith" ay hindi mapagpakumbabang pagtitiwala sa Diyos kundi isang pormula upang imanipula ang mga espirtwal na batas na ayon sa kanila ay namamahala sa sangnilikha. Gaya ng isinasaad ng titulong "Word of Faith", ang kilusang ito ay nagtuturo na ang ating kakayahang sumampalataya at hindi ang isang dapat sampalatayanan ang mahalaga.

Isang paboritong termino ng "Word of Faith" ay ang positibong deklarasyon o "positive confession." Ito ay tumutukoy sa katuruan na ang mga salita ng tao ay may kapangyarihang lumikha. Ayon sa kanilang katuruan, kung ano ang sinasabi ng isang tao ay iyon ang siyang lilikha sa mga bagay bagay na kanyang ginugusto para sa kanyang buhay. Ang pagdedeklara ng tao sa isang bagay na gusto niyang mangyari ng walang pag-aalinlangan ang magtutulak sa Diyos upang gawin kung ano ang kanyang kagustuhan. Kailangan lamang diumano na maging positibo ang isang tao at malakas ang pananampalataya. Dahil doon ang Diyos ay kailangang kumilos (na parang ang tao ay karapatdapat na tumanggap ng kahit ano sa Diyos). Kaya nga, ang kakayahan ng Diyos na magpala sa tao ay nakadepende sa pananampalataya ng tao. Sinasalungat ng Santiago 4: 13-16 ang katuruang ito,
"Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo: kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi. Sapagka't ang dapat ninyong sabihin ay, kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon. Datapuwa't ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga pagpapalalo: ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay masama." Napakalayo sa katuruan ng Bibliya ang katuruan na ang pagsasalita ng isang bagay ang magpapangyari sa mga bagay sa hinaharap, ni hindi nga alam ng tao kung ano ang mangyayari bukas at ni hindi rin niya alam kung buhay pa siya bukas.

Sa halip na bigyang diin ang kahalagahan ng kayamanan, nagbabala ang Bibliya laban sa pagkakamal nito. Ang mga mananampalataya, lalo"t higit ang mga lider ng iglesya (1 Timoteo 3:3) ay dapat na maging malaya sa pag-ibig sa salapi (Hebreo 13:5). Ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan (1 Timoteo 6:10). Sinabi ni Hesus
"Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya" (Lukas 12:15). Salungat sa katuruan ng Word of Faith na binibigyang diin ang kasaganaan sa pananalapi at ng tinatangkilik sa buhay, sinabi ni Hesus "Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw" (Mateo 6:19). Ang hindi mapagkakasundong pagkakaiba sa katuruan ng "Prosperity Gospel" at ng Ebanghelyo ni Hesu-Kristo ang buod ng mga pananalitang ito ni Hesus "Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan" (Mateo 6:24).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Name of God: Fortress - "Kapangyarihan ng Imahenasyon" (102 of 366)

Name of God: Fortress Kapangyarihan ng Imahenasyon Basahin: Kawikaan 18:10-16 (102 of 366) “Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlu...