Ang Ateismo (Atheism)
Ang ateismo ay ang hindi paniniwala na mayroong Diyos. Ang ateismo ay hindi isang bagong paniniwala. Isinulat ni David sa Mga Awit 14:1 noong mga 1,000 taon bago dumating si Kristo, "Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios". Isinasaad ng mga bagong datos na dumarami ang bilang hanggang 10 porsyento ng mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos sa buong mundo. Bakit kaya parami ng parami ang mga taong nagiging ateista? Ang ateismo ba ang makatwirang paniniwala gaya ng mga inaangkin ng mga ateista?
Bakit mayroong ateismo? Bakit kaya hindi na lamang ipakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga tao upang patunayan na Siya ay hindi isang kathang isip lamang? Inaakala ng iba na tiyak na ang lahat ay maniniwala sa Kanya kung Siya ay magpapakita. Ang problema ay hindi lamang gusto ng Diyos na maniwala ang tao na mayroong Diyos. Ang kagustuhan ng Diyos ay maniwala ang tao sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya (2 Pedro 3:9) at tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya ang Kanyang kaloob na kaligtasan (Juan 3:16). Pinatunayan ng Diyos ang Kanyang katotohanan ng maraming beses sa Lumang Tipan (Genesis 6-9; Exodus 14:21-22; 1 Mga Hari 18:19-31). Naniwala ba ang mga tao noon sa Kanya? Oo. Sila ba'y tumalikod sa kanilang masasamang gawa? Hindi. Kung hindi handa ang isang tao na tanggapin ang katotohanang mayroong Diyos sa pamamgitan ng pananampalataya, hindi rin siya handang tanggapin si Hesus na kanyang tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9). Ang nais ng Diyos ay maging tagasunod Niya ang mga tao hindi lamang maniwala na mayroong Diyos.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang pagkakaroon ng Diyos ay dapat tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Sinsabi sa Hebreo 11:6 "At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap." Ipinalaala sa atin ni Hesus na mapalad tayo kung tayo ay naniniwala kahit hindi natin Siya nakita. "Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't Ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya." (Juan 20:29).
Ang pagkakaroon ng Diyos ay dapat tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi mapapatunayan na mayroong Diyos. Maraming mahusay na argumento upang patunayan ang pagkakaroon ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya na ang pagkakaroon ng Diyos ay pinatutunayan ng sangkalawakan (Mga Awit 19:1-4), ng kalikasan (Roma 1:18-22), at ng atin mismong mga puso (Mangangaral 3:11). Ang mga ito ay nagpapatunay na mayroong Diyos, at kailangan itong tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya.
Sa isang banda, mas kailangan ng malaking pananampalataya upang paniwalaan ang teorya na walang Diyos. Ang pagsasabi ng tiyakan na "walang Diyos" ay pag-angkin na nalalaman ng isang tao ang dapat niyang malaman sa lahat ng bagay at siya ay nakarating na sa lahat ng panig ng kalawakan at nakita na ang mga bagay na hindi pa nakikita ng mata. Totoo na walang ateista ang mangangahas na mag-angkin ng ganito. Ngunit, sa esensya, ito talaga ang kanilang inaangkin sa pagsasabi na walang Diyos. Hindi kayang patunayan ng isang ateista na ang Diyos ay hindi pwedeng tumira sa gitna ng araw, o kaya nama'y sa mga ulap ng Jupiter, o kaya'y sa isang malayong tala. Dahil ang mga lugar na iyon ay hindi kayang abutin ng tao upang obserbahan, hindi kaya ng tao na patunayan na walang Diyos. Kaya nga mas kailangan ng malaking pananampalataya upang paniwalaan na walang Diyos kaysa paniwalaan na mayroong Diyos.
Hindi kayang patunayan ng mga ateista ang kanilang pinaniniwalaan at ang pagkakaroon ng Diyos ay dapat tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Natural na ang mga Kristiyano ay naniniwala na mayroong Diyos at tinatanggap na ang paniniwala sa pagkakaroon ng Diyos ay nangangailangan ng pananampalataya. Ngunit sa kabila nito, tinututulan natin ang ideya na hindi kayang patunayan ang pagkakaroon ng Diyos. Naniniwala tayo na ang pagkakaroon ng Diyos ay malinaw na nakikita, nararamdaman at mapapatunayan sa pamamagitan ng pilosopiya at siyensya.
Sinasabi sa mga Awit 19:1-4 "Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng Kaniyang kamay. Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita,at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman. Walang pananalita o wika man; Ang kanilang tinig ay hindi marinig. Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay Niya ang tabernakulo na ukol sa araw" (Mga Awit 19:1-4).
(Mula sa gotquestion.org)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento